Written by robinhud
#########################
PART 1
#########################
“Hay nako Danilo. Anong kalokohan ba yang pinasok mo?”, tanong ni Lola Orya sa anak.
Dalawang buwan matapos tapusin ni Mariel at ni Danilo ang kanilang tagong relasyon ay eto ngayon ang binata, nasa hapag kainan at kausap ang kanyang mga magulang. Pagod sa buong araw na pagttrabaho sa bukid ang mag-asawa, at ang balitang dala ng kanilang anak ay hindi nakatulong sa pagpawi ng pananakit ng batak nilang katawan.
“Paano ba kasi nakarating dito yan?”, tanong ni Lolo Tasyo na mahina lang ang boses upang hindi madinig ng dalagang kasama ni Daniel na nasa balkonahe ng kanilang bahay.
“E tay, nalasing kasi ako noong nakitulog ako sa kaibigan ko sa kabilang bayan.”, hindi masabi ni Danilo na galing sa Maynila ang dalaga at nakilala nya noong gabing naghiwalay sila ni Mariel. “Kaya ganyan.”
Sya si Marie. Kalapating mababa ang lipad ang tawag sa mga katulad nya sa modernong panahon. Tubong Bohol at napilitang makipagsapalaran sa Maynila dahil sa pangako ng lungsod na magandang pamumuhay. Tinakasan nya ang buhay sa probinsya pati ang kanyang mga pamilyo doon. Lagalag sya sa syudad sa kanyang mga unang buwan dito at napadpad bilang helper sa beerhouse. Dahil sa morena nyang kutis, manipis na maikling buhok, malamlam na mga mata at matangos na ilong, madaming patron ng beerhouse ang nagandahan sa kanya. Hanggang sa naging isa sya sa mga babaeng rumaraket upang magkaroon ng dagdag na kita.
Mapusok si Marie at malakas ang kanyang loob. Noong gabing may nangyari sa kanila ni Danilo, lango sa alak at kalungkutan ang binata. Dahil halos wala sila parehas sa kanilang mga sarili, at pareho silang alipin ng laman ay sa loob ni Marie nilabasan si Danilo. Dahil doon ay siniguro ni Marie na alam nya ang detalye ng binata kung sakaling mabuntis sya nito. At eto na nga, natunton nya si Danilo isang dapithapon sa tahanan nito sa Sta. Ana.
“Parang hindi ako naniniwala Danilo.”, wika ni Lola Orya. “Sigurado ka bang ikaw ang ama ng dinadala nyan?”
Tumahimik lang si Danilo. Sa babaeng katulad ni Marie, na ang primerong kalakal ay ang kanyang katawan, hindi din nya maikakaila na duda sya kung sya nga ang ama ng batang dinadala nito. Sya mismo ay hindi sigurado sa isasagot.
Mabait ang mag-asawang Orya at Tasyo, at kahit pa labag sa kalooban ay hinayaan nila ang gusto ni Danilo na sa kanila mamalagi si Marie. Doon na natulog si Marie nang gabing iyon, ngunit laking gulat ni Danilo at ng kanyang mga magulang nang sila ay magising. Wala na si Marie sa kanyang higaan at hindi nila ito makita.
Sa liit ng bayan ng Sta. Ana ay naging usap-usapan ang pagdating ng isang dalaga sa bahay ni Lolo Tasyo at Lola Orya. Naging matunog sa kwentuhan ng mga magsasaka sa bukid na ang binata ni Lolo Tasyo ay mayroon nang asawa. Sa palengke at sa plaza malapit sa simbahan ay may mga nakabalita na din na isang babae ang tumuloy sa bahay ni Danilo at inisip na ng marami na pag-iisang dibdib na ang kasunod nito.
Isang buwan matapos ang biglang pagdating at pag-alis ni Marie sa bahay ni Danilo ay maingay pa din ang tsismis sa mga umpukan sa Sta. Ana. Sa katunayan, ito ang unang narining ni Mariel nang mapadaan sya sa simbahan sa unang araw ng kanyang bakasyon sa Sta. Ana. May malaking event sa kanilang unibersidad sa Maynila kung kaya’t isang linggo silang walang pasok, dahil wala naman syang inaasahang dalaw mula kay Danilo ay pinili na lang ni Mariel na bumalik ng Sta. Ana. Ngayong Setyembre din ipinagdiriwang sa Sta. Ana ang taunang Pista ng Nayon kaya’t maraming mga kaganapan sa bayan. Sa kasamaang palad ay ito ang balitang kanyang nadatnan, na ang dati nyang nobyo ay ikakasal na.
Labis na nalungkot si Mariel at naupo sa isang upuan ng simbahan. Tinanaw nya ang altar na tila ba humihingi ng sagot sa mga tanong na nasa kanyang isipan. Kaparehas ng iilang mga tao sa loob ng simbahan, maraming hindi maintindihan si Mariel sa nangyayari sa kanyang buhay.
Habang nakatulala ay may isang lalaking umupo sa tabi nya.
“Narinig ko ang tsismis. Mukang ikakasal na si Danilo.”, pabulong na wika ni Mr. Lopez kay Mariel.
Palagay ang loob ng dalaga kay Mr. Lopez dahil isa ito sa mga pinagkakatiwalaang tauhan ng kanyang ama. Ngunit hindi nya alam na may nalalaman pala ito tungkol sa kanila ni Danilo.
“Po?”, pasimple nitong sagot.
“Mariel, kung akala mo hindi ko alam na may relasyon kayo ni Danilo, nagkakamali ka.”, wika ni Mr. Lopez.
Nagulat si Mariel ngunit hindi sya nagpahalata.
“Wala po.”
Nasa bahay ng alkalde si Mr. Lopez nuong unang ipinakilala ni Mariel si Danilo sa kanyang ama. Nakita ni Mr. Lopez na hindi gusto ng alkalde ang dukhang si Danilo para sa kanyang nag-iisang anak. Inutusan ng alkalde si Mariel na humiwalay na kay Danilo, ngunit mas matatag ang pag-iibigan ng dalaga at ng binata kaya inilihim na lang nila ang kanilang relasyon.
“Look Mariel, kung napaniwala mo ang daddy mo, pwes, ako hindi. But don’t worry, I don’t have anything against that Danilo guy. Your secret is safe with me.”
Dapithapon na ng dumating si Danilo sa simbahan. Inutusan sya ng kanyang mga magulang na dalin ang ilang mga prutas ast gulay para idagdag sa mga ihahanda sa fiesta mamayang gabi. Pawisan ang kanyang suot na may mahabang manggas dahil tumulong sya sa pagtatanim sa bukirin. Natanggal sya sa Taverna dahil sa madalas syang naglalasing noong mga unang araw na naghiwalay sila ni Mariel. Hindi naman maikakaila na mahal nya pa rin ang dalaga kaya’t pinili na lang nyang magpakalango sa alak. Mabuti na lamang at natulungan sya ng kanyang mga magulang at nahikayat na ituon na lang ang oras nya sa pagsasaka.
Palabas na sana si Danilo ng simbahan ng mapansin nya si Mariel na nakaupo sa isa sa mga upuan. Tatlong buwan mula nung huli silang mag-usap, at kahit may katagalan na ay hindi sya maaring magkamali. Hindi nya kinailangang lumapit upang makumpirmang si Mariel nga ang nakita. Nakatitig naman sa kanya ang dalaga na buhat pa ng pagpasok ni Danilo sa simbahan ay napuna na sya agad ni Mariel.
Lalapit sana si Danilo ngunit umiling si Mariel. Tumayo ang dalaga at lumakad papanik sa kampanaryo. Alam naman ni Danilo ang nais mangyari ng dating nobya, kaya’t makalipas ang ilang sandali ay sumunod din ito sa dalaga.
Sa taas ng kampanaryo nasilayan ni Danilo ang ganda ng dating nobya. Hindi nya maikakaila na nananabik syang makitang muli ang dalaga. Suot ni Mariel ang puting tshirt at paldang maong na halos pantay sa tuhod. Nakapusod ang kanyang buhok, at suot nya ang puting headband na bagay sa kanyang maaliwalas na mukha.
“Nauwi ka?”, tanong ni Danilo.
“Oo.”, sagot ni Mariel na nakatanaw sa bintana ng kampanaryo. “Wala akong pasok ng 1 week, saka fiesta dito kaya umuwi ako.”
“Ang ganda mo pa rin.”,tugon ni Danilo.
Magkaharap ang dalaga at ang binata, may ilang hakbang sa kanilang pagitan kung saan nandon din ang bintana na nagsisilbing lagusan ng liwanag sa unti-unting dumidilim na kalangitan.
Ngumiti lang si Mariel.
“Ang dami kong gustong sabihin sayo Mariel.”, lalapit sana si Danilo at akmang aakap sa dalaga ngunit umatras ito. Napahinto ang binata.
Kinuha ni Danilo ang kanyang wallet at kumuha ng ilang mga nakatuping papel. Inabot nya ito kay Mariel.
“Ano to?”, tanong ng dalaga.
“Hindi ko kasi alam kung magkikita pa tayo ulit, kaya yung mga gusto kong sabihin sayo, isinulat ko na lang.”
May mga limang piraso ang sulat na ibinigay ni Danilo kay Mariel, binasa ng dalaga ang isa sa mga ito.
“Sa Diyos ako’y walang ibang dalangin,
Maliban sa habang buhay ika’y makapiling.
At dahil ito’y tila hindi ba Nya dininig,
Tandaan mo sanang magpakailanman kitang iniibig.
Itago mo nawa mga liham ko’t tula,
Na para sayo isinulat at ginawa.
At sa balang araw kung muling magkikita,
Dalhin mo ito kung ako’y mahal mo pa.
-Arjo Seliz”Lihim syang natuwa ngunit lamang pa din sa isip nya ang katotohanang ikakasal na si Danilo.
“Ngayon ko lang naintindihan yung Arjo Seliz at Erna Verrolio.”, may ngiti sa labi ni Danilo. “Jose Rizal pala yon at Leonor Rivera na ginulo-gulo.”
Ngunit wala sa isip ni Mariel ang pag-ngiti.
“Balita ko, ikakasal ka na.”, malungkot na wika ng dalaga.
“Hindi totoo yon.”, sagot agad ni Danilo.
“Sino sya?”
Ipinaliwanag ni Danilo ang lahat kay Mariel. Naluha ang dalaga at hindi nya kahit kailan naisip na magiging ganito ka kumplikado ang lahat.
Lumakad si Mariel papalayo kay Danilo.
“Mas makabubuti sa atin na hindi na lang tayo magkita Danilo. Magiging magulo lang ang lahat.”
Akmang hahabol si Danilo sa dalaga ngunit binilisan ni Mariel ang paglayo at sinimulan na ang pagbaba sa hagdan.
Tumakbo si Danilo at inakap si Mariel. Nagulat ang dalaga pinilit na kumawala. Pumalag si Mariel ngunit lalong humigpit ang yakap ni Danilo.
“Sabihin mong hindi mo na ko mahal at ako mismo ang lalayo Mariel.”
Nanginginig pa si Mrs. Mendoza sa kagimbal-gimbal na katotohanang kanyang natuklasan. Hindi sya maaaring magkamali na nanay ni Danilo ang nakita at tinawag na Lola ni Daniel. Kahit ilang beses lang nyang nakita si Lola Orya noon ay hindi nya maaring malimutan ang itsura ng nanay ng una nyang pag-ibig. Hindi rin sya makapaniwala na si Daniel ay anak ni Danilo. Sa dinami dami ng tao sa mundo, anak ng dati nyang nobyo ang binatang ilang araw nyang kasalo sa kaligayahan.
Mula nang ibaba nya si Daniel sa plaza sa tapat ng simbahan, ilang sandali lang ang nakalipas ay nais na nyang umuwi upang humanap ng sagot sa mga katanungang nasa kanyang isipan. Ngunit habang nagmamadali syang makarating sa kanyang bahay ay nagring ang kanyang cellphone. Sinagot ito ni Mrs. Mendoza.
“Sige, magkita tayo sa Taverna.”, wika ng ginang sa kausap na nasa kabilang linya.
Ilang sandali pa ay nakarating na si Mrs. Mendoza sa Taverna. Buhay na buhay ang kainan dahil malapit na ang oras ng hapunan. Ipinarada nya ang kanyang sasakyan sa harap nito at tuloy-tuloy na pumasok sa loob. Nagpalinga-linga sya pagpasok ng pinto na tila ba may hinahanap. Napako ang kanyang tingin sa isang babaeng naka suot ng pulang blazer na nakaupo sa isang mesa sa sulok ng Taverna. Nang makita sya ng babae ay tumango ito kay Mrs. Mendoza at naglakad ang ginang papalapit sa upuan nito.
Umupo agad si Mrs. Mendoza sa bakanteng upuan sa mesa ng babae. Nasa harap ng guro ang isang magandang babae na may mahaba at makapal na buhok na kulot ang laylayan. Makapal ang suot nyang make-up, at plakado ang guhit ng kilay. Patulis ang kurba ng kanyang mga mata na bagay naman sa matangos nitong ilong. Manipis ang kanyang labi at hugis diamante kung nakatikom. Maliit ang mukha ng babae at halata ang pagkahugis puso nito.
Suot nya ang pulang blazer na nakapatong sa puting blusa. Hindi kalakihan ang kanyang dibdib ngunit maganda ang hugis ng kanyang katawan. Hapit sa kanyang magandang hita ang suot na itim na pantalon.
“Drinks?”, tanong nito kay Mrs. Mendoza.
Hindi agad sumagot si Mrs. Mendoza. Kinuha nya ang kanyang cellphone at nagtext kay Daniel.
“Busy?”, tanong ulit ng babae.
“Wag na, hindi ako pwedeng magtagal, lets get straight to the point.”, sagot ng guro matapos itago ang cellphone.
“Come on Mariel. Nobody knows me here. You are so paranoid.”, giit ng babae. “O, baka naman ayaw lang akong makausap.”
“Come on Katherine. Tell me what I came for.”
“Sshh.”, wika ng babae bago lumagok sa isang bote ng beer na tila ba isang siglo nang nakalapag sa mesa. “I told you, don’t call me that, I am Joy.”
“Whatever, Katherine, Joy. Just tell me what you found out.”
“Relax Mariel.”
Mula nang narinig ni Mrs. Mendoza ang usapan ng mga nurse sa ospital kung saan nya dinalaw si Mr. Lopez ay agad nyang tinawagan si Katherine. Kaibigan ito ni Mariel na nakilala nya noong bumalik sya sa Maynila upang ipagpatuloy ang pag-aaral matapos nyang manganak. Kasama nya ito sa tinuluyang dormitoryo. Mula nang malaman ng alkalde na nagkikita si Mariel at Danilo sa inuupahan nitong apartment ay minabuti na lang nya na sa dormitoryo malapit sa paaralan tumira ang anak.
Ngayon ay isang mahusay na abugado si Katherine ng NBI. Nag-aral sya ng criminology sa parehas na paaralan na pinasukan ni Mariel at itinuloy nya ito ng abogasya.
“Kamusta nga pala yung condo ko sa Maynila na tinuluyan mo? Nagkita ba kayo nung caretaker ko?”, tanong ni Katherine.
“Yes, doon ako natulog nung Sunday night hanggang kagabi bago ko umuwi dito.”, sagot ni Mrs. Mendoza. “But lets cut to the chase please.”
“All right Mariel.”, tugon ni Katherine na tila ba malalim ang hinugot na hininga. “I checked all possible birth certificates filed from Sta. Ana during the span of time that you gave birth, and nothing was unusual. Kahit sa mga kalapit na bayan wala akong nakita na red flag para makumpirma yung iniisip mong buhay ang anak mo. Saka I authenticated the death certificate of your baby, and it was authentic.”
“Of course it is, si Daddy ang mayor nung time na yon. Madali nyang gawin yon.”
“I agree.”, tugon ni Katherine.
“So talagang patay ang anak ko?”
Hindi agad sumagot si Katherine, lumagok muli ito ng beer.
“Di mo ba tatanungin bakit wala ako sa Maynila nitong mga nakaraang araw?”
“Sabi nung caretaker mo, umuwi ka daw sa inyo sa Cebu.”
“Ah, oo. Pero I flew back to Manila Sunday morning and I went straight here.”
“Bakit? E nasa Maynila nga ako non.”
“Kasi sabi mo nga, powerful ang daddy mo that time, so I think kung may kasinungalingan siyang ginawa, kayang kaya nyang takpan kung sa mga papeles lang din naman. So I went here to go straight to the source of your doubt. I located the mother of that nurse. And you are right, she is an ex-girlfriend of your dad’s political adviser.”
Parang nabuhayan si Mrs. Mendoza. Lumaki ang kanyang mga mata na tila ba lumiwanag din sa nadinig.
“Nakilala ko yung babae, doon nakatira sa kabilang bayan.”, patuloy ni Katherine. “In fact she worked here as a waitress and she confirmed she went into the car of… Lopez? Is that right?”
“Yes, si Mr. Lopez yung political adviser ni daddy that time.”
“And when the waitress went in the car she saw a baby. The baby was weak and Lopez was rushing. Tsismosa e, so alam yung rumor na buntis ka, so kinulit nya si Lopez na umamin sa kanya.”
“So nasaan ang anak ko?”
“Sabi nung waitress nung bumaba sya ng kotse ni Lopez nandon pa yung bata, tingin daw nya pauwi si Lopez sa kanila o dederecho sa ospital dahil nga mahina yung bata.”
“Come on, cut to the chase, Katherine!”
“I told you, I am Joy.”, pang-aasar ng babae. Sumandal sya sa upuan. “Weeks after that Lopez came here drunk. So the waitress talked to him and Lopez told her that she gave the kid to some guy he met at the maternity clinic right across the street. The waitress asked him why give it to some stranger but Lopez never really said any.”
“Please! Katherine!”
“Relax Mariel, pro bono na nga ito, minamadali mo pa ako.”
“Come on Katherine, may papaimbestigahan pa ako sa’yo after this. So please? Tell me where is my kid.”
“Ano? Hay naku, maniningil na ako nyan.”, sagot ni Katherine bago ubusin ang natitirang laman ng bote ng beer sa kanilang mesa.
Itinaas ni Katherine ang kanyang kamay at sumenyas sa waiter upang humingi ng dalawang bote ng beer.
“So, tell me Mariel, anong papagawa mo pa?”
Hinawi ni Mrs. Mendoza ang kanyang buhok. “Just finished what you know about my kid.”
Dumating ang waiter at inilapag ang dalawang bote ng beer sa kanilang mesa.
“One for you, one for me. Just like the old times girl!”, wika ni Katherine bilang pag-alok na uminom din ang guro.
Umiling si Mrs. Mendoza.
“Don’t tell me you don’t drink anymore?”
Halatang dismayado ang guro dahil hindi nya matanggihan ang kaibigan dahil sa dami ng pabor na kanyang hinihingi.
Lumagok sya sa bote at halos napangiwi dahil matagal-tagal na din syang hindi umiinom. Inilapag ni Mrs. Mendoza ang bote ng beer.
“I want you to investigate something about Danilo’s family.”, wika ni Mrs. Mendoza. “Ang buong akala ko nasa Davao sila pero nakita ko si Nanay Orya kanina dyan sa plaza.”
“Wait. Hindi mo alam na nandito sa Sta. Ana ang pamilya ni Danilo?”
“If I knew, I would not have asked.”, masungit na sagot ni Mrs. Mendoza. “Bakit alam mo ba na nandito sila bago ko sabihin?”
“Of course. Nakausap ko si Mr. Santiago kanina. Tasyo? If I remember it correctly.”
Isa si Katherine sa naging saksi kung gaano kalungkot si Mariel matapos syang manganak at magkahiwalay ng tuluyan ni Danilo. Dahil nga magkasama sa dormitoryo ay madalas na si Danilo ang kwento ni Mariel bago matulog at sa tuwing hindi sila masyadong abala sa pag-aaral.
“You talked to him? Why?”
“Kasi sa kanya ibinigay ni Lopez yung anak mo. And now it makes sense to me. Dahil alam ni Lopez ang tungkol sa inyo ni Danilo, inisip nyang sa pamilya na lang ni Danilo ibigay ang anak nyo.”
Nagulat si Mrs. Mendoza sa narinig. Tila ba huminto ang mundo sa katotohanang unti-unti nyang natutuklasan.
“Sigurado ka?”
“Oo naman!”, sagot ni Katherine.
“Noong gabing nanganak ka, nanganak din yung babaeng kinakasama ni Danilo dyan sa paanakan sa tapat, mga alas tres ng hapon. Noong napadaan si Lopez sa paanakan, siguro para humingi ng tulong dahil nga alanganin ang lagay ng bata, nandoon pa si Tasyo. So ibinigay ni Lopez yung sanggol –”
Hindi natapos sa pagsasalita si Katherine. Tumunog ang cellphone ni Mrs. Mendoza na agad namang sinagot ng ginang.
“Si Mrs. Mendoza po ba ito?”, tanong ng nasa kabilang linya.
“Yes, sino po sila?”, sagot ng guro na halatang iritado dahil sa maling tyempo ng tawag na yon.
“Wag po sana kayong mabibigla Mrs. Mendoza. Si Javier po naaksidente sa barko.”
“Ano?!”, gulat na tanong ng ginang, sabay tayo mula sa kanyang pagkakaupo.
“Sinubukan pong syang bigyan ng medical attention sa barko kaso hindi na po kinaya.”
Hindi na nakuha pang matapos ni Mrs. Mendoza ang tawag at bigla itong hinimatay sa dami ng kaguluhan at emosyon sa kanyang isipan.
#########################
PART 2
#########################
Abala ang lahat sa paghahanda para sa fiesta ng Sta. Ana. Matapos ang ilang araw ng paghahanda ay kasiyahan naman ang balik sa mga tao na naging abala sa pag-aayos ng plaza at ng simbahan. Dahil sa papalapit na eleksyon ay bidang-bida ang alkalde at sinigurado nyang mapapansin ng mga tao ang kanyang mga ginagawa. Kaya nga kahit dapithapon na ay pinili pa ng alkalde na dumaan muna sa Plaza bago umuwi. Matikas ang paglalakad ng alkalde sa plaza habang nangangamusta sa mga taong pwedeng bumoto sa kanya. Kasama ng alkalde ang ilang manunulat sa lokal na pahayagan ng Sta. Ana upang ikwento ang pag-aasikaso ng alkalde sa kanyang mga nasasakupan. Kasunod din ng alkalde si Mr. Lopez, ang utak sa mga stratehiyang politikal ng mayor.
“May balita na ba sa huling survey?”, bulong ng alkalde kay Mr. Lopez habang naglalakad-lakad.
“Meron na mayor, lamang pa din tayo pero humahabol si Cordova.”
“How do we keep the lead?”, tanong muli ng alkalde.
“Hard to say. Kasi mukhang gusto daw ng mga tao yung brusko na imahe ni Cordova. Yung tipong peace and order ang priority. Kasi aminin man natin o hindi, mataas ang crime rate sa term mo.”
Sasagot sana ang alkalde ng lumapit sa kanila ang pari ng simbahan ng Sta. Ana.
“Maraming salamat po Mayor, ilang minuto na lang po at uumpisahan na natin ang programa para sa fiesta. Maaari po bang kayo ang magpalipad ng kalapati sa kampanaryo mamaya?”, tanong ng pari.
Tradisyon na sa Sta. Ana ang pagpapalipad ng kalapati bilang hudyat ng pista. Naniniwala kasi ang mga tao dito na si Santa Ana ang nagbibigay sa kanila ng proteksyon laban sa bagyo, at ang kalapati ang simbolo ng payapang kalangitan.
Hindi tumanggi ang alkalde at makalipas ang ilang sandali ay pumanik na ito sa kampanaryo dala ang hawla na may lamang puting kalapati.
Marahang pumapanik ng kampanaryo ang alkalde. Sa isip nya ay magandang pagkakataon ito upang lalong lumapad ang kanyang papel sa mga tao ng Sta. Ana. Isang hakbang na lang sana at nasa tuktok na sya ng kampanaryo nang makita nya si Danilo at Mariel. Nakasandal sa batong dingding ang dalaga, at nakadiin dito ang katawan ng binata. Hinahalikan ni Danilo ang leeg ni Mariel habang hawak ng binata ang braso ng dalaga.
Mabilis ang reaksyon ng alkalde. Binatawan nya ang hawla at agad na inihiwalay si Danilo kay Mariel. Susuntukin na sana ng alkalde si Danilo nang pigilan sya ng anak.
“You bastard!”, sigaw ng alkalde. “Touch her again and I will kill you.”
“Huwag Daddy!”, sigaw ni Mariel.
Nataranta naman si Danilo at agad itong tumakbo pababa ng kampanaryo.
“I told you not to see him again! This will end now Mariel.”
Pawisan ang alkalde na bumaba ng kampanaryo matapos nyang utusang pumunta si Mariel sa kanyang opisina sa city hall at doon maghintay. Takang-taka ang mga tao sa pagkakaudlot ng seremonya ng pista. Madidinig ang bulungan ng mga tao.
“Anong nangyari mayor?”, tanong ng isa.
“There was an animal up there! A rapist!”
Tila ba sabay-sabay na huminga ang mga tao sa plaza at katahimikan ang iginanti sa alkalde.
“I swear, I will catch that rapist and give justice to the victim!”
Hindi agad umuwi si Danilo sa kanilang bahay dahil alam nyang hahabulin sya ng mga tauhan ni Mayor. Nagpalipat-lipat sya ng lugar mula sa simbahan, bukirin, ilog, at kung saan saan pa hanggang sumapit ang malalim na gabi. Naglalakad siya sa bukirin patungo sa likuran ng kanilang bahay ng makita nyang bukas pa ang ilaw, tanda na hinihintay sya ng kanyang mga magulang. Binilisan nya ang lakad at pumasok sa likuran ng bahay, sa bandang kusina. Laking gulat ni Danilo ng mga pulis ang sumalubong sa kanya. Hindi na nya nakuhang makausap ang kanyang ama at ina dahil agad siyang dinala sa presinto. Sa presinto na ng Sta. Ana nagpalipas ng gabi si Danilo.
Kinabukasan, hindi pa man din ganap ang pagputok ng araw ay agad na dinalaw ni Mr. Lopez si Danilo. Nagiisa lang sa maliit na selda ang binata.
“Mahirap ang pagdadaanan mo bata, at mukhang kahit sinong abogado ay mahihirapang ipanalo ang kaso mo. Maging matatag ka sana.”
“Kayo po yung isa sa mga tauhan ni mayor? Nasaan po si Mariel? Sya lang ang makakapag patunay na wala akong kasalanan.”
“Huli na bata. Ipinadala na si Mariel sa ibang bansa ng kanyang ama kagabi.”, pagsisinungaling ni Mr. Lopez dahil ang katotohanan ay yon lang gustong palabasin ng alkalde kahit na sa bahay lang nila itatago si Mariel hanggang makapanganak ito.
“Wala po akong kasalanan.”
“Sabi mo? Lahat naman ng nahuli, ganyan ang sinasabi. Pumunta ko dito para sabihin sayo na wag mong ikakalat kahit kanino na si Mariel ang babae sa kampanaryo kung ayaw mong pati ang mga magulang mo ay madamay.”
#########################
PART 3
#########################
Nakasimangot si Daniel ng makauwi sa kanila. Gulong gulo sya sa mga nangyayari at dumagdag pa ang nangyari sa kanila ni Ella sa kampanaryo. Hindi pa man sya nakakapaglapag ng gamit ay nasigawan na agad sya ni Lolo Tasyo.
“Wala kang utang na loob Daniel. Pati ang lola mo binabastos mo!”
Hindi sumagot ang binata at naalala nya ang hindi nya pagpansin sa kanyang lola sa plaza kanina.
“Bakit ka ba galit na galit sa ama mo?”, sigaw ni Lolo Tasyo. “Masyado bang malalim ang galit mo kay Danilo para pati ang lola mo idadamay mo?”
Tila naman mitsa na sinindihan ang emosyon ni Daniel. Kanina pa tumatakbo sa kanyang isipan na kinamumuhian sya ni Mrs. Mendoza dahil nalaman nitong rapist ang kanyang ama. Base sa reaksyon kanina ng guro, bago sya ibaba sa plaza, ay wala ng ibang paliwanag kung hindi ang pagkamuhi nito sa kanya dahil sa krimen na ginawa ng kanyang ama.
Matinding galit ang hindi nakayanang pigilan ni Daniel, kaya’t nasigawan nya ang kanyang lolo.
“Dahil rapist ang anak nyo!”, sigaw ng binata.
Isang malakas na suntok ang pinakawalan ni Lolo Tasyo na tumama sa panga ni Daniel na naging dahilan ng kanyang pagkatumba sa sahig. Napatakbo naman si Lola Orya sa pagitan ng asawa at ng kanyang apo.
“Wala kang utang na loob na bata ka! Minahal ka ni Danilo na parang tunay nyang anak tapos ganito ang igaganti mo! Napakabait ng tatay mo para magtanim ka ng galit sa kanya!”
Mabilis na lumipas ang buwan mula ng makulong si Danilo. Unti-unti na din nyang natanggap ang sinapit na kapalaran. Isang umaga, mula nang malipat siya sa Pamprobinsyang Piitan ng Sta. Ana ay dinalaw sya ng kanyang ama.
“Kamusta po ang inay?”, tanong agad ni Danilo.
“Wag mo kaming intindihin. Maayos naman kami. Ikaw ang maghanda dahil hearing mo na sa susunod na buwan di ba?”
“Opo itay.”
“Nga pala, yung babaeng iniuwi mo nung kamakailan, panay ang tawag sa cellphone mo. Minsan sinagot ng nanay mo, gusto na naman atang umuwi sa atin dahil malaki na daw ang tiyan nya at hirap bumyahe, nagpapasundo sa’yo.”
“Baka pwedeng ikaw na ang sumundo tay.”
Napabuntong hininga ang si Lolo Tasyo.
“Danilo anak, sigurado ka bang ikaw ang ama ng dinadala nya?”
Hindi nakasagot si Danilo.
“Saan mo ba kasi nakilala yon?”
Wala nang ibang pagpipilian si Danilo kung hindi ang umamin. Sinabi nya ang totoo, na sa beerhouse nya nakilala si Marie.
“Sabi ko na nga ba. Bakit mo naman aakuin ang bata e hindi mo nga alam kung sayo talaga yon?”
“Tay, wala nang matatakbuhan si Marie. Wag naman nating hayaan na masira ang kinabukasan nung bata dahil wala naman siyang kasalanan.”
Oras na lang ang bibilangin at magsisimula na ang unang hearing sa kaso ni Danilo. Hindi makakarating ang kanyang mga magulang sa korte dahil ngayon din manganganak si Marie. Nasunod ang gusto ni Danilo na sunduin ni Lolo Tasyo si Marie sa Maynila upang sa Sta. Ana manganak, at ngayon nga ang araw na yon.
Bago pa man tumungo sa korte si Danilo ay ipinatawag sya ng warden ng kulungan sa opisina nito. Halos tanghaling tapat at nakakasilaw na liwanag ang pumapasok sa bintana ng opisina ng warden. Sa tulad ni Danilong buong araw na nakapiit sa selda ay malaking biyaya ang makitang muli ang sinag ng araw. Umupo sya sa upuan sa tapat ng mesa ng warden. Tumayo ang warden at lumabas ng opisina.
Maya-maya pa ay pumasok ang alkalde kasama si Mr. Lopez.
“Hindi ko na papatagalin pa Danilo, umamin ka sa kasalanan mo bago tayo makarating sa korte.”, may pagmamadali sa diskarte ng alkalde dahil ayaw nyang umabot sa korte ang kaso dahil siguradong madadawit ang pangalan ng kanyang anak.
“Pero wala po akong kasalanan.”
“Lahat ng nakapiit dito, ganyan din ang sinasabi.”
“Kahit po itanong nyo sa anak nyo.”
Iniabot ni Mr. Lopez ang isang envelope kay Danilo. Binuksan ito ng binata at nakita ang ilang bugkos ng salapi.
“Hindi nyo po ako mabibili.”
“Hindi yan para sayo bata.”, patuloy ng alkalde. “Para sa pamilya mo yan. Umamin ka lang at bibigyan ko ng lupain ang mga magulang mo, hindi sila mamamatay bilang mga magsasaka. At huwag kang mag-alala, nabalitaan kong manganganak ngayon ang babaeng kinakasama mo, gagawin kong scholar habang buhay ang bata. At kung nag-iisip ka pa din para sa iyong kalayaan, kung aamin ka, matapos mong sintensyahan ay itatakas kita mula sa Bilibid at dadalin ko ang anak mo at ang asawa mo sa Mindanao kung saan isang magandang buhay ang maghihintay sayo.”
Lumabas na ang alkalde at naiwan si Mr. Lopez.
“Bata, wag mong sayangin. Nakausap ko na lahat ng mga kasabwat para itakas ka sa Bilibid.”
Hindi pa din sumasagot si Danilo.
“Mahirap kalaban ang mga malalakas bata. Kaya eto lang ang naisip ko para tulungan ka.”
Tila apoy sa tuyong dayami ang pagkalat ng balita. Dismayado ang mga kamag-anak at kaibigan ni Danilo nang malamang umamin ito sa kanyang kaso. Ito din ang naging dahilan ng paglalasing ni Lolo Tasyo sa Taverna. Ilang oras lang ang nakalipas ay namatay si Marie sa panganganak sa paanakan sa tapat ng restaurant kaya’t gulong gulo ang isip ng matanda. Nilunod na lang nito ang sarili sa alak.
Uuwi na sana ang lasing na matanda ng maalala nyang dumaang muli sa paanakan dahil naiwan doon ang ilang bag na gamit ng sanggol. Naupo sya sa upuan sa tapat ng nurse station at naghintay na may makapansin sa kanya. Ilang sandali pa ay may humahangos na lalaki ang pumasok sa paanakan at tinanong kung sya ang ama ni Danilo. Kahit lasing ay hindi sya nagkamali sa kanyang isinagot. Iniabot sa kanya ng lalaki ang sanggol ngunit kahit lango sa alcohol ay alam ng matanda na agaw buhay ang bata. Agad nya itong itinakbo patungo sa nurse, ngunit hindi na nagawa pang iligtas ng mga tao doon ang kaawa-awang sanggol.
#########################
EPILOUGE
#########################
Tahimik sa opisina ng alkalde sa loob ng city hall ilang oras matapos ang eskandalo sa kampanaryo. Nakaupo si Mariel at patuloy pa din sa pag-iyak sa isang malaking sofa sa loob ng opisina ng kanyang ama. Nakatayo naman sa may bintana si Mr. Lopez at ang alkalde ay nakaupo sa kanyang mesa.
“You need to agree with this plan Mariel. After I trusted you not to see that man again, ganito ang igaganti mo sa akin?”, galit ang alkalde.
Hindi sumagot si Mariel.
“You were raped by Danilo! That is the truth!”, giit ng alkalde sa anak.
“No daddy! Walang rape! Kung ano man ang ginagawa namin na nakita mo, it was mutual. Ginusto ko yon. Kaya kailangan mong bawiin lahat ng sinabi mo sa mga tao kanina sa simbahan. Hindi ako ni-rape!”, katwiran ng dalaga.
“Why? Itinago naman kita, and your identity was not given to the people.”
Matapos ang insidente sa kampanaryo ay inutusan ng alkalde si Mariel na tumakbo papunta sa city hall at dumaan sa likod ng simbahan kaya’t walang nakakita dito.
“The only information I mentioned to the people was Danilo raped a woman.”
“Which is not true Dad!”
“It too late. Napuno na ako sa kasinungalingan mo. This is the only way to end this Mariel!”
“Mayor, can we talk?”, sabat ni Mr. Lopez.
Lumabas ng opisina ang dalawa.
“I know this is not for Mariel. Ginagawa mo to para maipakita na wala kang sasantuhin.”, sabi ni Mr. Lopez.
“Tama ka. I will make sure justice will be served in this sensationalized case.”
“At the expense of your daughter?”
Hindi sumagot ang alkalde.
“Gaganda ang image mo sa mga tao, pero habang buhay kang kamumuhian ng anak mo?”
“I don’t care. I need to win this coming election.”
“Kaya nating hilutin yan, but not this way. Please mayor.”
“What do you want me to do? Bawiin ang sinabi ko kanina na wala palang rape? You know what, I am tired of this. If Mariel would not agree to my plan, send her away. I don’t deserve a child who would not support her father. Tell that to her. I am going home.”
“I think you should tell it to Mariel mayor.”, sagot ni Mr. Lopez.
“No need, narinig ko lahat.”, sabat ni Mariel. “And thanks Daddy. Thanks for letting me know how bad of a father you are. One day, I will tell this baby, na ang lolo nya mismo ang nagpakulong sa inosente nyang ama.”
“What? Are you telling me you’re pregnant?”
Ipinahatid ng alkalde pauwi sa kanilang bahay si Mariel sa kanyang mga tauhan habang sya ay sumakay sa kanyang sasakyan kasama si Mr. Lopez. Galit ang alkalde sa mga nangyayari lalo pa nang malaman nyang buntis ang nag-iisa nyang anak.
“Anong plano mo?”, pinutol ni Mr. Lopez ang katahimikan sa sasakyan.
“Shouldnt I be the one asking you that? Isnt it part of your pay grade?”, masungit na sagot ng mayor.
“I told you what my plan is. Pero sobrang taas ng pride mo para bawiin yung sinabi mo sa mga tao sa simbahan matapos kang sumigaw na may ginahasa sa taas ng kampanaryo.”
“Isnt that a normal reaction for a father?”
“Hindi mo ko maloloko, mayor. Maniniwala pa ako sa sinasabi mo kung sinabi mo sa mga tao na anak mo ang biktima at hindi mo siya patagong itinakas papunta sa city hall. Tapos sinabi mo sa mga tao na hindi mo kilala ang babae at ipinangako mo agad na huhulihin mo ang rapist. Staged, mayor. Ginawa mong drama lang lahat para gumanda ang papel mo sa eleksyon.”
“Well, if you had been doing your job right…”, sagot ng alkalde.
Hindi na nakasagot si Mr. Lopez.
“We need to put that Danilo in jail.”, dugtong ni Mayor.
“Pero inosente sya!”
“Figure it out. By the way, I got the news. Nahuli na nila yung Danilo kanila lang sa bahay nila. Bukas na bukas din, dalawin mo sya sa presinto. Sabihin mo na huwag na huwag syang magkakamaling idamay ang pangalan ng anak ko kung ayaw nyang madamay ang mga magulang nya.”
Tila natuahan si Daniel mula sa malakas na suntok galing kay Lolo Tasyo. Hindi nya alam kung ano ang mas masakit, ang suntok o ang nalaman nyang hindi sya tunay na anak ng kanyang ama. Nakokonsensya syang isipin na ang lalaking kanyang kinamumuhian ay buong tapang na tumugon sa responsibilidad na maging kanyang ama. Ngayon nya naisip ang laki ng utang na loob nya kay Danilo dahili pinili nitong bigyan sya ng marangal na buhay.
Patakbo syang umalis ng kanilang bahay kahit malalim na ang gabi. Hindi nya alam kung saan sya dadalin ng kanyang mga paa. Ang tanging alam nya ay nais nyang takasan ang gulo sa kanyang paligid. Patuloy sya sa kanyang pagtakbo habang patuloy ang paglalim ng gabi.
Nakabalik sya sa plaza at sa simbahan ng Sta. Ana. Maliban sa iilang mga nakaupo sa plaza ay wala masyadong tao sa paligid. Uupo sana sya sa isang bakanteng bench nang tumunog ang cellphone na nasa bulsa nya. Binuksan nya ito at nakita ang mensahe ni Ella.
“Saka na tayo mag-usap kapag hindi na hayop ang tingin mo sa akin.”Nang mabasa iyon ay napansin nya ang mensahe ni Mrs. Mendoza kaninang bandang hapunan. Nanayo ang balahibo ni Daniel sa nabasa.
“I know your father. Danilo is a good man. Hindi totoo ang rape, wala syang nirape. My father framed him. Ako ang kasama ng tatay mo sa kampanaryo, ako din ang sinasabi nilang ni-rape ng tatay mo, pero walang rape Daniel. It was consensual. Bukas mag-usap tayo.”***
Patulog na sana si Badong sa harap ng pinto ng simbahan ng Sta. Ana dahil malalim na ang gabi. Isa sya sa mga taong grasa na madalas na nagpapalipas ng gabi sa plaza. Ipipikit na sana nya ang kanyang mga mata ng marinig nya ang isang malakas na tunog na tila ba bumagsak na bagay mula sa itaas. Napabalikwas siya ng makita ang duguan at nangingisay pang katawan ng isang binatang tumalon mula sa kampanaryo ng simbahan ng Sta. Ana.
-Wakas-
- Ang Diary Ni Grace: Part 2 - December 16, 2024
- Ang Diary Ni Grace: Part 1 - December 16, 2024
- From Laoag with Love (Enjoy the Ride) - December 9, 2024