Ikapitong Utos – Episode 22: Halik Sa Apoy PART 1
By ereimondb
“Congratulations!!!!”
“Hehehe… Salamat kambal!”
April
“Tignan mo, sabi ko naman sayo makakatapos ka din eh…”
“Kaya nga eh. Hindi ko rin akalain kambal na matatapos ko rin pag-aaral ko.”
“Ayos yan kuya Michael. Alam kong maaabot mo rin mga pangarap mo at mga gusto mong gawin sa buhay. Sabi ko nga kay Linda eh, ibigay na sayo lahat ng long-sleeved polo shirts ko diyan eh… Hehehe!”
“Hehehe! Sige kambal, pipili na lang ako. Pero baka hindi muna ako aalis sa agency na pinagtatrabahuhan ko. Ayoko namang magmukhang walang utang na loob. Eh sila na nga ang nagbayad ng tuition fee ko para sa huling semestre eh.”
“Ikaw bahala kuya. Tsaka mukha namang mababait silang lahat diyan eh. Kaya pagbutihan mo na lang trabaho mo sa agency.
“Oo kambal. Ibabalik ko lang yung kagandahang loob na ipinakita nila sa akin doon.”
“Tama yan kuya… Kamusta na pala kayo diyan sa bahay?”
“Ayos naman kambal. Wala namang masyadong problema. Hehehe!”
“Mabuti naman kung ganoon kuya. Medyo madalang na rin ako makapagYM dito. Madami kasing trabaho, kahit matutulog na kami eh, may isinesend pa rin sa email na dapat lutasin.”
“Ganun ba tol? Ayos lang. Ang mahalaga eh nakakausap ka pa rin namin. I-add mo pala ako sa Friendster. Gumawa na ako ng account doon. Hehehe…”
“Hahaha! Sige kuya, gawa din ako ng account sa Friendster kung hindi ako busy. Madalas kasing hectic ang schedule dito.”
“Ahh mukhang stressful nga diyan kambal.”
“Kaya nga eh. Pero ayos naman ako dito. Pinagtatyagaan ko na lang, naandito na ako eh.”
“Tama yan kambal. Mahigit isang taon ka na diyan sa Singapore eh. Hindi natin namamalayan, sobrang bilis ng panahon.”
“Kaya nga eh… Nakakapag-adjust na rin naman, pero siyempre hindi ko pa rin mapaglabanan kung minsan na hindi mahome-sick.”
“Hehehe… Ganyan talaga. Ngayon lang tayo nagkalayu-layo eh. Pero huwag kang mag-aalala, habang naandiyan ka naman eh nasisigurado mo ang kinabukasan ni kulet.”
“Hahaha! Makulet na ba si Jacob?”
“Oo kambal… Sus! Sobrang kulet. Takbo ng takbo. Laro ng laro sa labas. Eh madalas ko ngang inilalabas yan para ipasyal doon sa may park.”
“Hehehe… ”
“Nakakatuwa din yung pagka-buyoy (bulol) ng anak mo. Hehehehe…”
…
…
“Hoy! Kambal? Naghahang ka… Hindi gumagalaw video mo. Hehehe…”
…
…
“Teka lang kuya ha… Ayusin ko lang.”
Ganyan si kambal sa tuwing ikinukuwento ko sa kanya si baby Jacob.
Sandali siyang natitigilan sa pakikipag-usap sa akin at madalas ay tinatanggal niya muna ang webcam niya sa YM.
Alam ko kung gaano kahirap ang nararanasan niya.
Alam kong mahirap ang magtrabaho sa ibang bansa.
Higit na kalaban mo doon ay ang pamatay na pangungulila.
Halos limang menuto siyang hindi bumabalik sa webcam.
Tapos magcha-chat ka sa akin na maya-maya na ulit siya makakapag-online dahil may gagawin siyang trabaho.
Hindi ko naman sinasabing nagsisinungaling siya, pero alam kong ayaw niyang makita kong nalulungkot siya.
“Naku Linda, mamaya na lang daw ulit siya mag-oonline.”
“Ah ganun ba?! Sige iwan mo na lang na bukas yang computer. Ako na lang din ang magsasign-out sa YM.”
“Okay sige. Salamat ha. Ngayon ko na lang din nakausap itong si kambal. Nakakamiss ang mokong! Hehehehe…”
“Lagi ka nga rin niya itinatanong sa akin eh, kaso talagang ngayon lang kayo nakapang-abot. Hayaan mo pag may pagkakataon ulit, tatawagin kita.”
“Sige. Salamat Linda.”
“Sige.”
Tama si Linda. Ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataong makausap si Francis sa webcam.
Kung hindi pa ako nag-absent sa trabaho eh hindi pa mangyayari iyon.
“Kamusta na pala pakiramdam ko kuya? Nainom mo na ba yun gamot mo?”
“Maayos-ayos naman na. Medyo nahilo lang ako at biglang nag-chill noong isang gabi.”
“Ahh… Baka me-trangkaso ka kuya?”
“Siguro nga. Inoobserbahan ko pa itong pakiramdam ko. Basta itutuloy-tuloy ko lang ang gamot ko.”
Sakitin talaga ako mula pagkabata.
Kaya nga ako natigil ng dalawang taon sa pag-aaral dahil kailangan kong makapag-pahinga ng maayos. Madalas ay pinapagalitan ako nina mama at papa kapag hindi ko iniinom ang gamot na inirikumenda ng doktor.
Kaya para sa akin, normal na lang ang biglang lagnatin o kaya naman ay biglang bumaba ang timbang. Kasi madalas ay mabilis naman akong nakakabawi at lumalakas.
“Tama yan kuya Michael. Dapat obserbahan mo yang sakit mo tapos magpatingin ka na rin sa doktor. Nadadalas na rin kasi yang pagkakasakit mo.”
“Sige Linda. Paghindi pa umaayos ang pakiramdam ko hanggang bukas, eh pupunta na akong ospital.”
Magdadalwang araw na akong hindi nakakapasok sa trabaho.
Malamang eh hahanapan na nila ako ng medical certificate. Kaya sa ayaw at gusto ko, kailangan kong magpatingin sa doktor.
Matapos naming kumain ng hapunan ay agad akong umakyat papunta sa kuwarto ko.
Medyo nanghihina pa rin ako at hindi pa masyadong humuhupa ang lagnat ko.
Pakiramdam ko ay napakabilis kong mapagod at sobra-sobra ang paghingal ko.
Siguro ay natutuyuan lang ako sa tuwing pinagpapawisan ako sa aking trabaho. O kaya eh dahil sa tindi ng init dito sa Antipolo at paminsan-minsan ay naulan, at dahil mahina ang resistensya ko, kung kaya’t madali akong tamaan ng trangkaso.
Madalas ding hindi ako nakakatulog sa gabi.
Ewan ko ba kung bakit…
Anemic na yata talaga ako…
Ang ginagawa ko na lang pampaantok ay ang paghithit ko ng yosi.
Ipinagbabawal ni utol itong ginagawa ko, pero ito lang ang paraan para antukin ako.
Wala rin naman akong makausap sa YM.
Lagi ko na lang tinitignan ay ang account ko sa Friendster.
Madalas din akong nakikipagkulitan sa mga kaibigan ko doon.
At lagi kong tinitignan kung naaccept na ba yung friend request ko kay Sheryn.
Si Sheryn…
Matagal-tagal ko na rin siyang hindi nakakausap.
Gusto ko lang makibalita sa buhay niya. Alam kong suntok sa buwan na makikipagbalikan siya sa akin.
At tanging hiling ko lang ay ang sagutin niya ang mensahe ko sa kanya kahit sa YM man lang.
Madami akong pinagsisisihan sa buhay ko.
At isa doon ay ang bigla kong iniwan sa ere si Sheryn.
Nahirapan ako sa long distance relationship.
Madalas ay wala siyang panahon sa akin at nararamdaman kong nahihirapan na rin siya sa ganoong setup.
Pero… Mali ang ginawa ko.
Nagsisisi ako kung bakit ko nagawa iyon.
Wala naman na akong magagawa dahil tapos na at nangyari na ang lahat.
Nakilala ko si Nessa.
Minahal ko sila ng anak niya.
Kaso iniwan nila ako.
Iyon na siguro ang karma ko.
Tangina!
Gusto ko na talagang mabawi ang mga magagandang pagkakataong mayroon ako noon.
Kung may pagkakataon pa ulit, babawiin ko rin si Sheryn.
Babawi ako sa mga pagkukulang ko sa kanya.
Liligawan ko ulit siya.
Gusto kong bumalik yung pagsasama namin noon.
At kung mapapagbigyan ako, gagawin ko ang lahat para sa kanya.
Lintek!
Kaya siguro hindi ako nakakatulog kaagad sa gabi eh dahil sa ingay ng isipan ko.
Gusto ko lang bumuo ulit ng pangarap.
Gusto kong buohin ang aking sarili.
Lalo na’t lalawak na rin ang mga oportunidad para sa akin, dahil nakapagtapos na ako sa aking pag-aaral.
—
Kinabukasan ay pinilit ko ang aking sarili ko na makabangon para makapagpatingin sa doktor. Tiyak naman na hahanapan ako ng medical certificate sa opisina dahil sa pag-absent ko nang dalawang araw.
Kahit hindi pa ganoon kabuti ang pakiramdam ko ay nagpasya akong magpunta ng ospital bago pumasok sa agency.
Kumain ako ng agahan, saka ininom ang gamot para sa lagnat. Hindi ko ipinapahalata kay Linda na masama pa rin ang pakiramdam ko. Dahil panay ang tanong niya at pangungulit na huwag na muna akong pumasok at baka mabinat ako.
Hindi na lamang ako umiimik habang naglalakad palabas ng bahay.
Maaga akong nakarating nang ospital at naghintay sandali para sa doktor na titingin sa akin. Sa una ay binigyan nila ako ng lalagyan ng aking ihi at dumi. Sinabi ko kasi lahat ng nararamdaman ko doon sa attending nurse na nasa may reception area. Kinuhanan din ako ng blood pressure at sabi sa akin ay okay naman daw. Binigyan muli ako ng gamot para inumin dahil mataas ang temperature ko. Pinahiga muna nila ako nang sandali sa isa sa mga kama ng emergency room.
Takot na takot talaga akong magpacheck-up. Lalo na ang dumiretso sa emergency room. Pakiramdam ko ay lalo akong nanghihina dahil sa mga pasyenteng sinusugod dito. Mga batang panay ang iyak dahil sa sakit, may taong sinugod dahil naaksidente sa motor, mayroon ding naka-wheelchair at halatang hinang-hina na dahil sa iniindang sakit, at mayroon ding nasaksak dahil sa away sa inuman. Tanging hospital curtain lang ang naghihiwalay sa akin at sa mga pasiyenteng ito sa emergency room.
Tangina! Kahit sinong barako ay talagang titiklop pagnakasaksi ng ganitong pangyayari sa ospital.
Ayoko namang kumuha ng sariling kuwarto dahil alam kong sandali lang ang chekup ko at nagpapahupa lang ako ng aking lagnat.
Maya-maya ay nilapitan na ako ng doktor para matignan. Lalo nanaman akong kinabahan. Mula nang bata pa ako ay talagang takot na takot na ako sa doktor at injection.
Hindi na ako mabibigla kung hihimatayin nanaman ako dahil sa karayom na makikita ko.
“Kamusta ang pakiramdam mo?”
“Medyo mabigat pa po dok, pero kailangan ko nang makapasok sa trabaho.”
“Puwede ka namang pumasok basta mawala na yang lagnat mo.”
“Tinatrangkaso po yata ako…”
“We’ll see. Nagbigay ka naman na ng urine at fecal sample di ba?”
“Opo dok.”
“Ano bang naramdaman mo noong una?
“Nilagnat po ako, tapos nagchichill po ako.”
“Ilang araw nagyari yung pagchichill?”
“Opo. Pero po, napansin kong may mga araw na bigla na lang ako nagchichill at nilalagnat. Pero nawawala rin po agad. Kaya nga po hindi na bago sa akin ito eh…”
“Ahh ganun ba? Ilang linggo na?”
“Matagal na po. Parang last year pa yata ako nagsimulang makaramdam ng ganito.”
“Bakit hindi ka nagpapatingin?”
“Sakitin po talaga ako dok. Mula noong bata pa ako, labas-masok ako sa ospital. Mahina ang resistensya ko.”
“Nagvavitamins ka ba?”
“Dati po…”
“Oh!? Bakit dati lang? Bakit hindi mo itinuloy?”
“Wala po kasi akong budget para doon.”
Maya-maya ay ipinabukas niya ang aking bunganga at ipinalabas ang aking dila. Hinila rin niya pababa ang balat sa ilalim ng aking mata at masinsin niya itong tinignan. Hindi ito umiimik at panay lamang ang sulat niya sa isang papel. Hanggang sa pinuntahan niya ang magkabila kong tenga upang matignan na rin. Pinakikiramdaman ko lang kung ano ang kanyang ginagawa sa akin, dahil patuloy pa rin ito sa di pagkibo.
Maya-maya ay may sinasalat siya sa gilid ng aking tenga. Medyo masakit ito sa tuwing kanyang hinahawakan.
“Ano itong bukol sa ibaba ng tenga mo?”
“Ah yan p ba? Matagal na nga rin po yan. Hindi ko alam kung bakit mayron ako niyan?”
“Gaano katagal? Tatlo na ata itong bukol hindi mo pa rin ipinapatingin sa doktor?”
“Wala pong pera at pagkakataon, dok.”
“Naku! Huwag ka munang pumasok ngayon at kailangang matignan ka ng mabuti. Dadaan ka sa series of tests at magsisimula iyan ngayon. Mahiga ka muna at lalapitan ka ng mga nurse para alalayan ka sa mga tests na gagawin sa iyo.”
“Opo dok.”
Hindi ko na alam ang gagawin ko. Ganito rin ang pakiramdam ko noong pinapatignan ako sa doktor ng aming magulang. Ang kinaibahan lamang ay mag-isa ako ngayon sa ospital.
Kaagad kong tinawagan ang mga kasamahan ko sa agency at nagpaalam na hindi pa rin ako makakapasok. Ipinaalam ko rin sa kanila na nasa ospital ako at nagpapatingin. Mabait naman sila at naiintindihan nila ang kalagayan ko.
Sinendan ko rin ng text message si Linda. Ipinaalam ko rin na nasa ospital ako at dadaan sa maraming tests. Gusto niya sana akong puntahan, pero sinabihan ko siyang bantayan na lang ang anak niya at kaya ko naman ito.
Unang ginawa sa akin ay kinuhanan ako ng blood sample.
Nakipag-daumpalad nanaman kami ng napakalaking karayom.
Puta! Ang ganda pa naman ng nurse at ayokong mahimatay sa harap niya. Nakakahiya naman na sa itsura kong parang maton ay nanlalambot sa isang karayom.
Nginingitian na lamang niya ako sa tuwing naninigas ang buo kong katawan dahil sa injection. Sa mukha niya lang ako nakabaling.
Sobrang bango niya at sobrang puti! Kaya nga trip na trip ko rin mga nurses eh. Hehehe…
Nang matapos ay hinayaan muna nila ako makapagpahinga ng saglit.
Inabisuhan nila ako kung gusto ko kumuha ng pribadong kuwarto, at sabi kong hindi pa kaya ng perang dala ko ang kumuha nito. Kung kaya’t inihatid nila ako sa pampublikong silid. Sama-sama na kami doon ng mga nagpapagaling sa operasyon at may sakit na hindi kayang magbayad ng pribadong kuwarto.
Nakatulog ako ng ilang oras, kahit maingay pa ang ilang mga bisita at pasiyente. Dala na rin siguro ng gamot na ibinigay sa akin at sa sama ng aking pakiramdam, ay para akong nagdedeliryo hanggang sa tuluyan na akong inantok.
—
Makalipas ang ilang araw, ay nakumpleto ko na rin lahat ng mga tests sa ospital. Dumaan ako sa CT scan. Madalas din nila ako kinukuhanan ng blood sample. Wala pa silang sinasabi sa akin na test results at kailangan ko pang maghintay hanggang sa Biyernes. Tatlong araw pa ang gagawin kong paghihintay para doon.
Medyo nakakabawi na ulit ako ng lakas at nakapasok na rin ako sa opisina namin. Binibiro pa nila ako dahil sa pagkakasakit ko. Sinasabi nilang tinatamad lang daw ako pumasok dahil hindi ko na gustong maging janitor. Ang iba naman ay kinakantyawan pa akong manlibre ng tanghalian.
Ano namang magagawa ko? Wala na akong pera dahil nagamit ko ang ibang naipon sa pagpapagamot ko.
Tinutulungan din ako ni Linda. Isang araw pa nga ay sinasamahan niya akong magpatingin sa doktor. Sigurado akong nasabihan siya ni kuya na alalayan ako sa pagpapatingin dahil alam niya na sakitin talaga ako.
Siya pa nga ang naging tagabantay ko noong nag-aaral kami at sapilitan siyang sumusunod sa aming ama para alagaan ako.
Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o maiinis sa tuwing nararamdaman kong laging may nakaalalay sa akin. Pakiramdam ko kasi ay napakahina kong tao. Kaya madalas ay ipinapakita ko sa mga kaeskuwela naming ni kambal noon na siga ako para hindi mapagtawanan at matuksong lampa.
Pero ngayon, talagang nag-iiba ang pakiramdam ko. Hindi ako makatulog, wala akong ganang kumain at mabilis na akong manghina. Twenty six years old pa lang ako pero pakiramdam ko ay uugud-ugod na ako.
Dumating ang araw ng Biyernes, at nakapasok pa ako sa trabaho.
Itinext ako ng nurse na pumunta ng ospital bandang ala-una ng hapon para sa resulta. Nagpaalam naman agad ako sa mga kasamahan ko sa trabaho at madali naman akong pinayagan.
Linis lang ako ng linis. Binilisan ko lahat ang trabaho sa opisina at siniguradong maayos ang lahat bago ako umalis. Ayokong may masasabi sila sa akin na hindi ako kumikilos at tinatamad na akong maging janitor sa agency. Utang na loob ko sa kanila kung bakit ako nakapagtapos sa kolehiyo.
Maya-maya ay nilapitan ako ng kaopisina namin. Pinapatawag daw ako ni bossing. Labis ko naman itong ikinabigla at ipinagtaka dahil sa loob ng halos dalawang taon ay kinausap ulit ako ng taong nagtiwala sa akin.
Mabilis kong iniligpit ang mga ginamit kong panglinis at nagpalit ng t-shirt. Gusto kong humarap kay bossing na maayos at hindi amoy pawis.
Pagkatok ko sa pintuan ay agad niya akong pinapasok at pinaupo.
Sandali pa akong naghintay sa kanya dahil marami siyang kausap na kliyente. Hanggang sa ibinaba na niya ang kanyang telepono at binigyan ako ng makahulugang ngiti.
“How are you Mr. Alcantara? Balita ko sa sobrang sipag mo daw eh nagkasakit ka. Tama ba? Hehehe…”
“Hehehe… Oo nga po sir. Trinangkaso po ako. Pero nagpatingin ako sa doktor at madami akong tests na napagdaanan.”
“Ganun ba? Kamusta? Anong resulta?”
“Wala pa po. Mamaya ko pa malalaman. Nagpaalam ka po ako na aalis ng ala-una para magpunta sa ospital. Babalik na lang ako pagkatapos nun.”
“No. You don’t need to go back. Pagkakuha mo ng result, umuwi ka na muna para makapagpahinga. You deserve it.”
“Naku, salamat po.”
“Okay lang yan. Actually, kaya nga kita pinatawag dito sa opisina eh dahil gusto kitang kamustahin. Gusto ko rin tanungin kung ano na ang balak mo after graduating from school.”
“Sir, nakapagpasya po akong manatili muna dito sa agency. Okay pa po sa akin ang maging janitor dito hangga’t wala pang oportunidad.”
“That’s good to hear from you Michael. Salamat sa loyalty mo.”
“Utang ko po sa inyo kung bakit ko naabot lahat ng mga pangarap ko.”
“Very good. Keep that attitude at alam kong malayo ang mararating mo Mr. Alcantara.”
“Salamat po. Kung hindi naman po kayo nagtiwala sa akin, malamang wala pa rin akong nararating hanggang sa ngayon.”
“At dahil diyan, gusto kitang bigyan ng career opportunity. Sa susunod na buwan ay may magbubukas na position dito sa opisina natin. Magreretire na kasi si Jun at ipopromote ko naman si Carol bilang head ng IT Department. Tutal, konektado naman sa IT ang natapos mo, gusto kitang gawing associate niya. And gusto rin kitang ipa-train para sa management position soon.”
“Po?”
“You heard me right, Michael. Alam kong masigasig ka at inoobserbahan ko lahat ng kilos mo. Wala kang reklamo kahit na pagod na pagod ka na sa ginagawa mo. I can see myself to you. At ganyang-ganyan din ako noong nagsisimula. Pinagkatiwalaan ako ng boss ko, and look at me now… I have my own recruiting agency.”
“Hindi ko po alam ang sasabihin ko… Sobrang salamat po. Maraming maraming salamat po.”
“You deserve it Michael. Pero next next month pa yun. For now, kung okay lang sa iyo na magstay ka muna sa position mo at kung puwedeng gawin kitang personal assistant ko. Messenger?”
“Sige po sir. Janitor, Messenger… Kahit ano po. Kaya ko po yan. Gusto ko pong itrain ninyo ako para matuto pa ako.”
“Very good! Sige, iyan na muna sa ngayon. Padadagdagan ko na din ang sahod mo para ganahan ka pang pumasok hehehe…”
“Salamat po boss. Maraming salamat.”
“Congratulations Michael and keep up the good work.”
Tangina! Tangina!
Tangina talaga!
Para akong nakalutang sa ulap.
Ganito pala ang pakiramdam ng mapromote.
From janitor to messenger to associate to manager to company owner. Hehehe!
Hindi ko na talaga bibitiwan ang ganitong pagkakataon. Magtatrabaho ako ng magtatrabaho. Magpapakasipag ako. Gagawin ko nang maayos ang inuutos sa akin.
Unti-unti ko nang naaabot ang mga pangarap ko. At walang makakahadlang sa akin para tuluyan kong makamit lahat iyon.
Hindi maalis ang ngiti sa aking mukha. Para akong baliw sa jeep habang nginingitian ang lahat ng pasahero sa loob.
Positibo ako ngayong araw na ito. Kahit pa matrapik ako papuntang ospital, ay hindi na ako mababadtrip. Hehehe…
Halos mag-aala-una na akong nakarating sa ospital. Agad akong inasikaso ng nurse at pinaupo sa opisina ng doktor ko. Tahimik lang akong naghihintay sa kanya. Nasa isipan ko pa rin kasi kung paano ako papurihan ng boss namin.
Ansarap sa pakiramdam!
“Michael Alcantara?”
“Yes sir!”
“Please come in, and take your seat.”
“Salamat po.”
“Kamusta na ang pakiramdam mo? May pagbabago ba?”
“Medyo okay-okay na po dok. Nahihilo pa rin ako paminsan-minsan, tsaka madali pa rin ako mapagod.”
“Ahh… Madami ka bang ginagawa sa opisina ninyo?”
“Opo. Katunayan niyan eh, na-promote akong messenger sa kumpanyang pinapasukan ko. Kaya masayang-masaya ako kahit pa limang daan lang ang itinaas ng sahod ko. Heheheheheh…”
“Ahh hindi ka na janitor?”
“All around na po ako. Janitor tapos messenger. Full time na rin akong magtatrabaho sa kanila.”
“Ahh… Well you know Michael, sa tingin ko eh dapat maghinay-hinay ka muna sa trabaho mo. Lalo na dito sa resulata ng medical examination mo. Ayon din sa medical records mo eh bata ka pa lang nagkakasakit ka na at bumababa ang resistensya mo.”
“Po? Bakit po? Ano po bang nakalagay diyan?
“Well Michael, your sickness is curable naman, dahil puwede pa nating maagapan. Nasa stage II pa naman ito, at puwedeng idaan sa chemotheraphy sessions at operasyon.”
“Ano? Ano po iyon? Hindi ko po maintindihan dok…”
“May lymphoma ka Mr. Alcantara.”
Hindi ako makasagot.
Para akong natulala sa isang tabi at tanging pagbukas lang ng bibig ni dok ang nakikita ko. Wala akong nadidinig. Parang may manipis na tunog na humuhuni sa aking tenga na siya namang labis na nagpapamanhid sa akin.
“Nasa stage II ang cancer mo. That means yung lymphoma ay nagextend na mula sa isang grupo ng lymph node papunta doon sa katabi niyang organ. Ngayon, puwede nating gamutin iyan sa pamamagitan ng chemotherapy. Titignan natin kung maganda ang magiging reaction ng katawan mo sa kemikal na ipapasok natin sa katawan mo. Ngayon kung hindi naman, puwede nating idaan sa surgery o radiotherapy.”
“Paano po nangyari yun?”
“Madaming causes ito Mr. Alcantara. Puwedeng hereditary, viral infection at labis na natatamaan dito eh yung mahihina ang resistensya.”
“Parang imposible namang mangyari yan sa akin ngayon dok… Bakit ngayon pa?”
“Puwede kang humingi ng second opinion. Para maisigurado natin ang kalagayan mo. Or if you want, puwede ka na namin bigyan ng tests para makapagsimula ka na sa chemotherapy. Tawagan mo lang kami sa kung anong desisyon mo, and we are here to help you get well.”
Putang ina!
Hindi ko alam kung napalakas ko ang pagmura kong iyon kay dok. Wala akong masabi. Talagang naka jackpot ako.
Umalis ako sa opisina ni dok na para bang nanakawan at napagsamantalahan.
Wala ako sa sarili ko at parang kusa na lang naglalakad ang dalawa kong paa.
Ni hindi ko alam kung papaano ba ako nakasakay ng fx pauwi ng Antipolo.
Tangina!
Tangina!
Tangina talaga!
Pagdating ko sa bayan ay agad akong tumuloy sa isang bar. Umorder ako ng napakaraming alak. Magpapakalango ako ngayon. Hindi ako uuwi ng bahay nang hindi gumagapang.
Plano ko naman talagang magcelebrate ngayon dahil sa promotion ko.
Hindi ko akalaian na magpapakalasing pala ako dahil sa sakit ko.
Wala akong maramdaman. Hindi naman ako maka-iyak. Tuloy-tuloy ko lang iniinom ang beer sa harapan ko. Wala akong pakialam sa ingay ng nakapaligid sa akin.
Hanggang sa nagpasya na akong umuwi ng bahay.
Alas-onse na ng gabi.
Hindi naman ako gumagapang pauwi pero halata pa rin na lasing ako. Muntikan pa nga akong mabundol ng sasakyan dahil hindi ako tumatabi sa sidewalk.
Putang Ina talaga!
Kung nakakagamot lang ng cancer ang pagmumura, malamang magaling na magaling na ako.
Paano ko maipapaliwanag kay bossing na may sakit ako?
Paano pa ako mapopromote niya? May tatanggap pa kaya sa aking ibang trabaho?
Paano ang mga pangarap ko?
Paano ang kinabukasan ko?
Hindi pa nga ako nakapag-asawa.
Wala pa akong anak.
26 years old pa lang ako.
Hindi patas!
Hindi talaga patas!
Tangina!
Habang naglalakad patungo sa gate namin, ay nakaabang sa akin si Linda. Pinagbuksan niya ako at nahalata niyang lasing ako, kung kaya’t madali niya akong inalalayan.
“Lasing na lasing ka kuya ah?! Ano bang atin?”
“Wala naman… Napromote lang ako sa trabaho… Hehehe…”
Hindi ko alam kung paano sabihin sa kanya ang lahat ng nangyari.
“Naks! Tignan mo, magaling ka rin naman tulad ni Francis eh! Hehehe… Ibabalita natin sa kanya yan pagnag-online siya.”
Tapos… Bigla kong naisip si kambal.
Paano ko sasabihin kay utol?
At habang naglalaro sa isipan ko ang mangyayari sa akin sa mga susunod na araw, linggo at buwan, ay bigla akong napahagulgol sa iyak.
Laking gulat naman ni Linda sa aking kinikilos.
“Oh!? Bakit ka naiyak? Okay ka lang ba?”
Hindi ako makasagot. Hindi ko maibukas ang bibig ko para magsalita.
Unlimited ang pagpatak ng mga luha ko.
“Michael… Anong nangyari???”
Nilapitan ako ni Linda at hinawakan niya ako sa aking dalawang kamay.
“Anong nangyayari sa iyo?”
Tumingin ako sa kanya at para akong batang naagawan ng kendi at lobo.
“Putang ina! Tangina… Linda. Bakit ba ang malas-malas ko? Lahat na yata ng kamalasan sa mundo, sinalo ko na.”
“Huh? Bakit? Napromote ka naman di ba?”
“Oo Linda… Napromote ako kanina… Pero…”
“Pero ano?”
“Nakuha ko na ang resulta ng medical examination ko… Tangina! Bakit ako pa? Sa dinamidami ng tao, bakit ako pa ang dinapuan ng sakit na yun?”
Tila napako si Linda sa pagkakatitig sa akin. Halatang nag-aalala din siya sa pinagdadaanan ko.
“Anong sakit? Anong sakit Michael?”
“Kanser…”
Nanlaki ang mga mata ni Linda at nakita kong napaluha din siya. Napatakip siya sa kanyang labi at naramdaman ko rin ang sakit na nanggagaling sa kalooban niya.
“May lymphoma ako… stage II… Hindi ko alam kung ano nang mangyayari sa akin…”
Niyakap ako ni Linda.
Napayakap na rin ako sa kanya.
Para akong batang pinapatahan mula sa labis na pag-iyak.
Umiiyak din ang asawa ni Francis. Nararamdaman ko ang bawat paghikbi niya.
“Putang ina… Ang malas ko talaga… tanginang buhay ito!”
“Tama na… Malalagpasan din natin yan… Pagsubok lang yan Michael… Pagsubok lang yan…”
“Tanginang pagsubok yan… Lahat na lang sa akin naibigay… Hindi ba puwede sa iba naman? Puta kotang-kota na ako sa problema!!!”
“Tama na… gagaling ka Michael… Gagaling ka… Hindi ka naming pababayaan.”
Hinawakan ni Linda ang mukha ko at pilit niya akong pinapatingin sa kanya.
“Makinig ka sa akin Michael, magiging okay din ang lahat… Gagaling ka… Maaabot mo pa rin ang mga pangarap mo… Naandito lang kami para sayo.”
Tuloy-tuloy lang ako sa pagluha habang nakatingin sa kanyang mga mata.
Bumaba ang tingin ko sa kanyang labi at pinagmamasdan ko kung paano niya sinasabi ang mga katagang iyon.
Hanggang sa…
Hanggang sa inilapit ko ang aking labi sa kanya.
Hinalikan ko si Linda.
Hinapit ko siya papalapit sa akin.
Hindi siya tumutol sa ginawa ko, kung kaya’t ipinagpatuloy ko lang ang pagtikim sa malalambot niyang mga labi.
Maya-maya ay bigla kaming tumigil. Hingal na hingal at naghahabol ng aming hininga.
Magkadikit ang aming noo at halos nagbubungguan ang aming mga ilong.
Nararamdaman ko ang hangin na lumalabas sa kanyang bibig, mainit at mabango…
Nakahawak pa rin siya sa aking mukha at tila ayaw niyang kumalas.
Unti-unti kong tinanggal ang mga braso ko sa pagkakayakap sa asawa ng kapatid ko.
“I’m sorry…” Mahina kong bulong sa kanya.
Hindi ko sinasadya. Hindi ko napigil ang aking sarili.
Nakatingin lang siya sa akin at dahan-dahang lumalayo sa tabi ko.
Pinupunasan niya ang kanyang luha habang naglalakad patungo sa hagdan.
“Magpahinga ka na Michael… Bukas, mag-uusap tayo at gagawa ng plano…”
Hindi na ako kumibo.
Nanatili akong nakaupo sa sofa namin.
Alam ko ang aking ginawa.
Alam kong hindi iyon dala ng kalasingan.
Alam kong mali iyon.
Pero iba ang naramdaman ko…
Hindi pupuwede, pero maaaring mangyari…
—
Sinamantala ni Michael ang weekend para makapag-isip ng kung ano ang dapat niyang gawin. At nang dumating ang Lunes ay nagpasya itong puntahan ang agency at ipinakita niya ang kanyang medical records.
Dumiretso ito sa kaniyang boss at labis namang ikinalungkot nito ang nangyari kay Michael. Napapailing na lamang ito at nagbigay ng kanyang suporta para sa binata. Ipinangako pa rin sa kanya na makukuha ang promotion kung maayos ang lagay ni Michael pagkatapos ng dalawang buwan.
Minabuti nilang pagpahingahin muna ang binata at tatawagan na lang sa oras na matutuloy ang pagreresign ng kaniyang kaopisina.
Natuwa naman si Michael dahil sa kabaitan at pagunawang nakuha niya mula sa agency. Kung kaya’t agad nitong pinuntahan ang ospital para magpa-schedule ng panibagong tests kung pupuwede sa kanya ang chemotherapy.
Nagdadasal na lamang ito na madadaan sa gamutan ang lahat para hindi na siya operhan pa.
Nakaalalay naman sa kanya si Linda at damang-dama ni Michael ang pagsuporta at pagmamahal na ibinibigay ng asawa ng kanyang kapatid.
Pilit siya nitong kinukumbinsi na sabihin na kay Francis ang lahat para matulungan siya nito sa pagpapagamot. Humingi ng ilang araw si Michael upang makapag-isip kung papaano sasabihin sa kanyang kapatid.
Nagpasya na lamang si Linda na padalhan ng email ang kanyang asawa para ibalita ang kalagayan ni Michael.
At dahil sa balitang iyon, ay mabilis na nag-online ang kanyang asawa mula Singapore para kausapin si Michael.
Una nitong kinausap si Linda at kinamusta ang kalagayan nilang lahat sa bahay. Halatang-halata ang kalungkutan sa mukha ni Francis, at pinayuhan ni Linda na huwag magpakita ng kahinaan sa kanyang kapatid para hindi ito lalong malugmok.
Kahit hindi kaya ni Francis ay ginawa niya pa ring magpakatatag sa harapan ni Michael sa pamamagitan ng webcam.
“Kuya!!!! Kamusta ka?”
“Ayos naman kambal.”
“Balita ko, napromote ka ah? Astig kuya! Sabi ko naman sayo parehas tayong magaling at matalino. Saan pa ba ako magmamana, kundi sa iyo. Hehehe…”
“Hehehe… Masaya nga ako utol noong pinupuri ako ng boss ko. Ganoon pala ang pakiramdam. Para akong nakatayo sa ulap.”
“Hehehe… Ganun nga. Kaya pagbutihan mo lang yang pagtatrabaho mo…”
“Hehehe…”
“Tsaka… Huwag ka nang mag-aalala… Lahat naman ng problema at napagdadaanan natin sa buhay eh nalalagpasan natin. Kahit anong mangyari kuya, sagot kita. Ako bahala sayo.”
Pigil na pigil ang emosyon ni Francis habang kausap niya ito sa webcam.
“Pasensya na utol ha… Naka-jackpot ako ng sakit eh.”
“Asus! Kayang-kaya natin yan kuya. Gagaling ka at makakapagtrabaho ka pa! Huwag kang mag-aalala, ako bahala sa lahat ng bayarin diyan sa pagpapagamot mo.”
“Hehehe… Salamat kambal. Magsisimula na nga akong magpa-chemo sa susunod na linggo. Hinahanda ko na sarili ko dahil iba daw mararamdaman ko pagkatapos nun. Sana madaan na lang sa chemo ang lahat.”
“Tama ka kuya. Madadaan lang yan sa chemo. Ilang buwan lang gagaling ka na at magiging manager ka pa di ba?”
“Hehehe… Salamat kambal. Hayaan mo, magpapagaling talaga ako para sa inyo. Sabay nga nating aabutin ang mga pangarap natin, utol. Antayin mo lang ako. Relax ka lang diya at huwag kang mag-aalala.”
“Hindi talaga ako mag-aalala kuya. Ikaw pa? Eh napakalakas mong tao. Mas malakas ka pa sa akin eh! Ako yung lampa di ba? Ako yung pinoprotektahan mo sa school dati?! Kayang kaya mo yan!”
“Hehehe… Kaya ko ito kambal! Basta dasal lang tayong dasal. Tsaka mag-iingat ka rin diyan sa Singapore. Huwag laging kami ang inaaalala mo. Alagaan mo rin sarili mo diyan ha.”
“Oo kuya…”
“Hehehe…”
“Paano yan kuya? May kailangan pa akong tapusin na trabaho. Hanggang sa susunod ulit. Balitaan mo lang ako at kuwentuhan mo ako sa mga magagandang bebot sa ospital. Hehehe…”
“Hahahah! Kilala mo talaga ako tol. Sige, ingat ka at babalitaan na lang kita.”
“Sige kuya. Bye.”
Mabilis na isinara ni Francis ang kanyang webcam at agad na nagsign-out.
Ilang minuto itong nakatulala sa kanyang monitor. Tila napagod ito habang kinakausap ang kanyang kapatid na nasa Pilipinas.
Hanggang sa humiga ito sa kama at umagos ang kanyang mga luha.
Kanina pa niyang gustong umiyak habang kinakausap si Michael, ngunit mas pinili nitong magpakatatag para sa kanyang kapatid. Napansin naman ito ng kanyang room mate at tila nabahala din ito sa nangyayari kay Francis.
“Ayos ka lang brad?”
“Gusto ko nang umuwi… Gusto ko na talaga umuwi…”
“Magpakatatag ka brad… Kaya mo yan…”
Hindi na malaman ni Francis ang kanyang gagawin, lalo pa’t nabalitaan niyang may sakit muli ang kanyang kapatid. Nababahala ito dahil mula pa sa kanilang pagkabata ay siya na ang nagbabantay at nagaalaga kay Michael. Kinagagalitan pa siya ng kanilang ama kung hindi nito naisasabay pauwi ang kanyang kuya.
Ngayon, ay wala siya ibang kayang gawin kundi suportahan si Michael at ipagdasal na mapabuti ang kalagayan nito.
—
Lumipas ang mga araw at umabot ang halos isang buwan bago nakapagsimula si Michael sa kanyang chemotherapy. Naipaliwanag sa kanya ang lahat ng puwedeng mangyari sa kanya habang isinasagawa ang prosesong ito.
Tinanggap naman niya ng buo sa kanyang dibdib ang mga posibilidad na sinabi sa kanya ng doktor.
Hindi siya pinabayaan ni Linda. Sa tuwing nagpapachemo ang binata ay sinasamahan niya ito. Iniiwan niya ang kanyang anak sa kanilang tiyahin.
Pagkatapos naman ng bawat session ay sumusuka si Michael sa kaniyang kuwarto. Napapasigaw ito sa sakit na nararamdaman at halatang hinang-hina dahil sa pag-epekto ng gamot sa kanyang katawan.
Napapaluha naman si Linda sa tuwing nadidinig niya ang kapatid ng kanyang asawa. Patuloy ito sa pagdarasal at pinapatatag nito ang kanyang sarili upang may masandalan si Michael.
Madalas naman ay hindi nakakapagsalita si Francis sa webcam sa tuwing ikinukuwento ng kanyang asawa ang mga pinagdadaanan ng kapatid. Panay chat lamang sila dahil ayaw ng lalaki na makita ang kanyang pagtangis.
Unti-unting nalalagas ang buhok ni Michael.
Minabuti na lamang niyang ipakalbo ang kanyang ulo at hinayaang si Linda ang gumawa nito sa kanya. Nagtatawanan pa silang dalawa at kinakantyawan si Michael na mas guwapo pa ito ngayon dahil sa itsura nito.
Kitang-kita din ang pangangayayat ng binata. Medyo lumulubog na ang kanyang pisngi dahil madalas itong walang gana at isinusuka ang mga kinakain.
Dumaan ang mga buwan at nagpatuloy sa ganoong kalagayan sina Michael at Linda. Silang dalawa lamang ang naging magkasangga at sa isa’t isa kumukuha ng lakas upang malagpasan ang pagsubok na ito.
Dahil sa positibong pananaw sa buhay ay unti-unting nagiging maayos ang kalagayan ni Michael. Naandoon pa rin ang pagsusuka, pagkakasakit at pagkahilo dahil sa gamot, ay patuloy pa rin sa pakikipaglaban si Michael sa buhay.
Naging maganda ang resulta ng gamot sa kanyang katawan at ibinalita ng kanyang doktor na nagiging maayos ang lagay ni Michael .
Masayang-masaya naman ang binata at lalo itong ginaganahan para magpagaling at tinitiis ang masamang reaksiyon nito sa kanyang sistema.
Lumalaban si Michael.
Desidido itong labanan ang kanyang kanser.
Lahat ng utos ng doktor sa kanya ay sinusunod nito.
Pinipilit niya ang kanyang sariling kumain ng masusustansyang pagkain at kahit wala pa itong gana, ay sinisikap niyang makakain ng kahit kaunti.
Naging maganda din ang kinahinatnan ng pagtulong sa kanya ni Linda. Ginawa nito ang lahat ng kanyang makakaya para mabilis na gumaling ang kanyang bayaw.
Siya ang naging pansamantalang sandigan ng binata mula sa mga madidilim na kabanata ng kanyang buhay. Masaya si Michael dahil hindi siya iniwan ni Linda kahit ano pa mang paghihirap na kanyang dinanas.
At wala naman siyang ibang nasaisip kundi ang magpasalamat sa kabaitang ipinapakita sa kanya ng asawa ng kanyang kapatid.
“Congratulations, Mr. Alcantara.”
January 2009
“Naging maganda ang reaksiyon ng iyong katawan ng chemotherapy. Napapatay na nito tumor cells na dati ay patuloy sa paglaki. At gusto kong ipagpatuloy mo pa rin yang gamutan hanggang sa pinaka-huling session. Titignan natin kung tuluyan nang matatanggal ang tumor cells at hindi ka na dapat operahan pa. I suggest na continue your diet. Makakatulong din ang exercise, para lumakas-lakas ka pa. In no time, baka puwede ka na ulit makapagtrabaho.” Masayang ibinalita ng kanyang doktor.
Napakapit naman ng mahigpit si Michael sa kamay ng kanyang kasama.
Tumingin na lamang si Linda sa kanya at nginitian ang binata.
“Masayang-masaya po ako dok… Maraming salamat po.”
“Ikaw ang nagdesisyong lumaban, Mr. Alcantara. And I am happy na talagang hindi ka sumuko at lumaban ka para sa sakit mo.”
“Opo, dok. Madami pa aking pangarap na gustong abutin. Ayoko pang mamatay.”
“Well, you are getting better. And I am positive na mapagtatagumpayan mo ito.”
“Salamat po dok. Maraming salamat po talaga.”
Hindi mapagsidlan ang kaligayahang nadarama ni Michael. Alam niyang darating din ang araw na magiging malaya ito sa sakit niya.
Gusto pa rin niyang abutin lahat ng minimithi niya sa buhay.
Kung kaya naman ay agad itong bumalik sa agency para magtanong kung pupuwede pa siya magtrabaho dito.
Halos ilang buwan din kasi siyang nawala dahil sa kanyang pagpapagamot.
Pero hindi naman siya tinalikuran ng mga taong nagtiwala sa kanya.
Agad siyang tinanggap bilang management trainee.
Dahil mayroon na silang napiling bagong associate, ay inilagay na lamang siya ng kanyang boss bilang personal assistant nito. Gusto rin niyang turuan si Michael sa lahat ng pasikut-sikot sa agency upang mas lumawak pa ang kaalaman nito. Malugod namang tinanggap ng binata ang kahit anong ipinapagawa sa kanya ng boss.
Kahit madalas pa rin siya sinusumpong ng kanyang sakit, ay pinaglalabanan pa rin ito ni Michael at pinipilit ang kanyang sarili para makapasok sa trabaho.
Pagkauwi nito ng bahay ay agad naman siyang sinasalubong ni Linda at pinaghahandaan ng makakain. Inaalalayan niya rin ito paakyat at papunta ng kanyang silid.
Natutuwa naman si Michael dahil hindi pa rin siya binibitiwan ni Linda. Lalong napapalapit ang kanyang kalooban sa magandang babae, at kahit anong gawin ni Michael ay hindi niya mapigilan ang kanyang damdamin sa pagtibok.
Alam niyang nagiging mabait lamang si Linda sa kanya dahil sa utos ni Francis, pero iba ang nararamdaman niya para dito.
Kung kaya’t hanggang tingin na lamang siya rito. Isa ito sa mga pangarap na hindi niya puwedeng abutin.
Hindi maaari, ngunit puwedeng mangyari…
—
Bago matulog ay binuksan niya ang kanyang Friendster account.
Inisa-isa niya ang lahat ng mga friend requests at notifications para sa kanya.
Laking gulat ng binata sa kanyang natanggap na notification.
Mula ito sa isang babaeng lubos niyang pinapangarap na mabalikan.
Si Sheryn…
Tinanggap na nito ang friend request ni Michael at ngayon, ay magkaibigan na sila sa Friendster.
Agad nitong ginalugad ang profile page ng babae at nakita nitong lalo pa itong gumanda. Sa bawat litrato ay naaalala nito ang matatamis na ngiti ni Sheryn. Napapangiti naman si Michael dahil muling tumitibok ang kanyang puso.
Nakita din niyang single pa si Sheryn at mukhang mataas na rin ang naabot sa kanyang buhay.
Alam niyang malaking hakbang na ito upang kumunekta muli sa kanyang ex girlfriend.
Agad niyang pinadalhan ng mensahe ang babae at kahit gaano pa ito katagal bago sumagot ay maghihintay at maghihintay pa rin ito.
Umaasa si Michael na balang araw, ay makakausap at makakasama rin niya si Sheryn.
Balang araw ay uuwi din siya para sa binata, para balikan at pakasalan.
Sana…
- Undo – Episode 8: Ctrl + Z - November 22, 2024
- Undo – Episode 7: Ctrl + X - November 22, 2024
- Undo – Episode 6: F1 (Help) - November 15, 2024