Ikapitong Utos – Epiphany

Ikapitong Utos

Written by ereimondb

 


Ikapitong Utos – Episode 10: Epiphany

Sinubukan ni Francis na umupo muna, mula sa kanyang pagkakahiga, habang pinupunasan nito ang tumutulong dugo sa kanyang labi at ilong. Damang dama niya ang bigat ng kamao ni Michael na nagsalitang sumuntok sa kanyang mukha. Nalalasahan na rin niya ang kanyang dugo, saka ito idinura ang ngiping nabali mula sa sapak na tinamo niya mula sa kanyang kuya.

Ramdam pa rin niya ang sakit ng kanyang katawan. Ngunit mas pinili nitong manahimik at hindi nagreklamo. Hindi siya naringgan nang kahit anong ungol ng sakit at pighati.

Alam niyang unti-unti na siyang nagiging bato. Unti-unti na siyang nagiging manhid.

Mabibilis ang kanyang mga paghinga at tagaktak pa rin ang kanyang pawis.

Mas inaalala pa rin ni Francis ang kanyang kapatid. Kahit hindi ito makaiyak sa nangyari sa kanilang dalawa, ay tila naman nagdurugo ang kanyang puso dahil tuluyan nang nawala sa landas si Michael.

“Iho, anong nangyari?” Saad ni Susan at nagmadali itong tumakbo patungo sa kinaroroonan ni Francis.

Tinulungan niya ang binata na makatayo saka ito dahan-dahang idinala sa kanyang sariling kuwarto.

“Talaga naman oh! Dadalwa na nga lang kayong magkapatid eh nag-aaway pa kayo.”

“Hindi ko rin ho gustong nag-aaway kami ni kuya.”

“Dapat, ikaw na ang umiwas sa gulo. Tutal, mukhang ikaw naman itong panganay sa inyong dalwa eh.”

Tinignan ni Francis ang kanyang braso pababa ng kanyang siko, at napansing may sugat rin pala siya dito, kung kaya’ t kanina pa ito tila kumikirot.

Kinuha naman saglit ni Susan ang emergency kit na nakatago sa tukador malapit sa may kusina.

Maya-maya ay bumalik muli ang matanda sa loob ng silid ni Francis upang gamutin ang mga sugat nito.

“Oh heto ang gamot, akin na yan at lalagyan ko.”

“Sige po tiya, dahandahan lang po.”

“Nasaan na ba yang kapatid mo? Dapat din sigurong gamutin yun.”

“Ewan ko dun.”

“Ano ba nangyayari dun? Nitong mga nakaraang araw eh tila balisa yang kapatid mo. Lagi pa nagmamadali.”

Hindi naman maikuwento ni Francis ang kanyang nakita at nasaksihan kanina.

Na mayroong bitbit si Michael na ipinagbabawal na gamot. Gusto pa rin niya itong pagtakpan at ayaw ipahamak ang kanyang kapatid.

“Hindi kaya nag-aadik na yang kapatid mo Francis?”

“Hindi ko po alam tiyang. Basta ang sigurado ko, hindi na siya yung kuya Michael na kakilala natin.”

Ayaw man sanang magpahalata ni Francis na labis itong nasasaktan sa nangyayari ay kusang tumutulo ang kanyang mga luha na para bang pinipiga ang kanyang sikmura at puso.

Alam niyang malaki ang tsansang masisira ang buhay ng kanyang kapatid kung hindi niya ito maliligtas.

“Salamat po tiya, magpapahinga na po ako.”

“Sige iho, magluluto na rin ako ng hapunan natin. Magpahinga ka muna dyan.”

Alam ni Susan na may ikinukubli sa kanya si Francis tungkol kay Michael. At alam niya kung paano nahihirapan ang magkapatid na itawid ang pagsubok na ito sa kanilang buhay.

Kinabukasan ay maagang naggayak si Francis upang pumasok sa kanyang part time job. Tinitignan nito ang kanyang mukha sa salamin at hindi pa talaga maayos ang kanyang itsura.

Alam din niyang hindi umuwi sa kanilang bahay si Michael. Isa pa ito sa kanyang ipinag-aalala, kung saan tumuloy ang kanyang nakakatandang kapatid.

Ngunit kailangan pa rin niyang ipagpatuloy ang kanyang buhay.

Walang karapatan si Francis na umabsent sa kanyang trabaho.

Iniisip nga lang niya ang kanyang masamang itsura at kalagayan, ngunit hindi ito ang pumigil sa kanya upang hindi tumuloy sa trabaho.

“Francis naman, ano naman iyang nangyari sayo? Hindi maganda sa image ng kumpanya natin kung may trabahdor na basagulero.”

“Sorry po sir Alfon. Hindi ko po napigilan eh.”

“Bossing, hindi naman po basagulero si Francis eh. Talagang siraulo lang yung gumulpi sa kanya.”

“Kahit na. Iyang pasa mo, hindi naitatago. Ano na lang ang sasabihin ng mga customer natin? Na wala kayong values?”

Hindi naman masabi ni Francis ang buong katotohanan sa kanyang boss dahil lalo niyang masisira ang imahe ng kainang kanyang pinagsisilbihan kung malaman nilang may kapatid siyang drug pusher.

“Ngayon lang ito Francis ha. Kung mauulit pa ito na ganyang ang hitsura mo pagpasok, pasensyahan na lang tayo pero tatanggalin kitang service crew.”

“Opo sir Alfon. Naiintindihan ko po. Sorry po.”

Nakayuko na lang si Francis habang naglalakad papaalis ang kanilang boss.

Masaya pa rin siya at nagpapasalamat dahil pinagbigyan pa rin siya ngayong araw. Gusto niya magtrabaho dahil sayang ang kikitain niya para sa pamasahe at pagkain sa tuwing siya ay papasok sa eskuwela.

Dinampot agad ni Francis ang mop saka sinimulang maglampaso ng sahig. Kahit na medyo masakit pa rin ang kanyang kasu-kasuan ay itinuloy pa rin niya ang kanyang mga gawain. Iniinda niya ang bawat lagutok ng kanyang buto.

Ngunit hindi niya maiwaksi sa isipan kung nasaan si Michael. Alam niyang sakitin ito at talagang nag-aalala si Francis sa kanya.

At ang mas masama pa, ay baka nadampot na ito ng mga pulis.

O kaya naman ay napahamak na dahil sa sinasabi nitong malelate na siya sa kanyang delivery ng package.

Umikot-ikot ang mga ito sa isipan ni Francis at hindi niya napansin ang matandang babaeng paparating.

Nabangga niya ito at tumapon ang inorder na juice, fries at burger sa sahig.

“Naku iho! Talaga naman!! Haaaaay!!!”

“Sorry po. Sorry po…”

“Paano ako makakakain niyan. Tatanga-tanga naman kasi eh.”

Hindi alam ni Francis ang kailangan niyang gawin.

Kahit na hindi niya ito sinasadya, ay dapat pa rin niyang panagutan ang kamaliang kanyang nagawa.

“Ma’am, we are very sorry for this. Don’t worry po, papalitan po natin ito. Maupo na lang po kayo and we will serve it na lang po.” Saad ng kanyang kaklase.

Namangha naman si Francis dahil sa pagsalo sa kanya ng magandang babae at hanggang ngayon ay hindi niya pa rin naaalala ang kanyang pangalan.

Habang nililinis ni Francis ang mga nahulog na pagkain sa sahig, ay nakita niyang galit na nakatingin sa kanya si Alfon. Pinagmamasdan at inoobserbahan niya ang bawat kilos ng binata.

Ipinagpatuloy ni Francis ang kanyang ginagawa at binilisan na lamang niya ito. Gusto na muna niyang ituon ang buong atensiyon niya sa kanyang trabaho at huwag na munang isipin ang problema niya sa kanyang kapatid.

Nang patapos na ang kanyang shift ay tumuloy na si Francis sa may locker room para makapaghanda na sa kanyang klase.

Tila naiiyak ito sa kanyang mga pinagdaraanang pagsubok at problema, at kahit ayaw niya, ay kusang tumutulo ang kanyang luha.

“Iyakin ka pala eh.”

Nagulat naman si Francis nang may biglang nagsalitang babae sa loob ng locker room.

“Hindi. Sinisipon lang ako.”

“Woooh! Aminin mo na. Natakot ka ba sa pagsigaw ng isang customer nating kanina? Hehehe..”

“Hindi no. Wala naman akong pakialam kung sigawan niya pa ako ng sigawan.”

“Yan! Tama yan. Tibayan mo lang loob mo. Hindi yung ganyang iyakin ka.”

“Hindi nga ako iyakin.”

“Huli na kita, huwag ka nang magkaila.”

Mamaya ay biglang tumahimik ang paligid.

Nakatitig si Francis sa babaeng kanyang kausap.

“Naalala na kita.”

“Huh?”

“Ikaw yung nambubuwiset tuwing may book report tayo sa Humanities.”

“Hahaha… Anong nambubuwiset. Nagtatanong lang ako at hinuhuli ko kung binasa niyo ba talaga yung libro na nirereport ninyo.”

“Linda, tama ba?”

Napatingin naman ang babae kay Francis.

Tila ay natuwa ito dahil naalala na rin siya sa wakas ng binata.

“Kakaiba ka talaga Linda. Nambubuwiset sa book report, tapos nandudura ng pagkain ng customer. Kakaiba ka talaga.”

“Hahahaha!”

Ang kaninang malungkot na mukha ni Francis ay napalitan ng matamis na pagngiti.

Napatawa siya, sa di inaasahang pagkakataon, ng isang babaeng lagi siyang nilalabanan at sinusurpresa.

Kakaiba din ang lalaking ito…

Ilang araw ko na siyang nakakasama sa trabaho pero hindi niya pa rin naalala ang pangalan ko.

Ngayon lang…

Sa halos isang linggo na kami magkasama sa umaga, nakita ko na halos lahat ng kanyang emusyon.

Dati-rati ay nagagalit siya sa akin sa tuwing tinatanong ko ang mga kaklase namin sa kalagitnaan ng book report. Eh ano ang magagawa ko? Sobrang inaantok ako sa pagod at iyon na lamang ang dapat kong gawin para magising. Pero siya… Nagalit pa siya sa akin.

Noong isang araw, nakita ko siya ngumiti. Marunong din pala ngumiti itong lalaking ito. Natawa siya sa kalokohang ginawa ko at hindi niya ako sinumbong.

Kani-kanina lang, ay nakita ko kung paano siya kinabahan at natakot. Sino ba naman ang hindi matatakot sa mukhang bella flores naming customer. Mukhang kontrabida sa isang soap opera. Alam ko ang pakiramdam, kung kaya’t dali-dali ko siyang tinulungan.

At ngayon…

Nakita ko siyang lumuha. Hindi niya puwedeng itago sa akin yon, dahil nakita ko siya. Alam kong may dinadamdam siya. Sa mga pasa na nasa kanyang maamong mukha, tiyak ako na may pinagdaraanan siya.

“Ano? Sabay na tayo pumasok sa school?”

“Sige ba. Magpapalit lang ako ng damit. Wait ka lang diyan.”

Ang simpleng paanyaya niyang iyon ay talaga namang ikinatuwa ko.

Hindi ako basta basta pumapayag sa alok ng mga lalaki.

Ito ay dahil mayroon akong tatlong kapatid na lalaki at alam ko ang mga panlolokong ginagawa nila sa mga chicks nila.

Kaya ako, hindi agad maloloko ng mga lalaki.

Akala pa nga nila nanay ay tomboy ako dahil sa dinamirami na nanligaw sa akin ay wala akong sinagot.

Anong magagawa ko? Walang pumasa sa standards ko. At ayoko namang pilitin ang sarili ko na magkaroon agad ng boyfriend dahil nauuso sa eskuwelahan.

Pihikan nga lang siguro ako.

Pero nang naging kaklase ko si Francis, parang agad tumibok ang puso ko.

May iba akong naramdaman sa kanya.

Halata namang matalino at mabait itong si Francis.

Kung kaya’t gumagawa ako ng paraan para makuha ang atensiyon niya at nang makasama ko pa siya ng matagal.

“Tara na.”

“Oo nga pala Francis, lagi kasi ako dumadaan sa simbahan sa katipunan bago sumakay ng jeep. Okay lang ba sayo na dumaan tayo roon bago pumasok?”

“Okay lang. Sige daan tayo kung yan ang gusto mo.”

Inaamin ko. May gusto ako sa kanya.

Hindi nga yata pagkagusto lang iyon, kundi kakaibang uri ng pagmamahal.

Hindi pa nga siguro ganap na pagmamahal, pero alam kong paparating na doon.

Nang makarating kami sa simbahan ay sabay kaming lumuhod. At habang nagdadasal siya, ay sinisilip ko si Francis.

Naging kaugalian ko na yata iyon sa tuwing kasama ko ang lalaking ito. Ang panoorin ang bawat galaw niya at pakinggan ang mga sinasabi niya.

Nakita ko na taimtim siyang nagdadasal habang nakapikit.

Mukhang marami siyang hinihiling sa Kanya, mabuti pang ipagdasal ko na rin na tuparin kaagad ang panalingin ng lalaking ito.

Ganun na kahalaga sa akin si Francis. Kaya nakikiusap ako sa Panginoon na tuparin na Niya ang kahilingan ni Francis at keep Him safe.

Masakit sa akin tignan na mukha siyang napagtripan ng adik.

Pero dahil importante sa kanya ang trabaho, ay nagawa pa rin niyang pumasok, kahit kinagalitan pa siya ni Sir Alfon.

Umupo muna ako habang hinihintay siyang matapos magdasal.

Nakatingin lang ako sa kanyang likuran. Masaya ako dahil sobrang magkalapit na kami ngayon at magkasama pa sa simbahan.

Sabi ko na nga ba, iba itong nararamdaman ko sa lalaking ito.

Nagulat na lang ako nang bigla niya akong nilingon at ngumiti siya sa akin.

“Sorry ha, napahaba ata dasal ko. Hehehe.”

“Ayos lang yan. Mukhang kailangan mo ng panalangin eh.”

“Sobra. I need prayers, for me and for my brother.”

“Ano bang pinagdasal mo, Francis? Kung puwede lang naman malaman.”

“Marami… Na sana malampasan ko lahat ng dumarating na pagsubok sa akin, sa amin…”

Nakatitig lang ako sa kanya at pinakikinggan ang bawat salitang lumalabas sa kanyang bibig.

“At siyempre, ipinagdasal ko na sana hindi magalit ang prof natin ngayon kasi malelate na tayo… Hehehe.”

“Ayyy oo nga! Tara na!”

Masaya ako dahil unti-unti niyang binubuksan ang kanyang puso at damdamin sa akin.

Gusto ko pa siya makausap at makilala.

Sana… Sana… Sana…

May pagkakataon pa kaming magakasama. Sana mas matagal pa sa susunod.

Kahit nasa jeep kami ng UP Ikot-toki ay pinagmamasdan ko siya.

Siguro ay napapansin niya ako, at dahil sa ayaw niya akong ipahiya, ay hindi na lang niya ako sinasabihan.

“Ilan kayo magkakapatid Linda?”

“Lima. Ako lang ang babae, at may tatlo pa akong kapatid na puro lalake.”

“Oh, akala ko ba lima? Apat lang yun ah.”

“Namatay yung isa kong kapatid. Nagkasakit siya at hindi na nalunasan ng gamot. Bata pa ako noon, at siya bale ang pinaka kuya namin.”

“Ahhh ganun ba… Sorry. Puro pala lalaki talaga mga kapatid mo.”

“Kaya nga eh… Ako lang daw prinsesa nila.”

“Ikaw ang mutya. Hehehe”

Gusto ko pa sana makipagkuwentuhan, pero kailangan ko nang bumaba.

“Dito na ako baba…”

“May humanities tayo ngayon di ba?”

“Oo meron. Papasok ako.”

“Okay…”

“Hmmm… Puwde ko ba makuha number mo?”

Heto na yata ang pinakahihintay ko…

Kaya agad agad kong inilabas ang cellphone ko.

“Ibigay mo sa akin number mo imimiskol kita.”

“Okay sige. Akin na itatype ko.”

Mabiliw kong itinayp ang cellphone number ko sa kanya dahil nagmamadali na siya.

“Okay. Thanks ha. Miskol kita. Kailangan ko na kasi bumaba eh.”

“Okay, antayin ko na lang.”

“Ingat… Linda…”

“Ingat ka din….”

Tuluyan na siyang nakababa sa jeep.

At kahit umaandar na ang jeep ay nakalingon pa rin ako sa kanya habang paliit na siya ng paliit sa aking paningin.

Francis… Salamat.

I hope we’ll become good friends.

…ako nga pala si Linda. Linda Esguerra.

Lumipas ang mga araw at hindi pa rin nakakauwi ng bahay si kuya Michael. Hindi ko alam kung saan siya nakikitira at nakikitulog.

Sinusubukan kong makipag-ugnayan sa mga kasamahan niya sa toda, pero wala akong makuhang impormasyon mula sa kanila.

Hindi ko alam kung pinagbabawalan nila akong malaman kung nasaan siya. O mismong si kuya Michael ang nagbabawal sa kanila na ipaalam sa akin kung saan siya naroroon.

Hindi ko na maintindihan. Pero buo ang loob kong hanapin ang kapatid ko.

Tama si tiya Susan, kaming dalawa na lang ang natitira sa pamilya namin. At hindi kami dapat nagkakahiwalay, at sa halip ay dapat lagi kaming magkasangga at magkaramay.

Maypagkakataon pa si kuya Michael na magbago. At sana’y hindi pa huli ang lahat para sagipin siya. Para mailigtas.

Iyon lang ang tangi kong panalangin. Na magkita kami ulet at humingi ng kapatawaran sa kanya.

Mali ako nang sinabi kong pagod na pagod na ako sa kanya.

Mali ako dahil idinaan ko agad sa galit.

Mali ako dahil hinusgahan ko agad siya at hindi ako nakinig sa kanya.

Sana… Sana… Sana…

Hindi pa huli ang lahat… Sana hindi pa.

“Bossing, kakilala niyo po ba si Michael Alcantara?”

“Michael Alcantara? Hmmm… Bago lang din kasi ako sa pamamasada bossing eh. Teka tanong natin dito sa mga matatanda.”

“Sige bossing, please lang po.”

“Mga pare, itinatanong nito kung may kakilala daw kayong Michael. Michael Alcantara…”

Pinagmamasdan ko ang mga tricycle drivers pero talagang wala silang kakilala na Michael Alcantara.

Hindi ko maintindihan kung bakit hindi nila kakilala si kuya.

“Pasensya na, wala talaga kami kakilalang ganun. Baka sa ibang toda yun.”

“Ahh ganun po ba? Sige manong, salamat na lang.”

Kahit alam kong kakainin ng oras ko ang paghahanap kay kuya, ay gagawin at gagawin ko pa rin ito. Kahit ano pang mangyari sa akin.

“Ikaw ba si Francis?”

Nagulat ako sa isang lalaking lumapit sa akin.

Hindi ko siya kakilala, pero alam niya ang pangalan ko.

“Opo manong. Bakit po?”

“Narinig kasi kita, nagtatanong tungkol kay Michael. Michael Alcantara. Tama ba?”

“Opo manong. Hinahanap ko siya. Hinahanap ko kapatid ko.”

“Sumama ka sa akin, dadalhin kita kung nasaan si Michael. Ayaw niya sana ipaalam pa sayo, pero hindi ko kayang hindi sabihin sayo. Awang awa na ri. Ako sa kalagayan niya, ni hindi siya kayang ipagamot ni Mang Nando.”

“Ipagamot? Mang Nando? Hindi ko po maintindihan.”

“Nasaksak si Michael, tatlong araw na ang nakakalipas. Nadawit siya sa gulo sa safe house ni Mang Nando. Ayun, napuruhan kapatid mo.”

Wala akong maintindihan sa sinasabi ng lalaking ito.

Parang lumulutang ang utak ko.

Dahil ang tanging naririnig ko lang, ay yung salitang nasaksak daw si kuya Michael.

Hindi ko pa rin alam kung ano talaga ang nangyari, basta’t sumama na lang ako sa manong na ito.

Nagtitiwala akong alam niya kung nasaan ang aking kapatid.

Pero hindi pa ako naniniwala na may nangyaring kapahamakan kay kuya Michael.

Hindi ako naniniwalang nasaksak siya.

Iyon lang ang tanging panalangin ko. Na hindi sana totoong nangyayari ito sa amin.
Dahil hinding-hindi ko mapapatawad ang aking sarili kapag may nangyaring masama sa aking kapatid. Na hindi ko sinunod ang bilin nila mama at papa na alagaan si kuya Michael.

Buong akala ko ay sa ospital ako dadalhin ni manong. Iyon pala ay sa isang lumang bahay.

Nang bumaba kami ng tricycle ay nilakad namin ang isang makipot na eskinita.

Habang naglalakad ay nakita ko ang motorsiklo ng aking kapatid.

Nakasakay doon ang isang ka-edaran naming lalaki at tila nabili na niya ito mula kay kuya.

“Kinailangan namin ibenta yan motor niya, pambili ng pagkain at gamot.”

Iyon lang ang nabigay na paliwanag sa akin ni manong.

Hindi ko alam kung magagalit ba ako kay kuya Michael o magagalit ako sa sarili ko.

Pero hindi ako nagpadaig sa galit na nadarama ko noong mga panahong iyon.

Medyo malayu-layo ang aming nilakad, hanggang nakarating kami sa isang bahay na may itim na gate.

Pumasok kami, at tumambad sa akin ang mga boarders daw ng bahay na iyon.

Napakadaming tao para sa isang medyo maliit na bahay.

“Gising?” Tanong ni manong sa isang lalaki.

“Tulog.” Sagot naman nito.

“Kumain na ba?”

“Ayaw kumain.”

Kinakabahan ako habang pinakikinggan ko silang nag-uusap.

Bigla kong ipinagdasal na sana hindi si kuya Michael ang itinuturo ni manong sa akin.

Parang hindi pa ako handa makita ang kapatid ko sa ganitong kalagayan.

Matagal-tagal ko rin siyang hindi nakita.

Baka hindi ko kayanin.

“Pasok ka na dyan sa kuwarto.”

Agad ako sinenyasan ni manong saka ko binuksan ang doorknob.

Pagbukas ko ng kuwarto…

Wala…

Wala na…

Hindi ko matignan ang kalagayan ng kapatid ko…

Nanginginig akong lumapit sa kanya.

Para siyang natorture.

Halatang sariwa pa ang sugat niya sa may bandang gilid ng kayang tiyan at may hiwa din sa kanyang bandang pisngi.

“Putang ina!!”

Iyon lang ang nasabi ko habang umiiyak at pinagmamasdan si kuya Michael.

Hindi ako makagalaw.

Nakita ko siyang unti-unting dumidilat. Nagulat ata siya sa pagmumura ko.

“K-k-k-kaaa-mbaaal…”

Mahinang bulong sa akin ng aking kapatid.

Gusto kong magwala.

Gusto kong iumpog ang ulo ko sa dingding.

Bakit?

Bakit hinayaan kong mangyari ito?

Bakit niya pinabayaan ang sarili niya.

Iyak na lang ako ng iyak.

Iyak ako ng iyak.
Agad kong humingi ng tulong sa kanyang mga kasamahan at dadalhin na namin sa ospital si kuya Michael.

Walang ibang tutulong sa kanya kundi ang sarili niyang kapatid.

Wala silang awa. Mga walang puso.

Parang hayop nilang itinuring ang kapatid ko.

Agad kong itinext si tiya Susan at ipinakuha ko sa kanya lahat ng natitira naming pera.

Bahala na.

Kahit maubos pa iyon para sa pagpapagamot ni kuya Michael, wala na akong pakialam.

Alam kong makakagawa ako ng paraan sa kakainin namin araw-araw.

Bahala na.

Dapat mabuhay si kuya Michael.

Dahil hinding-hindi ko mapapatawad ang aking sarili. Hinding hindi.

Diniretso na siya sa emergency room at agad naman siyang inasikaso ng duktor.

Lumubha na ang kanyang kalagayan dahil hindi nila agad dinala sa ospital ang kapatid ko.

Gusto ko silang balikan lahat pero naisip ko rin baka walang pera ang mga kasamahan niya kung kaya’t hindi nila naidala sa ospital si kuya.

Nagdasal ako.

Natuto akong magdasal sa Diyos at sa lahat ng mga santo.

Maisalba lang ang kapatid ko.

Tanging sandigan ko lang ay si tiya Susan.

Ako ang nagbantay kay kuya Michael mula gabi hanggang umaga, araw-araw.

Ayokong umalis ng ospital.

Ayokong mawala siya nang hindi ko nakikita.

Humingi ako ng konsiderasyon kay sir Alfon dahil sa nangyari kay kuya Michael.

Inintindi naman niya ako nagpaabot rin sila ng tulong.

Dumalaw din ang iba kong mga kasamahan sa fast food at ang kaklase kong si Linda.

Si Linda…

May mga araw na umaabot siya hanggang alas-diyes ng gabi para samahan akong magbantay kay kuya Michael.

Kahit papaano ay gumagaan ang aking pakiramdam sa tuwing kasama ko siya.

Malakas ang loob niya at lalo niya pinapatibay ang kalooban ko.

Kaya malaki ang pasasalamat ko sa tuwing katabi at kasama ko siya.

Kahit papaano ay naiibsan ang sakit na dinadala ko sa tuwing nakikita ko si kuya Michael.

Halos dalawang linggo pa ang inilagi namin sa ospital upang tuluyan nang gumaling ang aking kapatid.

Walang araw na hindi siya humingi ng paumanhin sa akin.

Sorry siya ng sorry dahil naging pabigat nanaman siya sa amin.

Dahil nakapagbigay nanaman siya ng problema sa akin.

Pero katulad na lang nang sinabi niya, tapos na ang lahat.

Nangyari na ang nangyari at wala nang iba pang magagawa kundi ang magpatuloy sa buhay.

“Kambal, bago umuwi, daan muna tayo…”

“Sige kuya, kung yan ang gusto mo.”

Madalas ay hindi ko maunawaan ang mga ginagawang ito ni kuya Michael.

Kung bakit na lamang niya inilalagay ang kanyang sarili sa ganitong sitwasyon.

Ngayon, unti-unti ko nang nauunawaan kung bakit nasa kaniya ang buong atensyon nila mama at papa…

Dahil para sa akin, mas kailangan niya iyon.

Natuto siyang dumepende sa amin, at iyun naman ang malaki niyang pagkakamali.

Bago kami tuluyang makauwi sa aming bahay, ay dumaan muna kami sa puntod ng aming magulang.

Nag-alay kami ng dasal at nakita ko si kuya Michael na humahagulgol sa pag-iyak.

Hinayaan ko lamang siya. Pinagmasdan ko na lang kung paano siya magsisi sa lahat ng kanyang nagawa.

Habang nagsisindi ako ng kandila sa puntod nila mama at papa, ay nagulat ako nang bigla siyang nagsalita.

“Kambal… pumalpak nanaman ako. Gusto ko lang sana itaguyod ang pamilyang iniwan nila mama at papa, pero mali ang landas na tinahak ko. Akala ko kaya ko. Akala ko madali ko lang malulusutan ang lahat. Pero mali ako. Ang tanga ko. Dahil alam ko nang mali yung gagawin ko, itinuloy ko pa rin.”

Tahimik lang ako habang pinapakinggan si kuya Michael.

“Patawarin mo sana ako kambal. Patawad sa mga perwisyong naidulot ko sa iyo.”

“Alam mo kuya, lagi ako kinagagalitan nila mama at papa kapag iniiwan kita tuwing uwian noong nasa grade school pa lang tayo. Hindi iyon dahil sa mahina ka, o lagi kang nawawala o dahil hindi mo kayang umuwi mag-isa. Ang tanging aral lang na gustong ipaabot sa akin ni papa, ay yung maging kapatid ako sayo. Tayong dalawa na lang kuya ang natitira sa pamilyang ito, sana magtulungan na lang tayo na itawid ang buhay natin sa tamang paraan. Makikinig ako sayo, sa lahat ng gusto mo… Pero kuya, sana naman makinig ka rin sa akin..”

“Aaminin ko kambal, mayabang ako, gago. Pero salamat sa mga pagkakataong iniintindi mo na lang ang kayabangan ko. Hayaan mo, makikinig na ako sayo kambal. Magiging mabuting kapatid na ako sayo.”

Nangangarap pa rin ako na isang araw, matupad lahat ng sinabi sa akin ni kuya Michael.

Na balang araw ay may magandang umaga na muling sisikat sa aming buhay, kahit wala sila mama at papa.

Wala akong ibang magagawa kundi ang umasa… at manalangin.

ereimondb
Latest posts by ereimondb (see all)
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Most Voted
Newest Oldest
Inline Feedbacks
View all comments
Libog Stories
0
Would love your thoughts, please comment.x