Written by ereimondb
Tahimik na nakahiga si Ruth.
Tila mahimbing itong natutulog sa isang malambot na kama, habang may nakadikit sa kanyang mga tin electrodes upang pag-aralan ang electrical activity sa kanyang utak.
Tahimik namang inoobserbahan ni Dra Galvez ang mga wave patterns na natatanggap ng makina mula kay Ruth. Kahit alam niyang mahirap ang pagdaraanan ng magandang babae sa pagbabalik ng kanyang memorya, ay sinisikap na lamang niyang hanapan ng madaling paraan na tanggapin ng katawan ni Agent Orange ang sistemang tinatawag na Reversal Method.
Nang makatanggap na ang doktora ng maayos na signal at wave patterns mula sa kanyang pasiyente, ay sinimulan na niyang inactivate ang sistemang gawa ng Programme. Kailangan niya itong idownload mula sa isa pang sistema na tinatawag nilang Electroencephalography.
Mabilis na nag-load ang Reversal Method papunta sa makinang kumukunekta sa bandang ulunan ni Ruth.
Maya-maya ay nagising ito na tila nangingisay at nakukuriyente dala ng kakaibang sensasiyong natatanggap mula sa prosesong nangyayari sa kanyang utak.
Kaagad siyang nilapitan ni Dra Galvez at pinasakan niya ng oxygen ang pasiyente. May kaba din sa dibdib ang doktora dahil sa unang beses niya pa lang itong isasagawa.
Tanging ang training lang na nakuha niya mula sa ibang bansa ang kanyang sandata upang isagawa ang ganitong uri ng operasiyon at proseso.
Halos ilang oras ding nakipagbuno sa kamatayan si Ruth dahil sa kanyang pinagdaraanan, makamtan lamang ang kanyang hinahangad na maibalik ang nawalang alaala at pagkatao.
Hindi naman iniwan ni Dra Galvez ang kanyang pasiyente at nais din niyang mapagtagumpayan nilang dalawa ang proseso ng Reversal Method.
Ang tanging magagawa lamang ng doktora ay ang maghintay at alagaan si Ruth.
Tila isang buong araw na tulog si Agent Orange.
Hindi na muna pumasok si Dra Galvez sa ospital upang tiyakin ang kaligtasan ng kanyang pasiyente at matugunan ang mga pangagailangan nito.
Mayroong mga pagkakataong dumidilat si Ruth ngunit ito’y panandalian lamang. Mas mahaba pa rin ang kanyang mahimbing na pagtulog.
May mga oras ding bigla siyang gumigising at sumusuka.
Dumadaing ng sakit sa kanyang ulunan at tila napapasigaw pa ito sa sobrang bigat ng nararamdaman.
Mangiyak-ngiyak si Dra. Galvez habang nakikita at inaalalayan ang kanyang pasiyente. Sinisikap nitong maging matatag upang matulungan ng mabuti si Ruth.
Tinuturukan niya ng gamot ang magandang babae upang makayanan niya pa ang sakit na dulot ng Reversal Method.
Dalawang araw itong naghirap at nagdusa upang makabalik sa kanyang tunay na sarili.
Isang pagsasakripisyong tila walang kasiguraduhang magiging matagumpay, dala ng isang sistemang likha ng Programme.
Day 3
4:40 AM – New Manila
Sa ikatlong araw ay bumuti na ang pakiramdam ni Ruth.
Naging normal na ang kanyang paghinga, kahit na may kaunting pamamanhid siyang nadarama sa kanyang bandang ulunan.
Pero sadyang isang malaking pagbabago ang nagaganap.
Mabilis niyang iginala ang kanyang mga mata sa isang hindi pamilyar na silid.
Umupo ito sa kanyang kama habang tinatanggal ang mga suwero na nakakabit sa kanya.
Iniisip nito kung ano ang kanyang ginagawa sa kuwartong iyon.
Napansin din niya ang kanyang suot na katulad sa mga pasiyenteng nasa ospital. Kung kaya’t minabuti niyang simulan ang paghahanap ng kasagutan sa napakarami niyang katanungan.
Papalabas na sana siya ng pintuan nang bigla siyang nakarinig ng mga yabag patungo sa kanyang kinaroroonang silid.
Kaagad itong bumalik sa kanyang higaan at idinampi ang suwerong kaninang nakadikit sa kanya at nagpanggap itong mahimbing na natutulog.
Maya-maya ay pumasok na ang isang babae sa kanyang silid at inihanda ang ituturok na pain reliever sa pasiyente.
Tinignan pa niya ito ng mabuti at pinitik-pitik ang bandang itaas ng syringe bago hinawakan ang braso ni Agent Orange.
Biglang idinilat ni Ruth ang kanyang mga mata nang maramdaman nito ang pagtarak ng gamot sa kanya.
Hinawakan niya ang kamay ng babae upang pigilan ito sa kanyang balak gawin. Nabigla si Dra Galvez sa ginawa ni Ruth at halos mapaigtad ito sa sobrang gulat.
“Joy?” Tanong ni Agent Orange nang makita ang mukha ng doktora.
“Hay salamat! Tinawag mo na rin ako sa una kong pangalan… Hehehe…” Biro ni Dra Galvez.
“Anong ginagawa ko dito? At bakit mo ako tinuturukan?”
“Mahabang istorya, Ruth. Basta ang mahalaga, nakabalik ka na sa tunay mong pagkatao. Naging successful ang operasiyon. Hihihihi…”
“Operasiyon?”
“Oo. Gaya ng napag-usapan natin noon, ako din ang magbabalik ng iyong alaala sa pamamagitan ng Reversal Method. Ay sus! Akala ko papalpak ako eh… Hihihi…”
“Reversal Method?”
“Oo nga…”
“Nasaan sila Ryan? Si Myk at si Melissa? Nasa baba ba sila? Tsaka, pang ilang araw na ba akong nawala?”
“Madaming nangyari Ruth habang wala ka sa sarili mong katinuan.” Saad ni Dra Galvez sabay lakad nito patungo sa isang drawer at kinuha ang mga gamit ni Ruth.
“Oh heto… Makakatulong sayo itong mga isinulat mo sa notebook mo bago ang operasiyon. Basahin mo ng mabuti para masagot mo lahat ng katanungan mo. Dahil kung ako ang magkukuwento, malamang hindi mo rin ito maiintindihan.” Paliwanag ng doktora sa kanyang pasiyente.
Mabilis namang kinuha ni Agent Orange lahat ng iniabot sa kanya. Maging ang isang video camera at voice recorder.
“Iwan muna kita diyan habang naghahanap ka ng mga kasagutan. Tutal maaga pa naman, hihintayin ko na lang ang susunod mong plano.”
“Plano? Kailan ba ako nagplano?” Tanong ni Ruth sa doktora.
“Noong mabuting tao ka pa. Hihihi… Oh siya… may kailangan ka pa ba? Maayos na ba talaga yang pakiramdam mo? Hindi na ba kumikirot ang ulo mo?”
“Hindi na… Ayos na ako…” Sagot ni Ruth sabay iling sa kanyang kausap.
“Oh sige… nasa ibaba lang ako…” Mabait na pahayag ni Dra. Galvez.
Tuluyan na niyang iniwan si Ruth na mag-isa sa kanyang kuwarto.
Alam niyang napakarami nitong dapat malaman sa napakaikling panahon.
Lingid sa kaalaman ni Ruth, ay nabasa na ng doktora ang lahat ng nakasulat sa notebook nito. Tila suportado niya ang lahat ng mga pinaplano ng kanyang batang amo.
At dahil sa naging matagumpay ang pagbabalik ng memorya ni Ruth, sa pamamagitan ng Reversal Method, ay tiyak na magkakagulo at malilinis na ng tuluyan ang kumpanyang pinagsisilbihan nilang dalawa.
At alam din niyang dahil sa naging loyal siya sa Country Director ng Programme, ay mas makakabuti ito sa kalagayan niyang bilang isang simpleng empleyado ng kumpanya.
Makalipas ang halos anim na oras mula nang siya ay nagising, nagpasiya si Ruth na lumabas ng kanyang silid at puntahan si Dra. Galvez.
Halata namang hinihintay din siya ng doktora sa kanyang kuwarto upang tulungang maisagawa ni Ruth ang lahat ng kanyang mga plano.
“Ano? Kuntento ka na ba sa lahat ng kasagutang nabasa mo?” Bungad na tanong ni Dra. Galvez.
Sandaling hindi umimik si Ruth at tila tagos ang kanyang tingin mula sa bintana.
Kitang-kita ng doktora ang pagkadismaya nito sa pagtatraydor na ginawa sa kanya.
“Bakit? Bakit nila ginawa iyon?” Pabulong na saad ni Ruth.
“Alam kong nagtiwala ka kay Ryan… Pero sa totoo lang, inasahan ko nang gagawin niya iyon dahil sa ambisyon.”
“Pero Joy may usapan kami eh… May usapan tayo… At alam niya kung gaano kahalaga para sa akin na mapatunayan sa lahat ng miyembro ng Programme, maging sa konseho, na magiging maayos ang lahat ng pagbabagong ipapatupad ko. Supurta ang hiningi ko sa kanila, at hindi lang pagkakaibigan.”
“Naiintindihan kita Ruth. Alam kong ikaw ang Country Director noon bago pa kunin ni Ryan ang posisyon mo. Pero huwag kang mag-aalala, dahil sa ngayon wala pang nakakakuha sa pinakamataas na posisyon ng Programme. Dahil nga sa iskandalong kinasangkutan ni Ryan at inilabas ni Editha Banks.”
“Huh! Isa pa iyang si Editha. Kapal ng mukha niyang kunin sa akin ang posisyon. Ampon lang siya at hindi miyembro ng angkang ipinagtatanggol niya. Kaya wala siyang karapatang maging Country Director. At lalong wala siyang karapatang ipahanap ako at ipapatay.” Galit na saad ni Agent Orange.
“Exactly… Buwiset din ako sa babaeng iyan. Ang tanda-tanda na, umaabisyon pa ring maging tagapamahala ng Programme. At saka, ipinangako niya sa konseho na dadalhin niya ang ulo mo at ihaharap sa lahat ng tao.” Gatong naman ni Dra. Galvez.
“Talagang gusto nila akong palitan at sinamantala nila na mahina ako…”
“Kaya nga gustong-gusto kita tulungang makabalik Ruth… Linisin mo ang kalat na iniwan ng angkang Villamor. Patunayan mo ring tama ang pagbabagong nasa plano mo. Na may solusiyon sa hidwaan sa pagitan ng Programme at Resistance.” Makahulugang saad ng doktora.
Tumango na lamang si Ruth sa lahat ng nadinig na pahayag ng kanyang kausap.
“Handa na ako.”
“Anong plano mo?”
“Pupuntahan ko sila sa opisina. Magtutuos kami…” Mabilis na saad ni Ruth.
“Mukhang hindi magandang plano iyan… Hindi ka dapat nagpapadalos-dalos…” Sagot naman ni Dra. Galvez.
Napangiti si Agent Orange sa sinabi ng kanyang doktor.
“Siyempre hindi… Siyempre hindi ko ipapaalam sa kanilang nakabalik na si Agent Orange.”
“Hihihi… Tama iyan boss!”
“Ipapatikim ko sa kanila ang lupit na ibinigay nila sa akin noon. Lalo pa’t gising na gising na ako.”
“Hihihi… Susuportahan ko iyan madam!”
“Pero may kaunting pagbabago…” Saad ni Ruth.
“Ano doon sa nasulat mo ang babaguhin mo?” Usisa ni Dra. Galvez.
“Dahil kailangan ko pa si Melissa Villamor para makuha ang Clearance… Uunahin ko muna ang walang hiya niyang tiyahin…”
“Oooohhh… Si Editha Banks? Hihihihi…”
Tumango naman agad si Ruth.
“Lintik lang ang walang ganti…” Pabulong na saad ni Agent Orange.
“Kailan naman nating gagawin iyang plano mo?” Muling pag-usisa ng doktora.
“Pagkatapos ko mananghalian…”
“Great! Pero titignan muna kita. Sisiguraduhin nating kaya na ng katawan mong makabalik.” Saad ni Dra Galvez.
“Kaya ko na dok… Hindi mo na ako kailangang tignan pa…”
“Hay naku! Makinig ka na lang sa akin…”
Wala namang nagawa si Ruth kundi ang sundin ang mga sinabi sa kanya ng kanyang doktora. May tiwala naman siya dito at malayong siya ay tatraydurin.
Napagisip-isip niyang, kung may balak nga siyang traydurin ni Dra Galvez, ay dapat noong mahina pa siya at walang malay habang isinasagawa ang operasiyon.
Kung kaya’t ibinigay na niya ang kanyang buong tiwala sa matabang doktora.
Pagkatapos ng operasiyon ay ipinaghain niya ng makakain si Ruth.
Alam niyang mapapalaban ito sa dami ng mga kampong Programme Agents ni Editha Banks. Ito ay dahil sa pagtatanim nito ng mali at masasamang gawain sa utak ng kanyang mga tagasunod.
“Kain lang ng kain Ruth…” Saad ni Dra. Galvez.
At nang matapos mananghalian ay ibinalik ng doktora ang lumang damit ni Ruth.
“Sadyang hindi ko pinalabhan iyang damit mo, para naman maging makatotohanang nagpalaboy-laboy ka sa paghahanap sa akin. At para hindi nila isiping nagbalik na ang memorya mo.”
“Kailangan ko ng armas.” Saad ni Ruth.
“Hindi ka pupuwede magdala ng baril.”
“Kutsilyo.”
“Ah! Alam ko na!” Saad ni Dra. Galvez sabay abot sa kanyang lumang boots.
“Subukan mong isukat ito. Payat pa ako nang huli kong isinuot ang boots na ito galing Italy. Hihihi…”
“Hindi ko kailangan ng magandang sapatos na isusuot…”
“Hindi lang ito basta-bastang sapatos Ruth…” Paliwanag ni Dra. Galvez sabay ipinakita nito ang dalawang nakatagong kutsilyo sa bandang suwelas ng bota.
Napangiti naman si Agent Orange sa kanyang nakita.
“Good! Maaasahan ka talaga dok. Hehehe…”
“Para sa iyo madam, lahat gagawin ko. Hihihi…”
Kaagad namang isinuot ni Ruth ang botang ibinigay sa kanya ni Dra. Galvez.
Kahit medyo maluwag ito sa kanya ay pinilit niya pa ring maging kumportable sa susuoting sapatos. Bahagyang naglakad ito patungo sa salamin upang tignan ang kanyang sarili.
Napansin niya ang kanyang itsura at tila nanibago siya sa Ruth na nakikita mula sa kanyang repleksiyon.
Napansin niyang ibang tao na ang nasa kanyang harapan.
“Handa ka na ba?” Tanong ni Dra. Galvez.
Tumango naman si Agent Orange at sabay na silang lumabas ng bahay ng doktora sa New Manila.
Bumiyahe sila patungo sa ospital na pinagsisilbihan nito upang isagawa ang kanilang mga plano.
Nang makarating sa parking lot ay agad na lumabas si Ruth, sabay itinali siya ni Dra. Galvez.
“Higpitan mo…” Utos ni Agent Orange.
“Okay madam…”
Mahigpit na itinali ng doktora ang kamay at paa ni Ruth.
“Suntukin mo ako sa mukha. Magkabiling pisngi. Hindi ka titigil hangga’t hindi dumudugo ang labi ko.” Muling utos ni Ruth.
“Pero madam… sigurado po ba kayo?”
“Dalian mo na… Pinapahintulutan kitang saktan ako…”
“Okay sige po… Sorry na lang po…” Saad ni Dra Galvez sabay suntok sa may pisngi at labi ni Ruth.
Dahil sa bigat at laki ng kamao ng matabang doktora ay kaagad na dumugo ang labi ni Agent Orange.
“Dumudugo na po… Sorry po madam… Sorry po talaga…” Pagmamakaawa ni Dra. Galvez.
Hindi naman sumagot si Ruth dahil sa sakit ng pagkakasapak sa kanya ng doktora.
“Okay na ito… Sige na… tumawag ka na…”
“Ready na po ba kayo?”
“Ready na ako dok…” Nakangising saad ni Ruth.
“It’s showtime!” Tatawa-tawang saad ni Dra. Galvez habang idinadial at tinatawagan niya ang headquarters ng Programme upang ipagbigay alam ang kinaroroonan ni Ruth.
Pinalabas niyang pinuntahan siya ni Agent Orange sa ospital at pinipilit siyang ibalik ang alaala nito, ngunit nakalaban siya hanggang sa tuluyan na niyang nabihag ang magandang babae.
Kaagad namang rumisponde ang mga Programme Agents at sinabihan nila si Editha Banks.
Nakiusap si Editha na huwag munang sabihin sa konseho na natagpuan na nila si Agent Orange, dahil gusto nitong surpresahin ang mga matatandang miyembro sa pugot na ulo ni Ruth.
Pinuntahan ng mga Programme Agents ang parking lot ng ospital kung saan nakahiga at nakatali si Agent Orange.
Idinala nila ito sa isang safe house at abandoned warehouse sa Paranaque, upang isagawa ang ipinaplano ni Editha Banks.
14:22 Saturday
Safe House
The Programme
Samantala, tahimik namang sumama si Ruth sa mga lalaking nakadakip sa kanya. Nakapiring ang mga mata nito at nakatali ang dalawang kamay, habang nakaposisyon sa kanyang bandang likuran.
Kahit kinakabahan ang magandang babae ay pinanatili niyang maging kalmado at pinakikiramdaman ang mga susunod na gagawin sa kanya ng mga ito.
Alam niyang pahihirapan siya ng husto ng mga Programme agents, o kaya naman ay biglaang taniman ng bala sa kanyang sentido. Pinagpapawisan at nangingig sa takot si Agent Orange habang iniisip ang mga bagay na ito.
Marahan siyang pinaupo sa isang silya, at pakiramdam niya’y nasa gitna siya ng isang napakalaking silid. Ito ay dahil sa umaalingaw-ngaw ang mga boses ng mga lalaking ito habang sila ay nag-uusap.
Nadidinig niya ang usapan ng dalawang Programme agents. Hindi niya alam kung sinasadyang ipadinig sa kanya ang kanilang usapan, o talagang wala silang pakialam kung may nakakarinig na ibang tao sa kanilang dalawa.
Maya-maya ay iniwan na siya ng mga ito, kung kaya’t biglang nabulatan ng nakakabinging katahimikan ang buong kuwarto.
Iginagalaw niya ang kanyang mga kamay, na tila nangangawit na mula sa pagkakatali. Sinusubukan niyang kumawala sa mga ito.
Tinatalasan niya rin ang kanyang pandinig sa tuwing may mga yabag siyang nadidinig sa labas ng silid na kanyang kinaroroonan.
Alam niyang paparating na ang mga may katungkulan sa Programme upang siya ay pahirapan, itorture at paslangin.
Kahit natatakot, ay huminga na lamang ng malalim si Agent Orange. Inayos niya ang kanyang pagkakaupo. Tila handa na siyang magsakripisyo, sa ngalan ng responsibilidad na naka-atang sa kanya mula sa grupo ng Resistance.
Natitiyak niyang siya lamang ang pakay ng mga ito, at gusto na rin niyang tapusin ang kanilang pagtutuos.
Bahala na… ika niya.
Hanggang sa biglang bumukas ang pintuan ng silid. Marami siyang mga yabag ng sapatos na nadidinig, ngunit mas nangingibabaw ang tunog ng isang sapatos na may takong.
Tok… Tok… Tok… Tok…
Sabay hinto sa kanyang harapan. Amoy na amoy din niya ang umaalingasaw na pabango ng babaeng ito.
Maya-maya ay lumapit ang kamay nito at biglang hinugot at tinanggal ang telang nakapiring sa kanyang mga mata.
“Agent Orange… Long time no see…” Nakangiting pagbati sa kanya ni Editha Banks.
Hindi naman sumagot si Ruth, ngunit nakatingin ito sa mga mata ng matandang babae.
“Mukhang takot na takot ka ah… Hihihihi… Kung pupuwede ko lang kuhanan ang pagmumukha at itsura mo ngayon… malamang trending ka sa Instagram! Hihihihi…”
Hindi pa rin kumikibo ang magandang babae. Bagkus, ay bigla itong napaluha. Tila ngayon na niya naramdaman ang takot at katotohanang puwede na siyang mawala sa mundo sa isang iglap lamang.
“Aaaahhhhh… Don’t cry… Don’t worry, hindi ka na namin pahihirapan… Pero hindi ko maipapangakong hindi ka masasaktan… Hihihihi…” Nakakaasar na saad ni Editha Banks.
“Maawa ka sa akin… Parang awa mo na…” Pagsusumamo ng Ruth.
“Naku… Pasensiya ka na kung hindi mo ako natatandaan o nakikilala… Hindi ko rin naman ginustong magka-amnesia ka… Pero kailangan kasi kitang patayin eh…”
“Wala akong ginawang kasalanan sa iyo… sa inyo… Please… Pakawalan niyo na ako…” Mangiyak-ngiyak na saad ni Ruth.
“Hay naku… Wala na akong pakialam sa drama mo… May naaalala ka man o wala, mayroon ka pa ring kasalanan sa akin at sa angkan namin… Sorry na lang dahil kahit anong gawin mo, eh wala kang laban sa aming lahat dito… Dahil isang hamak na house wife ka na lang ngayon… Hihihi…” Saad ni Mrs. Banks.
Tila ito ang nakuhang pagkakataon na mapaslang si Agent Orange, dahil sa wala itong kalaban-laban sa kanila, at hindi pa rin bumabalik ang kanyang memorya bilang isang Programme Agent.
“Wala na tayong oras… Sige na, papatayin na kita.” Dagdag ni Editha sabay labas ng kanyang samurai sword. Kakailanganin niyang pugutan ng ulo si Ruth upang iharap sa mga miyembro ng konseho. Ito din ang magiging katibayan niya, na siya ang nararapat na mamahala sa Programme, at umupo bilang Country Director.
Itinutok na ni Editha ang espada sa harapan ni Ruth. Marahan itong lumibot papunta sa bandang tagiliran ng magandang babae.
Inginuso niya sa dalawang Programme Agents na lapitan si Ruth upang ibaba ng kaunti ang kanyang bandang balikat.
“Any last words, Agent Orange?” Nakangising saad ni Editha Banks.
Patuloy pa rin sa pagtulo ang mga luha ni Ruth, na siya namang lalong ikinatuwa ng matandang babae.
Maya-maya ay marahang ibinuka ni Ruth ang kanyang bibig at nagsalita…
“Putang ina mo… at ng buong angkan ninyo…” Pabulong na saad ni Ruth.
Napakunot-noo naman si Editha at tila hindi siya sigurado sa nadinig niya mula sa magandang babae.
“Anong sinabi mo?” Tanong nito.
“Ang sabi ko… Tang ina mo, at ng walang kuwenta mong angkan!” Palakas na saad ni Ruth sabay tayo at bunot ng dalawang kutsilyong nakakabit sa kanyang suot na sapatos.
Sa sobrang bilis kumilos ni Agent Orange ay tila sa isang iglap lang ay nawala siya sa kanyang kinauupuan.
Mabilis nitong initsa ang dalawang matalim na kutsilyo, at agad na bumaon sa noo’t sentido ng dalawang Programme Agents.
Tila nanginig at kinilabutan ang buong kalamnan ng matandang babae at agad winasiwas ang kanyang samurai upang hindi makalapit sa kanya si Ruth.
Sinusubukan niyang tumapat sa may pintuan ng silid upang makalabas at makatakbo papalayo.
Ngunit biglang sumugod si Agent Orange sa kanya at iniwasan ang bawat hampas ng espada ni Editha, kung kaya’t mabilis itong nakapunta sa bandang likuran ng matandang babae.
Nanlaki ang mga mata ni Editha nang nakuha ni Agent Orange ang hawak niyang espada, na ngayon ay nakatapat na sa kanyang bandang leeg.
Nanginig ang buong katawan ng babae at hindi niya inaasahan ang mga kasalukuyang nangyayari.
“Nasurpresa ka ba? I’m back!!!” Saad ni Agent Orange sabay gilit sa leeg ni Editha, at mabilis na sumirit ang dugo nito dahil sa sobrang talim ng samurai sword.
Mabilis na bumulagta ang katawang matandang babae habang patuloy na umaagos ang dugo nito sa sahig.
Hingal na hingal naman si Agent Orange habang tinataktak ang natirang dugo sa hawak nitong espada.
Hindi niya akalaing mabilis nitong napatay si Editha Banks. Ang kalaban niyang mortal.
Base sa mga nakasulat sa kanyang notebook ay maka-ilang ulit na pinagtangkaan ng matandang babae ang kanyang buhay, maging ang mga buhay ng taga-Resistance.
“Pasensiya ka na Editha… Una-unahan lang yan… At wala pa akong balak sumunod sa iyo…” Saad ni Ruth sa bangkay ng matandang babae.
Akmang lalapitan niya ang katawan ni Mrs. Banks, ay biglang bumukas ang pintuan ng silid at tumambad ang tatlong Programme Agents; dalawang lalaki at isang babae.
Nabigla ang mga ito nang tumambad sa kanila ang bangkay ng kanilang dalawang kasamahan, at maging ang aristokrata nilang amo.
Dahan-dahang tumayo si Agent Orange at hinarap ang tatalong agents ng Programme. Itinutok nito ang samurai sword na pagmamay-ari ni Editha Banks.
Tahimik ang buong silid at tila naghihintayan sila sa kung sino ang mauunang susugod.
Ngunit nabasag ang katahimikan nang mag-iwan ng paalala si Agent Orange.
“Hindi natin kailangang maglaban… Sumuko kayo sa akin at sama-sama tayong bumalik sa opisina…”
Nagtinginan naman ang mga Programme Agents at tila hindi sila kumbinsido sa sinabi sa kanila.
Kukuhanin sana nila ang kanilang mga itinatagong armas ngunit mabilis na sumugod sa kanila si Agent Orange.
Gamit ang matalas na samurai sword ay pinutol ng magandang babae ang kamay ng isang Programme Agent ng akmang kukuhanin nito ang kanyang baril. Mabilis ding kumilos si Agent Orang pakanan at isinaksak ang kanyang espada sa dibdib ng isa pang Programme Agent.
Habang ang isa naman ay mabilis na binunot ang kanyang baril at sinubukang patamaan ng bala ang magandang babae, ngunit kaagad nitong iniharang ang agent na naputulan niya ng kamay. Kung kaya’t ito na ang sumalo ng lahat ng balang lumabas sa baril ng kanyang kasamahan. Nang maubusan ng bala ay mabilis din siyang sinugod ni Agent Orange at pinugutan ng ulo.
Dumanak ang dugo sa sahig at sumirit pa ang iba sa pader. Tila nabalutan ng kulay pula ang buong paligid.
Ayaw mang labanan ni Agent Orange ang kanyang mga dating kasamahan, ngunit mas nanaig sa kanya ang protektahan ang kanyang sarili upang makalabas ng buhay sa warehouse.
Dahil sa umalingaw-ngaw sa buong safe house ang pagputok ng baril ay mabilis rumisponde ang iba pang mga Programme Agents papunta sa silid.
Sumugod ang limang kalalakihan sa loob at pinapatamaan ng baril si Agent Orange.
Kaagad namang nakakuha ng armas ang magandang babae at ipinakita nito ang husay niya sa pakikipaglaban, at dito niya mabilis na natapos ang buhay ng mga ito. Kaagad silang bumulagta sa sahig, pinatungan ang mga naunang agents na napaslang ng magandang babae.
Tila wala namang kapaguran si Agent Orange. Hindi siya makikitaan ng pagkahapo, marahil siguro sa matagal-tagal itong nakapag-pahinga.
Sa pagkakabilang niya’y nakakapatay na siya ng labin-tatlong miyembro ng Programme, kabilang na doon si Editha Banks.
Ayaw na sana niya itong dagdagan pa, ngunit nakita niya sa may labas ng pintuan ang lima pang lalaking pasugod sa kanyang kinatatayuan.
Napailing na lamang siya at sinalubong ang mga ito gamit ang samurai sword. Hindi makaporma ang mga Programme Agents sa kanya dahil sa liksi, husay at bilis nito.
Mga abilidad na naghihiwalay sa kanya sa iba pang mga agents.
Tila nakaukit na sa kamay ni Agent Orange ang pumaslang at kumitil ng buhay ng tao.
Gamit lamang ang espadang hawak ay mabilis niyang napasirit ang dugo ng mga Programme Agents. Tatlo sa kanila ay naputulan ng braso, kamay at paa, bago tuluyang winakasan ng magandang babae ang kanilang mga buhay.
Labing-walo.
Labing-walo na ang kanyang napapaslang na miyembro ng Programme mula nang bumalik siya sa tunay niyang pagkatao.
Labing-pitong agents, at si Editha Banks.
Nang masiguradong wala nang ibang tao na susugod sa kanya sa silid, ay agad na nitong nilapitan ang bangkay ni Editha.
Itinutok ang samurai sword sa parteng batok ng matandang babae at buong puwersa niyang pinugot ang ulo nito.
Mabilis na humiwalay ito sa katawan ni Mrs. Banks.
Hinubad niya ang kanyang suot na jacket at saka ibinalot ang ulo ni Editha.
Maya-maya ay nakadinig siya ng isang matinis na tili.
“Eeeeeeeeeeeekkkkk!!!!!!”
Mabilis na tumayo si Agent Orange at itinutok ang hawak niyang samurai sword sa babaeng nakatayo sa pintuan.
Si Melissa.
Nasaksihan ni Melissa ang masalimuot na pinagdaanan ng mga Programme Agents sa kamay ni Ruth.
Nakita niya rin kung papaano nito pinugutan ng ulo ang kanyang tiyahin.
Tila nanghina ang kanyang mga tuhod at napaluhod sa sahig. Napatulala siya sa kanyang mga nakita
“Long time no see…” Saad ni Agent Orange sa kanyang kaibigan.
Hindi naman makasagot si Melissa at binalot ng takot ang kanyang mga mata.
“I-i-ikaw… Kailan pa???? Kailan pa???” Nangangatog na tanong nito.
“Hindi mo na kailangang malaman kung kailan ako nakabalik… Ang mahalaga, magkakasama na ulit tayo… Hindi ba? Hihihihi…” Pabirong saad ni Agent Orange.
“Bakit hindi ka pa tuluyang nawala?? Bakit hindi ka pa namatay!!!!!” Pagalit na saad ni Melissa.
“Dahil marami pa akong unfinished business…”
“Hindi kailangan ng Programme ang isang katulad mong halimaw!!!”
“Puwes… Kakailangan mo ako para mailigtas at mapalabas sa kulungan si Ryan. Hindi ka ba magpapasalamat sa akin Melissa?”
Hindi naman ito nakakibo sa itinuran sa kanya ni Agent Orange.
“Ngayon… Ang tangi mong magagawa para sa akin ay ang ihatid ako sa headquarters ng Programme…” Saad ni Ruth sabay bitbit sa kanyang likuran ang jacket na naglalaman ng ulo ni Editha Banks.
“Hayup ka!”
“Tumayo ka na diyan… Dahil marami pa akong kailangang asikasuhin…”
“Hayup ka!”
“Tayo!!!” Pasigaw na saad ni Agent Orange.
Walang nagawa si Melissa kundi sundin lahat ng kagustuhan ni Ruth.
Kahit nagdadalamhati pa siya sa pagkamatay ng kanyang tiyahin, ay sinunod na lamang niya ang mga utos ni Agent Orange.
“Gamitin mo ito… Imaneho mo ang sasakyan ni Editha…” Saad ni Ruth sabay hagis ng susi kay Melissa.
Habang naglalakad sila patungo sa sasakyan ng kanyang tiyahin, ay nakatutok sa kanyang likuran ang samurai sword na hawak-hawak ni Agent Orange.
Nang makarating sa kotse ay agad sumakay ang magandang babae sa likuran at hindi nito nakalimutang itutok pa rin ang espada sa pamangkin ni Editha.
Mabilis na ipinaandar at minaneho ni Melissa ang sasakyan patungo sa opisina ng Programme.
Tahimik lamang si Ruth sa likuran habang nagmamasid kung tama ba ang dinaraanan nila patungo sa headquarters.
“Dapat nanatili ka na lamang patay…” Saad ni Melissa.
“Bakit? Para maisagawa ninyo ang maiitim niyang mga balak? Para makuha ninyo ang pinaglalawayan ninyong posisyon?” Sunod-sunod na tanong ni Agent Orange.
Hindi naman nakasagot si Melissa. Nais sana nitong ipahiwatig sa babaena nasa kanyang likuran ang matinding galit na kanyang nararamdaman dahil sa ginawa nitong pagbababoy sa kanilang angkan. Lalo na’t nasaksihan niya pa kung papaano pinugutan si Editha.
“Bakit hindi na lang ako ang pinatay mo?”
“Dahil kailangan pa kita. Ikaw at si Ryan… Pero huwag kang mag-aalala, dahil isusunod na rin kita kay Editha.”
“Anong kailangan mo kay Ryan?”
“Huwag kang magmadali Melissa, malalaman mo rin kung ano ang kailangan ko sa inyong dalawa.”
“Hayup ka! Hayup ka talaga! Nagkamali si Ryan sa ginawa niyang pagprotekta sa iyo!”
“Hindi natin kailangang mag-usap Melissa… Magmaneho ka na lang diyan para makarating tayo kaagad sa opisina.” Utos ni Agent Orange.
“Hayup ka! Hayup ka!!!” Pahabol na saad ni Melissa.
Hind na lamang kumibo si Ruth at hinayaan na lang niyang magsalita ang babaeng nasa kanyang harapan habang nasa biyahe.
Alam niyang pagbabayaran niya ng malaki ang ginawa niyang pagpugot sa ulo ni Editha, dahil sa namumuong galit sa puso ni Melissa para sa kanya.
Ngunit ito lamang ang tanging paraan upang maisagawa ang kanyang mga plano.
Ginamit niya si Melissa upang makapasok sa building ng Programme, dahil na rin sa mahigpit na seguridad sa headquarters.
Habang nasa elevator mula sa parking lot, ay nakatutok pa rin sa likuran ni Melissa ang samurai sword ng kanyang tiyahin.
Samantalang hawak-hawak pa rin ni Agent Orange ang kanyang jacket na naglalaman ng pugot na ulo.
Pasipol-sipol pa si Ruth habang hinihintay na makarating sa 21st floor ng gusali.
Maya-maya ay bumukas na ang elevator at naunang lumabas si Melissa.
Nagulat naman ang mga tao na nasa paligid, nang makita nilang muli si Agent Orange.
“Walang lalapit… Kung ayaw ninyong madamay sa gulong ito!” Saad ni Ruth.
Hindi naman kumikibo si Melissa at patuloy lamang itong naglalakad at sinusunod ang mga kagustuhan ng kanyang dating kaibigan.
“Dalhin mo ako sa konseho! Bilis!” Pautos na saad ni Agent Orange.
Naglakad ng diretso si Melissa patungo sa isang silid. Pilit nitong pinipigilan ang kanyang sarili kahit na nanggagalaiti na ito sa galit.
Binuksan nito ang pintuan ng silid kung saan naroroon ang mga matatandang konseho.
Nang tumambad sa mga ito si Melissa at nasa likuran niya si Agent Orange ay sabay-sabay na nagtayuan dahil sa takot ang mga matatanda, lalo pa’t may hawak itong espada.
Alam nila kung gaano kapanganib ito sa tuwing may hawak siyang sandata.
“Agent Orange?!! Buhay ka nga!!!!” Saad ng isang matandang miyembro ng konseho.
“Anong kapangahasan ito?” Tanong ng isa pang miyembro mula sa angkan ng Villamor.
Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa gitna, malapit sa mga lamesa at upuan kung saan naroroon ang lahat ng miyembro ng konseho.
Hindi rin naiwasan ng mga tao at empleyado ng Programme na pumasok sa silid dahil nais nilang saksihan ang mga gagawin ni Ruth.
Tinadyakan ni Ruth si Melissa at napadapa ito sa sahig.
“Alam kong alam ninyo kung ano ang kahahantungan ng isang taong hindi nagtagumpay sa isang kasunduang mula sa konseho!” Pasigaw na saad ni Agent Orange.
Hindi naman makasagot ang mga ito at napapalunok pa, habang inaantabayanan ang gagawin ng mapanganib na babae.
“Hindi nagawa ni Editha, at kahit ang mga traydor kong kaibigan na wakasan ang aking buhay… At dahil sa hindi nila ito napagtagumpayan, ay nararapat lamang na makatanggap sila ng parusa… Tama po ba?” Muling tanong ni Agent Orange.
“Ayon sa kasulatan, lahat ng kasunduan ng konseho ay binabalutan ng mga batas na naaayon sa Programme. Tama ka Agent Orange, at alam ni Editha ang kaparusahan sa mga hindi niya napagtagumpayang mga plano… At isa na doon ay ang dalhin ang ulo mo sa harap ng konseho…” Saad ng isang matandang miyembro mula sa angkan ng Santander.
“Nakakatuwang isipin na ang ulo ko ang nais dalhin dito ni Editha upang patunayang kaya niyang mamuno sa Programme… Ngunit, hindi siya nagtagumpay… at naririto ako… buhay na buhay!! Sa kabilang banda… Nais kong patunayan sa inyong lahat na ako lang ang nararapat sa posisyon bilang Country Director… Hindi lamang dahil ang angkan ko ang namuno ng ilang dekada, kundi dahil din sa dala-dala kong medalya…” Paliwanag ni Agent Orange sa harapan ng konseho.
Nagbulungan naman ang lahat ng empleyado ng Programme dahil sa pagkalito sa kung ano ang ibig sabihin at nais patunayan ni Ruth sa kanilang lahat.
Maya-maya ay dumating na rin si Myk at nagpumilit itong sumiksik upang makapunta sa bandang harapan.
Hindi siya makapaniwalang naroroon nga ang babaeng kanyang minamahal.
Ngunit nag-iba na ito ng anyo. Hindi na ito tulad dati, na inosente at hindi kayang gumawa ng kahit anong kasamaan.
Bumalik na nga si Agent Orange.
Bumalik na ang natutulog na halimaw sa katauhan ni Ruth.
“Anong ibig mong sabihin? Anong medalya ang mayroon ka upang makabalik bilang Country Director? Maaari mo bang ipaliwanag sa amin, sa harap ng konsehong ito at sa lahat ng mga taong naririrto sa silid?” Tanong ng isang matandang miyembro ng konseho mula sa angkan ng Havila.
Itinaas ni Ruth ang kanyang jacket at pinagulong ang ulo ni Editha Banks patungo sa kinaroroonan ni Melissa.
Agad namang napatili ang magandang babae nang humarap sa kanya ang pugot na ulo ng kanyang tiyahin.
Maging ang mga empleyado ay napahiyaw sa kanilang nasaksihan.
Napaatras naman ang mga miyembro ng konseho sa ipinakita sa kanila ni Ruth. Hindi nila inasahan na siya ang makakagawa sa isang kasunduang di napagtagumpayan ni Editha Banks.
Nanlaki naman ang mga mata ni Myk nang makita ang gumugulong na ulo ng kanilang kalaban.
Ngayon, nasigurado niyang hindi lang basta-basta ang kanyang pagbabalik sa Programme.
Alam niyang ibang bersiyon na ito ng babaeng kanyang iniibig.
Mas mapanganib.
Mas palaban.
Mas nakakatakot.
Mas halimaw.
Ang ikalawang bersiyon ni Agent Orange.
- Undo – Episode 12: Ctrl + End - December 17, 2024
- Undo – Episode 11: Page Up - December 10, 2024
- Undo – Episode 10: Ctrl + Home - December 3, 2024