Written by Fiction-Factory
Please refer to the previous part.
(Kapitulo Sais.Sais.Sais)
Bigla nalang nayanig ang lupa na parang may lindol, Ngunit ang mga tao sa paligid ay tuloy lang sa kani-kaniyang ginagawa.
Wala silang kamalay-malay sa nangyayari sa kabilang mundo, tulad nitong nasasaksihan ko, hindi ko alam kung malas ba talaga ako o maituturing maswerte dahil sa mga nasasaksihan ko.
Naalala ko ang kaluluwa ng lalaki, nakuha na ang espiritu niya, ngayon tanging kaluluwa nalang niya ang natira.
Muli akong sumilip para makita pa ang mangyayari.
Ang kaluluwa niya’y nakalutang dalawang metro mula sa lupa, gano’n siya kataas! tulala at dilat na dilat ang mga mata niya, nakatingin sa kawalan.
Napalibutan ng itim na usok ang buong paligid, napakapit ako sa sanga ng akasya dahil tuloy parin ang nakakahilong pagyanig, parang nabiyak ang lupa na gumawa ng malaking bilog na butas sa tabi ng kaluluwa ng lalaki at may kung anong nilalang ang lumalabas.
Isang nilalang sa anyo ng tao, maitim na uling ang kulay ng buo niyang katawan.
Ang mga mata niya’y nagliliyab na parang bola ng apoy.
Ang mahabang buhok niya’y lumulutang sa ere na parang nagsasayawan.
parang sakanya nanggagaling ang makapal na itim na usok.
Tama, binubuga niya sa kanyang bibig.
Paikot-ikot siya na gumagapang sa gilid ng butas.
Tapos may narinig akong malakas na dagundong na tunog, parang tunog ng isang libong trumpeta na ang dala’y nakakapangilabot na musika.
Tinakpan ko pa ang magkabila kong tenga dahil sa nakakabinging tunog.
“mukhang tadtad ng kasalanan sa lupa ang lalaking ito ah! Diablo pa talaga ang susundo”
Bigla nanaman nagsalita si tony.
Napakalakas ng tunog ng trumpeta ngunit nagtataka ako kung bakit narinig ko parin ng klarong-klaro si tony.
Parang naiintindihan ko na ang tinutukoy niyang, nag-uusap gamit ang emosyon.
“sino ba dapat ang susundo? Hindi ba diablo?”
tanong ko kay Tony.
Umiiling-iling siya.
“hindi. Bihirang mangyari ito. Si Lucifer talaga dapat ang sumusundo sa Soul of Death at hindi ang Devil Beast”
sagot niya.
“so, devil beast ang darating ngayon? sino siya? si satan?”
muli kong tanong.
“tumpak! Napakaswerte mo dahil makikita mo ang pinaka-dakila sa mundo ng kadiliman, ang niluluhuran at sinasamba ng mga diablo.”
Nagpukol siya ng matalim na tingin sa akin.
“totoo ba ‘to? Hindi kaya panaginip lang ito?”
hindi talaga ako makapaniwala.
Ang alam ko, si satan ay kathang-isip lamang na likha ng tao, wala siyang anyo at wala siyang buhay, siya ay ang tinatawag lang na ‘kasalanan’ sa isang tanyag na Kasulatan.
Ngunit ngayong gabi, makikita ko siya, ang Hari ng Kasamaan na mortal na kalaban ng Kabutihan.
“sana nga panaginip nalang ito”
nasambit nalang ni tony.
Biglang umusbong ang nagliliyab na apoy sa butas, at mula sa loob nito’y may mga nagsalputang hindi ko matukoy na nilalang na umaakyat sa gilid ng butas.
Mga hubad na higanteng nilalang sa wangis parin ng katawan ng tao ang nagsipagtayuan, sa pagbilang ko ay nasa pito sila, at lahat sila’y walang mga ulo, tanging katawan, kamay at paa lamang ang meron sila, at ang balat nila’y itim na itim at hindi man lang nasusunog ng apoy, tapos may tatak ang likod nila, baliktad na tatsulok na may isang mata sa loob.
“Anong klaseng mga nilalang ang mga ito?”
natanong ko sa aking sarili.
“mga demonyo!”
sumagot naman si tony na napaupo at sumandal sa akasya.
Nababasa talaga niya ako.
Biglang huminto ang tunog ng trumpeta kasabay ng paghupa ng pagyanig ng lupa.
Bigla ding naglaho yung nilalang na bumubuga ng itim na usok, at nang unti-unting maglaho ang usok,
nakita ko yung pitong demonyo na pinalibutan ang kaluluwa, nakapila at bumuo ng hugis tatsulok, at ang mga tattoo nila sa likod ay nagliwanag na parang nagbabaga.
Kinilabutan ako nang mapansin kong bigla nalang bumaliktad ang mga katawan nila, ang mga kamay at paa’y nakabukaka at magkadikit sa isa’t-isa.
Binakuran nila ang paligid ng kaluluwa.
May biglang lumapit na batang babae, tingin ko ay nasa dose anyos lang siya,
mahaba at maitim ang maganda niyang buhok na may puting hairband sa pagkakalugay.
nakasuot siya ng puting gown pero nakayapak lang siya.
Mukha siyang manyika sa ayos niya.
Hindi ko alam kung saan siya nanggaling.
Nung una akala ko tao siya pero laking gulat ko nang pumasok siya sa loob ng tatsulok na gawa ng mga demonyo.
Nandito siya sa mundong ito na ginagalawan ko ngayon.
Pumwesto siya sa sentro, sa ilalim ng nakalutang na kaluluwa, tumingala siya at binuka niya ang kanyang bibig, biglang lumaki ang bibig niya, sinlaki ng butas ng ringcourt, tapos unti-unting pumapasok ang kaluluwa sa bibig niya.
Hinigop ng batang ito ang kaluluwa, at nang tuluyan na niyang makain ang kaluluwa, nanlaki ang mga mata ko nang bigla siyang lumingon sa akin.
Nagulat ako sa nanlilisik niyang mga mata, bigla akong napaupo sa tabi ni Tony, at nang tignan ko si tony, natutulog siya.
“tony! tony! Gising!”
inalog-alog ko ang katawan niya para magising siya.
“huh!!!”
Bigla siyang nagulat at napamulat.
Bigla siyang napamulala na parang may tinitignan, paglingon ko sa direksyong ‘yon, nasindak ako nang makita ko ang batang babae na papalapit sa amin.
Ngunit kanina’y nado’n lang siya tapos ngayon nasa harapan na namin siya.
“Nagulat ko ata ang pinakamatapang na nilalang sa lupa?”
tanong ng bata kay tony.
Ang batang ito ay tunay na nakakatakot, napaka-amo ng kanyang mukha, parang ordinaryong bata, ngunit napakalaki ng boses niya, babae siya pero ang boses niya’y parang sa lalaki.
“tamang surpresa lang boss”
nakangiting sagot ni tony habang papatayo.
Sumunod ay lumapit sa akin ang bata, tinitigan niya ako habang papalapit ang mukha niya sa mukha ko, bigla akong natakot ngunit sinamantala ko ang pagkakataong makita ang kanyang mukha.
Una kong napansin ang tattoo sa kanyang noo, nakatatak dito ang mga numerong 666, tapos nakita ko ang mga ngipin niya nang bigla siyang ngumiti, parang ngipin ng matanda na nabubulok at nangingitim.
“tao ba to?”
sa isip ko.
“Hah-Hah-Hah Hah Hah”
Bigla akong napakilig sa takot sa pagtawa niyang dumadagundong sa lakas.
“gusto mo ba akong makilala hija? Halika, sumama ka”
wika niya, nababasa din niya ako.
Hija? Tinawag niya akong hija samantalang kung titignan, napalaki ng agwat ng tanda ko sa kanya.
“oops! Teka boss, hindi pwede yan. Hinay-hinay lang. Hindi mo pwedeng isama ang kaluluwa niya pagka’t may espiritu pa siya. Hindi ka pwedeng lumabag sa kasunduan ng langit at lupa”
sumabat si Tony.
Biglang nag-iba ang hitsura ng bata, ang kaninang masisigla niyang mata ay biglang nanlilisik kay tony.
“tony…tony… Ang paborito kong paniki…”
sabi niya kay tony.
Teka! Paniki? Ano kaya ang ibig niyang sabihin?
“…bakit hindi mo pa pinakuha ang espiritu niya sa kapatid ni lucifer?!!”
sigaw niya kay tony na parang galit na galit.
“boss! Alam mo namang hindi ko kasundo si Gabriel”
sagot naman ni tony.
Biglang kumalma ang bata at bigla siyang lumutang paatras at papalayo sa amin.
“Hihintayin ko ang oras mo, at ako mismo ang susundo sa ‘yo”
Sambit niya habang nakatitig sa akin at unti-unti siyang naglalaho sa ere.
Natakot ako sa sinabi niya. Napahawak ako sa aking dibdib.
“huwag mo ng alalahanin ang sinabi niya, mukhang hindi ka naman masamang tao noon kaya hindi niya masusundo ang kaluluwa mo”
sambit ni tony, napansin ata niya ang pangamba ko.
“sino ba ang batang ‘yon?”
tanong ko.
“hmm. Siya ang tinatawag mong Satan”
tugon niya.
“huh??x?! Si satan??”
Hindi ako makapaniwala.
Ang inaasahan kong satanas ay isang diablo na may dalawang sungay sa ulo at mahabang buntot, pula ang balat at may hawak na sibat na tinidor, tulad ng mga napapanood ko sa pelikula, ibang-iba sa batang ‘yon.
“oo maita! Si satan ‘yon! ‘wag kang magpalinlang sa maganda niyang mukha.”
Dagdag pa niya.
(Kapitulo Siete)
Muli akong lumingon sa senaryo kanina.
Wala na ang mga demonyo, maging ang hukay sa lupa.
Bumalik na sa normal ang lahat.
Ang nakita ko nalang ay ang mundo ng tao.
May dumating na dalawang ambulansya, bumaba ang mga medic para tignan ang mga katawan ng dalawang biktima.
Nang makumpirma nila na patay na nga ang lalaki ay agad na nila itong isinakay sa isang ambulansya at agad naring umalis.
Naiwan ang isang ambulansiya.
“buhay pa siya”
Sigaw ng isang medic.
Isinagawa nila ang first aid sa loob ng ambulansiya.
“Dalhin na natin siya sa ospital”
napagkasunduan nila.
Pag-alis ng ambulansiya, nagsi-alisan narin ang mga tao, bumalik na sa normal ang lahat sa mundo ng tao, nalinis ang kalsada at walang natira maliban sa isang babae na nakatayo sa kalagitnaan ng daan.
Linapitan namin ni tony ang babae, tantiya ko ay mga disin-nuebe lang siya at mas matanda ako ng limang taon.
“miss”
pauna ni tony.
“hindi ako pwedeng magkamali. nakita ko ang sarili ko kanina na binuhat at isinakay sa ambulansiyang kaaalis lang, ngunit heto ako ngayon, nakatayo sa inyong harapan.”
sambit niya habang tinitignan at hinahaplos-haplos ang sarili.
Nagkatinginan kami ni tony.
Siya yung babaeng nabundol,
ibig sabihin hindi na siya nakaabot sa ospital.
Ibig sabihin patay na siya.
Hindi namin alam kung papa’no sasabihin sa babaeng ito na patay na siya, at siya ngayo’y kaluluwa na lamang tulad ko.
“Malakas din ang espiritu ng babaeng ito…”
nasambit ni tony.
“espiritu?”
pagkagulat ng babae.
“ibig bang sabihin patay na ak-”
Nagulantang kami ni tony nang biglang natigil sa pagsasalita ang babae kasabay ng paghawak niya ng kanyang dibdib.
“nani-nikip a-ang dib-dib kko…parang may humihigop sa akin!”
nahihirapan na siyang magsalita.
“tony, anong nangyayari?”
tanong ko sakanya.
“malamang nasa ospital na ang katawan ng babaeng ito, na ngayo’y sinusubukang isalba ng mga doktor”
sagot niya.
Marahil kinukuryente ngayon ng mga doktor ang puso ng babaeng ito.
Ngunit biglang kumalma ang babae, parang pagod na pagod siya at hingal na hingal.
Ngayon, patay na talaga siya at kaluluwa na lamang.
Linapitan siya ni tony at ipinatong ang kamay sa balikat ng babae.
“I’m sorry…”
sambit ni tony.
Umiyak ang babae at humahagulgol sa sama ng loob, panay ang salat niya sa kanyang pisngi, marahil nagtataka siya kung bakit wala siyang luha.
Napayakap siya bigla kay tony.
Hindi niya matanggap na patay na siya.
Ako naman, heto, parang may kung anong naramdaman sa nakikita ko sa kanila, parang hindi ko kayang makita si tony na may kayakap.
Hindi naman siguro ako nagseselos dahil may mahal na akong iba, ang nobyo kong si Ron.
Marahil nami-miss ko lang si ron, ang mga halik at yakap niya.
Naalala ko tuloy yung araw nung una kaming magtalik, ‘yun ang unang beses kong makipagtalik.
“may tatlong araw ka nalang Maya”
naputol ang pagmumuni-muni ko nang marinig ko si tony.
Nagkakilala na pala sila ni maya, at naipakilala na din ako ni tony sakanya.
Ipinaliwanag din niya sa babae ang mga sinabi niya sa akin tungkol sa Life and Death, pati na ang kalagayan ko ngayon.
“Edi maaari mo rin akong buhayin tulad ni ate Maita?”
tanong ni maya nang maunawaan na niya si tony at maintindihan ang nangyayari.
“hindi maya. Iba ang kinamatay mo sa kinamatay niya. Binawi na ang buhay mo at dito na nagwakas ang buhay mo sa lupa, ngunit si maita ay inagawan lamang ng buhay ng isang Bampira.”
paliwanag ni tony.
“teka! Alas-otso na! Kailangan maibalik na kita sa katawan mo bago maghating-gabi, ikalawang araw mo na ngayon, ‘wag natin sayangin ang pagkakataon”
bigla namang nasabi sa akin ni tony.
“pwede bang sumama nalang ako sa inyo?”
hiling naman ni maya na mukhang alalang-alala.
Pumasok kaming tatlo sa loob ng puneralya.
Mabilis ang aming paghakbang papunta sa silid na kinaroroonan ng bangkay ko.
Pagbukas ng pinto, nagkatinginan kami ni tony na parehong nanlalaki ang mga mata.
Wala kasing laman ang kama kung saan nakahimlay ang bangkay ko kanina.
“bakit wala ang katawan ko?”
nasabi ko na lamang.
Mabilis ang kilos ni tony.
Pinag-tatanggal niya ang mga kumot ng iba pang bangkay.
Hinanap talaga niya ang bangkay ko sa buong silid ngunit hindi namin ito nakita.
Lumabas siya sa silid at tumakbo papunta sa lobby, sa tapat ng front desk counter ng puneralya.
Sinusundan lang namin siya ni maya.
“sir, nasaan na po ang katawan ni Maita Navarro?”
tanong niya sa lalaking nasa counter.
“ah sir, check ko lang po sa listahan, kaka-shift ko lang po kasi.”
sabi ng lalaki habang tinitignan ang listahan.
“naku sir, kakakuha lang po sa bangkay niya, heto po oh, si Alexander Navarro”
patuloy ng lalaki habang pinapakita niya ang listahan kay tony.
“Si Daddy!”
napasigaw ako.
“naimbalsamo ba ang bangkay niya?”
muling tanong ni tony.
“ayon sa record sir, inilabas po ang bangkay ng hindi pa naiimbalsamo”
Biglang napanatag si tony, maging ako.
(Kapitulo Otso)
Sumakay agad kami sa kotse ni tony, isang modified pick-up body Hilux na pang off-road.
Sa frontseat ako katabi ni tony habang si maya ay nasa backseat.
Kinabig niya ang manibela papunta sa bahay namin, siguradong do’n niya unang dadalhin ang bangkay ko.
Habang nagmamaneho si tony, naalala ko si Daddy.
Kumusta na kaya siya?
marahil ibuburol na niya ang katawan ko, ngunit bakit hindi niya iyon pinaimbalsamo?
Hindi kaya umaasa din siya na mabubuhay pa ako?
Hanggang ngayon siguro ay hindi parin niya matanggap na patay na ako, katulad ng naranasan niya sa pagkawala ni mommy.
Nasaksihan ko ang pagdadalamhati niya noong pumanaw si mommy, kaya kung makikita ko siya ngayon, sana ay okay lang siya, sana hindi siya umiiyak.
Napatingin ako sa glass wind shield ng sasakyan, nabura ang pagmumuni-muni ko nang makita ko ang nasa labas.
“Tony! Tony! Pwede bang ihinto mo saglit ang sasakyan dito?”
hiling ko kay tony kasabay ng paghawak ko sa braso niya.
Nakita ko kasi ang bahay ng nobyo kong si Ron, at nakita ko siya na may kasamang ibang babae, magkahawak kamay at pumasok sa bahay nila.
“bakit?”
nagtatakang tanong ni tony.
“May pupuntahan lang ako sandali”
sabi ko.
“ang nobyo mo?”
tuloy parin siya sa pagmamaneho.
“oo! pa’no mo nalaman?”
“Maita, may mas mahalaga pa tayong gagawin kaysa dyan!”
sabi niya.
Marahil tama siya, pero gusto ko sanang makita si Ron, lalo na’t may kasama siya at kahawak kamay na ibang babae, gusto kong malaman kung sino ang babaeng ‘yon, ngunit hindi na lang ako umimik pa.
Mga ilang saglit pa ay biglang huminto ang sasakyan.
“may sampung minuto ka. bilisan mo maita kung gusto mo pang makasama ng matagal ang nobyo mo”
wika ni tony habang nakatingin sa likod at pinapaatras ang sasakyan.
Napansin ata niyang nakatulala ako sa kawalan.
Tinapat niya ang sasakyan sa mismong harapan ng gate ng bahay nina ron.
“salamat tony”
binuksan ko agad ang pinto dahil baka magbago pa ang isip niya.
“sama ako ate!”
hiling naman ni maya, pinagbigyan ko nalang siya.
Pumasok kami ni maya sa bahay nina Ron.
Hinanap namin siya at natagpuan namin siya sa kanyang silid kasama ang babae.
To be continued.
Fiction-Factory
- Hazel - December 9, 2021
- Isang Gabi Sa Loob Ng Bus - December 4, 2021
- Grace - November 27, 2021