Written by ereimondb
Ikapitong Utos – Episode 6 – Friends, Lovers Or Nothing PART 2
“Mahal kita.”
Hindi ko alam kung paano ko nagawang sabihin iyon sa kanya.
Biglang tumahimik ang paligid. Parang tumigil ang pagtakbo ng oras.
Namamanhid naman ang buo kong katawan, ewan ko kung dahil sa lamig, o dahil sa unang pagkakataon ay naging tapat
ako sa tunay kong nararamdaman.
Malapit siya sa akin. Naka-akbay ako sa kanya habang hawak ang makapal na kumot. Ibinalot ko iyon sa aming dalawa.
“Bakit?”
Patay…
Nagtanong na siya sa akin kung bakit.
Hindi ako handa sa puwede kong isagot sa kanya.
Umiwas na siya ng tingin sa akin.
“Noong una pa lang kitang nakita, nagustuhan na kita. Noong unang ngumiti ka sa akin, humanga na ako sa iyo.”
“Bakit?”
Wala na akong maisip na dahilan.
Iyon lang, wala nang iba pa.
“Mahal kita, kasi… kasi ano… kasi…”
“Bakit? Bakit ngayon mo lang sinasabi sa akin ito? Isang taon mo akong tiniis na hindi kausapin.”
“Dahil hindi puwede.”
“Dahil kay Michael?”
“Dahil girlfriend ka ng kapatid ko.”
Alam kong hindi mahirap intindihin ang dahilan ko.
At iyon lang ang kaya kong idahilan kay Sheryn.
“Bakit mo sinasabi sa akin ngayon ito? Wala namang nagbago? Boyfriend ko pa din ang kapatid mo.”
“Dahil…”
Naninigas pa din ang buo kong katawan.
Damang-dama niya ang pintig ng puso ko sa sobrang kaba.
Bigla akong pinagpawisan.
Para akong yelong natutunaw.
Unti-unting natutunaw.
“Dahil… natatakot akong hindi ko na tuluyang masabi sa iyo ang tunay na nararamdaman ko. Dahil baka hindi na kita
makita at mawalan ako ng pagkakataon. Dahil lalayo ka na sa akin ng tuluyan…”
Hindi ko na nakayanan.
Niyakap ko agad si Sheryn.
Magkadikit na ang aming katawan.
Parehas na kaming nagpapakiramdaman sa kung ano ang mangyayari.
Pero…
Bakit parang hindi siya yumayakap sa akin?
Hindi ko pa rin nararamdaman ang kamay niya sa aking likuran.
Kung kaya’t, unti-unti rin akong bumitaw sa pagkakayakap.
Hindi ako makatingin sa kanya ng diretso. Nakakahiya itong ginagawa ko.
“Naghintay ako… Naghintay ako sayo.”
Agad akong tumingin sa kanya. Nakita kong bigla siyang lumuha.
Mali…
May Mali…
Mali itong nagawa ko. Hindi ko dapat siya ginugulo. Hindi ko dapat siya pinahihirapan.
“Francis… Salamat. Salamat dahil naging tapat ka sa akin. Aaminin ko… may nararamdaman ako sayo noon pa man. Gusto
ko na nga iwan ang kapatid mo, hindi ba? Pero Francis, ngayong ipinagtapat mo sa akin ang totoong nararamdaman mo.
May napatunayan ako sa sarili ko… Na kahit ano pa itong nararamdaman ko para sa iyo, ay bahagi lamang ng
nararamdaman ko kay Michael. Francis, mahal na mahal ko ang kuya mo. Ganoon ko pala kamahal ang mokong na yun.”
Sandali akong tumigil sa paghinga habang ninanamnam ko ang bawat salitang sinasabi niya sa akin.
Para akong pinukpok ng palayok sa ulo. Nahihilo ako.
Masakit…
Ganito pala ang nararamdaman ng basted.
First time.
Biglang yumakap sa akin si Sheryn. Mahigpit na mahigpit.
Ako naman ngayon ang hindi makakapit ng yakap sa kanya.
“Sana naiintindihan mo ako Francis… Sorry.”
“Huwag ka magsorry. Wala ka namang ginawang masama eh. Nagsabi lang ako ng nararamdaman ko sayo. Hindi ko naman
hiningi na ako ang piliin mo.”
Sige pa. Saktan mo pa sarili mo Francis.
Parang nilalagyan mo ng kalamansi ang malalim mong sugat.
“Salamat naman. Sana okay pa rin tayo.”
Ngumiti sa akin si Sheryn.
Sobrang ganda niya talaga.
Solb na solb na ako.
Naka bra at panty lang siya sa tabi ko.
Idagdag mo pa yung pamatay na ngiti niya sa akin.
“Oo naman. Friends.”
Nakahawak ako sa kamay niya.
Alam kong wala lang iyon para sa kanya.
Hawak “friends” lang daw iyon.
“Sheryn, puwede mag request?”
Baka sakaling puwede lumusot. Baka sakaling puwedeng humirit.
“Ano yun Francis?”
“Tanong ko lang sana, kung puwede kahit saglit lang, maramdaman ko na girlfriend kita?”
Baka sakali lang naman… Baka pumayag…
“Hmmmm….”
Nag-iisip pa siya.
Sana pumayag. Sana pumayag.
“Okay. Isang oras.”
Never say die.
Iyan ang motto ng isang abanger na katulad ko.
Dali-dali kaming humiga sa kama.
Hindi na ako nahihiya sa kanya.
Sasamantalahin ko na ang isang oras na iyon.
Malamang, pagkatapos noon ay tuyo na ang aming damit, at uuwi akong may ngiti sa aking labi.
Naki-ride naman siya sa gusto ko.
Ipinatong niya ang kanyang kamay sa dibdib ko.
Habang yakap ko siya sa kaliwang parte ng katawan ko.
Ang sarap.
Ang init.
Ang lambot.
Hinahalikan ko siya sa noo.
Hinahalikan ko siya sa pisngi.
Ayokong subukan sa labi. Dahil baka foul na iyon.
Ayoko ding igala ang mga kamay ko. Dahil travelling na yun.
Masaya na ako sa ganito.
Sasagarin ko na ang isang oras na kasama si Sheryn.
Napapapikit siya habang hinihimas ko ang kanyang kamay.
Hinahawi ko din ang kanyang buhok upang lumantad ang kanyang magandang mukha.
Sobrang ganda.
Sayang…
Hinayaan ko siyang makawala.
Hinayaan ko ang pagkakataong mawala siya sa buhay ko.
“Sheryn…”
“Bakit?”
“Gusto ko, mangako ka sa akin na hindi kayo magkakahiwalay ni kuya Michael. Ikaw ang buhay niya. Alam ko pagdating
mo sa Amerika mahihirapan na kayong magkausap, magkita at magkaunawaan. Sana tumagal pa kayo…”
Hindi kumikibo si Sheryn.
Sinulyapan ko siya, at nakita kong nakatulog na pala siya.
Ang ganda niya…
Sobrang ganda lang talaga niya…
Para akong nakatingin sa isang anghel, na ipinadala mula sa langit dito sa ating daigdig.
Ngayon ko lang siya napagmasdan ng ganito kalapit.
Ngayon ko lang siya nakitang mahimbing na natutulog.
Sa aking tabi… Sa aking kaliwang braso…
Sa isang ligtas na lugar, kung saan siya nararapat.
Nararamdaman ko ang pagtibok ng kanyang puso.
Nalalanghap ko ang kanyang mabangong hininga.
Ramdam ko dun kung gaano kalambot at kakinis ng kanyang katawan.
Balat sa balat…
Hinahawi ko ang kanyang buhok, upang lalo ko pang mapagmasdan ang ganda ng kanyang mukha.
Ang matangos niyang ilong…
Ang mapang-akit niyang mga labi…
Hindi ko mapigilang halikan ng halikan si Sheryn…
Sa kanyang noo, sa kanyang pisngi, sa kanyang matangos na ilong at sa mapupulang labi.
Ang sarap…
Sobrang sarap ng aking nadarama.
Pinapanalangin kong sana hindi matapos ang gabi.
Habaan pa ng sandali ang bawat oras, bawat minuto, na kapiling siya.
Ayaw ko itong matapos…
Gusto kong lagi siyang katabi…
Gusto kong ganito kami kalapit lagi sa isa’t isa.
Kay tagal kong hinintay ang araw na ito.
Hindi na ako umasa na mangyayari, pero heto siya’t kapiling ko.
Sa iisang kuwarto…
Sa iisang kama…
Hindi ko ipagpapalit ang gabing ito.
Dahil ito ang pinakahihintay ko.
Sayang…
Kaunting sandali lamang ito…
Limitado…
May hangganan…
Pero ano ang pakialam ko?
Hawak ko siya ngayong gabi.
Yakap ko siya ng ilang oras.
Kapiling ko siya halos buong araw.
Matapos man ang gabi, wala akong pinagsisisihan.
Matapos man ang gabi, alam ko at alam niya ang aming naramdaman.
Ang tanging hiling ko lang…
Sana magtagal pa ito kahit saglit pa.
Abot kamay ko ang kanyang katawan, puso at kaluluwa… Akin lang siya.
Sana…
Alam kong matatapos ang isang oras.
At pagkatapos noon, balik kami sa normal. Bilang magkaibigan.
Masakit na masaya ang nararamdaman ko.
Masakit dahil, talagang wala na akong pag-asa sa kanya.
Kahit kalian ay hindi na siya magiging akin. At irerespeto ko iyon.
Masaya dahil, nanindigan sa akin si Sheryn.
Binigyan niya ako noon ng pagkakataong agawin siya sa kuya ko.
Ngunit hindi ko siya kayang panindigan.
Natutuwa ako dahil sinabi niya sa aking mahal na mahal niya si kuya Michael.
Natutuwa ako sa pagkatalo ko laban sa aking kapatid.
Dahil masasabi kong lumaban ako ng patas.
Dahil alam kong sa simula pa lamang ng laban namin ni kuya, ay siya talaga ang mananalo.
Lumipas ang mahigit isang oras namin magkasama ni Sheryn ay nagpasiya na kaming umuwi.
Tumila na ang ulan, at parang wala itong nagawang kasalanan sa lakas nito kani-kanina lamang.
Nakakapit sa aking likuran si Sheryn, habang suot niya pa rin ang debut gown niya.
Maingat ko siya inihatid sa kanila at pinasalamatan naman ako ng kaniyang ina dahil nakauwing ligtas si Sheryn.
Masaya ako sa mga nangyari.
Sa sobrang saya ay may nalimutan akong utang.
Alam kong malaki ang kasalanan ko kay kuya Michael.
Hindi ko na nasagot ang mga text niya sa akin dahil low-batt na ako.
Habang nakasakay sa motor ay naghahagilap na ako ng puwede kong gawing istorya sa kapatid ko.
Patay ako pag-uwi ko sa bahay.
Nabasted na nga ako kay Sheryn, lagot pa ako mamaya kay kuya Michael.
Double dead.
Pero kakayanin ko.
Alam kong wala akong ginawang masama.
Malinis ang konsensya ko.
Pagdating ko sa bahay, patay ang lahat ng ilaw. Tulog na ang lahat. Tahimik ang kapaligiran.
Tangina! 11:30 na pala ng gabi.
Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan.
Mabuti na lamang at wala itong tunog.
Hinubad ko ang aking suot na sapatos.
Hinawakan ko na lamang ito at tanging medyas lamang ang sumasalo sa aking mga paa.
Tingin sa kanan… CLEAR!
Tingin sa kaliwa… CLEAR!
Tingin sa may sofa… May nakaupo ba? WALA!
Unti-unti kong ipinasok ang aking katawan.
Kulang na lamang ay gumapang na ako.
Teka, wala naman akong kasalanan ah. Bakit ako kailangang matakot?
Pumasok na ako sa bahay saka ko isinara ng marahan ang aming pintuan.
Kailangan ko nang pumunta sa banyo.
Konting tiis na lang. Malapit na. Malapit na.
“Saan ka galing!”
Puta!
Checkmate!
Tanga ko! Hindi ko tinignan ang hagdan namin.
“N-n-napasarap lang ang inom sa tinambayan kong bar, kuya… Tsaka sobrang lakas ng ulan, hindi ako makaalis.”
“Nagtext ako sayo, bakit hindi mo sinasagot?”
“Kuya na low-batt ako. Pasensya na.”
“Yan ba ang katotohanan, kambal?”
Naiihi na ako. Parang gusto nang sumabog ng pantog ko.
Hindi ako makasagot.
Hindi ko maisip ang tamang isasagot sa kuya ko.
“Yan ba talaga nangyari, tol??”
Nanginginig ang mga labi ko.
Parang mas gininaw ako dito sa bahay namin, kaysa doon sa silid kasama si Sheryn.
“Tangina! Sumagot ka Francis!”
“K-k-kuya.. K-k-kasama ko s-s-si S-s-sheryn.”
Bigla na lang akong natumba.
Sobrang mabilis ang mga pangyayari.
Dahil sa sobrang dilim ng paligid ay wala akong halos maaninag.
Ang alam ko lang ay may mabigat na nakapatong sa katawan ko habang nakahiga ako.
Maya-maya naman, may malakas na suntok akong naramdaman.
Parang humiwalay ang panga ko sa mukha ko.
Si kuya Michael, sinuntok ako.
“Putang ina mo! Anong ginawa mo sa syota ko ha? Tangina mo!!!”
“Kuya tama na! Tama na!”
Parang nawawala ako sa aking sarili.
Nakahawak na ako sa may bandang leeg ni kuya Michael at hawak niya ako sa kuwelyo.
“Tangina mo! Traydor ka ha! Ganyan ka ba lumaban ha! Tangina mo!”
“Kuya wala akong ginawang masama. Wala kaming ginawang masama. Walang nangyari. Huwag kang magisip ng masama.”
Bibigyan pa sana ako ng isang suntok ni kuya Michael sa mukha pero hindi niya ito itinuloy. Sinuntok na lamang niya
ang malamig na sahig namin.
Hingal na hingal ako.
Pansamantalang tumigil siya at naririnig ko ang kanyang malalalim na paghinga.
Maya-maya ay tumayo na siya at nagsimulang naglakad papunta sa hagdan namin.
Hindi niya ako tinulungang tumayo, kung kaya’t hinayaan ko na lang na nakahiga ako sa sahig.
Nakikita ko siyang umaakyat sa hagdan habang nakabaliktad siya sa aking paningin.
Nang makapasok na siya sa kanyang kuwarto, saka ko sinubukang umupo.
Dama ko pa rin ang bigat ng kanyang kamao.
Hinawakan ko ang basag kong labi. Lasang-lasa ko ang dugo.
Naiintindihan ko ang galit ni kuya Michael. Akala niya siguro ay may nangyari sa amin ni Sheryn. Ang hindi niya
alam ay nabigo ako sa aking pakay. Nabigo ako sa aking plano.
Natalo muli ako sa kanya.
Sa napakadaming pagkakataon.
At… noon ko lang napansin, na napaihi na pala ako sa aking pantalon sa takot.
Gusto kong kausapin si kuya Michael kinabukasan, pero hindi niya ako kinakausap. Akmang susuntukin niya ako nang
magtangka akong lapitan siya.
Sa takot ko ay hinayaan ko na lang muna siya.
Alam kong darating ang tamang panahon para sabihin sa kanya ang katotohanan.
Isang araw…
Dalwang linggo…
Isang buwan…
Isang buwan at dalawang linggo.
Dumaan ang napakaraming araw pero hindi pa rin ako kinakausap ng kapatid ko.
Ang alam ko ay nakapag-usap na sila ni Sheryn tungkol sa totoong nangyari, pero bakit galit pa rin sa akin si kuya
Michael?
Kahit habang nag-aalmusal kami, ay hindi niya ako kinakausap.
Tinitignan ko lang siya.
Minsan pa nga ay ipinaabot ko sa kanya ang ketchup at agad naman niyang ginawa iyon. Pero hindi siya tumitingin
pabalik sa akin.
Hindi naman ito napansin ng aming magulang. Dahil magaling umarte si kuya Michael.
Naisip ko tuloy, sadya bang wala akong silbi sa bahay kung kaya’t kahit may mangyari sa akin ay hindi napapansin ng
aking mga magulang?
Pero hindi iyon ang dapat kong pagtuunan ng pansin sa ngayon.
Gusto kong magkabati na kami ni kuya Michael.
Gusto kong maunawaan niya ako, ayaw kong magkaaway kaming magkapatid.
Pero, hindi pa talaga nangyayari.
Mailap pa din sa akin ang kuya.
Dumating na ang araw na papasok na kami sa eskuwela.
Siya sa lumang eskuwelahan namin, at ako naman ay sa Unibersidad ng Pilipinas.
Naalala ko pa rin ang mga sinasabi sa akin ni kuya Michael na kailangan kong kayanin ang bagung mundo na tinatahak
ko. Na kayang kaya ko ang lahat ng mga bago kong kaklase.
Bilib sa akin ang kapatid ko. Alam niyang makakaya ko ito.
Ngunit… Pagdating sa kanya ay wala akong balita.
Wala akong mapagtanungan kung kamusta siya sa school.
Kung meron ba akong dapat ituro sa kanya sa mga assignments o ibang aralin niya.
Wala…
Wala akong pagkakataon.
Galit pa rin sa akin si kuya.
Halos dalawang buwan na.
May isang araw pa nga na nagtext sa akin si Sheryn na magkita daw kami sa isang mall para samahan siyang bumili ng
mga gagamitin niya sa kanyang flight.
Inisip ko na magandang paraan iyon para makasapa ko silang dalawa ni kuya Michael.
Tinanong ko pa kay Sheryn kung sasama si kuya. At nagsabi naman siya na makakapunta siya.
Agad-agad akong nagpunta sa mall.
Nalungkot na lamang ako nang dumating akong mag-isa si Sheryn.
“Oh, ikaw pa lang? Asan si kuya?”
“Nagtext, hindi daw siya makakarating.”
“Ah ganun ba?”
“Hayaan mo na lang yun. Mabuti pa, samahan mo na lang ako bumili para makauwi na tayo agad sa bahay.”
Ang isang magandang nangyari sa amin ni Sheryn, ay yung naging magkaibigan kami.
Nasulit ko ang mga araw na naandito pa siya sa Pilipinas.
Masaya ako dahil mas naging madalas kong nakakasama si Sheryn.
Lihim ko pa rin siyang iniibig. Pero hindi ako umaasa.
Alam ko naman ang lugar ko sa puso niya.
Hanggang sa dumating ang pinakamalungkot na araw.
Ang araw ng flight niya paalis ng Pilipinas.
Sumama ako sa paghatid sa kanya.
Kasama din si kuya Michael.
Tahimik kaming dalawa sa van nila Sheryn.
Madalas ako ang kinakausap ng mommy ni Sheryn.
Minsan sinusulyapan ko si kuya Michael bago ako sumagot sa parents ni Sheryn.
Tinitignan ko kung may reaksiyon siya sa mga pinagsasasabi ko.
Pero wala.
Ngayon ko lang nakita kung gaano kaseryoso si kuya.
Kaya niya pala itong gawin.
Maya-maya ay naglakad na kami papasok sa NAIA.
Nasa likod lamang ako habang pinagmamasdan sina kuya Michael at Sheryn, magkahawak kamay.
Tumigil ako sa paglalakad ng nakita kong niyakap siya ng babaeng mahal ko.
Nag-uusap sila. Tila nagpapaalam na sila sa isa’t isa.
Umiiyak si Sheryn. Nakita ko naman kung gaano katibay si kuya Michael.
Marahan niyang hinalikan sa pisngi si Sheryn.
At mahigpit na yumakap sa kanya si kuya Michael.
Maya-maya naman ay nagsimula nang maglakad si Sheryn. Kumaway lamang ako sa kanya.
Nakatanaw sa malayo.
Ngumiti lang siya sa akin.
Sinagot ko naman ang kanyang matamis na ngiti.
Napabuntong hininga ako.
Parang nagsisikip ang dibdib ko.
Gusto kong umiyak pero pinipigilan ko.
Nakita ko naman si kuya Michael na naglalakad papunta sa akin.
“Sumama ka sa akin.”
Nagulat ako dahil bigla niya akong kinausap.
Hindi na ako sumagot, sa halip ay sinundan ko na lamang kung saan siya pumunta.
Sumakay kami ng taxi at nagpunta sa isang bar sa Makati.
Umorder si kuya Michael ng tatlong bucket ng beer.
“Inom.”
Kahit hindi niya ako utusang uminom ng beer, ay talagang gagawin ko ito.
Gusto kong magpakalasing.
Gusto kong lunurin ang nararamdaman ko kay Sheryn.
Diretso ko itong ininom. Hindi na ako gumamit ng baso.
Napatingin sa akin si kuya Michael.
Halata niyang mas may pinagdadaanan ako kaysa sa kanya.
Tuloy-tuloy lang ako sa pag-inom.
Walang usap-usap.
Pagkatapos maubos ang isang bote, kuha agad ako ng isa pa.
Ang isang bote ni kuya Micheal, ay katumbas ng tatlong boteng ininom ko
“Sinungaling ka.”
Maikling sabi sa akin ni kuya Michael.
Tinamaan na ako ng alak.
Bigla akong sumabog.
Bigla akong napahagulgol sa iyak.
Hindi ko inalintanang may mga tao sa aming paligid.
Sa sobrang lungkot ko, hindi ko na nakayanan pang pigilan ang pag-iyak.
Nakayuko ako habang inilalabas ang sama ng loob ko.
Para akong batang inagawan ng ice cream at candy.
Pakiramdam ko ay nadaya ako. Naisahan.
“Tinanong kita noon. Kung si Sheryn ba yung trip mong bebot. Nagsinungaling ka sa akin kambal. Bakit? Sana inamin
mo na lang sa akin.”
Hindi ako makasagot sa kuya ko.
Pumapasok sa kanang tenga ko ang mga salita at sumbat niya sa akin, pero lumalabas lamang ito sa kaliwang tenga ko.
Maya-maya ay may naramdaman akong kamay sa aking balikat.
Unti-unti kong itinaas ang aking ulo.
Kamay pala ni kuya Michael iyon habang nakatingin sa akin.
Agad akong umupo ng diretso.
Tumingin ako sa boteng nakapatong sa lamesa.
“Hindi niya ako mahal kuya… Ikaw ang mahal niya…”
Nakita ko si kuya Michael na nagbukas ng dalawang bote ng beer. Iniabot niya sa akin ang isa, at ang isa nama’y
ibinuhos ang laman ng bote sa basong may yelo.
“Noon, may pagkakataon siyang ibinigay sa akin. Basta panindigan ko daw ang desisyon kong iyon. Pero mas pinili
kong magparaya para sa iyo. Ngayon, sinubukan kong kunin siya. Pero pinanindigan ka niya. Mas pinili ka niya kaysa
sa akin. Isipin mo yun kuya, napakasuwerte mo. Sa isang punto ng buhay namin ni Sheryn, dumating kami sa isang
desisyon na ikaw ang pinili namin.”
- Undo – Episode 8: Ctrl + Z - November 22, 2024
- Undo – Episode 7: Ctrl + X - November 22, 2024
- Undo – Episode 6: F1 (Help) - November 15, 2024