Author: Regalia
Isang liwanag na nakatapat sa mukha ko ang gumising sa’king mahimbing na tulog. Walang anu-ano’y balikwas akong bumangon upang tignan kung ano’ng oras na…
“Tangina! Tangina!” natampal ko ang aking pisngi sa labis na pagkadismaya dahil pasado alas nuwebe na pala ng umaga. Masyado na akong huli para pumasok sa trabaho. Nanghihinayang ako sa no absent incentive na pwede ko sanang makuha! Tatlong libo na’y naging bato pa! Ibang klase talaga si Linda, lumayas na’t lahat ay may hatid pa ring kamalasan!
Kagabi lang ay pinagbantaan ng mga bata ni Gary ang buhay ko, kasabay pa noo’y nilayasan na ako ng aking mag-ina!
Dala ng samu’t saring emosyon na naglalaro sa isipan ko ay nagdesisyon akong magpakalango sa alak habang kinokontak si Carla, ang potensyal na sugar mommy na pwede kong huthutan ng kwarta.
Sa kasamaang palad ay hindi na nag-reply si Carla sa mga text ko, ni hindi siya nag-abala na sagutin ang aking mga tawag. Nakaramdam ako ng panghihinayang dahil si Carla ang pinakagalante sa lahat ng naging sugar mommy ko.
Kamot ulo akong nagtungo sa kusina upang ayusin ang aking sarili pati na magkape. Pagkatapos magsepilyo at maghilamos ay naghalughog ako ng kape sa ibabaw ng ref pero wala akong nakita…
Sinubukan ko pang maghanap sa iba’t ibang parte ng kusina, sa canister ng ice cream, sa mga garapon, kahit sa loob na mismo ng ref ngunit ni isang granules ng kape ay wala akong nakita!
Dala ng inis at desperasyon ay wala sa sarili kong dinampot ang tasa malapit sa’kin at buong pwersa iyong ibinato sa lababo! Pesteng buhay ‘to! Kape na nga lang ay wala pa! Hinalughog ko ang aking backpack para maghanap ng barya pambili ng kape ngunit ‘ni singkong duling ay wala akong nakita!
Wala sa sarili akong napasabunot sa aking buhok bago magpakawala ng marahas na buntong hininga. Ganito ba talaga kamiserable ang buhay ko?
Pilit kong pinaklma ang aking sarili, inayos ang gusot kong buhok tapos ay tinampal-tampal ang magkabila kong pisngi hanggang sa mawala ang bakas ng inis at galit sa aking mukha…
Lumabas ako ng bahay at nagtungo sa sari-sari store doon sa kanto. Wala na rin naman akong ibang choice kung hindi ang mangutang. Pagdating ko sa harap ng tindahan ay tumikhim ako at malambing na nagwika, “Aling Fe, magandang umaga ho.” Lumingon ang matandang tindera at biglang umasim ang kanyang mala-ampalaya mukha nang makita ako.
“D’yoskupo Oliver hindi ako nagpapa-utang,” bungad ng matandang tindera na may pagka-judgemental din. “Ang dami-dami n’yo nang utang dito, baka gusto mong magbayad?”
“Babayaran kita Aling Fe, dadagdagan ko pa para naman makabawi po ako sa kabutihan n’yo,” magalang kong tugon sa medyo malungkot na tono. “Kayo na lang kasi ang malalapitan ko kapag gipit na gipit ako, alam n’yo naman na sobrang gastadora ang misis ko. Lahat ng intrega ko sa kanya eh nawawala na parang bula,” dagdag ko pa.
“Tapos kagabi, nilayasan na nila ako. Tinangay na nga ni Linda ang lahat sa akin Aling Fe. Wallet, ATM, barya, pati kape hindi pa pinatawad!” emosyonal kong daing sa matandang amoy lupa na may kasama pang pangingilid ng luha para mas convincing.
Napansin kong nagitla si Aling Fe sa narinig, biglang naglaho ang maasim na ekspresyon ng kanyang mukha at napalitan ng kyuryosidad.
“Talaga ba iho?” manghang tanong ng matanda. “Nilayasan ka na ng mag-ina mo?”
“Oho,” malungkot kong tugon sabay kunwang pinahid ang gilid ng aking mata. “Kagabi pag-uwi ko galing sa trabaho hindi ko na sila naabutan sa bahay tapos simot na simot gamit namin. Mabuti nga at nagtira pa s’ya ng ilang damit ko,” dagdag ko pa.
“Naku po, kawawa ka naman palang bata ka…” sambit ni Aling Fe kasabay ang pag-antanda.
“Oho eh…” tugon ko. “Baka pwede ho munang pautang ng Kopiko Blanca at dalawang Fortune Lights,” sambit ko.
“Ay sige, Oliver. Ililista ko na lang ‘to. Basta magbayad ka sa katapusan ha?”
“Syempre naman po Aling Fe, kailan ko ba kayo binigo?” nakangiti kong tugon habang inaabangan ang mga produktong inutang ko.
“Tangina! Halagang bente pesos lang pahirapan pa,” bulong ko makaraang makuha ang kape at yosi.
“May sinasabi ka ba Oliver?” tanong ng matanda.
“Sabi ko po hirap na hirap na ako…” paawa kong tugon.
“Kaya mo ‘yan iho. Suyuin mo ulit ang mag-ina mo. Mahal na mahal ka ng mga ‘yon.”
“Salamat po. Mahal na mahal ko rin sila lalo na si Linda…” tugon ko kahit nakakasuka.
Dali-dali akong umuwi sa bahay para magkape. Kumukulo na ang aking tiyan sa gutom, lalo lang tuloy umiinit ang ulo ko! Matapos timplahin ang kape ay nagtungo ako sa sala…
Habang nakatulala ako sa kawalan at nakikinig sa mga walang balita sa TV ay umaandar naman ang utak ko sa pag-iisip ng paraan kung paano ako magkakapera…
Mamaya ay ibebenta ko muna ang TV, refrigerator at lahat ng makikita kong appliances sa bahay. ‘Pag nakalikom ako ng sapat na pera ay pupunta ako sa cockpit arena at itataya kong lahat sa sabong. Pakiramdam ko’y heto na ang tamang pagkakataong makabawi sa mga pagkatalo ko.
KINABUKASAN, sa tulong ni Pareng Ramil ay madali kaming nakahanap ng buyer ng refrigerator, TV pati na laptop na naiwanan ni Celine. Halos magningning ang mga mata ko nang makita ang beinte mil sa’king palad!
Ganito lang pala kadali gumawa ng pera! Kung sakaling maubusan ako’y maghahanap na lang ulit ako ng pwedeng ibenta!
Pagkagat ng dilim ay nagbabad ako sa banyo. Nagkuskos na maigi ng kili-kili at naghilod ng singit. Sinigurado kong malinis ang aking katawan at walang libag bahid ng dumi at libag upang hindi ako malasin.
Pagkatapos maligo ay isinuot ko ang aking branded white polo shirt at mamahaling jeans. Sinigurado kong mukha akong mayaman at may pera dahil naniniwala ako sa kasabihan ukol sa law of attraction. Isa pa ay malas ang magsuot ng butas kapag pupunta sa sabungan. Ika nga nila, dapat ay dress to kill!
Nang maayos ko ang sarili ay mabilis akong lumabas ng bahay at pumara ng tricycle. “Boss hatid mo ako ‘don sa sabungan sa bayan,” sambit ko bago prenteng naupo. Maliit na sabungan lang ang meron sa bayan kumpara sa Lucky Cockpit na nasa kapitolyo pero pwede na rin ‘tong pagtyagaan. May tsansa pa rin na madoble ang pera ko ngayong gabi.
Pagdating namin sa sabungan ay agad akong sinalubong ng dumadagundong na hiyawan at paswitan ng manonood at mananaya. Kumabog ng husto ang aking dibdib dala ng pagkasabik na tumaya.
Humahangos akong pumasok sa loob ng sabungan na parang batang nasa palaruan. Pagdating doo’y hinanap ko agad ang mga kristo, nakita ko silang abalang abala sa pagkuha ng taya sa mga manunugal. Tumatagaktak ang pawis nila habang panay sensyas at sigaw sa kanilang mga parukyano.
Patakbong akong lumapit sa gitna ng mga mananaya, tumingin ako sa isa sa mga kristo at malakas na humiyaw “doblado sa pula! Doblado sa pula!” kasunod noon ay isinenyas ko pa ang aking taya para makuhang mabuti ng kristo.
Iang saglit ang nakalipas ay nag-thumbs up sa’kin ang kristo, tanda na nakuha niya ang pusta ko.
Makaraan lang ang ilang minuto ay nagsimula nang mag-asaran ang mga pumusta sa pula at sa puti. Malakas ang naging paswitan at insultuhan ng magkabilang kampo, bagay na mas nakakapagbigay galak at sigla sa puso ng bawat sugaral sa tupadahan.
Natahimik ang lahat nang pumasok ang mga manok sa ruweda kasama ang sentensyador. Sinimulan na ng magkabilang panig inspeksyunin ang kanilang manok panabong habang kaming mananaya ay malamig na pinagpapawisan sa magkahalong nerbyos, takot, kaba at pagkasabik.
Nang simulan na ang laban ay muling dumagundong ang buong sabungan sa hiyawan ng mga manonood pati na ng mga sabungero! Kani-kaniyang cheer ang lahat, sa pula! Sa puti!
Nangangatog ang buo kong katawan sa sobrang pagkahumaling sa laro at sarap ng pakiramdam na hatid nito.
Makalipas ang ilang minuto ay bagsak ang pulang tandang matapos tamaan ng tari sa leeg! Nagsigawan ng buong galak ang mga tumaya sa puti habang kaming kampi sa pula ay bagsak ang balikat sa pagkadismaya.
Sa isang iglap ay natunaw ang isang libong piso ko!
Kinalma ko ang aking sarili, ‘di bale, may disinuebe mil pa naman ako… Mahaba pa naman ang gabi, marami pa akong pantaya, pwedeng pwede pang bumawi.
Walang kagatol-gatol kong itinuloy ang pagtaya sa kristo. Sa bawat pusta ay nananalig ako na sana ay manalo, madoble ang aking salapi. Alam ko na sa gabing ito’y mababawi ko ang mga pagkatalo ko. Ngayong gabi ay pihadong mananalo na ako…
PAGKAGAT ng hatinggabi ay paunti-unting naubos ang mga tao sa loob ng sabungan. Natagpuan ako ang aking sarili na nananatiling nakaupo sa isang sulok, nakatingin sa malayo habang bitbit ang tatlong sambot o talunang manok na pwedeng lutuin bilang tinola o adobo…
Ang tatlong patay na tandang na ito ang tanging pakunswelo sa’kin ng mga kristo sa pagkaubos ng beinte mil ko…
Hindi ako makapaniwala na sa isang gabi ay maglalaho na parang bula ang beinte mil ko dahil sa kamalasang ipinamana pa yata sa’kin ng dambuhala kong asawa!
Huminga ako ng malalim at kinalma ang aking sarili. Alam ko na darating din ang swerte ko. Alam ko…
Malapit na akong manalo.
To be continued…
- Chubby Ruby – III - June 4, 2022
- Chubby Ruby – II - May 26, 2022
- Chubby Ruby - May 13, 2022