Written by mrs_jones
Muli akong bumangon makalipas ang ilan minuto at natanaw ko sa silangan ang araw na unti unting sumisikat kasabay ng siyapan ng maraming ibon at malamig na simoy ng hangin. Napakatagal na panahon hindi ko naranasan ang ganoon pagkakataon sa aking buhay na masaksihan ang pasimula ng bagong umaga at bagong araw. Ang mga manok ay nagliliparan na pababa mula sa pagkakadapo sa mga puno, animo ay naglalaro ang mga bibe na pumapagaspas ang mga pakpak, ang mga pabo ay parang chorus na nagugulat. Kay gandang pagmasdan ang pasimula ng umaga.
Sa di kalayuan ay tanaw ko rin ang mga nagtatanim ng palay na mas maaga pa nagsimula upang hindi abutin ng mainit na sikat ng araw. Meron pa na tumutugtog sa gitara na kahit hindi ko naririnig ay sinasabayan din ng pag awit. Ilan sandali pa ay natanaw ko na ang isang maid na nagwawalis ng mga tuyong dahon na nalaglag mula sa mga puno. Natanaw ko rin si Leonard na nagdidilig ng mga halaman at bermuda grass sa garden. Ang isang maid naman ay nagsisimula na rin maglaba ng mga damit at ang medyo may edad ay namimitas ng ilan prutas at nangunguha ng mga itlog ng manok sa mga pugad para sa agahan namin.
Maya maya ay naaamoy ko na ang mga ginigisang bawang at sibuyas na nagpakalam ng aking sikmura. Nagluluto na sila ng almusal kaya nag ayos ako ng sarili at bumaba na diretso sa kitchen kung saan ay mismong hipag ko ang nagluluto. Nakakagutom ang amoy ng pritong tuyo at daing at ang sinangag. Tumulong na rin ako sa paghahanda ng mesa at isa isang inilagay ang mga niluto, mga prutas gaya ng papaya, saging at mangga, meron din pipino, lettuce, sariwang gatas ng baka at bagong pitas na buko.
Nang maihanda na ang lahat ay tinawag na ni hipag si Kuya, ang mga maid at si Leonard upang magsalusalo na sa almusal. Nagtaka sila dahil inuna ko kainin ang mga prutas at inumin ang buko juice at baka raw pagsaktan ako ng sikmura. Natawa na lang ako at ipinaliwanag na mas mainamn maunang kainin ang prutas. Pero hindi ko rin sila nakumbinsi dahil nakasanayan nila na himagasin ang mga prutas pagkatapos kumain. Kamayan kami sa pagkain at aminado ako na naparami ang nailaman ko sa aking sikmura dahil sa sarap ng aming pinagsaluhan.
Pagkatapos ng almusal ay tinawag ko ang members ng household at isa isang binigyan ng mga pasalubong na labis nilang ikinatuwa. Nasiyahan sila sa mga imported na lotion, sabon, shampoo, chocolates, candies, colognes, pulbos. Nagsabi sila na malaman nila ang mga gusto ko ipagawa sa duration ng aking bakasyon. Kita ko ang labis nilang kaligayahan sa mga simpleng bagay na aking ibinigay sa kanila.
Nagpaalam na sina Kuya upang magtungo sa kanilang negosyo na rice milling at trading. Masaya naman kasama ang mga maid na animo ay walang kapaguran sa mga ginagawa. Alaga nilang linisin ang loob ng kabahayan kaya napakasinop ng lahat ng makikita ng aking mga mata.
Paglabas ko sa garden ay dinatnan ko si Leonard na nag aalis ng mga tuyong dahon ng mga halaman at ginugunting ang matataas na bermuda grass. “Good morning po Mam Chona”, ang bati agad sa akin. “Kumusta po ang tulog nyo”, sinabi ko napakahimbing at walang abala.
- Greenhorn 7 - May 2, 2022
- Greenhorn 6 - April 28, 2022
- Greenhorn 5 - April 28, 2022