Ikapitong Utos – Episode 27: Tatlo
By ereimondb
Pumapasok ang sinag ng araw mula sa labas ng bintana patungo sa mukha ng lalaking mahimbing na natutulog. Tahimik ang paligid at wala siyang ibang kasama sa loob ng silid, kung kaya’t napasarap ang kanyang tulog at hindi nito namalayang alas-otso na pala ng umaga.
Dahil sa tindi ng init ng sikat ng araw na tumatama sa kanyang mukha, ay dahan-dahan itong dumilat at animo’y nasisilaw sa liwanag, sabay balikwas mula sa kanyang pagkakahiga. Iginala niya ang kanyang mga mata at nakita muli ang kulay puting pader na silid.
Maya-maya pa ay ibinaling niya ang kanyang paningin sa bintana at di inalintana ang liwanag nitong dumadampi sa kanyang mukha.
Nakatingin sa malayo. Nakatanaw sa kawalan. Tanging ang kanyang paghinga lamang ang siyang nadidinig.
Nagitla naman siya nang bumukas ang pinto at pumasok ang kanyang tiyahin na may bitbit na plastic bag.
“Oh! Gising ka na pala. Kanina pa naihatid dito ang pagkain mo, heto’t lumamig na nga. Kumain ka na upang bumalik ang lakas mo.”
Tila hindi nakikinig ang lalaki sa mga sinasabi ng kanyang tiyahin.
“Sabi ng duktor, puwede ka na daw makalabas ngayon. Pero depende pa rin yan sa resulta ng tests. Kahit ano pa man, e kailangan mo pa ring magpalakas.”
Kinuha ng tiyahin ang plato na may kanin, ulam at prutas na nasa tray, at inilapit ito sa lalaki.
“Hindi pa po ako nagugutom.” Saad nito.
“Pero kailangan mong kumain.”
“Hindi po ako kakain.”
“Anak…”
“Bakit niyo pa po kasi ako idinala rito? Sana hinayaan niyo na lang ako.”
Ibinaba naman ni Susan ang tray na hawak sa lamesita at napabuntong hininga.
“Nabuhay ka dahil may dahilan. Mayroon ka pang kailangang gawin sa buhay mo.”
“Wala na po akong silbi! Sana hinayaan niyo na lang akong mamatay para tapos ang problema!”
Kahit hindi humaharap ang lalaki sa kanyang tiyahin ay ramdam nito ang kanyang matinding galit.
“Wala kang silbi? O ayaw mo lang harapin ang responsibilidad mo? May anak ka! Iyon ang silbi mo sa mundo.”
Hindi na napigilan ng lalaki na mapa-iyak at kusa nang tumulo ang kanyang luha.
“Hindi mo dapat ginagawa ito sa sarili mo. Hindi lang dahil kasalanan ito sa Diyos, kundi dahil may umaasa at nagmamahal pa sa iyo. Hindi ikaw ang may kamalian sa mga nangyari. Pero hindi ibig sabihin ay gagawa ka din ng masama para gumanti.”
“Putang ina nila! Magsama silang dalawa! Tangina!”
Pinunasan niya kanyang mga mata at humagulgol ito sa pag-iyak. Ito ay dahil sa magkahalong matinding galit at pagsisising nadarama.
“Isipin mo na lang ang anak mo. Iyon na lang ang isaalang-alang mo. Ipaglaban mo ang karaptan mo sa bata. Kunin mo ang anak mo.”
“Kukunin ko talaga ang anak ko. Ayokong mahawa siya sa kalaswaan at kahayupan nilang dalawa.”
Kinuha ni Susan ang bottled water na kanyang dala-dala, binuksan ito at ibinigay sa lalaki.
“Lumaban ka, ngunit daanin mo sa tamang paraan. Magpalakas ka. Hindi iyong ganyan na sumusuko ka na agad sa isang labang hindi pa nagsisimula.”
Uminom ng kaunti ang lalaki ng tubig at tila nahimas-masan na siya sa galit na kanyang nadarama.
“Nga pala. Hindi na daw sila maghahabla sa mga nangyari. Hindi na sila maghahabol ng kaso.”
“Ang kapal talaga ng mukha nila. Putang ina nila! Huwag siyang magkakamaling lumapit sa akin dahil mapapatay ko siya.”
“Tama na. Huwag ganyan. Isaayos mo muna iyang pag-iisip mo saka ka gumawa ng tama at legal na hakbang. Huwag ka nang maghiganti.”
Hindi na sumagot ang lalaki at agad bumalik sa kanyang pagkakahiga.
Ibinaling muli ang kanyang paningin sa may bintana at nakatanaw sa mga ulap na nasisilayan nito.
“Heto, kumain ka kahit prutas man lang, para magkalakas ka. Sa makalawa ang check-up mo para sa mga binti mo. Sabi ng duktor, mukhang may pag-asang makakalakad ka ulit.” Saad ni Susan habang binabalatan ang prutas na binili niya sa labas ng ospital.
“Sige po tiyang, ilagay niyo lang po diyan. Mamaya ko na iyan kakainin.”
Agad na inilapag ni Susan ang prutas sa platito. Nakatingin lamang siya sa lalaki at kahit awang-awa na ito sa kanyang pamangkin ay kailangan niyang magpapakatatag upang may masandalan ang lalaki at maliwanagan sa lahat ng mga nangyayari sa kanya.
Kahit matindi ang sikat ng araw na tumatama sa kanyang mukha, tila matatagalan pa itong makaalis sa kadiliman ng kanyang kahapon.
—
Noon.
Nagkaroon ng maliit na problema si daddy sa opisina nila. Sabi niya nahihirapan na siyang makisama sa may-ari ng kumpanya dahil sa anumalyang ginagawa nito.
Gustong-gusto na umalis ni daddy noon at magresign, pero alam kong nagpipigil lang siya at pilit na nagtitiis dahil hindi siya puwede mawalan ng trabaho.
Tanging si mommy lang ang nakakaunawa ng pinagdaraanan ni daddy at siya lang ang natatanging nagpapayo dito sa tuwing nag-uusap sila sa may sala namin. Ipinapaunawa niya kay daddy na intindihin na lang muna ang kanyang sitwasiyon at umiwas sa anumang gulo. Mas piliin na lang kung ano ang nararapat at mas tamang gawin sa mga panahong naguguluhan siya sa dami ng iniisip at problema.
Tahimik lang si daddy habang hawak ang isang bote ng beer. Ako naman ay nakaupo sa sahig at nilalaro ang isang kotse-kotsehan na pinaglumaan na ni kuya Michael.
Napapalingon ako sa tuwing sumasagot si daddy kay mommy.
At nadinig ko ang kanyang isinagot…
“Sa mga panahong ganito, mas madali ang magpaka-sama kaysa sa magpaka-buti.”
Hindi ko pa maunawaan noon ang mga katagang binitawan ni daddy, pero tumatak ito sa aking isipan. Dahil madalas ay mas pinipili ko pa ring maging mabuting anak at kapatid sa aming pamilya. Kaya kong itago sa sarili ko ang galit at selos sa tuwing naiiwan akong mag-isa at nakakaramdam ng pagpapabaya mula sa aming magulang.
Ngayon…
Naiintindihan ko na.
Dahil nararanasan ko ang tindi at pait ng pinagdaraanan ko sa buhay.
Habang nakatanaw ako sa may bintana ng aking kuwarto at pinapanood ang pagpatak ng ulan, mas lalo akong nakakadama ng poot at pagkalungkot.
Marami akong naiisip na mga masasamang bagay upang balikan ang aking asawa at ang aking kapatid.
At kahit anong mabubuting halimbawa na naipakita sa amin ng aming magulang, ay parang wala na itong epekto sa akin.
Mas lumalamang ang mga hindi magandang plano kaysa pairalin kung ano ang tama at makakabuti.
Hindi ko alam kung bakit pa ako nabuhay.
Hindi ko alam kung bakit pa ako nabigyan ng pangalawang pagkakataon.
Para ba maranasan ang ganitong klase ng buhay?
Para ba malaman ko ang ginawang pagtataksil ng aking asawa at kapatid?
Para ba maipamukha sa akin na hindi ako kilala ng aking nag-iisang anak?
Para ba maramdaman kong mas mahina na ako ngayon kaysa sa dati?
Kung kayo ang nasa kalagayan ko, malamang sumuko na rin kayo.
Sumuko na ako.
Dumating na sa puntong ayoko na talagang mabuhay pa.
Pero ang tibay ng baga ko.
Heto’t humihinga pa at muling nararamdaman ang pag-iisa ko ngayon.
Hindi ko alam kung dapat ko bang sisihin si tiya Susan kung bakit niya pa ako isinugod sa ospital. Dahil sa ngayon, mas pipiliin kong mawala na lang ng tuluyan.
Mas madaling gumawa ng masama. Mas madaling mag-isip ng kasamaan.
At pakiramdam ko ay doon na ako papunta.
Sinusubukan kong iwaksi at tanggalin sa isipan ko ang mga ganitong uri ng mga palano, pero hindi ko magawa.
Lalo akong nanggagalaiti sa galit.
Lalo akong nasusuklam.
Lalo akong nagagalit.
At sa bawat pagpatak ng ulan na tumatama sa salamin ng aking bintana, ay unti-unti kong nararamdaman ang aking kakulangan.
Embalido.
Hindi makalakad.
Pakiramdam ko ay wala na akong silbi.
Pakiramdam ko ay wala akong kalaban-laban para harapin ang bawat suntok ng tadhana.
Wala akong lakas.
Saan ako huhugot ng lakas?
At kahit kay Dr. Mendez ay unti-unti namg nawawala ang aking pagtitiwala.
Pinipilit niya ako maging mahinahon. Patuloy niya ako binibigyan ng pampakalma.
Pilit niya akong binibigyan ng pag-asa sa mga salitang kanyang binibitiwan sa akin.
“Don’t worry Mr. Alcantara, may chance pa namang makalakad ka ulit. Upon continuous therapy session, ay hindi malabong maibabalik natin yang kakayahan mo. Just think positively, at alam kong kakayanin mo din ito.”
Napakadaling sabihin. Napakahirap gawin.
Hindi ko magawang ngumiti.
Hindi ko magawa maging positive thinker.
Patawarin ako pero hindi ko talaga kayang magpakatao.
“Alam kong magiging isang malaking challenge ito para sa inyo Mr. Alcantara, at iminumungkahi ko rin na puntahan mo ang mga sessions for psychological and emotional trauma with Dra. Chua. Makakatulong din kung unti-unti kang mag reach out sa mga dati mong kasamahan sa trabaho at kaibigan mo para magkaroon ka ng bagong environment. I know this will take time, and we are not even talking of days or weeks. But having a positive outlook in life would really help you recover.” Saad sa akin ni Dr. Mendez.
Hindi ko na rin kinontra ang mga sinabi niya sa akin. Hindi na lang ako umimik.
Alam ko naman kasing ginagawa niya lang ang trabaho niya.
At hindi niya nararamdaman at nararanasan ang pinagdaraanan ko ngayon.
Kaya pagkatapos niyang magbigay sa akin ng payo ay agad kong sinabihan si tiya Susan na umuwi na lamang kami.
Gusto pa sana nilang pumasyal kami sa isang park malapit sa ospital, pero talaga wala akong gana. Sinusunod naman ng aking tiyahin ang mga kagustuhan ko, kung kaya’t agad kaming nakauwi sa bahay at maaga akong nakapagpahinga.
Lagi kong ipinagdarasal na sana paggising ko ay okay na ang lahat. Gusto ko ring isipin na isa lang palang bangungot ang nangyayari sa akin ngayon.
Pero hindi…
Dahil bawat paggising ko at gusto kong umihi, ay kailangan ko pang gumamit ng catheter. Na paggising ko ay hindi ko pa rin maigalaw ang mga binti ko. At ang masaklap pa ay mag-isa lang akong natutulog sa kuwarto. Wala si Linda, at wala si Jacob.
Sa halip na ngitian ko ang bawat pagsikat ng araw, ay madalas luha ang pumapatak sa aking mga mata.
“Francis? May mga taong gustong dumalaw sa iyo… Gusto mo ba silang harapin?” Mahinang tanong sa akin ni tiya Susan.
“Sinong bisita?”
“Kasamahan mo raw sa dati mong trabaho…”
Ayoko sana munang kumausap ng kahit sinong tao.
Pero hindi ko kayang umiling kay tiya Susan.
Naisip ko rin na baka tama nga si dok, at baka makatulong sa akin ang makipag-usap sa mga dati kong kakilala at kaibigan.
Kaagad akong tinulungan ni tiya Susan na magbihis at magpalit ng malinis at maayos na damit. Sinuklayan niya ang medyo mahaba ko nang buhok. Hindi ko pa magawang magpagupit mula nang ako ay na-koma. Bakas din ang kapayatan ng aking mukha at paglubog ng aking mga mata.
Nang handa na’y tuluyan na akong inilabas ni tiya Susan ng kuwarto. Habang tinutulak niya ako sa aking wheelchair ay nagdadasal ako at umaasang makakuha ako ng inspirasiyon at bagong pananaw sa buhay pagkatapos kong harapin ang mga bisita ko.
“Francis?!”
“Francis!!!!”
Sinubukan kong ngumiti kahit kaunti lang.
Nilapitan at halos kuyugin nila ako sa aking wheelchair.
Naramdaman ko pang may isang bisita na nagnakaw ng halik sa akin sa sobrang lungkot o tuwa… hindi ko na alam.
“Francis… grabe… nabalitaan lang namin ang nangyari sa iyo…”
“Mabuti na lang at kinontak ako ng misis mo, kundi ay hindi namin malalaman ang kalagayan mo.”
Misis ko?
Napalingon ako kay tiya Susan. Mabilis naman siyang umiwas sa akin at naglakad papunta sa may kusina.
Alam kong ang tiyahin ko ang may pakana nitong lahat, at maaaring nakipagkuntsabaan siya kay Linda upang matawagan ang mga dati kong kasamahan at kaibigan.
“Pare… ayos ka lang ba?” Tanong sa akin ni pareng Dennis.
“Ano sa tingin mo Dennis? Ikaw kaya pilayan ko at paupuin sa wheelchair sa tingin mo magiging ayos ka?” Biro ni ma’am Shiela sa kanya.
Napakamot naman sa kanyang ulo si Dennis dahil sa pagbasag sa kanya ng aming dating team leader.
Doon lang ako napatawa ulit.
Natawa ako at talaga namang na-miss ko silang lahat, lalo na ang mga kulitan namin.
Maya-maya ay may humawak sa aking kamay. Sinundan ko kung sino ang nagmamay-ari ng kamay na iyon at nakita ko si Sky. Nakangiti siya sa akin.
“Kamusta ka na?” Maikli niyang tanong sa akin.
“Okay okay naman na ang pakiramdam ko. Salamat… Salamat sa inyong lahat.”
Tila napaluha naman si Sky at agad itong lumayo sa akin papunta sa likuran ni Dennis.
“Ooops! Di ba usapan walang iyakan dito? Hehehe…” Pang-aasar ni Dennis kay Sky.
Napangiti na lamang ako. Natutuwa talaga ako at naririto sila sa harapan ko ngayon.
Nag-aalala sila sa kalagayan ko.
Kinulit-kulit nila ako.
Binuhat pa nila ako papunta sa sofa para makaupo ng maayos at normal.
Habang ang isa naming kasamahan ay sinusubukan ang wheelchair ko.
Tawanan lang ng tawanan.
Tama nga si dok.
Doon ako nagsimulang magpasalamat na buhay pa ako, dahil sa mga kaibigang mayroon ako.
Unti-unti na akong naliliwanagan. Unti-unti na ako nakakakita ng pag-asa.
“So ano nang plano mo?” Tanong ng dati kong boss sa akin.
“Madami pa akong mga sessions para sa physical therapy. Sabi naman ni dok na malaki ang posibilidad na makakapaglakad ako ulit.”
“Ahhh… Dito ka lang sa bahay niyo?”
“Hmmm… Hindi ko pa alam eh… hindi ko alam kung may tatanggap pa sa aking trabaho.”
“Bakit hindi? Sa talino mong yan marami ka pang makukuhang trabaho. And you know Francis, alam naman ng General Manager ng Customer Service Department ang nangyari sa iyo. I think matutulungan ka naming makabalik sa trabaho.”
Hindi ako kaagad naka-react sa sinabi sa akin ni ma’am Shiela. Parang unti-unting pumapasok sa aking tenga ang mga salitang sinasabi niya hanggang sa tuluyan ko na itong naunawaan.
Hindi lang siguro ako makapaniwala sa mga sinabi niya sa akin.
“Oo nga tol balik ka na lang sa amin.” Saad ni Dennis.
“Tama sila Francis. Balik ka na lang.” Nakangiti nang saad ni Sky.
Napabuntong hininga ako. Pilit kong ina-absorb ang lahat ng ipinapayo at sinasabi nila sa akin.
“SIgurado ba kayo? Hindi na ako tulad ng dati… heto nga’t hindi pa ako lubusang magaling.” Sagot ko sa kanilang lahat.
“Francis, hindi ka lang nakakalakad sa ngayon. At ang importante naman sa trabaho ay yung abilidad mo sa customer service. Bilib na bilib sa iyo mga bossing natin, and they might offer you a Team Leader position. Hindi mo naman kailangang gamitin ang mga paa mo sa trabaho, I mean, they need your beautiful mind and your commitment.” Paliwanag sa akin ni ma’am Shiela.
Doon ako nakaramdam ng kurot sa aking puso.
Napayuko ako at hindi ko na napigilang mapaiyak.
Ayoko sanang ipakita sa kanilang umiiyak ako, pero hindi ko talaga kayang itago dahil sa ligayang nadarama ko.
Hinaplos ni Sky ang bandang likuran ko at alam kong pati sila ay umiiyak kasama ko.
Alam ko… dahil mabababaw din ang mga luha nila.
“Salamat… Maraming salamat… Hindi niyo alam kung gaano kalaking epekto ang nagawa ninyo sa akin ngayong araw na ito…” Saad ko sa kanila habang humahagulogol.
Puro tunog ng pagsinghot lamang ang nadidinig namin sa sala. Walang umiimik sa mga bisita ko.
Ilang minuto kaming walang kibuan.
Tahimik ang lahat.
Hanggang sa may nadinig kaming may kalakasang tunog.
Tunog ng nagugutom na sikmura.
“Sorry guys… hindi kasi ako nag-almusal kanina… Hehehe…” Biro ni Dennis.
Muli nanaman kaming nagtawanan. Pari kaming mga baliw na umiiyak at nagtatawanan.
Ganito nga siguro ang totoong pagkakaibigan… mga totoong tao… mga totoong nag-aalala para sa iyo.
Salamat. Salamat talaga sa kanilang lahat na bumisita sa akin.
Handa na ako.
Handa na akong magbago.
Handa na akong bumalik sa kung sinong totoong ako.
Sa totoong Francis… Francis Alcantara.
—
December 23, 2011
Lumipas ang halos dalawang buwan, ay malaki na ang pagbabagong nakikita sa akin ng mga doktor. Puspusan pa rin ang aking physical therapy upang makalakad muli. Ngunit ipinapaalala sa akin ni Dr. Mendez, na may mga bagay na hindi ko na magagawa tulad ng dati. Isa na doon ay ang makatakbo ng matulin at ang mahahaba-habang pagja-jogging sa umaga.
Pero okay lang iyon sa akin. Ang mahalaga ay ang makatayo ako at makahakbang ulit.
Hindi naging madali ang bawat sessions.
May mga araw na talagang napapaiyak ako dahil sa frustration. Gusto kong sukuan, gusto kong mag-give up.
Ngunit hindi ako sinusukuan ng therapist ko. Siya pa ang nag-eencourage sa akin na mag-focus lang. Pasasaan din at maibabalik ko sa normal ang aking paglalakad.
At siyempre, umaasa akong dumating ang araw na iyon. Ang araw na makakalakad ako ulit.
Mga bandang hapon ay nakauwi na kami ni tiya Susan sa bahay.
Sobrang pagod ako sa physical therapy ko kanina at gusto ko na lang matulog at makapagpahinga.
Kung kaya’t agad akong tinulungan ni tiya Susan na makahiga sa aking kama.
Habang sarap na sarap ako sa pagtulog ay bigla akong nakadinig ng mga boses sa may labas ng kuwarto ko. Agad akong napadilat at bahagyang pinapakinggan kung sino ang kausap ng tiyahin ko.
Maya-maya ay biglang pumasok si tiya Susan sa aking kuwarto.
“Anak, inaantok ka pa ba? May bisita ka kasi sa labas eh.”
“Ho? Sino po?”
“Basta… May bisita ka…”
Takang-taka ako sa ikinikilos ng tiyahin ko, kung kaya’t hinayaan ko siya na tulungan akong makapunta sa aking wheelchair.
At habang dahan-dahan niya akong itinutulak papalapit sa sala ay may nakikita akong isang bata na naglalaro ng kanyang kotse-kotsehan sa sahig.
“Manganganak na kasi si Linda kaya inihatid siya ng lola niya dito. Hehehe…” Saad ni tiya Susan sabay kindat sa akin.
Alam kong ipinuslit lamang ang anak ko dito sa bahay para makasama ko habang nanganganak ang aking asawa.
Gusto kong mainis sa katotohanang manganganak si Linda dahil sa kagaguhan ng kapatid ko, ngunit mas minabuti kong maging kalma dahil nasa harapan ko naman si Jacob.
Blessing in disguise, ika nga.
Dahan-dahan akong lumalapit sa kinaroroonan ng anak ko. Nakatingin at nakatitig lang ako sa kanya. Tahimik lang siyang naglalaro habang nakasalampak sa sahig.
Maya-maya ay napatingin siya sa akin. Hindi ko alam ang gagawin ko, kung kaya’t nginitian ko na lang si Jacob.
“Can you give me a glass of water… please?” Saad ng maliit na bata.
Inglisero pala ang anak ko.
Langhiya, mapapalaban yata ako sa inglisan.
“Y-yes. S-s-sure.” Sagot ko sa kanya.
Mabilis kong inikot ang gulong ng aking wheelchair at nagpunta sa may kusina. Pinilit kong abutin ang lalagyan ng baso namin at binuksan ang refrigerator upang kumuha ng tubig. Napalingon ako sa may bandang gilid ko at nakakita ako ng powdered juice drink.
“Jacob… Do you want some orange juice instead of water?” Pasigaw na tanong ko sa kanya.
Maya-maya ay tumakbo siya papalapit sa kusina.
“Yes… Please…” Sagot nito.
Nataranta nanaman ako at agad kong kinuha ang lalagyan ng orange juice namin. Ipinagtimpla ko siya at siniguradong tamang-tama lang ang nagawa ko.
Hanggang sa iniabot ko sa kanya ang baso at pinanood ko siya habang iniinom ito.
Parang uhaw na uhaw ang anak ko.
Tuwang tuwa ako at ang sarap sa pakiramdam dahil kahit papaano ay napagsilbihan ko si Jacob.
“Thanks po.” Saad nito nang maubos ang iniinom na orange juice. Inilapag niya sa lamesa ang baso at agad tumakbo pabalik sa may sala namin.
Hindi ako makagalaw.
Kaagad bumuhos ang mga luha ko.
Lintek!
Ngayon lang ako nakadama ng totoong kaligayahan. Iba pala ang pakiramdam na may nagawa at naipakita kang tama para sa anak mo.
Hinihinaan ko ang pagsinghot ko dahil ayokong madinig ako ni Jacob na umiiyak.
Pinilit kong patahanin ang sarili ko at agad pinunasan ang luha at uhog ko.
Nilapitan ko ulit si Jacob sa may sala at pinanood lang siya habang naglalaro.
Noong nakaraang buwan ay kumunsulta na ako sa isang abogado upang mapunta sa akin ang kustodiya ng aking anak. Sinabi niya sa akin na hindi biro ang pagdaraanan naming lahat habang ipinaglalaban ko ang karapatan ko kay Jacob. At puwedeng makasama o makabuti ito para sa aming anak, dahil sa hindi maiiwasang emotional trauma habang inililitis ang aming kaso.
Sa edad ngayon ni Jacob, mas papanigan ng husgado na mapunta kay Linda ang kustodiya niya. At ang tanging laban ko lamang ay ang mapatunayang hindi mabuting asawa ang babaeng aking pinakasalan.
Napakadaling patunayan. Alam kong magiging madali para sa akin na patunayan ang ginawang kasalanan ni Linda.
Pero ngayon, habang pinapanood ko kung gaano kapayapa ang kalooban ni Jacob habang naglalaro, ay hindi ko siya kayang bigyan ng kahit anong stress o trauma. Natatakot akong lalong mapalayo ang damdamin niya sa akin. Natatakot akong magmukhang masama sa anak ko.
Dahil ako ang bagong salta sa buhay nilang mag-ina.
Ngayon niya lang ako nakita ng harapan at personal. At sino ba ako para pahirapan ang damdamin ni Jacob sa mura niyang edad?
Hindi ko kaya. Hindi ko yata kaya.
Maya-maya ay bigla siyang lumapit sa akin. Natanggal kasi ang isang gulong ng kanyang kotse-kotsehan.
Malugod ko namang tinanggap ang gusto niyang ipagawa sa akin, at habang inilalagay ko ang gulong ay pumunta siya sa may harapan ko at halos magpakalong ito sa akin. Gusto niya raw panoorin kung papaano ko ibinabalik yung gulong, para daw next time na masira ito ay marunong na siyang magkabit nito.
Nang tuluyan nang naayos ang laruan niya ay agad itong bumalik sa pagkakasalampak niya sa sahig at muling naglaro.
Hindi ko pinalampas ang araw na ito. Talagang bawat oras, bawat minuto at bawat segundo ay nakatuon lang ang aking atensiyon para kay Jacob.
Tinulungan ko pa si tiya Susan na maghain ng kakainin ng anak ko. Mabuti na lamang at hinahayaan ako ng aking tiyahin na gumalaw sa kusina. Gustong gusto ko kasing mapagsilbihan si Jacob.
Magana kumain ang anak ko, at wala itong arte sa kung ano ang kanyang ulam.
At kahit pa nagsasalita ito ng ingles, ay kitang-kita na napalaki siya ng maayos, magalang at marespeto.
Isang aspeto na hindi ko kayang isumbat kay Linda. Isang aspeto na hindi ko kayang pasinungalingan sa harap ng husgado.
Ikinuwento din niya sa amin ni tiya Susan ang galing nito sa kanilang eskuwelahan. Sinasali daw siya ng kanyang teacher sa mga spelling bee at math quiz bee. Ganoong-ganoon din ako noong bata ako. Kuhang kuha nga niya ang kasipagan ko sa pag-aaral. Pero para sa akin, mas matalino itong si Jacob.
Pagkatapos naming maghapunan ay pinatulog na siya ni tiya Susan sa kanyang kuwarto. Tatabihan na lang niya ito upang maluwag-luwag daw ako sa aking higaan.
“Tiya… May balita na ba kay Linda?”
“Oo, iho. Lalaki ulit ang anak ng as… ni Linda.”
Sandali akong natahimik nang madinig ko ito. Masaya na rin ako dahil nakapanganak ng maayos ang asawa ko.
“Na-ceasarian si Linda, kaya baka sa 25 pa siya makakalabas ng ospital.”
“Talaga tita? So ibig sabihin, hanggang bukas pa dito si Jacob?”
“Oo iho… Susunduin siya ng nanay ni Linda sa kinaumagahan ng beinte-singko.”
Lalo akong natuwa.
Dahil mas matagal ko pang makakasama ang anak ko.
Halos hindi ako makatulog sa kakaisip kung ano ang puwede kong gawin kinabukasan.
Bisperas ng Pasko.
Wala akong kaplano-plano noon, at wala rin kaming biniling mga regalo.
Halos alas-kuwatro na ng umaga ako nakatulog dahil sa kakaisip.
Kinabukasan, ay kinatok ako ni tiya Susan.
Mag-aalas-nuwebe na ng umaga.
Shit!
“Nasaan si Jacob? Naandito pa ba ang anak ko?”
“Oo iho, sumama siya sa akin kanina sa palengke. Bumili ako ng ihahanda natin mamaya sa noche Buena.”
“Talaga tita? Salamat… Maraming Salamat.”
“Sige na, maligo ka na at nasa sala ang anak mo.”
Mabilis akong nag-ayos ng aking sarili. Excited na excited akong harapin ang bagong araw na ito.
Pasipol-sipol pa ako habang naglalagay ng gel sa buhok ko.
Nang handa na ako ay agad akong lumabas ng kuwarto at pinuntahan si Jacob.
Nakita ko siya hawak-hawak ang kanyang robot. Napatingin ulit siya sa akin at mabilis niya akong nilapitan.
“Look at this… I fixed my toy and put back its head. Hehehe” Nakita ko ang magandang ngiti ng anak ko.
“Very good Jacob.”
“Hmmm… I wanna go home…” Saad nito.
Hindi ko naman alam ang mararamdaman ko nang madinig ko ito mula sa kanya. Pero naiintindihan ko namang namimiss niya na din si Linda.
“Don’t worry, your lola will fetch you tomorrow morning.”
“Where is mommy?”
Paano ba ito? Mukhang dudugo talaga ang ilong ko sa anak ko.
“Your mom just gave birth… You already have a baby brother?”
“Really?! Yes!!!”
Nakita ko ang kagalakan sa mga mata ni Jacob. Alam kong inosenta ang mga bata sa mga kasalanang nagawa ng kanilang mga magulang.
“So right now, your mom needs to rest so she could take care of you and your baby brother.”
“Okay po… I want to take good care of my baby brother too…”
Natahimik ako.
Hindi ako nakaimik sa sinabi ni Jacob.
Tila alam niya ang obligasyon ng isang kuya.
Isang bagay na hindi ko naranasan sa sarili kong kapatid.
Nginitian ko na lamang siya at pinanood habang ito ay naglalaro.
Katulad kahapon ay maliksi kong pinagsilbihan ang aking anak. Ako na din ang nagpapalit ng damit niya sa tuwing pinagpapawisan ito sa kakatakbo, akyat-panoog ng aming hagdanan.
Hanggang sa sumapit na ang oras ng Noche Buena.
Dahil siguro sa sobrang pagod ay hindi na nagawa ni Jacob na magising at magpakapuyat hanggang alas dose ng madaling araw.
Kami na lamang ni tiya Susan ang kumain habang si Jacob ay nakahiga sa may sofa , yakap-yakap ang kanyang laruang robot.
Maya-maya ay nilapitan ko ang aking anak at marahan ko itong hinalikan sa kanyang pisngi.
“Merry Christmas Jacob… Mahal na mahal ka ni daddy.” Bulong ko sa kanya habang hinahaplos ang kanyang buhok.
Binuhat naman ni tiya Susan ang anak ko upang ilipat sa kanyang kuwarto.
Nakiusap ako sa kanya na sana sa kama ko na lang matutulog si Jacob.
Hindi na lang ako tatabi sa kanya at mananatili ako sa aking wheelchair.
Sobrang sarap sa pakiramdam.
Kasama ko ang aking anak sa araw ng pasko.
Kasama ko ang pinakamahalagang tao sa aking buhay.
Wala na akong mahihiling pa.
Ito na ang pinakamasayang Pasko sa tanang-buhay ko.
At lalo akong ginanahan upang makabalik sa dating ako.
Muli ako nagkaroon ng pangarap na buhayin at bigyan ng magandang kinabukasan ang aking anak.
Hindi ako natulog. Binantayan ko si Jacob buong gabi.
At talagang hindi ko ipagpapalit ang araw na ito sa kahit anong bagay sa mundo.
Salamat… Salamat sa araw na ito.
—
March 2012
Unti-unti nang bumabalik sa normal ang buhay ko.
Nakakapasok na ako muli sa trabaho at kahit hirap na hirap pa ako gamit ang aking wheelchair papunta sa trabaho, ay talagang tinitiis ko ito at nilalakasan ang aking loob.
Masaya ako dahil tinanggap ako muli sa trabaho.
Mayroon na akong sariling team, at medyo mataas naman na ang aking sahod.
Gusto ko ulit makaipon para sa pag-aaral ni Jacob.
Alam kong dapat ko pa ring ituloy ang obligasyon ko sa aking anak, lalo pa’t masigasig ito at consistent na honor student sa kanilang eskuwelahan.
Kailangan kong magsumikap.
Kailangan kong maibalik ang kasipagan ko.
At hindi hadlang ang sitwasyon ko ngayon upang huwag ituloy ang mga nakabinbing mga pangarap.
Kaya ko ito.
Makakabangon ulit ako.
Hanggang isang araw, ay nakatanggap ako ng isang hindi inaasahang bisita.
Si Linda.
Nagpunta siya sa aming bahay upang kausapin ako.
“Kamusta ka?” Paunang katanungan nito.
“Ayos lang.” Maikli kong sagot.
“Mabuti naman…”
Kitang-kita sa kanyang mga mata ang matinding kalungkutan.
Alam kong hanggang ngayon ay nagsisisi ito sa kanyang nagawang kasalanan sa akin.
“Bakit naandito ka?” Diretso kong tanong sa kanya.
“Gusto lang kitang dalawin at kamustahin.”
“Buhay pa naman ako. Buhay na buhay…”
Maya-maya ay napayuko ito at kusang tumulo ang kanyang mga luha.
“Francis… Hindi mo alam kung gaano ako nagsisisi ngayon sa mga kasalanan ko sa iyo. Patawarin mo ako sa mga pagdududa ko sa iyo noon. Kasalanan ko kung bakit naitanim sa puso at isipan ko ang mga walang kuwentang pagseselos.”
Hindi naman ako maka-imik. Parang manhid na manhid na ako sa mga sinasabi niya sa akin.
“Gusto ko din humingi ng kapatawaran sa nangyari sa amin ng kapatid mo… At kahit araw-arawin kita upang matanggap mo ang paghingi ko ng kapatawarang, ay gagawin ko…”
Tahimik pa rin ako at hinahayaan ko lang siyang maglitanya ng kanyang mga nagawang kasalanan sa akin.
“Umaasa ako na pagdating ng panahon ay mapatawad at matanggap mo ulit ako. Mahal na mahal kita Francis… Mahal na mahal…”
“Kalokohan…” Matigas kong saad sa kanya.
Maya-maya ay tumayo ito at dahan-dahang naglakad patungo sa pintuan ng aming bahay.
“Kaya ko pa siguro patawarin ka… Pero alam kong, alam mo na matatagalan pa yun…”
“Alam ko… Alam ko…”
“Linda…”
Napigilan ko siyang makalabas ng bahay at napalingon siya sa akin.
“Kung gusto mong tuluyan kitang mapatawad, ay bumalik kayo ni Jacob dito sa bahay. Iwan mo si kuya Michael at dito na lang ulit kayo tumira kasama ko.”
Hindi ko alam kung tama o mali ang aking mga sinasabi sa kanya ngayon.
Ang alam ko lang ay gusto kong makasama ang aking anak.
Maya-maya ay unti unting lumalapit sa akin si Linda, at lumuhod ito sa aking harapan.
Ayoko man ng kanyang ginagawa ngayon, ngunit hindi ko na siya napigil pa.
“Babalik kami ni Jacob… Kung tatanggapin mo ulit si Michael dito sa bahay…”
Tangina!
Nabigla ako sa kundisyong sinabi niya sa akin.
“Anong pinagsasasabi mo? Wala kang karapatang magbigay ng kundisyon, dahil ikaw ang may kasalanan sa akin.”
“Francis… Hindi ko kayang iwan si Michael.”
“Lumayas ka na… Huwag ka nang magpapakita sa akin…”
“Francis…”
“Umalis ka na!”
“Francis… Bumalik ang cancer ni Michael… at ako na lang ang tanging nag-aalaga sa kanya ngayon. Kaya hindi ko siya kayang iwanan… Kailangang-kailangan niya ng makakasama… Kailangang-kailangan ka ng kapatid mo.”
Natulala ako…
Hindi ako makasagot.
Kailan ko nga ba huling kinamusta ang kapatid ko?
Kailan ko ba huling nakita si kuya Michael?
Tama.
Noong sinugod ko silang dalawa ni Linda para kuhanin ang anak ko.
Parehong araw na sinabihan kong “sana ay mamatay na lang siya”.
Hindi ko sinasadya. Kusa na lang ding lumabas ito sa aking bibig dahil sa matinding galit.
Pero ngayon…
Bakit nasasaktan pa rin ako sa kabila ng kahayupang ginawa nila sa akin?
Bakit pakiramdam kong ako pa rin ang may malaking nagawang kasalanan sa kanilang dalawa?
Hindi ako nakatulog. Nasa isipan ko ang kundisyon ni kuya Michael.
Kahit anong mangyari ay kapatid ko pa rin siya.
Kahit pagbalik-baliktarin pa ang mundo, siya pa rin ang kuya ko.
Dugo’t laman.
Kinabukasan ay lumiban ako sa pagpasok sa aming opisina.
Ito ay para dalawin si kuya Michael sa ospital.
Nanginginig ako.
Natatakot…
Parang hindi ko siya kayang harapin.
Naglalaban ang poot at awa sa aking puso.
Hanggang sa nakita ko si Linda na nakaupo sa harap ng kuwarto ng aking kapatid. Tila hinihintay nito ang aming pagdating.
Hindi ko pinansin si Linda, sa halip ay agad kaming tumuloy sa pribadong silid ni kuya Michael.
Puta!
Nag-iba ang itsura niya.
Sobrang payat.
Lubog ang mga pisngi.
Hindi ko makilala ang aking kapatid.
Gusto kong tumalikod papalayo at papalabas ng ospital.
Pero hindi ko kaya, dahil tanging si tiya Susan lamang ang nagtutulak ng wheelchair ko.
“Michael… Michael… naandito kapatid mo… naandito si Francis…” Mahinang saad ni Linda sa aking kapatid. Tila nanghihina pa ito dahil sa likidong nakaturok sa kanya.
“Pasensya na kayo, katatapos lang kasi ng gamutan niya… Kaya nanghihina pa si Michael.” Saad ng aking asawa.
Maya-maya ay marahang ibinuklat ni kuya Michael ang kanyang mga mata. Ibinaling nito ang kanyang mga mata sa akin.
At agad itong umiyak…
Humagulgol..
“Kambal… Kambal…. Kambal…. Kambal…”
Namimilipit ito dahil sa tindi ng nararamdamang niyang sakit at kalungkutan.
Para namang mahuhulog ang puso ko at tanging ako lamang ang kanyang tinatawag.
Nakita ko rin si Linda na umiiyak at agad itong lumabas ng silid. Iniwan din kami ni tiya Susan upang makapag-usap kaming magkapatid.
Agad kong hinawakan ang mga kamay ni kuya Michael.
Hindi ko na makuntrol ang pagbuhos ng aking mga luha.
“Kuya… Kuya… ano ba itong nangyari sa ating dalawa?”
“Tangina kambal… tarantado kasi ang kuya mo…”
“Kuya… kapit ka lang, naandito na ako…”
“Patawarin mo ako kambal… Sana mapatawad mo pa ako kambal…”
“Magpagaling ka kuya… gusto kong gumaling ka…”
“Hindi na kambal… Hindi na ako gagaling… nararamdaman kong malapit na ako…”
“Kuya… Please… magtulungan ulit tayo… para gumaling at bumuti ang kalagayn mo…”
Gusto kong yakapin ang kuya ko.
Kitang kita ko ang mga braso niya na sobrang payat.
Sa halos ilang buwan na hindi kami nagkikita at nagkakausap.
Sa halos ilang buwang sinusumpa ko na sana’y mamatay na siya.
Sa halos ilang buwang nag-iisip ako ng kung anong masamang bagay na sana ay sapitin niya.
Ay hindi ko akalain na mabubura na lang ang lahat ng galit sa aking puso.
Nagkamali ako.
Nagkamali din ako.
Alam kong may nagawa akong hindi maganda para sapitin ko ang kalagayan ko ngayon.
Nagsinungaling ako sa asawa ko.
Nagtanim ako ng galit sa kapatid ko mula pa noong bata kami.
At ang tanging hinangad ko lang, kahit noon pa man, ay ang higitan at kaiinggitan ako ni kuya Michael.
Ako ang may totoong masamang puso.
Ako ang naging kontrabida sa kapatid ko.
“Patawarin mo rin ako kuya… dahil hindi ko natupad ang pangako ko kina mommy at daddy na alagaan ka… patawad…”
“Wala kang kasalanan kambal… Hindi mo ito kasalanan… Nararapat lang ito sa akin… Nararapat ko lang itong danasin…”
“Kuya…”
“Patawad kambal… Ako ang patawarin mo…”
Ang sakit sa dibdib.
Ang sama sa kalooban.
At sinusumpa kong mapapahaba ko pa ang buhay ng kapatid ko.
Gagawin ko ang lahat upang makasama pa siya ng matagal-tagal.
—
“Nagkaroon ng reccurance ang lymphoma ni Mr. Alcantara. Ang tanging magagawa nating sa ngayon ay ang magsagawa ng surgery procedure para sa gastrointestinal tract lymphoma niya. Kailangan kasi nating tanggalin ang tumor sa kaniyang katawan para hindi ito makapa-apekto sa iba pang internal organs niya.Then right after that, we will continue his radiotherapy or chemotherapy. Ito kasi ang mag-aassist after surgery at ma-enhance ang therapeutic effect sa kanyang kalagayn. The cancer also needs to be re-staged again. Francis, wala akong maibibigay na kasiguraduhan kung malalagpasan pa ng pasiyente ito, and we will do everything that we can para humaba pa ang buhay niya.”
Ito lamang ang naipaliwanag sa akin ng doktor.
Alam kong napakarami pang dapat pagdaanan ni kuya Michael.
Pero talagang gusto kong gumaling ang kapatid ko.
Buo ang loob ko na tulungan siyang makabawi ulit.
Ako na mismo ang nagbigay ng hudyat sa doktor na maisagawa ang surgery para tanggalin ang tumor kay kuya Michael.
Kahit nanghihina pa ako ay pinilit ko ang aking sariling maging matatag.
Habang inihahanda ang kanyang katawan bago dumating ang araw ng surgery ay patuloy ako sa pagtatrabaho at sa mga physical therapy sessions ko.
Saksi din ako sa ginagawang pangangalaga ni Linda sa aking kapatid.
Hindi mo matatawaran ang mga sakripisyo ng babaeng pinakasalan ko.
Bumalik sa aking alaala ang mga panahong nasa Singapore ako, at tanging siya lamang ang masasandalan ni kuya Michael habang nagki-chemotherapy.
Wala akong masasabi sa ginagawang pangangalaga ni Linda sa kanya.
Siya ang umaalalay dito sa tuwing sumusuka si kuya Michael. Siya din ang tumutulong sa pagpapainom ng kanyang mga gamot.
Ang tanging kaya ko lang gawin sa ngayon ay suportahan si kuya Michael at panoorin ang aking asawa habang pinagsisilbihan ang kapatid ko.
Masakit… pero wala akong magagawa.
Alam kong mas nasasaktan si kuya Michael sa bawat paghapdi ng kanyang sikmura at dumadaing sa sobrang sakit.
Pikit-mata ko na lamang pinagdaanan ang lahat. Nagbulag-bulagan ako upang malagpasan ang mga paghihirap na ito sa aking kalooban.
At ang isa ko pang tanging magagawa ay ang magdasal.
Palagi akong nasa chapel ng ospital para ipagdasal ang kalagayan ng kapatid ko.
Halos malimutan ko na ang sarili kong pinagdaraanan dahil sa tindi ng pag-aalala ko kay kuya Michael.
Hanggang sa tumabi sa akin si Linda at hinintay niya akong matapos sa aking binibigkas na panalangin.
“Alam kong hindi madali para sa iyo ang lahat ng ito Francis, pero nagpapasalamat ako at naandito ka kasama namin…”
“Kapatid ko siya Linda… At alam kong may pananagutan ako sa kanya… Kahit ano pang ginawa niya sa akin…”
“Sinubukan kong lumayo… Sinubukan kong takasan si Michael… Pero hindi ko kayang gawin… Hindi ko kayang iwanan siya sa ganyang kalagayan…”
“Ano bang nagawa ko sa buhay ko Linda, para danasin ang lahat ng paghihirap na ito? Pakiramdam ko kasi wala akong nagawang tama, kung kaya’t bumabalik sa akin ang lahat ng masasamang karma…”
Hinawakan ni Linda ang mga kamay ko at marahan nitong hinaplos sa kanyang pisngi.
“Hindi Francis… Nadamay ka lang sa mga kasalanan at kamalasan namin… Kung akala mo ay mabigat na yang nararamdaman mo, isipin mong sampung beses ang hirap at sakit ang nararanasan namin ni Michael… Hindi ako puwedeng magreklamo… Hindi ko puwedeng sisihin ang Diyos… Dahil alam kong may mabigat akong kasalanan sa Kanya… At kung abutin ako ng habang buhay para makabawi ako sa lahat ng nagawa kong mali, ay buong-buo ko itong tatanggapin…”
“Linda… mahal na mahal kita… mahala na mahal… Pero bakit mo sa nagawa sa akin yun?”
“Hindi ko alam… Hindi ko alam… Natukso ako… Nangulila… Nagkasala…”
“Gusto ko ipaalam sayo kung gaano mo ako nasaktan… Sobrang sakit… Linda…”
“Patawad Francis… Patawad…”
“Pero sa kabila ng lahat ng ginawa mo sa akin, gusto ko pa ring magpasalamat sa ginagawa mo ngayon kay kuya Michael… Ikaw pa ang nag-aalaga sa kanya, na dapat ako ang gumagawa…”
“Hindi mo kailangang magpasalamat Francis… Kahit pasanin ko ang krus na iyan habang buhay, tatanggapin ko… Mahalaga kayong dalawa sa akin…”
Hindi ko alam kung ito ang tamang panahon upang mag-matigas pa ako sa aking asawa.
Hindi ko rin alam kung ito ang tamang araw para patawarin siya sa lahat ng nagawa niya.
Pero…
Mahal ko si Linda…
Mahal na mahal…
Tawagin man akong tanga ng ibang tao.
Tawagin man nila akong martyr… ngunit alam ko, na ito ang dapat kong gawin.
Inilapit ko ang kanyang kamay sa aking labi, at marahan itong hinalikan.
Bumuhos ang mga luha ni Linda.
Pakiramdam niya ay natulungan ko siyang buhatin ang mabigat na pasang krus ng aking asawa.
“Kung hahayaan mo ako… Kung tatanggapin mo ako ulit sa buhay mo… Gusto pa rin kita makasama habang buhay… Gusto pa rin kitang alagaan… asawa ko…” Iyon lamang ang kanyang sinabi sa akin.
Niyakap ko siya ng mahigpit.
Kay tagal kong hinintay na mahagkan ulit ang aking asawa.
Nangungulila siya sa akin, at gayon din ako sa kanya.
Mahirap tanggapin ang nagawa niyang kasalanan sa akin, pero kaya kong subukan.
Unti-unti…
Dahan-dahan…
Matututo din akong magpatawad at simulang kalimutan ang hindi magandang nakaraan.
Hanggang sa dumating ang araw ng surgery ni kuya Michael.
Lahat kami ay panay ang pagdarasal at pag-aalala sa kung ano ang kalalabasan nito.
Iginugol ko naman ang araw na iyon sa pagsipot ng aking physical therapy session.
Ayokong may palagpasin na araw upang makalakad muli.
Malaki na ang pinagbago ng aking mga binti.
Nakakahakbang na ako at dahan-dahang nakakalakad.
Kinakailangan ko pa ring humawak sa isang bagay, tulad ng tungkod o saklay upang makatulong sa aking paglalakad.
Ayos na iyon. Ang mahalaga ay unti-unti ko nang naibabalik ang abilidad ko.
Ibinalita naman sa akin na tapos na ang operasiyon ni kuya Michael.
Naging maayos naman ang lahat at sinasalinan na lang siya ng dugo upang palitan ang mga nawala sa kanyang katawan habang isinasagawa ang operasiyon.
Kaagad naman akong nagpupunta ng ospital pagkatapos ng mga sessions ko.
Masaya kaming lahat dahil sa matagumpay na surgery ni kuya.
Hinihintay na lang namin na makabalik siya sa normal na estado, habang ipinagpapatuloy ang kanyang chemotherapy.
Kitang-kita din sa mukha ng aking kapatid ang lubos na kaligayahan.
Alam kong hinang-hina pa siya, pero pinipilit niya itong kayanin upang makaharap at makausap kaming lahat.
Nakita ko ring lumapit agad si Jacob sa kanya. Iba pa rin ang pinagsamahan nila kuya Michael at ng aking anak. At sinikap kong maging masaya na lang sa ganoong set-up. Tinanggap ko na lang ang lahat.
“Kailangan pa rin ni Mr. Alcantara na dumaan sa mga series of tests for re-staging ng cancer niya. Itutuloy-tuloy pa rin ang chemotherapy niya at titignan natin kung magrerespond pa sa ganitong gamutan ang pasiyente. Francis, tatapatin na kita, kapag hindi bumuti ang pakiramdam ni Mr. Alcantara habang nagki-chemotherapy, matataningan na namin ang buhay niya…”
“Ho? Ilang taon po dok?”
“Six to twelve months…”
Shit…
Nagkatininginan na lamang kami ni Linda sa ibinalita sa amin ng doktor ni kuya Michael.
Sa tingin ko naman ay nagawa na namin ang lahat ng makakaya upang mapahaba pa ang buhay ng aking kapatid.
Gusto kong tuluyan na siyang gumaling, pero hindi ko naman hawak ang kanyang buhay.
Walang kasiguraduhan, kailangan lamang umasa at manalangin.
Sa bahay na namin ulit tumira si kuya Michael.
Nagsalitan kami sa pagbabantay sa kanya.
Sinikap namin na maibibigay ang buong atensiyon namin sa kanya upang maibalik ang kanyang lakas at timbang.
Ngunit…
Nagpatuloy pa ring sa paglabas-masok sa ospital ng aking kapatid.
Hindi ko matignan si kuya sa tuwing napapahiyaw ito sa sobrang sakit at sumusuka, bilang resulta ng kanyang chemotherapy.
Mahirap…
Sobrang hirap…
Madalas ay umiiyak ako sa banyo dahil pati ako ay nasasaktan sa mga nakikita ko.
Hindi ko kaya…
Pero iba si Linda…
Sobrang matatag at matiyaga siyang babae.
Panay ang punas niya sa aking kapatid.
Masigasig siyang nag-aalaga kay kuya Michael.
Maaasahan talaga siya sa mga ganitong bagay.
September 2012
“Oh! Kamusta ka na Mr. Alcantara?” Tanong ng kanyang doktor.
“Langhiya… lumalakas ako sa gaganda ng nurses dito dok… Hehehe…”
“Hahaha… Aba’y sinadya talaga namin yan para bumuti ang kalagayan mo…”
“Hehehe… Salamat dok.”
Kahit ganito ang kalagayan ni kuya Michael, ay kayang-kaya niya pang mambola at makipaglokohan.
“Dok, magpapaalam sana kami, kasi gusto sana naming magpunta sa beach…”
“Hmmm… Ganun ba? Ang tanong, eh kakayanin mo ba Michael?” Muling tanong sa kanya ni dok.
“Oo naman dok! Sus… Kayang-kaya ko nang gumala… Hehehe…”
Alam kong kinukumbinsi lang ni kuya Michael ang kanyang duktor upang mapayagan siya nito.
Ako kasi ang nagsabi sa kanya na kailangan muna naming magpaalam kay dok, at humingi ng approval kung puwede na ba siyang ibiyahe sa malayo.
“Sige na dok… Payagan niyo na po ako… Gusto ko naman makakita ng magandang view bago ako mawala sa mundo… Hehehe…”
“Hmmm… Sige, papayagan ko kayo. Basta pagkatapos ninyong mamasyal ay kailangan mong ibalik dito sa ospital si Michael.”
“Sige po dok, masusunod po. Ako na pong bahala.”
“Yun oh! Napapayag na natin si dok. Hehehe…”
Naintindihan naman naming lahat ang kahilingan ng aking kapatid.
Kahit lumipas na ang halos apat na buwan, ay hindi pa rin bumabalik sa dati ang kalagayan ni kuya Michael.
Unti-unti ko nang tinatanggap sa aking sarili ang mga sinabi sa amin ni dok.
Bahala na…
Basta ang mahalaga ay maging masaya at maligaya si kuya sa mga nalalabi niyang araw.
Nirentahan namin ang sasakyan n gaming kapitbahay upang magpunta sa isang beach resort sa Laiya, Batangas.
Tuwang-tuwa si Jacob dahil mamamasiyal kaming magkakasama.
Kahit hindi pa ako gaanong nakakapaglakad ng maayos, at kailangan pa ng tungkod, ay pinilit kong makasama sa lakad na ito.
Kamig mag-anak lamang ang nakapunta.
Si Linda.
Si Jacob.
Ang siyam na buwang baby na si Mico.
Si Tiya Susan.
Ako.
At si kuya Michael.
Katabi ko ang aking anak, samantalang magkatabi naman ang aking asawa at si kuya.
Hanggang sa makarating kami sa resort at nagcheck-in sa isang malaking kuwarto.
Hindi naman nagpaawat si kuya Michael, ayaw daw niya magkulong sa kuwarto at gusto lang niyang nasa labas kaming lahat.
Sinunod naman namin ang kanyang kagustuhan at kaagad na pumunta sa pampang.
Hinayaan naming nagtatatakbo si Jacob habang tila nakikipaghabulan sa alon.
Kalong-kalong naman ng aming tiyahin si baby Mico.
Pumunta kami ni Linda sa may dagat at nagtampisaw sa malamig na tubig.
Pinapanood lamang kami ng aking kapatid na nakatanaw sa malayo.
Nakangiti.
Nakatawa.
Kahit papaano ay naging masaya naman ang buo araw namin sa resort.
Sabay-sabay kaming kumain ng tanghalian.
Hindi maubos-ubos ang mga kuwentuhan.
Tanong sila ng tanong sa mga karanasan ko sa Singapore.
Panay din ang tanong ko sa mga unang limang taon ni Jacob. Mga bagay na hindi ko nasaksihan habang nagtatrabaho ako sa ibang bansa.
Madaming kulitan.
Madaming tawanan.
Hanggang sumapit ang dapithapon.
Sinamahan namin si tiya Susan at inihatid ang mga bata sa aming silid upang makapagpahinga sila bago kami maghapunan.
Ngunit nagyaya pa rin si kuya Michael na panoorin ang paglubog ng araw.
Kaming tatlo na lamang ang bumaba at nagpunta sa may pampang.
Damang-dama namin ang mga pinong buhangang yumayakap sa aming mga paa.
Habang nakaakbay ang isang kamay ni kuya Michael sa aking likuran, ay nakahawak naman sa kanyang braso si Linda para ito’y alalayan.
Dahan-dahan kaming lumalapit sa may pampang.
Ang ganda ng tanawin.
Magkahalong kulay pula at dilaw ang araw habang ito ay nagbabadya nang magtago sa mga ulap.
Malakas ang hangin na nagmumula sa kalawakan ng dagat.
Ang sarap langhapin ang simoy ng hangin.
Napalingon ako kay kuya Michael upang tignan kung giniginaw ba siya o hindi.
“Kuya, ayos ka lang? Baka nilalamig ka na, balik na tayo sa kuwarto.”
“Huwag kambal. Ayos pa naman ako. Huwag kang mag-alala sa akin.”
Napangiti na lamang ako at nagkatinginan kami ni Linda.
Agad kong ibinalik ang aking paningin sa papalubog na araw.
Pinagmamasdan ang senyales ng katapusan ng isang buong araw.
“Kambal… Salamat ha… Salamat sa lahat ng kabutihan mo sa akin…” Biglang saad ni kuya Michael.
Hindi ko naman siya nilingon, dahil kaagad kong naramdaman ang kirot sa aking puso habang pinapakinggan ang sinseridad ng kanyang pasasalamat.
“Pagpasensiyahan mo na ako kambal ha… Sadyang marami lang talaga akong kapalpakan sa buhay… Hindi ko lubos isiping nagawa ko ang mga bagay na iyon sa iyo… Nagsisisi ako sa lahat ng iyon at sana, dumating ang panahon na tuluyan mo na akong mapatawad…” Dagdag nito.
“Pinapatawad na kita kuya… Pinapatawad na kita…” Mahina kong tugon sa kanya. Halata namang napapaiyak na ako dahil sa pautal-utal kong pagsasalita.
“Pasensiya na rin dahil, may iiwan nanaman akong responsibilidad sa iyo… Alagaan mo sana si baby Mico… Yung lang ang tanging pakiusap ko sa iyo… Palakihin mo siyang katulad mo… Iwasan mo nang ikuwento ang tungkol sa walang kuwenta niyang ama… At balang araw, sana mahingan mo rin ako ng kapatawaran sa pag-iwan sa kanya…” Umiiyak na saad ni kuya Michael sa akin.
Nararamdaman ko ang panginginig sa katawan ni kuya Michael, kung kaya’t hinigpitan ko pa ang pagkaka-akbay ko sa kanya.
“Linda… Patawarin mo rin ako…Kahit paulit-ulit ko nang sinasabi sa iyo ito, pero gusto ko lang ipaalala sa iyo na ako ang may kasalanan ng lahat… Patawarin mo ako sa gulong naidulot ko sa pamilya ninyo… At sana, alagaan mo ng mabuti si baby Mico… Alam kong mabutin kang ina… mabuti kang babae… Salamat din sa lahat… Sa lahat ng pag-aalaga mo sa akin, sa kabila ng lahat…”
Nilingon ko si Linda at nakita ko siyang nakayuko. Bumubuhos na rin ang mga luha sa kanyang mga mata. Hindi ito makapagsalita dahil sa tindi ng emosiyong kanyang nadarama.
Ibinaling ko muli sa papalubog na araw ang aking paningin.
Nagdadasal na sana ay malagpasan naming lahat ang unos na dumating sa aming mga buhay.
Na sanan ay makabangon kaming lahat mula sa pagkakadapa at pagkakalugmok.
Hanggang sa naramdaman ko ang ulo ni kuya Michael sa aking balikat.
“Pasandal kambal ha… Pasandal lang…” Mahina niyang saad sa akin.
Bahagyang tumahimik ang aming paligid.
At tanging ang paghampas lamang ng alon ang aming nadidinig.
Maya-maya ay bigla kong nadinig ang malakas na paghikbi ni Linda.
Kahit nakalapat pa ang ulunan ni kuya Michael sa aking balikat ay nagawa ko pa ring lingunin ang aking asawa.
Tumingin ako sa kanya at panay ang pag-iling ni Linda, isang hudyat upang ipaalam sa aking nawala na nang tuluyan ang aking kapatid.
Niyakap ko ng mahigpit ang katawan ni kuya Michael.
Iyak lang ako ng iyak.
Alam kong babawiin na siya sa amin ng Panginoon, pero hindi ko akalain na ngayon na ang araw na iyon.
Nilapitan ako ni Linda, nakayakap siya sa aking bandang likuran.
Pilit niya akong pinapatahan sa pagkawala ng aking kapatid.
At pinaparamdam niya sa akin na naroroon pa siya upang makasama habang buhay.
Masakit…
Kahit kailan ay hindi mo maihahanda ang iyong sarili sa mga unos at pagsubok na darating sa iyo.
Lalo na ang araw na mawawala ang mga mahal mo sa buhay.
Ngunit kahit ano pa man ang nangyari, ay dapat lang na ipagpatuloy namin ang mga buhay at gampanan ang mga responsibilidad nakaatang sa akin.
Mahal na mahal ko ang aking pamilya.
At sapat na iyong dahilan upang matuto akong magpatawad at makalimot sa isang masalimuot na nakaraan.
–Fin–
Epilogue
December 7, 2013
Nagpunta sa isang mall ang mag-anak na Alcantara upang bumili ng regalo para sa darating na kapaskuhan. Kailangan din kasing bumili ni Jacob ng regalo para sa kanyang mga kaklase at nabunot sa monitor-monita.
Halos magdadalawang taong gulang na si baby Mico at nasa grade one naman na si Jacob.
Habang namamasiyal ay napadaan sila sa isang bilihan ng laruan.
Muling bumalik sa gunita ni Francis ang nakaraan, nang sila ay napadpad ni Michael sa lugar na iyon, at nakakita ng isang malaking robot.
Ngunit ngayon, iba na ang nakadisplay na laruan. Mas maganda at mas malaking laruan ang naruroon na siya namang agad na pumukaw sa paningin nina baby Mico at Jacob.
“Dad! I want that toy…” Maliksing saad ni Jacob.
Maging si Mico ay tumakbo sa direksiyong iyon kasama ng kanyang kapatid.
Kaagad na nilapitan ni Francis ang lalaking namamahala sa estante upang magtanong tungkol sa magarang laruan.
“Sir, last piece na po yan. Out of stock na po kasi dahil maraming bata ang gustong bumili ng ganyang model. Kukuhanin niyo po ba sir?” Saad ng lalaki kay Francis.
Napaisip naman ito dahil hindi niya mabibilhan ang isa kung kukuhanin niya ang natitirang laruan.
Naalala din niya ang kanyang naramdaman nang hindi siya nabilhan ng robor noon at tanging si Michael lamang ang napagbigyan. Ayaw niyang maramdaman din iyon nina baby Mico at Jacob.
Nakatingin lamang ang dalawang bata sa kanilang daddy at hinihintay nila kung ano ang desisyon nito.
Ang kanilang mga kamay ay kapit na kapit sa laruan at tila ayaw na nila itong pakawalan.
Hanggang sa iniwan na ni Francis ang kanyang kausap at nilapitan ang dalawang bata.
“Dad?” Mahinang tanong ni Jacob.
“Boys… I’m sorry but we can’t buy that toy…” Paliwanag ni Francis.
Mabilis namang nalungkot si Jacob at napayuko.
At kahit hindi naman masyado maintindihan ni Mico ang sinabi ng kanyang daddy ay tila nakaramdam din ito ng kalungkutan.
Napatingin si Francis kay Linda, at para namang kinukumbinsi ng babae ang kanyang asawa na kuhanin na lamang ito para sa dalawang bata.
“Sorry, dahil isa na lang yang laruan na iyan… Ang gusto ko, pareho kayong mabilhan…” Dagdag ni Francis.
Napatingin naman si Jacob at marahan itong tumango sa kanyang daddy. Pilit na lamang itong inintindi ito ng bata.
“But you know what… Sabi sa akin nung lalaki, mayroon pa raw silang ganyan sa kabilang mall… Nagpareserve na ako ng dalawa sa kanya at pupuntahan na natin yun ngayon… Hehehe…” Muling paliwanag ni Francis.
Muling napangiti si Jacob at lumiwanag ang mga mata nito. Napayakap pa ito kay Francis sa sobrang tuwa.
Napatalon pa ito sa tuwa habang hawak ang kamay ng kanyang nakababatang kapatid.
At kahit hindi maunawaan ni baby Mico ang nangyayari ay napapatalon na rin ito sa tuwa.
Kaagad nilang nilisan ang mall upang pumunta sa ibang branch at bilhin ang laruang iyon.
Bakas sa mga mukha ng bata ang matinding kaligayahan habang tulak-tulak ang cart patungo sa kanilang sasakyan.
Hindi naman matatawaran ang kasiyahang naibigay ni Francis sa mga bata. Marahang hinalikan ni Linda sa pisngi si Francis bilang pasasalamat nito.
Ang hindi nila alam… ay mas matindi ang kaligayahang nadarama ni Francis. Makita lamang niyang nakangiti sina Linda, Jacob at baby Mico ay talaga namang nabubuhayan na siya ng loob at napapaligaya ng sobra sobra.
Ipinangako nito sa kanyang sarili na hindi niya palalakihin ang dalawang bata na may inggit at galit sa kanilang mga puso. Papalakihin niya ito ng patas at may pananagutan sa bawat isa.
- Undo – Episode 2: Ctrl + Backspace - October 30, 2024
- Undo – Episode 1: Ctrl + N - October 30, 2024
- Ikapitong Utos – Tatlo - October 19, 2024