Author: ppinoy
Abril 1, 202_.
“Supremo, hindi ba kayo makikisalo sa kanila?” tanong ng lalaki sa may pintuan.
Nilingon nito ang nagtanong mula sa kanyang pagkakatayo sa may bintana, kung saan niya dinudungaw ang mga tinutukoy ng lalaki. Mula sa ikatlong palapag ng kanyang mansyon ay tinatanaw niya ang pitong babaeng masayang nagtatampisaw sa kanyang malawak na swimming pool.
“Bababa na din ako mamaya. Sige, samahan mo muna sila duon at susunod na din ako.”
Hinintay niyang muling sumara ang pinto bago siya muling humarap sa bintana at pinanood ang kanyang mga bisita. Bisita? Hindi, naisip niya. Hindi mga bisita ang mga babaeng ito. Sila ang kanyang mga alagad, ang mga tagapag-patupad ng mithiin na naka-atang sa lahat ng kasapi ng samahan na kanyang kinabibilangan. Bagaman isa lamang siya sa isang daan at isang kasapi na nakakalat sa buong mundo, nais niyang maging matagumpay ang kanyang kontribusyon sa kanilang adhikain.
Matagal ng nalugmok ang sangkatauhan sa samu’t-saring kasalanan. Ito ang pananaw ng kanilang samahan. At dahil dito, nais nilang imulat at gisingin ang sanlibutan upang ituwid ang kanilang mga pagkakamali at mamuhay ayon sa nararapat at itinakda. Upang matupad ito, inatasan silang isang daan ng kanilang pinakamataas na pinuno na magsibalik sa kani-kanilang bansa at sabay-sabay na gawing ehemplo ang pitong nilalang na kanilang pipiliin na nagkasala ayon sa Saligia.
Ayon sa kanilang napagkasunduan, isang daang nilalang ang nakatakdang gawaran ng kaparusahan kada buwan, at ito ay tatagal ng pitong buwan, hanggang sa mamulat ang sanlibutan mula sa ehemplo ng pitong daang tao sa buong mundo na kanilang napiling parusahan. Mula ng magbalik siya sa bansa halos isang taon na ang nakalilipas, agad niyang inumpisahan ang paghahanda sa adhikaing ito. Nabuo sa isip niya ang pamamaraan kung papano niya ipapatupad ito. Dahil sa kanyang angking katalinuhan at kayamanan ay naging madali sa kanya upang ihanda ang kanyang mga kailangan. Naging maswerte siya dahil sa kanyang pag-uwi sa bansa ay nakilala niya ang piloto ng pribadong jet na kanyang ginamit, at ito ang itinakda niyang maging sugo upang mangalap ng mga kakailanganin niyang tauhan, at hindi siya binigo nito.
Nag-umpisa ito sa pagkuha ng isang babaeng maganda, mapang-akit, matalino, at higit sa lahat at maaaring makapanghikayat ng iba pa. Ang babaeng ito ang pinagtuunan ng tingin ngayon ng Supremo at nangiti ito. Tamang-tama ang pagkakapili ng kanyang sugo sa babaeng ito. Kung tutuusin, mas nahirapan pa siyang mapasunod ang babae kaysa sa kanyang sugo. Kinailangan lang ng piloto ng konting patak ng kemikal na hinalo niya sa iniinom nitong alak habang nag-uusap sila sa isang bar, na sinundan ng kanyang hypnotic suggestion upang agad itong mapasunod sa kanyang iniuutos. Ang babaeng ito, sa isang banda, ay pilit nilalabanan ang kanyang mga kemikal at hypnotismo, at ilang linggo din ang lumipas bago tuluyang napasailim sa kanyang kapangyarihan ang isang ito.
Naging madali na ang pagkuha sa anim pang kababaihan sa tulong ng dalawa. Lahat ng mga ito ay sumailalim sa kanyang pamamaraan ng kontrol. Sa panlabas ay tila matino at may sarili silang pag-iisip, nguni’t sa pagbigkas ng ilang piling kataga mula sa kanya ay napapasunod niya ang mga ito sa kahit anong ipagawa niya. Wala naman siyang balak pagsamantalahan ang mga kababaihan dahil hindi ito ang layunin ng kanilang adhikain, nguni’t upang masiguro na buo ang kanyang kontrol sa kanila ay ginamit niya ang kanyang kapangyarihan hindi lang upang maangkin ang katawan ng mga babaeng ito, kundi ipagawa sa kanila ang mga bagay na hindi nila gagawin kung sila’y nasa wastong katinuan.
Alam niyang hindi pa rin lubusang perpekto ang kanyang sistema, kung kaya’t nitong huling tatlong buwan ay pinagsama-sama na niya ang pito sa isang bahay. Malawak ito, may kanya-kanyang silid ang bawa’t isa. Malaya silang gawin ang nais nila – lumabas, mamasyal, at kahit anong pwedeng gawin ng isang normal na babae. Nguni’t ang hindi nila maiwasang gawin ay ang umuwi sa bahay na iyon pagkatapos ng kanilang mga lakad. Meron siyang tinalagang chef upang ipagluto ang mga ito, at lahat ng kanilang kinakain at iniinom ay laging may kahalong kemikal upang mapanatili ang kanyang kontrol sa mga ito. At kada linggo ay nagtutungo ang mga ito sa kanyang opisina upang magpa-“therapy”. Ang alam ng mga babae ay isa siyang psychologist na tinutulungan silang maisaayos ang kanilang pamumuhay matapos ang kanilang mga pinagdaanan sa buhay. Lingid sa kanilang kaalaman ay bahagi ng “therapy” na ito ay ang patuloy na mga hypnotic suggestions upang ihanda sila sa kanilang mga gagampanang papel.
Noong nakaraang linggo ay nakatanggap siya ng e-mail mula sa kanilang pinuno. Handa na ang lahat, at inatasan silang umpisahan na ang kanilang adhikain sa pagpasok ng bagong buwan. Napili na niya ang pitong tao na kanyang gagawing ehemplo at parurusahan gamit ang mga kababaihang ito. Nitong nakaraang tatlong buwan, mula ng pinagbuklod niya ang mga ito sa iisang bahay, ay sinimulan na rin niyang “ipakilala” ang mga babae sa pitong nilalang na napili niyang sumailalim sa kaparusahan dahil sa paglabag sa adhikain ng kanilang samahan.
Ngayong dumating na ang hudyat, handa na siyang isakatuparan ang misyon na naka-atang sa kanya. Ayon sa kanilang pinuno, sa ika-labing tatlong araw ng susunod na buwan, magsisimulang gulantangin ng kanilang samahan ang buong mundo sa pamamagitan ng pagpaparusa sa isang daang katao dahil sa paglabag ng mga ito sa batas ng Saligia.
Pumikit siya, at marahang binigkas na parang mantra ang mga katagang: “Superbia, Avarita, Luxuria, Invidia, Gula, Ira, Acedia“
- Iggy Boy 6 - October 24, 2024
- DAYO - October 23, 2024
- Wet Part 13: Pasali - October 22, 2024