Written by ereimondb
Philippines
April 2013
Sinimulan na ni Andrea ang pageempake ng kanilang damit at iba pang mga gamit upang makaalis sa hotel bago mag-tanghali. Nagtataka pa din si Nikki kung bakit kailangan nilang umalis agad, dahil ang alam niya ay may natitira pa silang isang araw. Ngunit ang kanyang tita Andeng na ang nagpasya kung kaya’t hindi na rin siya nagtatanong ng dahilan sa mga nangyayari.
Tahimik lamang si Andrea. Hindi pa din nito sinasabi sa kanyang pamangkin ang dahilan ng kanyang pag-iyak noong isang gabi. Ayaw na din niya itong pag-usapan at ipaalala pa sa kanya ang lahat. Mas gusto pa niyang umalis na lang agad at bumalik nang Maynila.
Samantalang panay naman ang text ni Nikki kay Alo. Dahil hindi na siya makakapagpaalam ng personal sa binata at hindi rin niya maiwan si Andrea mag-isa sa kanilang kuwarto.
Nikki (+63917556475++): Kuya Alo, aalis na kami ni tita Andeng ngayon. As in ngayon na. Sorry hindi na ako makakapagpaalam sayo. Thanks for everything. I will miss you. Let’s keep in touch ha.
Hindi naman sumasagot si Alo sa mga text messages ni Nikki.
Nanatili siyang nakahiga sa sahig ng kanyang sala. Nakatingin lamang sa kisame. Hindi lubos maisip ang mga nangyari sa kanya sa buong kahabaan ng gabi. Pakiramdam niya ay pagod na pagod siya.
Nasa isipan pa rin niya ang mga naganap sa pagitan nilang tatlo.
Tanggap ni Alo ang kanyang mga pagkakamali. Mali ang kanyang ginawa kay Andrea, at mas lalong mali ang pananamantala niya sa pamangkin nitong si Nikki.
Hindi rin mawaglit sa kanyang isipan ang mga alaala ng kanyang yumaong ina. Kung paano dapat pahalagahan at irespeto ang mga kababaihan. Na dapat ang isang lalaki ay responsable sa lahat ng kanyang mga naiisip, sinasabi at ginagawa.
Masakit para sa kanya na biguin ang kanyang ina at tila hindi na siya natuto sa kanyang mga pagkakamali.
Ngunit, kailangan niya pa ding magpatuloy sa kanyang buhay.
Kailangan niya pa ding kumilos ngayong araw dahil madami pa siyang kailangang asikasuhin.
Kung kaya’t kahit nahihilo pa, ay pinilit nitong umupo.. Pinunasan ang kanyang mga mata at inuunat ang kanyang mga paa na tila namamanhid pa din.
Maya-maya’y tumingin sa orasang naka-dikit sa pader. Sabay tumayo at hinubad ang kanyang mga damit at nagpunta sa banyo. Binuksan ang dutsa ng shower, unti-unting nababasa ang kanyang katawan at parang mga sinulid na tumutusok sa kanyang balat ang bawat patak ng tubig na nanggagaling dito.
Para sa kanya, tapos na kabanatang ito. Tapos na ang kuwento nila ni Andrea at ng kanyang pamangkin. Tila isang mapainit at malungkot na pagtatapos.
Kailangan pa din niyang ipagpatuloy ang buhay. Nasawi na din siya dati, bumangon at nagpatuloy pa rin sa kanyang buhay.
Ito din ang nasa isipan ni Andrea.
Habang papalayo ng papalayo sila sa hotel na kanilang tinuluyan, at habang akbay niya ang kanyang pamangkin na si Nikki, nararamdaman nito ang bagong umaga at simula para sa kanila.
Tapos na ang kabanata ni Alo sa kanilang buhay mag-tita. Hinding-hindi na nila makikita ang binata. At payag itong kalimutan ang lahat ng mga nangyari. Isang bangungot ito para kay Andrea, at wala siyang balak ipaalam sa anak-anakan ang kanyang natuklasan at nakita.
Ang kailangan nilang gawin ay lumayo. Pumunta sa isang malayong lugar. Lugar na hindi matatanaw ang pinanggalingan ng kahapon.
Iiwan ang lahat… Magpapakalayo… At sa bandang huli, sana’y matutunang magpatawad…
Samantala… Agad namang dumiretso si Alo sa dagat.
Nilangoy ang kalawakan nito.
Ang dagat na lamang ang tangi niyang kakampi. Ang siyang nakakaintdi at nakakaunawa, nakakaalam ng kanyang tunay na pagkatao.
Sumasabay sa mga malalaking hampas ng alon. Sinasalubong ang bawat paghampas ng problema sa kanyang buhay. Kahit nahuhulog, pilit lumalangoy ulit at sinusubukang makatayo sa kanyang surfboard.
Walang sawa. Walang kapaguran. Patuloy na sumusubok. Patuloy na natututo. Patuloy na tumatayo.
Sa bawat araw na lumilipas, ito, at ito lamang ang tanging ginagawa ni Alo.
Ang lumangoy at magturo ng surfing.
Dahil madami pa ring bakasyonista at turistang tumutuloy sa kanilang hotel at resort, maraming pa ding tao ang nais matutong magsurf.
Kung kaya’t kadalasan ay inuubos ni Alo ang kanyang oras sa pagbababad sa dagat, sa gitna ng tindi ng sikat ng araw.
Hindi maitatangging, may nagbago sa pag-uugali ni Alo. Naging seryoso ito sa lahat ng bagay, at tila madalang na lamang ngumiti.
Napapansin din ang mga pagbabagong ito ng kanyang mga katrabaho at kaibigan.
Mas gusto niyang mapag-isa…
“Sir Alon, may kaunti pong salu-salo mamayang tanghalian. Iniimbitahan ko po kayo.” Saad ni Justin, isa ding surfing instructor.
Ngiti lamang ang isinagot ni Alo.
“Naku, pagpasensyahan niyo na po yang si Justin, sir. Birthday kasi niya.” Saad naman ng isa pa nilang kasamahang instructor.
Nagtutulakan naman ang iba dahil sa takot kay Alo. Kapansinpansin din kasi ang biglang pag-iba ng ugali ng binata.
“Ah ganun ba? Happy Birthday Jus. Pasensya na rin madami kasi ako kailangang asikasuhin.” Sagot ni Alo. Inayos na niya ang kanyang bag at hawak na din ang kanyang surfboard.
“Ah eh, salamat po sir Alon. Naiintindihan ko po.”
“Akala ko naman mabait. Masungit pala.” Pabulong na saad ng isang babaeng surfing instructor.
Bigla ding tumahimik ang paligid at nagtitinginan na naman ang ibang mga empleyado ng school. At dahil sa katahimikan ay kahit pabulong ay dinig na dinig pa din ito ni Alo.
Lumingon at napatingin naman si Alo sa babae. Hindi pamilyar sa kanya ang babae. Dahil sa sobrang abala niya sa iba pang mga bagay, ay may mga empleyado na din siya hindi niya kakilala.
“And who is this?” Tanong ni Alo.
Para namang nanginginig sa takot ang iba niyang kasamahan, maliban sa babae.
“I am Iris. Surfing instructor.”
Tumingin si Alo sa hiring manager na nakatayo sa tabi ni Iris.
“S-sir Alo. Si Iris po. New hire.”
“I wasn’t informed.”
“S-S-sir kasi si Grace po nagresign na last week. D-di po ba nasabi ko na sa inyo yun?”
“But still, I should be the one to do the final interview… Right?”
“S-s-sir a-a-akala ko po kasi… d-d-di na kailangan tulad ng dating process..hiring process…”
Napatigil naman si Alo sa sinabi ng hiring manager na halatang kinakabahan at takot na takot. Kadalasan ay ipinapaubaya na ni Alo sa hiring manager ang pagkuha ng mga instructors dahil sa sobrang busy nito. Hindi din siya masyadong hands-on sa business niya kung kaya’t kumukuha na lamang siya ng mga magagaling na consultants at buo ang tiwala niya sa mga ito.
“Okay, then let’s change the hiring process. From now on, dadaan na sa akin lahat ng applicants. I will be the one to do the interview process. How would I know na magaling o marunong nga mag-surf ang mga nahahire natin? That is why, I will be the one to evaluate these applicants.”
“Y-yes s-sir!”
“And that includes you… You are still under my evaluation.” Sabay turo ni Alo kay Iris.
“S-s-sir. Pero…” Pagtataka ng hiring manager.
“Sir, unfair naman po yata yun. Sa pagkakaalam ko po, hired na ako.”
“I was not informed. Technically, you are still an applicant. If you really want this job, then you must undergo my evaluation process.”
Tahimik pa din ang lahat, at tila lahat ng mga empleyado ay nakayuko at umiiwas ng tingin kay Alo.
“Sige… Dahil kailangang kailangan ko itong trabaho, payag na ako. Gagawin ko ang lahat para makapasok sa standards niyo…Sir!”
“Good.” Saad ni Alo.
Nakayuko ang lahat at tila natatakot, at baka pati sila ay maisama sa evaluation process ng kanilang boss.
“But before anything else, and since I need to stay, let’s take our lunch first. Saan ba ang pakain mo Justin?”
Nagkatinginan ang lahat at para silang nabunutan ng tinik nang mapapayag nila si Alo na sumabay sa kanila sa munting salu-salo.
“Naku sir nasa pantry po. Actually kanina pa po siya handa. Tara na po, kain na po tayo sir.” Masayang alok ni Justin sa kanilang boss.
Agad na nagtungo ang lahat para pagsaluhan ang handa para sa birthday ni Justin. Pinagsilbihan naman si Alo ng kanyang mga empleyado kahit pa tumatanggi ito.
Masaya ang lahat dahil nakikipag-biruan na ang kanilag boss sa kanila. Sa mga nakaraang araw kasi, ay bihira nilang nakakausap ang binata at tila umiiwas sa kanilang lahat.
“Guys, guys… I just want to let you know na I am very happy with all of your performances. And I know that you really work hard para maging successful ang surfing school natin. Well, again malapit nanaman matapos ang summer, kaya konting kapit pa, dahil matatapos na ang stressful days natin. So guys, keep it up!”
Nagpalakpakan naman ang lahat sa sinabi ni Alo. Masaya silang marinig na na-aappreciate ni Alo ang lahat ng kanilang ginagawa para sa surfing school.
“Salamat din po sir Alo dahil napakabuti ninyong boss sa amin. Kaya nga po lagi kaming extra effort para makapagkumbinsi ng mga gusto pang matutong magsurf dito sa atin.” Saad ng isang instructor.
“I know that, I know that… Numbers don’t lie naman. And as I can see, madami tayong tourists na nakukuha at nakukumbinsi para matuto. So keep it going guys. We can definitely exceed our target this year… I can already see that.”
Alam ni Alo na medyo napapabayaan na din niya ang kanyang business. Dahil sa mga personal na problema, na mas napagtutuonan niya ng pansin, ay muntik na ding lumayo ang loob sa kanya ng kanyang mga empleyado.
Tila nag-iba naman ang tingin sa kanya ni Iris sa kanilang bossing. Kahit medyo kinakabahan pa siya sa evaluation na gagawin sa kanya ni Alo, ay nakikita na din niya ang kabaaitan nito.
Nakatitig lang siya sa binata at sinisipat ang itsura nito. Halata din kasing hindi ipinanganak sa Pilipinas itong si Alon. At hindi rin maitatago ang kagawapuhan nito at ganda ng tindig.
Maya-maya ay napansin ni Alo na nakatingin sa kanya si Iris.
“So are you ready?”
Hindi nakasagot agad si Iris at patuloy na nakatingin kay Alon.
Kinalabit naman siya ng kanyang katabi dahil hindi siya sumasagot.
“S-s-sir?” Sagot ni Iris.
“Mukhang natatakot ka na yata ah… You are free to go kung ayaw mo nang ituloy.”
“No sir. Mas lalo po akong ginanahang ituloy ang application.”
Nagtinginan naman ang lahat nang madinig ang mga sinabi ng Iris. Napangiti na lamang si Alon kay Iris.
“What I mean is… Mabait ka rin naman pala. S-s-so, I think I can do this.”
“Okay. Puntahan mo na lang ako sa tabing dagat. I will wait you there.”
“Okay sir.” Mahinang sagot ni Iris.
“Sir pwedeng manood?” Tanong ng hiring manager.”
“Of course… You need to be there.”
“Sir kami rin!”
“As long as tapos niyo na ang mga klase niyo, you can go and watch.”
Lalo namang kinabahan si Iris dahil papanoodin siya ng mga instructors sa kanyang evaluation. Hindi naman ganoon kadami ang kanyang kinain, ngunit parang nasusuka na siya.
Nagpuntahan na ang lahat sa pampang at excited sila sa kanilang mapapanood. Gusto din nilang makapasok si Iris dahil medyo nakagaanan na din nila ng loob ang dalaga.
21 lamang ito at kahit hindi gaanong maputi ay kita pa din ang kagandahan ng kanyang mukha. Ang kakaiba nga lang sa dalaga ay medyo taklesa siya. Agad niya ipinapaalam ang kanyang saloobin, na siya namang nagustuhan ng hiring manager. Ngunit, ito din ang medyo kina-asaran ni Alon sa kanya. Kay gusto nitong tignan kung mahusay at may ibubuga ba talaga si Iris.
Habang naghihintay ang lahat kay Iris ay nagpakitang gilas ang lahat sa kanilang galing sa surfing. Pati si Alo ay nakipagsabayan sa kanila at enjoy na enjoy naman ang mga bisita at ilang turista sa mga nakikitang nagtatalunan at nakikipagsabayan sa hampas ng alon.
Maya-maya ay tinawag na ng hiring manager si Alo dahil handa na si Iris para sa kanyang evaluation. Agad namang nagpuntahan ang ibang instructors at ang kanilang boss.
Napatitig naman si Alo sa ganda ng hubog ng dalaga. Kayumanggi ito at halatang bilad sa araw. Alam niyang mahilig itong lumangoy dahil na din sa katawan nito. Pantay ang kulay niya hanggang sa ibaba.
Hindi niya alam ay nakatingin din pala sa kanya si Iris at naghihintay ng hudyat ni Alo. Nang makitang tinitignan siya mula ulo hanggang paa, ay agad nitong tinakpan at hinarangan ang kanyang katawan ng surfboard.
“Ready sir?” Tanong ng hiring manager.
Tila nawala panandalian si Alo sa kanyang sarili at nang tanungin siya ng hiring manager ay napangiti siya at natauhan.
“Anytime you are ready.”
Kahit malakas ang dangundong at kabog sa kanyang dibdib, tinignan muna ni Iris ang kalawakan ng dagat, at huminga ng malalim. Dahan-dahang naglakad sa buhangin at lumangoy patungo sa gitna ng dagat.
Kitang-kita naman nila ang husay at bilis ni Iris sa paglangoy. Ang iba naman ay nagkakantyawan dahil sa ganda ng babae at tila mas magaling pa daw ito kaysa sa kanila.
Titigna titig naman si Alo habang lumalangoy si Iris. Kita niya ang kahusayan ng dalaga sa paglangoy, ngunit nasaisip niyang dapat mas mahusay itong magsurf. Dahil iyon naman talaga ang kanyang ituturo sa kanilang mga estudyante.
Maya-maya pa ay nakita na nila ang magandang dalagang lumalangoy pabalik sa pampang. Nakita din nila ang napakalaki at napakagandang alon na sumusunod sa kanya. Nagpapalakpakan na ang mga kalalakihan dahil alam nilang maganda ang kalalabasan ng evaluation ni Iris.
Habang si Iris ay walang kapaguran sa paglangoy at tila humahanap ng magandang tiyempo para masabayan ang malaking alon. Maya-maya ay dahan dahang tumayo si Iris sa surfboard, dahil kinakabahan ito, ay medyo nanginginig ang kanyang mga binti.
Napapapikit naman ang hiring manager at tila hindi niya kayang tignan kung sasablay si Iris.
Samantalang si Alo naman ay nakatitig sa ginagawa ni Iris.
Kahit kinakabahan ay pinilit pa din ni Iris ang kanyang sarili na makatayo sa surfboard at tinatanaw ang pampang at ang kanyang mga kasamahan.
Nakatayo na si Iris at kitang-kita ang ganda ng porma nito habang nakasakay sa surfboard.
“Woah! Galing!”
“Tapos na sir? Tapos na sir?” Tanong ng hiring manager habang nakatakip sa kanyang mga mata.
Hindi nakaiimik si Alo sa kanyang nakita. Ayaw man niyang tanggapin sa kanyang sarili, ngunit sadyang mahusay talaga si Iris sa paglangoy at pagsurf. Perfect applicant.
Sinalubong naman ng kanyang mga kapwa instructors si Iris. Nagpalakpakan at natutuwa sila dahil sa husay na ipinakita ng magandang dalaga.
At dumiretso sa paglalakad si Iris patungo sa kanilang boss.
“What sir? Am I hired? Did I pass?” Nakangiting saad ni Iris kay Alo.
Tinignan niya mulis si Iris mula ulo hanggang paa. Sabay suot sa kanyang shades.
“Hmm… Pwede na.”
Napa-kunot-noo naman si Iris sa kanyang nadinig at tila hindi nagustuhan ni Alo ang kanyang ginawa.
“Pwede na?” bulong ng iba nitong kasamang instructors.
Agad tumalikod si Alo, bitbit nito ang kanyang surfboard.
“I will just talk to the hiring manager and she will let you know if you pass or not. You can now go home. That’s it for today.” Saad ni Alo sabay lakad. Agad namang sumunod sa kanya ang hiring manager.
Tila hindi nagustuhan ni Iris na binitin siya ni Alo sa resulta. Alam niya sa kanyang sarili na maganda ang naipakita niya, kung kaya’t nasaktan ito nang sabihin ng binata na “pwede na” ang kanyang husay sa surfing.
“Teka nga po… sir!” Saad ni Iris habang hinahabol si Alo.
Napahinto naman si Alo at ang hiring manager upang pakinggan ang dalaga.
“Hindi naman po yatang maganda na bitinin niyo ako sa desisyon niyo. Bakit hindi niyo na lang po ako diretsuhin kung pasado ako o hindi.”
Nanlaki naman ang mata ng hiring manager at agad nilapitan si Iris upang awatin ito.
Nakatingin lamang si Alo sa magandang dalaga at hinahayaan lamang siyang magsalita.
“Mali kasi ito eh.” Dagdag ni Iris.
“Are you done?” Tanong ni Alo. Sabay talikod at nagpatuloy sa kanyang paglalakad.
“Bipolar ata itong taong ito eh. Hindi naturuan ng nanay ng maayos. Bastos eh!” Saad ng galit nag alit na si Iris.
Napadiin ang hawak ng hiring manager sa kamay ni Iris dahil nagulat ito sa sinabi ng dalaga sa kanilang boss. Tanging si Iris lamang ang hindi nakakaalam na patay na ang mommy ni Alo.
Huminto si Alo sa kanyang paglalakad at napabuntong hininga.
Malakas na ibinaon ang kanyang surfboard sa buhangin at nilapitan ang dalaga.
“I wanted you to go home, so you could rest and wait for our call. Because whether you like it or not, this is the hiring process. You just really need to wait.”
Nakatingin lamang si Iris kay Alo habang pinapakinggan ito.
“You did great! You were awesome. You have the skills. Yun sana ang ibibigay kong results ng evaluation ko sayo sa hiring manager. Masaya ka na? But you know… that WAS my decision, before you have shown me that kind of attitude.”
Napapikit naman ang hiring manager sa kanyang nadinig sa kanilang boss.
“Just wait for our call to know if you pass or not.” Pahabol ni Alo, sabay bunot sa kanyang surfboard at tuluyan nang umalis at naglakad papalayo sa kanila.
Napailing na lamang sila sa narinig mula sa kanilang boss. Mukhang 50/50 na makakapasa pa si Iris at matatanggap bilang instructor sa surfing school ni Alo.
Pagdating ng hapon, nagpasya si Alon na maglakad-lakad sa may baybayin. Tila iwinawaksi ang kalungkutan at depresyong hanggang sa ngayon ay kanyang nadarama. Nakatingin sa kawalan. Nakatitig sa kalawakan ng dagat habang sinasamyo ang sariwang hangin na nanggagaling dito.
Para sa kanya, mas mabuti nang nililibang ang sarili, mamasyal, lumabas sa kanyang kuwarto upang makalimot. Hindi man ganoon kadali, ngunit alam niyang paparating na din siya sa rito.
Dalawang linggo na ang nakalipas, ngunit parang kahapon lamang ang mga pangyayari.
Habang nadarama niya ang lamig ng tubig sa kanyang mga paa, ay tila sinisikap nitong mahugasan na ng tuluyan ang hindi magandang nakaraan.
Makalipas ang ilang minuto ay naupo na ito sa mga pinung buhangin. Patuloy pa din itong nagmamasid at pinapanood ang mga taong lumalangoy sa dagat.
Kahit papaano’y naiibsan ang kanyang kalungkutan at pansamantalang nakakalimot.
“Ang senti mo naman…”
Isang pamilyar na boses ang bigla niyang nadinig at agad itong lumingon sa kanyang tabi.
“Mahilig ka din palang tumambay dito. Palagi ko din pinapanood ang paglubog ng araw.”
Ngumiti lamang si Alo sa sinabi nito at agad ibinaling ang kanyang paningin sa magandang tanawin – habang lumulubog ang araw.
Umupo sa tabi niya ito at sinamahan ang kaninang nag-iisang si Alo.
- Undo – Episode 13: Ctrl + End Part 2 - December 24, 2024
- Undo – Episode 12: Ctrl + End - December 17, 2024
- Undo – Episode 11: Page Up - December 10, 2024