Written by ereimondb
Binalot ng matinding katahimikan ang buong paligid. Isang nakakabinging katahimikan.
Bakas sa bawat mukha ng mga empleyado ng Programme ang tensiyon at takot dahil sa sinapit ng kanilang dating kasamahan. Lalo na’t ang mga ito pa ay nakaupo sa puwesto bilang representante ng kani-kanilang mga angkan. Hindi sila sinanto nina Ryan Santander at Melissa Villamor. Alam nilang kayang-kaya din silang kalusin ng mga ito, kung sakaling lumabag sila sa batas na itinakda ng kumpanya.
Maya-maya ay bumukas ang pintuan ng isang silid, kung saan naroroon ang mga labi ni Ruth Bermudes. Nagtinginan ang mga empleyadong naroroon nang makita nila ang isang kamang de gulong, tulak-tulak ng isang Programme Agent.
Nakatalukbong ng puting tela ang katawan ni Ruth. Walang senyales na ito’y buhay pa, at siguradong-sigurado ang mga ito na tuluyan na silang nilisan ng kanilang dating Country Director.
Ang iba sa kanila ay napayuko na lamang bilang respeto sa patay, at ang iba naman ay nagawang magbulungan dahil sa sinapit ng isang fallen agent.
Nasasayangan sila sa pagkawala ni Ruth.
Marami sa kanila ang naniniwala sa prinsipyo’t ipinaglalaban ni Ruth.
Alam nilang pagdating ng panahon, ay magagamit din nila ang batas na nais ipatupad ni Ruth, kung sakaling maisipan nilang iwan na ang masalimuot na buhay sa Programme.
Ngunit ang pagbabago na ito ay tila hindi na nila muling matatanaw pa. Isa na lamang pangarap ang makawala sa isang kumpanya na walang sinuman ang nakakalabas ng buhay.
Ituturing kang traydor kapag ikaw ay nagnais na umalis sa iyong tungkulin sa Programme.
Ituturing kang kalaban kapag nagbalak kang tumakas at magtago sa kumpanya.
Ituturing kang maka-kaliwa, kung sakaling nais mong ipagpatuloy ang nasimulang panukala ni Ruth Bermudes.
Ang dating kinakatakutan ay ngayo’y nakatalukbong na lamang ng kumot. Walang malay. Nilagutan na ng hininga.
Dinig na dinig pa nila ang tunog ng gulong ng kama habang ito ay inilalakad sa pasilyo patungo sa elevator.
Nakasunod naman sa lalaking nagtutulak nito, ang tatlo niya pang kasamahan, at kabilang doon si Angel.
Kahit hindi ipinapahalata, ay tila nadismaya din si Angel sa kinahantungan ng kanyang iniidolong si Ruth. Naiisip niya ang pupuwede niyang kahantungan kung sakaling sumunod siya sa yapak ng isang fallen agent.
Kamatayan.
Kaya naman ay sa halip na ito ay magpakita ng kalungkutan at pighati, ay mas minabuti na lamang nitong tumingin ng diretso patungo sa elevator at huwag na huwag magpahalata.
Nagmadali namang naglakad ang isang nilang kasamahan na lalaki upang pindutin ang down button sa elevator.
Sandali silang naghintay bago ito tuluyang bumukas.
Patalikod na pumasok ang lalaki at hinatak nito ang kamang de gulong kung saan lulan si Ruth.
Sunod-sunod namang pumasok ang iba pang Programme Agents sa loob at saka isinarado ang elevator. Tahimik ang mga ito habang sila ay papunta sa Basement ng building. Dito kasi sinusunog ang mga labi ng mga empleyado ng Programme na sumuko, tumiwalag at nagpasyang lisanin ang kumpanya.
Walang bakas.
Walang ebidensiya.
Mananatili na lamang lihim ang lahat.
Mauuwi na lamang sa abo.
Pasipol-sipol pa ang lalaking taga-tulak ng kamang de gulong habang pababa sila sa elevator.
Three (3) Months Later
Welcome!!!
You are about to witness our presentation, and we would like to provide you a brief introduction about our company.
We are the company that chooses elite members that can be leaders; members that are born leaders.
We choose elite members that can serve not just the country, but the whole world.
We choose elite members that can become role models, future award winning actors and actresses, breakthrough performers, singers and artists.
We are the company that chooses elite members to rule the world and make a difference.
And if you can watch this presentation… that means, we have seen a potential in you.
We have chosen each one of you…
Future leaders…
Future role models…
Future celebrities…
Congratulations…
And…
Welcome to our company…
Welcome to the Programme.
“Iyan na ba ang mga bagong recruit?” Tanong ni Ryan kay Melissa habang pinagmamasdan sa isang two-sided na salamin na naghihiwalay sa kanila sa mga baguhan.
“Yes, honey…”
“Good. They all look promising… I’m sure makakatulong sila sa pagbawi ng nawala sa Programme…”
“Well, all I can say is, pagkatiwalaan mo ang mga napili kong baguhan. Ako lang naman ang pumili sa kanila, and they are all my personal choice. So just trust me on this…” Saad ni Melissa sabay kindat kay Ryan.
Medyo nahihirapan pa rin ang dalawa na ibangon ang kumpanya. Ramdam din nila ang bigat ng trabaho ni Ruth dahil dumami ang nag-aklas laban sa Programme.
Hindi nila inasahan na mas maraming empleyado ang nangahas na umalis sa kumpanya dahil sa ginawa nilang pagpaslang kay Agent Orange. Ang mga ito ay bigla na lamang hindi pumasok sa opisina, nagpakalayu-layo at nagtago sa kanilang lahat.
Bakas naman sa mukha ni Ryan ang tensiyon nang dahil sa problemang ito.
“Just relax Ryan… Everything will be alright…”
“Paano ako makakapag-relax… Ngayong dumadami na ang mga taong sumasapi sa Resistance… Ngayong hindi pa tayo nakakabawi ng lubusan… How can I relax, honey?”
Nilapitan naman ni Melissa ang kanyang boyfriend at hinawakan ang kamay nito.
“Naandito ako honey… Pagtutulungan natin ito… One step at a time…”
“Sino ang nag-aasikaso sa mga empleyadong lumabag at nag-aklas sa Programme?”
“Ako na bahal doon honey… Don’t worry…”
“Kulang ba ang mga Programme Agents? Puwede tayong kumuha ng militar.”
“I said… Ako na ang bahala doon…”
“Pero paano? Araw-araw nababawasan tayo ng tauhan, lalo na ng mga agents. They are all gone rogue. Hindi natin kakayanin ang panibagong rogue agent at lalabanan tayo…”
“I assure you… Wala nang lalabas na iba pang rogue agent… I will take care of it.”
Dahil sa sinabi ni Melissa sa kanya, ay niyakap na lamang ni Ryan ang kanyang girlfriend bilang pasasalamat.
“Anong magagawa ko kung wala ka Melissa?” Saad ng binata.
“Enough na yung naandito ka sa tabi ko, Ryan…”
“Utang ko sa iyo ang lahat… Utang ko sa iyo ang buhay ko… Utang ko rin sa iyo ang posisyon ko ngayon…”
“Well, just make me proud. Alam kong mas kakayanin mo ang maging Country Director kaysa kay… kaysa doon sa traydor…”
“Malas lang niya at tanga siya…”
“Malas niya dahil tayo ang nakabangga niya…”
“Honey, promise me… Patahimikin mo lahat ng empleyadong trumaydor sa Programme… I want a one time, big time hit…”
“Consider it done, honey…”
“And one more thing… Gumawa ka ng batas na nagbabawal sa lahat ng mga empleyado, miyembro ng konseho at sa iba pang may posisyon sa kumpanya, ang pagbanggit sa kahit anong tungkol kay Agent Orange… Ayokong mayroong makaalam mula sa baguhan ang tungkol sa babaeng iyon…” Seryosong saad ni Ryan.
Naglakad ito patungo sa isang maliit na lamesa, upang kuhanin ang isang stick ng yosi, saka niya ito sinindihan.
Napangiti naman si Melissa sa nadinig nito mula kay Ryan at ang nais niyang isabatas.
“Walang kahit sino man ang babanggit sa pangalang iyan dito sa loob ng Programme… Walang kahit sinong empleyado ang gugunita sa mga nagawa niya sa ating kumpanya… That b*tch deserved to rot in hell…” Saad ni Melissa.
Tumango na lamang si Ryan, habang tinititigan ang mga baguhan na nakikinig sa kanilang company orientation. Buo ang kanyang loob at isipan na ilibing ang lahat ng tungkol sa isang babaeng naging kanilang kaibigan.
Maya-maya ay may kumatok sa kanilang silid. Pumasok ang isang Programme Agent at binulungan niya si Melissa, bilang hudyat para magbigay na ng kanyang introductory speech si Ryan para sa mga bagong recruit ng kumpanya.
Kaagad namang sinabi ni Melissa sa kanyang boyfriend sabay marahan nitong hinagod ang malapad na likuran nito upang kahit papaano’y matanggal ang agam-agam na nasa kanyang isipan nitong mga nakaraang linggo.
Kaagad ding pinatay ni Ryan ang sindi ng kanyang yosi at inayos ang pagkakalagay ng kanyang necktie saka hinalikan sa pisngi si Melissa.
“Good luck kiss…” Bulong nito.
“I love you honey…” Sagot naman ng babae.
Hindi naman na sumagot si Ryan, sa halip ay kinitian na lamang niya ito.
Kahit medyo nainis si Melissa, ay pinalagpas na lamang niya ito. Marahil dala ng napakalaking problemang nasa isipan ng kanyang boyfriend kung kaya’t hindi siya masyadong niroromansa nito. Tila nawalan na sa mood ang lalaki na maging sweet sa kanya.
Sinusuportahan na lamang niya ito at ginagawa ang lahat upang mapagaan ang mga dinaranas na pagsubok ni Ryan bilang Country Director.
Ginagawa niya ang lahat para mapagtagumpayan nilang dalawa ang kumpanyang kanilang lubos na minamahal.
Nagsusumikap siya upang maidala ulit sa rurok ng tagumpay ang Programme, tulad noong panahon na ito ay pinamumunuan ng mga Villamor.
Alam niyang wala nang kakalaban sa kanila dahil binura na niya sa mapa ng kumpanya sina Ruth Bermudes at Myk Havila.
Ang dalawang tinagurian nilang “the star-crossed lovers”.
“Ladies and Gentlemen, we now present you the Programme’s Country Director… Mr. Ryan Santander.”
Nagpalakpakan ang lahat ng mga tao sa conference hall.
Ang iba pa ay nagtitilian dahil sa angking kagwapuhan ng bagong hirang na Country Director ng Programme.
Maging ang mga baguhan ay tila natuwa nang harapin sila ng mismong taong nagpapatakbo ng kumpanyang kanilang napasukan.
Kahit papaano ay naibsan ang kaba ni Ryan na humarap sa mga tao dahil na rin sa masigabong palakpakang sumalubong sa kanya.
“Thank you! Thank you! Thank you!”
Halos hindi naman tumigil ang mga tao sa kanilang pagpalakpak at napagkatuwaan pa nila itong piktyuran sa kanilang mga cellphone. Napangiti naman si Ryan at natuwa ito dahil sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga tao.
Samantalang bakas sa mukha ni Melissa ang pagka-badtrip, habang siya ay nagmamasid sa kabilang silid. Alam niyang hindi ito magandang senyales para sa kanilang relasyon, lalo pa’t lalong nagiging kilala at popular ang kanyang boyfriend sa mga babaeng naroroon.
Kung kaya niya lang tapusin ang buhay ng mga babaeng nasa conference hall, ay gagawin niya sa lalong madaling panahon.
“Thank you… Thank you guys… Kung alam niyo lang kung gaano ako kasaya ngayon na naandito ako sa inyong harapan para pormal na i-welcome kayong lahat dito sa ating kumpanya… Ang Programme…” Nakangiting saad ni Ryan.
Abot hanggang tenga ang ngiti nito habang nagsasalita sa harapan ng mga empleyado’t baguhin.
Ngayon lang din kasi nagsalita at nagpakilala ang Country Director sa mga baguhan.
Nais din kasi nilang magbigay ng impresiyon na maayos ang lahat sa kumpanya sa kabila ng mga pangyayari noong nakaraang mga buwan.
Ipanapadama din nilang suportado sila ng mga nakakataas at kaya silang ipagtanggol ng mga ito sa mga taong nais silang sirain o saktan, kasama na dito ang mga miyembro ng Resistance.
Ipinapaabot din nito ang mensaheng maibibigay nila ang karangyaan ng buhay o kaya naman ay kasikatan kung sila ay susunod lamang sa mga alituntunin ng Programme.
At nais din nitong ipaalam sa lahat kung gaano kalawak ang saklaw ng kumpanya pagdating ng pagpapasikat at paghuhulma ng mga bagong pulitiko ng bansa. Na tama ang kanilang mga desisyong umanib at makiisa sa Programme.
Panay naman ang palakpakan ng mga baguhan at bakas sa kanilang mga mukha ang matinding kasiyahan nang madinig ng mga ito ang pangakong binitiwan ni Ryan Santander.
Walang ni-isa sa kanila ang nagtanong ng tungkol kay Agent Orange.
Walang ni-isa sa kanila ang nagtanong ng mga bagay na maaaring ikasama nila o ikasira ng kumpanya.
Walang ni-isang nagtanong tungkol sa Resistance.
Walang nahalong pasaway na baguhan.
Ito ay marahil sa bagong sistemang pinagdaanan ng mga ito, mula sa mind control room, bago sila iharap sa company orientation.
Isang mabisang hakbang upang matanggal ang mga pagdududa at hindi kanais-nais na katanungan sa mga bagong recruit. Epektibong hakbang at panukala ni Evangeline Orbes.
Tahimik na nakikinig si Melissa Villamor habang hawak-hawak ang isang basong alak, ay may biglang kumatok sa pintuan ng kanyang silid.
“Come in.” Maikling saad nito, sabay pasok ng isang lalaking Programme Agent.
“Ma’am Melissa… Mayroon po tayong sitwasyon…” Nakayukong saad nito.
Napalingon naman ang magandang babae bago nito ibinaba ang kanyang inumin.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Nandoon po sa Emergency Room.” Muling saad ng Programme Agent.
Napakunot-noo si Melissa, hanggang sa pumayag itong sumama sa nais ipakita sa kanya ng kausap.
Emergency and Operating Room – The Programme
Sinamahan ng tatlong Programme Agents si Melissa patungo sa Emergency Room kung saan nakalagak ang isa sa kanilang empleyado.
Nais sanang panoorin at pakinggan ng dalaga ang speech ng kanyang boyfriend na si Ryan Santander bilang pagsuport dito, ay wala itong nagawa kundi ang sumama sa mga ito.
Mabilis nilang tinahak ang isang madilim na pasilyo patungo sa Emergency Room at kahit papaano’y kinakabahan ang magandang babae sa kung ano ang makikita niya sa silid na ito.
“Ma’am… dito po tayo…” Saad ng isang Programme Agent.
Hindi na nila hinayaan ang babae na pumasok sa mismong Emergency Room.
Doon na lamang pumasok si Melissa sa viewing room upang tignan ang kalagayan ng isang Programme Agent na kagagaling sa isang misyon.
Isang misyong nakatalaga sa kanya upang hanapin at puksain ang mga miyembro ng Resistance.
Tumayo si Melissa sa salamin na natatakpan ng pulang tela. Hanggang sa inalalayan siya ng ibang empleyadong nasa viewing room at dahan-dahang tinanggal ang telang ito.
Tumambad sa harapan ni Melissa Villamor ang kaawa-awang kalagayan ng lalaking Programme Agent na ito.
“Anong nangyari?” Nanginginig na tanong ng dalaga.
“Natambangan siya sa isang eskenita, bago pa makarating sa target niyang miyembro ng Resistance.”
“Nasaan ang mga kasamahan niya sa misyon?”
“Patay po lahat. Siya lang ang iniwang buhay…”
“Siya lang ang buhay?”
“Opo ma’am Melissa… Ayon sa doktor, ay amputated na ang kanyang dalawang kamay at dalawang paa. Tinanggal din ng taong ito ang kanyang dila upang hindi siya makapagsalita. Pero ang kataka-taka doon, ay binuhay pa siya nito.”
“Sino ang taong iyon? Paano nangyari ito?” Litong saad ni Melissa. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib.
“Inaalam pa po namin. Pero wala po kaming makitang CCTV sa lugar. Maayos po itong naisagawa. Malinis po itong trumabaho…”
“Bigyan niyo ako ng report tungkol dito. Lahat ng impormasyong nakalap ninyo at maging ang detalye ng misyon nila. Ipahanda na rin ang basement para sa cremation.”
“Cremation po? Para saan po?”
“Para sa kanya…” Saad ni Melissa sabay balik nito ng pulang tela upang takpan ang salamin sa Viewing Room.
“Po? Pero… Hindi pa po siya patay… Siya lang po ang binuhay…” Tanong ng lalaki sa dalaga.
Lumapit si Melissa dito at saka sinindihan ang isang stick ng yosi. Ngumiti at marahang tinapik ang balikat ng lalaking ito.
“Nais lang magpaabot ng mensahe ang taong gumawa nito sa kanya… Isang mensaheng nais ipabatid sa bagong administrasyon ng Programme…”
“Pero po, buhay siya… At karapatan niyang maparangalan dahil sa kabayanihang nagawa niya, ma’am Melissa…”
“Hindi na natin siya kailangan… Wala na siyang mga paa… Wala na siyang mga kamay… Hindi na rin siya makakapagsalita… Magiging pabigat na lang siya sa Programme… Kaya, kailangan na natin siyang tapusin…” Muling paliwanag ni Melissa.
Gulat na gulat ang lalaki sa kanyang nadinig mula sa girlfriend ng Country Director.
Isang kalupitang pantao ang kanyang nasaksihan at tila nais niyang suwayin ang mga sinasabi ng babaeng ito.
Ngunit alam din niyang kapalit ng kanyang pagsuway ang kanyang buhay. Kung kaya’t napalunok na lamang ito at napayuko.
“Sige po, ma’am Melissa… Masusunod po…”
“Good…” Saad ni Melissa sabay talikod sa lalaking ito.
Pagbukas niya ng pintuan, ay muli niyang kinausap ang lalaki.
“Don’t worry… habang buhay nating maaalala ang sakripisyong ibinigay niya sa Programme…” Pahabol na saad ni Melissa sabay ngiti nito.
Tumango na lamang ang lalaki at kaagad na sinunod ang utos ng magandang babae.
Samantalang nagpupuyos nanaman sa galit si Melissa.
Halos lumabas sa tenga at ilong nito ang usok mula sa paghithit ng kanyang sigarilyo.
Hindi niya akalain na mayroong mangangahas na labanan ang mga Programme Agents na kanyang inutusan upang puksain ang mga rebelde.
Hindi niya akalain na nabubuhay pa rin ang isang alaala na nagpasimuno ng isang rebolusyon laban sa kumpanya. Na marami ang nahikayat sa isang prinsipyong naiwan ng kanyang dating kaibigan.
Isang hindi magandang pangitain para sa pamumuno ni Ryan Santander.
Ayaw na nitong ipaalam sa kanyang boyfriend ang nangyari, dahil alam niyang mawawalan nanaman ito ng kumpiyansa sa kanya. Mawawalan nanamang ng tiwala si Ryan sa kanyang kakayahan.
Minabuti niyang itago ito at gawan ng paraan ng mag-isa. Alam niyang makakaatake din sila at mauubos ang lahat ng mga miyembro ng Resistance. At kailangan niya nang gumawa ng isang hakbang upang magawa nila ito sa lalong madaling panahon.
Ipinangako niya sa kanyang sarili na hindi na mauulit ang mga nangyari sa loob ng Programme.
Ipinapangako nitong magiging maayos ang lahat sa kanilang pamumuno.
Ipinapangako niyang wala nang miyembro ng Resistance ang hahadlang sa kanilang mga plano.
Ipinapangako niyang mananatiling nakalibing ang alaala ni Ruth Bermudes aka Agent Orange habang buhay.
“Ipinapangako ko…”
Two (2) Months Later
Makalipas muli ang dalawang buwan, ay naging maayos naman ang pamamalakad na ginagawa ni Ryan Santander sa Programme. Mas madami na muli ang nagtitiwala sa kanilang kumpanya at lalong ito naging makapangyarihan.
Tuwang-tuwa ang binata sa tinatamasa nitong tagumpay at damang-dama niya ang pagmamahal ng kanyang mga tao. Tila nalulunod ito sa isang basong tubig, at mabilis na pumasok ang tagumpay na ito sa kanyang ulo.
Tanging si Melissa lamang ang tumatanggap ng mabibigat na problema. Ilang beses pa ring umuuwi ng putol-putol ang kanyang mga tauhan, mga Programme Agents, mula sa isang misyon upang puksain ang mga rebelde.
Laging masama ang kanyang pakiramdam at mainit ang ulo dahil sa pinagdaraanan ng kanyang departamento. Apektado na ang kanilang pagsasama ni Ryan nang dahil dito.
Madalas na rin siyang mawalan ng ganang kumain, dahil na rin sa matinding pag-iisip nito kung papaano patahimikin lahat ng mga taong nag-aaklas laban sa Programme.
“Honey… Sorry hindi talaga ako makakapunta diyang ngayon… Busy pa ako dito sa office eh…” Paliwanag ni Melissa habang kausap niya sa telepono si Ryan Santander.
Nag-set kasi ng date ang binata para sa kanilang anibersaryo.
Samantalang abalang-abala si Melissa sa panibagong sitwasyon sa Emergency Room.
“Honey naman… Ngayon lang naman itong date na ito, hindi mo pa ako sisiputin?” Sagot ni Ryan kay Melissa.
“I’m really sorry honey… Please understand that I am working…” Muling paliwanag ni Melissa. Siya na mismo ang kumitil sa buhay ng isang Programme Agent na tinanggalan ng mga paa at kamay, at pati ang dila nito.
Duguan ang isang kamay ng magandang babae, samantalang ang isang kamay nito’y nakahawak sa telepono.
“Please… Kahit humabol ka na lang sa date natin… Aantayin kita…” Pakiusap ni Ryan sa kanyang girlfriend.
“Shit…” Bulalas ng babae dahil sa sumirit na dugo sa kanyang bandang pisngi.
“Bakit mo ako minumura honey? Ganun na ba ako nakakaabala sa iyo? Ganun na ba ako hindi kaimportante sa iyo?” Pagalit na tanong ni Ryan dahil sa pagmumura ng kanyang nobya sa telepono.
“No… No… Hindi ikaw… Sorry… Sabi ko nga kasi sa iyo na busy ako… Sorry honey… Hindi ikaw ang minura ko…” Paliwanag ni Melissa.
“Kung hindi ako minumura mo, sisiputin mo ako ngayon… It’s now or never Melissa… Kung hindi ka sisipot dito, it’s f*ckin’ over.” Saad ni Ryan sabay baba ng kanyang cellphone.
Napapikit naman si Melissa dahil sa pagalit na sagot sa kanya ng kanyang boyfriend.
Wala siyang magagaw kundi gampanan ang pagiging girlfriend nito kay Ryan Santander.
Kahit na duguan siya dahil sa trabahong kanyang inaasikaso.
Pinunasan niya ng kanyang panyo ang dugong sumirit sa kanyang pisngi saka ito naglakad papalabas ng Emergency Room.
“Mga tang*na ninyo! Mga duwag!!! Naturingan pa naman kayong mga Programme Agents, takot kayong pumatay ng tao!!!!” Galit na saad nito sa kanyang mga tauhan.
“Sorry po ma’am Melissa… boss po kasi namin iyan… Hindi po namin kayang kitilin ang buhay niya nang dahil dito…” Paliwanag ng isang lalaki habang ito ay nakayuko. Tila hindi nila kayang patayin ang taong nagturo sa kanila kung papaano makipaglaban.
“Kapag sinabi kong patayin… patayin ninyo… Walang tanong-tanong at walang arte-arte!!! Naiintindihan ba ninyo??!!! Sagot!!!!” Tanong ni Melissa.
“Opo!” Sabay-sabay na sagot ng mga lalaki sa harapan ni Melissa Villamor.
“Good. Sige na, ayusin niyo na ang cremation niya at may date pa akong pupuntahan.” Saad ni Melissa, saka ito tuluyang sumakay sa elevator papaakyat sa kanyang opisina.
Nagpasya muna siyang maligo at magbihis bago puntahan si Ryan Santander para sa kanilang anniversary celebration.
Bonifacio Global City – Taguig
Patakbong naglakad si Melissa patungo sa isang restaurant upang siputin ang kanyang boyfriend sa isang date. Kahit pagod na pagod ang kanyang katawan at utak, ay sinikap pa rin niyang hindi ipahalata ang matinding stress na pinagdaraanan nito ngayon.
Tinanggal muna niya sa kanyang isipan ang unti-unting pagkaubos ng mga Programme Agents nila nang dahil sa isang vigilante. Pikit mata muna siyang magpapakasaya kahit sa isang gabi lamang. Lalo pa’t special date ito kasama ang lalaking kanyang pinakamamahal.
“Hello… Dinner for two with Mr. Santander?” Tanong ni Melissa sa babaeng nakapuwesto sa harapang ng restaurant.
“This way ma’am…” Saad ng babae sabay ngiti at inalalayan papasok si Melissa.
Maya-maya ay isa-isang nagsipaglabasan ang mga tao sa loob at inabutan siya ng isang stem ng pulang rosas.
Takang-taka si Melissa dahil sa mga bulaklak na kanyang natatanggap mula sa mga hindi niya kilalang tao. Mga estranghero sa kanya ngunit nakangiti ang mga ito at binabati siya ng “Congratulations”.
Hanggang sa unti-unting lumalapit ang mga kapamilya niya, inaabutan din siya ng mga pulang rosas.
Niyakap siya ng mga ito, at kahit panay ang tanong ni Melissa kung para saan at bakit nangyayari ito, ay hindi naman siya sinasagot.
Lumapit naman si Evangeline Orbes sabay abot ng pulang rosas kay Melissa. Hinalikan niya ito sa pisngi at nginitian.
Panay ang tingin ng magandang babae sa kanyang paligid, hinahanap ang kanyang nobyo.
Hanggang sa natanaw niya sa bandang harapan si Ryan Santander.
Naiiyak na si Melissa at tila may ideya na siya kung bakit ito nangyayari.
Kinakabahan.
Excited.
Kinikilig.
Unti-unti niyang nilapitan si Ryan, hanggang sa lumuhod ang binata sa harapan ni Melissa.
“Alam kong napakarami na ng ating napagdaanan… More than anyone could think of… Lagi kang naandiyang para sa akin… Lagi kang nakaalalay sa akin, na dapat ako ang gumagawa… Lagi mo akong pinapatawad sa aking mga pagkakamali at pagkukulang… Lagi mo akong minamahal at lagi mo akong handang mahalin kahit na sinusungitan kita dahil sa trabaho… I love you Melissa… I love you so much…” Saad ni Ryan.
Tuluyan nang napaluha si Melissa dahil sa mga sinasabi sa kanya ng kanyang boyfriend.
“Melissa Villamor… Naandito ako sa harapan mo, sa harapan ng lahat ng mga taong naandito… Sa mga kapamilya mo… Sa mga katrabaho natin… Sa harap ng mga miyembro ng konseho… Dahil sa isang kadahilanan… Melissa… Will you marry me?”
Napatakip sa kanyang bibig ang magandang babae dahil hanggang ngayon ay hindi ito makapaniwalang nais siyang pakasalan ni Ryan Santander.
Hindi siya makapaniwalang may maganda pa palang mangyayari sa kanyang buhay, kahit na sobrang hirap ng kanyang ginagawang trabaho.
Hindi siya makapaniwalang binibiyayaan pa rin siya, kahit na naging masama siyang tao.
“Yes… Yes Rye… Yes… I will marry you…” Sagot ni Melissa.
Inalalalayan niya si Ryan upang makatayo at saka sila nagyakap.
Nagpalakpakan at nag-iyakan naman ang iba nang dahil sa marriage proposal na ito.
Tuwang-tuwa maging ang mga matatandang miyembro ng konseho, lalo na ang kasapi mula sa angkan ng Villamor. Panay ang sigaw nito bilang pagbati sa dalawa niyang paborito.
Nagpatugtog naman ng nakakabinging kanta ang restaurant at ang lahat ay masayang nagdiwang at nagkainan.
Isa-isang lumapit ang mga tao upang sila ay batiin.
Kamustahan.
Kamayan.
Yakapan.
At halikan.
Sobrang saya ang nararanasan ni Melissa at Ryan sa araw na iyon. Tila ayaw na nilang matapos ito at habang buhay na lamang silang magiging masaya ng magkasama.
“Congratulations Melissa… I am so happy for you…” Pagbati ni Evangeline Orbes.
“Salamat po tita Vangie… Hindi ko talaga inexpect ito… Kaya sobrang saya ko…”
“You deserve all the happiness, darling… Kaya talaga namang sumang-ayon ang lahat sa engagement na ito…”
“Masaya din po ako dahil nakarating kayo tita Vangie.”
“Of course, siyempre kailangan ko itong masaksihan… Hihihi…”
“Salama tita… Maraming salamat po talaga sa inyo… Isa kayo sa dahilan kung bakit natatamasa namin ang kaligayahang ito. Salamat…”
“Naku, walang problema iha… Nagtulungan lang naman tayo… Hihihi…”
“Tita… Sana po, tinanggap na ninyo ang alok ni Ryan na maging miyembro ng konseho… Kailangan po namin kayo…” Saad ni Melissa.
Napangiti naman si Evangeline at tila pumapalakpak ang mga tenga nito sa kanyang nadinig.
“Guess what iha…”
“What tita?”
“Tinanggap ko na ang posisyong inalok sa akin ni Ryan… Yes, I am now officially a member of the council. Hihihihi…” Masayang ibinalita ng matanda kay Melissa.
“Wow!!! Tita!!! Another good news!!! Sobrang saya ko talaga ngayong gabi!!! Thank you tita for accepting it… Hindi niyo po alam kung gaano ako kasaya at tinanggap ninyo ang posisyon…”
“Well, wala naman na akong ibang ginagawa… Retired na rin naman ako sa aking trabaho sa gobyerno… Magfo-focus at magco-concentrate na lang ako sa Programme… I’m here to help you two…” Saad ni Evangeline Orbes.
“Thanks tita… Kailangang-kailangan ka ng kupmanya… Welcome back.”
“Thank you iha… thank you din sa inyo ni Ryan…”
Nagyakap ang dalawa at bakas sa kanilang mga mukha ang matinding kasiyahan.
Parang nasa cloud-nine si Melissa nang dahil sa mga magagandang pangyayaring ito sa kanyang buhay. Tila isang napakagandang panaginip ang lahat at wala siyang balak sirain ang kasiyahang ito.
Halos tatlong oras silang nagparty sa bar, hanggang sa unti-unti nang nagsipag-uwian ang mga bisita.
Maging sina Ryan at Melissa ay mabilis na ring umalis sa lugar dahil na rin sa matinding pagod na kanilang nadarama mula sa kani-kanilang mga trabaho.
Magka-holding hands ang dalawa habang nasa loob ng Limousine.
Damang-dama pa rin nila ang matinding kaligayahan buhat ng engagement party kani-kanina lamang. Panay ang halikan at tukaan nila sa loob ng sasakyan.
Maya-maya ay biglang tumunog ang cellphone ni Melissa. Hindi niya sana ito sasagutin, ngunit pinilit siya ni Ryan na kausapin ang taong tumatawag mula sa kabilang linya.
Alam niyang importante ang tawag na ito, lalo pa’t galing sa opisina.
Nang makausap ni Melissa ang lalaki sa telepono ay biglang bumagsak ang mukha nito.
Mabilis nabawi ang kaligayahang kanyang naramdaman, dahil sa panibagong sitwasyong nagaganap sa Programme.
“Are you okay, honey?” Tanong ni Ryan.
Nais sanang itago ni Melissa ang pagkabahala nito sa problema, ngunit hindi na rin niya ito nakayanan.
“Kailangan kong bumalik sa Programme…”
“Huh?! Gabing-gabi na ah… May trabaho ka pa rin?”
“I’m busy honey… and…”
“And? And what? Tell me honey…”
“Honey… we have a situation… May malaki tayong problema…”
Ikinuwento lahat ni Melissa ang mga masasamang dinadanas ng mga Programme Agents, at ang mga pangayayring hindi alam ni Ryan.
Nagalit ang binata at pinipigilan lang nito ang kanyang sarili na sigawan ang kanyang magiging asawa.
Dali-dali silang bumalik sa opisna at kaagad na nagpunta sa Emergency and Operating Room.
Pagdating doon ay pumasok sila sa loob nito at nadatnan nila ang isang lalaking Programme Agent. Tulad ng nangyari sa iba, ay putol din ang dila nito at dalawang paa.
Ngunit, ang kakaiba sa kanya, ay itinira ang kaliwang kamay nito, at tanging ang kanang kamay ang pinutol ng vigilante.
TIla inaabot ng lalaking ito ang kamay ni Ryan Santander. Mabilis namang pinaunlakan ng binata ang nais gawin ng Programme Agent na ito. Bakas sa mukha nito ang matinding takot. Tila napakahirap ng dinanas nitong torture mula sa vigilante dahil sa panginginig ng kanyang bibig.
“Huminahon ka… huminahon ka lang…” Saad ni Ryan at awang-awa ito sa sinapit ng kanyang empleyado. Hindi siya makapaniwala na dumadalas ang ganitong sitwasyon sa Programme, na ninais itago lang sa kanya ni Melissa Villamor.
Maya-maya, ay sumensyas ang lalaking ito na gusto niyang magsulat, at ipaalam sa lahat kung sino nga ba ang tumitira at umuubos sa mga sundalo ng Programme.
Dali-daling kumuha ng papel at ballpen sina Ryan at Melissa at iniabot ito sa lalaki.
Kahit nanginginig pa ang lalaki, ay dahan-dahan nitong isinulat ang sa tingin niyang salarin sa mga nagaganap na karumaldumal na pagpatay sa kanilang mga empleyado.
Kahit nalalagyan ng dugo ang papel, ay sinikap ng lalaki na mababasa ng mabuti nina Ryan at Melissa ang kanyang isinusulat.
Nagtitinginan na lamang ang dalawa habang hinihintay kung ano ang mensaheng nais ipaabot ng lalaking Programme Agent.
Hanggang sa iniabot na muli niya ang papel at ballpen sa dalawa, at bigla na lamang nangisay ito dahil na rin sa tindi ng natamong sugat at pagkaubos ng dugo nito.
Kahit alalang-alala na si Ryan sa kalagayan ng kanyang tauhan, ay inuna muna nitong silipin ang kung anong nakasulat sa papel.
Nanlaki ang mga mata nito at napanganga sa kanyang nabasa.
Nang dahil sa reaksiyong ito, ay hinablot ni Melissa ang papel mula sa kamay ni Ryan upang basahin ang isinulat ng lalaki.
Pagkabasa nito ay halos manlambot ang tuhod ng magandang babae.
Kusang tumulo ang kanyang luha.
Nais nitong sumuka dahil sa nalaman nitong masamang balita.
Maraming mga bagay na naglalaro sa kanilang isipan.
Mga katanungang nais nilang mabigyan ng sagot at kaliwanagan.
“Papaano??? Papaano???”
“Hindi nangyayari ito… Hindi ito puwede mangyari… Hindi puwede…”
F. Ortigas Avenue, formerly Emerald Ave. – Ortigas, Pasig
Mabilis na humarurot ang isang mutor sa kahabaan ng kalye, papasok sa isang sikat na condominium unit sa siyudad.
Napapalingon ang mga taong naglalakad sa side walk dahil sa mabilis na pagpapatakbo ng motor na ito.
Walang pakialam ang motorista, at ang mahalaga sa kanya ay ang makarating sa destinasyon ng tama sa oras, upang makipag-meeting sa isang napaka-importanteng tao.
V.I.P. ika nga ng marami.
Pagkaparada nito ng kanyang motor ay hindi na muna niya inalis ang suot-suot na helmet.
Isa na rin itong paraan upang hindi siya makilala at mairekord sa anumang CCTV ng condominium.
Hindi rin naman siya masita ng mga guwardiya, dahil kakilala na nila ang taong ito.
Ilang palapag din ang biniyahe ng elevator, hanggang sa makarating ito sa isang napakalaking kuwarto.
Ginamit ng taong ito ang kanyang automatic key card upang tuluyang mabuksan ang silid. Pinahintulutan siyang hawakan ang susing makakapagbukas dito, dahil sa matinding tiwala sa kanya ng V.I.P. na ito.
Pagkapasok, ay tuluyan na nitong tinanggal ang kanyang helmet, at lumaylay ang kanyang maganda’t mahabang itim na buhok.
Inilapag ang kanyang helmet sa lamesa habang hinahanap ang kanyang ka-meeting.
Hanggang sa natanaw nito ang V.I.P. na nakaupo sa sofa, ngunit nakaharap sa bintana, tanaw-tanaw ang mga nagkikislapang ilaw na nanggagaling sa mga matatayog na gusali sa buong siyudad.
Sa kanang kamay nito ay may hawak itong baso na naglalaman ng alak.
“I’m back…” Saad ng babae sa isang napaka-importanteng tao.
Hindi muna kumibo ang taong ito at marahang ininuman ang kanyang baso.
“Aaahhhhhhh…” Saad nito dahil sa sarap ng hagod ng alak sa kanyang lalamunan.
“Alam mo bang mas sumasarap ang alak kapag ito ay naiimbak ng matagal? Mas matagal, mas masarap…”
“Opo… Alam ko po iyon…”
“Ilang buwan na ba? Mukhang matagal na akong naburo dito…” Saad nito habang panay ang paglagok ng alak sa kanyang baso.
“Huwag po kayong mag-alala… Naihanda na ang lahat para sa inyong pagbabalik…”
“Good… You are doing a great job, by the way…”
“I’m just buying you some time… Kung baga sa diesel, eh pinapainit muna natin, bago tayo umandar at sumugod…”
“Maingat ka… Mabilis kumilos… Malinis trumabaho… At talaga namang nakopya mo ang lahat ng mga itinuro ko sa iyo…”
“I’m working with the best… I’m learning from the best… Hihihi…”
“Sigurado akong matutuwa sina Ryan at Melissa sa regalo natin para sa kanilng engagement party…”
“Malamang po ay nanginginig na ang kanilang kalamnan…”
Maya-maya ay tumayo na ang V.I.P, at inilapag ang baso sa isang lamesang malapit sa kanyang kinauupuan.
Inayos ang kanyang suot na damit.
Itinali ang kanyang kulay kahel na buhok, at hinarap ang kanyang bisitang babae.
“Very good Angel… You are a very outstanding student…”
“You are the best, sensei… I’m learning a lot from you… Agent Orange.”
Five Months and Two Weeks Earlier
“Kamusta na siya?”
“Everything is normal sir. Wala akong nakitang anumang discrepancy from her. Normal ang vital signs at mabilis na nagrerecover ang katawan ng pasiyente.”
“How many days left?”
“Eight to ten days more…”
“Hindi ba puwedeng earlier than five days? Three days? Kaya?”
“Hmmm… I’m sorry sir pero hanggang eight days lang… She’s out of danger, but her body needs to recuperate in less than two weeks. Kung magiging okay pa siya at bubuti pa ang katawan niya on these coming days, hindi na mageextend ng one more week…”
“Ang tagal… Sobrang tagal…”
“We have to wait sir… We have to wait…”
“Okay… Whatever it is… Hanggat kailangan ng katawan niya to fully recover, wala na tayong ibang choice but to wait…”
“Yes sir…”
Napakamot na lamang sa kanyang ulo ang lalaking nakatayo sa isang waiting room. Pinagmamasdan niya mula sa isang bintanang salamin si Ruth na nakaratay sa hospital bed.
Gustuhin man niyang madaliin ang proseso ng pagpapagaling kay Agent Orange ay hindi niya ito magawa. Mayroon sana siyang timeline na gustong sundin mula sa kanyang kaso, ngunit tila malabo na itong mangyari, at tanging magagawa niya ang magdasal sa lahat ng santo.
Mahalaga para sa lalaking ito ang kahihinatnan ni Ruth Bermudes.
Para sa kanya, ay tila isang malaking pasabog at patimbong ang magandang babae upang lutasin ang isang kasong kanyang sinusundan, mula pa noong 1985. Mula pa noong siya ay baguhan sa isang organization, sa isang kumpanya.
Nakataya dito ang kanyang repustasiyon.
Nakataya dito ang kanyang dangal.
Nakataya dito ang kanyang prinsipiyo at lahat ng kanyang ipinaglalaban.
Nananabik siyang makita na muling magbubukas ang mga mata ni Agent Orange upang ito’y kuhanan ng pahayag.
Pero papaano? Tanging isang katanungang naglalaro sa kanyang isipan.
Ang mahalaga ay ligtas na ang babaeng ito sa kapahamakan at kamatayan.
Parang isang dagang kosta si Ruth Bermudes, na patuloy na inoobserbahan at pinag-eeksperimentuhan nilang lahat. Isang dagang kostang patuloy na tumatakbo sa isang gulong na kahoy mula sa kanyang kulungan.
“Keep me updated. Ipaalama mo kaagad sa akin kapag dumilat na ang mga mata ng babaeng yan.”
“Yes sir.”
“Tumawag na ba siya sa iyo? I have been waiting for her call…”
“Wala pa po sir… Baka nasa Programme po siya ngayon…”
“Okay… I think I’ll just call her then. Salamat.”
“Sige po, sir.”
Dahan-dahang naglakad ang lalaking ito papalabas sa Viewing Room. Kinuha ang kanyang cellophone mula sa bulsa ng kanyang puting polo.
Kagalang-galang tignan ang lalaki at halatang may sinasabi sa lipunan.
Halatang makapangyarihan.
Halatang nasa isang mataas na posisyon at katungkulan.
Hinanap niya sa kanyang listahan ng mga tatawagan at pinindot ang call button.
Saglit na huminto sa kanyang paglalakad at humarap sa bandang bintana ng isang ospital. Tinatanaw ang bukang-liwayway habang ang sinag ng araw ay tumatama sa kanyang mukha.
Medyo kulubot na ang kanyang mukha at kutis.
Mga kulubot na tanging saksi sa lahat ng kanyang paghihirap sa kasong matagal na niyang sinusubaybayan at hinahawakan.
Napapapikit ito at tila nasisilaw sa maliwanag na sinag ng araw, pinakikiramdaman ang may kainitang pagdampi nito sa kanyang balat.
Masaya siya kahit papaano, dahil sa palagay niya’y mapagtatagumpayan na niya ang isang pangarap na matagal niya nang inaasam-asam.
Ang isarado ang kaso mula sa isang sikretong kumpanya na tinatawag nilang “The Programme”.
Makalipas ang halos isang minuto, ay sumagot na ang taong kanyang tinatawagan.
“Hello?”
“Hello sir?”
“Nasaan ka?”
“Nasa location sir…”
“Anong balita? Anong nangyayari na diyan ngayon?”
“Tahimik sir… Tahimik ang lahat… Walang makakahula sa bagyong paparating…”
“Good.”
“Sir… Kamusta po siya?”
“She’s doing well. She’s going to be alright.”
“Okay po sir… Mabuti naman po kung ganoon.”
“You did a great job, Angel… You did a great job.”
“Thank you sir…”
“Okay, sige, balitaan mo na lang ulit ako kung anong nangyayari diyan…”
“Okay po sir…”
“Bye.”
“Bye.”
Matapos kausapin ang lalaki, ay kaagad ipinasok ni Angel ang kanyang cellphone sa kanyang bulsa. Lalong gumanda ang kanyang pakiramdam dahil sa magandang balita na nasa maayos nang lugar si Ruth Bermudes.
Natutuwa siya sa tagumpay na kanilang ginawa upang mailayo at mailigtas ang magandang babae mula sa kapahamakang dala ng Promgramme.
Samantalang siya…
… ay patuloy pa rin sa kanyang ginagawang misyon. Ang makakalap ng impormasiyong makakatulong sa kanila upang tuluyang buwagin ang organisasiyong itinatag ng apat na angkan. Upang pabagsakin ang kumpanyang nagsanhi ng matinding kapahamakan, kapighatian at katatakutan sa mga miyembro’t empleyado nito. Upang sirain ang mga planong patuloy na isinasagawa ng mga traydor na kaibigan, na sina Ryan at Melissa, maging ang ahas sa bakuran ng mga Bermudes na si Evangeline Orbes.
Patuloy siyang magmamasid…
Patuloy siyang mag-oobserba…
Patuloy siyang magiging mata laban sa Programme…
At tulad ng datin, ipagpapatuloy niya ang kanyang pagiging double agent.
- Undo – Episode 6: F1 (Help) - November 15, 2024
- Undo – Episode 5: Ctrl + P - November 15, 2024
- Undo – Episode 4: Ctrl + Arrow [Up] - November 7, 2024