Kabilang Mundo 8

Fiction-Factory
Kabilang Mundo

Written by Fiction-Factory

 

Please refer to the previous part.

(Kapitulo Disin-otso)

“teka, teka! ang wolverine ay isang uri ng mabangis na oso, at ang wolf ay isang uri ng aso naman. Paanong ang isang werewolf na tulad mo ay nagmula sa wolverine?”

pagtataka ko.

“uhm. Mali ka! Ang wolverine ay ang pinakamataas na uri ng Fox, at ang fox ay isang uri ng wolf”

“gano’n ba…. Eh ano naman ang kailangan nila sa akin?”

muling tanong ko.

“Si tony na nakasama mo at tumulong sa iyo sa kabilang mundo, hindi ko alam ang dahilan kung bakit ka niya tinulungan, pero si marcus, pinatay ka talaga niya para muli kang buhayin.”

sagot niya.

“bakit nga?!”

naiirita na talaga ako dahil binibitin-bitin pa niya ako.

“para maging human vampire din siya.”

patuloy niya.

“mula kaninang madaling-araw ng iyong pagkabuhay hanggang sa ikatlong araw ay magiging bampira ka na, pagkatapos, sa ikapitong araw naman ay kukunin na ni marcus ang katawan mo, para ito ay maging kanyang human body”

“huh?! Ang ibig mong sabihin, sasaniban niya ako?”

“Hindi siya sasanib sayo, siya ay magiging ikaw, at ikaw ay magiging siya, at kapag dumating ikapitong araw….”

bigla siyang natigilan at naging malungkot ang hitsura niya.

“ano?! ano’ng mangyayari?!”

“mamamatay ka na at siya na ang mabubuhay sa katawan mo, sa katauhan mo..”

nagulantang ako sa sinabi niya, hindi ko na alam kung anong iisipin ko.

Kukunin niya ang katawan ko at tatanggalin ang kamalayan ko?

Napakahirap isipin.

“at ano naman ang magagawa mo tungkol dito? at bakit mo’ko tinutulungan?”

gusto ko ng maiyak sa nangyayari, totoo man ito o hindi, mas mataas parin ang posibilidad na totoo nga ang kanyang sinasabi.

Sino ba naman ang magaakalang, mabubuhay pa ang dalawang araw ng patay, at sa pinakita niyang milagro sa pagiging werewolf niya.

Para akong nanlalambot at nawawalan ng pag-asa, gusto ko ng bumalik sa dati kong buhay, normal at payapa.

“‘wag mong isiping tinutulungan kita. Kung tutuusin pwede na kitang patayin ngayon, ngunit ‘pag ginawa ko ‘yon, mapapadali lang ang pagkabuo ang ritwal ni marcus, at lalo lamang siyang lalakas”

Bigla naman akong natakot sakanya sa sinabi niyang ‘yon.

Ako pala ay isa lang pain sa ngayon, walang kasiguraduhan kung mabubuhay pa ako o mamamatay.

“Ano naman ang gagawin natin ngayon para mapatay si marcus? at kapag namatay siya, may pag-asa pa ba akong mabuhay?”

pag-aalala ko.

Hinawakan niya ang kamay ko.

“gaano ba kahalaga ang buhay mo? gaano ba kahalaga ang buhay ninyong mga tao sa lupa?

Hindi ba’t sinasayang niyo lamang sa mga walang kwentang bagay? Nagtatrabaho kayo araw-araw, minimithi ninyo ay marangyang buhay, salapi, pag-aari, o anumang walang kwentang materyales.

Sinasabi niyo’y may pangarap kayo, ngunit ang katumbas naman ay pera.

Hindi kayo kikilos ng walang bayad.

Makakaya niyo bang magkawang-gawa ng walang kapalit?

Makakaya mo bang mamatay para sa iyong kapwa tulad ng inyong mga bayani?

Kaya mo bang magtiis sa kahirapan ng hindi naiinggit sa mas nakakaangat?

Hindi. Hinding-hindi! dahil nabubuhay kayo sa kasakiman, makasarili kayo at kayo-kayo lang din ay nagpapatayan, nagkakasakitan, nag-aagawan imbes na magbigayan. Sa paghahangad niyo ng labis, kayo-kayo lang nagnanakawan, naglalamangan. ni hindi ninyo alam kung ano ang pinakamahalagang bagay sa mundo, ni hindi ninyo alam kung bakit kayo nabubuhay sa mundo.

Ngayon sabihin mo, mahalaga pa ba ang buhay mo?”

Nanlaki ang mga mata ko sa mga mabibigat na katagang binitawan niya.

Kilalang-kilala niya ang mga tao, ngunit iba sa pagkakaunawa ko.

“huwag na huwag mong huhusgahan ang mga tao sa lupa. Hindi mo alam ang hirap na pinagdadaanan nila. Ang bawat isa ay may kanya-kanyang dahilan sa kanilang kanya-kanyang gawa”

“walang kwenta! walang kwenta ang paghihirap niyo! Pare-pareho lang kayo! hindi mo ba napapansin? May trabaho na kayo pero hindi pa kayo makuntento, malaki na ang sahod niyo ngunit nagkukulang parin, marangya na ang buhay niyo pero nahihirapan parin kayo! Masyado kayong abala sa kakareklamo, ngunit ni minsa’y hindi nagpasalamat. Tignan mo ang taong asensado, may magarang kotse, marangyang buhay at matatag na hanap-buhay, ngunit masaya kaya siya kung maraming galit sa kanya? Tinitiyak ko sayo, hindi parin siya kuntento. hindi lang sa tinapay nabubuhay ang tao. Ngunit ang sinasamba niyo’y salapi at patuloy kayong nabubulag.”

patuloy niya.

Hindi na ako makasagot sa sinasabi niya.

“maita, ang sinasabi ko lang, binigyan ka ng ikalawang buhay na ang katumbas ay ikalawang pagkakataon, sana’y wag mo ng sayangin at sana’y maging makabuluhan.”

Nakuha ko na ang nais niyang iparating.

Na sana’y kaya kong isakripisyo ang buhay ko alang-alang sa kapakanan ng nakakarami, para hindi na mabuhay si marcus at para matigil na ang lahat ng ito.

Bahala na.

Kung sakaling mamatay ako, nawa’y maging makabuluhan.

Tumayo ako at tumindig.

“Jacob… Handa na ako!”

(Kapitulo Disin-Nueve)

Naglalakad kami sa gilid ng kalsada sa isang siyudad, sa bayan ng Koso.

“Sigurado ka ba sa pupuntahan natin?”

tanong ko kay jacob.

“uhm. sa totoo lang hindi, dahil ngayon lang ako pupunta don, pero ayon sa mga ninuno ko, dito nga ang daan papunta sa bundok ng Sinai.”

sagot niya.

“ba’t di kaya tayo magtanong-tanong?”

suwestiyon ko.

Napahinto siya sa paglalakad at hinarap niya ako.

“sa henerasyon ngayon, hindi na Sinai ang pangalan ng bundok na ‘yon. Isa pa, walang dapat makaalam nito.”

paliwanag niya.

“galit agad?”

inasar ko pa siya.

Umiling-iling lang siya at nagpatuloy na kami sa paglalakad.

Hapon na ng mga oras na ‘yon.

Mga pasado alas-singko na.

“ano ba kasi ang bundok na ‘yon?”

muli akong nagtanong.

“‘yon ang makasaysayang bundok ng mga witchcrafters”

“mga mangkukulam o mangbabarang?”

“hindi. Hindi black magic ang gamit nila. Mga sorcerers sila na nagmula sa angkan ni King Potter na nabuhay ilang libong taon na ang lumipas”

“ilang libong taon? May matagpuan pa kaya tayo don?”

“uhm. Ayon sa kasaysayan ng mga ninuno ko, lahat ng angkan ni King Potter ay pinagpapatay ng mga masasamang blackwitch, ngunit may magkapatid na kambal na whitewitch ang nakaligtas.

Sila ang Legendary twin blackwitch hunters, sina Hansel at Gretel, ang mga kauna-unahang human witchcrafters.

Sila ang naghiganti para sa lahi nila, nilipol nila at inubos ang lahat ng blackwitch.

Sa kasamaang palad, namatay si Hansel sa malubhang sakit, ngunit si Gretel naman ay nagkaanak sa isang binatang tao, at ang anak nila ang hahanapin natin ngayon”

paliwanag niya.

Unti-unti ay nauunawaan ko na ang lahat, napagdugtong-dugtong ko na ang mga detalye.

“ilang siglo na ang nagdaan, buhay pa kaya ang anak nila?”

pagtataka ko.

“oo, dahil ang dalagang ‘yon ay isang immortal, dahil sa nilikha niyang witch-hazel”

“witch-hazel? Ano naman ‘yon?”

“ang witch-hazel ay isang magical potion na parang lotion na pinapahid, na kayang buhayin ang patay na. Ginawa niya ‘yon dahil gusto niyang buhaying muli ang angkan niya. Ngunit nabigo siya, dahil hindi niya naperpekto ang potion”

nagsimula nanamang kumunot ang mga kilay ko.

“ah talaga? Eh anong nangyari?”

“imbes na bumuhay ng patay ang ginawa niyang witch-hazel, iba ang naging resulta, ang nilikha niya ay kayang gawing immortal ang sino mang mapahiran ng lotion na ito.”

Napabugtong-hininga siya.

“sinubukan muna niya iyon sa isang patay na lobo, isang di pangkaraniwang lobo na kasingbangis ng jaguar, nabuhay ang lobong ‘yon ngunit naging higante siya at naging supernatural being, gayun din, ‘di sinasadyang napahid sa isang paniki, at ganun din ang nangyari sa paniki, nagkaroon sila ng kakaibang lakas at kapangyarihan. Ang lobong ‘yon ay si william, ang ama ko…at ang paniki ay si marcus, ang ama ni tony. Gano’n ang naging epekto ng witch-hazel sa mga hayop.”

Parang hindi ganito ang pagkakaalam kong pinagmulan ng vampire at werewolf ah! Ibang-iba sa mga napapanood kong pelikula.

Nalilito na ako ngunit kahit papa’no nakukuha ko parin ang tinutukoy niya.

“at kung sino ang lumikha, siya rin ang pupuksa, kaya dapat makita na natin ang babaeng iyon”

patuloy niya.

“ibig mong sabihin hindi mo kilala ang babaeng ‘yon, ni hindi mo alam ang pangalan niya?”

pag-aalala ko. para kaming naghahanap ng karayom sa dayami nito.

“sa kasamaang palad, hindi ko pa siya nakikita, ni hindi ko alam kung anyong tao ba siya o kung ano pa man”.

(Kapitulo Biente)

Sa kalagitnaan ng paglalakad namin, nakita namin ang isang babae na binabastos ng mga kalalakihang umiinom sa harap ng isang tindahan.

“bitawan mo akkoohh!”

pagmamakaawa ng babae sa isang lalaking hawak-hawak ang kamay niya.

“sige na miss, pagbigyan mo na kame! Hahaha”

pilit pinapaupo ng lalaking ito ang babae sa tabi niya habang ang mga kasamahan niya’y walang humpay na nagtatawanan.

Kumunot ang mga kilay ko, galit na galit ako sa nakikita kong pambabastos.

Lalapitan ko na sana sila para tulungan ang babae ngunit kinabig ni jacob ang balikat ko.

“‘wag mo na silang pakialaman pa! Maaantala lang ang paghahanap natin sa last witchcrafter.”

pagpipigil niya sa’kin.

Tinignan ko ng matalim si jacob.

“kung ikaw kaya mong tiisin ‘to, ako hindi!”

buong puso kong sabi sabay tapik sa kamay niya.

Huminga siya ng pabagsak.

“mga tao talaga! masyadong pakialamero! Tara!”

hindi rin niya siguro matiis.

Lumapit kami sa kinaroroonan ng tindahan.

Panatag ako dahil werewolf ang kasama ko.

Kahit anim pa sila na puro malalaki ang katawan ay siguradong tataob kay jacob.

“ginoo, pwede po bang pakibitawan niyo ang babaeng ito?”

nabigla ako kay jacob, akala ko susugurin niya agad ng aksyon ang lalaki, ngunit bakit siya nakikiusap?

“bakit?! sino ka ba?!”

Napatingin sakanya ang lalaki, nangangalit ang mga mata, gayundin ang babae ay nagulat din sa entrada niya, habang ang mga kasama naman ng lalaki ay nagsipagtayuan sa kani-kanilang inuupuan.

“teka, teka mga ginoo, hindi ako naghahanap ng away, gusto ko lang sanang tigilan niyo na ang babaeng ito”

sambit ni jacob habang tinataas ang magkabilang kamay.

“o relax lang kayo d’yan. kayang-kaya ko na ‘to!”

Sabi ng lalaki habang winawagayway ang kamay sa mga kasama niya, senyales na pinapaupo niya ang mga ito.

Muli naman silang nagsi-upo at itinuloy ang inuman.

“gano’n ba?! Edi tigilan! Hahaha”

nakakalokong sagot ng lalaki kay jacob.

Binitawan nga niya ang babae, ngunit bigla akong nakaramdam ng kaba nang humakbang ang lalaki palapit kay jacob.

Paglapit na paglapit palang ng lalaki ay inihanda niya ang kanyang kamao at biglang nagpakawala ng malakas na suntok sa mukha ni jacob.

PAK!

Sapul!

Sumalpok si jacob sa tabi ko.

Humandusay siya sa lupa, at hindi agad nakabangon.

“jacob! jacob!”

lumuhod ako sakanya at inalog-alog ko siya sa balikat.

Ba’t kaya niya hinayaang masuntok ng lalaking ‘yon?

Marahan siyang bumangon, at sa pagtayo niya ay napansin ko ang mga mata niya, napakatalim, parang mata ng isang tigre na nanlilisik sa galit, nakakatakot at lubhang mapanganib.

Muli niyang hinarap ang lalaki. Akala ko lalaban na siya ngunit iba nanaman ang narinig ko sakanya.

“Nakikiusap ako, tigilan mo na ang babaeng ito at hayaan mo na kaming makaalis”

Biglang natigilan ang lalaki sa sinabi ni jacob, maging ako ay natigilan, tapos bigla nalang silang lahat ay nagsipagtawanan.

“hahaha bakla ka ba? hahaha nakikiusap, ba’t di ka lumaban? Duwag ka! Hahaha”

pinagtawanan nila si jacob.

Bakit nga ba ayaw lumaban ni jacob? kung tutuusin kayang-kaya naman niya ang mga mayayabang na ‘to, o kaya nama’y palabasin niya nalang si saiyha, siguradong magsisipagtakbuhan na ang mga ito.

“ginoo, ayoko lang ng awa-ay-”

hindi pa man natatapos magsalita ni jacob ay muli na naman siyang sinuntok sa mukha ng lalaki.

PAK!

Muling tumalsik si jacob at napaluhod sa lupa.

“tama na!! tama na!!”

sigaw ko sa mga lalaki.

“hindi niyo ba nakikita?! Hindi siya lumalaban! Mga hangal kayo! sa tingin niyo matatapang na kayo? sa tingin niyo mga totoong lalaki kayo?!”

mariin kong pagbanggit.

Napansin kong palapit sa akin ang lalaki kaya sinalubong ko na siya.

“sige! sige! susuntukin mo ‘ko?! sige lang! ikaw ata ang bakla eh! pumapatol sa babae! Mga hangal kayo! Mga salot sa lipunan!”

Buong tapang kong sinabi.

Napaatras ako nang mapansin ko siyang kumuha ng buwelo, tinaas ang kanang braso at pinorma ang kamay para sa isang malakas na sampal sa akin, ngunit hindi pa man niya naibabagsak ang palad niya sa pisngi ko ay biglang sumulpot si jacob sa harapan ko, sa mismong pagitan namin ng lalaki.

Sinakal niya ang lalaki gamit ang kaliwang kamay niya, tapos iniangat niya sa ere, pilit namang tinatanggal ng lalaki ang pagkakasakal ng kamay ni jacob sa kanya, pero hindi niya matanggal, umangat ang buong katawan ng lalaki kahit malaki ang katawan niya, ang mga paa niya’y hindi narin dumadampi sa lupa.

Napansin ko ang kanang kamay ni jacob, unti-unting humahaba ang mga kuko niya, napakatalim, napakatutulis, mukhang sing-tigas ng asero.

Bigla akong nakaramdam ng takot, takot na baka mapatay ni jacob ang lalaki, kaya mula sa likod ni jacob ay niyakap ko siya, ginapos ko ng yapos ang katawan niya.

“jacob, jacob! tama na!”

paulit-ulit kong sinasabi.

To be continued…

Fiction-Factory

Fiction-Factory
Latest posts by Fiction-Factory (see all)
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Most Voted
Newest Oldest
Inline Feedbacks
View all comments
Libog Stories
0
Would love your thoughts, please comment.x