Written by ereimondb
Ikapitong Utos – Episode 11: Animal Instinct
Lumipas ang mga araw, naging okay na din ang lahat sa amin ni kuya Michael.
Tuloy pa rin siya sa pamamasada ng tricycle ng aming kapitbahay, at kahit kakarampot lamang ang kanyang kinikita, ay naging masaya naman kami. Hindi na ako nagrereklamo, kahit pa walang plano si kuya na bumalik sa pag-aaral.
Ayoko na din masyado siyang tanungin sa bagay na ito, dahil lalo siya nagiging aburido sa buhay at hindi siya nakakapag-isip ng tama.
Naging abala din ako sa aking pag-aaral at siyempre sa aking part time job sa isang fast food.
Hindi rin ako makapaniwala sa aking sarili dahil nakayanan ko ang ganitong uri ng trabaho. Hindi kami mahirap at hindi rin naman kami ganoon kayaman, at nasanay kami ni kuya Michael na may ibang tao na gumagawa ng mga gawaing bahay.
At itong ginagawa ko sa isang fast food chain ay hindi ko talaga nagagawa sa aming sariling tahanan.
Malaki ang nagbago sa aming buhay mula nang namatay sina mama at papa.
Ramdam na ramdam namin ang sakit at pighati nang maagang mawalay sa magulang.
Mahirap lalo na kapag nag-aaral ka pa lang at wala kang ibang masandalan at maasahan, kundi ang iyong sarili.
Mahirap para sa akin. Hindi ako sanay na wala sila sa tabi ko. At kahit na sabihin pa nilang nakay kuya Michael ang lahat ng kanilang atensyon, iba pa rin ang nararamdaman kong pangungulila.
Mahina ako sa mga bagay na ganito. Mga bagay na biglaan.
Pero… Si kuya Michael…
Sa panlabas na anyo lang siya mukhang malakas, at matatag. Alam ko na nahihirapan din siyang makapag-move on mula sa pagkamatay ng aming magulang.
Higit ang nararamdaman niyang sakit dahil nasa kanya ang buong atensiyon nila mama at papa.
Halos kalahati ng buhay ko, iniisip kong mas mahal siya ng aming magulang.
Naging lakas niya ito at ito rin ang nagsilbi niyang kahinaan.
“Lintik si aling Maring. Langya, kulang ang ibinayad niya sa akin para sa isang biyahe. Dapat fortyfive isang biyahe, binigyan lang niya ako ng forty.”
“Hehehe… Hayaan mo na yun kuya.”
“Anong hayaan? Kambal, tayo ang malulugi dun. Kasi kahit anong mangyari, buo pa rin ang ibibigay kong boundery sa may ari ng tricycle. Buo yun kambal. Buo ko ibibigay sa kanya.”
“Yun na nga yun kuya eh… Lugi talaga pag ganoon. Biro mo kahit paninda ni aling Maringa yaw tayo patawarin. Hehehe.”
“Madamot talaga yung matandang yun. Di ko na isasakay yun. Hehe..”
Kahit alam kong hindi maganda minsan ang biyahe ng aking kapatid, natutuwa ako dahil talagang nagsisipag na siya sa kanyang trabaho.
Marami man siyang reklamo, ay maaga pa rin siyang gumagayak para kunin ang tricycle na pinapasada sa kapitbahay at nang makarami ng pasahero.
“Nakakainis pa nga kambal yung minsang masiraan ka pa ng tricycle. Tapos halos wala ka nang kitain dahil sa ipinagawa mo pa yung dala mo. Tapos buo pa boundary ibibigay ko. Puta talaga! Ehehehe..”
“Yun lang kuya! Patay patay tayo pag nagkataong laging ganyan. Hehehe…”
“Tangina! Kakaburaot nga yung ganun kambal!”
Mas gusto ko nang ganito si kuya Michael. Kaysa nakikita ko siya tahimik sa isang lugar at malalim ang iniisip.
Ngayon, mas dama ko ang pagiging kuya niya sa akin, dahil inuuna niya ang dapat kitain para may maihain kaming pagkain sa hapag.
“Pero alam mo kambal, ang magandang bagay na nangyayari sa akin sa tuwing bumibiyahe ako, ay yung nakakapagsakay ako ng magagandang bebot. Hehehe…”
“Ayos yan kuya ah! Edi alam mo na rin kung saan sila nakatira.”
“Oo kambal. Putek! Meron pa nga ako naisakay na sobrang seksi. Kaso may isang anak na. Tapos kinausap ko, medyo suplada, pero sumasagot pa rin. Hanggang sa nalaman ko na lang bigla na wala na pala siyang asawa. Tanga nung lalaki, iniwan niya ng ganun yung babae, sobrang ganda at seksi.”
“Hahaha…ayos! Kaso may anak…”
“Tapos meron pa akong naisakay, estudyante naman. Yun kambal, mukhang trip ako. Siya pa ang kumausap sa akin. Pinagbibigyan ko lang, nginingitian, tapos sabi niya lagi ko na raw siya sunduin ng 6am sa kanila papunta sa sakayan ng fx papuntang crossing. Hehehehe…”
“Ano daw pangalan?”
“Jessica daw kambal. Mukhang kaedaran mo. Maganda at maputi. Medyo malaman pa, pero mukhang masarap din. Hehehe..”
Natutuwa ako sa kuwento ni kuya Michael. Mukhang madami nga siyang mabibingwit na isda dahil sa dami ng naisasakay niya sa pang-araw-araw na biyahe.
“Kaso nga lang kambal, ano ba naman ang mapapatunayan ko sa kanila. Isang hamak na tricycle drayber lang ako.”
“Puwede ka namang bumalik sa pag-aaral ulit eh.”
“Hindi ko alam kambal. Parang wala na rin akong laban. Masyado na akong huli sa lahat ng bagay.”
“Huwag mong sabihin iyan kuya. Madami ka pang puwedeng gawin sa buhay mo. Habang may buhay, may pag-asa, ika nga nila.”
“Madaling sabihin, mahirap gawin kambal. Abot-abot na hiya ko.”
Nararamdaman at naiintindihan ko ang ibig sabihin ni kuya Michael. Pero alam ko na maisasakatuparan niya ang lahat ng kanyang pangarap, kapag napagdesisyunan niyang bumalik sa pag-aaral, at siyempre ang tapusin ito.
“Mag-aral ka na lang ulet kuya Michael. Puwede naman natin pagtulungan iyon eh.”
“Balak ko nga kambal kahit vocational kukunin ko. Yung pang dalawang taon lang.”
“Puwede rin kuya. Kaya mo yun.”
“Para pagnakatapos ako ng dalawang taon, may mas marangal na akong makuhang trabaho.”
Iyon na ang pinakatamang sinabi ni kuya Michael.
Kaunting pagkukumbinsi pa. Alam kong mapag-iisipan na niya ito at maisasagawa niya ang isang magandang desisyon para sa kanyang buhay.
Bigla na lang sumagi sa aking isipan si Sheryn.
Naalala kong, mula sa huli naming pag-uusap sa chat, ay ipinangako kong kakausapin si kuya.
“Oo nga pala kuya Michael, mga mag-iisang buwan na ata o mahigit, naka-chat ko si Sheryn. Kinakamusta ka.”
Nakatingin ako kay kuya Michael.
Bigla na lamang siyang yumuko, saka uminom ng tubig mula sa kanyang hawak na plastic bottle.
“Nag-aantay kasi siya ng sagot mula sayo. Kaso, di mo na raw siya kinakausap.”
“Wala na akong mukhang maihaharap sa kanya kambal.”
“Bakit kuya?”
“Hindi ko alam. Parang napapaisip ako sa kinabukasan ng relasyon namin.”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Basta kambal, kahit anumang mangyari sa aming dalawa, alam mo na mahal na mahal ko si ate Sheryn mo. Siguro pagdating ng panahon maiintidihan ko rin itong desisyon ko. Kapag naging matagumpay na ako sa buhay, kung puwede pa, babalikan ko siya.”
Pagkatapos niyang sabihin ang mga iyon ay agad siyang tumayo at umalis na ng aming bahay.
Katulad ng dati, hindi ko masyadong naunawaan ang ibig sabihin ni kuya Michael.
Nasaisip kong baka kaya siya nakipaghiwalay kay Sheryn, e dahil pakiramdam nito’y milya-milya na ang agwat nila. Hindi lang sa malayo sa kanya ang babaeng minamahal, kundi ay dahil sa wala pa siyang napapatunayan sa kanyang sarili.
Nauunahan siya ng kanyang hiya.
Alam ko namang hindi iyon tinitignan ni Sheryn sa kanya. Dahil kahit pa noong magkakaeskuwela kami ay minahal na niya si kuya Michael at alam nito ang tunay na pagkatao ng kapatid ko.
Mukha namang hindi ko pa maaayos na magkabalikan ang dalawa kung kaya’t sa tingin ko ay dapat hayaan ko muna sila sa kanilang pasiya.
Hindi ko rin naman kayang ipaliwanag kay Sheryn ang napag-usapan namin ni kuya.
Alam kong darating din ang araw na magiging maayos at masaya rin sila ng magkasama.
—
Naging malupit man siguro sa amin ang tadhana. Hindi namin kayang iwasan kung anumang ibabato sa aming pagsubok ng aking kapatid.
Parang kailan lang ay laging nasa aking isipan kung paano ko dapat talunin si kuya Michael.
Naghahabol ako sa pagmamahal at atensyon ng aming magulang. Panay ang selos ko noong mga panahon hindi ko maintindihan ang sitwasyon. Ang alam ko lang ay kailangan iyon ni kuya Michael dahil may sakit siya.
Pero pilit ko pa ring ipinagsisiksikan sa aking utak na dapat ay matalo ko siya… Sa lahat ng bagay.
Ngunit alam kong bigo ako.
Nabigo ako. Ako pa rin ang umuwi ng talunan.
Dahil pati sa pag-ibig ng isang babae ay siya pa rin ang nagwagi. Walang duda, talo ako sa puso ni Sheryn.
Hindi ko na ipinaglaban ang pagmamahal ko sa kanya, tama na sa aking alam ni Sheryn na minahal ko rin siya. At nirerespeto ko ang desisyon niya noon nang piliin niya si kuya.
Tinanggap ko iyon ng maluwag sa aking puso at isipan. Tanggap ko iyon hanggang sa ngayon.
Ang tanging nasaisip ko na lamang ngayon, ay ang isaayos din ang sarili kong buhay. Mas pinagbubuti ko pa ang aking pag-aaral. Gayundin ang aking pagtatrabaho sa isang fast food chain.
“Hi Linda!”
Tuwing umaga, sa tuwing darating si Linda sa aming pinagtatrabahuhan, ay lagi ko siyang inaabangan upang ngitian at batiin ng magandang umaga.
Pero…
Kakaiba ang araw na ito. Parang hindi niya ako pinapansin.
Ni hindi manlang siya ngumiti upang ipaalam sa akin na narinig niya ang sinabi ko. Na kahit papaano ay alam niyang naroroon ako sa tabi niya.
Pero hindi… Hindi niya ako pinansin o sinulyapan man lang.
“Mukhang hindi maganda ang gising ni Linda babes ah.” Biro ng aming kasamahan. Akala ko noong una ay ako lang ang nakapansin, siya rin pala.
Panay lamang ang sulyap ko sa kanyang direksyon. Wala pa rin siyang kibo sa biro ng aming katrabaho.
Nagsimula na siya tumanggap ng orders sa counter. Ako naman ay nagsimula na ring maglampaso at linisan ang ibang mga tables.
Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit hindi ako mapakali.
Tumitingin ako kay Linda sa tuwing dumadaan ako sa harapan niya.
Ang alam ko, sa tuwing tumitingin ako sa kanya ay nakatingin din siya sa akin. Madalas magtama ang aming mga mata.
Teka nga…
Hahanap ako ng pagkakataong mapatingin ulit siya sa akin.
Hihintayin ko hanggang sa tumingin siya sa aking direksyon. Doon ko lang mapapatunayan kung talagang may kakaiba sa kanya ngayon.
Tumingin ako sa aking paligid, at agad hinanap ang bisor namin, dahil titigil ako saglit sa aking ginagawa upang titigan si Linda.
Pumuwesto ako sa isang lugar na agad niya akong mapapansin.
Titingin yan sa akin. Hindi niya ako matitiis. Bibilang ako ng isa hanggang sampu… Pustahan tayo, hindi magtatagal ay mapapansin niya rin ako.
Isa…
Dalawa…
Tatlo…
Apat…
Lima…
Ayan, malapit na siyang tumingin sa akin. Dapat naka-ready na ang pamatay kong ngiti. Para kapag tumingin siya sa akin, wala na siyang ibang gagawin kundi ngumiti rin.
Anim…
Pito…
Walo…
Siyam…
Siyam at kalahati…
Sam…
Sam…
Sam…pu…
Bigla siyang umalis sa counter at pumasok sa may kitchen. Hindi ko alam kung bakit parang balisa din siya. Napansin niya ba ako at nailang sa aking pagkakatitig? O hindi niya talaga ako napansin at may tsini-tsek lamang na order ng customer namin?
“Pagod?”
May isang pamilyar na boses akong narinig mula sa aking likuran.
Agad ko itong nilingon.
Shit! Si Sir Alfon.
“S-s-sir?!”
“Kanina pa kita tinatawag dahil may maduming lamesa sa itaas. Para kang tangang nakangiti diya. Adik?”
Hindi ko alam ang isasagot ko. Mukha siguro akong tanga kanina. Halos limang segundo kasi akong nakatitig at nakangiti.
“Sir sorry po. Pupuntahan ko na po yung lamesa.”
“Okay dali. At baka may pumasok na bangaw diyan sa bibig mo.”
Hiyang-hiya ako. Mabuti na lang hindi niya napansin kung kanino ako tumititig. Kundi, lagot ako.
Lumipas ang ilang segundo, ilang menuto, at maging ang mga oras.
Itinuon ko muna ang buo kong atensyon sa paglilinis, sa aking trabaho.
Alam kong dapat ay doble ang sipag ko ngayon dahil ilang araw din akong lumiban sa pagpasok sa trabaho. Ito ay dahil sa naospital si kuya Michael noon.
Hindi ko kakayaning mawala sa akin ang trabahong ito.
Kailangan namin ito para makakain. Kahit kakarampot, malaki din ang naitutulong nito sa akin… sa amin.
Nang natapos ang oras ng aking part time job, ay agad akong pumunta sa locker room upang kunin ang gamit ko, at magpalit na rin ng damit.
Kinuha ko ang puting t-shirt, saka ko hinubad ang uniform namin.
Maya-maya ay nakita ko si Linda. Nakayuko lang siya patungo sa lalagyan niya ng kanyang bag.
“Pasok ka na rin ba?”
krik…krik…krik…krik….krik…(cricket sound)
Hindi pa rin siya sumasagot. Pero makulit ako. Kukulitin ko siya.
“Ako ang reporter mamaya sa book review natin. May mapagtatanungan ka nanaman. Gusto ko lang sabihin sayo na handa ako sa mga tanong mo. Hehehe…”
Patuloy pa rin siya sa pag-aayos ng kanyang gamit. Para namang may hinahanap siya sa pinakailalim ng kanyang bag.
“Sasabay ka ba sa akin pagpasok? Antayin kita sa labas ha.”
Kahit hindi siya sumasagot sa akin, ay pilit ko pa rin siyang kinakausap.
Lumabas na ako ng silid para siya naman ang makapagpalit ng kanyang damit.
Nag-antay na lamang ako sa tabi ni manong guard. Panay ang pakikipag-usap ko sa kanya at nililibang ko ang aking sarili habang hinihintay si Linda.
Tingin ako ng tingin sa king relo at saka sumusulyap sa may locker room, hinihintay ang paglabas ni Linda.
Lumipas ang halo labin-limang minuto, wala pa ring lumalabas sa silid na iyon.
Kaya’t minabuti kong puntahan na lang ang locker room.
Naabutan ko doon ang isa naming kasamahan.
“Pare, si Linda, naandiyan pa ba sa banyo?”
“Si Linda? Kanina pa kayang naka-alis iyon.”
“Hindi pare, iniwan ko siya dito. Sabay kasi kami papasok sa school.”
“Wala nga pare. Naabutan ko siya dito, pero nagmamadaling umalis.”
“Ha? Eh nasa may pintuan ako ah. Imposibleng hindi ko siya makikita.”
“Saang pintuan? Sa harap o doon sa gilid?”
Ay tanga! Dalawa nga pala ang pasukan dito sa pinagtatrabahuhan kong kainan.
“Sa harap pare. Doon kay manong guard.”
“Edi malamang sa gilid yun dumaan. Di mo napansin.”
Iyan ang hirap sa akin, sa sobrang dal-dal ko, madalas ay natatakasan ako at hindi napapansin ng aking mga kasamahan.
“Ahh ganun ba? Sige pare salamat na lang.”
“Mukhang iniwasan ka ng bebot mo ah.”
“Hindi… Hindi lang kami nagkaintindihan. Sige pare, pasok na ako.”
Ganun talaga ang buhay.
Kailangan kong tanggapin na galit nga sa akin si Linda.
Hindi pa naman ako mapalagay kapag may nagagalit sa akin.
Lalo na kung hindi ko naman alam ang puno’t dulo ng lahat. Kung ano ang dahilan kung bakit hindi niya ako pinapansin.
May nagawa ba akong masama sa kanya? May nasabi ba akong hindi maganda?
Haaaaayyy! Mas mahirap pa ito kaysa sa Calculus subject namin.
—
“Okay Mr. Alcantara, the floor is yours. You may now proceed with your book report.”
Kahit ilang beses na akong pumupunta sa harapan upang magreport o magrecite, kinakabahan pa rin ako.
Hindi ko na ata maiaalis sa akin iyon.
Pero siyempre, kakaiba ang araw na ito. Doble ang kaba at panginginig ko. Dahil alam kong nasa harapan ko si Linda at makikinig sa book report ko.
Hindi niya ako pinapapansin mula pa doon sa fast food chain, at sana ngayon, makuha ko ang atensyon niya.
Siya kasi iyong tipong mahilig magtanong at mangulit sa mga taong nagrereport. Sabi niya, pampaalis antok daw niya ito. Ayos di ba?
Ginalingan ko ang pag rereport ko. Dahil aral na aral ko ang librong akong inilalahad sa harapan, alam kong masasagot ko lahat ng tanong ni Linda.
Salita lang ako ng salita sa harapan habang hinihintay ko na putulin ito ni Linda at magtatanong.
Halos matapos na ako sa aking book report, wala pa rin siya tanong sa akin.
At ang masama pa niyan, hindi siya tumitingin sa akin.
Badtrip!
Sinubukan ko pang maliin ang isang parte ng aking report para magtanong siya at itama ang aking pinagsasasabi, pero wala talaga.
No reaction.
Nga-nga.
“Thank you Mr. Alcantara for that book report. You did a good job!”
“Thank you, ma’am.”
“Okay, tomorrow we will be having a very long quiz. What I mean by very long? It is a hundred itemed exam. It will cover Mr. Castro and Mr. Alcantara’s book report. Let’s call it a day class. You may go now to your next class.”
Hindi ako umiimik. Nakatuon lang ang aking paningin sa direksyon ni Linda.
Putik! Bakit ba ako nagkakaganito? Dati-rati naman ay wala akong pakialam kung nakikinig man siya o hindi.
Nakita ko siyang nagmamadaling lumabas ng aming classroom.
Agad din akong tumayo para habulin siya.
Hindi puwede sa akin itong ipinaparamdam niya. Ayokong magalit, pero naiinis na ako.
“Linda!”
Hinawakan ko ang braso niya at iniharap ko siya sa akin.
“Ano? Nagmamadali ako.”
“Bakit ganyan ka?”
“Anong ganito? Ganito naman talaga ako. Bitiwan mo na ako.”
“Hindi ka ganyan. Galit ka ba? May nagawa ba ako? May nasabi ba ako?”
Hindi siya nakasagot sa akin. Para siyang naghahagilap ng kung anong idadahilan niya sa akin.
“Kanina ka pa kasing ganyan. Hindi ko naman alam kung bakit. May problema ka ba?”
“Wala akong problema.”
“Problema sa akin?”
“Bakit naman kita poproblemahin? Ano ba kita?”
Napatigil din ako sa sinabi niya sa akin.
Tama siya. Ano ko nga ba si Linda at bakit ako naasar sa kinikilos niya?
“Kaibigan… Hindi ko nga alam kung bakit ako apektado sa ginagawa mo.”
Nakatingin na siya sa akin. Seryoso kasi ako sa mga sinasabi ko.
“Ayoko kasing hindi mo ako pinapansin, kahit na nagpapapansin na ako sayo. Ayoko ring hindi mo ako kinukulit, kahit na dikit na ako ng dikit sayo. Ayoko yung hindi mo ako kinakausap, kahit na hanap ako ng hanap ng topic na puwede natin pag-usapan. At lalong ayoko yung hindi ka na tumitingin sa akin.”
Seryoso ako at nakatingin sa kanyang mga mata.
“Hahahaha!!!!”
Nagulat ako ng bigla niyang basagin ang trip ko sa pag-eemote nang siya ay tumawa.
“Anong nakakatawa doon?”
“Mukha ka kasing tanga eh!”
“Yun na nga eh, nagmumukha na ngang tanga yung tao, hindi mo pa pinapansin.”
“hmmmmmm…”
“Ano?”
“Inlab ka sa akin ano?”
“Huh?”
Hindi ako handa sa itinanong sa akin ni Linda.
Ang alam ko lang sa pagiging in love ay yung panahong nakita ko si Sheryn.
Pero… Iba itong nararamdaman ko kay Linda.
Nagagalit ako.
Nagagalit ako kapag hindi ko siya nakakausap at nakakasama.
Nagagalit ako sa tuwing pinaparamdam niya sa akin na balewala ako.
Nagagalit ako kapag mukha akong tanga at hindi pa rin niya ako pinapansin.
“Siguro… Ewan ko… Baka….”
“Hahahaha!!!”
“Masama ba iyon? Wala ka namang boyfriend di ba?”
“Hindi na masama… Hmmmm… Puwede ka naman… Papasa na rin.”
“Papasa? Pasang-awa?”
“Puwede… Pero pag-iisipan ko pa.”
Badtrip!
“Bahala ka nga diyan Linda.”
“Hahaha… Pikon?”
“Ikaw kasi eh. Ginagalit mo ako.”
“Hehehe… Halika na nga, magmiryenda na lang tayo. Gutom lang yan.”
Seryoso ako sa sinabi ko, tapos sasabihin niyang, gutom lang yan?
Nasaan ang hustisya?????
Pero masaya ako.
Napakasaya ko.
Hindi lang dahil nakita ko ulit siyang ngumiti.
Hindi lang dahil nakausap ko na siya ulit.
Hindi lang dahil kasama ko siya ngayon na kumakain ng bananacue at samalamig.
Kundi…
Dahil nasabi ko sa kanya ang nararamdaman ko.
Dahil napansin niyang mukha akong tanga para magpapansin sa kanya.
Dahil nadarama ko ulit ang kakaibang pakiramdam.
Alam kong iba ito.
Iba ito sa naramdaman ko noong nakita ko ang robot na pinag-aagawan namin ni kuya Michael.
Iba ito sa naramdaman ko kay library girl, na naging syota ni kuya Michael.
Nararamdaman kong akin lang si Linda.
Sa unang pagkakataon, hindi ako natatakot na baka maagaw siya sa akin… lalo na ni kuya Michael.
Iba ito sa mga nagustuhan ko.
Sana… Sana… Sana…
Magtagal ang kaligayahan nararamdaman ko.
—
“Kuya! Wala pa mga kabarakada mo?”
“Wala pa kambal. Lagi namang late yun maglaro ng basketball. Oh heto, shoot mo muna.”
Pinuntahan ko si kuya Michael sa court noong isang araw.
Ito ang isa sa mga pagkakataong nakakausap ko ng matino si kuya, sa tuwing naglalaro kami ng basketball.
Habang naglalaro ay napansin ko ang guhit sa kanyang mukha. Naging isang pilat ito mula sa ibaba ng kanyang kanang mata patungo sa kanyang pisngi.
“Hayaan mo kuya, pagnagkapera ako, ipapatanggal natin yang peklat sa mukha mo.”
“Ulul! Hahaha… Hayaan mo na yan kambal. Wag mo na lang pansinin.”
“Hindi nga. Puwera biro. Para bumalik yung itsura ng mukha mo.”
“Hehehe… Hindi na matatanggal yan tol. Alaala na lang yan ng nakaraan ko. Tapos na yun.”
“Naku, mahihirapan ka nang makahanap ng bebot niyan. Baka tawagin ka pa nilang alyas peklat. Hehehe.”
“Langhiya ka naman kambal eh! Wala namang asaran. Tsaka, malakas pa rin itong itsura ko sa mga bebot. Nakadagdag pa nga yata eh. Hehehe…”
“Eh kamusta naman si Jessica?”
“Ayun, mukhang napapasabik ko siya araw-araw. Balitaan kita kapag nakantot ko na. hehehe…”
“Eh yung seksing may isang anak?”
“Yun kambal ang trip ko. Gusto ko rin makaisa dun at bigyan ng anak. Hehehe…”
“Hahaha… Loko!”
“Puwera biro kambal, ganun ang mga gusto ko.”
Gusto ko pa rin isingit si Sheryn, pero naisip kong huwag na munang ipasok siyang ipasok sa usapang ito.
Dahil may gusto akong sabihin kay kuya.
“Kuya, alam mo may kasamahan ako sa trabaho, bebot, maganda, maputi, maypagaka-singkit yung mata niya. Pero badtrip kasi minsan, hindi ako pinapansin, hindi ako kinakausap. Minsan mukha na akong tanga para magpapansin sa kanya.”
“Hahahaha… Inlab ang pota!”
“Hehehe… Ganun ba yun kuya?”
“Oo tol. Pero dapat intindihin mo na lang kapag ganyan ang isang babae. Huwag mo na lang salubungin kapag mainit ang ulo. Intindihin mo na lang, tapos suyuin mo. Baka kasi may regla lang yan. hahahaha”
“Hehehe… Kaya nga eh, hindi ko rin natiis na hindi siya kausapin.”
“Hahaha! Binata na kambal ko ah!”
“Linda. Linda nga pala pangalan niya.”
“Ayos yan kambal. Kailan mo ipapakilala sa akin bebot mo?”
“Gusto mo mamaya, sama ka sa akin. May pasok siya mamaya sa pinagtatrabahuhan kong fast food chain. Tapos kain na rin tayo doon. Hehehe…”
“Sige tol. Mga anong oras?”
“Siguro mga 6pm. Alis tayo ng bandang alas-singko sa bahay.”
“Sige kambal, pagkatapos ng laro namin, maliligo at magbibihis ako kaagad.”
Masaya din ako at naibahagi ko kay kuya Michael ang nararamdaman ko para kay Linda.
Noong una, ay hindi ko alam kung papaano ko sasabihin ito sa aking kapatid, pero bigla ko na lamang naitawid iyon sa kanya.
Mukha namang masaya rin siya para sa akin.
Dahil sa wakas, alam na niyang nakapag-move on na ako kay Sheryn.
Hindi na niya ako magiging kaagaw sa babaeng minsan ay minahal naming dalawa.
—
Mga bandang 6:45pm na kami nang makarating sa kainang pinagtatrabahuhan ko.
Dahil sa day-off ko, ay gumawa ako ng paraan para dalawin si Linda at ipakilala sa kanya si kuya Michael.
Agad kong namataan sa counter si Linda saka namin pinuntahan ng aking kapatid ang kinaruruonan niya.
Sa malayo pa lang ay nakita na ako ni Linda at agad ko naman siyang nginitian.
Ngumiti na rin siya sa akin habang kinukuha ang order ng isang customer na nasa aming harapan.
“Kuya, ayos na ba sayo iyong chicken?”
“Kahit ano kambal. Masarap yan dahil libre mo, di ba? Hehehe”
“Hahaha! Oo naman. Sige, dagdagan pa natin ng burger at fries. Para matagal-tagal tayo dito.”
“Naku, baka masobrahan ka naman sa gastos niyan. Hehehe”
“Hindi kuya, ayos lang naman. Minsan naman dapat maranasan kong maging customer at pinagsisilbihan ng mga kumag na to! Hehehe.”
Nang matapos na ang customer na nasa aming harapan at agad nilagyan ni Linda ng tray sa tapat ng kanyang counter.
Ngumiti ako at hindi muna siya kinausap tungkol sa aking kapatid dahil nasa kalagitnaan siya ng kanyang trabaho.
Natakot ako baka sitahin kami ng nagmamasid na bisor.
“What is your order sir?” Magalang na tanong sa akin ni Linda.
“Dalawang orders ng 1-piece chicken. Tapos dalawang order din ng burger meal ninyo.”
Agad naman niyang itinawag ang order namin para ihanda sa kitchen.
“Do you want to add spaghetti sir?” Tanong ni Linda.
Bigla akong natigilan. Naalala ko ang pagdura niya sa isang order ng spaghetti sa customer naming reklamador at demanding.
“Ah eh… Okay na ako diyan.”
“Hahahaha!”
Natawa siya sa reaction ko.
Nakita ko rin siyang tumitingin sa kapatid ko. Kilala niya si kuya Michael dahil nagpupunta siya sa ospital noong nasaksak siya.
Malapit na rin ang shift niya kaya aantayin na lamang namin siya ni kuya.
“Maganda yung bebot na yun ah.”
“Maganda ba kuya?”
“Oo. Pero alam kong mas maganda pa bebot mo doon kambal. Excited na nga ako makita eh. Hehehe…”
“Hahaha… Antay-antay ka lang kuya.”
“Parang ako ang kinakabahan tol. Hehehe…”
“Hehehe… Relax ka lang kuya.”
“Natatakot ako baka panget, bigla ako matawa. Hahahaha…”
“Ansama talaga nito oh! Basta, kain ka na lang muna diyan.”
Dahan-dahan naming inubos ni kuya Michael ang inorder naming pagkain. Nakikita ko pa rin siyang tumatanggap ng order. Mukhang madaming tao ngayon at halatang pagod na pagod na siya.
Hanggang sa huling sipsip na ni kuya Michael sa iniinom naming softdrink.
“Wala pa ba kambal?”
Tumingin ako sa direksyon niya, at pinalitan na siya ng karelyebo niya.
“Kaunting paghihintay na lang kuya.”
Alam kong tapos na ang shift niya at inihahanda ko na ang aking sarili.
Maya-maya ay lumabas na siya mula sa locker room, dala-dala ang kanyang backpack.
Agad naman siyang nagpunta sa aming lamesa.
“Kuya, si Linda nga pala.”
“Oh! Kambal… siya na ba yung girlfriend mo?”
“Hi, kuya Michael.”
“Naku kuya, nanliligaw pa lang ako. Ayaw pa ako sagutin niyan.”
“Hahaha… Naku Linda, sagutin mo na itong utol ko. Mabait naman yan eh.”
“Talaga kuya Michael? Parang hindi naman… Hehehe…”
“Oo Linda, mabait yan. Naku kung alam mo lang. Puwede na ngang iproklama yan ng santo papa sa Vatican eh. Papatayuan na nga namin yan ng rebulto.”
“Kuya talaga oh! Naku puro biro yan si kuya Michael, huwag ka makikinig diyan.”
“Hahaha.. Malay mo makumbinsi niya akong sagutin ka.”
“Naku Linda! Kung alam mo lang na lagi ka niyang ikinukuwento sa akin. Panay papuri lang lahat, walang di magandang sinabi yan si kambal. Pero tama nga naman, napakaganda mo pala talaga Linda.”
“Ayun! May pinagmanahan pala si Francis sa pagiging bolero. Hehehe…”
“Naku kuya Michael, baka maudlot pa ako lalo at masira sa kanya niyan..”
“Hehehe… Pero puwera biro Linda, okay itong si utol.
Bigla kaming natigilan ni Linda. Nagkatinginan kami dahil hindi ko inaasahang biglang mapapaluha si kuya Michael.
Parang kinukurot ang damdamin ko.
“Wala namang iyakan kuya…”
“Masaya lang ako kambal. Dahil nakikita ko yung totoong ligaya diyan sa mata mo. Sa napakatagal na panahon, ngayon lang kita nakitang masaya.”
“Bakit kuya Michael, wala bang mga babaeng umaaligid kay Francis? Hehehe”
“Meron naman, pero bihira lang magpakilala sa akin yan ng chikas niya.”
“Kasi wala naman talaga. Kaya wala akong mapipapakilala.”
“Salamat Linda ha… Dahil pinapasaya mo si kambal.”
Hindi ko maunawaan kung bakit sinasabi ngayon ito ni kuya Michael.
Pero isa lang ang sigurado ako… Iyon ay ang sayang nadarama ko dahil kasama ko ang dalawang taong importante sa akin.
Okay na ako sa simpleng buhay.
Ayos lang sa akin ng nakakakain ng tatlong beses sa isang araw.
Basta alam ko, at sigurado akong ligtas sa kapahamakan ang mga itinuturing kong kapamilya.
At sana…
Sana… Sana… Sana…
Manatili ang kaligayahang ito ng mahabang-mahabang panahon, kung hindi man habang-buhay.
- Undo – Episode 8: Ctrl + Z - November 22, 2024
- Undo – Episode 7: Ctrl + X - November 22, 2024
- Undo – Episode 6: F1 (Help) - November 15, 2024