Written by johnbruno
Pagkatapos kumain, habang nagdidighayan at nagtu-toothpick, nagawi ang usapan ng grupo sa mga club na pupuntahan namin.
Habang kinakalikot ko ang tinga sa aking ngipin, nagawi ang aking isipan sa isang club na tanaw mula sa tulay patungong base.
“Gusto kong puntahan ang Rock Traxx,” banggit ko sa aking mga kasama.
“Men, pang-Kano lang ‘yon,” kontra ng isa kong kasama. “Karamihan, mga mamoy at datan na ‘yong mga babae do’n. Do’n na lang tayo sa Morena. Balingkinita ‘yong mga chicks do’n!”
“Men, first time ko sa Subic,” sagot ko sa grupo. “Gusto kong ma-experience ang US Navy liberty sa Subic Bay. Sa lahat ng club! Sabi nga, It’s not just a job. It’s an adventure!”
Tawanan ang grupo, dahil iyon ang motto ng US Navy.
“Olongapo Cherry-boy ka nga pala! Sige, kung ‘yan ang trip mo. ‘Wag ka lang ma-UA (unauthorized absence), baka hindi ka na makapag-liberty uli,” paalala ng aking kasama.
“Don’t worry, I got this,” paniguradong sagot ko sa grupo.
Mula sa labas ng Kong’s, naghiwalay ang grupo at nagtungo papalayo ng base ang tatlo sa amin, habang ako naman ay nagtungo pabalik para matunton ang Rock Traxx.
Pagkalipas ng ilang minutong paglalakad, natapat ako sa ibaba ng hangdang paakyat sa club. Naka-paskil sa isang billboard ang mga larawan ng mga babaeng nagtatrabaho sa loob. Sa mga ngiti, make-up, at kasuotan, nang-aakit.
“Let’s check it out,” wika ko sa sarili.
Mula pa lamang sa paanan ng hagdanan, dinig ko na ang awit ni Bryan Adams na Everything I Do, I Do It For You. Nasa mga sinehan noong mga pahanong iyon ang pelikula ni Kevin Costner na Robin Hood: Prince Of Thieves. Sa tuktok ng hagdanan, bumati sa aking sentido ang mga nagkikislapang mga ilaw, tunog sa mga speaker, at mga babaeng samut-sari ang kasuotan.
Dahil marahil sa oras, hindi siksikan sa tao ang club. Nanatili akong nakatayo sa may bukana ng club, ninanamnam ang aking nakikita at naririnig. Mga serbidorang naka mini-skirt na naglalakad, dala-dala ang serving tray. Mga babaeng naka-angkla sa mga customer na Puti. Nagtatawanan, naghihiyawan sa galak. Mga mag-partner na sumasayaw ng sweet sa dance floor. So this is liberty in Olongapo.
Nagpasya ako na maaaring mag-enjoy ako dito, kaya pumunta ako sa isang bakanteng table na malapit sa bar at umupo. Di kalaunan at lumapit sa table ko ang isang serbidora.
“Ano’ng gusto n’yong drink, ser?”
“Jack and Coke, please.”
Nagtungo sa bar ang aking serbidora para kunin ang aking inumin. Sinundan ko ng titig ang bawat kembot ng kanyang pwet na animo umaangal at pumipiglas, gustong makawala sa mahigpit na yakap ng suot na mini-skirt.
“Mabulag ka,” sabi ng isang tinig mula sa bar.
Nilingon ko ang pinagmulan ng boses. Nakaupo sa isang barstool ang isang maputing babae na nakasuot ng puting t-shirt at jeans. Hazel ang mga mata. Paghaluin mo ang mga kara ni Ara Mina at Mickey Ferriols – iyon ang kanyang mukha. Isama mo ang katawan ni Ara ngayon, medyo chubby, at iyan ang hitsura ng babaeng naging tanging dahilan kung bakit hindi ko makalimutan ang Olongapo.
“Pasensya ka na, ngayon lang ako nakakita ng babae.”
Banayad na ngiti ang kanyang tugon. Time to play ball!
“Ako nga pala si John,” sabay tayo at abot ng kamay.
“Sam,” ang tanging sagot. Walang kamay na inabot.
“Short for Samuel?”
“Samantha, baliw! Lalake ba ‘ko?”
“Well, Samantha baliw, are you with someone?”
Tumawa si Sam. Maaari rin palang ma-inlove sa ngipin.
“Hindi ako nagtatrabaho. Tambay lang ako.”
Shot down in flames! Might as well start drinking. Tiempo naman at bumalik ang serbidora dala ang aking inorder na inumin. Kinuha ko ang Jack and Coke, biyaran ko ang serbidora, at tumungga ako. Ah, liquid courage. The refuge of fools.
Itutuloy…
- Check-up - November 30, 2021
- Liberty Call: Olongapo City (Last Chapter) - November 12, 2021
- Liberty Call: Olongapo City (Part 7) - November 8, 2021