Written by AdobongLamok
“Rosie, bilisan mo! Naiiwan na nila tayo!” Tawag ni Vincent sa kababata.
“Ang bibilis nyo naman! Ayoko na!” Maktol ng munting paslit. Huminto ito sa pagtakbo. Tumalikod at naglakad pabalik.
“Rosie! Ano ba?!” Walang nagawa ang binatilyo kundi balikan ang kababata. Humarang ito sa harapan ng nagmamaktol na paslit at payukong ibinaba ang katawan.
“Lika na…” Anyaya nito.
Nagliwanag ang mukha ng paslit at agad sumampa sa likuran ni Vincent.
Tumayo ang binatilyo at mabilis na tumakbo para makahabol sa ibang mga kalaro na papunta ng munting burol. Ang paboritong palaruan ng mga magkababata.
Tuwang-tuwa naman si Rosie habang nakasakay sa likuran ng paboritong kalaro…
Isa lang ito sa maraming eksena sa alaala ng magkababatang sina Rose Ann at Vincent.
Limang taon lamang si Rose Ann dito habang si Vincent naman ay labing isa.
Anne ang totoong palayaw ni Rose Ann pero mas gusto syang tawaging Rosie ng kababata. Dahil daw mapupula ang mga pisngi nito…
===
After 7 years…
Sabay na naka-graduate ang magkababata. Si Anne sa elementary samantalang si Vincent ay sa high school.
Kapos sa pera ang pamilya ni Vincent. Pangatlo siya sa anim na magkakapatid at panganay sa mga lalaki. Kinailangan nitong huminto ng dalawang taon sa pag-aaral at tumulong sa ama sa bukid kaya naman nahuli ito sa pag-graduate. Nagpatuloy lamang ito nang gumanda ang ani at medyo nakabawi na sa kakapusan sa buhay.
Isang simpleng salu-salo lang ang meron sa bahay nila Vincent noong araw na yun. Pansit, isang buong lechon manok at juice. Pero masaya sya dahil makakapag-kolehiyo na rin sya sa susunod na pasukan.
Bago magsimula ang kainan ng pamilya ay naghiwalay muna si Vincent ng pansit at isang hita ng manok. Inilagay sa tupperware at itinabi…
*
Sa bahay naman nila Anne ay may malaking handaan.
Isa sa kilalang may kaya sa lugar ang pamilya nila dahil ang kanyang ama ay engineer sa Saudi at pagmamay-ari din nila ang pinakamalaking tindahan sa nayon.
Nag-iisang anak lamang ito at nataon na andun ang kanyang ama kung kaya’t pinagkagastusan talaga nilang mag-asawa ang pagtatapos ng anak sa elementarya.
Bukod dun ay second honor din ang anak nila kaya’t talagang proud ang dalawang magulang.
Nagpa-catering pa sila kaya kumpleto mula sa tolda, mga lamesa, silya at may mga lobo din.
Isang buong lechon baboy, pansit, spaghetti, lumpiang shanghai, fried chicken, beef caldereta, relyenong bangus, embutido, chopsuey, fruit salad, leche flan, sapin-sapin, puto, cake, juice at softdrinks ang pumupuno sa mahabang lamesa sa malawak na bakuran ng pamilya ni Anne.
Bukod sa pamilya at kamag-anak ay imbitado din ang mga kalaeo nito at mga kapit-bahay nila.
Nasa kalagitnaan na ng pagsasalo nang dumating si Vincent. Bitbit ang asul na plastic bag na naglalaman ng tupperware kung saan nilagay ang itinabing pansit at hita ng lechon manok.
Nakita agad sya ng ama ni Anne kaya’t nilapitan sya nito at inakbayan.
“Vincent! Pasok ka! Kumuha ka ng plato dun tapos kumain ka na…” Anyaya ng ama ni Anne. Iginiya sya nito papuntang lamesa.
“Salamat po, Mang Fred. Si Rosie po?” Si Vincent.
“Andun sa loob. Kanina ka pa hinihintay. Teka, tatawagin ko. Kumain ka na dyan.. Wag ka mahihiya.” Sabi ni Mang Fred sa kanya at pumasok na sa loob ng bahay.
Halos malula si Vincent sa dami ng pagkaing nakahain sa mesa. Dinaig pa nito ang fiestahan.
Nakaramdam sya ng hiya sa bitbit nyang kaunting pansit at isang pirasong hita ng lechon manok.
Maya-maya ay may narinig syang tumawag sa kanya.
“Vincent! Congrats sayo!” Masayang bati ni Anne sa kanya.
Nakasuot ito ng magandang bestida at suot pa ang medalya at mga ribbons na iginawad sa kanya sa pagtatapos ng elementarya.
“Uy, thanks! Congrats din sayo! Wow ang dami mong awards!” Nakangiting bati din dito ng binata.
“Hehe… Thanks din! Bakit di ka pa kumukuha ng pagkain? Kumain ka na. Kumuha ka ng kahit ano jan.”
“Ah. Busog pa ko. Naghanda din kasi si Nanay sa bahay. Dumaan lang ako para i-congratulate ka.”
“Ay… Sige na… Kahit konti lang.” Pagpipilit ng dalaga. Napatingin ito sa bitbit na plastic bag ng binata.
“Ano yang dala mo?” Tanong nito.
“Ah, ito? Ah… Pinapaabot nga pala to ni Nanay kay Aling Precy. Dumaan lang muna ako dito para batiin ka. Hehe.” Pagdadahilan ng binata. Tapos ay mahigpit na ibinuhol ang hawakan ng plastic bag.
“Sige na, Anne. Mauuna na ko. Ihahatid ko pa to.”
“Ganun ba? Ayaw mo talaga kumain?” Lumungkot ang ekspresyon ng dalagita.
“Babalik ako dito pagkahatid ko nito. Pramis!” Sabi ng binata.
Umaliwalas naman bigla ang mukha ni Anne.
“Talaga? Pramis yan ha. Hihintayin kita. Pag di ka bumalik, di na kita kakausapin kahit kelan.”
“Oo. Babalik ako agad. Sige, alis muna ako.” Naglakad na paalis ang binata.
“Sige. Ingat… Balik ka ha.” Pahabol ng dalagita.
“Oo. Bye muna…” Kaway ng binata sa kababata.
Kumaway din ang dalagita…
===
After 6 years…
Taliwas sa inaasahan ay di na nagawang pag-aralin si Vincent ng kanyang mga magulang sa kolehiyo. Gustuhin nya man na pag-aralin ang sarili ay di nya magawa dahil mas kinailangan sya sa bukid.
Si Anne naman ay nasa ikalawang taon na sa kolehiyo. Mas lalo itong gumanda at nagsisimula nang umaligid dito ang mga binata sa lugar nila.
Di naman nagbago ang relasyon nila ni Vincent. Napakalapit pa rin nila sa isa’t-isa. Siya ang madalas na naghahatid at nagsusundo dito dahil nasa bayan ang pinapasukan nitong unibersidad.
Malaki kasi ang tiwala sa kanya ng mga magulang ng dalaga. Ipinapagamit pa nito sa binata ang sasakyan nila kapag kailangang ihatid o sunduin si Anne.
Halos dalawang taon na rin mula nang magsimulang magtrabaho si Vincent sa kanila bilang katiwala ng tindahan.
Kahit angat sa buhay ay di naging matapobre o mapangmaliit sa kapwa ang mga magulang ni Anne. Galing din kasi sila sa hirap at kilala na nila si Vincent simula pa pagkabata nito.
Sa totoo lang ay botong-boto pa nga sila dito para sa anak dahil napakabait, napakagalang at napakasipag nito.
Matalino rin ito at maabilidad.
Di na nila kailangan pa ng mayamang mamanugangin dahil sa anak naman nila mapupunta ang lahat ng kanilang naipundar.
Ang kailangan nila ay yung siguradong magmamahal at mag-aalaga sa anak nila at mas magpapaunlad pa sa kabuhayang ipinundar nila…
=
Kasalukuyang nakasandal si Vincent sa SUV nila Anne na nakaparada sa labas ng unibersidad na pinapasukan ng dalaga.
Ngayon kasi ang araw ng uwi nito at sya ang pinakiusapang sumundo.
Signup, Chat, share and read more stories on our new website: www.libog-stories.com
Umuupa lang kasi ito sa isang dorm malapit sa unibersidad at umuuwi lang sa bahay nila tuwing weekends o kapag wala silang pasok.
Huminto na sa pangingibang bansa ang ama nya dahil sapat na ang ipon nito. Minsan ay si Mang Fred ang sumusundo dito lalo na kung gusto nilang mamasyal na magpamilya. Pero madalas ay abala ito sa negosyo kaya’t si Vincent ang naaatasang sumundo sa dalaga.
Malayo pa lang ay natanaw nya na si Rosie. Kinawayan nya ito at kumaway din ito habang naglalakad palapit sa kanya.
Agad nya itong sinalubong at kinuha ang bitbit na mga gamit.
“Kanina ka pa ba?” Tanong sa kanya ng dalaga.
“Hindi naman… Sa dorm nyo na ba tayo didirecho o may dadaanan ka pa?” Tanong din sa kanya ng binata.
“Ah… Di ako makakasabay sayo ngayon. Kasi may lakad kami ng classmates ko. May maghahatid naman sakin pauwi mamaya. Pakisabi na lang kina Tatay.” Sagot ng dalaga.
“Ha? Hindi ka pa nagpaalam sa kanila? Baka magalit sakin yun pag di kita kasama pauwi.”
“Hindi yun. Tatawagan ko sila maya-maya.” Sagot ni Anne.
“Saan ba yung lakad nyo? Sasamahan ko na lang kayo. Ako na maghahatid sa inyo.”
“Hindi na. May sasakyan naman kami. Saka baka matagalan kami dun.”
“Okay lang. Maghihintay ako.” Pagpipilit ng binata.
“Baka kailanganin nila Tatay yung sasakyan.”
“Nandun naman yung van saka delivery pick-up. Sasamahan na lang kita at baka mapagalitan nga ako.” Pagpipilit pa rin ni Vincent.
“Ay, si Vincent naman ang kulit. Tatawagan ko nga sila. Akong bahala sayo. Sige na, balik na ko sa loob. Hinihintay nila ko.” Tumalikod na ito at naglakad pabalik sa loob ng campus.
Wala namang nagawa ang binata kundi ihatid na lang ito ng tanaw hanggang tuluyan na itong makapasok sa loob at mawala sa kanyang paningin.
Bagsak ang mga balikat na tumalikod sya at naglakad pabalik ng sasakyan bitbit ang mga gamit ng dalaga.
Malungkot siyang umuwi mag-isa. Pagdating sa tindahan ay sinabi nito ang nangyari.
Di naman nagalit sa kanya si Mang Fred dahil tumupad ang dalaga sa sinabi nito at tumawag sa magulang. Pero nakita nito ang pag-aalala sa mukha ng binata.
“May school project daw sila na kailangan tapusin. Ganun talaga sa college. Salamat Vincent ha. May maghahatid naman daw sa kanya dito pagkatapos. Kaya wag mo na alalahanin yun.” Paliwanag ni Mang Fred sa binata.
“Sige po. Balik na po ako sa trabaho ko.” Paalam ng binata.
=
Alas diyes ng gabi ang sara ng tindahan nila Mang Fred. Alas diyes y media na sila natapos magligpit pero wala pa rin si Anne.
“May gagawin ka pa ba, Vincent?” Tanong ni Mang Fred.
“Wala naman po.” Sagot ng binata.
“Lika muna sa bahay. Alam ko nag-aalala ka kay Anne. Dun natin sya hintayin.” Anyaya nito.
“Sige po, Mang Fred.”
=
Sa garden ng bahay nila Mang Fred…
Naglapag ng isang Black Label si Mang Fred sa lamesa. Kasunod ang dalawang baso.
“Para di tayo mainip.” Sabi nito sa binata.
“Teka kukuha lang ako ng yelo at mapupulutan.” Sabay lakad ulit papasok ng bahay.
Paglabas nito ay may bitbit na itong isang bucket ng yelo at pulutan. Naupo ito at binuksan ang selyado pang bote. Tapos ay sinalinan ang parehong baso.
“Sabi nga pala ni Judy, tumawag na daw ulit si Anne. Pauwi na daw sya.” Sabi nito sabay lagok ng alak.
Si Aling Judith o Judy ang ina ni Rose.
Umaliwalas naman bigla ang mukha ni Vincent sa narinig.
“Ganun po ba? Sino daw po ang maghahatid sa kanya?” Tanong nito. Ininom rin nito ang alak sa kanyang baso.
“Kaklase nya daw. Kaya wag ka na masyadong mag-alala.”
=
Lampas kalahati na ang laman ng bote nang may isang sasakyang pumarada sa labas ng bakuran nila. Sabay na napatayo at napasilip sina Mang Fred at Vincent.
“Sya na po yata yan.” Si Vincent.
“Sige iho. Salubungin mo nga at medyo nahihilo na ko.” Si Mang Fred.
Tinungo ni Vincent ang gate at binuksan. May isang kotse nga na nakaparada sa labas. Nakasindi ang ilaw at umaandar ang makina.
Tinted ang mga salamin nito kaya di nya maaninag ang loob.
Maya-maya ay bumukas ang pintuan nito sa passenger side at lumabas si Anne. Pero di nya agad sinara ang pinto. Yumuko pa ito at tila kinausap ang driver.
Nakita ni Vincent na may bitbit itong travel bag kaya agad syang nilapitan ng binata at kinuha ang bitbit.
Medyo nagulat pa si Anne nang makita ang binata.
“O, bakit andito ka?” Tanong nya.
“Nagyaya kasi si Mang Fred eh.” Sagot ni Vincent.
Napasilip din sya sa loob ng kotse. Nakita nyang lalaki ang driver nito at walang ibang pasahero sa loob.
“Si Vincent nga pala. Kababata ko saka tao din ni Tatay sa tindahan.” Pakilala ni Anne.
“Vincent, si Dave. Kaklase ko.”
Sumaludo si Dave kay Vincent.
“Nice to meet you, pare!”
Tumango naman si Vincent.
“Nice to meet you din, pre!”
“Sige na. Gagabihin ka na masyado. Thanks ulit sa paghatid. Ingat ka ha!” Nakangiting sabi ni Anne kay Dave.
“Sige, una na ko.”
Pagkasara ni Anne ng pinto ng kotse ay umalis na ito.
Kinawayan ito ni Anne at inihatid ng tanaw hanggang sa tuluyan na itong makalayo.
Pagkapasok ng dalawa sa gate ay dumirecho si Anne sa ama nya at nagmano.
“Pasensya na po ‘Tay, ginabi na ako… Umiinom pala kayo.”
“Nayaya ko lang itong si Vincent. Nag-aalala kasi sayo. Kamusta naman ang project nyo, anak?” Tanong ni Mang Fred.
Si Vincent ay bumalik na sa upuan nya matapos ipasok ang bag ni Anne.
“Okay na po ‘Tay. Natapos po namin. Si Nanay po ba gising pa.”
“Oo. Nasa kwarto na. Puntahan mo na at hinihintay ka rin nun.”
“Sige po ‘Tay. Hinay-hinay lang kayo ha… Vincent, pasok na ko. Thanks nga pala ha.”
Ngumiti lang si Vincent at inihatid ng tanaw ang dalaga hanggang makapasok ng bahay.
“O, pano ba yan? Nakabalik na si Anne. Siguro naman mapapanatag ka na?” Tanong ni Mang Fred sa binata.
“Ah… Opo, Mang Fred.” Nakangiting sagot ng binata.
“Tig-isa pa tayo. Tapos pahinga na. Maaga pa tayo bukas.” Sabi ni Mang Fred sabay salin muli ng yelo at alak sa dalawang baso…
=
Kahit medyo naparami ng inom ay maayos pa rin namang nakauwi si Vincent sa bahay nila.
Nagtaka sya dahil pasado alas dose na pero maliwanag pa ang loob ng bahay nila.
Pagpihit nya ng pinto ay di rin ito naka-lock.
Itinulak nya ito pabukas at nakitang nasa sala ang buong pamilya nya. May isang malaking kahon sa gitna na abala nilang binubusisi.
Nang marinig ng mga ito ang pagbukas ng pinto ay sabay-sabay silang napatingin sa gawi nito.
“O, Vincent. San ka ba galing at kanina ka pa namin hinihintay?” Ang ina ni Vincent na si Aling Minda.
“Nagyaya po kasi si Mang Fred, ‘Nay. Medyo napasarap lang po ng kwentuhan.” Sagot ni Vincent.
Isang babae naman ang lumapit sa kanya bitbit ang isang T-shirt. Inilapat sa katawan nya para tingnan kung sakto.
Naningkit ang mata ni Vincent. Kinikilala kung sino ang magandang babaeng ito.
Medyo makapal ang colorete nito sa mukha. Maiksi ang suot na palda at mataas ang takong ng suot na sapatos.
“Naku, parang maliit yata sa kanya to ‘Nay. Lumaki na pala itong katawan ni Vincent.” Sabi ng babae.
Tinitigang mabuti ni Vincent ang mukha nito. Pilit na kinikilala. Pero di nya ito mamukhaan.
Tapos ay tumingin sya sa nanay nya na natatawa.
“Di mo sya nakikilala?” Tanong ni Aling Minda.
Umiling si Vincent.
Ang babae naman ang natawa ng malakas sabay hampas sa braso nya.
“Ano ka ba, Vincent… Grabe ka ha.” Sabi ng babae.
Nagtatawanan na rin ang mga kapatid ni Vincent.
“Gaano ba karami ang nainom nyo at di mo na mamukhaan si Mimi?” Ang tatay ni Vincent na si Mang Henry.
“Si Mimi? Si Camille?” Pagtitiyak ni Vincent.
“Oo! Si Camille to! Yung kalaro nyo dati. Yung partner mo ng kasal-kasalan. Hahaha!” Sagot ng dalaga.
“Camille! Wow! Anlaki na ng pinagbago mo ah!” Puri ng binata dito.
“Mas gumanda na ba? Hahaha!”
“Oo. Saka pati porma mo imported na imported na. Hahaha. Kamusta ka na? Tagal mo rin nawala ah…”
“Eto, mayaman na. Este, mayabang. Hahaha! Huy, may mga pasalubong ako sayo jan. Yung mga t-shirt mukhang di kakasya sayo. Kay Alex na lang. Ibibili na lang kita ulit. Yung sapatos isukat mo. Pag di din kasya, sa kapatid mo nalang. Bili na lang tayo ng sakto sayo.”
“Ha? Naku, nag-abala ka pa. Nakakahiya naman sayo.” Napakamot sa ulo ang binata.
“Sus! Wala na akong ibang pamilya dito kundi kayo. Kaya wag ka na mahiya.” Sagot ni Camille.
===
14 years ago…
“Sino naman ikakasal natin?” Tanong ng walong taong gulang na si Liza.
“Kami naman ni Vincent! Di pa kami nakakasal!” Si Mimi na walong taong gulang din.
Ikinawit nya ang kamay sa braso ng noo’y sampung taong gulang na si Vincent.
Di naman umimik si Vincent.
“Ako flower girl ulit!” Ang apat na taong si Rosie.
“Ako naman magpapari.” Si Peter na walong taon din.
“Sige, mag-ipon na ng mga bulaklak yung mga babae. Kami naman mga lalake ang gagawa ng simbahan.” Si Robert na isa rin nilang kababata. Kaedad din ito ni Vincent.
Matapos ang preparasyon ay “ikinasal” na nga sina Vincent at Mimi.
At mula noon ay sila na ang madalas na magkapares sa mga laro nilang magkakababata.
Si Anne naman na pinakabata ay laging saling-pusa.
Signup, Chat, share and read more stories on our new website: www.libog-stories.com
Maagang naulila sa magulang si Mimi. Limang taon sya nang mamatay sa sakit ang kanyang ina at isang taon matapos nun ay umalis ang tatay nya papuntang Maynila para magtrabaho.
Iniwan sya nito sa kanyang lola sa nanay at di na muling nagparamdam…
==
5 years after…
Humahangos si Mimi papunta sa lupang sinasaka nila Vincent.
Balisa ito at palinga-linga.
Nang makita ang pakay ay patakbo itong lumusong sa putikan.
Agad syang yumakap kay Vincent at humagulgol.
Napayakap naman sa kanya ang kinse anyos nang binata.
“Bakit? Anong nangyari sayo?” Tanong ng binata.
Umiyak lang ng umiyak si Mimi sa kanya. Pilit isinisiksik ang mukha sa dibdib nito.
Nasaksihan naman ni Mang Henry at ng iba pang magsasaka ang nangyari kaya nagmamadali din ang mga itong lumapit sa dalawa.
“Aba, si Mimi ito ah! Anong nangyari, neng?” Tanong ni Mang Henry.
Doon pa lang nagawang magsalita ni Mimi…
“S-si… Tiyo… P-po…” Pautal-utal nitong sagot sabay hagulgol ulit.
“Bakit? Napano si Kanor?” Tanong ng isa pang magsasaka na si Ka Igme.
“M-mun.. Mun-tik n-nya na po akong… G-gaha… Gahasa… In…” Muling utal na sagot ng dalaga sabay hagulgol.
Pagkarinig na pagkarinig ni Vincent sa sumbong ng kababata ay kumalas ito sa pagkakayakap sa dalaga at ubod bilis na tinakbo ang direksyin ng bahay nila Mimi.
“Vincent! San ka pupunta?” Sigaw ni Mang Henry.
“Vinceeent!” Sigaw din ni Mimi.
Pero di man lang lumingon ang binata.
“Pigilan nyo syaaa… Pigilan nyo..” Iyak na pakiusap ng dalagita sa mga magsasaka.
Humahangos namang humabol si Mang Henry pati ang ilang magsasaka.
=
Pagdating sa bahay ni Mang Kanor ay buong lakas na sinipa ni Vincent ang pinto.
Nagulat ang tiyuhin ni Mimi na kasalukuyang nakahiga sa papag.
“Ano yan?!” Galit na sigaw nito sabay bangon.
Dinalawang hakbang lang siya ni Vincent sabay bigay ng isang solidong suntok sa nguso.
Sabog ang dugo sa nito sa nguso.
Hinablot sya ni Vincent at kinaladkad palabas.
Kahit bata pa ay malaki ang bulas ng katawan ni Vincent at malakas din ito dahil batak sa trabaho sa bukid.
Kaya naman walang kahirap-hirap nyang naibalibag sa kalsada ang katawan ni Mang Kanor.
Tinadyakan nya ito sa mukha pero nasalag ng may edad nang lalaki.
Umibabaw si Vincent sa kanya at inundayan sya ng suntok.
Walang nagawa ang tiyuhin ni Mimi kundi salagin ang mga ito.
Maya-maya ay may yumakap kay Vincent mula sa likod at hinatak sya nito palayo kay Mang Kanor.
Nagpipiglas ang binata hanggang sa makawala sa umaawat sa kanya. Tapos ay muling sumugod sa kababangon pa lang na Kanor.
Isang tadyak sa tagiliran ang muling nagpasubsob dito sa kalsada.
Muling yinakap si Vincent ng kanyang tatay.
“VINCENT, TAMA NA! TUMIGIL KA NA!” Malakas na sigaw ni Mang Henry.
Doon pa lang tila nahimasmasan ang binata.
May ilang magsasaka na rin ang nagdatingan. Agad nilang hinawakan si Mang Kanor para di makatakas.
Dumating na din si Mimi at agad yumakap sa binata.
“Tama naaa!” Iyak nito…
Kumalma rin ang binata at yumakap kay Mimi. Hinimas nito ang ulo at likod ng humahagulgol na dalaga.
Di nagtagal ay dumating ang mga tanod na tinawag ni Ka Igme at dinampot si Mang Kanor para ibigay sa mga pulis…
=
Matapos ang pangyayaring iyon ay nagpasya sina Mang Henry na kupkupin na si Mimi.
Ang tiyahin kasi nito na asawa ni Mang Kanor ay namamasukang kasambahay sa Maynila.
Noong namatay kasi ang lola ng dalaga dalawang taon na ang nakakaraan ay wala nang ibang pwedeng kumupkop sa kanya kundi ang tiyahin.
Noong una ay maayos naman ang trato sa kanya ni Mang Kanor. Pero noong magsimulang magbago ang katawan ni Mimi dulot ng pagdadalaga ay doon na lumabas ang pagnanasa ng tiyuhin.
Tatlong taong nanirahan sa kanila si Mimi. Tinuring na nila itong tunay na kasapi ng pamilya. Noong bago maglabing-pitong taong gulang ito ay nagpasya syang lumuwas ng Maynila at makipagsapalaran.
Noong una ay ayaw syang payagan ng mag-asawa na itinuring nya nang tunay na mga magulang. Pero wala rin silang nagawa dahil desidido na ang dalaga na tumayo sa sariling mga paa.
Nakapasok sya sa isang promotion kung saan nagtrabaho muna sya bilang waitress. Makalipas ang higit isang taon ay pinalad na makalipad papuntang Japan.
Nakapag-asawa siya doon ng mayamang Hapon pero di nagtagal ay yumao ito dahil sa isang aksidente.
At dahil legal siyang asawa at wala namang anak sa ibang babae ang Hapones ay sa kanya napunta ang lahat ng yaman nito…
===
Present day…
Walang pasok sa trabaho si Vincent kaya niyaya sila ni Camille na mamasyal sa bayan.
Gamit nila ang van ni Mang Fred na hinayaan nitong arkilahin nila dahil malaki naman ang tiwala nito kay Vincent.
Doon ay ipinamili ni Camille ng mga gamit ang mga itinuring na nyang pamilya.
Kasalukuyan silang kumakain sa restaurant nang mabanggit ng dalaga ang balak nito.
“Tay, may alam ka po bang binebentang lupa dun satin? Balak ko din kasing bumili.” Tanong ni Mimi sa ama-amahan.
“Yung kay Lucring ipinabebenta nya na. Kasi kinukuha na sya ng anak nya sa Canada. Wala na daw mag-aasikaso.” Sagot ng matanda.
“Talaga ‘Tay? Sige bukas daanan ho natin. Kayo ho ang mag-ahente para makakumisyon kayo.” Alok ng dalaga.
“Naku, maganda yan iha. Sige, mamaya mismo pagkauwi natin ay dadaan ako sa kanila at itatanong ko kung magkano ibinebenta. Malaki-laki rin yung lupa na yon.” Masayang sabi ni Mang Henry.
“Sige ho, Tay. Eh kayo naman, Nay. Baka may gusto ho kayong inegosyo. Magsabi lang ho kayo.” Ang itinuring na ina naman ang tinanong nito.
“Naku Mimi. Napakarami mo nang ibinigay at pinamili samin. Tama na yun, anak!” Nahihiyang sabi ng ginang.
“Nay naman. Wala ho iyon. Gaya ng sinabi ko ho, kayo lang ang pamilya itinuturing kong pamilya dito sa Pilipinas. Kaya wag na ho kayong mahiya. Ako pa rin ho ito, si Mimi.” Pagpipilit ng dalaga.
“Tama si Nanay, Mimi. Sobra-sobra na yung mga naibigay mo samin. Maraming salamat sayo. Ayaw ka naman naming abusuhin.” Si Vincent…
Napatingin lang si Mimi kay Vincent. Tapos ay napangiti lang at hind na nagpumilit pa. Napakataas kasi ng respeto nya sa binata at ayaw nyang kontrahin ito.
Itinuloy na lang nila ang pagkain tapos ay namasyal ulit.
Gabi na nang makauwi ang mga ito. Inihatid muna ni Vincent ang pamilya sa bahay.
Ang ate nya na may sarili nang pamilya ang una nyang inihatid. Sunod ay sa kanilang bahay na.
Paalis na sya para isoli ang van nang humabol sa kanya si Camille at sinabing makikisabay dahil may bibilhin.
Sa loob ng van ay nagsalita ito ng saloobin.
“Ayaw lang kitang sagutin kanina sa harap nila Tatay kaya tumahimik na lang ako. Pero nagtatampo ako sa pagtanggi mo sa inaalok ko.” Umpisa ng dalaga.
Saglit syang nilingon ni Vincent. Tapos ay ibinalik ang tingin sa kalsada.
“Hindi naman sa ayaw ko ng inaalok mo. Pero nakakahiya kasi. Ano na lang ang iisipin ng mga kapit-bahay? Na ginagatasan ka namin?” Sagot nito.
“Bakit mo kailangang problemahin yung iisipin nila? Saka alam ng mga kapit-bahay kung gaano kalaki ang utang na loob ko sa inyo… Lalong-lalo na sayo. Iisipin nila na sinusuklian ko lang yon.”
“Kahit na, Mimi… Nakakahiya pa rin. Hindi naman kami humihingi ng bayad sa pagkupkop namin sayo…. Tama na yung mga naibigay mo. At kung makakakumisyon nga si Tatay sa bibilhin mong lupa, malaking tulong na yun samin.”
“Isa pa yon. Yung lupang bibilhin ko, ibibigay ko kay Tatay yun. Para naman sariling lupa nya na yung sinasaka nya.”
“Ikaw ang bahala. Kung tatanggapin ni Tatay yun, maraming salamat. Pero tama na sana yun.”
“Ano ka ba? Andami-dami kong plano kaya ako umuwi dito. Gusto kong ipagawa yung bahay natin. Gusto kong bigyan ng kahit na maliit na negosyo man lang si Nanay pati si Ate. Ako ang magpapaaral sa mga kapatid mong di pa nakakapagtapos. Kahit ikaw, pwede kang mag-aral ulit. Huminto ka ng dalawang taon at nagtrabaho sa bukid para ako ang mapag-aral nila Tatay. Tapos tatanggihan mo lang lahat ng gusto ko para sa inyo…” Mangiyak-ngiyak na si Camille.
Inihinto ni Vincent ang sasakyan sa tabi ng kalsada.
“Hindi mo kasi naiintindihan, Mimi. Totoong pagtulong yung ginawa namin sayo. Walang hinihintay na kapalit yun.” Paliwanag ng binata.
“Eh di isipin nyo rin na tulong yung binibigay ko sa inyo. Wala rin naman akong hinihinging kapalit. Aanhin ko yung madami akong pera kung di ko naman maibahagi sa pamilya ko?” Tuloy pa rin sa pag-iyak ang dalaga.
Inilapit sya ni Vincent sa kanya at niyakap…
“Tama na… Wag ka na umiyak… Bukas natin pag-usapan yan kasama sina Tatay.” Pag-aalo sa kanya ng binata.
“Saka ikaw pa…” Ang dalaga ulit.
“Anong ako pa?” Tanong ng binata.
“Ikaw yung isa sa binalikan ko dito… Mahal kita… Dati pa… Yung kasal-kasalan natin dati, para sakin totoo yun… Umalis ako sa inyo kasi nagiging kapatid na rin yung tingin mo sakin. Ayoko ng ganun. Nagpakasal ako sa iba dun sa Japan kasi iniisip ko na yun ang mabuti para sakin. Pero di pa rin tumigil yung pagmamahal ko sayo…” Tuloy-tuloy na pagsisiwalat ng dalaga sa nararamdamang kay tagal nyang kinimkim.
Nabigla si Vincent sa pinagtapat ni Camille. Totoong kapatid lang ang turing nya dito. At akala nya ay kuya lang din ang tingin nito sa kanya. Di nya inasahang may mas malalim pa pala itong nararamdaman.
Wala syang masabi…
“Alam ko naman… Ramdam ko noon pa… Si Anne ang gusto mo. Kaya ginusto ko na rin na kalimutan ka at magpakasal na sa iba. Kaya lang parang may nagtutulak talaga sakin pabalik sayo…”
Mas lalong di nakapagsalita si Vincent sa narinig…
“Alam ko na nahihiya ka lang magtapat sa kanya kasi magkalayo yung estado nyo. Kaya kung hindi rin lang magiging tayo, hayaan mong tulungan ko na lang kayo. Hayaan mong tulungan kita. Para maging masaya ka. Magiging masaya na rin ako nun…”
Nagsimula na rin pumatak ang luha ni Vincent. Tumagos sa kanya ang mga sinabi ng kababata.
Totoong mahal na mahal nya si Rosie. Noon pang mga bata pa lang sila. At kay tagal nyang itinago yun dahil alam nya na di sila bagay.
Habang lumalaki sya at nagkakaisip ay unti-unti nyang nakikita kung gaano kalayo ang estado nila sa buhay…
=
Kinabukasan ay nagpaalam si Camille na aalis muna dahil may kailangan umanong asikasuhin sa Maynila. Ibinilin na lang nito kay Mang Henry na ito na ang mag-asikaso ng bibilhing lupa at babayaran nya na lang kapag naisayos na ang lahat.
Maagang umalis si Vincent nung araw na yun kaya’t di na nakapagpaalam pa dito si Camille.
Gabi na nang malaman ni Vincent na umalis ang kababata. At alam nya na sya ang totoong dahil nun…
Makalipas ang ilang araw ay nalaman nya na may tao itong pinadala para bayaran ang lupa na ibinigay din nito kay Mang Henry. Bukod dun ay wala nang iba pa itong binanggit tungkol kay Camille…
==
3 weeks after…
Isang gabi ay naglalakad pauwi si Vincent galing ng pinapasukang tindahan nang makita nya ang pamilyar na kotseng nakaparada sa gilid ng kalsada.
Ito yung kotse ni Dave ma syang minsang naghatid kay Anne.
Patay ang headlights nito pero may liwanag mula sa loob.
Sa pag-aakalang nasiraan ito at nangangailangan ng tulong ay lumapit sya dito at sumilip.
Laking gulat nya nang makita ang nangyayari sa loob. Nanlamig ang buong katawan nya at tila umakyat ang lahat ng dugo papunta sa kanyang ulo…
Kitang-kita nya si Dave at si Anne na naghahalikan sa loob. Habang ang isang kamay ni Dave ay nakapasok sa blouse ng dalaga…
Agad nyang kinalampag ang bintana nito at tinadyakan ang tagiliran ng sasakyan na syang ikinagulat ng dalawa.
Nag-init ang ulo ni Dave kaya’t may kinuha ito sa glove compartment ng kotse. Tapos ay binuksan nito ang pinto ng kotse at bumaba.
“Gago ka ah! Anong problema mo?” Matapang na sigaw ni Dave sa kumalampag sa kotse nya.
May kadiliman sa bahaging iyon kaya’t di nya namukhaan kung sino ang umistorbo sa kanila.
Mula passenger side ay mabilis na inikot ni Vincent ang driver’s side kung saan nakatayo si Dave. Sinubukang itutok ni Dave ang baril dito pero mabilis itong natabig ni Vincent.
Isang putok ang umalingawngaw sa tahimik na kalsada.
Napatili si Anne sa loob ng kotse…
Dumaplis ang bala sa braso ni Vincent pero nakapagpakawala pa rin sya ng isang malakas na suntok na tumama sa ilong ni Dave.
Tumba sa lupa ang binata.
Lalong nagtitili si Anne sa loob at isinisigaw ang pangalan ni Dave.
Wala syang kaaalam alam na si Vincent ang sumusugod sa nobyo.
Signup, Chat, share and read more stories on our new website: www.libog-stories.com
Inangat ni Dave ang hawak na baril pero mabilis itong nasipa ni Vincent at tumilapon sa gilid ng kalsada.
Kinubabawan ni Vincent ang binata at pinagsusuntok sa mukha.
Agad naman bumaba si Anne ng kotse at nagsisigaw para humingi ng tulong. Tapos ay tinungo nya ang nobyo. Pinagsusuntok nya sa ulo at likod ang lalaking nambubugbog dito. Pero tuloy-tuloy pa rin ito paggulpi kay Dave.
Kaya’t pumagitna si Anne sa dalawa. Iniharang nya ang sariling katawan at niyakap ang duguang nobyo habang umiiyak at nagmamakaawa.
Di nya pa rin alam na si Vincent ang lalaking bumubugbog dito.
Bigla namang natauhan si Vincent.
Nasa harapan nya ngayon ang pinakamamahal nyang babae. Umiiyak at nagmamakaawa…
Tumayo ang binata at tila natulala lang sa magkasintahan. Saka naman nagdatingan ang mga kapit-bahay para sana sumaklolo.
“O, si Vincet ito ah… Anong nangyari dito, Vincent?” Sabi ng isa sa mga rumesponde.
Nang marinig ni Anne ang pangalan ni Vincent ay nilingon nya ito.
Nakita nyang si Vincent nga ang nanakit sa nobyo.
Biglang nanlisik ang mga mata nya. Agad syang tumayo at nilapitan ang kababata. Tapos ay binigyan ito ng isang malakas na sampal sa pisngi. Umigkas din ang kabilang kamay nito at isa pang malakas na sampal ang tumama sa kabilang pisngi naman ni Vincent…
Paulit-ulit nya itong sinampal hanggang pati ang sariling mga kamay nya ay manakit na rin.
Wala namang ginawa si Vincent para iwasan kahit isa sa mga sampal na binigay sa kanya ng dalaga.
Putok ang labi at maga na ang magkabilang pisngi nya nang huminto si Anne.
Tapos ay pinagbabayo naman sya nito sa dibdib habang humahagulgol at paulit-ulit na tinatanong kung bakit nya nagawang bugbugin si Dave…
Tinanggap ni Vincent ang lahat ng pananakit ng dalaga sa kanya habang walang tigil na rin sa pagtulo ang sarili nyang mga luha.
Nahinto lamang ito nang may isang umawat sa dalaga…
==
Matapos ang pangyayaring iyon ay hindi na pumasok si Vincent sa tindahan nila Anne.
Ilang araw matapos nun ay sinadya sya ni Mang Fred upang kumbinsihing bumalik sa pagtatrabaho sa kanila sa oras na gumaling ang sugat.
Sinabi rin nito na naniniwala silang mag-asawa na tama ang ginawa nya at nagpapasalamat pa sila dito.
At ipinaalam din nito na handa silang suportahan siya sakaling magsampa ng kaso si Dave. Kumpare nya ang hepe ng mga pulis na may hawak sa baril na ginamit nito at nalamang di ito lisensyado. Kaya may pangontra sila.
Nagpasalamat sya kay Mang Fred. Pero magalang syang tumangging bumalik sa tindahan nito. Wala na syang mukhang maihaharap pa kay Rosie. At sigurado syang ayaw na rin nitong makita pa sya…
Ni hindi nya nga magawang kamustahin ito kay Mang Fred kahit pa gustong-gusto nyang malaman ang lagay nito…
Naramdaman naman iyon ng ama ng dalaga…
“Si Anne naman, may tampo pa rin… Hindi kami kinakausap… Hindi na muna kasi namin sya pinapapasok. Balak namin na ilipat sya sa ibang unibersidad at sasamahan na sya ng Nanay nya…” Boluntaryong pagbabalita ni Mang Fred sa sitwasyon ni Anne…
Di naman nakapagsalita si Vincent. Pero pansin ni Mang Fred ang pangingilid ng luha nito…
Tinapik nya sa balikat ang binata. Sinabing pwede syang bumalik anumang oras na magbago ang isip nya. Tapos ay nagpaalam na ito…
=
Makalipas ang ilang araw…
Kasalukuyang nasa ibabaw ng munting burol si Vincent.
Ang lugar kung saan madalas silang maglaro ng mga kababata.
Ito ng pinakapaborito nyang lugar sa nayon nila. Dahil dito ay tahimik at payapa.
Tanaw na tanaw ang buong nayon nila. At higit sa lahat ay dito rin pinakamagandang saksihan ang paglubog ng araw. Na syang pinakapaborito nyang tanawin…
Nakaupo sya sa isang malaking tipak ng bato at hinihintay ang paglubog ng araw nang may tumapik sa kanyang balikat kaya’t napalingon sya…
“Sabi ko na dito kita makikita…” Si Camille.
Ngumiti lang sa kanya si Vincent at muling ibinalik ang tingin sa direksyon ng papalubog na araw…
“Kamusta ka na? Yung sugat mo, okay na ba?” Nag-aalalang tanong ng dalaga.
“Okay naman. Daplis lang naman to…” Tipid na sagot ng binata.
Umupo rin si Camille sa malaking bato. Sa tabi ni Vincent…
“Pumunta agad ako dito nung nabalitaan ko yung nangyari. Nag-alala ako sayo…”
“Wala ka naman dapat ipag-alala. Ayos lang naman ako…”
“Anong wala? Anong ayos lang? Nabaril ka… Pano kung di lang daplis yan? Pano kung napuruhan ka?” Nagsisimula nang maging emosyonal si Camille.
“Mas maganda siguro kung ganun nga ang nangyari…” Kalmadong sagot ni Vincent…
“Napakamakasarili mo! Paano sila Tatay at Nanay kung sakali nga? Paano mga kapatid mo? Kahit wag mo na akong isipin. Kahit sila na lang…”
Tumahimik lang si Vincent…
“Dito tayo ikinasal dati… Dito rin ako nagsimulang mangarap na makasama ka… Na hindi na tayo magkakahiwalay…” Mahinahong kwento ni Camille. Pero may luha nang nangingilid sa mga mata.
“Mahal na mahal kita, Vincent… Gagawin ko lahat para sayo…”
Nang mga sandaling iyon ay nagsisimula na ang paglubog ng araw…
Isinandal ni Camille ang ulo sa balikat ni Vincent at sabay nila itong pinanood…
Mula kulay ginto ay unti-unti itong nagiging kahel…
Habang ang nakapalibot ditong kalangitan ay kinukulayan ng pula…
Hanggang sa unti-unti na itong lumulubog. Ang ibabaw ng mapulang kalangitan ay nagsimulang magpalit ng kulay. Mula asul ay naging mapusyaw na lila…
Ilang sandali pa ay tuluyan nang nagtago ang araw.
Unti-unting nagdilim ang paligid at isa-isang nagsulputan ang mga bituin…
==
Abala sa pagtatrabaho sa bago nilang lupa si Vincent nang mapansin ang pagparada ng sasakyan ni Mang Fred sa di kalayuan.
Huminto sya sa paggawa at pinagmasdan ang ama ni Anne na bumaba dito at naglakad palapit sa kanya.
Naglakad din sya upang salubungin ito…
“Magandang araw ho, Mang Fred… Napasyal ho yata kayo…” Bati ng binata…
“Ikaw talaga ang sinadya ko dito, Vincent… Gusto ko sanang humingi ng tulong sayo…” Bakas ang pag-aalala sa mukha nito.
“Ah, eh ano ho bang maitutulong ko?”
“Si Anne kasi… Nalaman namin kaninang umaga na nawawala. Wala rin yung ibang mga gamit nya. Suspetsa namin ay naglayas…” Paliwanag ni Mang Fred…
“Lumapit kami sa kumpare kong hepe ng pulis pero ang sabi nya ay di pa daw sila pwedeng umaksyon dahil ilang oras pa lang naman daw. Magtatanong tanong na lang daw muna sya sa mga kakilala nya…” Pagpapatuloy nito…
“Eh, natawagan nyo na po ba yung eskwelahan nya? Yung mga kaklase?” Tanong ni Vincent…
“Yun na nga sana ang ipapakiusap ko sayo… Wala kaming contact number ng mga kaklase nya… Yung unibersidad naman nila ay di rin basta-basta magbibigay ng contact numbers ng mga kaklase nya sa telepono lang. Kailangan daw personal na magpunta doon. Eh hindi ko naman maiwan ng matagal yung asawa ko at ninenerbyos. Kaya kung pwede sana, ikaw ang sumadya sa bayan… Ikaw lang yung pinakapinagkakatiwalaan naming mag-asawa…”
Di naman na nag-alangan pa si Vincent na tulungan ang ama ni Anne…
=
Natawagan nya na ang lahat ng kaklase ni Anne gamit ang cellphone na bigay sa kanya ni Mang Fred. Pero wala ni isa sa mga ito ang nakakaalam kung nasaan si Anne.
Nagtanong din sya tungkol kay Dave pero nalaman nya na di pala iyon doon nag-aaral.
Nagpunta sya sa mga istasyon ng pulis pero katulad ng sinabi ni Mang Fred ay di sila pwedeng umakson sa ganung kaso basta-basta dahil may kailangang bilang ng oras na nawawala ang isang tao bago ito ituring na talagang nawawala.
Nag-iwan na lang sya ng kopya ng larawan ni Anne pati mga numero na maaaring tawagan sakaling may makuha silang impormasyon.
Madaling-araw na syang nakabalik sa kanila dahil sa paghahanap kay Camille. Nang isoli nya ang sasakyan ay malungkot nyang ibinalita sa mag-asawa na wala syang nakuha man lang na impormasyon tungkol sa kanilang anak.
Nagpasalamat pa rin ang mag-asawa sa kanya…
==
Higit isang linggo nang nawawala si Camille at higit isang linggo na ring naghahanap si Vincent. Pati ang mga karatig probinsya ay narating nya na sa pag-asang may makukuhang kahit konti man lang na impormasyon.
Pero lagi syang bigo…
Kasalukuyan syang nagmamaneho nang tumunog ang kanyang telepono…
Si Mang Fred ang tumatawag…
Itinabi ni Vincent ang sasakyan at sinagot ang tawag nito…
“Hello po, Mang Fred?” Sagot ng binata…
“Hello, Vincent! May pulis na katatawag lang samin ngayon…”
Pinakinggang mabuti ni Vincent ang sinabi ni Mang Fred…
Nang maputol ang tawag ay agad nyang pinaharurot ang sasakyan…
=
Pagdating ni Vincent sa presintong sinasabi ni Mang Fred ay itinuro sya ng mga pulis sa isang ospital. Naroon daw ang babaeng hinahanap nya base sa dala nitong ID…
Agad nya itong tinungo…
Sinamahan sya ng isang nurse sa isang silid doon.
At nakita nya ang isang pasyenteng nakahiga. Puro sugat at gasgas ito. Puro benda ang katawan… Pati ang ulo at mukha nito ay balot din ng benda at sugat…
Kahit di nya kita ang mukha nito ay alam nya na si Rosie iyon. Nararamdaman nya…
At nadudurog ang puso nya sa nakikitang sitwasyon ngayon ng pinakamamahal na dalaga…
Naglakad sya palapit dito. Sa paanan ng kamang kinararatayan nito…
Tuluy-tuloy ang pagpatak ng luha nya.
Pinipigilan nyang gumawa ng ingay pero may mga hikbing kumakalawa sa bibig nya…
“Dave… Ikaw ba yan? Anjan ka ba, Dave?” Tawag ni Anne…
Agad nagtakip ng bibig si Vincent…
Nagtaas-baba ang mga balikat nya dahil sa hagulgol na pilit pinipigilan…
“Dave, sumagot ka… Nasan ka? Dave…” Patuloy na tawag ni Anne. Nagsisimula na syang mag-panic…
Agad syang nilapitan ng nurse at sinabihang kumalma.
Pero mas lalo syang nagpa-panic.
Kaya walang nagawa ang nurse kundi saksakan sya ng pampatulog…
Nang makatulog si Anne ay iniwan na sila ng nurse…
At doon na pinakawalan ni Vincent ang lahat ng emosyong pinipigilan…
=
Napag-alaman nila na sumalpok sa nakaparadang truck ang kotseng sinasakyan nila Dave at Anne.
Sumuot ito sa ilalim ng trailer.
Dead on the spot si Dave at mapalad namang nakaligtas si Anne pero may malubhang pinsalang natamo.
Pinakamalala ay ang mga mata nito na pinangangambahan ng mga doktor na di na masasagip…
==
Mahigit isang buwan sa ospital ang dalaga. Ilang beses itong naoperahan para maayos ang mga napinsala sa katawan.
Naging matagumpay naman lahat maliban sa mga mata nito na di na nga nagawa pang maagapan ng mga doktor…
Dahil sa laki ng bayarin sa pagpapagamot ay isa-isang naibenta ni Mang Fred ang mga naipundar na ari-arian…
Ang tanging naiwan na lang sa kanila ay ang bahay, ang tindahan at isang sasakyan.
Naubos na rin ang pera nila sa bangko…
==
Tatlong buwan matapos ang aksidente…
Nasa garden ng bakuran nila si Anne nang dumating si Vincent. Nakaupo lang ito at nakatulala…
Muling nadurog ang puso ng binata sa nakita.
Naging ganito na si Rosie mula nang makalabas sa ospital ilang linggo na ang nakakaraan.
Kahit mga magulang ay di kinakausap…
“Rosie…” Tawag nya dito…
Bigla namang tumigas ang ekspresyon ng mukha nito nang marinig ang boses nya.
“Dinalhan nga pala kita ng paborito mong kaimito. Naaalala mo ba na lagi ka nagpapapitas sakin nito dati? Dun sa lupa nila Ka Enteng…”
Araw- araw nya itong binibisita at dinadalhan ng kung anu-ano simula nang makauwi ito…
Pero di sumasagot ang dalaga…
Nanatiling matigas ang ekspresyon ng mukha nito..
“Rosie… Sana naman bumalik ka na sa dati… Nag-aalala na kaming lahat sayo. Lalo na yung Nanay at Tatay mo…” Pakiusap ng binata.
Naging mabilis at mabigat ang paghinga ng dalaga…
Bumaling ang ulo nito sa direksyon ni Vincent…
“BAKIT KA BA PUNTA PA NG PUNTA DITO??? EH IKAW ANG MAY KASALANAN NITO!!! KASALANAN MO TO!!! KASALANAN MO KUNG BAKIT BULAG AKO NGAYON!!! KASALANAN MO KUNG BAKIT WALA NA SI DAVE!!! ANG KAPAL NG MUKHA MO NA SABIHING BUMALIK NA AKO SA DATI! PANO AKO BABALIK SA DATI?? IKAW ANG SUMIRA SA BUHAY KO, VINCENT! IKAW!!! MASAYA SANA KAMI NI DAVE KUNG WALA KA! MASAYA SANA ANG BUHAY KO KUNG WALA KA!! DI NA LANG SANA KITA NAKILALA! DI KA NA LANG SANA DUMATING SA BUHAY KO!!! LUMAYAS KA DITO! LUMAYAS KA! WAG KA NANG BABALIK KAHIT KELAN! IKAW ANG SUMIRA SA BUHAY KO!!!” Galit na galit na singhal ng dalaga. Tuloy-tuloy din ang pagtulo ng luha sa mga mata nito…
Agad namang lumabas ang ina nito nang marinig ng pagwawala ni Anne…
“Anong nangyayari dito?? Vincent? Anong nangyayari? Anne? Bakit ka sumisigaw?” Takang tanong ng ginang…
Signup, Chat, share and read more stories on our new website: www.libog-stories.com
“Pasensya na po…” Yun lang ang nasabi ng luhaan na ring binata at agad na itong tumakbo palabas…
Kinabukasan at nang mga sumunod na araw ay di na ito bumalik kina Anne…
==
Higit isang linggo matapos ang nangyari sa hardin nila Anne…
Nakatanggap ng tawag si Camille mula kay Vincent…
“O Vincent, napatawag ka? May problema ba?” Tanong ng dalaga…
“Sabi mo gusto mo akong tulungan di ba? May gusto sana akong hilingin sayo…” Sagot ni Vincent sa kabilang linya…
“Oo naman. Kahit ano gagawin ko para sayo, Vincent…”
==
Isang buwan matapos ang pag-uusap ni Vincent at Camille…
Sa ibabaw ng burol muling natagpuan ni Camille si Vincent. Hinihintay ang muling paglubog ng araw…
“Sigurado ka na ba sa desisyon mo? Pwede pa tayong umurong…” Tanong ng dalaga. Ipinatong nito ang kamay sa balikat ng binata…
“Oo… Siguradong-sigurado na…” Ipinatong naman ng binata ang kamay nya sa kamay ng dalaga bilang paraan ng pagsasabi dito na wag mag-alala…
“Basta andito lang ako… Hinding-hindi kita papabayaan… Hinding-hindi kita iiwan…” Si Camille…
“Maraming salamat…”
At muli ay magkasama nilang pinanood ang paglubog ng araw…
Sa huling pagkakataon…
=
Kinabukasan sa ospital…
Matapos ang ilang oras na operasyon ay lumabas ng OR ang doktor. Kung saan nag-aabang ang mga magulang ni Anne…
“Doc, kamusta po?” Si Mang Fred…
“Naging maganda naman yung takbo ng operation. Let us all hope and pray na walang maging complications at mag-heal ng maayos. If all goes well, she will be back to normal…” Pagbabalita ng doktor.
“Maraming salamat po doc…”
“Sige, maiwan ko muna kayo. Sir, Ma’am…”
“Eh, doc… Di po ba talaga pwedeng malaman kung sino yung donor at sumagot sa operasyon ng anak ko? Kahit mapasalamatan lang po sa ginawa nya…” Muling tanong ni Mang Fred.
“Naku Sir, kabilin-bilinan po nila na wag ipaalam sa inyo. Pasensya na po. Ako na lang po ang bahalang magsabi…” At naglakad na palayo ang doktor.
=
Isang linggo matapos ang operasyon…
Nakaupo sa departure area ng airport si Vincent nang lapitan sya ni Camille at iabot ang binili nitong juice…
“May kailangan ka pa ba?” Tanong ng dalaga…
“Wala na… Salamat…” Sagot ni Vincent.
“Yung sugat mo, okay naman ba? Di ba masyadong mahigpit yung benda?” May pag-aalalang tanong nito…
“Hindi naman. Maayos naman…” Sagot ni Vincent. Marahan pa nitong kinapa ang bendang nakatakip sa mga mata…
Hinawakan ni Camille ang kamay ni Vincent at pinisil…
“Ako naman ang mag-aalaga sayo mula ngayon. Pag nakasal na tayo sa Japan, kukunin natin sila Nanay at Tatay. Pati mga kapatid mo… Tapos dun na tayo titira… Hinding-hindi kita papabayaan. Magmula ngayon, ako na yung magsisilbing mga mata mo… Mahal na mahal kita…”
“Maraming salamat, Camille.” Ngumiti si Vincent sa dalaga at marahan ding pinisil ang kamay nito…
The End.
- Sex Note 14 - February 20, 2023
- Lorraine 2 - February 9, 2023
- Lorraine - February 2, 2023