X
SUBMIT STORIES

Daluyong ng Panahon – Kabanata 1

Daluyong ng Panahon

Daluyong ng Panahon – Kabanata 1

By Sjr666


 

 

KABANATA 1: SA GITNA NG DILIM

Sa kahimbingan ng gabi, sa ika-57 na palapag, sa isang balkonahe, may isang lalaking nakatayo, marahang hinihigop ang kanyang sigarilyo. Sa bawat usok na kanyang ibinubuga, tila kasabay nitong lumalabas ang bigat ng kanyang damdamin. Sa ilalim ng malamlam na liwanag ng buwan, nakikita ang bahagyang panginginig ng kanyang mga kamay—hindi dahil sa lamig, kundi dahil sa pagod. Sa bawat buntong-hininga, may bahid ng pagkawasak.

Si Rho. Isang Department Head sa isang prestihiyosong kompanya. Noon, hinangaan, nirespeto, at tinitingala. Ngayon, isang anino na lang ng kanyang dating sarili. Puno ng sugat na hindi nakikita, binabalot ng lungkot na hindi maipaliwanag.

Sa loob ng ilang buwan, sunod-sunod na dagok ang tinanggap niya. Ang matagal na niyang inaasam-asam na promosyon—napunta sa iba. Ang pinagpaguran niyang investments—nabaon sa utang, itinakbo ng mga kasosyo, nilamon ng kasakiman. Ang kanyang tahanan—ang tanging pahingahan sana mula sa magulong mundo—nasira sa pinakamalupit na paraan. Ang babaeng minahal niya, ang babaeng ipinaglaban niya, nagtaksil sa kanya.

Para siyang itinapon sa isang malalim na bangin, walang lubid, walang hahawak sa kanya.

Nilingon niya ang loob ng kanyang condo unit. Walang buhay. Katahimikang nakakabingi, tila nagsasayaw ang anino ng kanyang mga gamit sa mahina at kumukupas na ilaw ng lampshade. Pinilit niyang gawing makabuluhan ang huling mga araw niya—nilinis ang kanyang gamit, tinapos ang mga proyektong iniwan niyang nakatiwangwang. Para bang gusto niyang iwan ang mundong ito na maayos, kahit siya mismo ay sira-sira na. Ngunit sa kalagitnaan ng pagliligpit, isang bagay ang bumagsak mula sa lumang bag ng kanyang asawa.

Isang nakabilot na tissue. Sa loob nito, isang gamit na condom.

Hindi niya napigilang mapatawa, pero kasabay noon ay isang matalim na kirot sa kanyang dibdib. Nakakatawa, hindi ba? Na minsan, ang taong pinagkatiwalaan mo ang siya palang unang lilinlang sa’yo. Matagal niyang hindi pinaniwalaan ang mga bulong ng kanyang matalik na kaibigan, ang mga sulyap ng mga tao sa opisina, ang mga palihim na usapan sa likod niya. Pilit niyang isiniksik sa isip na baka siya lang ang nag-iisip ng masama. Na marahil, hindi ganun kalupit ang mundo sa kanya.

Pero nagkamali siya.

Napagtanto niyang lahat ng iyon ay totoo. At ang mas masakit—siya na lang ang huling nakaalam.

Napabuntong-hininga siya, kasabay ng pagpatak ng luha na hindi niya namalayang kanina pa pala niya pinipigil. Tinakpan niya ang kanyang mukha gamit ang nanginginig niyang kamay.

Pagod na ako.

Pagod na akong lumaban sa isang laban na ako lang ang may alam.

Muling bumalik ang tingin niya sa ibaba. Napakaraming sasakyang dumadaan, hindi alintana ang sakit ng isang estrangherong tulad niya. Sabi niya sa sarili, “Kung malas talaga ako, may dadaan na tricycle sa highway na ‘to.”

Imposible. Bawal ang tricycle sa highway. Ngunit kasabay ng tuloy-tuloy na busina, isang tricycle ang dumaan—tila may kasamang convoy ng mga motoristang pinapatabi ang ibang sasakyan. Napakunot ang noo niya. Hindi niya inaasahan iyon. Tiningnan niya ang tricycle—may laman itong pasyente, mabilis na tinatahak ang daan patungo sa ospital.

Napangiti siya. Mapait. Isang patunay na kahit ang imposible, minsan ay nangyayari.

Muling humithit sa sigarilyo, ninamnam ang huling usok na kayang pagaanin ang kanyang pakiramdam. Inapakan niya ang railing ng balkonahe, hinayaang lumutang ang kanyang katawan sa kawalan.

Tinapunan niya ng tingin ang kanyang kwarto—ang kwartong naging saksi sa lahat ng kanyang lungkot, sa lahat ng gabi ng pag-iisa, sa lahat ng panahong pilit niyang itinayo ang sarili.

Sa huling pagkakataon, binato niya ang cellphone sa kama.

At pumikit.

Isang hakbang.

Nawala ang kanyang balanse. Narinig niya ang ugong ng hangin. Naramdaman niya ang lamig nitong dumadampi sa kanyang balat.

At sa huling sandali, hinayaan niyang yakapin siya ng kadiliman.

 

BLAGGGGG!

Subscribe
Notify of
guest


0 Comments
Most Voted
Newest Oldest
Inline Feedbacks
View all comments
Libog Stories
error: <b>Alert:</b> Content is protected, bawal kopyahin!