Written by ereimondb
Nakasakay si Agent Orange sa isang magarang sasakyan patungo sa isang lugar na tila hindi siya masyadong pamilyar. Panay ang sulyap niya sa magkabilang bahagi ng kalsada, at may tinatanaw, may hinahanap siya na kung sinong tao. Lutang ang isip, tulog ang gunita ng magandang babae.
Maya-maya ay bigla niyang ipinahinto sa kanyang driver ang sasakyan sa harap ng isang napakataas na gusali. Pagtingin pa nga niya sa kaduluduluhan nito ay parang abot na ng gusaling ito ang mga ulap patungo sa kalangitan.
“Dito ka na lang muna… Papasok na ako sa loob.” Pahayag ni Ruth sa kanyang kasama. Halos hindi makilala ang lalaking kanyang katabi at tanging anino lamang ang kanyang naaaninag sa kausap. Tumango lamang ang lalaking ito bilang pagsang-ayon sa nais gawin ng magandang babae.
Binuksan nito ang pintuan ng kotse at lumantad ang kanyang paa na nakasuot ng mamahaling sapatos. Tuluyan na rin niyang inilantad ang kulay pulang mahabang kasuotan, kitang-kita ang napakaseksing kurba ni Ruth at ang maalindog nitong katawan.
Hanggang sa ibinaba na nito ang net na nagmumula sa isang kasuotang nakapatong sa kanyang ulo, at bahagya namang natakpan ang kanyang napakaamong mukha.
Bakas sa mukha ni Ruth ang sobrang kaba bago ito humakbang papaitaas sa hagdan ng matayog na gusali. Pakiramdam niya ay wala nang katapusan ang hagdanang ito at unti-unti na rin siyang nakakaramdam ng pagkahingal.
Pagdating niya sa itaas ay nagmadali itong lumingon pababa sa kanyang sinakyang kotse ngunit ito ay wala na doon. Nag-iba ang reaksiyon ng kanyang mukha at iginala ang kanyang paningin kung saan naroroon ang magarang sasakyan. Maging ang kapaligiran ay nag-iba na rin at tila naging isang disyerto ito na tinatamaan ng matinding sikat ng araw.
Takang-taka si Ruth. Hindi niya mawari kung bababa ba ulit siya ng hagdanan o magpapatuloy siya sa kanyang pupuntahan. Lalo siyang nag-alala dahil iniwan niya ang lalaking kasama sa loob ng kotse.
Gusto niyang mapaiyak dala ng matinding takot at pagkalito. Ngunit pakiramdam niya ay wala na rin siyang ibang magagawa kundi ang magpatuloy sa kanyang pupuntahan.
Nakayuko ito at marahang naglakad patungo sa pintuan ng gusali.
Nang hahawakan na niya ang doorknob ng pinto, ay kusa itong bumukas at tumalima sa kanya ang napakalaki at napakagandang altar.
Muling nagtaka si Ruth.
Ang alam niya ay isang napakatayog na gusali ang kanyang pinuntahan at inakyat, at hindi niya akalaing isa pala itong napakalaking simbahan sa loob.
Nakatingin siya sa isang kahoy na krus na nakasabit sa altar.
Iginala niya ang kanyang mga mata at nasaksihan niya ang mga taong nasa loob ng simbahan.
Ang iba ay nakatayo.
Ang iba naman ay tahimik na nakaupo.
At ang iba’y naglalakad ng paluhod patungo sa harap ng napakalaking altar.
Ngunit…
Kapansin-pansin ang tila kakaibang anyo ng mga taong ito.
Lahat sila ay walang mga mukha.
Dinig na dinig ni Ruth ang kanyang paghinga at pagtibok ng kanyang puso. Gusto niyang tumakbo papalayo sa mga taong ito, ngunit para siyang hinihila ng kanyang mga paa patungo sa harapan ng altar.
Napaupo pa nga ito dahil sa pagpipigil nito sa kanyang paa na dalhin siya sa isang lugar na labis niyang kinakatakutan. Hindi niya inaalis ang kanyang paningin sa mga taong walang mukha, ngunit alam nitong lahat sila’y nakalingon na sa kanya.
Madulas-dulas si Agent Orange. Paggapang niyang tinutungo ang pintuan papalabas ng simbahan ngunit mas nananaig ang lakas ng kanyang mga binti na humihila sa kanya patungo sa altar.
“Huwaaaaagggg!!! Tulungan niyo ako… Tulonggggg!!!” Pasigaw na saad ni Ruth. Nagsimula nang tumulo ang kanyang mga luha dahil sa matinding takot at di mawaring kalungkutan.
Tila lalo namang nagising ang mga tao sa loob ng simbahan at isa-isa na silang nagsipagtayuan at naglakad patungo kay Agent Orange. Bakas sa mga mata ng magandang babae ang matinding takot dahil sa kanyang nasaksihang paglapit ng mga ito, animo’y mga zombie, sa kanya.
“Huwag… Huwag kayong lalapit… Huwag… Parang awa niyo na… Huwag… Huwaaaaaaaaggggg!!!!!!”
Lalo namang nabahala si Ruth nang makadinig ito ng matitinis na boses at sabay-sabay na nagtatawanan ang mga ito habang naglalakad patungo sa kanyang kinaroroonan.
Wala nang nagawa ang magandang babae nang isa-isa na silang humahawak sa kanyang katawan.
Nagulat na lamang si Ruth nang makita ang kanyang sarili na hubad-hubad at punong-puno ng mga nadurugong sugat.
Wala naman siyang nararamdamang sakit, ngunit patuloy pa rin sa pagdurugo ang mga latay na ito sa kanyang maputing katawan.
“Waaaaaaaaaaaaaaahhhhhhhhhhh!”
Panay ang sigaw ni Ruth.
Panay ang nakakabinging hiyaw nito.
Dahan-dahan siyang binuhat ng mga taong walang mukha.
Nakataas siya habang ang kanyang mga paa at kamay ay nakalaylay sa hangin.
“Tulungan niyo ako!!!! Tulungan niyo ako!!! Parang awa niyo na!!!!!!! Tulonggggggg!!!”
Lalong lumakas ang tawanan ng mga ito habang papalapit sila sa altar.
Bahagyang iniangat ni Ruth ang kanyang ulo at nakita nitong may mga taong nakaabang sa kanyang mula sa isang malaking kahoy na krus.
Pamilyar ang mga itsura ng mga ito, ngunit hindi niya mamukhaan.
Dali-dali siyang isinalampak papatalikod sa krus at hinatak naman siya papaitaas ng mga taong nakaabang dito.
Itinali ang kanyng mga braso at bandang baywang.
Pilit siyang kumakawala. Pilit niyang tinatanggal ang mga taling ito, ngunit lalo lamang itong humihigpit at tinatamaan ang kanyang mga sugat.
Unti-unti na niyang nararamdaman ang pagkirot ng kanyang mga latay. Nanginginig ang labi ng magandang babae at halos mabasag ang mga ngipin nito dahil sa tindi ng hapdi at sakit na nararamdaman, sa parang humihinga niyang sugat sa katawan.
Maya-maya ay kinuha ng isang taong walang mukha ang kanyang kaliwang kamay at ipinuwesto ito papalapat sa kahoy. Nanlaki ang mga mata ni Ruth nang makita nitong nakatutok na sa kanyang kamay ang isang bakal na pako.
Nagitla ang magandang babae nang magpakawala ng isang malakas na pagpukpok ang taong walang mukha at agad bumaon sa kanyang kamay ang bakal na pako, papunta sa likuran ng kahoy na krus.
Parang nabingi si Ruth.
Umikot ang kanyang paningin.
Tila huminto sa pagtibok ang kanyang puso.
Hindi na rin niya namalayan ang ginawang pagpako sa kanyang kabilang kamay.
Nangisay ang kanyang buong katawan, habang magkahalong tumutulo ang kanyang pawis at dugo mula sa sugat ng kanyang hubad na katawan.
Nararamdaman niya ang mga kamay ng mga taong walang mukha na tila inaabot-abot pa siya ng mga ito. Hindi na niya kayang magpumiglas at hinayaan niyang dumampi ang mga ito sa kanyang balat.
Maya-maya ay may naaninag siyang isang lalaki na buhat-buhat din ng mga taong walang mukha. May hawak itong kung anong bagay at dali-dali siyang tumayo papaapak sa mga taong ito.
Nang magkaharap na sila ng lalaki, at habang siya ay patuloy na nakapako sa kahoy na krus, ay biglang ipinatong sa kanya ang isang korona na punong-puno ng tinik.
Isinalampak sa kanya bumbunan, at kusa nang tumulo ang kanyang dugo pababa sa kanyang maamong mukha.
Dinig na dinig pa nito ang mga matitinis na boses, na nagtatawanan, habang siya ay nahihirapan at pinaparusahan.
“Bakit? Bakit?” Ang tanging nasambit ni Agent Orange.
Hindi nagtagal, ay tuluyan nang nawalan ng malay ang magandang babae.
“Ruth? Ruth? Gising Ruth… Gising…”
Habang nakapikit ay may nadidinig siyang isang boses.
Gustohin man niyang ibuka ang kanyang mga mata, ay tila pinipigilan siya ng matinding sakit na nararamdaman.
“Ruth…. Gising Ruth…. Gising!!!”
Pilit na iginagalaw ng magandang babae ang isang parte ng kanyang katawan upang mawala ang pamamanhid nito.
Kusa na niyang nilalabanan ang sakit na nararamdaman at pilit na idinilat ang kanyang mga mata.
Mabilis na napa-upo si Ruth sa kama.
Para itong naiahon sa isang kumunoy, at dali-daling naghabol sa kanyang paghinga.
“Ayoko!!!! Ayoko!!!! Tulungan niyo ako!!! Tulungan niyo ako!!!! Tulong!!!!” Saad ng magandang babae na halos mahulog sa kanyang malambot na kama.
“Ruth… Naandito ako… Anong nangyari? Anong nangyayari sa iyo???” Saad ni Myk.
Nawala sa kanyang sarili ang dalaga at tila hindi ito mapatahan ng kanyang nobyo.
Hinawakan ng binata ang mukha ng kanyang girlfriend at hinarap ito papalapit sa kanya.
“Ruth! Ako ito… Si Myk ito… Panaginip lang ang lahat… Panaginip lang…” Paliwanag ng lalaki.
“M-m-myk… Myk… Myk… Ayokong mamatay… Ayokong mawala… Ayokong malayo sa iyo…” Sagot ni Ruth sabay hagulgol sa pag-iyak.
Kaagad naman siyang niyakap ng binata at pinadama sa kanyang hindi nito kailangang matakot.
“Hindi kita iiwan Ruth… Naandito lang ako… Huwag kang mag-alala…”
“Ayokong mawala ka… Ayokong mawalay sa iyo… Ayoko mamatay….”
“Panaginip lang yan Ruth… Huwag kang mag-alala…”
“Tulungan mo ako… Ayoko mawala ka… Parang awa mo na…”
Nanginginig ang buong katawan ni Agent Orange.
Takot na takot ito sa kanyang napanaginipan.
Ilang gabi na ring dinadalaw ng masasamang panaginip ang Country Director ng Programme, mula nang iniharap niya sa konseho ang kanyang pinaplanong pagbabago para sa kumpanya.
At sa araw na ding iyon ang unang pagkakataong magkakaroon ng botohan, kung papayagan ba siyang isagawa ang Clearance para sa mga miyembrong tumiwalag sa Programme, ang Resistance.
Inalalayan ni Myk ang kanyang kasintahan patungo sa banyo upang ito ay makapaghilamos. Awang-awa siya kay Ruth dahil alam niyang napakahirap ng kanyang ginagawang pakikipaglaban upang maisagawa ang kanyang mga plano.
Ang tanging magagawa lamang niya ay ang tumayo sa kanyang likuran at suportahan si Agent Orange.
“Okay na ako… Salamat Myk…”
“Sigurado ka? Anong gusto mo? Gusto mo ba ng maiinom o makakain?”
“Maliligo muna ako… Salamat…”
“Sige… Igagawa na lang kita ng agahan… Para pagkatapos mong maligo eh puwede ka nang makakain…”
Ngumiti naman si Ruth at marahang tumango sa binata bilang pasasalamat sa ginagawang pag-aalaga sa kanya.
Isinarado na niya ang pintuan ng banyo at saka ito umupo sa may toilet bowl.
Muling napaluha ang babae. Hindi niya mawari kung bakit labis siyang natakot sa panaginip na iyon. Pakiramdam niya’y totoo itong nangyari sa kanya dahil sa mga sugat na tila humahapdi sa kanyang katawan.
“Ruth? Okay ka lang diyan sa loob?” Pasigaw na tanong ni Myk.
Tila nadinig ng binata ang mga hikbi ni Agent Orange sa loob ng banyo. Mabilis na pinunasan ni Ruth ang kanyang mga luha at nilunok ang parang nakabarang laway sa kanyang lalamunan.
“Oo… Okay lang ako…”
“Okay sige… Tawagin mo lang ako kung may kailangan ka…”
“Okay… Salamat…”
Pinilit ni Ruth ang kanyang sarili na magpakatatag at bumalik sa kanyang matapang na pagkatao. Ikukubli na lang muna niya ang bumabagabag sa kanyang damdamin upang mapagtagumpayan lamang ang inaasam niyang pagbabago para sa Programme.
Mga bandang alas-diyes ng umaga ay bumaba na patungo sa conference room sina Myk at Ruth. Bakas pa rin sa magandang babae ang pangamba at tinutulungan naman siya ng kanyang nobyo na makapagrelaks nga kaunti.
“Are you okay…”
“Yes.”
“Kaya mo yan… Kay tagal nating hinintay ang araw na ito…”
“Sana magmaterialize… Sana umokay na sila…”
“Nasa likod mo lang kami… Ako, si Ryan, si Melissa… Magtutulungan tayo…”
“Salamat… Salamat sa inyo… Salamat sa iyo… Sayo lang talaga ako humuhugot ng lakas Myk…”
“Huwag kang mag-aalala, I will always be here for you…”
“Thank you.” Pabulong na sagot ni Ruth sabay halik nito sa pisngi ni Myk.
Hinaplos naman ng binata ang bandang braso patungo sa likuran ng kanyang kasintahan at inakbayan pa ito papalabas ng elevator.
Naglakad na sila patungo sa conference room ng konseho. Halos lahat ng empleyado ay sandaling tumigil nang makita nilang paparating na ang kanilang Country Director.
Sinubukan namang batiin ni Ruth isa-isa ang kanyang mga tauhan at ngumiti din naman ang mga ito sa kanya.
Karamihan sa mga ito ay sang-ayon sa gustong gawing pagbabago ni Ruth. Nais na rin nila matigil ang patayan sa pagitan ng kumpanya at ng Resistance.
At siyempre, mayroon ding mga taong tutol sa ganitong uri ng pagbabago. Para sa kanila ay maka-kaliwa pa rin ang iniisip ni Ruth at hindi dapat maaprubahan ng konseho.
Maya-maya ay namataan ni Agent Orange ang isang pamilyar na babae.
Nakasuot ito ng formal attire at tila handang-handa siya sa kanyang pagbisita.
Ngunit hindi naman inaasahan ng magandang babae na darating ang kanilang bisita sa araw ding iyon. Tila lalong kinabahan si Agent Orange nang makita niya ito sa kanyang harapan.
Si Evangeline Orbes. Ang isa sa mga advisers ng Programme at pinakamalapit na tauhan ng kumpanya sa Presidente ng Pilipinas.
Tila wala pa ring pinagbago ang babaeng ito. Mahaba ang kanyang kulay puting buhok, halata din na alaga ang kanyang balat dahil wala pa itong kulubot kahit na 48 years old na ito.
“Ruth! At last we meet again! Hihihi…”
“Hi Vange… Good to see you…”
“Long time no see… Hihihi…”
“Yeah… Long time no see…”
“Sa tingin ko mukhang lalong gumanda ang pamangkin ko? Hindi ba Myk? Hihihi…”
“Yes tita Vange.”
“Naku Myk, tanggalin mo na yung tita… Sobra namang nakakatanda iyon… Hihihi… Vange na lang…”
“Okay… Vange…”
“I think, perfect ang timing mo dahil may meeting ako ngayon para sa isang project…” Makahulugang saad ni Ruth.
“Oh no! Huwag mong isipin ang tungkol diyan… I am here just to visit you…”
“Visit?”
“Yes. Dahil madami akong nadinig about our company… You know, ayaw ng Presidente na may makaalam tungkol dito… Hihihi…” Saad ni Vange sabay kindat sa babae.
“Hindi kailangang pakialaman ng Presidente ang tungkol sa Programme…”
“Well, yan nga ang usapan… Pero… Siyempre, nasa Pilipinas tayo at ayaw din niyang masira’t madawit siya sa anumang gulo o ingay na mangyayari kung lalabas ang tungkol sa kumpanya natin… Precautionary Measures lang naman… Hihihi…”
“Vange, I can manage this… Sabihin mo sa kanya, puwede pa siyang magrelax…”
“Hihihi… Okay, sasabihin ko yan sa kanya… Magugustuhan niya yan malamang…” Saad ni Vange kay Agent Orange kasabay ng isang matamis na ngiti.
“Hmmm… Excuse me lang, kasi medyo naghihintay na ang konseho sa conference hall…” Saad ni Myk.
“Oh! I’m sorry, tara, let’s go inside.” Sagot ni Vange.
“Kasama ka?” Tanong ni Ruth.
“Yes. Of course… Panauhing pandangal? Hihihi…”
“Okay…” Maikling tugon ng magandang babae.
Hindi rin niya akalain na hindi lang basta-basta pagbisita ang kanyang gagawin sa Programme. Malamang ay hadlangan pa nito ang pinaplano niyang pagbabago para sa kumpanya.
Magkasabay nang pumasok ang tatlo sa isang malaking silid. Namataan ng mga ito ang apat na matatandang miyembro ng konseho, mula sa angkan ng Havila, Santander, Villamor at Bermudes. Naroroon din sa loob sina Ryan Santander at Melissa Villamor.
Mabilis namang pumuwesto sa may gitnang bahagi ng bulwagan si Vange bilang panauhin sa pagpupulong na iyon.
Sinusundan na lamang ng tingin ni Ruth ang kanyang tiyahin dahil sa kakaibang kinikilos nito.
Maya-maya ay lumapit na sa may harapan ang isang miyembro ng konseho mula sa angkan ng Bermudes para simulan ang pagdinig para sa inilatag na proyekto ni Agent Orange.
“Sa palagay ko’y maaari na tayong magsimula… Naririto na si Ruth Bermudes, ang Country Director ng Programme, ang mga representante ng bawat angkan… Si Ryan para sa pamilya Santander, si Melissa para sa pamilya Villamor at si Myk para sa pamilya Havila… Ikinagagalak din namin ang pagdating sa bulwagang ito si Binibining Evangeline Orbes, ang isa sa mga adviser ng Programme, mula pa rin sa angkan ng Bermudes… Magandang Umaga sa inyong lahat…” Saad ng matandang lalaki.
Sabay-sabay namang bumati sina Ruth at ang mga kasamahan nito. Ngumiti at tumango naman si Vange kay Ruth nang magtama ang kanilang paningin.
Nagpatuloy naman sa kanyang pagsasalita ang isang miyembro ng konseho.
“Naririto tayo ngayon upang pag-usapan ang tungkol sa isang proyektong iminungkahi ng ating Country Director na si Ruth Bermudes. Para sa akin, ay hindi lang ito isang proyekto, ngunit isang paraan ng pag-amyenda para sa ating regulasyon dito sa Programme. Isa itong pagbabago na tila hindi pa handa ang bawat miyembro na harapin at yakapin dahil na rin sa maka-kaliwang tema nito. Ito ay ang pagbibigay ng amnestiya o pagpapalaya sa mga miyembrong tumiwalag sa Programme. Ang hayaan silang mamuhay ng tahimik. Ang bigyan sila ng pangalawang pagkakataong makamtan ang isang payapang pamumuhay, malayo sa dating karangyaang natamasa nang sila ay bahagi pa ng Programme. Ayon din kay Ruth, ang mga miyembrong bibigyan ng amnestiya, ay dadaan sa isang sistema, na kung tawagin nila’y Clearance. Isang sistema na gawa sa Russia. Isang sistema na pribilehiyo para lamang sa mga opisyales ng Programme dito sa Pilipinas, at maging sa ibang bansa. Isang sistema na tuluyang magpapakalimot o bubura sa isipan ng isang tao. Isang sistemang sinasabi ni Ruth Bermudes, na solusyon para matigil na ang patayan sa pagitan ng Programme at Resistance….” Malakas at malinaw na saad ng matandang lalaki.
Tahimik namang nakikinig ang lahat ng tao sa conference hall. Makikita naman ang tila di kumportableng lagay ng isang miyembro ng konseho mula sa angkan ng Villamor. Hanggang ngayon ay nagngingitngit pa rin ito sa galit kay Agent Orange, dahil sa ginawa nitong pagpaslang kay Editha Bangks.
“Bilang kasapi ng konseho, pormal ko nang binubuksan ang diskusyon para sa pag-aamyenda ng regulasyon ng Programme…” Dagdag nito saka bumalik sa kanyang upuan.
“Tama po ang lahat ng sinabi ng ginoong konseho mula sa angkan ng Bermudes… Ako po ay dumudulog sa inyo, upang mabigyan ng pormal na awtorisasyon para palaganapin ang pagbabagong ito para sa lahat ng miyembro ng Programme… Ang ibig sabihin ng “lahat”, ay mga kasapi ng ating kumpanya ngayon at ang mga tumiwalag dito…” Paliwanag ni Ruth.
Maya-maya ay tumayo ang isang miyembro ng konseho mula sa angkan ng Santander.
“Ako ma’y sumasang-ayon din sa pinaplanong pagbabago ni Ruth… Sa tagal ko nang miyembro ng Programme, ay marami na akong nasaksihang kamatayan at karahasan… at sa palagay ko’y titigil lamang ito kung mapagbibigyan natin ng pagkakataong makalaya ang mga dating kasapi ng kumpanya.” Saad ng matanda.
“Hindi ako sumasang-ayon sa panukalang ito. Bakit? Dahil dadami at dadami lamang ang mga miyembro ng Programme ang magrerebelde dahil alam nilang hindi na tayo naghihigpit sa kanilang pagtiwalag. Marami ang susuway at kakalas sa kasunduan. Marami ang hindi susunod at gagampanan ng mahusay ang kanilang trabaho dahil na rin sa kautusang ito. Marami ang mananamantala, maglalabas-masok sa Programme. Hindi ako sang-ayon.” Saad ng miyembro ng konseho mula sa angkan ng Havila.
Napatingin naman si Myk sa kanyang kamag-anak dahil na rin sa hindi nito pagsuporta sa kahilingan ng kanyang kasintahan. Hindi niya akalaing ito pa mismo ang hindi sasang-ayon sa panukalang pagbabago para sa Programme.
Maya-maya ay tatawa-tawa namang tumayo ang isang miyembro ng konseho mula sa angkan ng Villamor.
“Matagal ko nang sinasabi sa inyo… Nalason na ang isipan ng ating pinakamamahal na Country Director mula nang ito’y nabuhay galing sa kaduda-dudang pagkawala…. Isang kahangalan ang panukalang ito ni Ruth Bermudes. Isang maka-kaliwang hakbang, at hindi naaayon sa kanyang posisyon ngayon. Hindi ba’t bilang isang Country Director, ay gagawin mo ang lahat para maproteksyunan ang kumpanyang ito? Ang lahat ng gagawin mo ay para lamang sa Programme at hindi para sa Resistance o ano many grupo ng mga vigilante!” Pasigaw na saad ng matabang lalaki.
“Para sa Programme din ito… Iniisip ko din ang kapakanan ng mga miyembro ng kumpanyang ito… Iniisip ko rin ang proteksyong makukuha nila at hindi ilalagay sa kanilang mga kamay ang pagkitil ng tao. Mga taong dati na rin nilang nakasama, nakatarabaho, naging kaibigan, naging kasintahan, at ang masahol pa’y naging kapamilya. Ito lang ang paraan upang matigil na ang pagdanak ng dugo.” Paliwanag ni Agent Orange.
“Isang malaking kasinungalingan! Hindi ako naniniwala na para sa kapakanan ng Programme ang ginagawa mong pagbabago! Isa itong hakbang ng rebolusyon!”
“Kung mamarapatin ninyo, alam kong ito ang tanging solusyon para sa digmaang nagaganap sa ating lahat dito.”
“Kahit saang anggulo mo tignan, ito ay gawain ng isang vigilante… At bakit mo ginagawa ito Ruth Bermudes? Sawa ka na bang pumatay ng tao? Sawa ka na bang kumitil ng mga traydor? Sawa ka na bang maging si Agent Orange?!” Pabastos na saad ng isang miyembro ng konseho.
Inawat naman siya ng kanyang katabing matandang lalaki mula sa angkan ng Havila. Alam niyang nababastos na nito ang namamahala sa Programme.
“Gawin sana natin ito ng mahinahon… Hindi natin kailangang magsigawan…” Saad ng isang miyembro mula sa angkan ng Bermudes.
“Kahit kailan ay hindi ko sasang-ayunan ang lahat ng mga pagbabago sa batas na aayon sa mga miyembro ng Resistance. Isa itong walang kuwentang pagpupulong. Kailangan itong ibasura.” Dagdag ng isang miyembro ng konseho mula sa angkan ng Villamor.
“Tama kayo… Sawang-sawa na ako maging si Agent Orange… Sawang-sawa na ako bawian ng buhay ang mga dating kasapi ng Programme… Sawang-sawa na ako maging sunud-sunuran sa isang misyon o kill order. Bilang isang Programme Agent, alam ko ang pinagdaraanang trauma na nararamdaman ng ating miyembro. Ang gumawa ng isang misyon para lamang pumatay o lasunin ang dating kasamahan… Hindi niyo ako maiintindihan kahit kailan dahil kayong mga konseho ay nakaupo lamang ng kumportable sa inyong mga opisina. Ako?! Nakita ko ang lahat! Nasaksihan ko ang bawat pagmamakaawa nila sa akin. Nasiritan ako ng dugo na nanggaling sa mga taong napatay ko. At nakita ko ang sarili kong repleksyon mula sa kanilang mga mata habang unti-unti ko silang binabawian ng buhay… Ngayon… Sabihin ninyo sa akin… Kung kayo ang nasa lugar ko, hindi ba kayo hahanap ng paraan upang matigil ang ganitong uri ng karahasan? Ngayong nasa puwesto ako, ngayong may pagkakataon ako… Panahon na para pasimunuan ko ang isang pagbabagong matagal nang hinihingi ng bawat miyembro… Ito na ang pagkakataon ko para bumawi sa mga taong naging kaakibat ko upang maging mahusay ng mandirigma ng kumpanya… Lahat ng tao ay dapat binibigyan ng pangalawang pagkakataon upang itama ang kanilang mga pagkakamali… At ako, bilang si Agent Orange, kailangan ko rin ng pangalawang pagkakataon para mabuhay bilang si Ruth Bermudes.” Makahulugang paliwanag ng Country Director ng Programme.
Tumahimik naman ang mga tao sa loob ng conference hall. Patuloy pa rin ang isang miyembro ng konseho mula sa angkan ng Villamor ang pagbibigay ng negatibong reaksiyon sa paliwanag ni Ruth.
Nagtitinginan naman ang iba pang kasapi ng konseho at tila naliliwanagan sila sa kanilang nadidinig mula kay Agent Orange.
Maging si Evangeline Orbes ay humanga sa ginawang talumpati ng kanyang pamangkin. Nakita na nito ang malaking pagbabago mula pa noong huling nakita niya ito.
Ilang sandali pa’y biglang tumayo si Melissa.
“Bilang representante ng angkan ng Villamor… Ako po ay sumasang-ayon sa panukala ni Ruth Bermudes. Palagay ko’y tama siya na ito na ang panahon para sa pagbabago.” Saad ng magandang babae.
Nagulat naman ang matandang lalaki mula sa kaparehong angkan dahil kumampi ito sa kagustuhan ng kanilang kalaban.
“Ano ang nangyayari sa iyo Melissa? Huwag mong sabihin sa aking nalalason na rin ang iyong isipan dahil sa pakikipagkaibigan mo sa babaeng iyan?!”
“Ninong… Sumasang-ayon ako dahil naniniwala ako sa adbokasiyang ito… Marami ang makikinabang na miyembro ng Programme at marami din ang mapoproteksiyunan. At isa pa, mananatiling lihim an gating kumpanya dahil na rin mabubura sa kanilang isipan ang lahat ng tungkol sa Programme.” Muling paliwanag ni Melissa.
Nagsalubong naman ang kilay ng matanda’t matabang lalaki sa nadinig niya mula sa kanyang kapamilya.
“Ako din po’y sumasang-ayon sa sinabi ni Ruth at Melissa… Nasaksihan ko ang mga araw na walang maalala si Ruth sa kanyang nakaraan… At alam ko rin na magiging epektibo ito para sa mga miyembro ng Resistance… At magiging trabaho na lamang ng mga Programme Agents ay ang bantayan ang mga ito upang mapanatiling burado ito sa kanilang isipan.” Saad ni Ryan Santander.
Lalo namang napailing ang isang miyembro ng konseho mula sa angkan ng Villamor.
Hindi rin niya akalaing pati si Ryan ay kakampi sa babaeng kanilang kinasusuklaman.
Gusto namang mapaluha ni Ruth sa kanyang nadidinig na pagsuporta mula sa kanyang mga kaibigan. Nadama niya talaga ang sinseridad ng mga ito dahil sa pagtulong nila sa pagesplika kung gaano kabisa at epektibo ng panukalang ito.
“Maging ang ako, representante ng angkan ng Havila ay sumasang-ayon kay Ruth Bermudes.” Saad ni Myk sabay hawak sa kamay ng kanyang nobya.
Lalong nagalit ang isang miyembro ng konseho mula sa angkan ng Villamor at nagmadali itong tumayo’t naglakad papalabas ng bulwagan.
Pumalakpak naman ang ibang miyembro ng konseho dahil na rin sa nakita nilang positibong reaksiyon ng bawat representante ng angkang bumuo sa Programme. Isa itong matibay na ebidensya na magiging maayos ang magagawang pagbabagong ito para sa kumpanya.
Mabilis namang lumapit si Evangeline Orbes kay Ruth at niyakap niya ito.
“Congratulations Ruth… Good job! Hihihi…” Saad ng matandang babae.
Ngumiti naman si Ruth at hinihintay na gawing pormal ang amyendang ito ng konseho.
Bumalik ang matandang miyembro mula sa angkan ng Bermudes sa harapan ng bulwagan upang ipagtibay ang isasanggawang pagbabago sa regulasyon ng Programme.
“At dahil ang boto ko’y pumapanig kay Binibining Ruth Bermudes, mayroon na tayong anim na “OO” at dalawang “Hindi”… Sa araw na ito, ganap na alas-onse ng umaga, pormal ko nang binibigyang diin ang gagawing pagbabago sa konstitusyon n gating kumpanya… ang Programme.” Saad nito sabay pukpok ng kanyang maso.
Muling nagpalakpakan ang lahat ng taong nasa bulwagan.
Labis ang tuwa ni Ruth at napayakap pa ito sa kanyang kasintahan. Mabilis namang umalis sa conference hall ang mga miyembro ng konseho, gayundin sina Ryan at Melissa. Naiwan na lamang sina Ruth, Myk at Evangeline Orbes.
“I’m so happy for you… Napakalaki na ng pinagbago mo Ruth… Ang galing galing mo na din maging leader. Hihihi…”
“Thanks tita… Napakadami ko na ring pinagdaanan para makamtan at mapagtagumpayan ang planong ito… Sa waka nakuha ko na…”
“Well, talagang para sa iyo ang tagumpay na ito…” Saad ni Vange sa kanyang pamangkin.
“Thanks tita…”
“Siguro ako ang lucky charm mo? Hihihi..” Biro ng matanda.
“Si Myk po… Si Myk po ang lucky charm ko…” Saad ni Agent Orange sabay halik sa labi ng binata.
“Ooops! Hihihi…”
Mabilis namang naglakad papalayo si Evangeline Orbes at iniwan na lamang niya ang dalawa na kasalukuyang nagtutukaan sa conference hall.
Hindi naman mapagsidlan ang kalihayahang nadarama ni Ruth.
“Hindi ako makapaniwala… Totoo ba ito? Totoo ba itong nangyayari?”
“Oo naman… Naaprubahan na ang lahat Ruth… Ang tagumpay mo ay tagumpay na rin ng Resistance… Malaya na tayong lahat! Hehehehe…”
“Hindi rin ako makapaniwalang tutuparin nina Ryan at Melissa ang kanilang naipangako sa akin… Parang panaginip ang lahat… Isang magandang panaginip…”
“Hehehe… kaya nga… Ang masasamang panaginip na dumadalaw sa iyo gabi-gabi ay kabaliktaran na mangyayari sa totoo mong buhay…”
“Sobrang saya ko… Sobrang saya ko Myk… Ayokong mawala ito… Sana tumagal ito at walang hingiing kapalit…”
“Huwag ka nang mag-isip ng negatibo, mahal… Basta naandito lang ako, kami ng mga kaibigan mo, dadamay sa iyo…”
“Salamat… Salamat sa iyo at sa pagmamahal mo…”
“Ako ang dapat na magpasalamat sa iyo… Dahil napakarami mong isinakripisyo para lamang tuparin lahat ng ipinangako mo… Mahal na mahal kita dahil mahal na mahal mo ako…” Saad ni Myk saka dahan-dahan nitong hinaplos ang maamong mukha ni Ruth.
Muling naghinang ang kanilang mga labi at ipinadama nila sa isa’t isa ang wagas na pag-iibigang kanilang nadarama.
Tila unti-unti na sila nakakatanaw ng liwanag mula sa kadilimang kanilang kinasadlakan.
Two Weeks Later
Dumating na ang araw kung saan isasagawa na sa piling miyembro ng Resistance ang pagsailalim sa isang sistema, na kung tawagin ay Clearance, upang tuluyan nang mabura sa kanilang memorya at isipan ang kahit anong bagay na magpapaalala sa kanila sa Programme.
Dahil nasa kampo na rin ng Programme sina Carmen at ang apat na kasamahang sundalo ng Resistance, ay sila ang napahintulutang magamit kaagad ang Clearance.
Napayakap pa si Carmen kay Ruth dahil sa sobrang tuwa.
“Salamat… Maraming salamat sa iyo… Maaasahan ka talaga…” Saad ng babae kay Agent Orange.
“Ginawa ko itong lahat para sa inyo… Ito na ang gantimpala natin sa napakatagal na pagsasakripisyo Carmen… Ito na ang araw na iyon.” Sagot naman ng Country Director ng Programme.
Nilapitan naman ni Myk ang kanyang kasamahan sa Resistance at niyakap niya rin ito.
“Thanks Myk… Salamat sa lahat ng tulong mo… Pasensya ka na kung hindi na kita mangingitian sa susunod nating pagkikita… Dahil hindi na kita makikilala pa… Hihihi…”
“Hahaha… Huwag kang mag-aalala, magpapakilala pa rin ako sa iyo pero sa ibang pangalan na.” Saad ng binata sabay kindat kay Carmen.
Hinawakan naman ni Ruth ang kamay ng babae at nginitian niya ito.
“Mag-iingat kayong dalawa… Alagaan ninyo ang isa’t isa… Kahit nalulungkot ako dahil mawawala na ang memorya ko tungkol sa inyo at sa Programme, alam kong magiging masaya din ako dahil sa kalayaang matatamasa ko…”
“Masaya din ako para sa iyo Carmen… Salamat din sa pagpapatawad mo sa akin…”
“Wala iyon Ruth… Bawing-bawi ka na… Ako pa nga may utang sa iyo… Hihihi…”
“Maging masaya ka lang, bayad ka na sa utang mo Carmen… Hehehe…”
Maya-maya ay tinawag na ang mga ito upang magtungo sa isang silid kung saan isasagawa ang proseso ng paglapat ng Clearance sa kanilang mga utak.
Pumuwesto’t nahiga na ang mga ito sa isang kama at inilagay na sa kanilang ulunan ang mga tin electrodes, na siya namang kumokonekta sa isang machine na naglalaman ng sistemang ito.
Natanaw din ni Ruth si Dra Galvez, na siya ring mamamahala sa gagawing operasyong ito.
Nakamasid lamang sina Ruth at Myk mula sa isang glass window upang tiyakin na magiging maayos ang lahat.
Pumasok na rin ang ibang miyembro ng konseho at maging sina Melissa at Ryan upang saksihan ang mangyayari sa dati nilang mga bihag.
Halos isang oras na nakatayo si Ruth at nakakadama pa rin ito ng kaba dahil alam niya ang hirap na pagdadaanan ng mga ito kapag gumana na ang Clearance sa kanilang utak. Tinititigan din niya ang mga wave patterns at sinisiguradong nasa normal na estado pa rin ito.
Maya-maya ay nilapitan siya ni Myk at inabutan niya ito ng isang tasang mainit na kape.
“Mahal… Kape ka muna… Hehehe…”
“Salamat…”
“Relax ka lang… Magiging okay din ang lahat…”
“Alam ko naman mahal… Natetense lang talaga ako… Hihihi…”
“Hehehe… Kaya nila yan… malalagpasan nila yan… Don’t worry too much…” Saad ni Myk.
Sinimulan namang humigop sa kanyang tasa ang babae sabay balik ng kanyang paningin sa kinaroroonan ng mga pasiyente.
Maya-maya ay biglang namula ang monitor ng machine at tila nagbibigay ito ng warning signal.
Nagulat ang lahat ng taong nagmamasid sa operasyon at ibinaba naman ni Ruth ang hawak niyang tasa.
“Anong nangyayari?” Tanong nito sabay katok mula sa glass window.
Nagmamadali naman ang mga duktor sa loob at maging si Dra Galvez ay natataranta sa kakaibang warning na nakukuha ng sistema.
Nanlaki ang mga mata ni Ruth nang makita nitong nangingisay na ang mga katawan nina Carmen at mga kasamahan nitong nasa loob ng operating room.
“Nooooo!!!! What’s happening!!!” Pasigaw na saad ni Agent Orange.
Halos lumabas ang kanyang puso sa sobrang takot nang makita ang kalagayan ng kanyang mga kasamahan sa Resistance. Maging si Myk ay tila napapaluha at halos hindi niya matignan ang nangyayaring ito.
“Anong nangyayari? Anong nangyayari sa kanila? Papasukin ninyo ako?!” Pagmamakaawa ni Ruth.
Bumubula na ang mga labi nina Carmen at ang apat pang sundalo ng Resistance. Parang nalason ang mga ito gamit ang Clearance.
Nasaksihan nila kung papaanong unti-unting binabawian ng buhay ang mga dating kaibigan.
“Nooooooooooooo!!!!” Sigaw ni Ruth sabay tulo ng kanyang luha. Hinahampas pa rin niya ang glass window na naghihiwalay sa kanila at sa yumaong mga kaibigan.
“Anong nangyayari??!!! Anong nangyayari??!!” Tanong ni Agent Orange.
“Simple lang…” Makahulugang saad ni Melissa.
Tahimik ang lahat at tila umalingaw-ngaw pa ang boses ng babae nang sabihin niya ito.
Napalingon naman agad sina Ruth at Myk kay Melissa.
“Iyan ang napapala at nababagay sa mga taong traydor at tumalikod sa Programme… Ganyan ang mga taong hindi na dapat binibigyan pa ng pangalawang pagkakataon…” Dugtong ni Melissa.
“Anong pinagsasabi mo?” Muling tanong ni Ruth.
“I’m just saying… That it’s game over Agent Orange.” Sagot ni Melissa sabay hampas ng isang matigas bagay sa bandang ulunan ni Ruth.
Dahil hindi niya ito inaasahan ay tinamaan sa ulo si Agent Orange at mabilis itong bumagsak sa sahig ng walang malay.
Sa sobrang pagkabigla din ni Myk ay tila pinanood na lamang niyang unti-unting tumutumba ang kanyang kasintahan.
Maya-maya ay nagpaputok ng baril si Ryan Santander at tinamaan ang nobyo ni Agent Orange sa balikat.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, ay tuluyan na silang trinaydor ng kanilang mga kaibigang naghahangad ng paghihiganti at ang maagaw ang pinakamataas na puwesto sa Programme.
- Undo – Episode 6: F1 (Help) - November 15, 2024
- Undo – Episode 5: Ctrl + P - November 15, 2024
- Undo – Episode 4: Ctrl + Arrow [Up] - November 7, 2024