Written by ereimondb
“Nasaan ako? Sino kayo?” Tanong ni Ruth sa mga taong nakaupo sa kanyang harapan.
Gulong-gulo ang isipan ng magandang babae. Hindi niya maisip kung ano ang dahilan ng lahat ng nangyayari sa kanya ngayon. Lalo pa’t mismo ang pinsan niyang si Mae ang nagdala sa kanya sa kapahamakan.
“Sumagot kayo… Nasaan ako? Parang awa niyo na…”
Maya-maya ay tumayo ang misteryosong lalaki at nilapitan si Ruth.
“Sumunod ka sa akin.” Saad nito sabay hawak sa braso ng magandang babae.
Agad namang nagpupumiglas si Ruth at tinanggal ang kamay ng misteryosong lalaki sa kanyang braso.
“Bitiwan mo ako. Hindi ako sasama sayo. Manloloko ka!”
Hindi naman umimik ang lalaki at nagpatuloy pa rin ito sa kanyang paglalakad patungo sa isang silid. Sinundan na lamang siya ng tingin ng magandang babae at galit na galit ito.
Lumapit naman ang isa pang babae kay Ruth upang ito’y kausapin.
“Hi Ruth… Alam kong hindi mo na ako naaalala… Pero kung talagang gusto mong makahanap ng sagot sa lahat ng kasagutan mo, puntahan mo na lang siya doon. Halika, sasamahan kita.”
“Sino ka? Hindi kita kilala…”
“Carmen… Ako si Carmen…” Saad ng babae at nginitian si Ruth.
Wala pa ring maalala ang magandang babae kahit pa itinanong nito ang pangalan ng kanyang kausap.
“Halika na… sasamahan naman kita sa loob eh… Don’t worry…” Pakiusap ni Carmen kay Ruth.
Hanggang sa minabuti ng magandang babae na sumama dito at marahang naglakad patungo sa isang silid. Samantalang ang mga taong nasa paligid ay patuloy pa ring tumitingin kay Ruth ng masama.
Damang-dama ng babae ang galit sa mga mata nila, animo’y may malaki siyang atraso sa mga ito.
Nang makarating ay naunang pumasok si Carmen sa silid. Tinanguan nito si Ruth bilang hudyat na maaari na siyang makapasok.
Tahimik namang naghihintay ang misteryosong lalaki. Inuunti-unti ang pag-inom sa kanyang baso ng alak, habang nakatingin sa babaeng papasok sa silid.
Bakas naman sa mukha ni Ruth ang pagkagalit sa lalaking nasa kanyang harapan.
“Maupo ka…”
“Bakit ako susunod sa iyo? Hindi kita kilala.”
Napangisi naman ang misteryosong lalaki dahil sa pabalang na sagot ni Ruth sa kanya.
“Hindi ka talaga nagbago… Hehehe…”
“Napakasinungaling mo! Sabi mo sa akin hindi mo ako kilala… Tapos ngayon, you are acting like we’ve been friends for a long, long time…”
Hindi naman umimik ang misteryosong lalaki. Ayaw na lamang niyang salubungin ang galit ni Ruth at minabuting ubusin na lamang ang malamig na alak sa kanyang baso.
Nilapitan naman ni Carmen si Ruth at inalalayan ito upang maka-upo. Ngunit naging matigas pa rin ang magandang babae at nanatiling nakatayo habang kausap ang lalaking nasa kanyang harapan.
“Now tell me… Sino ka bang talaga? Sino ka para paglaruan ako at ang asawa ko?”
Saglit namang tumahimik ang buong silid. Tumayo naman ang misteryosong lalaki at naglakad patungo sa kanyang mini bar. Nilagyan nito ng alak ang kanyang baso at marahang pinaikot ito sa kanyang kamay.
“Ako si Myk Havila. Kaibigan ako ng asawa mo. Actually, magkakabarkada tayo…”
“Yes I know that… At alam ko ring trinaydor mo si Ryan, right?”
“Ano ba yang pinagsasasabi mo? Yan ba ang sinabi sayo ng asawa mo?”
“Iyon ang katotohanang sinabi niya sa akin…”
“Hindi lahat ng sinasabi ni Ryan sa iyo ay katotohanan… I mean, baka nga wala siyang sinabi sa iyo na totoo…”
“Ayoko na yata makinig sa iyo. Mabuti pa, ihatid niyo na ako sa bahay namin at naghihintay na doon si Ryan… Ni hindi ko pa nga alam kung ano ang kalagayan ng asawa ko ngayon eh…”
“Kinalulungkot ko, pero hindi ko gagawin yun…”
“Palabasin niyo na ako dito! Wala kaming ginawa sayo… Wala kaming ginawang masama sa iyo…”
“Sa akin wala, pero sa iyo… Napakarami… Napakaraming pagkakamali Ruth, at panahon na para ayusin at harapin ang lahat ng iyon!” Pagalit na saad ni Myk.
“Unang-una… Wala ka namang dapat uwian na asawa eh… Dahil hindi mo asawa si Ryan… At pangalawa… kung hahayaan kitang lumabas dito ngayon, malamang papatayin ka rin nila…” Dugtong ng lalaki sa magandang babae.
Hindi naman nakaimik si Ruth at tila inuunti-unti niyang intindihin lahat ng sinabi sa kanya ni Myk.
“Sinungaling ka! Napakasinungaling mo!”
“Mas sinungaling si Ryan. At ang pagkakamali ko ay yung hinayaan ko siyang makuha ka sa akin!” Halos paiyak na saad ni Myk sa kanyang kausap.
Nagitla naman si Ruth sa mga nalalaman niya.
“Hindi totoo yan… Asawa ko si Ryan… Nagtiwala ako sa kanya… Alam kong hindi niya ako lolokohin…”
“Akala ko rin hindi niya tayo lolokohin Ruth… Pumayag ako sa mga plano niya, at hindi ko inasahan na para lamang sa pansarili niyang interes ang lahat ng ito.”
“So you are saying I’m sleeping with the enemy? Binigay ko ang lahat sa kanya… Lahat-lahat…”
Hindi naman nakapagsalita si Myk. Tila tinamaan ito ng matinding selos mula sa kanyang nadinig kay Ruth.
“Bakit ganun? Bakit niya ginawa yun? Hindi ko maintindihan…”
“Panahon na para malaman mo ang buong katotohanan. At wala akong itatago sa iyo…” Saad ng misteryosong lalaki at nilagok nito ang natitirang alak mula sa kanyang baso.
“Napakatanga mo talaga! Simple lang ang ipinagagawa namin sayo, sumablay ka pa!” Pagalit na saad ni Editha kay Mae.
Lubos ang galit nito dahil hindi umayon sa kanyang plano ang mga nangyari. Nawala pa sa kanya ang pagkakataong pahirapan si Agent Orange.
“Pasensya na… Ano namang malay ko na may susugod sa amin?” Sagot ni Mae habang ito ay ginagamot ng ibang tauhan ng Programme.
“Sino ba ang mga iyon?”
“Hindi ko rin alam boss… Naka-maskara silang lahat. Tapos yung umabot sa buhok ko, alam kong babae iyon. Napakalakas nila bossing eh!”
“Tanga ka talaga! Palpak!”
“Hayaan niyo boss, babawi ako sa inyo… Hahanapin ko ang babaeng iyan.”
“So aasa nanaman ako sa iyo? Bahala ka na nga diyan sa buhay mo… Bahala ka na sa kung anong pinaplano mo…” Saad ni Editha.
Lumabas na lamang ito ng clinic upang maibsan ang kanyang galit sa babaeng nagpapanggap na pinsan ni Ruth. Hindi na niya alam kung saan pa hahanapin si Agent Orang at kung papaano niya maisasakatuparan ang lahat ng kanyang mga plano. Ito lang kasi ang naisip niyang paraan upang gantihan ang magandang babae, lalo pa’t wala ito sa kanyang sariling pag-iisip. Kayang-kaya niya itong labanan at pahirapan. Ngunit, tila nadulas lang ang lahat sa kanyang mga kamay. Isa nanamang nasayang na pagkakataon.
Maya-maya ay naglakad ito patungo sa elevator. Buo na ang kanyang loob upang harapin ang dating Country Director ng Programme, na ngayon ay nasa piitan na. Ito lamang ang tanging kunsuwelo niya sa lahat ng kapalpakang nagawa ng kanyang tauhan.
Pagkasakay sa elevator ay pinidot nito ang Basement 4 ng building. Dito kasi inilalagay ang mga taong nililitis pa ng konseho at iba pang miyembro ng Programme. Inayos nito ang kanyang sarili at gusto nitong ipakita kay Ryan na hawak niya ang buhay nilang dalawa ni Ruth.
Bantay-sarado ang buong basement at madaming mga Programme Agent ang nakabantay. Kaagad na pinapasok si Editha Banks at naghintay ito ng sandali bago harapin si Ryan.
Ilang saglit lang ay lumabas na ito mula sa kanyang selda at kinaladkad ng mga Programme Agent patungo kay Editha.
Punong-puno ng pasa ang lalaki dahil sa bugbog na nakuha nito mula sa ibang miyembro ng kumpanya. Galit na galit ang lahat sa kanya dahil sa ginawa nitong pagsisinungaling at pagtatago sa isang taong inaakusahan nila ng pantatraydor sa Programme.
Napangiti naman si Mrs. Banks dahil sa kinahinatnan ni Ryan.
Tuwang-tuwa itong makita ang sitwasiyon ng lalaki na nagmatigas pang tanggapin ang inaalok niyang deal para dakpin si Agent Orange.
“Oh well… Look at you now Mr. Santander… Kaawa-awa ang itsura mo… Can you even speak right now? Halos hindi kita makilala… Hahahaha!”
“F-f-f-fallkk y-y-y-y-uohh”
“I will take that as a compliment. Dahil talaga namang agitated ka na sa akin… Ikaw naman kasi, nagmatigas ka pa… Ayan tuloy nadamay ka sa katrayduran ni Ruth… Hihihihi…”
Halos hindi naman makapagsalita si Ryan. Kahit ang maupo ng maayos ay hindi nito magawa dahil sa pananakit ng kanyang buong katawan.
“Alam mo kasi Ryan… Dapat marunong kang magpatakbo ng kumpanyang ito. Dapat marunong kang makinig sa mga payo na talaga namang makakatulong sa iyo, at hindi pinapairal ang pride… Bakit mo ba kasi itinatago pa iyang si Agent Orange? Ano pa bang business natin sa babaeng iyan?”
“I kept her to make your lives more miserable… fall you tita!” Pilit na ibinulalas ni Ryan sa kanyang kausap.
“I pity you. Kahit alam mong wala ka nang laban at kahit ganyang na ang hitsura mo, nagmamatigas ka pa… I’m expecting an apology… I want you to beg for your life. Alam mo naman ang hatol sa iyo ng konseho kapag napatunayan kong buhay si Agent Orange, right?”
“Mas naaawa ako sa buhay ninyo tita… Napaka-loser ng angkan ninyo… Kahit kailan ay hindi na maibabalik pa ang dangal ninyo na ngayo’y nasa pusali… nasa putikan.”
“How dare you!” Galit na saad ni Editha Banks sabay hawak sa bandang leeg ng lalaki.
Sinasakal ng matandang babae si Ryan hanggang sa halos hindi na ito makahinga.
“Anong karapatan mo para husgahan ang angkan ng Villamor? Wala kayong alam sa buong katotohanan.” Dagdag pa nito.
Mabilis namang inawat ng mga Programme Agents si Mrs. Banks at hindi nila ito hinayaang mapatay ng matandang ginang. Inalalayan at inilayo na nila si Ryan, at kaagad na ibinalik sa kanyang piitan.
Hindi naman nakontrol ni Mrs. Banks ang kanyang sarili dahil sa patong-patong na kapalpakan na nangyayari sa kanya. At sa halip na si Ryan ang kanyang pikunin, ay siya pa mismo ang nagalit sa katabilan ng binata.
Hindi rin niya matanggap ang katotohanang iyon ang tingin ng mga miyembro ng Programme sa kanilang angkan. At gagawin niya ang lahat upang maibalik lang siya sa puwesto at muling mamuno sa kumpanya.
Alam niyang malapit na itong mangyari dahil sa pagpataw kay Ryan ng parusang kamatayan ng konseho.
Samantala, marahan namang naupo si Ruth habang nagmumuni-muni sa lahat ng sinasabi sa kanya ni Myk. Nakatingin lamang ang misteryosong lalaki sa kanya at naaawa ito dahil sa dami ng dapat niyang malamang katotohanan tungkol sa kanya.
“Nasaan ako?” Mahinang tanong ni Ruth.
“Nandito ka sa kampo ng Reistance.”
“Resistance?”
“Oo.”
“Ano iyon?”
Natahimik naman si Myk sa katanungan ni Ruth at agad itong tumingin kay Carmen.
“Ang Resistance ang tanging takbuhan ng mga taong gustong tumiwalag sa Programme. Pinoprotektahan namin ang bawat isa at hindi namin hinahayaang mahanap kami ng mga agents.” Saad ni Carmen.
Ito na lamang ang sumagot sa katanungan ni Ruth.
“Hindi ko maintindihan…”
“Ruth… Tayong tatlo nina Ryan ay bahagi ng Programme. May isa pa tayong kabarkada, at iyon ay si Melissa. Ang totoong fiancé ng asawa mo. Tayong apat ay kabilang sa mga angkan na namumuno sa kumpanyang ito. Tayong apat ay nagsanay upang protektahan ang isang kumpanyang itinaguyod ng ating mga ninuno.”
“So… kabilang ako sa inyo?”
“Oo Ruth… Hindi lang kabilang… kundi ikaw mismo ang dapat na namumuno ngayon.”
“Huh?”
“Madaming nagkakainteres diyan sa puwest mo… Lalo na ang angkan ng Villamor.”
Tila gulong-gulo pa rin ang magandang babae at nanginginig pa ito habang pinapakinggan si Myk. Agad namang kumuha ng maiinom si Carmen at iniabot niya ito kay Ruth. Uhaw na uhaw namang uminom sa baso si Ruth at inubos ang laman nito.
Nang matapos ay nagtanoong ito kaagad kay Carmen.
“Bakit kayo nagtatago sa Programme? Ano ba ang ginawa o gagawin nila sa inyo?” Tanong ng magandang babae.
Ngumiti naman si Carmen at umupo ito sa tabi ni Ruth.
“Sa totoo lang, seventy-five percent sa amin dito ay ipinapatay na. Pinalabas nilang naaksidente or drug overdose o kaya naman namatay sa isang sakit, dahil lahat ay prominenteng tao ang kliyente ng kumpanya… Pero ang totoo, orchestrated ang lahat ng nangyari. At madami sa kanila ang dumaan sa kamay ni Agent Orange…”
“Agent Orange?”
“Oo… Siya ang pinakamagaling na Programme Agent. Siya rin ang pinakamalupit sa lahat ng sundalo ng Programme. Wala siyang pinapatawad… Matanda, bata, babae… lahat pinapaslang niya dahil sa utos ng kumpanya. Naging sikat siya sa mga miyembro ng Programme, at naging tinik naman siya para sa aming nasa Resistance.”
“Napakalupit naman niya… Nagagawa niyang pumatay ng tao?” Tanong ni Ruth sa kanyang kausap.
Napataningin naman si Carmen kay Myk.
“Wala tayong magagawa… Iyon kasi ang trabaho niya…” Sagot ni Myk.
“Pero mali pa rin iyon. Kasalanan sa Diyos ang pumatay ng tao. Hindi makatarungan iyon.” Dugtong ni Ruth.
“Alam ko… Kaya nga sa bawat misyon na ibinibigay sa kanya, ako na mismo ang naglilinis ng mga ito. Hangga’t kayang iligtas, ay inililigtas namin… Ibang katawan ang inilalagay sa libingan samatalang ang isa naman ay nagpapagaling dito sa kampo. Ginagawa namin ang lahat para mailigtas sila.” Saad ni Myk.
Maya-maya ay napatahimik naman ang magandang babae. Tila may inaalala sa kanyang isipan. Nakatangin lang sa kanya sina Carmen at Myk.
“Teka… Naalala ko noong isang araw na may sumugod sa ating dalawang tao at iniligtas mo ako sa kanila, sinasabi nila yung pangalang Agent Orange na yan habang binubugbog ka nila at hindi lumalaban… Tapos, ikinuwento ko ito kay Ryan, sabi niya sa akin na ikaw daw yun… Ikaw daw si Agent Orange?” Tanong ni Ruth sa kanyang kaharap na lalaki.
“Huh? Sinabi niya yun?”
“Oo.”
Saglit na tumahimik si Myk at tila naghahagilap ng tamang pagkakataon kung paano sasabihin kay Ruth ang buong katotohanan.
Napayuko naman si Carmen at ayaw nitong sagutin ang tanong sa kanila ni Ruth.
“Kung ikaw nga si Agent Orange, anong ginagawa mo dito sa kampo ng Resistance? Tsaka kung ikaw yung papatay sa kanilang lahat, bakit hinahayaan ka pa nilang tumuloy sa kinaroroonan nila ngayon?” Sunod-sunod na tanong ng magandang babae.
Mabilis namang tumayo si Myk at pinuntahan muli ang kanyang mini bar. Gusto niya sanang iwaksi ang pagsagot sa mga katanungan ni Ruth, ngunit ipinangako nitong sasabihin niya ang lahat-lahat.
“Sino ba talaga si Agent Orange? Si ate Mae ba? Si Ryan? Sino ba yung walang konsensiyang tao na yun?” Dagdag na katanungan ni Ruth.
Hindi pa rin umiimik ang dalawa at tila naghahanap sila ng magandang tiyempo upang sagutin ang mga ito.
“Siya rin ba ang dahilan kung bakit ako gustong ipapatay ng mga taong iyon? Siya rin ba ang papatay sa akin? Parang awa niyo na… Sagutin ninyo ako… Sino ba si Agent Orange?” Pagsusumamo ng magandang babae.
“Ikaw…” Mahinang tugon ni Myk habang nilalagyan ng alak ang kanyang baso.
“Ano?”
“Ikaw si Agent Orange.” Muling saad ng misteryosong lalaki’t tuluyan nang humarap sa kanyang kausap
Hindi naman makapaniwala si Ruth sa kanyang mga nadinig mula kay Myk.
“Hindi… Nagsisinungaling ka… Hindi yan totoo…” Saad nito sa lalaki.
“I’m sorry Ruth… Pero iyon ang katotohanan… Kailangan mong malaman ang buong katotohanan sa pagkatao mo.”
“Shit! Ibig mo bang sabihin mamamatay tao ako dati? Bakit ako? Sino ba talaga ako? Wala akong maalala…”
Saglit namang hindi nakasagot si Myk. Sinusubukan naman ni Carmen na pahupain ang mataas na emosiyon ng magandang babae. Hindi nito matanggap ang katotohanan tungkol sa kanyang pagkatao.
“You were raised to become an agent. Ginusto ito ng daddy mo na dating namumuno sa Programme. Alam niyang mas malaki ang tsansa na sumunod ka sa yapak niya kung magiging Programme Agent ka muna. Hindi mo siya binigo dahil wala kang palpak na misyon. Ang bawat isang taong gustong tumiwalag sa Programme, ay kundi mo napapabalik-loob sa kumpanya, ay napapatay mo. Katulad ni Mae. Ikaw ang dahilan kung bakit nakabalik sa Programme si Mae. Hindi namin alam kung ano ang pamamaraan mo kung papaano mo siya napabalik, ang mahalaga, miyembro pa rin siya ng kumpanya.” Paliwanag ni Myk.
“Isa din ako sa mga tumiwalag sa Programme. Ako si Carmen Sansuwat. Dati din akong Programme Agent. Tumiwalag ako sa kumpanya dahil sa di makatarungan nilang utos sa akin na paslangin ang mga walang sala. Inakusahan nila ako ng pagtatraydor. Ikininulong at pinatawan ng kamatayan ng konseho. Ikaw ang humawak ng misyon para patayin ako. Nagawa mo ng tama ang misyon mo, hanggang sa tinulungan ako ni Sir Myk… Siya ang nagligtas sa akin. Siya ang nagbigay ng pangalawang buhay sa akin.” Kuwento naman ni Carmen kay Ruth.
Patuloy pa rin sa pag-iyak ang magandang babae dahil sa mga ipinagtatapat sa kanya ng dalawa niyang kausap sa silid. Hindi niya tinatanggap sa kanyang sarili ang mga kalupitang nagawa niya sa kanyang kapwa.
“Hindi ko alam… Napakasama ko pa lang tao… Napakasama ko…” Saad nito.
Hinahagod naman ni Carmen ang likuran ng magandang babae.
“Kaya pala galit na galit silang lahat sa akin… Kaya pala ganoon na lang sila kung makatingin sa akin… And deserve it… Sana namatay na lang ako sa car accident na iyon…” Dagdag pa nito.
“Walang car accident, Ruth… Walang nangyaring ganun…”
“Huh?”
“Ang katotohanan niyan, mula nang nailipat sa iyo ang pinakamataas na puwesto sa Programme, ay gumawa ka ng isang plano upang matigil na ang patayan sa magkabilang kampo. Nakapag-isip ka ng tamang paraan upang matigil ang giyera ng Programme at Resistance.”
“Pero paano? Paano nawala ang alaala ko?”
“Nawala ang alaala mo, dahil sa planong iyon. Kinuha mo ang isang sistema na nagmula pa sa Russia, na tinatawag nilang The Clearance. Isa yung sistema na puwedeng burahin ang alaala ng mga dating miyembro tungkol sa Programme at mamuhay ng tahimik sa ibang lugar. Ito ang tanging solusiyon na naisip mo para sa ikatatahimik ng lahat.”
“The Clearance?”
“Pero dahil para lamang ito sa elite members ng Programme sa Pilipinas at sa iba pang bansa, ay hindi ka pinahintulutang gamitin ito para sa resistance. Nilitis ka ng mga konseho at inakusahang maka-kaliwa at traydor ng mga ito, dahil sa iniisip mo ang kapakanan ng mga tumiwalag sa Programme.” Kuwento ni Myk.
“At kaya ka namin tinatanggap dito sa kampo, ay dahil alam naming maayos ang plano mo para magkasundo ang lahat. Tutulungan ka naming makuha ang sistemang iyon…” Dagdag pa ni Carmen.
“Pero… papaano ito nangyari?”
“Dahil nga sa kinalabasan ng paglilitis ng konseho, at pinatawan ka nila ng parusang kamatayan, ay napagkasunduan nating apat na sayo subukan ang sistema at pekehin ang pagkamatay mo. Gusto mo rin kasing malaman kung gaano kaepektibo ang sistemang ito, para mas maging matagumpay ang mga binabalak mo. Ayokong gawin iyon, kaso wala na talaga tayong ibang paraan. Pinalabas naming namatay ka sa isang aksidente. Itinago namin ang lahat sa konseho at sa mga di mapagkakatiwalaang miyembro ng Programme. Kay Ryan ka namin ipinagkatiwala, dahil nasangkot din ako sa isang kaso. Nililitis nila ako hanggang sa ngayon, at dahil wala silang makitang katibayan na isa akong traydor, kung kaya’t hindi pa ako napapatawan ng parusang kamatayan.”
“Kung alam ni Ryan ang plano, bakit niya ginawa ito sa ating lahat?”
“Dahil nasilaw siya sa kanyang posisyon. Kinuha niya itong pagkakataon para makamtan ang pinakamataas na posisyon ng Programme.”
“Pero hindi niya ako pinatay… Bakit hindi niya pa ako pinatay kung may pagkakataon siya noon?”
“Hindi ko rin alam yan Ruth. Basta ang alam ko, ay pinapalala at pinapahaba niya ang epekto ng Clearance.”
“Bakit ganun? Anong klaseng kumpanya ang napasukan natin? Kung kailan pa ako gumawa ng paraan upang itama ang lahat, saka pa nila ako pinapapatay?”
“Nasa batas kasi yan ng Programme. At ikaw ang tangi naming pag-asa Ruth… Kahit ikaw si Agent Orange… Kaya mong baguhin at baliktarin ang lahat na aayon sa kagustuhan mo… Ikaw pa rin dapat ang namumuno ngayon…” Saad ni Carmen.
Saglit namang nag-isip si Ruth. Tila naliliwanagan na ito sa lahat ng mga pangyayari sa kanyang buhay. At desidido na rin ito na baguhin ang takbo ng buhay nilang lahat.
“Yung mga taong dumakip sa akin kanina, mga miyembro ba iyon ng Programme?”
“Oo Ruth… Nalaman nila na itinatago ka ni Ryan… At malamang pinaparusahan na nila siya.”
“Kawawa naman siya… Oo nga’t itinago niya sa akin ang buong katotohanan, pero inalagaan niya ako at prinotektahan….” Saad ni Ruth.
Napatingin naman si Myk sa magandang babae. Hindi nito inakalang ganoon ang magiging impresiyon niya sa lalaking nanloko sa kanila.
“Ang kalaban natin ngayon, ay ang angkan ng Villamor… Sina Melissa at Editha Banks. Sila ang magpapatunay na buhay ka, at dadalhin nila ang ulo mo sa harapan ng konseho…” Saad ni Carmen.
“Nakilala ko sila… Dumalaw sila sa bahay noong isang araw… Kaya pala hindi ako nagtitiwala sa mga pagmumukha nila.” Sagot naman ni Ruth.
“Tutulungan ka namin Ruth… Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya upang maisakatuparan mo ang matagal mo nang plano… Iyon lamang ang magpapalaya sa aming lahat… Gusto na naming lumaya mula sa Programme…” Dagdag ni Carmen.
“Salamat… Gusto ko rin itama ang lahat ng pagkakamali ko… Hindi ko na kilala ang sarili ko ngayon… Pero ayokong mamatay nang ganito… Na masama ang tingin sa akin ng lahat ng tao…”
“Mabuti pa siguro magpahinga ka muna Ruth… Hindi makakabuti sa iyo na sagarin ang lakas mo… Carmen, samahan mo na siya sa kuwarto…” Utos ni Myk.
Agad namang inalalayan ni Carmen si Ruth at sabay silang naglakad papalabas ng silid. Hindi pa rin makatingin ang magandang babae sa mga taong nasa labas dahil sa masamang pagtingin nila sa kanya. Para siya sinasaksak ng mga ito sa bawat panlilisik ng kanilang mga mata.
Mabilis namang naihatid ni Carmen ang magandang babae sa kanyang kuwarto upang makapagpahinga.
“Tawagin mo lang ako kung may kailangan ka…”
“Salamat…”
“Sige, magpahinga ka na…”
“Carmen…” Saad ni Ruth.
Napatingin naman agad ito sa magandang babae.
“Ano yun?”
“Gusto ko lang humingi ng sorry sa iyo…” Pagsusumamo ni Ruth.
Napangiti naman si Carmen at nilapitan niya ito sa kama.
“Gawin na lang natin yung plano mo, para maging okay na ang lahat… Alam kong kaya mo iyon… At tutulungan ka namin.”
“Si Myk…”
“Anong meron kay Myk?”
“Hindi ko siya ganoon kakilala… Hindi ko maibigay ang buong pagtitiwala ko sa kanya…”
“Ang masasabi ko lang sa ngayon Ruth, ay dapat mo siyang pagkatiwalaan… Siya ang boyfriend mo… At malaki ang isinakripisyo niya, lalo na ang malayo sa iyo, para lang maisakatuparan ang plano…”
“Boyfriend?” Inosenteng tanong ni Ruth.
Napangisi naman si Carmen at mabilis itong naglakad patungo sa may pintuan.
“Magpahinga ka na, para may lakas ka kinabukasan…” Saad nito kay Ruth sabay labas ng kuwarto nito.
Napaisip naman si Ruth sa mga sinabi sa kanya ni Carmen. Ngayon ay naging malinaw na sa kanya kung bakit pamilyar ang lalaking ito. Kung bakit nais niya itong makausap at gusto laging makita habang nagmamasid mula sa kanyang bintana.
Mayroon pala silang dating koneksiyon. Mayroon pala silang dating relasiyon.
At pilit nitong ginugunita sa kanyang isipan ang itsura ni Myk Havila, upang kahit papaano ay alaala na siya sa binata.
Samantala, inilabas muli sa kanyang selda si Ryan. Kinaladkad siya ng security ng kumpanya dahil halos hindi na ito makalakad dahil sa sobrang sakit ng kanyang pangangatawan. Tila naiiyak pa ang binata sa tako nito kung ano pa ang puwedeng gawin ng mga agents sa kanya.
Mas gugustuhin na niyang mamatay kaysa sa parusahan siya oras-oras ng mga suntok, pananakit at pagpapahirap ng mga miyembro ng Programme.
Hanggang sa pumasok sila sa isang pamilyar na silid at agad siyang itinapon sa sahig. Dahan dahan nitong iminulat ang kanyang mata at natanaw niya sa kanyang harapan ang mga miyembro ng konseho.
Nakatingin lamang ang mga ito sa kanya, habang napapailing dahil sa kasalanang nagawa ng dating Country Director.
Maya-maya ay pumunta sa isang raised platform ang isang miyembro ng konseho, mula sa angkan ng Villamor.
“Sisimulan na natin ang paglilitis kay Ginoong Ryan Santander, ang namumuno bilang Country Director ng Programme. Naririto na rin ang ibang mga testigo, maging si Ginang Editha Banks, at si Melissa Villamor.”
Tumango naman ang magtiyahin bilang respeto at pagbibigay pugay sa matandang konseho.
“Nasa ating harapan ngayon si Ginoong Ryan Santander, dahil sa akusasiyong pagtatraydor at pagsisinungaling sa harap ng konsehong ito… Mr Santander, how do you plead?”
Hinid naman maibuka ni Ryan ang kanyang bibig dahil sa bugbog-sarado ito.
Naaawa naman si Melissa sa sinapit ng kanyang fiancé, ngunit pinipigilan siya ni Editha sa kanyang nararamdaman.
“Hmmm… Mukhang di makakasagot si Ginoong Santander ngayon… Pero malamang sa malamang ay not guilty ang sasabihin niya sa ating lahat.”
Nagtinginan at nagbulungan naman ang mga tao dahil sa sinabi ng matandang konseho.
Maya-maya ay pinukpok ng isang miyembro ng konseho, mula sa angkan ng Santander, ang kanyang maso upang mapatahimik ang lahat. Kaagad naman silang sumunod at hinitay ang susunod na sasabihin ng matandang konseho.
“Ginang Editha Banks, sigurado ka ba sa iyong nakita na buhay pa si Ruth Bermudes?”
“Opo, ginoo… Sa katunayan po niyan ay nakadaupang-palad namin ang babaeng iyon sa pamamahay ni Ryan Santander.”
“Pero hindi ba’t kasintahan ng iyong pamangkin si Ryan? May alam din ba siya tungkol dito?”
“Wala po siyang kinalaman… Magkasabay lang po naming nalaman na buhay si Ruth nang dumalaw kami sa pinagtataguan sa kanya.”
“Kung gayon, bakit wala pa ang ulo ni Agent Orange sa harapan ng konseho? Hindi ba’t may usapan tayo?”
“Tama po kayo ginoo.. Pero mayroong hindi inaasahang pangyayari at napasakamay si Ruth ng kabilang miyembro.”
“Kabilang miyembro? May lead na ba kayo tungkol dito?”
“Opo ginoo… Ayon sa mga Programme Agents, napasakamay siya ng mga miyembro ng Resistance.”
“Resistance?”
“Tama po kayo ginoo, at babawiin namin si Ruth Bermudes sa lalong madaling panahon.”
“Sige. Bibigyan ka pa namin ng pagkakataong patunayan ang iyong sinasabi Ginang Banks. Samantala, patuloy na mananatili si Ryan Santander sa kanyang piitan.”
“Pero sino po ang mamumuno sa Programme kung nakakulong si Ryan?”
“Ang konseho muna ang pansamantalang magdedesisyon hangga’t wala kang napapatunayan Mrs. Banks.”
Napakunot-noo naman ang matandang babae dahil sa sinabi sa kanya ng matandang miyembro ng konseho.
“Gusto naming ituloy ang plano mo na dalhin sa harapan ng konseho ang ulo ni Agent Orange. Walang lugar ang mga traydor dito sa ating kumpanya.”
“Masusunod po ginoo…”
“Bibigyan ka namin ng apatnapu’t walong oras upang maisakatuparan mo lahat ng iyong binabalak. At kung ito ay hindi mo nagawa sa itinakdang oras ng konseho ay makakasama ka ni ginoong Santander sa piitan.”
“Mapapatunayan ko po iyan ginoo…”
“Kung mapapatunayan mo Mrs. Bank ang lahat ng akusasiyon mo, ay ikaw ang papalit sa puwesto ni ginoong Santander. At maililipat pabalik ang pamamahala sa Programme, sa ating angkan… ang Villamor…”
“Mga talunan…” Mahinang saad ni Ryan.
Napatingin naman sa kanya ang matandang miyembro ng konseho at tila gusto nitong linawin ang nadinig mula kay Ryan Santander.
“Anong sinabi mo iho?”
“Ang sabi ko… angkan kayo ng talunan… Kahit kailan, hindi maibabalik sa mabaho ninyong pangalan ang pamamahala sa Programme…”
Nanlaki naman ang mga mata ng taong nasa loob ng silid. Tila natakot sila sa katabilan ni Ryan sa harap ng konseho.
“Alam mo ba ang karagdagang kaparusahan sa iyong ginawa, ginoong Santander?”
“Wala akong kinakatakutan… Kayo ang dapat matakot… Dahil magbabalik si Agent Orange. Babalikan niya kayong lahat… Lalo na’t hindi siya nakuha ni tandang Editha, at nasa kamay siya ng kalaban… Lalo silang lalakas… Magbabalik siya… Didikdikin niya kayo… Pipit-pitin… Dudurugin at ipapakain sa aso… Manginig na kayo sa takot… Nalalapit na ang katapusan ninyong lahat…” Saad ni Ryan sa harap ng konseho.
- Undo – Episode 12: Ctrl + End - December 17, 2024
- Undo – Episode 11: Page Up - December 10, 2024
- Undo – Episode 10: Ctrl + Home - December 3, 2024