X
SUBMIT STORIES

Daluyong ng Panahon – Kabanata 2

Daluyong ng Panahon

Daluyong ng Panahon – Kabanata 2

By Sjr666


 

 

KABANATA 2: SA GITNA NG PAGBABAGO

BLAGGGGG!

Nagulat si Rho sa biglang dagok ng katabi niya. Dumilat siya at napagtantong nasa harap siya ng isang lumang monitor—malabo, maraming gasgas, at tila may kupas na liwanag. Ibinaling niya ang tingin pababa—isang keyboard na burado na ang mga letra at isang mouse na naglilimahid sa dumi. Gulo ang kanyang isip. Ano ‘to? Bakit nandito ako?

BLAGGGGG!

Isa pang malakas na batok ang tumama sa kanyang ulo. “Hoy, mag-pick ka na! Kanina ka pa nakatulala diyan! Ubos na ang gold natin!” sigaw ng nasa likod niya.

Napatingin siya sa screen. Isang lumang laro. Alam niya ito. Dota—larong kinahumalingan ng marami noong kabataan niya. Dahan-dahan niyang hinawakan ang maruming mouse at pumili ng hero. Apat na bahay ang nakadisplay, at pinili niya ang isang matipunong lalaking may dilaw na buhok. Lumabas sa screen ang isang karakter na may puting kapa, tila mabagal ang galaw, at may tatlong umiikot na bolang kristal.

Invoker.

Nagulat ang lahat, kasabay ng malakas na kantyawan. “Hoy, bobo! Noong isang linggo ka lang natutong maglaro, Invoker pa talaga pinili mo?!” sigaw ng isa.

“Anong gagawin mo diyan? Para sa may utak ‘yan!” dagdag ng isa pang tumatawa.

Sunod-sunod ang pang-aasar ng mga nakapaligid. Ngunit hindi na niya inalintana. Parang may bumalik na alaala sa kanya, pero hindi niya maipaliwanag. Sa kanyang isipan, dati siyang walang kwenta sa larong ito, pero bakit ngayon, tila alam niya ang bawat galaw?

Lumipas ang apat na minuto. FIRST BLOOD!

Isang malakas na tunog ang umalingawngaw sa shop. Napatay niya ang kalaban niyang si Nevermore! Napatigil ang lahat. Saglit na katahimikan, tapos sigawan ulit. “WHOOO! TYAMBAAAA!” sigaw ng isa. Pero hindi doon nagtapos.

DOUBLE KILL!

TRIPLE KILL!

ULTRA KILL!

RAMPAGE!!!

Nagliyab ang buong computer shop. Ang dating walang tao sa kanyang likod, napuno ng manonood. Tila isang propesyonal na pianistang may ritmo ang bawat kilos niya. Wala nang kantyaw, wala nang tawanan. Napalitan iyon ng gulat, paghanga, at pagkasabik.

BOOOOGGGG!

Gumuho ang throne ng kalaban. Natahimik ang buong computer shop. Hindi lang simpleng laro ang kanyang napanalunan—natalo niya ang lima sa pinaka-mabangis na manlalaro sa shop.

Tumayo si Rho, tila naguguluhan pa rin. Hinanap ang exit, naglakad papalabas. Pakiramdam niya’y hindi siya makahinga sa dami ng nakapaligid sa kanya. Tinapik-tapik niya ang kanyang mukha.

Parang isang panaginip ang lahat.

Pagbukas niya ng pintuan ng computer shop, bumungad sa kanya ang pamilyar ngunit tila banyagang mundo. Naaninag niya ang kalsada, traffic light, at katabing establisyemento. May dumaan na sasakyang maingay ang tugtugin, at sa gilid, isang poster ang pumukaw ng kanyang atensyon—

Isang matandang may kulay pulang damit, may asul na background, at isang kamaong nakasuntok.

Napaluhod siya sa gulat. Nagdilim ang kanyang paningin. “Put— Duterte for Presidency?!

Mabilis siyang tumakbo sa pinakamalapit na tindahan, tiningnan ang kalendaryo.

Year 2016.

Napahawak siya sa ulo. “Tangina, 2025 kanina, bakit 2016 na ngayon?!”

Muling kinurot ang pisngi, sinuntok ang ulo, at tinapik ng malakas ang dibdib.

BOOOOG!

Isang bag ang tumama sa kanyang likod. Napalingon siya at nakita ang apat na lalaking tumatawa. “Baliw na yata ‘to! Nagpuyat siguro kagabi kakapractice ng Invoker kaya kung ano-ano ginagawa sa sarili!”

Isa pa ang sumigaw, “Hoy! Papasok ka pa ba? Malalate na tayo sa Physics! Tara na! Tulog ka pa ata!”

Hindi na nagsalita si Rho. Tumingala siya, huminga ng malalim, at marahang tumungo. Totoo ba ‘to? Sumunod siya sa kanila, ngunit sa kanyang isipan, isang tanong lang ang umiikot—

Bumalik ba talaga ako sa nakaraan?!

Subscribe
Notify of
guest


0 Comments
Most Voted
Newest Oldest
Inline Feedbacks
View all comments
Libog Stories
error: <b>Alert:</b> Content is protected, bawal kopyahin!