X
SUBMIT STORIES

The Gift

angel.in.distress
angel.in.distress

The Gift

By angel.in.distress


 

 

This is a work of fiction. This is just a pure product of imagination. Whatever similarities in real life are just mere coincidence and it has nothing to do with the names, places, and events appeared in the story.

 

—————-

 

“Honey, hindi ko kaya ang sinasabi mo. Ikaw ang bestfriend niya so dapat ikaw ang magbigay o mag-abot sa kanya.”

 

Nakaupo siya sa aking tabi, patuloy na umiiling iling at nagmamakaawa na bawiin ko ang sinabi ko sa kanya. Hinawakan ko ang kamay niya.

 

“Please, gusto kong ikaw ang mag-abot ng espesyal na regalo ko kay Annabelle. For sure matutuwa yun dahil noon pa man ay kuya na ang turing niya sayo simula ng maging tayo, Albert.”

 

Bigla niyang binawi ang kamay niya na hawak hawak ko at biglang napakunot noo.

 

“Honey, ano bang nangyayari sayo? Ngayon naman, tinawag mo na ako sa pangalan ko. Di ba napag usapan na natin ito na walang ibang itatawag kundi Honey at hindi natin tatawagin ang isa’t isa sa pangalan. At kapag tinawag sa pangalan, ibig sabihin nun, may problemang dapat pag-usapan. Nababaliw ka na ba Honey? Tapatin mo ko. May problema ba? Ano ba kasi ang nakain mo at bakit ito ang pinapagawa mo sa akin?”

 

Napayuko ako at biglang nagtakip ng mukha. Pinipigilan kong bumuhos ang aking mga luha. Antagal bago nabasag ang katahimikan.

 

“Pag ginawa mo ang ipinag-uutos ko, papayag na ako sa matagal mo ng inuungot sa akin, ang matikman ang katawan ko, ang mabuntis ako at makapagsimula ng pamilya kahit hindi pa tayo kasal. Alam kong noon pa man ay gustong gusto mo ng magkapamilya pero ako lang itong umaayaw dahil feeling ko, hindi pa tayo handa. Pero ngayon, sige papayag na ako.”

 

Ngumiti siya sa akin, tiningnan mabuti at hinalikan sa aking mga labi.

 

“Mahal na mahal kita, honey. Alam mo naman kung gaano ako kasidhing magkapamilya na tayo. Pagkagraduate pa lang natin noong kolehiyo, iyan na ang hiniling ko sayo. Pero sabi mo, gusto mo munang mag abroad kahit 3 years para at least may ipon tayo. Huwag kang mag-alala, may matatag naman na akong trabaho bilang engineer sa isang malaking kumpanya.”

 

Ngumiti lang ako sa kanya.

 

“Gagawin ko ang lahat honey. Ganyan kita kamahal. Maano lang bang ako ang mag-abot ng regalo mo sa bestfriend mo. Sa wakas, magkikita na din kayo. Simula nung dumating ka, hindi ka pa nagpakita sa kanya.”

 

“Oo. Sinadya ko talagang hindi magpakita sa kanya para espesyal yung pagkikita namin sa birthday ng bestfriend ko. Kaya hanggang ngayon, hangga’t maaari, puro tawag na lang muna kami. Sabik na din akong makakuwentuhan siya. Tatlong taon kaming di nagkita at malamang kulang ang isang linggo sa dami ng aming pagkukuwentuhan.”

 

————-

 

Ilang gabi ding hindi ako nakatulog sa kakaisip. Mahal na mahal ko ang bestfriend ko at ang gusto ko, pinakaespesyal sa lahat ng mga regalo ang regalo ko sa kanya. Kada birthday niya ay hindi ko nakakaligtaang magbigay ng regalo sa kanya kahit pa nasa South Korea pa ako. Kaya ngayon, pinag-isipan kong mabuti ang regalong karapat-dapat sa kanya na walang sino man sa mundong ibabaw ang makakapagbigay kundi ako lang. Ganyan ko kamahal ang bestfriend ko.

 

—————–

 

Apat na araw ang dumaan at isang araw na lang ay birthday na ni Annabelle.

 

Biglang tumunog ang aking phone. Tinignan ko ito at si bestfriend ang tumatawag. Nagdadalawang isip ako kung sasagutin ko ba o hindi.

 

Kalauna’y mas pinili ko pa ding sagutin ang kanyang tawag. Kilala ko na si bestfriend. Hindi yan titigil hangga’t hindi ko sinasagot.

 

“Hello beshy, antagal mong sagutin ha. Busy ka na naman ba kay kuya Albert?”

 

Hindi muna ako sumagot. Nagpakawala muna ako ng buntong hininga at saka sumagot, “Hello beshy, napatawag ka. May problema ba.?

 

“Grabe ka beshy. Problema agad??? Di ba puwedeng miss na miss na kita kasi di ka pa nagpapakita since nung dumating ka mula South Korea. Feeling ko tuloy, wala akong pasalubong mula sayo.”

 

Ang ingay-ingay sa kabilang linya. Malamang sa malamang ay busy ang mga tao sa kanilang magarbong bahay para sa paghahanda ng kanyang kaarawan. Kada selebrasyon niya ay bumubuhos ang pagkain. Pero netong nakaraang mga birthday niya ay di man lang ako nakadalo gawa ng trabaho ko. Ilang beses akong nagpaalam sa boss ko pero hindi talaga ako mapagbigyan.

 

“Siyempre may pasalubong ka beshy. Ikaw pa ba eh bestfriend kita. To make it special, si Albert ang mag-aabot sayo habang nagbibigay ako ng speech.”

 

“Oh talaga beshy???? si kuya Albert pa talaga ha??? Parang pinaghandaan mo naman ang pagkikita natin beshy. Pati regalo ko eh, mukhang special pa ha. Ako na yata ang pinakamaswerteng bestfriend sa mundong ito dahil ikaw ang naging bestfriend ko. Lagi mo talaga akong pinasasaya.”

 

Damang-dama ko ang ligaya sa boses ni bestfriend habang nakikinig ako sa kanya. Totoo naman kasi na ako ang bestfriend niya at naging kuya na niya si Albert at ganun din naman si Albert sa kanya na tinuring na siyang nakababatang kapatid. Magkapatid na ang turingan nila simula ng maging kami nung kolehiyo.

 

Isa na sigurong rason doon ang pagiging unica hija ni bestfriend dahil sa naoperahan sa matris ang mommy niya sa ikalawang pagbubuntis niya at sa kasamaang palad, hindi na siya pwede pang magbuntis muli.

 

Samantalang si Albert naman, namatay ang mama niya sa panganganak sa kanya. Hindi na din nakapag-asawa ng bago ang papa niya.

 

“Sige beshy, kailangan ko ng ibaba ang call kasi kailangan na kailangan ako ni mama at ate ngayon. May tinatapos kasi kami dito sa shop para wala ng gagawin bukas at makapunta ako sa birthday mo.”

 

Hindi ko na inantay na sumagot pa si bestfriend. Ayaw kong marinig niya ang paggaralgal ng boses ko.

 

————-

 

Buong gabi kong pinag isipang mabuti ang sasabihin ko sa bestfriend ko. Nagawa ko pang isulat ang mga sasabihin ko ng sa gayon ay hindi ako malito.

 

Kinabukasan, bandang alas singko pa lang ng hapon ay naghahanda na ako. Nakasuot na sa akin ang black dress na binili ni Albert nung isang araw.

 

Nakapaglagay na din ako ng pulbos, konting make up at lipstick. Noon pa man ay wala na talaga akong kahilig hilig sa paglalagay ng kung ano-anong kolorete sa aking mukha.

 

Paikot ikot ako sa harap ng salamin at pansamantalang napatitig ako sa repleksiyon ko. Spaghetti strap ang suot ko at nakalantad ang mapuputi kong hita. Tinernuhan ko gintong kuwintas na may pendant na letrang M. Ito ang regalo sa akin ng ama ko nung ako ay magdebut.

 

Naalala ko tuloy nung ilang beses din akong kinukuha na maging muse ng koponan namin ng basketball nung high school at college ako pero lahat ng mga iyon ay tinanggihan ko. Halos hindi ko maisip ang sarili ko magsusuot ako ng maiiksing palda o shorts at nakalantad ang pusod habang pumaparada sa school o kalsada pero heto ako ngayon at suot suot ang bestidang itim na animo’y lantad na ang katauhan ko.

 

Di naglipat minuto ay narinig ko na ang pagtawag ni Albert sa labas. Dali dali kong kinuha ang regalo ko at nagmamadaling lumabas. Dala ni Albert ang sasakyan niya.

 

“The most beautiful girl in the world is in my front right now

and I am the luckiest guy.”

 

“Bolero ka talaga. Tayo na at baka ma-late pa tayo.”

 

Kahit sa daan ay hindi matigil-tigil ang pambobola niya.

 

“You look so gorgeous honey.”

“The dress fits you perfectly.”

“For sure, ikaw ang pinakamaganda sa party ng bestfriend mo.”

“I love you forever honey.”

 

Tawa na lang ako ng tawa sa mga sinasabi niya. Pero dama ko sa kaloob looban ng puso ko ang ligalig na patuloy na lumulukob sa akin.

 

Nakarating na kami sa bahay ng bestfriend ko. Tulad ng inaasahan, isa na namang napakagarbong selebrasyon ang inihanda para kay Annabelle.

 

Mostly na mga andoon na ay mga kaklase namin noong high school at college. Kaya parang taon taon na din ang reunion namin. Yun nga lang sa mga nakalipas na taon ay wala ako gawa ng trabaho ko sa South Korea.

 

Meron ding mga bisita mula sa mga katrabaho ni Annabelle pati din sa mga kasosyo ng mommy at daddy niya.

 

Dumiretso agad kami ni Albert sa umpukan ng mga tropa namin dahil hindi ko pa makita ang beshy ko. Pihadong abala pa yun sa paghahanda sa sarili niya.

 

Kantiyawan agad ang mga kalalakihan pagkakita sa amin. Andiyan na may pumoporma at nagpapapansin. Proud na proud at pangiti ngiti na lamang itong si Albert. Kilala na niya kasi ang mga ito. Kuwentuhan lang ng kuwentuhan lang kaming magbabarkada.

 

Nagsimula na ang kasiyahan. Bakas sa mukha ng bestfriend ko ang galak na nadarama. Napakaganda niya sa gabing ito. Suot ang cocktail dress na mula pa sa isang sikat na designer dito sa Pilipinas. Off-shoulder na pula, may malalim na neckline at hapit na hapit sa kurbada ng kanyang katawan. Above the knee naman ang cut neto na may maliliit na puting bulaklak at mga dahon dahon sa laylayan na mas lalong nagpatingkad sa kanyang kaputian at lantad na lantad ang mahahaba niyang mga hita. Kita sa mukha lalo na ng mga kalalakihan ang paghanga nila sa bestfriend ko. Talaga naman kasing nagniningning at namumukadkad sa ganda si Annabelle ng gabing iyon.

 

Sumagi tuloy sa isip ko, pag tinanggihan ko ang alok sa akin na maging muse, automatic na siya ang kinukuha agad. Lalo na nung kolehiyo kaya tuloy andaming nanliligaw sa bestfriend ko.

 

Isa-isang nagbigay ng mensahe ang mga piling bisita at nagbigay na din ng mga naglalakihang mga regalo.

 

Titig na titig ako sa hawak kong kulay brown na kahon na binalutan ko ng pulang laso. Napangiti ako dahil tamang-tama ang napili kong kulay ng ribbon.

 

Pero napalitan agad yun ng pagmumuni muni ko. Sa tinagal naming magkaibigan, ito na siguro ang pinakaespesyal na regalo na maibibigay ko sa kanya. Iniisip ko pa lang ay alam ko ng maglulundag siya sa tuwa. Umagos ang ilang butil ng luha sa aking pisngi. Kasabay ng pagtakbo ng imahinasyon ko ay naramdaman kong tinatapik-tapik na ako ni Michaella.

 

“Hoy anong nangyayari sayo?!? Bakit ka umiiyak? Kanina pa ako tapik ng tapik sayo pero parang anlayo na ng nilipad ng utak mo.”

 

“Masaya lang ako para sa bestfriend ko Michaella. Naging saksi ka sa lahat ng mga pinagsamahan namin diba? Ngayon lang ulit kami magkikita pagkatapos kong mag abroad.” nasambit ko na lang.

 

“Oo nga. Tatlong taon din yun. Eh ano, magpapakasal na ba kayo ni Albert? May matatag na din naman na kayong trabaho at pwedeng pwede na kayong magsimula ng bagong pamilya.” Si Michaella.

 

“Wala pa kaming konkretong plano pero huwag kang mag-alala, isa ka sa mga una kong sasabihan kasi isa ka sa mga bridesmaids.”

 

“Asahan ko yan ha. Agahan mo ang pagsabi para makapaghanda agad ako ng regalo ko para sayo. Oh siya, tinatawag ka na sa harapan Maureen. Ikaw na ang magbibigay ng message sa bestfriend mo.”

 

Pagkasabi ni Michaella ay siya namang pag-aya sa akin ni Albert. Kinuha niya ang kamay ako. Naglakad kami paharap.

 

Ewan ko ba pero bakit biglang naging tahimik ang paligid. Binulungan ko ang boyfriend ko.

 

“Kunin mo ang regalo ko at tumayo ka sa tabi ni bestfriend. Antayin mo ang signal ko.”

 

Labis man ang pagtataka ay sumunod na lamang si Albert.

 

Para akong nakatitig sa kawalan. Puro maningning na mga ilaw ang nakikita ko. Hawak hawak ko ang mikropono at halata ang panginginig ng mga kamay ko. Ganunpaman, nagsimula akong magsalita.

 

“Happy birthday beshy. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko ngayong gabi pero gusto ko lang malaman mo na mahal na mahal kita.”

 

“Paano nga ba tayo nagkakilala?”

 

“Grade 3 tayo noon. Transferee ka lang sa school. Bandang tanghali yun at bigla ko na lang narinig ang malakas mong pagpalahaw. Kinuha pala ni Richard at John ang pencil case mo at nagtatakbo sila. Eksaktong nasa may pintuan ako noon at bigla kong nahablot ang metersick ni Mrs. Tejada at yun ang inihambala ko sa dalawa. Ihahampas ko sa kanila pag di binalik sayo ang gamit mo. Takot na takot ang dalawa kaya ibinalik naman ang pencil case mo.”

 

Tawanan lahat ng mga nakikinig.

 

“Simula noon, naging magkaibigan na tayo. High school at college, tayo ang naging magkasama at magkasangga.”

 

Lumandas ang ilang patak ng mga luha ko sa aking mga pisngi pero hindi pa ako tapos magsalita. Napatingin ako sa nobyo ko. Nakatitig siya sa akin. Parang gusto niyang lumapit sa akin at yakapin ako.

 

“Ako ang naging tagapagtanggol mo everytime na may mang-aaway o manggugulo sayo. Kahit nga nasa South Korea na ako ay ako pa din ang tatawagan mo para ipagtanggol kita. Pero masaya ako kasi kahit magkalayo tayo, tayo pa din ang nagdadamayan. Kaya ngayong gabi, marapat lamang na ibigay ko sayo ang pinakaespesyal na regalo.”

 

Tuluyan na ngang bumagsak ang libo libong luha sa aking mata. Animo’y may bukal at di mapigil ang pag alpas ng tubig. Tumakbo palapit sa akin si Michaella para iabot ang tissue. Pahikbi hikbi ako sa pagitan ng pagsasalita ko pero patapos na din.

 

“Ngayong kaarawan mo bestfriend, ay ibibigay ko ang pinakaespesyal na regalo ko sayo.”

 

“Albert, iabot mo ang regalo kay Annabelle.” Napatitig si Albert sa akin. Pero bumaling din siya agad ng tingin kay Annabelle pagkasabi ko ng:

 

“Bestfriend, ikaw ang magbukas ng regalo.”

 

Magkaharap na ang dalawa. Nanginginig na binubuksan ni Annabelle ang regalo. Ewan pero bakit parang hindi niya maipaliwanag ang kanyang nararamdaman. Magkahalong excitement at kaba. Napansin agad ito ni Albert kaya tinulungan niyang buksan ang regalo.

 

“Walang laman?!”

 

Puno ng pagtataka ang mukha ni Annabelle at bigla ding napalingon sa akin si Albert. Halos di maipinta ang mukha niya sa kadahilanang hindi rin niya alam kung bakit walang laman.

 

Maririnig na din ang mga bulong-bulungan sa mga tao. Wala na akong magawa kundi ituloy ang aking pagsasalita dahil halos lahat na ng mga mata ay nakatitig na sa akin.

 

“Oo bestfriend, wala talagang laman yan. Dahil ang regalo ko ay nasa iyong harapan.”

 

Mas lalong lumakas ang mga bulungan. Patuloy din ang paglaglag ng butil butil na luha sa aking mga mata.

 

“Ang boyfriend ko ay boyfriend mo din pag wala ako. Dahil diyan, ipinauubaya ko na siya sayo. Hangad ko ang kaligayahan ninyo.”

 

~WAKAS~

angel.in.distress
Latest posts by angel.in.distress (see all)
Subscribe
Notify of
guest


2 Comments
Most Voted
Newest Oldest
Inline Feedbacks
View all comments
Libog Stories
error: <b>Alert:</b> Content is protected, bawal kopyahin!