Ikapitong Utos – Episode 19: Free To Decide
By ereimondb
Hindi ko alam kung hanggang kailan ako makikipagtagisan sa kanya.
Hindi ko alam kung hanggang kailan ako mangangarap, na balang araw makakapantay ako sa kung ano ang kanyang narating.
Dahil pakiramdam ko, kahit anong gawin kong pagsusumikap sa buhay ay lahat nauuwi sa wala.
Bakit nga ba?
Bakit palagi na lang akong nasa anino ni kambal?
Bakit lagi ko na lang inaasa sa kanya ang bawat desisyon at gusto kong gawin sa buhay ko?
Oo.
Alam kong marami akong nagawang maling desisyon. Lalo na noong nagdesisyon akong tumigil sa aking pag-aaral. Nagkamali akong isipin na puwede kong itaguyod ang aming pamilya, kahit wala na sila mama at papa. Na kaya kong maglagay ng pagkain sa lamesa, sa pamamagitan ng pagtatrabaho ko, sa pamamasada.
Pero mali.
Maling-mali.
Sana naisip ko kung ano ang nasa isip ni Francis.
Sana naging matayog din ang pangarap ko, katulad ng pangarap ni kambal.
Pero hindi. Hindi ko maiisip yun, kahit kailan.
Hindi ako si Francis.
Hindi ako katulad niya. Matalino.
At habang buhay na lang akong nasa ibaba ng puno, naghihintay ng grasya na puwedeng mahulog mula sa kanya. Maghihintay na lamang na maambunan ng grasya.
“Titigil muna ako sa pag-aaral, honey. Wala na rin kasing sobrang pera si Francis.”
“Ganun ba? Wala rin naman tayong magagawa dun. Umaasa lang din naman tayo sa kung anong puwede nilang iabot sa atin.”
“Kaya nga eh. Tsk! Hindi ko na rin alam kung makakagawa ako ng paraan. Nanghihinayang lang din kasi ako. Ngayon pa na malapit-lapit na rin akong makatapos.”
Pinagmamasdan ko kung ano ang reaksiyon ni Nessa.
Alam kong lumilipad ang kanyang isipan habang karga si baby Carl.
Alam kong nag-aalala siya para sa akin. Para sa amin.
At isa iyon sa dumudurog sa puso ko. Iyong sabihin sa kanya na – pasensya na, maaantala lang ng kaunti yung pag-abot sa mga pangarap natin.
Masakit. Hindi masarap ang ganoong pakiramdam.
“Honey… Baka panahon na para tayo naman ang gumawa ng paraan para sa pag-aaral mo?”
“Naisip ko na rin yan Nessa. Kaso, sino naman ang tatanggap sa akin para makapagtrabaho sa opisina? High school lang ang natapos ko.”
“Ako… Puwede naman akong magtrabaho. Puwede ko naman siguro balikan yung pagiging saleslady ko.”
“Tsk! Pasensya na ha. Ako dapat ang gumagawa ng paraan para sa atin.”
“Michael, partner mo ako. Dapat lang na nagtutulungan tayo sa lahat ng bagay. Magkatuwang tayo sa bawat desisyon na gagawin natin, lalo na para sa kinabukasan ni baby Carl.”
“Paano si baby? Sino mag-aalaga sa kanya? Umuwi na ng probinsya si tiya Susan.”
“Puwede naman siguro tayo magsalitan di ba? Tsaka, habang hindi ka pa pumapasok sa eskuwela, baka puwedeng ikaw muna ang magbantay sa kanya.”
“Hah?! Parang hindi ko naman yata puwede gawin iyon. Hindi ko dapat ipinapaubaya sayo ang tungkulin ko.”
“Iyon lang kasi ang naiisip kong paraan, honey. Para atleast, may kinikita tayong medyo malaki-laki.”
Hindi ko alam kung matutuwa ako sa ideya ni Nessa.
Alam ko namang gusto lang din niya makatulong sa problema namin. Pero pakiramdam ko, hindi iyon ang tamang solusyon.
Tangina!
Checkmate.
Wala nga yata akong ibang kayang gawin.
Kailangan ko bang tanggapin na lang ang katotohanang ang babae ang magtatrabaho para sa aming pamilya?
Laking sapak noon para sa akin. Para sa pagkatao ko.
“Bigyan mo ako ng isang buwan. Hahanap muna ako ng paraan para sa atin. Tapos kung walang-wala na talaga, saka ka bumalik sa trabaho mo.”
“Sige honey, alam ko namang makakahanap ka ng solusyon sa problema natin. May tiwala ako sayo.”
Nag-iwan na lang ng isang matamis na ngiti si Nessa. Ilang araw ko nang hindi siya nakikitang ngumiti at naging masaya.
At ngayon, dinagdagan ko pa ang iniisip niya. Ang problema niya.
Gusto ko sanang sabihin sa kanya na kumapit lang siya. Dahil pati ako ay nawawalan na rin ng tiwala sa sarili ko.
Sa halip ay umalis na lang ako ng aming kuwarto, bumaba ng hagdan, lumabas ng bahay at naglakad-lakad.
Baka sakaling makapag-isip ako ng dapat gawin. Makapag-isip ako ng solusyon sa problema namin. At matanggal ko sa aking isipan ang pag-iisip na pantayan si Francis.
Masama bang mangarap?
Masyado bang mataas ang pangaraping maging katulad ni kambal?
Noon pa man, gusto ko nang maging katulad niya.
Iba rin kasi ang pakiramdam na sinasabitan ka ng medal ng magulang mo.
Naalala ko pa noon, nag-absent pa sina mama at papa para lang puntahan ang awarding ceremony ni Francis sa eskuwelahan namin. Panay ang yakap at halik, pati lahat ng papuri, ay ibinibigay nila kay utol.
Best in Math.
Best in English.
Best in Science.
Best in Social Studies.
Best in Religion.
Deportment Award.
Halos mabali ang leeg ni Francis dahil sa dami ng medalyang isinasabit sa kanya. Tuwang-tuwa naman sina mama at papa kahit bakas na sa mukha nila ang pagod at hingal sa pag-akyat-panaog nila sa entablado.
Puta! Sabi ko. Saan ba ako naging magaling?
Kahit manalang Most Behaved ay hindi ko nakuha.
Hindi kasi ako pala-salita noon. Hindi dahil sa mabait talaga ako sa eskuwelahan, kundi wala akong maisagot sa tanong ng mga guro namin.
Naalala ko pa noong pinatayo ako ni Mrs. Garcia. Pinasagutan niya sa akin ang isang math problem sa pisara.
Sabi niya: “You should answer that Michael. I know your brother can solve that problem correctly.”
Nanginginig ako.
Hindi pa kami magkaklase noon ni utol.
Paano ko masosolusyonan ang isang math problem kung sa simula pa lang ay hindi ko naiintindihan ang itinuro ni Mrs. Garcia.
Nakatingala lang ako sa pisara habang tinititigan ang nakasulat dito.
Ilang menuto din yun. Ilang menuto din akong napahiya sa harap ng aking mga kaklase.
Gusto kong sagutin. Gustong-gusto ko. Pero ayaw ng utak ko.
Walang mapiga. Walang mahanap na solusyon.
“Okay, take your seat Michael. Who wants to help him solve the problem? Anyone?”
Tangina!
Hindi ako makalingon noon.
Lahat sila ay nagtaasan ng kamay. Alam nila ang sagot sa math problem, maliban sa akin.
Samantalang ako, nanginginig pa papunta sa aking upuan.
Doon ko nalaman ang talento ko. Wala.
Wala akong binatbat kay Francis.
Kilala siya ng lahat sa school namin. Alam nila ang kakayahan niya. Alam nilang matalino siya.
Doon ko rin unang sinubukan na talunin siya sa ibang mga bagay.
Desidido na akong mag-aral ng mabuti. Desidido akong makakuha kahit isang medal lang.
Kahit Best in Filipino.
Pero, ano ba ang hindi kaya ni Francis? Parang wala. Parang wala akong pag-asa.
Hanggang sa isang araw, nagbago ang lahat.
Nagkasakit ako.
Tumigil ako ng dalawang taon sa pag-aaral.
Gusto kasi ng duktor at nina mama at papa na makapag-pahinga ako.
Unti-unting nawala sa aking isipan ang talunin si Francis sa eskuwelahan. Alam kong palayo ng palayo ang agwat namin at naisip kong baka hindi ko na siya maabot.
Nasa bahay lang ako. May nakabantay sa pag-inom ko ng gamot. Nagpapagaling. Nagpapahinga.
Pero…
Doon ko rin naramdaman ang atensyong ibinigay sa akin nina mama at papa. Nadama ko ang pag-aalaga nila sa akin.
Madalas, lahat ng kagustuhan ko ay sinusunod nila.
Kung ano ang gusto ko, ibinibigay nila sa akin.
Hindi ko sinasadya, pero nag-enjoy ako sa atensiyong nasa akin noon. At alam kong, iyon naman ang nawala kay Francis.
Nakakita ako ng butas, kung saan ko puwedeng matalo ang kapatid ko.
Sinubukan ko ang lahat ng bagay na puwede kong makuha laban sa kanya. Kung anong gusto niyang pagkain, damit at laruan, ay sinisigurado kong makukuha ko iyon.
Nagtagumpay naman ako noon, nang napasakamay ko ang robot na ibinibenta sa isang mall.
Napapangiti na lang ako ngayon sa tuwing naalala ko kung gaano ako kababaw.
Nang dahil sa isang laruan ay natalo ko ang aking kapatid.
Masama na kung masama. Pero inaamin ko, natuwa ako habang nakikita ko ang pagkalungkot ng mukha ni utol.
Kaya nang nakapsok ulit ko sa eskuwelahan, talagang humahanap ako ng paraan para matalo si Francis.
Kahit hindi ko na siya matalo sa mga aralin namin, dadaanin ko na lang sa ibang bagay.
Sikat ako dahil sa dami ng mga kabatak, kaibigan. At gumawa ako ng paraan para humingi sa akin ng tulong si kambal.
Pinaramdam ko sa kanya na kailangan niya rin ako. Na kaya ko siyang protektahan.
Pero ngayon…
Ganoon pa rin.
Talo pa rin ako sa kanya.
Marami pa ring nakasabit na medalya sa leeg niya.
May karelasyon.
May sariling anak.
Nakapagtapos sa pag-aaral.
May maayos na trabaho.
May maayos na kinikita.
Samantalang ako, naghahangad pa ring maging katulad niya.
Pilit na nagsusumikap.
Ayaw kong mainggit, pero hindi ko maiwasan. Gusto ko rin sana maging masaya sa lahat ng narating ni Francis.
Pero wala. Isang malaking milagro ang kakailanganin ko para maging katulad niya.
Hindi ko na dapat isipin kung paano siya talunin katulad ng dati.
Dahil alam kong walang patutunguhan iyon.
Gusto ko na lang matupad ang lahat ng pangarap ko. Hindi lang para sa akin, kundi para sa mag-ina ko.
Kaya ko ito!
Alam kong malalampasan ko lahat ng problema.
Ang mahalaga, nariyan si Nessa at baby Carl sa tabi ko. At habang buhay akong magpapasalamat sa kaligayahang ibinibigay nila sa akin.
—
“Kambal! Papasok ka na ba?”
“Oo kuya. Medyo late nga ako eh…”
“Ah ganun ba… Sige ingat ka.”
“Hmmm… May kelangan ka, kuya?”
“Ah eh… Gusto ko sana humiram ng maisusuot bukas. Kahit anong polo shirt na lang na pupuwede sa akin. Yung hindi mo na gagamitin.”
“Oo naman kuya, sige kuha ka lang sa kabinet.”
“Salamat kambal. Balak ko kasing maghanap ng trabaho bukas ng umaga. Hindi muna ako mamamasada.”
“Ayos yan kuya! Huwag kang mag-aalala, makakahanap ka rin.”
“Kaya nga eh. Iyon din ang ipinagdarasal ko. Alam mo na, hindi naman ako sing talino mo. Hehehe…”
“Akala ko ba, sayo ako nagmana kuya? Hehehe…”
“Sa kaguwapuhan lang yun kambal. Pero mas pogi pa rin ako sayo.”
“Ahh yun lang. Sige na nga. Hehehe…”
“Hehehehe… Joke lang.”
“Oo nga pala, may gagamitin ka bukas? May pamasahe ka pa ba?”
“Hmmmmm… Pasensya na ha… Baka puwedeng makahingi kahit barya lang… Hehehe…”
“Oh sige kuya, heto pamasahe at pangkain mo.”
“Salamat kambal… Utang ko ito sayo.”
“Ayos lang yan kuya, hindi naman ako maniningil. Hehehe…”
Naranasan mo na bang lunukin ang sariling prinsipyo mo?
O kaya naman, kainin ang pride mo?
Mahirap.
Mapait.
Gumuguhit sa lalamunan.
Pero sa ngayon, ako na yata ang taong walang ka-pride pride.
Hindi iyon angkop para sa isang pulubing tulad ko.
Pikit mata ko na lang ginagawa ang mga bagay na iyon para makaraos.
Nahihiya na sana akong humingi kay Francis.
Naiintindihan ko ang gastos ng pagkakaroon ng baby.
Kaya naman nilakasan ko na lang ang loob ko para makapagdelihensya ng pamasahe.
Kinakabahan ako.
Hindi ako makatulog sa kakaisip kung ano ang mangyayari sa akin bukas.
Kung mayroon bang tatanggap sa isang katulad ko.
Sinusubukan kong pumikit, pero sobrang ingay at gulo ng isipan ko.
“Oh honey, bakit hindi ka pa natutulog?”
“Madami lang iniisip.”
“Tutuloy ka ba bukas?”
“Oo honey. Magbabakasakali.”
“Kaya mo yan…”
“Sana nga.”
“Payakap na nga lang.”
“Hehehe, halika dito, yayakapin kita.”
“I love you…”
Ito lang ang nagpapalakas ng loob ko.
Sila ang nagbibigay sa akin ng inspirasyon para magpatuloy sa buhay.
“Bakit pawis na pawis ka honey? Okay ka lang ba?”
“Hah? Oo. Hindi ko nga rin alam, parang init na init ako.”
“Magpalit ka kaya ng damit mo.”
“Hayaan mo na honey, matulog na tayo.”
“Teka nga, ikukuha kita ng damit.”
“Huwag na. Okay lang ako honey. Yakap ka na lang sa akin.”
“Parang mainit ka pa nga. Ano bang nararamdaman mo?”
“Wala ito, honey. Kinakabahan lang talaga ako para bukas.”
“Asus! Relax ka lang kasi. Mas makakasama sayo yang sobrang pag-iisip.”
“Honey, ngayon lang naman ako sobrang nag-iisip. Pagbigyan mo na akong paminsan-minsan ginagamit ang utak. Hehehe…”
“Hihihi… Sira!”
Mahal na mahal ko si Nessa. At sa ngayon, hindi ko maisip kung paano mabuhay nang wala sila sa tabi ko.
—
Kinabukasan, nagmadali akong bumangon sa kama. Naandoon pa rin ang matinding kaba, pero napapalitan iyon ng matinding kagustuhan kong makapaghanap ng trabaho.
Wala na akong magagawa. Kailangan ko nang harapin ang sarili kong takot. Hindi naman masamang sumubok. Mas mahalaga pa nga ito kaysa sa hindi ka gumawa ng paraan.
Habang nagkakape ay nakatitig ako sa polo shirt na ipinahiram sa akin ni kambal. Kahit kailan ay hindi sumagi sa aking isipan na makakapagsuot ako ng ganoon. Dahil pakiramdam ko ay mas nababagay ang ganoong kagagalang-galang na kasuotan kay Francis.
Tangina! Tao na ako. Hehehe.
Pagkatapos kong makapaligo at makapagbihis ay agad akong bumaba sa kuwarto. Nag-ingat akong hindi magising ang mag-ina ko. Alam ko namang napuyat si Nessa sa pag-aalaga kay baby Carl.
Nagsuklay ako. Naglagay ng gel sa buhok.
Kailangang ayos ang porma ko para makapag-iwan ng magandang impresiyon sa mag iinterbyu sa akin.
“Ayos sa porma ah… Hihihi…”
“Oh Linda. Ikaw pala yan. Saan kayo galing ni baby Jacob?”
“Nagpa-araw lang saglit.”
“Ahhh…”
“Mukhang kagalang-galang ka ngayon ah…”
“Oo nga eh. Ayos ba? Hiniram ko lang ito kay kambal. Wala kasi akong maisusuot. Hehehe…”
Tinitignan ako ni Linda mula ulo hanggang paa.
Sa palagay ko, iniisip niyang kaya ko rin palang magsuot ng ganoon tulad ni Francis.
“Tsk! Tsk! Tsk! Si Francis talaga, dapat pinilian ka niya ng bagay na kulay para sa iyo.”
“Huh? Bakit, pangit ba yung kulay?”
“Hmmm… Hindi naman sa pangit, pero ayoko kasi niyang polo na yan… Hihihi…”
“Ganun ba? Ako pa naman ang pumili nito kagabi. Hehehe…”
“Sorry naman… Halika, sumunod ka sa akin, ihahanap kita ng bagay na polo para sayo.”
“Talaga? Sige ba!”
Madali kong nakagaanan ng loob ang siyota ni kambal.
Hindi lang maganda si Linda, sobrang bait pa.
Pagpasok namin ng kuwarto nila ay agad niyang ibinaba si baby Jacob sa kama. Tulog na tulog naman ang munting anghel sa bahay namin.
Nilingon ko kung ano ang ginagawa ni Linda at nakita kong abala siya sa pagpili ng maayos na polo para maisuot ko.
Maya-maya ay lumapit siya sa akin para ibigay ang kulay asul na may kaunting puti na long sleeved polo shirt.
“Naku! Bagay ba sa akin yan?”
“Oo naman Michael. Mas maayos ito kaysa diyan sa lumang polo ni Francis.”
“Mukha yatang bago ito, Linda. Baka magalit si kambal.”
“Huwag mo na lang sabihin. Lalabhan ko na lang yan agad pagdating mo. Hihihi…”
“Sige, isusuot ko na.”
Wala nang hiya-hiya pa.
Agad kong hinubad ang suot kong polo sa harapan ni Linda.
Nakita ko ring nakatingin siya sa akin. At nang magtama ang mga mata namin ay agad siyang tumalikod para puntahan si baby Jacob.
“I-tuck-in mo yang polo, para maayos.”
“Oh sige, hindi kasi ako marunong magsuot ng ganito. Hehehe…”
“Masasanay ka rin. Heto ilagay natin yung necktie.”
“Naku! Kailangan pa ba niyan.”
“Oo naman. Para presentable ka sa pagharap sa interviewer. Dress to impress, ika nga.”
“Hehehe, sige na nga. Tutal, ikaw naman ang may nalalaman sa ganyan.”
Lumapit muli sa akin si Linda.
Isinuot sa leeg ko ang necktie na pagmamay-ari ni Francis.
Ngayon ko lang nakita sa malapitan si Linda.
Morena ito. Maganda ang mga mata at mahahaba ang mga pilik mata.
Matangos ang ilong.
Mapupula ang mga labi na may nunal sa bang ilalim nito.
Hindi ko nararamdaman na napapangiti na pala ako.
Takte!
Baka ma-late ako nito.
“Ayan!!! Poging pogi ka na niyan… Hihihi…”
“Ayos ito ah! Hehehe… Perstaym!”
“Ewan ko na lang kung hindi pa ma-impress yung mag-iinterview sa iyo.”
“Hehehe!!! Salamat Linda. The best ka talaga!”
“Okay na yan! Good luck sayo at galingan mo. Kaya mo yan!”
“Sige, aalis na ako. Salamat ulit!”
Nararamdaman ko ang matinding suporta na nakukuha ko mula kina kambal at Linda. Alam kong gusto rin nila akong magtagumpay sa buhay.
Kung kaya’t lalo naman akong ginanahan na maghanap ng trabaho. Desidido na akong subukan kung mayroon mang oportunidad para sa akin.
Ang una kong target na trabaho, Data Encoder.
Ito ang madalas na pinag-uusapan namin ng mga kaklase ko. Mayroon daw kasing tumatanggap ng college level sa ganitong posisyon. Basta’t mabilis kang magtype at may kalidad ang iyong ginagawang trabaho.
Kaya ko naman yun. Malamang, makukuha ako dahil sanay ako sa ganoong uri ng trabaho.
Pagpasok ko pa lang sa maliit na opisina sa may Cubao, ay napansin ko kaagad ang sobrang haba ng pila.
Pare-pareho kaming naka pormal na suot at kahit na init na init kaming lahat, dahil parang sumisipol lang ang aircon sa loob, ay talagang masigasig kaming nagtitiis na naghihintay habang nakatayo.
Napansin ko rin ang mga empleyadong nasa loob. Halos lahat ay may edad na. At kamukha pa ng terror teacher namin noong highschool yung matandang babaeng nag-iinterview sa mga aplikante.
Tangina! Naiihi na ako sa sobrang kaba.
Gusto ko nang umatras. Gusto ko nang hanapin ang pintuan at kumaripas ng takbo.
Pero sa tuwing nais kong takbuhan ang kinakatakutan ko, ay bigla kong naiisip ang mga pangarap ko sa buhay. Ang pangarap kong bumuo ng maayos na pamilya. Ang pangarap kong magkaroon ng magandang kinabukasang kasama sina Nessa at baby Carl. At lalo pa dahil gustong patunayan ang sarili ko kay kambal.
Nanginginig at nangangatog ang tuhod ko habang nakatayo. Isang aplikante na lang at ako na ang susunod na iinterviewhin.
“Kaya ko ito! Kaya ko ito! Kaya ko ito!” Paulit-ulit kong ibinubulong sa sarili ko. Pero hindi ko pa ring mapigilang kabahan.
“Next!” Sigaw nung matandang babae na kumakausap sa mga aplikante.
Dahan-dahan akong pumasok sa kanyang silid at napansin kong hindi niya ako tinitignan.
“Sitdown. Where is your resume?”
Halos hindi ako makapagsalita. Ibinigay ko na lang ang resume ko sa kanya.
“Michael Alcantara?”
“Yes, ma’am.”
“You just finished one year in college?”
“Hmmm… Yes ma’am. College level pa lang po ako.”
“Sorry we can’t offer any job positions for you. We are accepting atleast second year in college.”
“Pero ma’am, subukan niyo po muna ako. Mabilis po ako magtype at mag-encode.”
“Sorry isa sa mga requirements yun ng trabaho.”
“Ma’am, I just need a job.”
“Hindi talaga puwede. Unfair naman sa ibang aplikante kung pagbibigyan kita nang sa diyan sa dahilan mo. Thanks for your time. Next!”
“Ma’am, please. Baka puwede niyo po muna ako pagbigyang maipakita yung kaya kong gawin sa pag-eencode.”
“Hindi ka ba nakakaintindi? Hindi nga puwede. Salamat sa pagpunta mo, pero hindi ka qualified.”
Puta!
Hindi ko alam kung papaano ako lalabas sa opisinang ito.
Namamanhid ang mga binti ko at halos hindi ko na maihakbang ang mga paa ko.
Nararamdaman ko na lang ang pamumuo ng luha sa mga mata ko. Ayokong umiyak sa kalsada. Pero parang hindi ko na mapigilan.
Sayang ang pamasahe.
Sayang ang pera.
Sayang ang pagod.
Hindi manlang ako binigyan ng pagkakataon.
Sa isang tanong lang, ligwak na agad ako.
Sobrang haba ng pila, at kahit anong tiyaga ang nagawa ko, nauwi lang ang lahat sa wala.
Ganito pala kahirap mag hanap ng trabaho.
Lalo na kung hindi ka tapos sa pag-aaral. Lalo na sa katulad kong limitado lang ang kayang gawin.
Lakad na lang ako ng lakad. Hindi ko na alam kung saan ako pupunta.
Hanggang sa nakarating ako sa isang eskinita dito sa Cubao.
Nabasa ko sa karatula nila na marami silang hinahanap na aplikante. Jedu Recruitment Agency ang pangalan ng kumpanya.
Agad akong pumasok sa loob at katulad ng pinuntahan ko, marami ding mga aplikanteng naghihintay sa loob.
Kahit hindi ko pa nakakalimutan ang nangyari sa akin kani-kanina lang, pinilit ko pa rin ang sarili ko na mag-apply dito.
At nang tinawag na ako ng nag-iinterview ay agad pumasok sa akin ang kaba at takot na matanggihan ulit.
“Anong trabaho inaapplyan mo?”
“Sir, isang taon lang mo ang natapos ko sa kolehiyo. Hindi ko po alam kung ano ang pupuwede para sa akin dito.”
“Ahh… Sorry pero college graduate lang ang tinatanggap namin.”
“Kailangan ko lang po ng trabaho.”
Nakatingin lang sa akin yung lalaki na nag-iinterview.
Tuluyan na akong nilamon ng takot at nawalan na ako ng pag-asa.
“Pasensya na talaga. Pero wala kaming maibibigay na trabaho sayo.”
“Ganun po ba… Sige po. Salamat na lang.”
“Teka! Teka! Pero kung gusto mo talaga, ibibigay ko yung resume mo sa isang kumpanyang hawak namin, bilang janitor.”
“Janitor?”
“Oo. Kung okay lang sayo.”
Sandali akong hindi naka-imik.
Marangal namang trabaho ang pagiging janitor. Hindi ko lang din alam kung kakayanin ko ang trabahong iyon.
“Basta hindi ka sakitin at kaya mo yung mabibigat na trabaho, puwedeng-puwede ka.”
“Sige po. Kung doon po ako kuwalipikado, tatanggapin ko po.”
“Okay. Tatawagan ka na lang namin. Thanks for your time.”
Hindi ko alam kung malulungkot ba ako o matutuwa ako.
Pero kahit papaano, may kaunting pag-asa akong naramdaman dahil sa sinabi sa akin ng interviewer.
Payag ako. Payag ako sa trabahong iyon.
Payag akong magsimula sa ibaba. Kakayanin ko yon. Alam kong kayang-kaya ko iyon.
Habang pauwi ako sa bahay at nakaupo sa jeep, ay napapatulala na lang ako. Hindi ko alam kung ano ang ikukuwento ko sa kanila pag-uwi ko.
Palpak. Palpak ang araw ko.
Hindi na rin ako kumain ng tanghalian para hindi ko na tuluyang masayang ang pera ni kambal.
Sinayang ko na ang pamasahe na bigay niya.
Pagdating ko sa bahay ay agad kong hinubad ang polong ipinasuot sa akin ni Linda. Ibinabad ko agad ito sa sabon para malabhan mamayang gabi.
Tulog na tulog pa si kambal at hindi niya alam na ginamit ko ang paborito niyang polo. Hindi pala nadadaan sa porma ang paghahanap ng trabaho. Wala silang pakialam kung pinaghandaan mo ang araw na ito. Ganoon kalupit ang mundo. Ganoon kalupit ang tunay na buhay.
Dahil sa sobrang gutom ay kanin at asin lang ang kinain ko. Bawi-bawi na lang ako sa dami ng kanin at hindi ko na inisip na magluto pa ng ulam.
May oras pa kasi ako para mamasada. Sayang din ang kikitain ko.
Marami na akong nasayang na oras ngayong araw na ito. Ayoko nang sagad-sagarin pa ang kamalasan ko.
Pumayag naman yung operator ng tricycle na ipasada ko kahit hanggang alas-diyes lang ng gabi.
Mabuti na ring idaan ko na lang sa sipag sa pamamasada ang nangyaring kamalasan sa akin kanina. Makakalimutan ko rin yun agad. Kailangan kong kalimutan iyon dahil wala akong mapapala kung magmumukmok na lang ako sa isang tabi.
“Oh Michael, kala ko di ka mamasada?”
“Maaga natapos yung lakad ko. Pakilista muna ako diyan.”
“Oy! Ilista niyo raw si Michael. Doon ka na lang sa likod pagkatapos ni Kanor.”
Ipinuwesto ko agad ang tricycle ko sa bandang likuran. Kailangan kong maghintay ng pasahero. Mas maayos ang pila, mas malaki ang kikitain ko.
Maya-maya ay may lumapit sa aking isang pamilyar na mukha.
Umiiwas na ako ng tingin pero mukhang sinadya niya pang lapitan ako.
“Pare! Kamusta?”
“Ayos lang pare. Anong ginagawa mo dito?”
“Relax lang… Hehehe…”
“Hindi na dapat tayo nag-uusap.”
“Pare naman. Wala namang ganyanan. Parang wala naman tayong pinagsamahan niyan eh. Hehehehe…”
“Umalis ka na. Baka may makakita pa sa atin.”
“Oh heto, babayaran ko ang isang biyahe.”
Binigyan niya ako ng limampung piso para lang pagbigyan ko siyang kausapin ako.
Inilusot niya iyon sa bag na nasa may motor para hindi ko na iyon matanggihan.
“Anong kelangan mo?”
“May kailangan lang ideliver.”
“Hindi na ako nagdedeliver. Tapos na ako diyan. Nilayuan ko na yan.”
“Pare naman. One time, big time lang ito.”
“Bakit hindi na lang ikaw ang magdeliver.”
“Medyo mainit pa ako ngayon. Tangina kasi yung pinagdeliveran ko noong isang araw. Tatanga-tanga.”
“Pare pasensya na… Hindi ko talaga magagawa na iyan.”
“Fifty-fifty pare. Kailangan lang ideliver ito.”
“Ayoko na pare, pasensya na.”
“Sixty-forty?”
“Pare…”
“Seventy-thirty? Partida, lugi na ako niyan.”
Hindi ako nakasagot. Mataas ang ipinatong niya para gawin lang iyon.
“Text mo ako pare. Kailangan ko ng sagot mo hanggang mamayang gabi. Madaling araw ang delivery.”
Hindi pa rin ako sumasagot.
Naisip ko rin kasi yung sinabi niyang – one time, big time lang daw iyon.
Alam ko rin ang kalakaran sa ibinigay niyang prosiyento sa akin.
Kaya ko nang bayaran ang kalahati ng tution fee ko. May pangkain pa kami doon.
Pero…
Nangako na ako kay kambal na hindi na babalik sa ganoong trabaho. Napailing na lang ako.
Hindi ko iyon kayang gawin. Hindi ko na iyon dapat balikan pa.
Magpapakapagod na lang ako sa pamamasada. Sabi nga ni kambal, sa susunod na semester na lang ako papasok. Pagkakatiwalaan ko ulit ang mga salita niya.
—
Pag-uwi ko sa bahay ay agad akong sinalubong ni Nessa.
Kahit sobrang pagod na pagod ako, ay napapawi ang lahat ng iyon dahil sa mahigpit niyang yakap.
“Kumain ka na? Ipaghahanda kita.”
“Hindi ako nagugutom honey, wala akong gana.”
“Huh? Naku dapat kumakain ka. Tignan mo, nangangayayat ka na.”
“Ayo lang ako honey, huwag mo akong intindihin.”
Nang papunta na ako sa aming kama ay napansin ko ang mga bagong biling damit at laruan ni baby Carl.
“Ano ito?”
“Ahh iyan… Bigay yan ni Francis. Bumili din kasi siya ng mga damit ni baby Jacob eh. Ang gagara nga eh, puro mickey mouse… Hihihi… Tapos dinamay na rin niya si baby Carl.”
“Ahh ganun ba?”
“Astig nga ni Francis eh. Talagang mahal na mahal din niya si baby Carl. Binilhan niya pa ng laruan. Itatabi ko na lang muna yan para sa paglaki niya.”
Hindi ako makakibo.
Alam kong dapat ay hindi ako nag-iisip ng masama, pero nakaramdam ako ng panliliit.
“Kaya ikaw, dapat pagnagkatrabaho ka na, gagayahin mo si Francis. Ginagalingan niya talaga sa opisina kaya lagi siyang ng production bonus. Ang husay lang talaga niya!”
Wala akong masabi.
Lalo akong nakakaramdam ng inggit kay Francis.
Lalo na sa tuwing ipinapakita niya sa akin na wala akong kuwentang tao, at hindi ko kayang itaguyod ang pamilya ko.
“Oh! Saan ka pupunta?”
“Magbabanyo lang.”
Wala naman akong ibang pupuntahan eh.
Ayokong ipakita sa kanya na galit ako, hindi lamang kay Francis, kundi sa sarili ko.
Kahit sa salamin ay hindi ko matignan ng diretso ang sarili ko. Hiyang-hiya na talaga ako. Nanliliit ako sa tuwing tinatalo ako ng kapatid ko.
Tangina!
Maya-maya ay may naalala ako…
One time, big time… One time, big time… One time, big time…
Parang may sariling utak ang mga kamay ko at agad na inilabas ang cellphone sa loob ng aking bulsa at mabilis na nakapag-text.
Sige… Isang beses na lang. Kailangan ko ng pera. Kailangan kong ituloy ang pag-aaral ko. Kailangan ko ng pang-tuition fee.
Ilang menuto pa ay lumabas na ako ng banyo at hinubad ang aking t-shirt at pantalon. Humiga na agad ako sa kama na hindi kinikibuan si Nessa.
Hindi ako galit sa kanya, sa halip ay hiyang-hiya ako. Wala akong binatbat, wala akong kuwenta.
Hindi rin naman niya napansin ang ginawa ko at yumakap siya agad sa akin at mabilis kaming nakatulog.
Mga bandang alas-kuwatro ng umaga ay umalis na ako ng bahay at kinuha ang tricycle na ipapasada. Pumunta ako sa tagpuan upang kuhanin ang isang package na idedeliver ko. Kailangan ko iyon gawin ng mabilis para walang makahalata sa amin.
Ipinarke ko ang tricycle sa may madilim na eskinita at naghintay ng hudyat mula sa customer namin.
Maya-maya ay may tumigil na pulang kotse sa tapat ng eskinita. Inilabas niya ang kanyang kamay habang hawak-hawak ang kanyang yosi.
Tumingin ako sa kanan at kaliwa, upang maisiguradong hindi ako papalpak sa trabaho ko.
Pumunta ako sa kabilang bintana at nakita ko ang isang lalaki.
Mukhang estudyante pa ito at halatang anak mayaman. Tumango siya sa akin at laking gulat ko nang inilabas niya ang kanyang baril.
Napansin niya akong nakatingin dito at takot na takot.
“Ito ba? Pasensya na ha… Kailangan ko lang ng proteksyon. Ngayon lang kasi kita nakita, pare.”
“Ngayon lang ito, ngayon lang ako magdedeliver sayo.”
Agad kong ibinigay ang isang package na nakabalot sa isang brown envelope.
“Sige pare, heto naman iyong pinag-usapan namin.”
Tumango na lang ako nang makuha ang pera.
“Tol, dapat may ganito ka. Proteksyon ito kung sakaling madehado ka.”
Hindi na ako kumibo at mabilis na naglakad patungo sa tricycle ko.
Pinaandar ko kaagad at hinarurot sa kabilang direksyon.
Sobrang lakas ng kaba sa dibdib ko. Hindi ko mawari kung maiihi ba ako o matatae.
Tangina!
“Good job, pare!”
“Bilisan mo at mamasada pa ako.”
“Oh heto parte mo. Gaya ng pinag-usapan, seventy-thirty.”
“Sige pare.”
“Michael. Hinahanap ka ni bossing. Baka gusto mo daw bumalik, sayang ka.”
“Sorry pare, katulad ng sinabi mo, one time big time lang ito. Nangangailangan lang talaga.”
Napatawa naman siya sa sinabi ko at parang hindi niya ako sineseryoso.
“Sige, sabi mo eh. Pero kapag nagbago ulit yang isip mo, text mo lang ako.”
Hindi na ako sumagot at agad ko siyang tinalikuran. Masaya na ako sa malaking halagang nakuha ko. Saktong sakto na ito. Hindi ko akalain na ganito kalaki ang makukuha kong pera. Sobra sobra pa sa inaasahan ko.
Mababayaran ko na ang tuition fee ko, at makakabili pa ako ng pagkain, damit at laruan para sa amin.
Lalo akong ginanahang mamasada. Kung kanina lamang ay sobra-sobra ang aking takot at kaba, ngayon naman ay napalitan iyon ng tuwa at saya. May kakarampot na liwanag akong natatanaw. Matatapos ko rin ang pag-aaral ko. Nakagawa ako ng paraan.
—
Kinagabihan, ay umuwi ako ng bahay na may bitbit na pancit at litsong manok.
Halatang-halata na masaya ako at ako pa mismo ang naghain nun sa lamesa. Sabay-sabay naming pinagsaluhan ang pagkain sa hapagkainan.
Ganito pala ang pakiramdam ng may pera. Ganito pala ang pakiramdam ni Francis sa tuwing may inuuwi siyang grasya para sa aming lahat.
Ang pagkakaiba lang namin, malinis ang konsensya ni Francis.
Samantalang ako naman ay nangangati. Hindi ko alam kung bakit kating-kati ako noong gabi na iyon. Parang may mga pantal ako sa katawa, pero wala naman. Hindi ko alam kung karma ba iyon o ano, pero sobrang kati lang talaga ng pakiramdam ko.
Matapos ang hapunan ay umakyat na kami ni Nessa. Napansin niya ang pagkabalisa ko dahil nangangati nga ako.
“Ano bang nangyayari sa iyo, honey?” Tanong ni Nessa sa akin.
Hindi naman ako makasagot at patuloy pa rin ako sa aking ginagawa.
“Parang kanina ka pang balisa diyan ah… Okay ka lang ba?” Dagdag pa nito.
Maya-maya ay naglabas ako ng pera mula sa aking pitaka.
“Ano ito?”
“Panggastos natin yan. Ibili mo na rin ng damit at laruan si baby Carl.”
“Teka nga… Saan ba nanggaling ang pera na to?”
“Siyempre, pinagpaguran ko. Kinita ko yan.”
Ibinaba naman ni Nessa ang perang ibinigay ko sa kanya.
“Saan galing yan?”
“Puwede ba Nessa, huwag na nating pagtalunan ito. Kunin mo na lang ang pera at gastusin mo.”
“Hindi ko matatanggap yan. At alam kong hindi mo kayang kitain yan sa pamamasada lang.”
“Tangina! Ano pa bang gusto mo? Ngayon at nagkapera na ako, kung ano-ano pa yang sinasabi mo.”
“Tumigil ka nga Michael. Huwag mo kaming idamay diyan sa kalokohan mo. Alam ko kung saan nanggaling yan, at kung bakit mayroon kang ganyang kalaking pera.”
“Pinagpaguran ko yan. Kahit saan pa galing yan, ang mahalaga ako ang naghirap diyan.”
“Bakit nga ba parang hirap na hirap kang ayusin yang buhay mo? Bakit hindi mo tularan si Francis? Nagsusumikap siya at marangal ang trabaho niya.”
“Putang ina! Si Francis nanaman?! Wala na bang ibang magaling sayo kundi yang si Francis?! Ako ang karelasyon mo, hindi ang kapatid ko! Lagi mo na lang ipinamumukha sa akin na wala akong kuwenta kumpara kay utol! Tanginang buhay ito!”
Patabog kong isinara ang pintuan at agad na lumabas sa kuwarto.
Hindi ko kayang makipagdiskusyon kay Nessa dahil alam kong sa mali ko nakuha ang perang iyon.
Iniwan ko siyang mag-isa sa kuwarto nang umiiyak.
Nagpasya na lang ako na sa sala matulog. Gusto ko muna palipasin ang galit ni Nessa. Alam kong hindi niya nagustuhan ang mga sinabi ko at ang ginawa ko.
Alam niya ang kakayahan ko at alam din niyang hindi ko kayang magpalabas ng ganoong kalaking pera sa isang araw lang. Hindi ko rin maipaliwanag sa kanya kung saan ko nakuha iyon.
Sa kakaisip ko ay nakatulog na lang ako sa sofa.
Nagising na lang ako kinabukasan nang may nadidinig akong ingay pababa sa aming hagdanan.
Pagbukas ko ng aking mga mata ay nakita ko si Nessa, kalong-kalong si baby Carl, habang hinihila ang kanilang maleta.
Napatalon ako mula sa sofa sa sobrang gulat ko.
“Anong nangyayari Nessa?”
“Aalis na kami.”
“Nessa… Ano ba ito?”
“Hindi ko na kayang laging ganito. Kung pabigat kami ng anak ko sayo, dapat sinabi mo na lang kaysa gumawa ka ng masama.”
“Nessa, naman… Pag-usapan naman natin ito.”
“Saan nanggaling ang pera? Paano ka nagkaroon ng ganoong kalaking halaga?”
“Nessa naman…”
“Sagutin mo ako!!!!”
“Sa dati kong pinagtatrabahuhan…”
“Ibig sabihin pusher ka nanaman?”
“One time big time lang yun Nessa. Isang beses lang.”
“Gago ka! Droga yang binenta mo. Ang isang beses diyan ay katumbas na ng habang buhay.”
“Nessa, pangako ko sayo hindi na mauulit.”
“Ayoko na Michael. Pakiramdam ko hindi na puwedeng laging ganito tayo. Aalis na lang kami ni Carl at uuwi ng Bicol. Wala ka namang obligasyon sa akin at sa anak ko.”
“Pamilya ko kayo! Pamilya ko kayo Nessa. At kahit hindi mo hingiin sa akin, gagawa at gagawa ako ng paraan para sa inyo. Bumubuo ako ng pangarap hindi lang para sa sarili ko. Para sa ating tatlo iyon.”
“Ayokong gumamit ng pera ng galing sa masama. Itigil na natin itong bahay-bahayan natin. Panahon na para ayusin mo ang buhay mo.”
“Maayos naman Nessa ehh… Lalo lang gugulo buhay ko kung mawawala ka…”
“Pahinga muna tayo… Kailangan ko lang ng pagkakataong ito para mapag-isa at makapag-isip. Buo na desisyon ko, aalis na kami.”
“Nessa… Nessa please… Huwag mo naman gawin sa akin ito oh! Nessa!”
Hindi ko sila napigilan.
Wala akong nagawa.
Nagkamali ako.
At ang pagkakamaling iyon ang tanging hiblang natitira sa tuluyang pagkasira ng relasyon namin.
Para akong ninakawan.
Para akong nasunugan.
Sa isang iglap lang ay nawala ang lahat sa akin.
Sa isang desisyon lang ay gumuho ang buong buhay ko.
Nagkulong ako sa kuwarto.
Ilang araw akong hindi makausap at hindi kumakain.
Sobrang laki ng nawala sa akin, katumbas ng perang nakuha ko sa pagdedeliver.
Walang hustisya.
Kaya kong gawin ang lahat para sa kanila. Sinubukan kong maghanap ng marangal na trabaho pero hindi nila ako mapagbigyan.
Nahusgahan agad ako sa isang kapirasong papel.
Putang ina nilang lahat!
Tapos ngayon, nagdesisyon ako na makagawa ng paraan para magkapera, nauwi pa rin sa lahat.
Hindi ako makatulog. Hindi ko makontak ang mag-ina ko.
Nagpalit na rin siguro ng sim card si Nessa para hindi ko sila mahabol.
Bakit ganoon? Sobrang bilis niya akong hinusgahan at iniwan nang dahil lang sa pagkakamaling iyon?
Ginawa ko lang naman iyon para sa kanila. Hindi lang para sa akin.
Pero wala.
Walang makakaintindi sa akin.
Walang tunay na nagpapahalaga at nagmamahal sa akin.
Lahat sila, tingin sa akin ay pabigat, mahina, walang utak, bobo.
Hanggang sa nagpasya na lamang akong tumayo sa kama at lumabas ng kuwarto.
Habang bumababa ng hagdan ay nakita ako ni Linda na tila wala sa aking katinuan.
“Kuya… Michael! Saan ka pupunta? Gusto mo ba kumain? Ipaghahanda kita.”
“Labas lang ako saglit.”
May pupuntahan ako.
Pupunta ako sa mga taong lubusan na nakakaunawa sa akin.
Mga taong totoong nagmamahal sa akin.
Mga taong inintindi ako at lahat ng pangangailangan ko.
Mag-iinuman kami.
Magpapasalamat lang ako dahil ngayon ko lang napatunayan na sila lang talaga ang tunay na kakampi ko. Ang tunay na laging nakaabang sa likuran ko.
Bumili ako ng alak.
Isang boteng alak.
Naglakad na lang ako papunta doon, at alam kong kahit anong oras ay puwede ko silang takbuhan.
Hindi nila ako iiwan, kahit kailan.
At nang makarating ako sa dating tagpuan, tama nga ako at naghihintay na sila sa akin.
Inilapag ko ang mga baso at nilagyan ng alak.
Tahimik lang kami. Hindi ko alam kung sino ang unang iinom.
Maya-maya ay hinawakan ko na ang baso ko at pilit nilunok ang sobrang pait na alak.
Parang masusuka na agad ako kahit kasisimula pa lang namin sa inuman.
Hanggang sa nakita ko ang mga tumubong damo sa tabi at agad binunot ang mga ito.
Matagal-tagal na rin na hindi ako nakapunta sa dating tagpuan dahil sobrang abala ako para abutin ang mga pangarap. Hindi ko namamalayang nakakalimutan ko na sila. Ang mga taong tunay na nagmamahal sa akin.
At dahil hindi ginagalaw ng kainuman ko ang kanyang baso, ay ako na rin ang uminom nito.
Nanginginig ako.
Pilit ko kasing pinipigilang umiyak.
Ayokong magpakita ng kahinaan sa harapan nila dahil ipinangako ko dati na magtatagumpay na ako.
Pero hindi…
Kusa pa ring tumulo ang mga luha ko.
Umiyak ako ng parang sanggol na nangungulila sa aruga ng magulang.
Tumulo ang mga luha ko himlayan ng aming magulang.
Iyak lang ako ng iyak.
Hiyang hiya ako dahil kulang pa ang ibinigay kong pagpapahalaga sa kanila noong nabubuhay pa sila.
Sila lang ang tunay na nagmalasakit sa akin.
Sila lang ang tunay na nagmahal sa akin.
Sila lang ang tunay na nakaunawa sa akin.
Sila lang ang tunay kong kakampi.
“Mama… Papa… Patawarin ninyo ako… Minalas nanaman ako sa buhay…”
Hindi ko kayang itawid ang isang buong pangungusap dahil sa paghagulgol ko. Gusto ko silang yakapin dahil alam kong doon lang ako ligtas.
“Mama… Papa… Mahina ako… Wala akong kuwentang tao… Pero alam kong mahal niyo pa rin ako kahit ganito lang ako… Kung puwede lang ako sumama sa inyo, matagal ko na pong ginawa… Mama… Papa..”
At…
Ngayon ko nalaman kung ano lang ang mayroon ako na wala si Francis.
Sina mama, si papa… at ang sakit ko.
- Undo – Episode 8: Ctrl + Z - November 22, 2024
- Undo – Episode 7: Ctrl + X - November 22, 2024
- Undo – Episode 6: F1 (Help) - November 15, 2024