Uncategorized  

Dollhouse

blckraven
Dollhouse

Written by blckraven

 


December 25, 2012
2:34 am

Bumangon ako mula sa kama nang makaramdam ng nagbabadyang pagsabog ng aking pantog. Agad akong tumakbo papunta sa banyo at dali-daling hinubad ang pajamas ko.

Hinayaan kong lumabas dahan-dahan ang ihi na kanina ko pa pinipigilan dahil natatakot akong makakita ng multo bago ako pumasok dito sa banyo. Hindi ko na mapigilan kaya narito na ako ngayon.

Madaling araw na pala. Birthday ko na. Birthday na rin ni Papa Jesus.

10 years old na ako.

Nang matapos akong umihi ay itinaas ko nang muli ang aking pajamas. Binuhusan ko na rin ang kubeta at agad ding lumabas ng banyo. Naglakad na ako pabalik sa kwarto namin ni Mama.

Nagulat na lamang ako nang biglang bumukas ang pinto ng aming bahay. Agad akong nagtago sa ilalim ng lamesa dahil hindi ko alam kung sino ang maaaring pumasok nang ganitong oras.

Binuksan nito ang ilaw at agad akong huminahon nang makita na si Mama ang taong pumasok sa bahay. Dahan-dahan akong gumapang palabas ng lamesa at nakangiting sumugod kay mama.

Nang lumapit ako sa kaniya ay nakita ko ang kaniyang mga labing marahang ngumiti. Ngingiti na rin sana ako nang mapansin ang mga galos at pasa sa kanyang mukha.

“Ano pong nangyari, Ma?” Tanong ko.

“Wala ito, nadapa lang ako sa labas,” sagot niya. “Tignan mo oh, may pasalubong ako sa’yo.”

Tinuro niya ang nakabalot na box sa kaniyang tabi. Dahil sa murang edad, agad nabaling ang atensyon ko sa malaking kahon na nasa tabi niya. Tumalon-talon ako sa galak.

“Ano po ito, Ma?” tanong ko.

“Buksan mo.”

Agad kong pinagpupunit ang makulay na wrapper ng kahon at dali-daling binasa ang nakasulat. Kahit na hindi pa rin ako sanay na bumasa ay sinubukan ko pa ring basahin ang nakasulat sa kahon.

“Doll— Doll— Dollhouse?” Tanong ko. “Ano ‘yun, Ma?”

Natawa si Mama sa aking sinabi at agad na pinisil ang aking pisngi. “Laruan’ yan, anak. Malaking laruan.”

Lumaki ang aking mga mata at muling tumalon-talon. Tinulungan ako ni Mama na ilabas ang laruan mula sa kahon at mas lalo pa akong natuwa nang makita ang kabuuan nito.

“Salamat po, Mama!” Sabi ko at mahigpit na niyakap ang aking nanay.

Naglaro kami ni Mama hanggang umaga.

Makalipas ang walong taon.

“Aray, Ma.” Daing ko nang dumampi ang bulak sa aking sugat sa pisngi.

“Mag-iingat ka kasi sa susunod. Ano ba ang nangyari sa ‘yo, bakit ang dami mong sugat?” Nag-aalalang tanong sa akin ni Mama.

“Nadapa lang po ako.” Sagot ko.

Panandaliang huminto si Mama sa kaniyang ginagawa at tinuloy rin ito agad. Marahil ay alam niyang nagsisinungaling ako, pero hindi niya na ito kinuwestiyon pa.

“Basta, kapag may problema ha, sabihan mo ako,” wika niya. “Nandito ako para tulungan ka.”

Kinagat ko ang mga labi ko at marahang tumango.

“Nagugutom ka ba? May naitabi akong ulam mula kahapon, nandiyan sa mesa.”

“Hindi ka po nakaluto?”

“Wala tayong pera, eh.”

Huminga na lamang ako nang malalim. “Di bale na, ma. Hindi naman po ako nagugutom.”

Ngumiti si Mama. Tinigil na niya ang pag-asikaso sa sugat ko at tumayo. Isinara niya na ang pinto.

Sumunod din akong tumayo at kinuha ang nakarolyong banig sa sulok ng bahay. Inilatag ko ito at nilapag ang dalawang unan sa ibabaw. Humiga na kaming dalawa. Nagulat ito nang yakapin ko at pumikit. “Good night, ma.”

“Good night, anak.”

Kinabukasan.

Nagmamadali akong nagsuot ng medyas at sapatos nang magising kong late. Nang matapos ay kinuha ko na rin ang butas-butas kong bag at nagpaalam na kay Mama.

“Yung buhok mo, Alyssa. Mag-ayos ka, para kang aswang.”

Gamit ang aking mga daliri ay marahan kong sinuklay ang aking buhok. “Ayos na ba, Ma?”

Umiling ito at sumimangot. “Di bale na, bilisan mo dahil late ka na!”

Kumaripas na ako ng takbo at muling kumaway kay Mama.

Sampung minuto rin ang tinagal bago ako makarating sa school. Hindi na ako nakaligo. Binati ko ang guard at agad na tumakbo papunta sa classroom.

Saglit akong tumigil sa harap ng room upang habulin ang aking hininga. Pagkalipas ng ilang segundo ay kumatok na ako at pumasok. “Good morning po, Sir. Pasensya na po late ako.”

“Ano pa ba’ng magagawa ko, Miss Velasquez? Oh siya, pumasok ka na.”

Magsasalita pa sana ang aking guro nang biglang sumama ang tingin nito. Bigla niyang tinakpan ang kaniyang ilong at hindi na umimik pa.

Binilisan ko na lamang ang aking paglakad at agad na umupo sa upuan ko. Maging ang mga kaklase ko ay nagreklamo sa amoy ko.

“Tang inang amoy yan.”

“Lyssa, naliligo ka pa ba?”

Yumuko na lamang ako at hindi na sila pinansin. Hindi na rin ako nakinig pa sa discussion at natulog na lamang sa klase.

Naalimpungatan ako at dahan-dahang minulat ang aking mga mata. Hindi pa rin ako gumagalaw dahil sa katamaran at pinakinggan na lamang ang aking mga kaklase.

“Classroom ito, hindi makeup studio!” Asar ni Eric.

“Manahimik ka nga diyan, palibhasa naiinggit ka lang, e. Bakla ka ba?” Hirit ni Christine. Agad nagkantyawan ang mga lalaki at inasar na bakla si Eric.

“Sis, pahiram nga ako ng lip gloss,” pakiusap ni Michaela.

“Ito, oh.”

Bumuntong-hininga na lamang ako at muli na sanang pipikit nang makarinig ng pag-spray ng pabango malapit sa akin. Naramdaman ko ang likidong iyon at agad na tumayo. Tinignan ko ang likod ng aking uniporme at nakitang pinabanguhan ako ng isa sa mga kaklase ko.

“Kami na mag-a-adjust, Alyssa. Nakakahiya naman sa’yo.” Irap ni Isabelle at natatawang bumalik sa grupo nila.

Nagtawanan ang buong klase at nakisali sa pangangantyaw.

“Ina niyo, kapag ayan si Alyssa nag-ayos. Taob lahat kayong mga babae,” sabat ni Vincent.

“Gandang chix pa naman niyan ni Alyssa kapag malinis, mas masarap tignan.” sambit naman ni Joseph.

“Alam niyo, ang mamanyak niyo. Ikalma niyo nga ‘yang mga tite niyo!” Pandidiring sabat ni Christine at agad na binaling ang tingin sa akin. “Sa kakaganyan niyo baka mahawaan pa kayo ng sakit niyan na minana niya sa nanay niyang pokpok.”

Muling nagtawanan ang mga kaklase ko.

Dahan-dahan kong ikinuyom ang mga palad ko. Limang taon din akong nagtiis sa ganitong mga salita. Limang taon akong nagkimkim at ipinagsawalang-bahala ang mga pinagsasasabi nila. Hanggang kailan ako magtitiis?

“Tama na ‘yan, guys.” Awat ni Michaela.

Magsasalita na sanang muli si Christine nang pumasok ang susunod naming guro. Muli na rin akong bumalik sa pagtulog.

Ako ang pinakaunang lumabas ng classroom nang tumunog ang bell at nagmamadaling umuwi. Bago pa ako makalabas ng school ay narinig ko ang aking apelyido at lumingon sa pinanggalingan nito. Si Sir Jacob. Lumapit ako sa kaniya.

“Bakit po, sir?”

“Ayos ka lang ba?” Nag-aalalang tanong niya.

Tumango ako. “Okay naman po, sir. Bakit niyo po naitanong?”

“Alam ko na ikaw ang pinagkakaisahan ng mga kaklase mo. Nakita ko kanina.”

“Ayos lang po ‘yon, sir. Biruan lang po namin ‘yon,” tumawa ako nang pilit.

Ipinatong niya ang kanyang kaliwang kamay sa aking balikat. “Sabihan mo ako kapag ginulo ka pa nila, ha?”

Dahan-dahang bumaba ang kaniyang palad sa aking braso at marahan itong pinisil. Agad kong hinawi ang kaniyang kamay at umatras. “Salamat po, sir. Iyon lang po ba? Mauuna na po ako.”

Hindi na ako naghintay pa ng kaniyang sagot at agad na tumakbo palabas ng school. Dali-dali rin akong umuwi ng bahay.

Habang binabagtas ang daan pauwi ay hindi maalis sa aking isipan ang mga nangyari ngayong araw. Tumatak ang sinabi nina Vincent at Joseph sa aking isipan hanggang sa ngayon.

“Ina niyo, kapag ayan si Alyssa nag-ayos. Taob lahat kayong mga babae.”

“Gandang chix pa naman niyan ni Alyssa kapag malinis, mas masarap tignan.”

Nang marating ko ang bahay ay agad akong pumasok. Isinara ko ang pinto pagkapasok at sumandal dito. Huminga ako nang malalim at tumingin kay Mama na kasalukuyang naghihimay ng malunggay.

“Ma…” Panimula ko.

Lumingon sa akin si Mama at ngumiti, “Bakit, anak?”

“P’wede niyo po ba ako turuang mag-makeup?”

blckraven
Latest posts by blckraven (see all)
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Most Voted
Newest Oldest
Inline Feedbacks
View all comments
Libog Stories
0
Would love your thoughts, please comment.x