Written by ereimondb
Mabilis na kumilos ang mga miyembro ng Resistance.
Inuna nilang isinakay ang mga bata, babae at matatandang kasapi ng maka-kaliwang alyansa ng Programme at hinakot ang mga kagamitang pupuwede nilang isama sa kabilang kampo.
Inihanda naman ni Myk at ang iba pang mga sundalo ng Resistance ang kanilang mga nakatagong armas at sinisiguradong nakakasa ang mga bala dito upang ipanlaban sa mga agents na paparating sa kanilang lugar.
Kahit mayroong kaba sa kanyang dibdib, ay pinapanatili ng binata ang magpakahinahon para sa kanyang mga kasamahan. Alam niyang puwede silang magtuos ni Agent Orange at kalabanin ito, para maprotektahan ang kanyang pinamumunuan.
Magkakasunod na umalis ang mga sasakyan patungo sa kabilang kampo at isinigurado nina Carmen at Myk na magiging ligtas sila sa kanilang biyahe, kasama ang mga armadong sundalo ng Resistance.
“Ano? Okay na ba ang lahat?” Tanong ng binata.
“Oo. Wala na ang mga bata at kababihan dito. Nakasakay na rin ang mga matatandang miyembro.”
“Good. Heto, ihanda mo na ang sarili mo.” Saad ni Myk sabay abot ng baril kay Carmen.
“Kami na ang bahala dito. Hindi ka nila dapat madatnan dito sa kampo.” Sagot ng babae.
“Hindi ko kayo iiwan.”
“Myk… Hindi puwede. Ikaw na lang ang pag-asa namin. Hindi ka nila pupuwedeng mapatay o madakip.”
“Tanggap ko nang darating ang araw na ito, Carmen. Hindi ko kayo iiwan sa laban.”
“Makinig ka sa akin! Hindi ka puwedeng maabutan dito ng mga Programme Agents, lalo ni Agent Orange!” Pasigaw na paliwanag ni Carmen
“Nangako ako sa inyo na poprotektahan ko kayo.” Saad ni Myk sabay kasa ng kanyang isang baril, saka isinuksok sa kanyang bandang likuran.
Maya-maya ay hinawakan ni Carmen ang kaliwang kamay ng binata. Tila may nais itong ipaunawa sa kanilang lider.
“Hindi mo kami mapoprotektahan kung patay ka na Myk… o kung tinotorture ka ng mga Programme Agents. Kailangan ka ng iba nating mga kasamahan… Kailangan ka nila at umaasa sila sayo.” Maiyak-iyak na saad ni Carmen.
Malalim na buntong hininga ang naisagot ng binata habang iniisip kung ano ba ang tama at kailangan niyang gawin.
“Kami na ang bahala dito… Lalaban kami hanggang sa katapusan.”
“Pero… Carmen…”
“Myk… Please… Hayaan mo na kami… Kaya namin ito.”
Nilingon ng binata ang kanyang mga kasamahan at isa-isa namang tumango ang mga ito bilang pagpapatunay na kaya na nilang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.
“Bakit ba nangyari ito? Bakit?!” Saad ni Myk sabay napaluha ito.
“Kailangan nating tanggapin… na wala na siya… wala na siya…”
“Pero nangako siya…”
“Hindi na tayo aasa sa kanya… Nakapili na siya ng kakampihan… Malinaw na malinaw kung ano ang kanyang desisyon…” Saad ni Carmen.
Nilapitan naman ni Myk ang kanyang mga kasamahan at iniisa-isa niya itong yakapin. Tila nagpapaalam na siya sa mga taong naging malapit sa kanya ng halos ilang taon ng pakikipaglaban.
Mahigpit din niyang niyakap si Carmen at ramdam nito ang panginginig ng katawan ng magandang bababe.
“Sorry…” Bulong ng binata kay Carmen.
“Huwag kang mag-sorry… Ginagawa lang natin ang nararapat para sa kinabukasan ng Resistance… Salamat sa lahat Myk… Maraming salamat sa pagkakataong makasama at makatrabaho ka.” Saad ng magandang babae.
Marahang tinapik ni Myk ang bandang likuran ng kanyang kasamahan saka ito dahan-dahang naglakad patungo sa isang lagusan papalabas ng kampo.
Halos hindi niya maihakbang ang kanyang mga paa.
Tila nangangatog siya at pilit na pinapatahan ang kanyang sarili dahil sa matinding pag-iyak.
Hindi niya kayang lingunin ang kanyang mga kasamahan. Ayaw niyang makita ang mga ito bago pa sila mapatay o mapahirapan ng mga Programme Agents.
“Babalik ako… Babalikan ko kayo…” Bulong ng binata sa hangin habang tuluyang lumalakad papalayo ng kampo.
Hanggang sa nakadinig na ito ng mga putukan.
Nagsimula na ang giyera.
Alam niyang sumapit na ang oras ng kanilang paghuhusga.
Nariyan na ang mga Programme Agents upang bawiin ang buhay na inutang sa kanila.
At nariyan na rin si Agent Orange.
Nais niyang tumakbo pabalik at tumulong, ngunit mas nanaig sa kanya ang sinabi ni Carmen na kailangan siya ng iba nilang kasapi.
Kailangan pa siya ng mga taong naniniwala sa ipinaglalaban ng kanilang kapatiran… ang Resistance.
Mabilis nitong ipinatakbo ang kanyang sasakyan at nagmaneho papalayo ng kampo.
Panay hampas sa kanyang manibela at halos mapahiyaw sa sobrang galit na nararamdaman.
Gusto niyang gumanti.
Gusto niyang bumalik at ubusin ang mga miyembro ng Programme.
Ngunit may bagay na pumipigil sa kaniya.
Naroroon si Agent Orange.
Naroroon ang babaeng pinakamamahal niya.
Ang tanging kahinaan niya at taga-balanse sa kung anumang galit na nararamdaman.
Wala na siyang magagawa kundi ang magpakalayo sa grupong sinalakay ng kumpanya.
Wala na talaga siyang magagawa pa.
Samantala, patuloy pa rin ang palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig; ang Programme at Resistance. May isa nang sundalo mula sa Resistance ang nasawi nang dahil dito.
Patuloy pa rin sa pagtago sina Carmen at ang kanyang iba pang kasamahan habang ikinakasa ang mga bala sa kanilang mga baril.
Ilang minuto ding naghintay sa kanyang kotse si Agent Orange, bago ito nagpasyang bumaba.
Binuksan ng isang Programme Agent ang kanyang pintuan at saka siya tuluyang nakalabas ng sasakyan.
Kinuha niya ang kanyang baril sa bandang likuran at saka itinutok papaharap habang naglalakad papasok sa kampo. Wala na siyang alaala sa lugar na iyon. Ang tanging naisulat lamang niya sa kanyang journal ay ang eksaktong address ng kampo. Pilit niyang isinasa-isip ang bawat pangyayaring naganap dito, ngunit sadyang mailap na ito sa kanyang memorya.
Tumango sa kanya ang ibang Programme Agents bilang hudyat na maaari na siyang pumasok sa loob. Napapalunok ito habang sinusubukang pumagitna sa magkaaway na kampo.
Maya-maya ay tumayo ito ng diretso at itinaas niya ang kanyang baril.
“Bibigyan ko kayo ng pagkakataong sumuko at ipinapangako kong wala nang masasaktan…” Malakas na saad ni Agent Orange.
“Ibababa ko ang aking baril… at walang magpapaputok sa amin… Sumuko lang kayo ng payapa sa Programme…” Dagdag pa ng magandang babae.
Nanlaki naman ang mga mata ni Carmen.
Pamilyar sa kanya ang boses na iyon kung kaya naman ay agad itong sumilip sa isang butas.
Tila natuyuan naman ang kanyang lalamunan nang makita nito ang isang babae.
Isang babae na kanilang tinulungan upang mailigtas mula sa kamay ng mga Programme Agents.
Isang babaeng walang kaalam-alam sa kanyang kapaligiran.
Isang babaeng pinagkatiwalaan nila’t inasahang magbibigay laya sa kanilang grupo upang mamuhay ng tahimik at payapa.
Ngunit ngayon, ibang-iba na siya.
Tila bumaligtad na ang kapalaran at sila na mismo ang tinutugis ng babaeng ito.
Nanginginig si ang mga labi ni Carmen at namumuo na ang kanyang pawis sa magkahalong galit at takot.
Galit dahil sa inaasal ngayon ni Ruth sa kanilang grupo na nagkanlong sa kanya.
Takot dahil muli siyang haharap sa isang taong nagtangka sa kanyang buhay noong kasapi pa siya ng Programme.
Bumabalik muli sa kanyang gunita kung papaano siya tinambangan at pinagtangkaang patayin ni Agent Orange.
“Hayup ka Ruth!!! Wala kang utang na loob!” Sigaw ni Carmen. Pabilis ng pabilis ang paghinga nito at halos gusto na niyang paulanin ng bala ang kanyang dating kaibigan.
“Binibigyan kita ng pagkakataong sumuko sa amin ng matiwasay… Wala nang kailangang mamatay sa labanang ito… Sumama na kayo ng maayos sa amin…” Muling pakiusap ni Agent Orange.
“Para ano? Para patayin din kami sa huli?!”
“Hindi makakabuti sa atin ang magbangayan… Itigil na natin ito…”
“Baliw lang ang maniniwala sa inyo… Papatayin niyo rin kami! Mga traydor kayo!” Pagmamatigas ni Carmen sa inaalok ni Agent Orange.
“Kung sino ka man… Kung ikaw ang tagapagsalita ng inyong grupo… Mas makakabuti kung maayos kayong sasama sa amin. Hindi na kailangang may magbuwis pa ng buhay dahil sa mga pinaniniwalaan ninyo… Pakiusap… Walang lalaban sa amin. Walang magpapaputok ng baril… Sumama’t sumuko lang kayo ng maayos…” Muling saad ni Agent Orange.
Tila hindi naman matanggap ni Carmen na hindi na rin siya naaalala ni Ruth.
Ngayon pa’t tuluyan nang nagbalik ang kanyang alaala.
Maya-maya ay napalingon ang magandang babae sa kanyang kasamahang sundalo.
Alam niyang tinitikis lamang nito ang tama sa kanyang tagiliran, at halos mamutla na ito sa sobrang dami ng dugong nawala sa kanya.
Taimtim na nag-iisip si Carmen sa kanyang magiging desisyon.
Lima pa silang buhay at nagmamatigas sa inaalok ni Agent Orange para sumuko.
Ayaw mang tanggapin sa kanyang sarili, ngunit naiisip ni Carmen na mas makakabuti kung susuko na lamang sila sa Progarmme. Alam din niyang babalikan sila ni Myk at maililigtas doon, kaysa sa makipagputukan pa sila sa kampo.
“Anong mapapangahawakan ko sa salita mo Agent Orange!? Paano mo maipapangako sa amin na hindi kayo magpapaputok at hindi niyo kami papatayin?!” Tanong ni Carmen.
“Dahil sinabi ko…” Maikling sagot ni Ruth.
Kahit pa nagdadalawang isip si Carmen, ay tila may halong pagtitiwala ang nasa kanyang puso. Tila may bahagi sa kanyang isipan na nagsasabing magtiwala lamang sa mga sinasabi ni Agent Orange.
Maya-maya ay nilapitan ni Ruth ang kanyang mga kasamahang Programme Agents at inutusan itong lumabas na ng kampo at bumalik sa kani-kanilang mga sasakyan. Ito ay upang makuha ang kumpiyansa ng mga kasapi ng Resistance na sumuko sa kanila.
Dali-dali namang sumunod ang mga tauhan ni Agent Orange at mabilis na iniwan ang magandang babae sa loob ng kampo.
“Tayo-tayo na lamang ang naandito sa loob… Sana’y mapagkatiwalaan ninyo ako…”
Nagtitinginan naman sina Carmen at ang mga kasamahan niyang sundalo ng Resistance. Tila kahit sa pagtititigan ay nagkakausap at nagkakaintindihan na rin sila.
Dahan-dahang tumayo si Carmen at itinutok ang kanyang baril kay Agent Orange.
Itinaas naman ni Ruth ang kanyang dalawang kamay habang nakatingin ito sa mga mata ni Carmen.
“Hindi ko alam kung bakit ako nagtitiwala sayo ngayon… Pero pagbibigyan kita Agent Orange… Pagbibigyan kita…” Saad nito sa babaeng kaharap.
“Salamat…”
“Naniwala ako sayo noong sinabi mo sa akin na tutulungan mo kaming makalaya sa Programme… At hanggang ngayon ay umaasa ako doon… Na sana… sana… may natitirang awa diyan sa puso mo.”
Hindi naman sumasagot si Agent Orange. Wala ding reaksiyon ang kanyang pagmumukha. Nanatili itong nakatayo ng tuwid, nakataas ang dalawang kamay at nakatitig kay Carmen.
Binigyan naman ng hudyat ang kanyang kasamahan na tumayo na rin. Inalalayan pa ng isang sundalo ang kanyang kasama dahil may tama ito ng bala sa kanyang bandang tagiliran.
“Ibaba ninyo ang inyong mga armas.” Maikling saad ni Agent Orange.
Nagtitinginan naman ang mga sundalo ng Resistance at tila nagdadalawang isip pa sila sa kung ano ang dapat gawin.
Maya-maya ay marahan nilang ibinaba ang kanilang mga baril at sinipa sa direksiyon ni Agent Orange.
“Ito ang tama at pinakamadaling paraan Carmen…” Pabulong na saad ni Ruth.
Nagitla naman ang babae dahil bigla siyang nakilala ni Agent Orange. Tila nagkaroon ng kaunting liwanag sa kanyang magulong isipan sa kung dapat bang pagkatiwalaan ang babaeng nasa kanilang harapan.
Tumango ito bilang pagsang-ayon at itinaas na rin niya ang kanyang dalawang kamay.
Ilang segundo lamang ay biglang nagpasukan ang mga Programme Agents sa loob ng kampo at agad tinutukan ng baril ang mga miyembro ng Resistance.
“Walang magpapaputok! Walang magpapaputok! Kailangan ko sila ng buhay! Kuhanin niyo na sila’t dalhin sa Programme!” Pasigaw na utos ni Agent Orange.
Mabilis na kumilos ang mga Progarmme Agents at pinadapa ang mga ito upang seguraduhing walang ibang armas o tracker na nanggagaling mula sa iba pang kasapi ng Resistance.
Diri-direstsong naglakad papalabas si Agent Orange at hindi na niya nilingon ang mga dating kakampi.
Habang pinoposasan naman si Carmen, ay sinundan niya ng tingin ang dating kaibigan.
Nahihiwagahan siya sa ikinikilos nito at alam niyang may kakaibang plano si Agent Orange.
Bukas ang kanyang puso at isipan sa kung anong puwedeng mangyari sa kanila sa kampo ng Programme, ngunit alam niyang hindi sila pababayaan ni Myk at maging si Ruth.
Tahimik na sumama ang grupo nina Carmen sa mga Programme Agents na dumakip sa kanila. Hindi nila nakasama si Ruth sa loob ng sasakyan, dahil na rin sa seguridad nito mula sa mga itinuturong miyembro ng mga maka-kaliwa.
Kahit kinakabahan na si Carmen ay pilit pa rin niyang pinapatatag ang kanyang loob. Nagdadasal at nanalangin na sana’y may patunguhan ang kanilang pakikipaglaban ng kapayapaan at kasarinlan laban sa Programme.
Pagdating nila sa Headquarters, ay kaagad na iniharap ni Agent Orange ang mga bihag sa konseho upang mapabilis ang pag-absuwelto sa kanya at mailuklok muli bilang pinakamataas na namumuno sa kumpanya.
Humarap ang apat na miyembro ng konseho, kasama si Melissa at ang iba pang empleyado na naging saksi sa isang kasunduang nabuo sa pagitan ni Ruth at ng mga matatandang miyembro.
Nakapilang naglakad patungo sa bandang gitna ang limang miyembro ng Resistance, habang nakatali ang kanilang mga kamay. Nakayuko ang mga ito at tila iniiwasan nila ang mga tingin ng mga taong nasa loob ng silid.
Sumunod naman sa kanila si Ruth.
Hindi niya matignan ng mabuti ang mga dati niyang kasamahan dahil sa mga paghihirap na kanilang dinaranas ngayon. Alam niyang marami pang mangyayari sa lima, dahil lamang sa pagsuko nila sa mga Programme Agents.
DInig naman ang mga mumunting tinig sa loob ng silid habang pinapanood nila ang mga miyembro ng Resistance na humaharap ngayon sa paglilitis ng konseho.
Tumayo ang apat na konseho bilang hudyat ng pagsisimula ng paglilitis. Maya-maya ay lumapit ang isang matandang miyembro mula sa angkan ng Havila.
“Nasa harapan ng hukumang ito ang mga dating miyembro ng Programme, at tinaguriang traydor at maka-kaliwa, bilang pagtupad sa isang kasunduang nilikha, ng konseho at ni Ruth Bermudes. Saksi ang lahat ng mga empleyado’t mga namamahala sa Programme sa sinasabing kasunduang iyon. Isang hamon para kay Ruth upang maibalik ang tiwala at kumpiyansa ng nakakararami, maging ang konsehong ito, sa kanyang pagbabalik hindi lang bilang kasapi ng Programme, kundi ang pagbabalik niya bilang Country Director.” Mahabang bungad ng matanda.
Nakikinig naman habang nakayuko si Carmen. Ngayon ay malinaw na sa kanya ang lahat kung bakit kailangang ituro ni Ruth ang kanilang tinutuluyang kampo. Alam niyang may higit pang dahilan si Agent Orange kung bakit niya ginawa iyon sa kanila, at hindi basta-bastang pagtatraydor lamang.
“Maaari niyo bang banggitin ang inyong mga pangalan sa bulwagang ito?” Muling tanong ng matandang miyembro.
Panandaliang tumahimik ang buong silid, tila naghihintay ang lahat ng tao sa kung ano ang sasabihin ng mga miyembro mula sa Resistance.
“Alvin Figuerres.”
“Samson dela Cruz.”
“Fidel Francisco.”
“James Valez.”
Isa-isa nang nakapagsalita ang mga lalaking kasapi ng grupo, at hinihintay ng lahat ang pagbuka ng bibig ng nag-iisang babaeng miyembro.
“At ikaw? Ikaw na babaeng nangahas salungatin ang kumpanyang bumuo sa iyo… Ano ang pangalan mo?” Tanong ng isang matandang miyembro mula sa angkan ng Havila.
“Kilala niyo ako. Alam na alam ninyo ang pangalan ko.” Matapang na sagot ng babae.
Napalunok naman si Ruth sa ginawang iyon ni Carmen.
Napatawa naman ang isang miyembro ng konseho at tila napahiya siya sa itinuran ng babaeng sinasabihan nilang traydor.
Dinig naman sa buong silid ang mga bulung-bulungan at namumuo ang mga munting kuro-kuro sa kung sino at ano ang pagkatao ng babaeng ito.
“Masyadong matalas ang iyong dila babae…”
“Well… I have learned from the best.” Saad muli nito sabay sulyap kay Ruth.
Mabilis namang umiwas ng tingin si Agent Orange. Ayaw na sana niyang lumala pa ang puwedeng mangyari sa mga dating kasamahan.
“Hinding-hindi ko babanggitin ang pangalan mo. Mahigpit na ipinagbabawal na banggitin ng bawat miyembro ng Programme ang mga pangalan ng… ng sinasabi nating Fallen Agents.”
“Hindi ko na problema iyon tanda!”
“Pangahas! Hindi mo baa lam kung ano ang pupuwedeng mangyari sa iyo habang nakatayu ka diyan!” Pagalit na sigaw ng isang miyembro ng konseho mula sa angkan ng Villamor.
Mabilis namang kumilos ang mga Programme Agents at hinataw sa bandang likuran ng tuhod ang babae. Agad itong natumba papaharap at bakas sa kanyang mukha ang pagtiis niya ng sakit mula sa paghampas ng animoy tubo sa kanyang likuran.
“Hindi lang yan ang aabutin mo sa pagsuway mo sa amin!” Dagdag ng isang matandang miyembro.
“Inuulit ko… Bigkasin mo ang iyong pangalan sa harap ng mga miyembro ng Programme.” Saad ng isang miyembro mula sa angkan ng Havila.
Gusto sanang tulungan ni Ruth ang kaibigan mula sa kanyang pagkakabagsak, ngunit kinuntrol niya ang kanyang sarili.
“C-c-carmen…”
“Apelyido?”
“Sansuwat.”
“Buuhin mo’t linawin ang iyong pangalan!”
“Carmen Sansuwat.”
Muling nagbulung-bulungan ang mga empleyado ng Programme nang madinig nila ang pangalang ito.
“Ang pagkakaalam namin ay nasawi si Carmen Sansuwat sa isang Programme Agent mission na isinagawa ni Agent Orange… tama ba iyon?”
“Tama po. Sa akin po naiatang ang resposibilidad na tuluyang patahimikin si Carmen.” Sagot ni Ruth.
“Ngunit buhay siya? Buhay na buhay siya…”
Bigla namang nadinig ang isang nakakainis na tawa mula kay Carmen Sansuwat.
Napakunot-noo naman ang mga konseho dahil sa inaasal sa kanila ng babae. Tila wala itong ibang kinakatakutan.
“Isa iyang pagpapatunay na hindi nananaig ang kasamaan sa kabutihan…” Makahulugang saad ng babae.
“Ano ang ibig mong sabihin?!”
“Isang Programme Agent lamang si Agent Orange… at hindi siya Diyos… Hindi niya kayang kitilin ang buhay ng lahat ng taong nasa kanyang misyon… Isang malaking pagkakamali…” Dagdag na paliwanag ni Carmen Sansuwat.
Bahagyang napangisi si Ruth nang madinig nito ang matapang na pahayag ng kanyang dating kasamahan sa Resistance.
“Hinding-hindi ninyo mapapatumba ang Resistance… Lahat sila ay magbabalik upang kuhanin ang buhay na ipinagkait ninyo sa kanila.”
“Maaaring tama ang babaeng ito, at maaari namang hindi…” Saad ng isang miyembro ng konseho.
Napatingin naman ang ibang sundalo ng Resistance at tila mas natatakot sila sa mga pahayag ng kanilang lider na si Carmen. Alam nilang mas maiipit sila sa kaguluhan dahil sa mapangahas na mga salita nito.
“At dahil na rin sa sinabing nagbabadyang kapahamak na isinaad sa atin ni Carmen Sansuwat, ay nakapagpasiya na ang konseho na patawan sila ng kamatayan.” Saad ng isang miyembri ng konseho mula sa angkan ng Havila.
Muling nag-ingay ang mga tao mula sa kanilang nadinig na kaparusahan.
Nanlaki naman ang mga mata ng mga sundalo ng Resistance at bakas sa kanilang mga mukha ang takot dahil sa naipataw na kaparusahang iyon.
Hindi naman kumikibo si Carmen, at halatang inaasahan na niya ang ganitong pangyayari. Bagkus, ay nakayuko na lamang ito at kusang tinanggap sa kanyang sarili ang kaparusahang ipinataw sa kanila.
“Sandali lang! Hindi maaaring mapatawan sila ng kamatayan.” Mariing saad ni Agent Orange.
“At bakit hindi? Naging salot sila sa ating kumpanya. At kung hindi natin tutugisin ang mga katulad nilang peste, ay unti-unti tayong mawawala katulad na lamang ng paratang ng pangahas na babaeng iyan!” Saad ng isang miyembro mula sa angkan ng Vilamor.
“Hindi mo na maaaring baguhin an gaming pasya Agent Orange…” Saad ng isa pang matandang miyembro.
“Kung maaari, baka pupuwede muna nating pag-isipan ang ating mga pasya. Sa tingin ko ay may malaking maitutulong ang grupo ni Carmen Sansuwat para masupil natin ang iba pang mga miyembro ng Resistance. Tandaan ninyong nakatakas ang iba pang miyembro ng maka-kaliwang alyansa, at sila ang magiging paraan natin upang matunton ang kanilang bagong kampo.” Mungkahi ni Ruth.
“Ano nanaman ba ito?! Panibago nanamang pagtatakip ang nais ipahiwatig ni Ruth Bermudes!” Muling saad ng miyembro ng konseho mula sa angkan ng Villamor. Galit na galit pa rin ito dahil sa di inaasahang pagbabalik ni Agent Orange sa Programme.
Sandaling tumahimik ang buong kapaligiran, at nag-usap-usap naman ang mga kasapi ng konseho. Tila pinag-iisipan ang iminungkahi sa kanila ng babae.
Sumusulyap naman si Carmen sa kanyang bandang likuran kung saan nakatayo si Ruth. Binabasa pa rin niya ang ikinikilos ng babae at tiyak niyang mayroon pa itong ibang plano na nakatago sa maamong mukha nito.
Maya-maya ay muling bumalik sa harapan ang isang matandang miyembro ng konseho mula sa angkan ng Havila at inayos ang mikropono nito bago ito nagsalita.
“Napag-isipan namin ang puntos na iminungkahi ni Agent Orange. Kami ay lubos na nagagalak dagil sa pagkakasupil ng isa sa mga lider ng grupo ng Resistance. At mahalaga para sa amin na sila ay naririto ngayon sa ating harapan para sa isang paglilitis. Isa itong tagumpay para sa ating kumpanya, at maging para kay Ruth Bermudes. Napagtagumpayan niya ang kasunduan na hindi pa lumalagpas ng apatnapu’t walong oras.” Saad ng matandang kasapi ng konseho.
Nakatingin lamang si Ruth at tinatanggap nito ang mga magagandang salitang nadidinig mula sa mga ito. Nagpapalakpakan naman ang ibang mga empleyado ng Programme dahil sa magandang balita na ito.
Samantala ang iba namang mga miymebro ng konseho ay tila nababahala dahil na rin sa nagbabadyang pagbabalik ng magandang babae sa kanilang kumpanya. Lalo na ang matandang konseho mula sa angkan ng Villamor na panay ang himas sa kanyang mahabang balbas. Nakatingin lamang ito sa mga nasupil na miyembro ng Resistance at tila kating-kati na ang kanyang mga kamay upang paslangin ang mga ito.
“At dahil sa natuwa kami sa mabilis na pag-aksiyon ni Agent Orange, ay ibinabalik namin siya sa kanyang naiwang puwesto bilang Country Director ng Programme…”Dagdag pa ng matandang miyembro ng konseho.
Naghiyawan at nagpalakpakan naman ang mga empleyado ng kumpanya at tila nahihiya pa si Ruth sa mga papuring nadidinig niya. Nakayuko lamang ito habang nakangiti at tinatanggap ang mga palakpak.
“Ngunit hindi ito magiging madali para sa iyo Ruth Bermudes, dahil nananatiling nakatingin at nakamasid sa iyo ang apat na konseho upang tiyakin kung nagagawa mo ba ng mahusay ang iyong trabaho para sa Programme. Napakadami ng iyong aayusin at aabangan namin ang mas lalong matibay at buong kumpanya mula sa iyong pamamahala. Nais ko ring ipagbigay alam sa iyo na sa makalawa ay dadalaw dito si Evangeline Orbes upang siyasatin ang mga nagawang anumalya sa Programme nang ikaw ay nawala.” Muling Paliwanag ng matandang miyembro ng konseho mula sa angkan ng Havila.
Tila ikanabahala naman ni Ruth ang pagdating ng isang taong nagngangalang Evangeline Orbes. Naging hindi maganda ang kanilang huling pagkikita ng babaeng ito buhat nang mamatay ang kanyang ama sa sakit na Cancer.
Si Evangeline Orbes ay dating tagapamahala ng mga transaksiyon at kasunduan ng Programme sa gobyerno ng Pilipinas, at maging sa labas ng bansa.
Mahaba ang kanyang buhok at kulay puti ito, ayon sa huling pagkakaalala ni Ruth dito. At kahit na nanggaling sila sa parehong angkan, ang Bermudes, ay tila hindi malapit ang loob ni Agent Orange sa kanya lalo na ang ginagawang pakikialam nito sa kanilang buhay.
Kahit ayaw na sana niyang pakiharapan si Evangeline, ay wala na siyang magagaw dahil na rin sa isa ito sa trabaho niya bilang isang Country Director ng Programme.
“Masusunod po.” Maikling sagot ni Ruth sa harapan ng konseho.
“At dahil na rin sa iyong iminungkahi, Ruth, tinatanggap namin ang iyong desisyon na bigyan ng pagkakataong mabuhay pa ang mga miyembro ng Resistance na nasa ating harapan. Dahil lamang ito sa pagkakataong makakuha ng impormasiyon upang tugisin ang iba pa nilang kasapi. Maaari silang mabigyan ng amnestiya kung sila ay makakapagbigay ng impormasiyan tungkol sa Resistance at sa bago nilang kampo, sa loob ng apatnapu’t walong oras. Iyon lamang ang aming maibibigay na hangganan upang maisagawa ang lahat ng plano sa pagsupil sa mga maka-kaliwang grupo.”
Tumango naman si Ruth sa mga ipinahayag ng matandang miyembro ng konseho.
Kahit papaano ay nabigyan pa siya ng dalawang araw upang maisagawa ang kanyang mga plano. At habang naghihintay sa pagsapit ng muling pagpataw ng kaparusahan kina Carmen, ay gagawin niya ang lahat upang mapabilis lahat ang kanyang mga binabalak.
“Nauunawaan ko po ginoong konseho. Salamat po sa pagbibigay ng pangalawang pagkakataon.” Sagot ni Ruth.
“At sa aking palagay nama’y nagkaunawaan na tayong lahat para sa panibagong kasunduan, tinatapos ko na ang pagpupulong na ito. Maaari na kayong makabalik sa inyong mga trabaho.” Saad ng matandang miyembro ng konseho mula sa angkan ng Havila.
Kaagad namang inalalayan ang mga sundalo ng Resistance upang ikulong sa kanilang mga selda. Panay pa rin ang sulyap ni Carmen kay Ruth at tila may nais itong ipahiwatig sa dalaga.
Ngunit mas piniling maging matigas ni Agent Orange. Ayaw niyang pumalpak ang kanyang mga plano at lalong ayaw niyang mawala muli sa kanya ang posisyong kababalik lamang sa kanya.
Naglakad na lamang ito sa ibang direksyon upang tuluyan na siyang makaalis sa conference room.
Kaagad naman siyang sinundan ni Melissa upang kausapin.
“Nakuha mo na ang gusto mo. Nakamptan mo na ulit ang kapangyarihang inaasam-asam mo.” Makahulugang saad ng magandang babae.
“Kung icocongratulate mo ako Mel, tatanggapin ko. Salamat.” Sagot ni Ruth.
“Hindi na magiging madali ang lahat para sa iyo Ruth, lalo na sa pinapangarap mong pagbabago sa Programme.”
“Susubukan ko… Pipilitin ko…”
“Imposible… Imposible na…”
“Kung mananatili kayo sa aking tabi, alam kong maisasagawa natin ang pagbabagong iyon… Ang tanong… kakampi ko pa ba kayo? Kaibigan ko pa ba kayo?” Tanong ni Agent Orange kay Melissa.
Tila hindi naman makasagot ang kanyang kaibigan sa biglaang tanong na iyon ni Ruth.
“Napakadami na ang nangyari… Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko sa iyo… Pinatay mo si tiya Editha. ”
“At trinaydor ninyo ako ni Ryan…”
“Well… sa tingin ko’y nasagot mo na ang katanungan mo…”
“Pero mas pinipili kong magpatawad sa inyong ginawa sa akin…” Saad ni Ruth.
Napatingin naman si Melissa sa kanya.
“Kalimutan na natin ang nakaraan… Sabay-sabay nating ayusin ang kinabukasan ng kumpanya… at kailangan ko kayo…” Dagdag pa ni Agent Orange.
“Wala pa akong masasabi sayo… Hindi pa ako makakasagot diyan…” Sagot naman ni Melissa.
“Palalayain ko si Ryan Santander…”
Muling napatingin si Melissa kay Agent Orange. Tila nabuhayan ang kanyang loob ng sabihin ito sa kaniya ni Ruth.
“Totoo ba iyang sinasabi mo? Papalayain mo na si Ryan.”
“Oo… Katulad ng sinabi ko… Kailangan ko kayo. At payag akong kalimutan ang lahat ng nangyari sa atin at ibalik ang ating pagkakaibigan.” Saad ni Ruth.
“Palayain mo muna si Ryan… Kung ano ang desisyon niya, iyon na rin ang desisyon ko.”
“Sige. Halika, samahan mo ako’t puntahan siya.” Saad ni Agent Orange.
Sabay na silang naglakad at sumakay ng elevator. Bakas sa mukha ni Melissa ang matinding kaligayahan dahil muli na niyang makakasama ang kanyang pinakamamahal na si Ryan Santander.
Kinukuha naman ni Ruth ang loob ng kanyang mga kaibigan upang mapadali niyang maisagawa ang kanyang mga plano. Alam niya na may maitutulong si Ryan sa kanyang balak, lalo na’t nasa kanya ang sistemang The Clearance.
Nang makarating sila sa kinasasadlakan ni Ryan Santander, ay agad na pinalaya nila ang dating Country Director ng Programme.
Kitang-kita ang pangangayayat ng lalaki dahil na rin sa sobrang pagpapahirap na ginawa sa kanya ng mga Programme Agents.
Nakatingin na lamang siya kay Ruth at tinapunan ng matamis na ngiti.
“Ryan… masaya ako dahil magkakasama tayong muli…” Saad ni Melissa.
Kaagad naman siyang niyakap ng kanyang nobya at agad namang sinuklian ng mahigpit na yakap ng lalaki ang napakagandang dilag.
“Salamat Ruth… Salamat sa pagpapalaya sa akin.”
“Huwag kang magpasalamat sa akin Ryan… Alam mo namang kasama ito sa Plan B, hindi ba?”
“Pasensya ka na kung napatagal ang eksperimento natin sa Clearance. Alam kong isang linggo lamang dapat iyon, ngunit umabot ng lagpas isang buwan… Sorry…” Saad ni Ryan.
“Inaasahan ko namang magkakaroon ng gulo habang wala ako sa Programme… Pero hindi ko inasahan na manggagaling sa mga kaibigan ko ang problema… Hayaan niyo, payag akong kalimutan ang lahat ng nangyari, ang mahalaga, nakabalik na ako bilang Country Director.”
“Paano mo nagawa? Paano ka nakabalik sa posisyon na iyon?” Tanong ni Ryan, dahil namangha itong nakuha muli ang tiwala ng konseho upang maibalik sa kanya ang pinakamataas na posisyon.
“Diskarte at sakripisyo.” Makahulugang sagot naman ni Agent Orange.
“The best ka talaga Ruth… Hanga ako sa iyo.” Papuri ni Ryan.
“Kakampi mo kami Ruth… Payag na rin akong kalimutan ang lahat ng nangyari sa atin…” Saad naman ni Melissa habang nakahawak sa kamay ng kanyang pinakamamahal.
“Okay… So puwede na…” Saad ni Agent Orange.
“Puwede na.” Saad ni Ryan sabay kindat sa kanyang kaharap na babae.
“Sisimulan na natin ang sunod na plano… ang Plan C.” Muling saad ni Ruth.
Nakangiti pa ito habang sinasabi niya sa kanyang mga kaibigan.
Tila matagal na nila itong pinagplanuhang gawin upang mapagtagumpayan ang binabalak na pagbabago sa Programme. Naniniwala si Ruth na magtatagumpay sila lalo na’t nakuha niya ang suporta ng kanyang mga kaibigan.
Ngunit sa di kalayuan, ay tila may isang taong nagmamasid sa kanila. Pinapanood nito ang tatlo habang tila nagkakamustahan at nagkakasiyahan sa muling paglaya ni Ryan Santander.
Pinili nitong magtago sa dilim.
Ayaw na muna magpakita.
Ayaw na munang ipadama ang kanyang presensya.
Naghihintay ng takdang panahon upang makalabas sa kanyang lungga.
10:41 PM
The Cypress Towers
Bonifacio Global City Taguig
Samantala, pinuntahan naman ni Angel ang taong nakatalaga sa kanya para sa isang debut mission. Bakas sa kanyang mukha ang takot at pagaalinlangan dahil na rin sa unang pagkakataon, ay maisasagawa na niya ang lahat ng natutunan niya bilang isang Programme Agent.
Inayos nito ang kanyang sarili habang siya ay inihatid ng isang kotseng pagmamay-ari ng kumpanya. Madalas ay ibinababa lang sila sa kanilang target at sila na ang bahala sa mga susunod nilang hakbang.
Dito din makikita kung gaano na ba sila kahanda upang makipaglaban sa ngalan ng kanilang prinsipyo at dangal, at sa ngalan ng kompanyang kanilang pinagsisilbihan.
Tinignan niya sa huling pagkakataon ang Information Sheet ng kanyang debut mission upang tiyakin kung nasa tamang address na nga ba sila.
“Dito na lang po.” Mahinang saad ni Angel.
“Ihahatid ko po kayo sa parking lot.”
“Kaya ko na… Maglalakad na lang po ako papaakyat ng condo.”
“Mahigpit ang security dito. Ihahatid na lang kita sa carpark. Hayaan niyo pong gawin ko ang trabaho ko.” Pagmamatigas ng company driver.
Hindi na lamang umimik si Angel at hinayaan niyang maihatid siya sa loob ng two-tower condominium sa Taguig.
Nang maayos nang nakapagpark ang driver ay kaagad na iniabot sa kanya ang isang communication device.
“Ilagay niyo po ito sa tenga ninyo para po kahit anong mangyari ay puwede tayo makapag-usap. Tandaan niyo lang po kung kailangan ninyo ng tulong ay pindutin niyo po ang button diya sa may relo ninyo. Kaagad pong reresponde ang mga Programme Agents na nakakalat sa loob ng lobby.”
“Okay po manong salamat.” Saad naman ni Angel, saka tuluyang bumaba ng sasakyan.
Nakasuot ito ng itim na pantaloon at itim na jacket.
Isinuksok niya ang maliit na communication device sa kanyang tenga at sinubukan niya ito kung talagang makakapag-usap sila.
Inayos niya ang kanyang buhok at pinunasan ang kaunting pawis sa pagitan ng kanyang ilong at bibig.
Kinakabahan na nga talaga si Angel sa kanyang kauna-unahang misyon bilang Programme Agent.
Nang makarating sa elevator ay pinindot niya ang number 8. Nakita niya ang sariling repleksyon sa salamin nang magsarado ang pintuan ng elevator.
Nais niya sanang lingunin ang cctv camera, ngunit mas minabuti niyang hindi ipakita ang kanyang maamong mukha.
Nang nasa 8th floor na si Angel ay agad itong lumabas ng elevator at naglakad sa gawing kanan ng pasilyo. Pasimple nitong sinusulyapan ang mga numerong nasa pintuan upang hanapin ang kanyang target.
Room 809.
Napapikit pa siya nang makita niya ang numero ng kuwarto na kanyang hinahanap.
Napabuntong hininga pa siya at magkahalong takot at excitement ang kanyang nararamdaman. Hindi niya alam ang pangalan ng kanyang target, at para sa kanya’y mas mainam nang ganoon.
Pinindot niya ang doorbell ng kuwarto at tahimik na hinihintay ang kanyang target.
Maya-maya ay nadidinig niya ang yabag ng taong papalapit sa pinto at mabilis siyang pinagbuksan nito.
Laking gulat ng magandang babae nang makita niya kung sino ang kanyang target para sa isang debut mission.
“Angel?! Friend… buti dumating ka…”
“Catherine?! Anong ginagawa mo dito?”
“Dito ako nakatira friend… Ito ang condo unit na ibinigay sa akin ng Programme…”
“Ito ang condo mo? Dito ka nakatira?”
“Oo… Halika pasok ka… Hindi kita inaasahang bibisita friend ha… Pero masaya ako dahil naandito ka… Halika pasok ka…”
“Pero… teka… Teka lang… anong nangyari? Bakit?”
“Huh? Okay ka lang ba Angel? Halika pasok ka…”
TIla umiikot ang kanyang paningin habang naglalakad papasok sa loob ng condominium unit ng kanyang kaibigan.
Si Catherine ay batchmate niya sa Programme. Sabay silang na-orient tungkol sa kumpanya at alam niyang baguhan lang din ito tulad niya.
Kasalukuyang pinapasikat siya ng Programme bilang mang-aawit at alam din niyang maganda na ang career ng dalaga kahit pa ito ay baguhan sa industriya.
Lalong kinabahan si Angel para sa kanyang misyon.
Hindi niya alam kung papaano niya maisasakatuparan ang pinakamahalagang parte ng kanilang training.
Pagpasok ni Angel ay nakita niyang napakaraming alak na nakakalat sa sahig at lamesa. Pakiramdam niya ay sobrang depress at may pinagdaraanan ang kanyang batchmate at kaibigan ngayon, kung kaya’t ito ay nagpapakalunod sa alcohol.
“Pasensya na friend ha, medyo magulo dito…”
“Anong nangyayari sa iyo? Wala ka na bang gigs? Concerts?”
Umiling naman si Catherine.
“Wala na… Hindi ko sinipot lahat ng trabaho ko…”
“Bakit naman?”
“Ayoko na eh… Ayoko na maging sikat… Ayoko nang maging robot… Ayoko na maging puppet… Ayoko na maging sunud-sunuran…”
“Bakit? Hindi kita maintindihan… Hindi ba’t iyan naman ang pinapangarap mo? Ang maging sikat na mang-aawit…”
“Noon oo… Pero ngayon… Wala na… Ayoko na…” Saad ni Catherine sabay hagulgol sa pag-iyak.
Kaagad naman siyang nilapitan ni Angel at sinusubukang patahanin.
“Mga gago sila… Inilayo nila sa akin ang boyfriend ko… at binalaan pa nila ako na itigil na ang pakikipagkita sa kaniya at magfocus sa career ko… Aanuhin ko pa ang career ko kung wala naman ang pinakamamahal kong boyfriend sa tabi ko?”
“Yung lalaking nasa picture na ipinakita mo sa akin noon?”
“Oo… Tinakot pa nila ako kung hindi ko siya lalayuan ay sasamain ang boyfriend ko… Ayun… Never na kaming nagkita ulit… Iniwan na niya ako ng tuluyan…” Paiyak na saad ni Catherine.
“Nasa peak ka ng career mo Cath… Alam mo naman ang kasunduan ng Programme hindi ba?”
“Kaya nga ayoko na… Ayoko na maging miyembro ng Programme… Kahit sirain pa nila ang career ko… Kahit siraan pa nila ako sa ibang tao… Ayoko na… Ayoko na talaga…”
“Alam mo naman ang kapalit nang sinasabi mo hindi ba? Mapapasama ka…”
“Mahal na mahal ko ang boyfriend ko… Gusto ko siyang makasama at iwan ang lahat ng ito…”
“Catherine… Please… make up your mind… ayusin mo ang sarili mo… hindi makakabuti iyan sa iyo…” Pagsusumamo ni Angel.
“Ayoko na Angel… Ayoko na talaga… Kakalas na ako sa kasunduan… Desidido na ako… Mabuti pang umalis na lang ako ng Pilipinas at magpakalayo… Ayoko nang maging bahagi ni Programme… Ayoko na…” Paulit-ulit na saad ni Catherine.
Maya-maya ay may nadinig siyang boses sa communication device.
Lalong bumilis ang kabog ng kanyang dibdib nang bigyan na siya ng hudyat na tapusin na si Catherine.
Biglang nanlamig ang kamay ng magandang dalaga at tila namutla pa ito nang pasigaw nang sinasabi sa kanya na patayin na niya ang kanyang kaibigan.
Agad naman ito napansin ni Catherine.
“Okay ka lang ba friend? You look pale… Gusto mo ba ng makakain? Maiinom?” Tanong ng sikat na mang-aawit.
“W-w-w-water… Water please…” Sagot naman ni Angel.
“Okay…” Saad ni Catherine sabay tayo papunta sa kanyang maliit na kusina.
Namumuo na ang pawis sa bandang noo ni Angel. Kahit malamig sa condo unit ng baguhang mang-aawit ay pinagpapawisan pa rin ito.
Dahil sa papalakas na ng papalakas ang boses ng lalaking nagsasalita sa kaniyang communication device, ay nagpasya na si Angel na tumayo upang lapitan ang kanyang batchmate at matalik na kaibigan sa Programme.
Dinampot nito ang vase na nasa may lamesa at naglakad ito sa direksiyon ng sikat na singer.
Nasusuka na sa sobrang kaba si Angel, at lalong umikot ang kanyang paningin.
Itinaas niya ang kanyang kamay habang hawak ang vase, itinapat sa bandang likuran ni Catherine, na nakatalikod naman sa kanya dahil abala ito sa pagkuha ng malamig na tubig.
“Sorry…” Saad ni Angel.
Isang malakas na tunog ang bumasag sa katahimikan ng buong silid.
Bulagta si Catherine sa sahig at unti-unti nang kumakalat ang dugo nito.
Samantala, halos mag-aala-una na ng umaga, ay hindi parin madapuan ng antok si Ruth.
Nakatayo ito sa may bintana, habang tanaw-tanaw niya ang mga nagkikislapang ilang mula sa matataas na building ng Makati.
Malayo ang kanyang tingin.
Tila pinipilit pa rin niya ang kanyang sarili na maging malakas at matatag upang maisagawa na niya ang minimithing pagbabago sa Programme at Resistance.
Gusto na niyang matigil ng tuluyan ang nangyayaring patayan sa magkabilang kampo, upang mapanatiling sikreto ang organisasyon, lalo na sa mga taong nagsisilbing panganib sa para sa kanila.
Ang mga taong nais tumiwalag sa Programme.
Sarado pa rin ang utak ng konseho sa kanyang iminungkahi noon, na bigyan ng pagkakataong mamuhay ang mga miyembro ng Resistance at huwag nang patayin at ubusin ang mga kasapi nito.
Nabansagan pa siyang traydor at maka-kaliwa nang ito’y kanyang iniharap sa konseho, sanhi para ituloy ang plano nilang magkakaibigan na gawing eksperimento ang Clearance at patunayan na isa itong mabisang sistema upang tuluyan nang makakalimot ang nais tumiwalag sa Programme.
Hindi nga lang nasunod ang nakatakdang tamang oras at araw para maisagawa ang plano, dahil na rin sa di inaasahang pangyayari ginawa nina Editha Banks at Ryan Santander, ay positibo pa rin siyang matutuloy ang kanyang binabalak na pagbabago.
Isang malaking sakripisyo.
Isinakripisyo niya ang kalagayan ng limang sundalo ng Resistance, para lamang mailuklok siyang muli bilang Country Director. Mas mapapadali kasing maisagawa ang kanyang mga naisip na hakbang kung siya pa rin ang nakaupo sa pinakamataas na posisyon sa kumpanya.
Alam din niyang galit na galit sa kanya ngayon sina Carmen dahil sa ginawa nitong pagtatraydor sa kanilang kapatiran.
At ang hindi niya matanggap…
Ay ang muling malayo sa piling ni Myk. Ayaw niyang mapahamak ang kanyang kasintahan at mas minabuti niyang itago ang lahat ng kanyang plano sa sarili, dahil na rin sa kapahamakang maaaring maibigay nito kay Myk.
“Konting tiis pa… konting tiis pa…” Bulong ni Ruth sa kanyang sarili habang sinisikap niyang maging kontrolado ang kanyang emosiyon pagdating kay Myk.
Kailangan niyang ikubli lahat ng nararamdaman nito upang mapagtagumpayan ang tila imposibleng plano.
Hanggang sa nagpasya si Ruth na lumabas ng kanyang silid at naglakad-lakad ito sa pasilyo ng Headquarters.
Dahil sa wala naman siyang ibang matutuluyan, ay sa Headquarters ng Programme siya nagpasiyang matulog. Doon siya sa kanyang lumang kuwarto noong siya ay isang Programme Agent trainee pa lamang.
Maraming masasayang alaala ang bumabalik sa kanya sa tuwing binabagtas niya ang mga kuwarto dito. Naaalala din niya ang mga araw na kasama niya si Myk at kung paano silang patagong nagtatalik sa mga silid na iyon. Napapailing na lamang siya at natatawa kung gaano sila kapusok sa seks noong mga panahon na iyon.
Maya-maya ay may nakita siyang babaeng tila nakayuko sa may lamesa.
Halatang problemado ito at tila may mabigat na suliraning dinadala, kung kaya’t kaagad niya itong nilapitan.
“Are you okay?” Tanong ni Ruth.
Mabilis namang napatingin sa kanya ang magandang babae.
“Agent Orange?” Tanong ng babaeng ito.
“Yes…?” Sagot naman ni Ruth.
Patakbong lumapit sa kanya ang babae at mahigpit siyang niyakap nito. Humagulgol pa ito sa kanyang pag-iyak at tila na-trauma ito sa kanyang mga nagawa.
“Are you okay? May kailangan ka ba?? What’s wrong dear?” Sunod-sunod na tanong ni Ruth.
“I shouldn’t have done that… Hindi ko dapat ginawa iyon… Hindi ko dapat ginawa sa isang kaibigan iyon…” Saad ng babae.
“Ssshhhhh… Huminahon ka… Tara umupo tayo at pag-usapan natin…” Saad ni Agent Orange.
Inalalayan niya ang babae pabalik sa kanyang kinauupuan at tinabihan niya naman ito.
“Okay… tell me… Ano ba ang nangyari?”
“Natapos ko ang debut mission ko kanina…”
“Good. That’s good. Ibig sabihin noon, eh isa ka nang ganap na Programme Agent… Congratulations…”
“Pero hindi ko inasahan na ang target ko ay ang bestfriend ko dito sa Programme…” Saad nito.
Hindi naman kaagad nakapagsalita si Ruth nang madinig niya ang sinabi sa kanya ng babae.
Napabuntong hininga na lamang ito at tila naintindihan niya ang mga sinasabi nito.
“Don’t worry… Everything will be fine… Everything will be okay… Alam kong unang beses mo itong ginawa… at alam ko ring makakamove on ka rin dito… Just let it go…” Payo ni Agent Orange.
“Hindi ko lang matanggap… kung bakit ako pa ang naatasan para patahimikin siya… Bakit ako? Bakit ako pa?”
“Naniniwala akong random ang pagkakapili doon… Alam kong hindi nila sinasadya, ngunit nakaguhit na ito sa iyong kapalaran… Ito ang isa sa struggles natin bilang isang Programme Agent…”
Tila napatahan naman na ang magandang babae dahil sa mga sinabi sa kanya ni Ruth.
“Salamat po… Sorry din kung mahina pa ako ngayon… Pinapangako ko po na mas magpapakatatag ako sa susunod na misyon.”
“Good…” Saad ni Ruth sabay ngiti niya sa babae.
“Idol ko po kayo… Agent Orange…”
Ngiti lamang ang isinagot sa kanya ni Ruth.
“Anong pangalan mo?” Tanong nito sa misteryosang babae.
“Angel po… Angel Velasco.”
“Velasco?”
“Opo… Kapatid ko po si…”
“Alfred… Alfred right?”
“Opo…”
“Halos magkasunod lang kami… Senior ako ng dalawang taon sa kanya…”
“Opo… idol na idol ka po namin ng kuya ko…”
“Isa siya sa pinakamagaling natin na Programme Agents… At alam kong magiging katulad ka rin niya… Keep it up.”
“Agent Orange… Gusto ko pong maging katulad ninyo…” Makahulugang saad ni Angel.
Ngumiti naman si Ruth at tumayo’t naglakad papalabas ng silid.
“Agent Orange… Payag po akong maging assistant ninyo… turuan niyo po ako kung paano maging isang magiting na mandirigma tulad ninyo…” Dagdag pa ni Angel.
Bahagyang lumingon si Ruth sa isang baguhang Programme Agent.
“In time Angel… In time… Pag naisaayos ko na ang lahat…” Saad ni Agent Orange.
“Sabihan niyo lang po ako… Utusan… gawing alipin… Payag po ako kung katumbas noon ay ang matuto…” Saad ni Angel Velasco.
Hindi na siya pinakinggan pa ni Ruth. Naglakad na ito pabalik sa kanyang kuwarto.
Bakas sa mukha ni Angel ang sobrang tuwa dahil na rin sa nakausap niya ang pinakamakapangyarihang miyembro ng Programme.
At hindi siya titigil hangga’t hindi niya naaabot ang mga narating ni Ruth Bermudes. Alam niyang puwede siyang sumunod sa mga yapak nito.
Samantalang si Ruth naman ay tila natakot sa kagustuhan ni Angel na maging katulad niya. Sa isip-isip nito’y, ayaw na niyang magkaroon ng panibagong Agent Orange, na noo’y walang konsensya kung pumatay at walang patawad sa kanyang mga misyon. Mga dahilan kung bakit siya kinakatakutan at kinasusuklaman.
Ayaw na niyang maulit ang isang nilalang na tulad niya.
Habang naglalakad si Agent Orange patungo sa kanyang kuwarto, ay nakamasid pa rin ang isang taong nagtatago si dilim.
Nadinig niya lahat ng mga sinabi nito sa baguhang agent. At tila patuloy pa rin ito sa pag-oobserbs sa kanya.
Sinundan niya ito hanggang sa makapasok na sa kanyang silid si Agent Orange.
Nagpasyang magshower si Ruth upang maibsan ang init na kanyang nararamdaman.
Napakadami niyang ginawa sa buong araw, at ang pinakahuli pa niyang malalaman ay mayroong isang tao na nais maging katulad niya.
Isang napakalaking responsibilidad ang nakaatang sa kanya bilang Country Director at gusto niyang baguhin ang lahat ng hindi magandang nangyayari sa kumpanya.
Alam niyang kaya niya itong gawin sa Programme.
Alam niyang puwede siyang maging inspirasyon sa lahat.
At ang pinakauna niyang nais gawin ay ang patayang nagaganap sa pagitan ng Programme at sa mga taong nais tumiwalag sa kasunduan.
Ayaw na niyang makakita ng katulad ni Angel na labis na nagsisisi dahil sa ginawa niyang pagpaslang sa kanyang kaibigan.
Hindi solusiyon ang makalumang pamamaraan ng pagtiwalag sa Programme. Alam niyang mayroong ibang paraan upang tahimik na makaalis ang mga miyembrong tumitiwalag sa kanilang kumpanya at mamuhay ng normal sa malayong lugar.
Alam niyang may pag-asa pa.
At alam niyang kaya niya itong gawin sa kanyang pagbabalik sa Programme.
Nang matapos na itong maligo ay itinapis niya ang tuwalya sa kanyang basang katawan.
Lumabas na ito ng banyo.
Pahakbang na sana siya papalapit sa kanyang, kama kung saan naroroon ang kanyang malinis na damit, ay bigla siyang hinablot ng isang taong kanina pa nagmamasid at nagtatago sa dilim.
“Hmmmmpppp…” Mahinang saad ni Ruth.
Naramdaman niya ang kutsilyong nakatapat sa kanyang bandang leeg.
Isang matalas na kutsilyong maaaring kumitil sa kanyang buhay.
Nanlaki na lamang ang kanyang mga mata, habang naghahabol sa kanyang mabilis na paghinga.
- Undo – Episode 12: Ctrl + End - December 17, 2024
- Undo – Episode 11: Page Up - December 10, 2024
- Undo – Episode 10: Ctrl + Home - December 3, 2024