Written by ereimondb
Ikapitong Utos – Episode 9: Asong Ulol
“Oh, heto… Kain lang kayo ng kain. Madami pang kanin, sabihan niyo lang ako at ikukuha ko kayo.”
Para sa akin, isa si tiya Susan sa pinakamasarap magluto sa aming pamilya.
Pero para sa akin, si papa pa rin ang pinakamagaling gumawa ng ginataang sugpo.
“Tiya, si Carlyn po? Bakit hindi pa siya sumabay sa atin kumain?”
“Ay naku, bumalik siya sa Nueva Ecija. Doon daw muna siya. Tamang tama naman at malapit na rin ang pasukan nila.”
Nakatingin lang ako kay kuya Michael.
Wala pa rin siyang kibo.
Hindi ko alam kung nahihiya siya sa akin, o sadyang napaka walang hiya lamang niya.
Gusto ko siyang ibuko sa nanay ni Khang, pero alam kong hindi na mauulit ang ginawa nilang kababuyan ng aming pinsan.
“Fourth year na po ba si Khang?”
“Abay oo. Isang taon lang tanda niya kay Michael.”
Parang nasamid naman si kuya nang banggitin ang kanyang pangalan.
Gusto ko rin siyang konesyahin.
“Naku, graduating na pala. Suwerte naman niya at makakapagtrabaho na rin siya sa susunod na taon.”
“Yan nga din ang dasal ko, Francis. Ang makatapos iyang si Carlyn.”
“Bantayan niyo po siya ng mabuti.”
Napatingin sa akin si kuya Michael.
Tumingin din ako sa kanya. Mata sa mata.
“Dahil napakagandang babae ni Khang, alam kong marami-rami rin ang nagkakagusto sa kanya. Baka mapurnada pa.”
“Abay hindi naman ganoon si Khang. Akala ko nga noong una’y magmamadre iyon. Eh dahil sa sobrang hinhin kumilos at parang walang sinasagot na manliligaw sa amin eh.”
Mahinhin?
Gusto kong mabilaukan sa sinabi ng aking tiyahin.
Ganoon ba kalakas ang kamandag ni kuya Michael sa mga babae?
At sadyang talunan pa rin ako sa kanya?
“Mabuti naman po at mahinhin talaga si Khang, hindi ba kuya?”
Hindi ako tinitignan ni kuya Michael.
Panay ang inom niya ng tubig.
“Abay ikaw ba’y may nobya na ha Francis?”
“Wala pa po tiya.”
“Ah, mabuti naman at pag-aaral mo yang inuuna mo.”
“Wala po atang nagkakamaling magkagusto sa akin tiya.”
Maya-maya ay tila hindi na kinaya ni kuya Michael ang aming usapan.
Tumayo siya, dala-dala ang kanyang pinggan at baso, saka nagpunta sa kusina.
“Ilagay mo na laang diyan ang pinagkainan mo Michael, ako na ang maghuhugas at magliligpit niyan.”
Alam kong guilty si kuya.
Ayaw pa rin akong imikan ng mokong.
Gusto ko lang naman na pagsisihan niya ang mga ginagawa niyang kalokohan.
Hindi lang sa akin, kundi kay Sheryn na nasa Los Angeles.
Mahirap.
Mahirap nga magkaroon ng long distance relationship.
Patatagan ito ng dibdib. Patibayan ng sikmura.
Pero hindi iyon lisensya para sila ay maghanap ng iba. Mas maigi pang maghiwalay na lamang sila ng tuluyan at maayos para walang masasaktan ng dahil sa pangangaliwa.
Pero hindi ko na din iniisip na maging akin si Sheryn. Para sa akin ay bahagi na lamang iyon ng aking nakaraan. Ng aming nakaraan.
Pagkatapos kong kumain ng hapunan ay sinundan ko si kuya Michael sa basketball court.
Wala namang ibang naglalaro dito, kung kaya’t nagpasya akong agawin sa kanya ang bola.
Hindi pa rin ako iniimikan ng kapatid ko.
“Kapag nashoot ko ito kuya, susuntukin kita. Ayos ba?” Biniro ko siya.
Tumingin siya sa akin.
At nagpatuloy pa rin ako sa pagshoot ng bola.
Sa kasamaang palad ay hindi ko ito naipasok sa ring.
“Subukan mo ulit.” Sabi sa akin ni kuya Michael, sabay pasa ng bola.
Tinitignan ko siya at mukha ngang gusto niyang masuntok sa mukha.
Idrinibol ko muna ang bola at tumingin sa ring.
Gusto kong ishoot ang tirang ito.
Nakita ko din siyang inaabangan ang ginagawa ko.
Shoot!
Sa wakas.
Lumapit siya sa akin.
“Suntok na.”
Hindi naman ako nakagalaw at nakaimik sa kanya.
“Puta! Puro ka lang dakdak eh.”
Gusto kong sabihing biro lang. Pero napasubo na ako.
“Suntok na! Sige! Suntukin mo na ako! Kanina ka pa nagpaparinig sa akin di ba?! Puta puro ka salita.”
Walang kaabog-abog, bigla ko siyang sinuntok.
Tumumba siya sa semento. Sobrang init pa naman ng semento dahil tirik na tirik ang araw.
Sumakit ang kamao ko. Tigas ng mukha ng mokong.
Nakita ko siyang nakayuko, dumudugo ang kanyang bibig.
May tinanggal din siyang ngipin, mukhang nabunot ata sa lakas ng pagkakasunto ko.
Maya-maya ay may nadidinig akong tawa.
Tumingin ako sa paligid, habang hinahanap ko kung sino yung tumatawa.
Pagtingin ko sa kanya, siya pala yung parang baliw na tumatawa.
“Putang ina! Yun na yun kambal? Langhiya. Sino naman ang matatakot mo sa suntok mong yun?”
Gago!
Ngayon ko lang sinubukang sumuntok.
“Mahina ba kuya? May isang ngipin ka ngang natanggal eh.”
“Isang ngipin lang pinagmamayabang mo na kambal.”
Tumayo siya habang hawak pa rin niya ang kanyang dumudugong labi.
Lumapit si kuya sa akin.
Natakot ako baka suntukin niya rin ako.
“Sa susunod, sa ilong mo papatamain ang suntok mo. Para mahirapang makahinga yung kalaban mo. Eh mukha ka lang nagpabunot ng ngipin eh. Baka magpasalamat pa sayo yung tao dahil libre bunot sa dentista ang ginawa mo. Hehehehe.”
Akala yata ni kuya Michael ay pinagpapraktisan ko siyang sumuntok.
Hindi niya ata nahalata na ginawa ko iyon dahil tinira niya an gaming pinsan.
“Gago ka talaga! Pati pinsan natin pinatos mo.”
“Oo na kambal. Mali na ako. Kasalanan ko iyon. Pinagsisihan ko naman yun eh.”
“Paano kung nahuli kayo ni tiyang Susan?”
“Edi huli. Wala na tayong magagawa kung sakaling nahuli.”
Iyan lang ang laging masasabi ni kuya Michael.
Nangyari na ang nangyari.
Halatang hindi niya ito napag-isipan. Gaguhan lang ng gaguhan.
Katulad ng sinabi niya, wala na kaming magagawa pa.
Kinuha niya ang bola sa akin at siya naman ang sumubok magshoot.
Parang ako pa ang naging kawawa dahil wala siyang natutunan sa gusto kong ibahaging aral sa kanya.
“Kuya, next week na pala graduation rights ninyo ah. Nakita ko sa Friendster ng mga lower batch.”
Nagpatuloy sa pagshushoot si kuya Michael. Parang walang nadidinig.
Kinakabahan ako baka hindi nanaman siya grumaduate.
“Invited ba kami sa graduation march ninyo?”
Tumigil si kuya Michael at humarap ulit sa akin.
“Kambal, gagraduate ako tulad ng naipangako ko sayo. Pero sana maintindihan mo na ayokong magmartsa. Ayoko kasama ang mga kaklase ko ngayon. Mga ungas.”
“Sayang naman yun kuya. Iba pa rin kung nakapunta ka sa graduation rights.”
“Okay na yun kambal. Ang mahalaga, nakapagtapos na ako ng highschool. Natupad ko na pangako ko sayo.”
Loko talaga itong si kuya Michael. Pati ang pagmartsa sa araw ng pagtatapos ay kinatamaran niya pa.
“Okay. Kung yan ang gusto mo kuya. Okay na rin siguro iyon ang mahalaga nakapagtapos ka na.”
Nagpatuloy ulit si kuya Michael sa paglalaro ng basketball.
“Kuya, ano palang eskuwelahan napili mo para sa kolehiyo?”
“Mabuti natanong mo yan kambal.”
Lumapit ulit siya sa akin.
Dito ako mas kinakabahan. Para kasing walang plano si kuya Michael.
“Gusto kong ipaalam sayo ang napagdesisyunan ko.”
“Ano yun kuya?”
“Titigil muna ako sa pag-aaral.”
“Hah?! Bakit?”
“Maghahanap ako ng trabaho kambal.”
“Trabaho? Eh baka puwede namang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho. Part time job lang tulad ng ginagawa ko.”
“Yun na ang desisyon ko kambal. Gusto kong ikaw muna ang makatapos. Itatawid natin yang pag-aaral mo. Ako naman ang gagalaw para sa pamilya natin.”
“Kuya, iskolar naman ako eh. Tsaka ako na bahala sa pamasahe at pagkain ko. May part time job naman ako sa isang fast food chain.”
“Hayaan mo na ako sa desisyon ko. Iyon ang binabalak kong gawin. Ako na bahala doon.”
Mukhang nabadtrip sa akin si kuya Michael.
Gusto ko lang naman siya maliwanagan, na mahalaga ang pag-aaral.
“Pagtulungan na lang natin kuya, para pareho tayong nakakapag-aral.”
“Tangina naman eh! Sabi kong iyon na ang napagdesisyunan ko. Ako na muna ang magtatrabaho sa ating dalawa. Ipagpatuloy mo yang pag-aaral mo, at kung gusto mo itigil mo na iyang part time job mo. Ako na muna ang magtatrabaho sa atin.”
Galit na nga ang mokong.
Mukhang ayaw pa niyang paliwanagan ko siya.
“Sige kuya. Kung yan talaga ang gusto mo.”
“Basta ako na bahala. Tsaka ako ang kuya sa ating dalawa, kaya dapat ako ang humahanap at gumagawa ng paraan para may makain tayo.”
—
Lumipas ang mga araw at ginawa na nga ni kuya Michael ang kanyang sinasabing napagdesisyunan na niya.
Namamasada na siya ngayon ng tricycle.
Kahit naman pagsabihan ko siya na sayang ang pagkakataon niya upang makapag-aral, dahil may kaunti pa namang natitira sa pera ng aming mga magulang, ay sadyang matigas ang kanyang ulo at hindi talaga siya nakikinig sa mga sinasabi ko.
Kung kaya’t hinayaan ko na lang.
Maaga pa lang ay umaalis na siya para sunduin ang tricycle na kanyang pinapasada kina mang Domeng. Napagkatiwalaan naman siya ng matanda dahil nagmakaawa daw si kuya sa kanya.
Ewan ko kung gaano katotoo ito. Pero alam kong kung may gugustuhin si kuya Michael ay nakukuha naman niya agad.
Hindi ko alam kung nakakabuti kay kuya Michael ito, dahil mukhang nagiging responsable siya, o mali ang desisyon niyang tumigil sa pag-aaral.
Bahala na…
Bahala na talaga…
Ako din naman ay hindi nagpaawat sa pagiging service crew sa isang fast food chain sa may Katipunan.
Unang araw ko ngayon. Dahil ngayon lang din ako tinext ng bossing Alfon.
Ngayon lang kasi nagkaroon ng bakante sa kanila.
“Madali lang naman dito tol kung masipag ka talaga at kung buo ang pasya mong magkaroon ng extra income.”
“Sana nga pare eh. Sana kaya kong pagsabayin ang pag-aaral ko at itong part time job ko.”
“Ayos yan Francis. Isipin mo na lang na hindi naman ikaw ang pinakaunang working student sa mundo. Hehehe. Kung kaya nila, kaya mo rin. Este, mas kaya mo dahil sa talino mong iyan.”
“Salamat pare.”
“Tsaka tibayan mo lang yang loob mo sa mga masusungit na customer.”
Kinakabahan ako.
Alam kong maraming customers ang hindi magkakagusto sa serbisyo ko. Dahil hindi naman ako sanay na magtrabaho.
Lumaki kami ni kuya Michael na may katulong sa aming bahay.
At ngayon, ako naman ang magiging tagasilbi ng pagkain sa mga taong hindi ko naman kakilala.
Pero wala na akong magagawa. Kailangan ko nang gawin ito, dahil naandito na rin lang ako.
“Sige, dahil unang araw mo ngayon, ikaw muna ang mag mop ng sahig at magtapon ng basura. Magpunas ka din ng tables at huwag mong hayaang may tumagal na lamesang hindi naaayos at napupunasan.”
Mukhang mapapasabak ata ako ngayon ah.
Pero kakayanin ko ito.
Maya-maya ay may pumasok sa pintuan ng fast food chain na tila isang pamilyar na babae.
Nakita ko siyang nagmamadali at pumasok sa kitchen.
Hindi ko matiis na hindi sundan, kung kaya’t pumasok din ako sa loob.
“Ikaw?”
Bungad ng babaeng iyon sa akin.
“Magkakilala kayo?”
“Oo naman. Magkaklase kami.”
“Ahh. Edi good. Magkakilala na pala kayo eh.”
“Kung kakilala mo talaga ako, sige nga, anong pangalan ko?”
Hindi ko matandaan.
Ang alam ko ay kaklase ko siya sa isang subject.
“Ah eh..”
“Hindi mo nga ako kilala.”
Napahiya ako sa kanya.
Ang alam ko ay kaklase ko siya, pero hindi ko talaga alam ang pangalan.
“Naku Francis, style ko din yan kung minsan. Para makilala ko yung trip kong bebot. Hehehe.”
“Hindi pare, totoo talaga, kakilala ko siya. Kaklase ko siya.”
“Asus! Nagdadahilan ka pa. Sige na, lumabas ka na ng kitchen at baka makagalitan ka ba ni sir Alfon sa unang araw mo.”
Lumabas na lang ako agad ng kitchen. Nakita ko siya sa counter at tumatanggap na siya ng order mula sa isang matandang babae.
Ang alam ko kakilala ko siya.
Nasa dulo ng aking dila ang kanyang pangalan.
Maaalala ko rin kung anong pangalan niya.
Ngayon, kailangan ko munang ayusin ang pinagkainan ng kaaalis naming customer. Hindi ko alam kung tao o baboy ang kumain dito, sobrang dumi at talsik-talsik ang mga kanin.
Kaunti pa lang ang nalilinisan kong lamesa ay sumasakit na ang likod ko.
Iniisip ko pang mag lalampaso pa ako maya-maya, ay tila parang umiikot na ang paningin ko.
Nang biglang may sumigaw na lalaki sa counter.
Nagrereklamo siya kung bakit kakaunti daw ang sauce ng spaghetti niya.
Lumingon ako at nakita kong yung pamilyar na babaeng iyon ang humaharap sa counter.
Lumapit ako ng kaunti habang kunwaring nagwawalis.
Gusto kong mapakinggan ang inirereklamo nito at kung paano sumagot ang kaklase ko.
“Sabi ko naman sayo kulang ang sauce. Hindi ako kumakain ng halos walang sauce na spaghetti. Ang mahal mahal nito tapos tinitipid mo ako?!”
“Sir, nadagdagan na po iyan ng sauce, katulad ng sinabi ninyo. Pangatlong lagay na po namin yan.”
“Peste! Dagdagan mo nga! Anak ng pating naman oh!”
“Okay po sir, sandali lang po.”
“Sandali nanaman? Naku pakitawag na ang manager ninyo.”
Nakita ko ang babaeng iyon na pumasok sa kitchen.
Iniisip ko na baka umiiyak na siya dahil panay bulyaw sa kanya ng matanda.
Agad ko namang sinundan ang babaeng kaklase ko upang tignan kung okay lang ba siya.
Pagpasok ko, mas lalo akong nagulat sa kanyang ginawa.
Dinuraan niya ang sauce na nasa spaghetti na inorder ng lalaki.
Nakita niya ako at sabay kindat sa akin.
Hinalo-halo ng kanyang daliri ang sauce at talaga namang dumami, halos umapaw pa, ang spaghetti sauce.
“Tignan natin kung makapagreklamo pa siya. Hihihi.”
Para naman akong napako sa aking pagkakatayo.
Hindi ko alam kung matatawa ako o hindi.
Basta ang alam ko ay kawawa naman ang kakain ng may durang spaghetti.
Lumabas na ako ng kitchen at hindi na nga umangal ang lalaki.
Iba na ang hinhingian ng order ng kaklase ko.
Namataan ko ang lalaki na binuksan ang kanyang inorder na spaghetti.
Panay ang kuwento nito sa kanyang kasamahan, at parang ipinagyayabang pa niyang kinagalitan niya ang babae sa counter dahil tatanga-tanga raw ito sa kanyang order.
Nang sinimulan niyang kainin ang kanyang inorder na spaghetti ay hindi ko napigilang mapatawa.
Natawa na lamang ako sa nasaksihan kong kalokohan.
Maya-maya ay napalingon ako sa kaklase kong nakatingin rin pala sa akin.
Ngumiti siya sa akin at muli niya akong kinindatan.
Tama nga sila, patibayan ng sikmura dito.
Sana naman ay matagalan ko ang ganitong trabaho.
—
“Ang hirap pala mamasada ng tricycle tol. Matumal na nga pasahero, masisiraan ka pa. Langhiya!”
“Naku, sinabi mo pa. Kaya dapat maayos ang diskarte mo sa pagkuha ng pasahero.”
“Kahit anong sipag nga eh wala pa rin. Halos pang boundary lang itong kinita ko ngayong araw.”
Nakakhiya.
Alam kong nakakahiya ang napasukan kong trabaho.
Ni wala manlang akong maiabot kay kambal para makatulong kahit sa pamasahe at pangkain niya sa iskuwela.
Halos dalawang linggo pa lang ako sa trabaho kong ito, ay parang gusto ko nang sukuan.
Wala akong mapala, kahit agahan ko pa o kahit madaling araw na akong bumalik sa bahay.
Katulad ngayon, nasiraan pa ako. Walang puso iyong amo namin, dahil kasalanan ko raw kung bakit ako nasiraan kanina. Hindi ko daw kasi inalagaan ng maayos ang tricycle niya.
Puta!
Ano na lang ang matitira sa akin. Na kahit kahihiyan ay wala na akong maipakita.
“Baka naman may iba kang raket diyan pare.”
“Mayroon naman pare. Pero baka hindi mo kayanin.”
“Sus! Ngayon pa ba ako mamimili ng trabaho. Kailangan kong mapatunayan kay kambal na tama ang desisyon kong magtrabaho.”
“Naku tol! Wala ka namang laban diyan kay Francis. Maprinsipyo yang kapatid mo. Lagot tayo pagnalaman niya ang raket na ibibigay ko sayo.”
“Anong bang raket yan tol?”
“Haharap ka lang naman sa mga customer ni Mang Nando.”
“Mang Nando? Yung drug addict? ”
“Oo tol. Lakas ng kita doon.”
Hindi ko alam kung masisikmura ko itong trabahong ibinibigay sa akin.
Parang kapit na rin kasi ako sa patalim.
Nahihiya na ako kay Francis. At dahil ako ang kuya, nararapat lang na ako ang magtaguyod sa aming dalawa.
“Malaki ang bigayan sa kanila Michael. Kung gusto mo talaga, kakayanin mo.”
“Puta pare, parang hindi ko yata kaya yon.”
“Limang libo ang cut mo bawat customer pare.”
“Limang libo?”
“Oo pare. Wala ka namang ibang gagawin kundi iabot sa customer ang packager. Hindi mo kailangang makipagusap.”
“Limang libo bawat customer? Ayos yun ah. Baka makapag-aral pa ako niyan pare.”
“Oo pare. Atin-atin lang naman iyon.”
“Pag-iisipan ko pare.”
Wala na akong ibang maisip na mabilisang kita.
Gusto ko kumita ng malaki.
Hihinto din naman ako kapag okay na ang lahat sa aming magkapatid.
“Basta itext mo na lang ako pare sa kung anong desisyon mo.”
“Sige pare.”
“Ipapakilala din kita doon sa mga bebot niya. Safe ang mga iyon at ang seseksi.”
“Talaga pare?”
“Oo pare. Sa dami mong kikitain doon, malamang magkakandarapa sila sa iyo. Hehehe.”
“Hehehe.. Ayos yan pare. SIge pag-iisipan ko talaga.”
Umuwi akong may malalim na iniisip.
Gusto kong pag-isipan ng maigi ang magiging plano ko.
Gusto ko lang talaga kumita ng malaki.
Gusto ko rin may mapatunayan sa sarili ko, at lalo na sa kapatid ko.
“Oh kambal! Kakauwi mo lang?”
“Oo kuya. Unang araw ko kasi sa part time job ko ngayon.”
“Oh kamusta naman?”
“Mahirap, pero kaya pa naman kuya.”
“Sabi ko naman kasi sayo na magconcentrate ka na lang muna diyan sa pag-aaral mo.”
“Okay lang kuya, kailangan naman natin magtulungan di ba?”
“Hayaan mo kambal, pag natuloy ako sa isa ko pang raket, kikita na ako ng malaki. At kailangan mo nang itigil ang pagtulong sa akin.”
“Anong raket iyon kuya?”
“Ah eh… Basta sa bayan iyon.”
“Safe ka ba doon kuya.”
“Ako bahala doon kambal.”
“Oh sige kuya. Kung para din sa ikabubuti nating dalawa iyan, hahayaan na kita magdesisyon.”
“Oo ba kambal. Magtiwala ka lang sa kuya mo.”
“Sige kuya. Punta na ako sa kuwarto para makapagbihis. Kailangan ko pang magreview at gawin mga assignments ko.”
“Sige tol. Tawagin ka na lang namin kapag kakain na.”
Alam kong hindi madali ang gagawin kong desisyon.
Gagawin ko ang lahat para hindi kami tuluyang malugmok sa kahirapan.
Tanging gusto ko lang ay ang matulungan ang kapatid ko.
Gusto ko maging kuya sa kanya.
Gusto ko magkaroon ng silbi kay Francis.
[+639151225897]: Pare, si Michael ito. Gusto ko subukan ang raket na sinasabi mo.
—
Dumaan ang mga araw, at nagpatuloy sila Michael at Francis sa kaniya-kaniya nilang trabaho.
Si Francis bilang isang service crew sa isang fast food chain, at si Michael naman bilang tricycle driver at ang raket na ibinigay sa kanya ng kanyang kabarkada.
Napapansin namn ni Francis ang panay abot sa kanya ng pangpamasahe at panggastos ang kanyang kuya. Iniisip na lamang niya na nagsisipag sa buhay si Michael at hindi na niya dapat itong pag-isipan ng kung anumang masama.
Nagpapasalamat na lang si Francis na unti-unting tumutuwid ang buhay ng kanyang kuya.
At siya naman ay kailangang imentain ang pagiging iskolar niya, kung kaya’t nag-aaral ng mabuti si Francis.
Habang nagsesearch sa internet, ay may biglang nagprivate message sa kanya.
—
angelsheryn01: Francis?
hunterxhunter13: Oi Sheryn! Mustamos?
angelsheryn01: Ayos naman 🙁
hunterxhunter13: Ayos naman? Tapos sad face? Hehehe ano problema?
angelsheryn01: Naandiyan ba kuya mo?
hunterxhunter13: Wala eh, namamasada pa.
angelsheryn01: Huh? Namamasada? Ano yun?
hunterxhunter13: Namamasada siya ng tricycle.
angelsheryn01: As in tricycle driver na siya?
hunterxhunter13: Teka? Hindi mo ba alam?
angelsheryn01: 🙁
hunterxhunter13: hmmmm…. Ano nangyari?
angelsheryn01: halos isang buwan na kaming break.
hunterxhunter13: Ano? Totoo ba yung nabasa ko?
angelsheryn01: uu 🙁
hunterxhunter13: Paano nangyari? Ikaw ba nakipaghiwalay?
angelsheryn01: Siya kaya…. 🙁
hunterxhunter13: Anong dahilan niya? Bakit siya nakipagbreak?
angelsheryn01: hindi ko alam. Dito sa chat siya nakipaghiwalay sa akin eh.
hunterxhunter13: Ganun ba…. Kausapin ko siya, gusto mo?
angelsheryn01: Kailangan pa ba? 🙁 Parang hindi naman na mababago ang isip niya.
hunterxhunter13: haaaayyyyyyyy…
angelsheryn01: tsaka, dahil siguro nahihirapan na siya. Magkalayo kasi kami ehh..
hunterxhunter13: Hayaan mo, hahanap ako ng pagkakataong makausap si kuya.
angelsheryn01: Okay… Salamat Francis.
—
Tila nabigla naman si Francis sa nabalitaan niya mula kay Sheryn. Naisip din niyang tama na rin at nagkahiwalay si Michael sa dalaga dahil sa kalokohang ginawa sa kanilang pinsan. Ngunit ramdam naman niya ang sakit na dinaranas ni Sheryn.
Ito na nga siguro ang tamang pagkakataon upang magkahiwalay sila. Dahil ayon kay Francis, ay hindi tumatagal ang mga long distance relationships.
Ngunit naisip din niyang kailangan makausap niya si Michael. Upang alamin ang kanyang dahilan sa pakikipaghiwalay sa dalaga.
Nagpasya siyang lumabas ng kanyang silid upang kumuha ng tubig.
Nang papunta na siya sa kitchen ay naabutan niya si Michael na dali-daling naglalakad.
Tila wala siya sa kanyang sarili at nagmamadali ito.
Hanggang sa nabunggo niya ang binata at tumapon sa sahig ang kanyang dala-dala na nakabalot ng newspaper.
“Tangina! Hindi ka naman tumitingin sa nilalakaran mo kambal!”
“Pasensya kuya.”
Nakita ni Francis ang parang tawas na tumapon sa kanilang sahig.
Yumuko ito at gusto niyang tulungan si Michael.
“Ako na. Huwag mo hawakan yan.”
“Kuya ano ito?”
“Wala ito kambal!”
“Shabu ba to?”
Hindi naman umimik si Michael. Nagmamadali pa rin siya sa pagkuha ng bagay na kumalat sa sahig.
“Kuya ano ito? Ano bang trabaho mo?”
“Puwede ba, huwag mo na nga ako pakialaman. Lalo na’t nagmamadali ako. Malelate na ako niyan eh!”
Kumuha si Francis ng bagay na parang tawas at tinanong muli ang kanyang kapatid.
“Kuya ano nga ito?”
“Puta! Tangina naman eh! Edi shabu!”
Para namang tumigil sa paghinga si Francis sa itinuran sa kanya ni Michael.
Nanginginig ang kanyang kalamnan, habang pinapanood ang kanyang kapatid na patuloy sa pagdampot ng drogang kumalat sa sahig.
“Alam mong mali yan kuya diba?”
Hindi sumasagot si Michael.
“Alam mong masisira ang buhay mo dyan at makakasira ka ng buhay ng iba! Paano kung mahuli ka?”
“Mas lagot ako kung hindi ko nadeliver ito sa tamang oras. Kaya tumabi ka na diyan.”
Hinawakan sa kuwelyo ni Francis ang kanyang kuya Michael.
“Tigilan mo na yan. Itigil mo na yang pagsira sa buhay mo.”
Sa sobrang galit nito ay sinuntok niya si Michael at muling napahiga ito sa sahig.
“Putang ina Francis, nakakarami ka na ah!”
Agad namang tumayo si Michael at sinuwag nito si Francis.
Pareho silang napahiga sa sahig at patuloy pa rin sa pagsuntok si Michael.
“Masisira ang buhay mo dyan.”
“Wala kang pakialam!”
Nakapatong si Michael sa kanyang kapatid habang pinagsusuntok ang kanyang mukha.
Pinipigil naman ni Francis ang bawat suntok ng kanyang kuya sa kanya.
Nalalasahan na nito ang dugo sa kanyang labi dahil sa malalakas na suntok na pinakakawalan ni Michael.
“Tangina mo! Ako pa rin ang mas matanda sayo!
“Mas matanda ka nga pero isip bata ka kuya! Kailan mo ba gagamitin yang utak mo!”
Malakas na itinulak ni Francis ang kanyang kapatid at siya naman ang bumawi upang suntukin si Michael. Kahit mas malakas pa ito sa kanya at nagawa niya pa ding mapahiga ito, saka naman sumuntok ng napakalakas sa bandang itaas ng mukha ng kanyang kuya.
“Hindi mo inaayos ang buhay mo. Wala ka bang pangarap! Ayusin mo yang buhay mo!!!!”
“Wala kang pakialam, putang ina mo!!! Huwag mo pakilaman ang buhay ko!”
Malakas na hinawakan ni Francis ang kuwelyo ni Michael at napaitaas pa nito ang mukha ng binata.
“Hindi ko alam kung hanggang kailan pa ako makakatiis sayo!! Pero sagad na sagad na ako sa pagpapasensya sayo kuya!!! Pagod na pagod na ako sayo!!!”
Malakas namang nakabawi si Michael. Naialis niya si Francis sa kanyang harapan at pareho na silang nakahiga sa sahig.
Pagod na pagod at hingal na hingal ang magkapatid. Naghahabol ng kanilang hininga matapos ang ilang minutong pagsusuntukan.
“Pagod na ako kuya… Hanggang kailan mo ba balak gawin ito sa sarili mo?? Ginawa ko na ang lahat para subukang itama at ituwid yang buhay mo. Pero wala pa rin. Hindi ka pa rin gumagawa ng paraan para sa sarili mo.”
Pinilit ni Michael na makatayo. At kahit halatang-halata na bangag ito ay sinubukan pa rin niyang maglalakad papalayo sa kanyang kapatid.
“Kaya ko ang sarili ko Francis. Huwag mo na akong pakialaman para hindi ka na mapagod sa walang kuwenta kong buhay.”
Nanatiling nakahiga si Francis sa sahig habang nakalingon sa kanyang kapatid. Nakikita nitong pasuray-suray na naglalakad ang ngayong drug pusher na si Michael.
Hindi na alam ni Francis kung ano ang gagawin niya sa kanyang kuya Michael.
Kung mapipigilan niya pa ito, o hahayaan na lamang umalis upang mawala na rin ang kanyang paghihirap.
Basta ang alam ng binata ay pagod na pagod na siya sa ginagawang kalokohan ng kanyang kapatid.
- Undo – Episode 8: Ctrl + Z - November 22, 2024
- Undo – Episode 7: Ctrl + X - November 22, 2024
- Undo – Episode 6: F1 (Help) - November 15, 2024