Written by ereimondb
Matapos masaksihan ng mga empleyado’t miyembro ng konseho ang paggulong ng pugot na ulo ni Editha Banks ay binalot ng takot at nakakabinging katahimikan ang buong silid.
Halos di naman makakilos si Melissa mula sa kanyang kinatatayuan at hindi rin nito matignan ang kung anong nasa kanyang harapan. Gusto niyang masuka habang naaamoy nito ang lansang nanggagaling sa nahating parte ng katawan ng kanyang tiyahin.
Maging si Myk ay tila napako sa pagkakatitig nito kay Ruth. Marami pa ring katanungan ang gumugulo sa kanyang isipan, at pati siya’y natatakot na rin sa kung anong kayang gawin ng kanyang minamahal.
“Isang pangahas ang tulad mo sa pagpasok at paglikha ng gulo dito sa Programme! Isang matinding kaparusahan ang maaari naming ipataw sa iyo dahil sa iyong mga ginawa!” Saad ng isang matandang miyembro ng konseho kay Agent Orange.
“Ha Ha Ha! Nagpapatawa ka ba tanda?! Kung ganoon, maaari mo bang ipaliwanag sa lahat kung paano ninyo binalak na paslangin ako’t ipahanap at pugutan ng ulo? Nais niyo pang iharap ng babaeng ito ang aking ulo sa inyo?! Ngayon, sino ba sa atin ang may higit na kaparusahan? Kayo o ako?” Pasigaw na saad ni Ruth.
Natahimik naman ang matandang konseho mula sa angkan ng Villamor. Tila wala itong maisagot sa mga katanungan ni Agent Orange.
Nagsimula namang magbulungan ang mga empleyado ng Programme na nasa loob ng silid nang madinig nila ang katotohanang ito. Alam nilang personal na galit at venganza lamang ang dahilan kung bakit nais ipapatay ng angkang Villamor si Ruth para mapasakamay nila ang pinakamataas na posisyon.
“May punto si Ruth sa kanyang sinabi. Ako man ay hindi sang-ayon sa dahas na napagkasunduan ni Editha at ng konsehong ito. Ngunit ano ang aking magagawa? Iisa lamang ang boto ko?” Saad ng isang miyembro mula sa angkan ng Havila. Ang angkang pinanggalingan ni Myk.
“Wala na po tayong maggagawa diyan… Huli na ang lahat… Pero salamat na rin po sa katulad ninyong marunong umunawa at umintindi…” Sagot ni Ruth dito.
Lalo namang nanggalaiti sa galit ang isang miyembro ng konseho mula sa angkan ni Editha Banks nang madinig ang paninipsip ng isa nilang kasamahan. Alam niyang pare-pareho naman ang kanilang boto para tuluyan nang mawala si Agent Orange sa Programme.
“Ruth o Agent Orange… Ngayong naandito ka na’t nagbalik… Ano ba talaga ang pakay mo? Ang ubusin kaming lahat dito at pugutan ng ulo?” Tanong ng isang miyembro mula sa angkan ng Santander. Ang angkang pinagmulan ni Ryan.
“Kahit kailan ay hindi ko pinangarap na dagdagan ang mga nagawa kong kasalanan. Ang pumaslang ng tao, lalo pa’t kasapi ng ating kumpanya. Hindi ako nagpunta dito para saktan ang mga inosenteng tao. Hindi ako nagbalik para isa-isahin kayo. Nagbalik ako para itama ang aking pagkakamali.” Sagot ni Ruth sa isang miyembro ng konseho.
“Anong ibig mong sabihin? Anong itatama mo?”
“Ang dahilan kung bakit niyo ako nilitis noon. Ang dahilan kung bakit ako nagpanggap na patay at sumailalim sa Clearance. Ang dahilan kung bakit niyo ako tinawag na maka-kaliwa.”
“Sinasabi mo sa harapan namin na isusuko mo na ang pagbabagong sinasabi mo noon? Ang kahibangang bigyan ng amnestiya ang mga miyembrong tumiwalag sa Programme at sumapi sa grupo ng mga traydor na Resistance?” Tanong ng isang miyembro mula sa angkan ng Bermudes. Ang angkang pinagmulan ni Agent Orange.
“Tama po kayo… Ititigil ko na ang kahibangang ito.” Sagot naman ni Agent Orange.
Muling nagbulungan ang mga empleyado sa nadinig mula kay Ruth. Tila humanga pa sila sa tapang ng babaeng ito upang tanggapin ang kanyang pagkakamali at ituwid ang mga nagawang kahangalan sa kanilang kumpanya.
Nanlaki naman ang mga mata ni Myk.
Sa tingin niyang nagkatotoo na ang kanyang kinakatakutan. Na kung sakaling magbabalik ang alaala ni Ruth sa pagiging si Agent Orange, ay maaaring mawala na rin ang mga plano nilang makuha ang Clearance at ipagamit ito sa mga miyembro ng Resistance. Nawala na rin ang katiting na pag-asa nilang makamptan ang hinahangad na kapayapaan mula sa dalawang kampo.
Tunay ngang nagbalik na ang halimaw sa Programme. At ang pagbabalik na ito ang pinakamasakit para sa binata.
“Silencio! Silencio!!” Saad ng isang miyembro ng konseho.
“Ako’y lubos na nagagalak at namulat ka na sa katotohanan at reyalidad na hinding-hindi maaaring bigyang pag-asa ng Programme ang mga taga-Resistance. Kami ay nagpapasalamat sa pagbabagong iyong ipinamamalas.” Saad ng isang matandang miyembro mula sa angkan ng Havila.
“Ngunit, hindi tayo nakakasigurado kung may katotohanan ang mga sinasabi ng Agent Orange na iyan. Wala tayong matibay na katibayan kung bakit bigla na lamang nagbago ang isipan niya sa isang panukalang matigas niyang ipinaglalaban ngayon. Hindi ba kayo nababahala? Bakit bigla ang pagbabago ng iyong isipan Agent Orange? Bakit?” Gatong ng galit na galit na miyembro mula sa angkan ng Villamor.
“Simple lang ang kasagutan ko… Nagbago ang isip ko dahil sa kapahamakang maaaring idulot nito para sa ating kumpanya… ang Programme. Nagbago ang isip ko dahil lalong lumala ang sigalot na nangyari mula sa magkabilang kampo. Nagbago ang isip ko dahil lalong nagwatak-watak ang mga miyembro ng Programme, lalo na’t marami ang naghahangad na maging pinuno, kahit na sa anong marahas na paraan, makamptan lamang ito.” Paliwanag ni Ruth sa kanilang lahat.
Tahimik lamang silang nakikinig sa kanya at tila nakukumbinsi ang ibang miyembro sa sinseridad ng pagkakasabi’t pagkakapaliwanag ni Ruth.
“Tulad ng sinabi ng aking ama… Higit pa sa pagbabantay ng aming trono bilang Country Director ng Programme sa halos ilang dekada, ang aming repsonsibilidad sa aming nasasakupan. Responsibilidad kong panatilihin ang kapayapaan sa loob n gating kumpanya. Responsibilidad kong palaguin ang ating lihim na ahensiya. At responsibilidad ko ang kaligtasan at buhay ng bawat isa sa inyo. Ito lamang ang pinang-hahawakan ko para makabalik at muli kayong pagsilbihan.” Dagdag na paliwanag ni Agent Orange.
“Napakadaling sabihin… Napakahirap gawin… Hindi ko kayang bilhin ang puro salitang nanggagaling sa isang katulad mo!” Muling saad ng matandang miymebro ng konseho mula sa angkan ng Villamor. Tila lalo pa itong nainis kay Ruth dahil mukhang nakukumbinsi na niya ang iba pang kasapi ng grupo sa matalinhagang pagpapaliwanag ng magandang babae.
Samantalang si Myk naman ay nais nang itakas si Ruth papalabas ng silid. Nais niyang iligtas ang kanyang pinakamamahal sa tila nakamamatay na kumunoy ng kasinungalingan. Gusto nitong gisingin ang kabutihang nasa puso ng dalaga, upang maibalik nito ang mga ipinaplanong kapayapaan at pagbabago sa organisasiyon. Alam niyang siya lamang ang tanging pag-asa ng Resistance upang hindi sila tuluyang mapatay at maubos ng mga miyembro ng Programme.
“Hindi ako maniniwala sa isang hayup at halimaw na katulad mo.” Saad ni Melissa habang tinatakpan nito ang kanyang ilong at bibig. Nasa harapan pa rin niya ang pugot na ulo ni Editha Banks.
“At hindi ko rin hinihinging maniwala ka sa akin. Lalong hindi ko hinihingi ang opinion mo.” Matapang na sagot ni Ruth.
“Maniniwala lang ako kapag may naidala kang isang miyembro ng Resistance dito sa harap ng konseho. Hindi ba’t doon ka naglagi ng ilang araw? Hindi ba’t sila ang kumupkop sa iyo mula nang makatakas ka sa bahay ni Ryan? Magdala ka ng ilang miyembro mula sa kampo ng mga traydor at maniniwala ako sa mga pinagsasabi mo.” Muling saad ni Melissa.
Tila kinabahan naman si Ruth sa hamon sa kanya ng pamangkin ni Editha. Magagawa niya nga kayang ipahamak ang mga taong nag-alaga at nag-aruga sa kanya sa mga panahong wala siyang kamalay-malay sa mga karahasang nangyayari?
Isang katanungang gumulo sa puso’t isipan ni Agent Orange.
“Tama si Melissa… Kapag may naidala kang miyembro ng Resistance dito sa ating kumpanya ay saka ako maniniwala sa mga pinagsasabi mo… Tutal, kailangan na ring ubusin ang mga peste’t ipis na iyan na tanging kayang gawin ay ang maging salot sa ating lahat.” Gatong ng isang miyembro mula sa angkan ng Villamor.
“Ano Agent Orange? Payag ka ba sa kasunduang iyon?”
“Tama sila Ruth… Ito lamang ang puwede mong patunayan sa aming lahat. Na talagang nagbalik-loob ka na sa Programme…”
Sandaling hindi sumagot si Ruth. Tila maiiba ang kanyang mga nakalatag na plano.
“Bakit hindi ka makasagot? Naduduwag ka ba sa kasunduan o naging miyembro ka na rin at traydor?” Pabirong tanong ni Melissa.
“Napakadali ng inyong ipinagagawa…” Nakangising saad ni Agent Orange.
Lalo namang nanginig si Myk sa kanyang mga nadinig mula sa kasintahan. Hindi niya akalaing papayag ito sa kasunduang inihayag ni Melissa at ng mga miyembro ng konseho.
“Payag ako sa hamong sinasabi ninyo… Sa katanuyan ay inilista ko lahat ng impormasiyong makakapagbigay alam sa akin kapag naibalik ko na ang alaala ko… Responsibilidad ko na ngayon ang tugisin silang lahat at pasukuhin.” Matigas na saad ni Ruth.
“Mabuti kung ganoon… Kapag napasuko mo na ang mga miyembro ng Resistance, ay saka ka pa lang namin pababalikin sa iyong lumang puwesto… Bilang Country Director ng Programme.” Saad ng isang miyembro ng konseho
“At kapag ikaw ay hindi nagtagumpay sa ating kasunduan, ay hahatulan ka namin isang matinding kaparusahan… Kamatayan…” Saad naman ng matandang miyembro mula sa angkan ng Villamor.
Muling nagbulungan ang mga empleyadong nakadinig at nakasaksi sa kasunduan ng konseho at ni Agent Orange. Tila ito na lamang ang nalalabing paraan upang muli nilang pagkatiwalaan ang dating namumuno sa kanila.
Tuwang-tuwa naman si Melissa dahil nakuha niya ang isang kasunduang maaaring maglagay kay Ruth sa kapahamakan.
Si Myk naman ay lalong nabahala dahil sa panibagong hamong haharapin ng kanyang kasintahan. Hindi na rin niya alam kung ano ang dapat niyang paniwalaan. At kung may katotohanan mang tatraydurin sila ni Ruth, ay dapat na niyang ilikas ang kanyang nasasakupan sa Resistance. Ngunit mas minabuti na muna niyang manatili sa silid at subukang kausapin ang magandang babae.
“Pumapayag ako sa kasunduang iyan at irerespeto ang inyong pansamantalang desisyon…” Sagot naman ni Ruth.
“Saksi ang lahat sa kasunduang ito, at isinasapubliko ng mga miyembro ng konseho na hindi maaaring maputol ang anumang kasunduan at desisyong naganap ngayong araw. At habang wala pang naitatalagang Country Director ng Programme, ay kami, mga kasapai ng Programme Council, ang pasamantalang hahalili at magdedesisyon sa pangagailangan ng nakararami. Kami ang pansamantalang mamumuno sa Programme.” Deklara ng isang matandang miyembro mula sa angkan ng Santander.
“Masusunod po.” Mahinahong saad ni Ruth.
“Kung gayon… Maaari na kayong umalis at bumalik sa inyong mga trabaho… Tapos na ang biglaang pagpupulong na ito.” Saad ng isang miymebro ng konseho.
Kaagad namang kumilos ang mga ibang empleyado papalabas ng silid.
Inalalayan naman ng ibang Programme Agents si Melissa habang takot na takot nitong hakbangan ang pugot na ulo ni Editha Banks.
Nanatiling nakatayo papaharap naman si Myk at tila mayroon siyang hinihintay.
Maya-maya ay nagsimula nang maglakad si Ruth patungo sa direksiyon ng labasan, kung saan nakatayo ang isang pamilyar na lalaki.
Ang lalaking kanyang iginuhit habang nagbibiyahe patungo sa Maynila.
Ang lalaking nakakapagpakaba’t nakakapagpahina sa kanya.
Taas noong naglakad si Ruth habang nakatingin sa lalaki ito.
Samantalang si Myk naman ay nakatingin ng diretso at tila tinititigan ang mga mata ng kanyang kasintahan.
Hanggang sa papalapit ng papalapit na ang magandang babae sa binata.
Ngunit…
Agad itong umiwas at inirapan si Myk. Tila hindi niya ito kakilala at naglakad ng mabilis papalabas ng silid.
Walang pansinan.
Walang usapan.
Nanatili pa ring nakatayo si Myk hanggang siya na lamang ang nag-iisang tao sa silid.
Ito na marahil ang kanyang hudyat na huwag na muling pagkatiwalaan si Ruth.
Ipinapahayag niya sa kanyang puso at damdamin na kalimutan na ang babaeng nakasama niya’t minahal sa kampo ng Resistance. Ibabaon na niya sa limot ang inosenteng babaeng nagpainit ng kanyang mga gabi.
Wala na nga ba si Ruth?
Sa tingin niya’y wala na nga talaga ang babaeng tanging pag-asa nilang lahat tungo sa kapayapaan.
Ayaw man niyang isipin na maaaring makalaban si Ruth ng mga taga Resistance.
Ayaw man niyang pangalanang traydor ito at babalik sa kanyang masalimuot na buhay.
Ngunit wala siyang magagawa kundi tanggapin ang katotohanang babalik at babalik din ang loob ni Ruth sa tunay niyang pinagsisilbihan… Ang Programme.
Lalo pa’t nagkaunawaan na ang magkabilang panig dahil sa kasunduang ito sa pagitan ni Agent Orange at ng konseho. Tila parehas silang nag-uutakan kung papaano ba sisikilin si Ruth at tuluyang mapatalsik sa kanilang kumpanya.
Mahigit isang buwan.
Mahigit isang buwan akong nakamasid at nakabantay sa kanya.
Ipinagdarasal na sana ay may kapuntahan ang mga planong ipinaglaban niya.
Isang planong katumbas ng kanyang kalayaan at buhay.
Noong mga araw na iyon ay desidido na siyang ipagpatuloy ang kanyang nasimulan upang matigil na ang hidwaan sa pagitan ng Programme at Resistance.
Isang bagay na parehas naming pinaniniwalaan. Isang bagay na sa tingin ko’y solusiyon upang makalabas na siya sa isang masalimuot na buhay at makabawi sa kanyang nakaraan. Isang bagay na magpapatigil na sa kanyang kumitil ng buhay.
Isang bagay na lalong nagpahanga sa akin, bilang kanyang taga-sunod at bilang taong tunay na nagpapahalaga at nagmamahal sa kanya.
Naitanong ko na rin sa aking sarili, kung talagang may kabuluhan nga ba ang pagprotekta at pagmamasid ko sa kanya, sa araw-araw na ginawa ng Diyos?
Na habang kumportable siyang natutulog, bilang may bahay ni Ryan, ay siya naman akong nilalamig sa labas na nakatanghod, naghihintay kung kailan siya muling sisilip mula sa bintana upang siya ay aking masilayan.
Na habang patuloy si Ryan na nagpapanggap na kanyang asawa’t kabiyak, ay siya namang pagdurugo ng aking damdamin, iniisip kung ano pa ang pupuwedeng angkinin sa kanya ng isang kaibigang pinagkatiwalaan ko.
Na habang may responsibilidad ako sa aking pinamumunuan sa Resistance, ay naririto ako upang gabayan siya’t iligtas sa kung anumang kapahamakang maaaring mangyari sa kanya.
Hanggang sa…
Hanggang sa dumating ang araw na makapiling ko siya. Na sa tingin ko’y lalo akong napalapit at napamahal sa isang inosenteng babae.
Walang kaalam-alam sa naging buhay niya noon.
Walang kamalay-malay sa kung ano ang naghihintay sa kanyang kapahamakan, habang ang mga taong may masamang balak sa kanya ay pinagpaplanuhan kung papaano at kailan siya itutumba.
Walang lakas na ipagtanggol ang kanyang sarili.
Walang husay sa pakikipaglaban.
Walang masamang hangarin.
Walang nasasaktan.
Walang napapatay.
Isang uri ng babae na pinapangarap ko. Isang babaeng ipinagdarasal ko na sana isang araw ay maihaharap ko sa altar at bubuo ng pamilya. Tahimik at malayo sa mga taong nais gumulo sa aming buhay.
Naalala ko pa kung papaano niya ibinibigay ang kanyang sarili sa akin.
Kahit ilang araw akong nagtiis na hindi siya hagkan at yakapin, ay tila nangulila ako’t lalong naulol sa kanyang init at sarap.
At sa tuwing kami’y natatapos na magtalik, ay hahalikan niya ako’t sasabihing mahal na mahal niya ako.
At ayaw na niya akong mawala.
Ganitong klaseng Ruth ang nasa mga panalangin ko.
Ganitong klaseng Ruth ang gusto kong mapangasawa.
Ganitong klaseng Ruth ang pinapangarap ko.
Ngunit ngayon…
Wala na siya.
Wala na ang Ruth na iyon.
Nag expire na.
At bumalik sa isang Ruth na mapanganib.
Bumalik sa pagiging si Agent Orange.
Mapusok.
Walang kinakatakutan.
Walang pakiramdam.
Walang pakialam sa mundo.
Halimaw kung tawagin ng madami.
Ngunit isa siyang matindi at sikretong armas ng Programme. Isa siyang itinatagong sandata.
Lisensiyadong pumatay.
Groomed to become Programme’s number one agent.
Tinawag na alas ng mga nakakataas at namumuno.
Ano nga bang nangyari sa iyo?
Maging ako’y nagtatanong at nangangamba sa kung ano ang nasa isipan mo.
Kaya hanggang ngayon ay sinisisi ko ang aking sarili, dahil nahuli ako sa pagligtas sa iyo.
Dahil para sa akin ay hindi sagot ang dumaan ka Reversal Method ng Clearance.
Maaaring may maburang parte ng iyong memorya.
Maaaring bumalik ka sa kung ano ka mula simula.
Maaaring dumoble pa ang iyong abilidad at kasamaan.
Huli na…
Huli na ang lahat.
Dahil pakiramdam ko ay tuluyan ka nang nilamon ng sistema.
Mas nanaisin ko pang nasa ilalim ka ng sistemang Clearance.
Mas nanaisin ko pang mamuhay ka sa kasinungalingan.
Mas nanaisin ko pang wala kang maalala sa nakaraan, at maging ako ay tuluyan mo nang makalimutan.
Kaysa sa nakikita kitang bumalik sa dating ikaw.
Ayoko.
Isang masamang panaginip ang makita ka ngayong nakakubli sa isang katauhang kinakatukatan ng lahat.
Kontrabida sa paningin ng mga miyembro ng konseho, at unti-unting nawawalan ng tagahanga’t kaibigan.
Hindi ko gustong makita kang pumapatay ulit.
Hindi ko rin gustong makita na pinugutan mo ng ulo si Editha.
Lalong hindi ko gusto iyong dinaanan mo ako’t hindi pinansin at kinausap.
Nabalewala ako.
Lahat ng mga pangako at sakripisyo.
Lahat ng mga nakatalatag nating plano.
Lahat ng pinagsamahan nating pagmamahal at kasiyahan.
Nawala na…
Nawala na ang lahat…
Agent Orange…
Bakit?
Bakit mo ito nagawa?
Ano nga bang tunay na nasa puso mo?
Ano ba talaga ang binabalak mo?
Ano ba ang nasa isipan mo?
The Programme
Training Room B
17th Floor
“I want to congratulate all of you for passing the Programme Agents’Skills Training. At talaga namang naipasa niyo ito with flying colors. Sa humigit-kumulang dalawampu’t walong trainees eh, may sampung umangat para maging magigiting na mandirigma n gating kumpanya. At ngayon, dadaan naman kayo sa panibagong lebel. Ang huling test kung talagang handa na kayong makipaglaban bilang Programme Agents.” Saad ng babaeng mentor mula sa angkan ng Villamor.
Tuwang-tuwa naman ang sampung nakapasa mula sa mabibigat na tasks at exams na kanilang napagdaanan sa higit na isang buwan. Mga hindi birong hamon dahil sa nakasalalay ang kanilang mga buhay sa bawat pagsubok na ibinigay ng kanilang mga mentors; isa na dito si Anette, ang Lead Trainer ng Programme.
Si Anette ay isang loyal employee ng Programme, at dumaan sa kanyang kamay ang apat na magkakaibigan, na sina Melissa, Ryan, Myk at Ruth, upang turuan makipaglaban tulad ng mga magigiting na sundalo ng kumpanya na kung tawagin ay – Programme Agents.
Ngunit tanging si Ruth lamang ang unang nakapasa sa kanilang apat. Umulit ng training sina Ryan at Myk hanggang sa nakapasa na ang dalawang lalaki, samantalang si Melissa naman ay inatasan ng kanilang angkan sa ibang departamento ng Programme dahil sa tingin ng mga nakakatanda ay hindi nito kayang pantayan ang husay ni Ruth pag dating sa labanan.
Naging mentor ni Ruth si Anette at hanga siya sa galing ng babaeng ito sa pagtuturo.
Halos naging pangalawang ina na niya si Anette kahit na nasa magkalaban pa silang angkan. Mortal na magkalaban.
“Okay class… Hawak ko na ang detalye ng inyong mga Debut Missions at nais kong pag-aralan ninyo ng mabuti ang inyong mga gagawing hakbang upang mapagtagumpayan ito. Katulad ng ibang mga misyon ay sinadya naming hindi ilagay ang mga pangalan ng inyong mga target, at tanging home addresses lamang ang aming ibinigay. Kasama na rin ang floor plan ng buong bahay at ang bawat schedules at activities ng mga ito sa buong araw. Kayo na bahala ang gumawa ng paraan kung paano ninyo maisasagawa ang inyong Debut Mission.” Muling paliwanag ni Anette.
Excited na nagsitayuan ang mga bagong Programme Agents upang kuhanin ang kanilang Task Info Sheet para sa Debut Mission.
Isa sa mga nakapasa ay si Angel.
Si Angel Velasco.
Tulad ng kanyang kapatid na si Alfred ay nakapasa din ito para maging isang magaling na Programme Agent. Siya lamang ang babae sa grupong ito, at tila nakikitaan siya ng husay at talino ni Anette, tulad nang kay Agent Orange.
“Congratulations Angel… Alam kong pangarap mo ito at ngayong nakamtan mo na, ay sana’y hindi mo ito balewalain…” Saad ni Anette sabay yakap niya sa magandang babae.
“Opo teacher… Hinding hindi ko po sasayangin ang hirap at pagod ninyo sa akin sa pagtuturo. Mas gagalingan ko pa po para sa Debut Mission ko.” Sagot naman ni Angel.
“Very good. That is the right attitude to handle missions…”
“Salamat po. Maraming, maraming salamat po Teacher Anette.”
Inaabot naman ni Anette ang Task Info Sheet kay Angel para sa detalye ng kanyang misyon.
Bahagyang sinilip ng magandang babae ang nakasulat sa papel, at tanging address lamang ang kanyang nakita.
Sa tingin niya’y mayaman ang kanyang target dahil nakatira ito sa isang pribadong village sa may Alabang. Hindi niya maintindihan kung kinakabahan ba siya or nasasabik sa kanyang unang misyon. Ang tanging nasa isipan niya ang tuparin ang kanyang pangarap at maging katulad ng kanyang hinahangaang yumaong kapatid.
“Okay class… You can now go home, take a rest and plan for your respective missions. Good luck.” Nakangiting saad ni Anette.
Sabay-sabay namang nagsipagtayuan ang lahat at kinamayan ang kanilang mentor.
Masayang-masaya silang lahat na umalis ng training room, bitbit sa kanilang puso at isipan ang pinakahuli nilang pagsubok upang maging ganap na Programme Agent.
Samantalang si Anette naman ay papalabas na ng training room nang bigla siyang nagitla sa kanyang nakitang babae na nakatayo sa kanyang harapan.
“Mahabagin… Ikaw?” Saad ng matandang babae sabay bitaw sa kanyang hawak-hawak na bag.
Tila nakakita ito ng multo at hindi siya makapaniwala.
“Buhay ka? Buhay ka?!! Buhay ka nga!!!” Pasigaw na saad nito sabay takbo at yumakap ng mahigpit kay Ruth.
“Buhay ako Ms. Anette… Buhay na buhay…” Saad ni Agent Orange.
Hindi makapaniwala ang kanyang mentor na nasa harapan niya ang kanyang pinakamahusay na estudyante, kayakap ito at buong-buo.
“Akala ko patay ka na… Akala namin talagang nasawi ka sa isang aksidente…”
“Akala ko rin naaksidente ako, pero hindi pala… Hihihi…”
Naging emosiyonal naman si Anette habang hawak-hawak sa kamay si Ruth.
“Anong nangyari sa iyo? Bakit sinabi nilang patay ka na? Bakit pinaniwala mo ang lahat na namatay ka?”
“Patawad po… dapat ay isang linggo lang akong mawawala para subukan sa akin ang Clearance, pero madaming nabago sa plano… Maraming nanamantala sa pagkawala ko…”
“Ano ang Clearance? Ano iyon? Bakit kailangang gawin mo iyon?”
“Ang Clearance po ang tanging pag-asa para sa pagbabagong hinahangad ko noon pa man… At nais ko itong isakatuparan sa pagbabalik ko…”
“Ganun ba? Sabihin mo kung ano ang pupuwede kong itulong sa iyo para mapagtagumpayan mo ito…” Mungkahi ni teacher Anette.
Bahagyang nalungkot si Ruth nang maalala nito ang ginawa niyang kasunduan sa harap ng konseho.
“Bakit? May nangyari ba? Bakit bigla kang nalungkot?” Tanong ng matandang mentor.
Kaagad namang inalalayan ni Anette si Ruth at pinaupo niya ito sa loob ng Training Room. Sinarado niya ng mabuti ang pintuan at ang blinds upang matakpan ang salamin na bintana. Alam niyang may mahalagang mensaheng nais iparating si Agent Orange kung kaya’t siya ang nilapitan nito.
Ikinuwento ni Ruth ang lahat-lahat ng nangyari sa kanya, maging ang mga planong tumatakbo sa kanyang isipan. Iniisa-isa niya ang lahat ng posibleng mangyari sa bawat hakbang ng kanyang binabalak at nais niyang makipagtulungan dito sakaling hindi umayon ang lahat ng kanyang mga plano.
Tila nag-alala naman si Anette sa mga nadinig niya mula kay Agent Orange. Hindi magiging madali ito para sa kanya, lalo pa’t mayroon siyang gagawin na maaaring ikapahamak niya at ng mga taong mahal niya.
“Hindi ko na po alam kung ano ang gagawin ko… Wala na po akong ibang choice kundi gawin ito… Labag man sa loob ko…” Seryosong saad ni Ruth. Bakas sa kanyang mukha ang sobrang kalungkutan.
“Hanga ako sa katatagan mo. Hanga din ako sa kung ano ang nasa puso mo. Mahusay ka Ruth. Alam ko ang kakayahan mo, pisikal man o intelektuwal. Kung iyan lang ang naisip mong paraan, naniniwala akong dapat mo na itong gawin at isakatuparan.” Sagot naman ni Anette.
“Papaano kung mawala ang lahat sa akin nang dahil sa planong iyan? Ayoko… Ayokong mawala siya muli… Pero ayoko din namang mapahamak siya…”
“Kaya niya ang sarili niya… Kilala ko siya… Maiintindihan ka niya…”
Tuluyan namang bumuhos ang mga luha ni Agent Orange. Ang babaeng tila walang makakatalo at walang kahinaan, ay bigla na lamang nawala sa kanyang sarili at napaiyak.
Damang-dama ni Anette ang sakit na nararamdaman ni Ruth sa mga oras na iyon. Alam niyang napakarami nang naisakripisyo nito sa ngalan ng kanyang trabaho at pag-ibig.
Ngunit, kailangan nitong gawin ang dapat niyang ginagawa bilang mahusay na lider.
At alam niyang malalagpasan at mapagtatagumpayan niya ito hanggang sa huli.
“Patawad po ah… kung sa inyo pa ako tumatakbo at humihingi ng tulong… Kayo lang po kasi ang naisip kong pupuwedeng hingaan ng sama ng loob… Minsan gusto ko na rin talaga sumuko at lumayo kasama siya… Kinakaya ko na lang po na ipagpatuloy ang laban na ito.”
“Hindi mo kailangang humingi ng kapatawaran anak, dahil nagpapasalamat ako’t sa akin ka pa rin humihingi ng tulong at gabay… Alam kong isa kanga matapang na mandirigma, at napakarami mo nang napatunayan at nagawa para sa Programme… Naiintindihan kita at marami kaming susuporta sa iyo, kaya huwag ka nang mabahala at mag-alala pa.”
Niyakap na lamang niya muli si Ruth upang ipadama dito na hindi siya nag-iisa sa laban at pagbabagong kanyang nasimulan.
“Manalig ka lang anak… Magiging maayos din ang lahat…” Mahinahon niyang saad sa kaawa-awang si Agent Orange.
Samantala, malungkot namang bumalik sa kampo ng Resistance si Myk. Halos hindi rin maipinta ang kanyang itsura dahil sa nadinig at nasaksihan nito kanina sa opisina. Gusto man niyang ikubli sa kanyang sarili ang buong katotohanan, na wala na ang dating Ruth na buo ang desisyong tulungan sila, ay hindi niya ito magawa. Lalo pa’t nasa isipan pa niya ang buong pangyayari.
Ang itsura ni Ruth habang hawak-hawak nito ang samurai sword at nakaharap sa mga miyembro ng konseho.
Ang mga taong nakikinig sa silid habang nakikipagkasunduan ang kanyang kasintahan na ituro sa kanila kung saan ang pinagkukutaan nilang mga miyembro ng Resistance.
Napapapikit na lamang ito at pilit iwinawaksi sa kanyang isipan ang lahat ng masamang pangyayari. Kaagad niyang hinilamusan ang kanyang mukha, nagbabakasakaling mawawala ang kanyang pagkadismaya at pagkayamot sa inasal ni Ruth.
Maya-maya ay kumatok sa kanyang silid si Carmen. Tila nag-aabang din ito ng magandang balita mula sa binata.
“Tok tok… Puwede po pumasok? Hehehe…” Pabirong saad ng magandang babae.
“Pasok ka…” Maikli at seryosong saad ni Myk.
“Oh! Bakit ganyan ang itsura mo? Hindi mo pa rin ba nahanap si Ruth?”
Napabuntong-hininga ang binata at saglit itong natahimik sa itinanong sa kanya ni Carmen.
“Huwag kang mag-aalala, mahahanap mo rin si Ruth. Babalik din siya sa atin.” Positibong saad ng dating agent ng Programme.
“Nahanap ko na siya Carmen. Nahanap ko na si Ruth.” Seryosong saad ni Myk.
Nanlaki naman ang mga mata ng babae at agad nilapitan ang binata sa sobrang tuwa.
“Talaga?!! Nasaan na siya?? Nasa kuwarto na ba niya? Kamusta na siya? Teka mapuntahan nga siya…Hehehehe…”
“Wala siya dito. Hindi ko siya kasama.”
“Hah?? Anong ibig mong sabihin? Hindi siya sumama sa iyo pauwi dito?”
Umiling naman ang binata bilang tugon kay Carmen.
“Pero paano nangyari iyon? Ayaw niya na ba sa atin kaya siya umalis ng walang paalam manlang? Nag-iba ba siya ng plano? Hindi na ba niya tutuparin ang mga ipinangako niya sa atin?”
“Hindi na.”
“Ano?! Paano nangyari iyon? Hindi ko maintindihan… Bakit?”
“Bumalik na ang alaala ni Ruth. Siya na ulit si Agent Orange… o mas masahol pa.”
“Shit… Really?”
“Oo…”
Sandaling binalutan ng katahimikan ang buong silid. Parehas silang napaisip sa kung anong puwedeng mangyari ngayo’t nagbalik na ang babaeng nagtangka sa kanyang buhay.
“Nakausap mo na ba siya?”
“Hindi.”
“May naalala kaya siya sa mga plano natin dito sa Resistance? Alam pa kaya niya ang mga nabitiwan niyang pangako sa ating lahat?”
“Wala na siyang naaalala tungkol sa atin… Nakalimutan na niya tayo ng tuluyan.”
“What the fall!?”
“Naging mas masahol pa siya sa Agent Orange na nakilala at nakasama ko dati sa Programme. Halos hindi ko na siya makilala.”
“Pero paano niya hinarap ang mga miyembro ng Programme? Paano sina Melissa? Editha? Ang mga konseho?!”
“Patay na si Editha. Pinugutan siya ng ulo ni Ruth.”
“Talaga?!”
“Si Melissa naman, kitang-kita ko sa mga mata niya ang matinding galit kay Ruth.”
“Ano nang mangyayari? Ano na ang gagawin natin niyan?” tanong ni Carmen.
Nagpalakad-lakad ang magandang babae sa silid ni Myk, nag-iisip ng kung ano ang kahahantungan ng mga pangyayari sa Programme.
“Ang masama pang balita… Bilang kapalit ng kanyang pagbabalik sa posisyon bilang Country Director, ay makikipagtulungan siya sa mga Programme Agents para matunton ang kampo natin. Gagawa daw siya ng paraan para pasukuin tayong lahat.”
Lalo namang nabahala si Carmen sa ikinuwento ni Myk sa kanya.
“Magagawa niya iyon? Magagawa ba niyang traydurin tayo?”
“Hindi ko alam… Pero nakatingin ako sa mga mata niya, at sigurado akong desidido siyang mabawi ang naiwan niyang puwesto. At sinabi niya na ititigil na niya ang kahibangang plano niya na bigyang daan ang kapayapaan sa pagitan ng Programme at Resistance… Wala na tayong pag-asa. Nasira lang ang lahat ng ganun-ganun lang…”
“Shit!!!” Inis na inis na saad ni Carmen.
Hindi na siya mapalagay sa kung ano ang puwedeng gawin ni Agent Orange sa kanila.
“Kailangan na nating umalis dito… Kailangan na nating lumikas.” Saad ng magandang babae.
Tumango na lamang si Myk sa kanya. Tila napang-hinaan na rin siya ng loob, lalo pa’t nadurog ang kanyang puso dahil sa ginawa ni Ruth.
“Sasabihan ko na ang mga kasamahan natin na mag-empake… pupunta na tayo ng Quezon.” Saad ni Carmen.
Akmang lalabas na ng silid ang magandang babae nang madinig nitong nagring ang cellphone ni Myk.
Kinuha ng binata ang telepono sa kanyang bulsa at kaagad niya itong sinagot.
Pansamantalang huminto muna si Carmen sa kanyang paglabas ng silid ni Myk upang pakinggan kung sino ang kausap nito sa kabilang linya.
Pinagmamasdan ang reaksiyon ng binata at inaalam kung sino ang kausap nito sa kanyang cellphone.
Maya-maya ay nagulat na lamang si Carmen nang biglang nag-iba ang tono ng boses ni Myk at tila takot na takot ito sa ibinabalita sa kanya ng kausap sa cellphone.
Agad na lumapit si Carmen sa binata.
“Anong nangyari? Sinong kausap mo?”
Hindi naman makasagot si Myk at tila nanginginig ang mga labi nito sa sobrang takot at kaba.
“Myk!!! Sinong kausap mo??? Anong nangyayari???!!!” Pasigaw na saad ni Carmen.
“Si Alvin… Yung mata at tenga ko sa Programme… Tumawag siya para ipaalam sa akin na nagsama si Ruth ng mga Programme Agents upang tugisin ang mga miyembro ng Resistance…”
Kumakabog ang dibdib ni Carmen at tila ayaw niyang paniwalaan ang ginagawang pagtatraydor sa kanila ng babaeng inisip nilang tagapagligtas ng kanilang grupo.
“Tapos??”
“Tapos… Sabi pa niya… Na papunta na dito ang grupo ni Agent Orange… dito sa kampo natin…” Mangiyak-ngiyak na saad ni Myk.
Napakapit naman sa may upuan si Carmen at tila nanlambot ang kanyang mga binti at kusa na siyang napaupo sa sobrang pagkabigla.
Pakiramdam niya’y ito na ang magiging katapusan ng kanilang inaalagaang grupo… ang Resistance.
- Undo – Episode 6: F1 (Help) - November 15, 2024
- Undo – Episode 5: Ctrl + P - November 15, 2024
- Undo – Episode 4: Ctrl + Arrow [Up] - November 7, 2024