Written by ereimondb
Baler, Aurora
Hindi mapakali si Dale na kanina pang naghihintay sa penthouse ng kanyang batang amo. Panay ang lakad nito at hindi matahimik ang kanyang isipan sa kung ano na ang nangyayari kina Alo at Nestor.
Siya kasi ang nagsumbong kay Alo nang makita nitong pinapasok ni Nikki ang lalaki sa kanilang penthouse.
Na siya namang agad pinaniwalaan ng binata at sinugod ang mga ito na nasa kabilang wing. Nagtago na lang si Dale sa hotel room ni Alwyn dahil alam niyang mapanganib ang kanyang ginawa.
Maya-maya ay umupo ito sa sofa.
Pilit niyang inirerelaks ang sarili at iniisip na walang masamang nangyayari sa kabilang kuwarto.
Uminom na lamang siya ng tubig na nasa kanyang harapan upang tuluyan na niyang mapakalma ang sarili.
Hanggang sa biglang tumunog ang pintuan ng penthouse at bigla siyang napatayo.
Kinakabahan kung sino ang taong pumapasok sa silid ng kanyang bossing.
Pigil na pigil ang kanyang paghinga.
At nababuntong hininga na lamang si Dale nang lumitaw ang ulo ni Alo papasok sa penthouse.
“Sir? Ayos lang po ba kayo?” Tanong ni Dale.
Hindi naman siya sinagot ng binata at dumiretso ito sa kanyang mini bar.
Naglagay ng alak sa baso at agad nitong ininom, kahit walang yelo.
Pilit nitong nilulon ang napakapait at napakainit na alak, na siyang gumuhit sa kanyang lalamunan, dibdib pababa sa sikmura.
“Putang ina! Tang ina!” Bulyaw ni Alo.
Tahimik na nagmamasid si Dale sa ginagawa ng kanyang batang amo.
“Napakawalang hiya talaga niyang lalaking yan! Tangina lakas ng loob magpakita sa akin. Anong tingin niya sa sarili niya? Diyos!? Putang ina talaga!” “Ano pong nangyari sir? Sinaktan po ba kayo ni Nestor? Magpapatawag na po ba ako ng security?” “Hindi. Walang kang gagawin. Ako ang hahanap sa hinayupak na yon!” “Pero sir, mapanganib po yang si Nestor. Wala pong sinasanto yun.”
Saglit na napatigil si Alo at maya-maya’y naglagay muli ng alak sa kanyang baso.
Binuksan ang lalagyan ng yelo at nilagyan niya ito, saka marahang hinalo ng kanyang kamay upang agad mapalamig ang alak.
“Gaano mo kakilala si Nestor?” “Nauna po siya ng halos dalawang taon sa akin dito sa hotel sir. Hindi ko nga po alam kung bakit napakalakas niya sa boss namin, kaya walang takot gumawa ng kalokohan.” “Eh ang pamilya niya? May alam ka ba don?” “Ang alam ko lang po eh siya lang ang nagtatrabaho sa kanila. Dati po alam ko may kapatid yang matagal na nakaratay sa ospital. Tapos matagal ding nawala dito sa hotel si Nestor. Pero hindi pa rin siya pinatanggal ng boss namin.” “Kailan niya pinalabas ang mga bidyo ko?” “Noong nakaraang taon po. Malaki daw pangangailangan niya. Tinuturuan pa nga kaming magbenta. SIya kasi ang tagalagay ng mga video camer sa iba’t ibang silid dito sa hotel. Kaya minsan, nakakakuha kami ng mga scandal ng mga bisita dito.” “Putang ina niya!” “Kaya nga po sir, dapat magawan na po ng paraan iyang si Nestor. Hindi lang po kayo ang masisisra. Pati ang reputasyon ng buong hotel.” “Alam mo ba kung saan nakatira yan?”
Hindi naman umimik si Dale.
Tila nagdadalawang isip kung ano ang sasabihin sa binata.
“Sir. Pag sinabi ko po sa inyo kung saan nakatira si Nestor, magreresign na po ako. Natatakot din ako sa kung anong puwedeng gawin sa akin ng lalaking yan. May pamilya po akong pinapakain, sir.” Pagsusumamo ni Dale.
Napangisi si Alo. Kumuha ito ng isa pang baso at nilagyan agad ng yelo at alak.
“Relaks ka lang pre. Heto oh! Inom ka muna.”
Iniabot ni Alo ang alak at kinuha naman ito ni Dale.
“Hindi ka puwede magresign.” “Pero sir…” “Ako bahala sayo. Nakuha mo na ang tiwala ko. At kakailanganin kita.”
Napainom naman si Dale habang pinapakinggan si Alo.
Inubos niya ang alak na parang hindi napapaitan sa kanyang nalalasahan.
“Natatakot po ako para sa buhay ko at ng pamilya ko sir Alo.” “Sabi na ngang ako bahala sa iyo eh. I will double your pay and make sure na protektado ka at ang iyong pamilya.” “Ano pong gagawin ko sir?” “Madali lang. Ikaw ang magiging mata at tenga ko dito sa hotel. Babantayan mo ng maigi ang kabilang penthouse, lalong lalo na si Nikki. Wala na akong tiwala sa kanya.” “Tapos, isusumbong ko lang sir? Tama po ba?” “Tama. Isusumbong at agad mo lang itatawag sa akin.” “Sige sir, payag po ako. Maaasahan niyo po ako.” “At siyempre, poprotektahan mo ang penthouse ko. Ikaw ang magiging personal security ko.” “Okay po. Pero paano po?” “Ako na bahala, magpapasabi na ako sa kanila.” “Okay po.”
Agad namang napakalma ni Alo si Dale.
Muling binuhusan ng alak ang baso ng binata.
“But, first things first… Saan nakatira si Nestor?” “Hmmm… Sa San Joaquin…”
Saglit na tumahimik si Alo at ininom ang natitirang alak na nasa kanyang baso.
“Matagal na po silang nasa San Joaquin…” “Isulat mo ang kumpletong address.” “Sige po.”
Ayaw na sanang balikan ni Alo ang bayan na iyon, ngunit wala siyang magagawa.
Kailangan niyang mahuli si Nestor at pilit na dadaanin sa pakiusap.
At…
Gusto na rin niya malaman ang katotohanan sa nangyari sa isang batang hinampas niya ng surfboard.
Tahimik na naghihintay si Angie sa loob ng kanyang sasakyan.
Pilit na inaaninag sa dilim ang kanyang hinihintay na bisita.
Maya-maya ay kinuha nito ang isang kaha ng sigarilyo. Kumuha ng isa saka nito sinindihan.
Bahagyang binuksan ang salamin ng kanyang kotse at pinalabas doon ang ibinugang usok.
Tila maraming gumugulo sa kanyang isipan.
Hindi niya alam kung saan magsisimula sa kanyang mga pinaplano. At kahit anong pag-iwas nito sa kanyang nakaraan, ay di sadyang bumabalik sa kanya ito.
Panay ang hithit at buga nito sa kanyang sigarilyo.
Panay din ang tingin nito sa kanyang orasan at tila naantala naman ang mga bisitang kanyang inaabangan.
Maya-maya ay may lumapit na tatlong lalaki sa kanyang sasakyan.
Agad nitong tinapon ang sigarilyo sa labas ng bintana, at hinatak papataas ang lock ng pintuan.
Pumasok ang tatlong lalaki sa kanyang kotse.
“Late? Kahit kailan…” Saad ni Angie. “Hindi ka manlang mangangamusta? Pagagalitan mo pa kami.”
Agad namang ibinaba ng babae ang handbreak at inilagay ang kambyo sa drive position. Inikot ng bahagya ang manibela upang makabuwelo. Hindi naman nito sinasagot ang lalaki.
Tila wala siyang kasama sa loob ng sasakyan at patuloy lamang ito sa pagmamaneho.
“Hindi mo ba tatanungin kung nakakain na kami?” “Oo nga naman… Nagugutom na po kami ma’am…” “Ganyan lang talaga iyang si Angie… Hehehe…” “Nagtataka nga ako bossing kung bakit ka kinontak ulit niyan ehhh…” “Hmmm… Yun din ang naisip ko mga pare… Bakit nga ba? Bakit mo ako tinawagan? Hindi ba’t kinakahiya mo ako?”
Tila napikon naman si Angie at biglang tinapakan ang break. Halos sumubsob ang mga lalaki nang magbreak ang magandang babae.
At walang anu-ano’y inikot ang manibela at biglang kumaliwa papasok sa u-turn slot.
Napakapit naman ang mga lalaki sa kanilang upuan at ang taong nasa tabi ni Angie ay dumikit ang mukha sa salaming nasa pintuan.
Dinig na dinig ang pagpihit ng gulong at break sa ginawang iyon ni Angie.
“Putang ina!!!” “Tang ina! Papatayin mo ba kami?”
Panay ang mura ng mga lalaking nasa loob at halos magkauntugan ang mga ito.
Hindi pa rin kumikibo si Angie at biglang ipinasok ang kanyang sasakyan sa isang gas station at nagpark sa tapat ng isang fast food chain.
“Waaaaaaaahhhhhhhhhh!!!!!” Sigaw ng lalaking nakaupo sa harapan dahil sa pagpapark ni Angie na parang sasabit sa mga katabi nitong kotse.
Saktong sakto namang nakapasok ang magandang babae at wala itong nasagi sa anumang katabing sasakyan.
“Putang ina! Putang ina! Putang ina! Kailan ka ba mag-iingat ha!?” Dugtong ng matanda habang pinapagalitan si Angie.
“Baba!” Maikling saad ng magandang babae.
“Puta! Parang nasusuka ako pare.” “Sabi nang baba eh!”
Mabilis na kumilos ang mga lalaki na nakaupo sa likuran at bumaba ng sasakyan. Ang isa ay para namang nahihilong naglakad papalabas ng kotse.
“Yang ugali mong yan ang papatay sayo Angela! Kailan ka ba magbabago?” Muling saad ng lalaki na kanyang katabi.
“Eh di ba gutom kayo? Nakakahiya naman kung ginugutom ko kayo…” Saad ni Angie saka hinatak papataas ang handbreak. Pinatigil ang makina at tinanggal ang susi, saka ito bumaba ng sasakyan.
Naiwan sa loob ang lalaki at napailing na lamang sa ginawa sa kanila ng magandang babae.
Sinundan ng tingin si Angela habang pumapasok sa loob ng isang fast food.
Hinihintay naman siya ng dalawang lalaking nauna nang lumabas ng sasakyan at tila takot na takot na sumunod kay Angie. Sumisenyas pa ang mga ito sa matanda na lumabas na rin ng kotse.
Muling napailing ito at nagpasyang bumaba na ng sasakyan ni Angie.
Inilock ang pintuan at nagsimulang maglakad papunta sa fast food chain na pinasukan ng magandang babae.
Naabutan ng tatlo na nagkakape at nakaupo si Angie. Alam na nilang dapat sa kabilang lamesa sila uupo at hndi sasama sa magandang babae.
Nakatalikod ang matandang lalaki sa kanya, at nakaupo ng papaharap sa kanya ang dalawa pang lalaki.
“Umorder na ako. Hintayin niyo na lang ihanda sa inyo.” Mahinang saad ni Angie.
“Wala kang galang… Kahit ano pa man ang nangyari sa atin, dapat mo pa rin akong igalang.” Saad ng matandang lalaki.
Napayuko na lang ang dalawang lalaki na nakaupo sa kanyang harapan.
“Ano ba yang pinagsasasabi mo? Bayad kayo sa trabahong ito.” Saad ni Angie sabay higop ng kape.
“Para lang sa ikakapanatag ng loob mo, hindi ko kinuha ang pera mo. At ang dalawang ito lamang ang nagwithdraw ng down payment.”
Napatawa na lang si Angie at isinuot ang shades na hawak-hawak.
“Angela. Pumunta ako dito para sa iyo. Hindi ko alam kung bakit mo ako tinawagan, at nag-aalala ako sayo.”
“Hired killer po kayo. At yun ang kailangan ko sa inyo. Wala nang iba pa.”
Napabuntong hininga ang matandang lalaki nang marinig ito mula sa babae.
“Anak…” Mahinang bulong.
“Stop it… Nagkasundo na tayong hindi mo na ako tatawagin ng ganyan.” Biglang putol ni Angie.
“Matanda na ako… Wala na akong ibang makakasama sa buhay… Patay na rin ang nanay mo… Tanging ang vulcanizing shop ang pinagkakaabalahan ko…”
“Katulad ng sinabi ko… Wala pong magbabago… Walang magbabago… Tapusin ninyo ang trabahong pinapagawa ko, babayaran ko kayo ayon sa napagkasunduan, uuwi kayo at lalayo sa akin at magpapatuloy ang buhay.”
“Pero, anak… Angela…”
“Hintayin niyo na lang po ang pagkain ninyo. Tapos na ako magkape. Doon na lang ako sa sasakyan maghihintay.” Saad ni Angie at agad na tumayo at lumabas ng restaurant.
Sumimangot naman ang matanda saka yumuko. Pinipigil nito ang pagluha dahil hindi pa rin siya mapatawad ng kanyang anak.
Maya-maya ay dumating na ang pagkaing inorder ni Angie. At agad na pinagsaluhan ng tatlo dahil na rin sa kanina pa kumakalam ang kanilang sikmura.
Kinabukasan ay maagang gumayak si Andrea at umalis ng penthouse.
Tulog pa ang mga kasamahan nito sa kanilang silid, kung kaya’t nagpasya itong magjogging.
Nagstretching muna ang magandang babae bago ito nagsiimulang tumakbo.
Damang-daman ni Andrea ang lamig ng simoy ng hangin na nagmumula sa dagat.
At kahit na nakamakapal itong jacket at jogging pants ay nanginginig pa rin siya sa sobrang ginaw.
Lalo niyang binilisan ang kanyang pagtakbo sa may pampang.
Gusto niyang magrelaks ng sandali ang kanyang utak sa kakaisip kung papaano makakatakas sa kanyang halimaw na asawa.
At malaki naman ang kanyang tiwala sa kung anumang plano ni Alo.
Umabot ng halos tatlompung minuto ang ginawang pagtakbo ni Andrea.
Sandali itong tumigil habang hinahabol ang kanyang hininga. Nakalapat ang dalawang kamay sa kanyang tuhod habang pinakikiramdaman ang sariling paghingal.
Dahan dahan niyang iniangat ang kanyang mukha at tinanaw ang ganda ng tanawin.
Tuluyan nang lumiliwanag at sinilip nito ang kanyang relo upang tignan ang oras.
Halos alas-sais y media na ng umaga.
Sinimulan niya ulit tumayo at mabagal na tumakbo sa tabi ng dagat.
Maya-maya ay may napansin siyang lalaki na nagsusurf.
Sinasabayan nito ang paghampas ng alon.
Hanggang sa papunta na ito sa kanyang direksyon at namukhaan na ang lalaki.
Tumigil sa pagtakbo si Andrea at tila hinintay ang lalaki.
Pagkababa ni Alo sa surfboard ay agad nitong nilangoy patungo sa pampang.
At nang hanggang baywang na lamang ang tubig ay nagsimula na siyang maglakad.
Pinupunasan ng kanyang kamay ang tubig na bumababa sa kanyang mukha.
Iniayos ni Alo ang kanyang shorts dahil sa medyo bumaba ito nang humampas kanyang katawan ang alon.
“It’s good to see you again, Andrea.” Saad ni Alo.
Binuhat nito ang kanyang surfboard saka isinaksak ang dulo nito sa buhangin.
“I guess you have been busy?” Bungad ni Andrea. “Yes, I am. Well infact, I have been very busy with the hotel.” “That’s good to know.”
Nginitian naman ng binata ang napakagandang si Andrea.
“Well, I am just hoping na marami ka nang naisip na plano.” “Don’t worry Andrea, I just need to tie up some lose ends.” “What do you mean?” “May kailangan lang akong ayusin along the way… then we can proceed.” “Bilisan mo lang, dahil naiinip na ako.” “Okay… Pagtapos ng araw na ito, may resulta na yung gagawin ko. I promise you that.” “Just make it fast. Nakakuha na ako ng pagkakataon na patagalin ang stay namin dito sa hotel ninyo. And please make a concrete plan. I’m not a fan of surprises.” “Sige. That’s good news. I need you to buy more time, hangga’t hindi ko ma natatapos itong gagawin ko ngayon. I’ll make sure na within this week, makakaalis na kayo ni Nikki at magiging malaya na kayo kay ninong.” “In all honesty, I don’t want to stay here any longer. Pero sige, I will give you a chance. After this, makakabawi ka na sa mga kasalanan mo sa akin.” Saad ni Andrea.
Natahimik naman si Alo nang marinig ito mula sa magandang babae.
“I have to go. Baka gising na sila.” “Okay…” “Good luck. Sana matapos mo yang sinasasabi mong gagawin mo. I have high hopes on you Alwyn.” “I got this. Don’t worry.”
Nginitian muli ni Alo ang babae ngunit agad siyang tinalikuran nito.
Muling tumakbo si Andrea pabalik ng hotel.
Samantalang naglakad naman papauwi si Alo at maghahanda na ito sa kanyang gagawin buong araw.
Alas-otso ng umaga nang umalis ng Baler si Alo.
Agad nitong hinanap ang bahay ni Nestor mula sa address na nakuha niya mula kay Dale.
Iniisip nito na sana ay magtagumpay ang kanyang mga plano para sa lalaki.
Dapat niya muna itong ayusin, upang masimulan ang plano na gagawin para kay Andrea at Nikki.
At lalong ayaw niyang mapahamak at mailagay sa alanganin ang buong hotel nang dahil lamang sa panggugulo ni Nestor.
Habang nagmamaneho si Alo ay bumabalik sa kanyang ala-ala kung papaano siya dito idinala ng kanyang ama.
Ito ang unang lugar na napuntahan nila mula nang manggaling sila sa Australia.
Ipinagmalaki pa ng kanyang ama ang mga pagbabagong naganap, mula noong bata pa siya, hanggang sa bumalik sila sa Pilipinas.
Pero ngayon, ibang klase ang kanyang pagbabalik.
Ito ay upang hanapin ang lalaking maaring makasira sa kaniya, sa kaniyang ama at maging sa kanilang negosyo.
Iniisip na lang nito ang gulong maaring maibigay ni Nestor, kapag nalaman ng mga hotel guests na may nakasetup na video camera sa bawat kuwarto.
Puwede silang makasuhan na siyang ikakabasak ng buong hotel.
Kaya’t desidido si Alo sa kanyang gagawin.
Kakausapin niya ng masinsinan si Nestor at babayaran ng higit na malaking halaga kung kinakailangan.
Basta’t maiayos lang niya ang lahat at makuha ang natitirang kopya na nasa kanya.
Nang makarating na siya sa berdeng gate na may katulad na numero ng tirahan, ayon sa nakasulat na address sa isang maliit na papel, ay agad ipinarada ni Alo ang kanyang sasakyan.
Nagtayuan naman ang mga tao na nakatambay sa harap ng bahay nila Nestor.
Kahit maaga pa lang ay mga nag-iinuman na ang mga ito.
Ayaw mang lumabas ni Alo sa kanyang sasakyan ay tinatagan nito ang kanyang loob upang harapin ang lalaki.
Pagkalabas ng kotse ay isinuot nito ang kanyang shades, saka lumapit sa gate nina Nestor.
Nagsimula itong kumatok at tinatawag ang kanyang pangalan.
Hanggang sa may lumabas mula sa pintuan ng kanilang bahay, na siya namang nagbukas ng gate.
“Kita mo nga naman… Ako pa ang binisita ng dati kong boss… Hehehehe!!!” Bungad na bati ni Nestor.
Ibinaling ni Alo ang kanyang paningin at pinipigilan nito ang kanyang sarili na magalit sa lalaki.
“Anong kailangan mo… Sir Alwyn?” “Gusto kitang kausapin…” “Wooooh kausapin… Anong meron?” “Hihintayin kita sa sasakyan…” “Hah!” Anong akala mo sa akin? Tanga? Eh paano kung may gawin ka sa akin? Paano kung patayin mo rin ako?”
Tinanggal ni Alo ang suot-suot na shades at tumingin kay Nestor.
“Dalhin mo ako sa puntod ng kapatid mo.” Utos ng binata.
Natahimik naman ang lalaki at tinignan si Alo mula ulo hanggang paa.
“Sandali lang.” Maikling saad ni Nestor.
Pumasok ito ng bahay at iniwan ang binata sa labas.
Napakamot na lang si Alo habang hinihintay sa initan ang lalaki.
Maya-maya ay lumabas muli si Nestor at kinakandado ang kanilang bahay.
Saka naman ito tuluyang lumabas ng gate at isinara ito mula sa labasan.
“Tara.” Saad ng lalaki.
Sumunod naman si Alo sa kanya at binuksan ang pintuan ng sasakyan.
Agad silang sumakay sa kotse at pinaharurot ito ng binata.
“Pinapatay ka na ba ng konsensya mo sir?” Tanong ng lalaki.
Hindi naman sumasagot si Alo at patuloy ito sa pagmamaneho.
“Iba talaga pag mayaman ka eh noh? Kapag may gusto kang gawin, sasabihin mo lang, at makukuha mo na.”
Maya-maya ay kumuha ng sigarilyo mula sa kanyang bulsa si Nestor.
“Hindi ka puwede magsigarilyo sa loob ng kotse.” “Hehehe… Isa lang pare… Isang yosi bago mo ako patayin.” “Paano mo naman naisip na papatayin kita?” “Tama ka… Hindi nga namin inakala ni ihahampas mo kay utol ang surfboard na iyon.”
Hindi nagpaawat si Nestor at agad sinindihan ang sigarilyo. Pinindot naman ni Alo ang bukasan ng salamin ng bintana upang makalabas ang usok.
“Nasaan na tayo?” “Malapit na sir… Relax ka lang, ituturo ko sa inyo… Hehehe…”
Kahit na galit nag alit na si Alo ay pinipigilan nito ang kanyang sarili.
Gusto niyang madaan sa mabuting usapan, at mapakiusapan si Nestor.
Kaya’t nagpatuloy na lang ito sa pagmamaneho habang tinitiis ang usok na binubuga ng lalaki.
“Angie, lumabas yung target at sumakay sa isang kotse. Nakasunod na kami sa kanila ngayon.” Saad ng matandang lalaki sa kausap nito sa cellphone.
Binibigyan ng tagubilin ni Angie ang tatlong lalaki at pinapamasid nito si Nestor.
Sinusundan nila ang isang puting kotse, kung saan nakasakay ngayon ang lalaki.
“Ano pala gagawin namin sa kasama niya?” Tanong muli ng matandang lalaki kay Angie.
At nang naintindihan na nito lahat ng instructions ng magandang babae ay ibinaba na nito ang kanyang telepono.
“Ano po bossing? Susundan lang ba natin sila?” “Oo. Sundan mo lang yang mokong na iyan.” “Kailan ba natin siya titirahin bossing?” “Wala pang sinabi si Angie. Basta sabi sundan lang daw muna.” “Ayos. Eh paano yung kasama niya? Mukhang may kasabwat pang mayaman itong lalaki ahh..” “Baka benefactor? Hahahaha!” “Mga ungas! Ayusin ninyo ang trabaho para matuwa sa atin si Angela.”
Nagtinginan naman ang dalawang lalaki na nakaupo sa harapan.
Habang ang matandang lalaki ay nagyoyosi at nakaupo sa likuran.
“Bossing… Magpapaiwan po ba kayo dito kasama ng anak ninyo?” “Oo nga bossing… Baka iwan niyo na kami sa ere… Magugutom kami niyan.”
Saglit na tumahimik ang matandang lalaki at panay ang hithit-buga nito sa kanyang yosi.
“Magsitigil kayo diyan… Tignan ninyo at mukhang paliko na yung puting kotse mga ungas!”
Agad naman lumiko ang kanilang sasakyan habang nakasunod sa kotseng sinakyan ni Nestor.
“Puta! Pare sementeryo ito ah!” “Hahahah! Mukhang alam na ni mokong na dito rin siya papunta…” “Mga ungas! Wala pang sinabing papatayin natin ang mga yan.” “Okay bossing… Sabi niyo eh…”
Nagpatuloy lamang sila sa pagsunod sa kotse, at nang nakita nilang nagpark ito sa may tabi ng musileo, ay ipinarke na rin nila ang kanilang sasakyan sa medyo malayong lugar.
“Kayo na ang bahalang dalawa. Dito ko na kayo hihintayin sa kotse.” “Sige bossing.”
Agad namang lumabas ang dalawang lalaki at sinundan si Nestor, maging ang kasama nito.
“Malayo pa ba?” “Relax ka lang sir Alo… Malapit na tayo sa puntod ng kapatid ko.”
Patuloy na naglalakad sa initan ang dalawa habang hinahakbangan ang ibang puntod sa sementeryo.
Tahimik ang buong lugar at damang-dama ang malakas na hangin dito. Wala silang nadaanang tao at tila nasa kasuluk-sulukan ang puntod ng kapatid ni Nestor.
Maya-maya ay nakarating sila sa medyo madili na parte ng sementeryo.
“Naandito na tayo sir Alo.” Saad ni Nestor.
Hindi naman malaman ni Alo kung saan mismo nakalagak ang bangkay ng kapatid nito, dahil sa patung-patong na mga puntod.
“Saan diyan?”
“Pasensya ka na sir Alo. Naka apartment kasi itong puntod ng utol ko, kaya ganito, patong-patong…”
Tila kinikilabutan naman ang binata sa kanyang paligid.
Saglit itong tumahimik habang ginugunita niya ang nangyari noon sa may tabing dagat.
“Hindi ko alam ito, Nestor. Kung alam ko lang…” “Wala ka nang magagawa… Patay na ang kapatid ko…” “Bakit hindi mo sinabi sa akin? Sana nagawan pa natin ng paraan.” “Huh! Para saan pa? Hindi ba’t pinagtakpan na ng ama mo ang lahat ng nangyari noon?” “Si Daddy?” “Binayaran niya ang pamilya namin. Kinuha niya rin ako sa trabaho.” Naguguluhan naman si Alo sa kanyang mga nalalaman mula kay Nestor. “Ganyan naman kayong mayayaman… Lahat kaya ninyon bayaran…” “Hindi ko ginustong mangyari ito sa kapatid mo…” “Alam kong mali si utol na pagtripan ka at kuhanin ang mga bagay na hindi sa kanya… Pero mali din naman ang ginawa ninyong paghampas sa ulo niya, na halos buong buhay niya pinagdusahan.” “Patawarin mo ako… Patawarin ninyo ako… Alam kong napakarami kong nagawang pagkakamali sa nakaraan…” “Kung puwede nga lang kalimutan, nagawa ko na… Pero hindi sir Alo… Bawat iyak niya sa gabi na masakit ang ulo niya, at bawat araw na wala akong pero na pampagamot sa kanya, ang tanging nakatanim si isip ko. Ngayon na ang pagkakataon kong maningil.” “Kung gusto mong gumanti… Gawin mo na… Walang tao dito Nestor, puwedeng-puwede mo ako patayin dito… Lubayan mo lang ang pamilya ko at ang hotel.”
Lumuhod si Alo sa harapan ni Nestor.
Nakatingin naman sa kanya ang lalaki at tila tatawa-tawa pa ito sa ginagawa ng binata.
Tila hindi matahimik ang konsensiya ni Alo sa isiniwalat sa kanya ni Nestor.
Tila nadurog ang puso nito habang iniisip ang ginawang niyang paghampas ng surfboard sa kapatid nito.
Ipinikit nito ang kanyang mga mata at hinihintay na lamang ang gagawin pagganti ng lalaki.
“Bossing… Mukhang nagdadrama pa itong dalawa ehh… Ano na po ba ang gagawin namin?” Saad ng isang lalaki habang kausap ang kasamahan nilang naiwan sa loob ng sasakyan.
Naghihintay lang din sila sa kung anong sasabihin ni Angie.
At nang nabigyan na sila ng GO signal, ay ibinaba na nito ang kaniyang cellphone.
“Okay na pare…” “Ayos! It’s showtime!”
Agad na kinuha ng dalawa ang kanilang mga baril at unti-unting nilapitan si Nestor at ang kasama nito.
“Taas ang mga kamay!”
Nagulat naman sina Nestor at Alo nang may lumapit sa kanilang dalawang lalaki at tinutukan sila ng baril.
“Anong ibig sabihin nito?” Tanong ni Alo.
Nanlaki ang kanyang mga mata at hindi nito alam ang gagawin.
Hindi naman sila makatakas dahil sa nakabalandrang patung-patong na mga puntod.
“Pasensya na napag-utusan lang…Hehehe…” “Sige na pare, kunin mo na yung isa. Ako na bahala dito kay Nestor.”
Nagulat naman ang lalaki at kilala siya nito.
“Sino nag-utos sa inyo? Bitiwan ninyo ako…” “Hindi mo na kailangang malaman pare… Buti nga hindi ka namin dito tinumba sa sementeryo eh… Hehehehe…”
“Bitiwan ninyo ako!” Malakas na sigaw ni Alo.
Patuloy sa pagpupumiglas ang binata at tila nahihirapan ang isang lalaki na itali ang kanyang mga kamay.
“Pare tutuluyan ko na ito! Ang kulit!”
“Hahahaha! Ikaw na bahala diyan. Hindi naman natin kailangan yang mokong na iyan eh… Ang mahalaga madala natin si Nestor kay bossing.”
Agad na natalian sa kamay si Nestor at sumama ito sa lalaking humihila sa kanya.
“Ugggh!” Mahinang pagdaing ni Alo.
Hinampas siya ng isang lalaki ng baril sa kayang bandang batok at ulonan.
Agad itong napahandusay sa taas ng tinatapakang puntod.
Hindi naman siya iniwan ng lalaki at binuhat nito at binitbit sa kanyang balikat.
“Hello, bossing… Papunta na kami diyan. Mission accomplished. Hehehehe…”
“Nay? Anong oras po darating si tatay? Akala ko po ba sabay-sabay tayo magsisimba?” “Paparating na yun anak. Nakabihis ka na ba?” “Opo nay. Handa na po ako para sa simbang gabi.” “Oh sige, maupo ka na muna doon at tatapusin ko pa itong niluluto kong ispageti.”
Agad namang naglakad patungo sa sala ang dating walong taong gulang na si Angie. Marahan nitong sinusuklayan ang kanyang mahabang buhok, saka inilagay ang pulang ribbon tuktuk ng kanyang ulo.
Ipinangako ng kanyang ama na uuwi siya sa kanilang bahay sa bisperas ng pasko.
Halos ilang buwan ding hindi nakasama ni Angie ang kanyang ama dahil sa labis na pagkaabala nito sa kanyang trabaho.
At dahil sa trabaho ng kanyang ama, ay nakakaraos silang mag-anak sa pangaraw-araw na pamumuhay.
Hindi man marangya, ay nakakabili sila ng mga pangangailangan ni Angie at natutustusan nila nag pag-aaral ng nag-iisa nilang anak.
“Oh Angela, nakapag-ayos ka na ba?” “Opo nanay.” “Naku, tignan mo nga yang nasa buhok mo. Hindi naman maayos ang pagkakalagay ng laso. Halika’t ayusin natin.” Saad ng nanay ni Angie.
Batang-bata pa si aling Gloria nang mapangasawa niya si mang Ricardo. At dahil siya ang pinakamagandang babae sa kanilang barrio, ay agad naman siyang binakuran ng tatay ni Angie.
Nakuha ni Angie ang ganda ng kanyang ina. Maputi at makinis ang kanyang balat tulad kay aling Gloria, samantala ang mga mata naman ay kopyang-kopya sa kanyang tatay.
“Nanay luto na po ba yung ispageti?” “Oo anak.” “Nagugutom na po kasi ako eh… hehehe…” “Naku anak, hintayin na lang natin ang tatay mo…” “Anong oras po kaya darating si tatay?” “Parating na yun anak.”
Muling sinuklayan ni aling Gloria ang mahabang buhok ng kanyang anak saka iniligay ang laso dito.
Tumingin naman sa salamin ang mag-ina at nagbigayan sila ng matamis na ngiti.
“Ayan… Napakaganda talaga ng anak ko…” Saad ni aling Gloria sabay halik nito sa pisngi ng anak.
“Dapat ang isang babae ay laging nagpapaganda at nag-aayos. Kaya tandaan mo iyan anak.” Patuloy nito.
“Magkasing-ganda na po tayo nanay.” Saad ni Angie sabay yakap nito sa kanyang ina.
Mahigpit na nagyakapan sina aling Gloria at Angela. Kahit hindi man nila madalas kasama si mang Ricardo, ay ang kanyang ina naman ang nagpupuno ng mga pagkukulang nito.
“Maligayang Pasko, anak…” “Maligayng Pasko din po nanay…”
Maya-maya ay biglang mayroong kumatok sa kanilang pintuan.
Agad namang tumayo si aling Gloria upang pag-buksan ito.
Sumunod sa kanyang likuran ang anak na si Angela.
“Tatay!!!” Sigaw sa tuwa ni Angie nang makita nito si mang Ricardo.
Yayakap sana ang bata sa kanyang ama ngunit pinigilan siya nito.
Yumuko na lamang si mang Ricardo at hinawakan sa magkabilang braso si Angela saka nito hinalikan ang kanyang anak.
“Maligayang Pasko, anak…” Mahinang bulong nito.
“Heto ang regalo ko sa iyo Angela. Alagaan mo yan…” Dagdag ni mang Ricardo.
Mabilis na kinuha ni Angie ang nakakahong regalo at nang mabuksan niya ito ay kitang-kita sa kanyang mata ang ligaya sa pagkakaroon ng bagong manyika.
“Wow!!! Ang ganda naman nito tatay… May bago nanaman akong laruan…” “Alagaan mo yan anak… Mahal ang bili ni tatay niyan.” “Nanay ang ganda ng manyika ko… At mayroon pa siyang pangalan oh…Ro..Ro..Rose…” “Kaya nga anak eh, mukhang tuwang-tuwa ka…” “Opo. Salamat tatay… I love you po…” Saad ni Angela.
Tumingin naman si aling Gloria sa kanyang asawa saka nito nginitian.
Maya-maya ay napansin ng babae na tila may iniindang sakit ang kanyang asawa.
Butil-butil ang pawis nito sa ulo at nakahawak pa ito sa kanyang bandang tiyan.
Dahan-dahang iginala ni aling Gloria ang kanyang paningin sa katawan ni mang Ricardo at nakita nitong may mantsa ng dugo sa kanyang tagiliran.
“Angela, kuhanan mo ng t-shirt si tatay sa kuwarto… Pati yung tsinelas niya…” Utos ng nanay ni Angie. “Opo nay.”
Agad namang sumunod ang magandang bata habang hawak-hawak nito ang kanyang bagong manyika na si Rose.
Paika-ika naman si mang Ricardo habang pumapasok ito sa loob ng kanilang bahay.
“Anong nangyari sa iyo? May tama ka ah!!” “Ayos lang ako honey. Hindi na ako magtatagal dito, kailangan ko na ring umalis.” “Pero inaaasahan ka ng anak mong makasama sa Pasko.” “Mas importanteng makaalis agad ako dito sa bahay.” “Teka… Hindi ba dapat dalhin ka namin sa ospital?” “Ayos lang ako… Kaya ko ang sarili ko… Nagpakita lang ako sa anak natin.” “Pero…” “Honey… Mahalaga kayo sa akin ni Angela, pero kailangan kong gawin ito.”
Lumabas naman si Angie mula sa kuwarto, bitbit ang isang pirasong t-shirt ng ama at ang isang pares ng tsinelas nito.
“Salamat anak.” Saad ni mang Ricardo.
Ngumiti naman ang magandang bata habang yakap ang kanyang manyika.
Hindi mahubad ng lalaki ang kanyang suot dahil makikita nila ang mga peklat nito sa kanyang katawan. Maging ang sariwang sugat na nasa kanyang tagiliran, na pilit ikinukubli ng lalaki sa kanyang mag-ina.
“Angela, halika rito…”
Pumunta naman agad ito sa harapan ng kanyang ama.
Hinawakan muli ni mang Ricardo sa magkabilang balikat ang kanyang anak upang mapanatiling nasa kanya ang buong atensyon ng bata.
“Anak, pasensya ka na dahil laging busy si tatay… Pero hindi ibig sabihin noon ay hindi ka niya mahal. Sa totoo nga, ay mahal na mahal ka ng tatay at para sa iyo, sa kinabukasan mo ang gingagawa ng tatay…”
“Mahal ko din po kayo tatay…” Inosenteng saad ni Angela.
Pilit namang itinatago ni aling Gloria ang kanyang luha habang pinagmamasdang nagpapaalam ang kanyang asawa kay Angela.
Napapatingin naman si mang Ricardo sa kanyang asawa at nagpapakatatag upang maitawid nito ang kanyang gustong sabihin sa anak.
“Anak, kailangan nang umalis ni tatay ngayon dahil hindi siya pinayagan ng boss niyang magbakasyon. Kaya magtatrabaho at magtatrabaho at magtatrabaho lang si tatay. Idinala ko lang sayo yang regalo ko.”
“Pero tatay sabi mo makakasama ka namin ngayong Pasko…”
“Kaya nga Angela, nagsosorry si tatay… Kailangan nya na munang umalis… Magtatrabaho si tatay sa malayo…”
Hinawakan ni aling Gloria si Angela at inilayo sa kanyang ama.
Nagsimula namang umiyak ang bata habang pilit na kumakapit ito sa kamay ng kanyang ama.
Bumibitiw naman ang lalaki sa pagkakahawak sa kanya ng magandang bata habang nakatingin sa mukha ng kanyang butihing asawa.
“Tatay….Tatay….Huwag po muna kayo umalis…..” Pagsusumamo ni Angie.
Tila wala namang nadidinig si mang Ricardo at agad pinihit ang doorknob ng pintuan. Gusto niya sanang lingunin ang kanyang mag-ina ngunit mas minabuti nitong magkunawaring walang nakikita.
Hanggang sa tuluyan nang nakalabas si mang Ricardo ng bahay.
Lumuhod naman si aling Gloria upang yakapin ang buong katawan ng kanyang umiiyak na anak.
Gustuhin man niyang huwag umiyak, ngunit kusa namang tumutulo ang luha sa kanyang mga mata.
“Tama na anak… Huwag ka nang umiyak…” “Pero nanay sabi ni tatay sasama sama tayo sa Pasko ehhhh…” “Madami lang trabaho si tatay… Pagpasensyahan mo na muna anak…”
Pilit na pinapatahan ni aling Gloria si Angie habang yakap niya ito.
Maya-maya ay biglang bumukas ang pintuan ng bahay at pumasok muli si mang Ricardo dito.
“Dapa!!! Dapa!!!” Sigaw na utos ng lalaki. “Ano??? Anong nangyayari???” “Dumapa kayo…Dapa!!!” Saad muli ng mang Ricardo sabay hablot sa kanyang anak at asawa, at agad pinadapa ang mga ito.
Hindi nagatagal ay nakarinig sila ng tila nakakabinging ingay mula sa labas papasok sa kanilang bahay.
Nahuhulog sa sahig ang mga basyo ng balang tumatagos mula sa labas papasok sa bintana at pintuan ng kanilang bahay.
Tinakpan ni mang Ricardo ang dalawang tenga ng kanyang anak. Pilit nitong pinoprotektahan si Angie mula sa mga balang pumapasok sa loob ng bahay.
Sumisigaw sa pagtangis si aling Gloria habang niraratrat ang kanilang bahay.
Nanginginig ang buong katawan ng magandang ginang habang nakatitig sa kanyang mag-ama.
Nanlalaki naman ang mga mata ni mang Ricardo at hindi na rin niya alam ang kanyang gagawin.
Halos dalawang minuto tumagal ang ingay na tila mga paputok, habang sinasalubong ang araw ng Pasko.
Hanggang sa bigla na lamang tumigil ang nakakabinging ingay, at tanging langit-ngit na lamang ng mga sirang bintana at kasangkapan.
Nanatili ang kamay ni mang Ricardo sa magkabilang tenga ni Angie.
Habang si aling Gloria naman ay halos mabaliw at nanginginig sa takot.
Alam ng lalaki na tinatakot lamang siya ng mga sindikatong nakabangga nito noong isang araw.
At alam din niyang tuluyan nang magbabago ang buhay ng kanyang pamilya.
Hindi na magiging madali para sa kanila ang mamuhay ng payapa.
“T-t-ta-ta-tataay…” Bulong ni Angela sa kanyang ama.
Nakita ni mang Ricardo ang luhang tumutulo sa kanyang anak.
Hanggang sa nakita niyang may dugo ang yakap nitong manyika.
“A-a-anakkk… A-a-ange-angela?” Nanginginig na tugon ni mang Ricardo.
Hinanap nito kung saan nanggaling ang dugong nasa may bandang ulunan ng manyikang si Rose, at nangilabot ito nang makitang may tama sa tagiliran ang kanyang anak na si Angie.
Agad itong tumayo ay binuhat ang walong taong gulang na anak at tumakbo patungo sa likod ng kanilang bahay.
Sumisigaw namang sumunod si aling Gloria sa kanyang mag-ama at patuloy itong umiiyak.
Mabilis na tumatakbo ang mag-asawa upang humanap ng masasakyan para isugod sa ospital ang bata.
Isang mapait na alaala. Isang masalimuot na gabi. Isang pagsisimula ng bangungot sa buhay ni Angie.
- Undo – Episode 13: Ctrl + End Part 2 - December 24, 2024
- Undo – Episode 12: Ctrl + End - December 17, 2024
- Undo – Episode 11: Page Up - December 10, 2024