Written by ereimondb
Come out, Agent Orange!
Come Out! Come Out! Come Out!
Tahimik ang buong paligid.
Tinatamaan ng matinding sikat ng araw ang isang abandoned warehouse sa Paranaque na nakapaloob sa isang eksklusibong subdivision
Nagkukubli na isang ordinaryong araw, at walang kaalam-alam ang mga kalapit nitong mga bahay at establisimento sa kung ano ang totoong nangyari sa loob.
Maya-maya ay matatanaw mula sa di kalayuan ang isang humaharurot na sasakyan.
Halatang mabilis na minamaneho ito at tila nagmamadaling makarating sa kanyang destinasiyon.
Ito ay si Myk.
Panay ang tingin sa kanyang side mirror at bakas sa kanyang mukha ang matinding pag-aalala sa kung ano na ang nangyayari sa kaniyang pinakamamahal na nobya.
Sobrang lakas ng kabog ng kanyang dibdib.
Kung noong mga nakaraang araw ay hindi niya alam ang kanyang gagawin sa paghahanap kay Ruth, ngayon naman ay parang ayaw na niya itong matunton pa.
Iniisip niya kung ano ang madadatnang katayuan ni Agent Orange sa loob.
Buhay pa ba siya?
Sinaktan at pinahirapan na ba siya ni Editha?
At ang mas malala…
Ay baka tuluyan nang pinugutan ni Mrs. Banks si Ruth para iharap sa konseho.
Dahil sa takot mula sa kanyang mga naiisip, ay lalo nitong pinaharurot ang kanyang kotse.
Nasisilayan na niya ang safehouse ng Programme.
“Andiyan na ako… Parating na ako Ruth… Kapit ka lang…” Bulong ng binata sa hangin habang mabilis na minamaneho ang kanyang sasakyan.
Nang makarating ito, ay nagtaka si Myk kung bakit walang guwardiya na sumalubong sa kanya.
Alam niya kung gaano kahigpit ang seguridad ng warehouse, lalo pa’t pagmamay-ari ito ng sikretong ahensiya.
Bukas ang bakal na gate.
Kahit nagtataka ay ipinasok pa rin niya ang kanyang kotse at mabilis na namataan ang sasakyan ni Melissa.
Mas nauna itong nakarating sa kanya sa lugar.
Nang nakapagparada na ito ay kaagad siyang lumabas ng sasakyan at tumakbo papasok sa warehouse.
Napansin niyang hindi rin nakasarado ang mga bakal na pintuan, kung kaya’t dito na niya napag-isipang maging mapagmatiyag bago pumasok sa loob.
Sumandal muna siya sa sementadong pader saka sumilip sa loob. Wala siyang ibang nakikitang tao, maging si Melissa, mula sa may kadilimang pasilyo.
Inilabas niya ang kanyang baril at marahang ikinasa ito.
Dahan-dahan din itong naglakad at sinisiguradong walang madidinig na yabag mula sa kaniya. Nakababa ang kanyang mga kamay habang hawak ang baril.
Sinilip niya ang ibang silid ngunit wala siyang natagpuang mga Programme Agents. Ang alam niya ay dapat may mga unit na nakatalaga sa unang palapag ng warehouse bilang seguridad dito.
Maya-maya ay natunton niya ang paikot na hagdanan patungo sa second floor.
Itinutok niya papaitaas ang kanyang baril bago ito humakbang papaakyat ng hagdanan.
Kahit na may kadiliman ang buong paligid, ay sinisikap niyang maaninag ang kahit sinong taong puwede niyang makasalubong.
Ngunit wala pa rin.
Walang ni-isang yabag ang kanyang nadidinig.
Nang makarating sa pangalawang palapag, ay sinikap pa rin ni Myk na hindi makalikha ng kahit anong tunog. Marahan pa rin itong naglalakad habang nakatutok ang kanyang baril sa isang direksiyon.
Papalapit na siya sa isang malaking silid.
Natitiyak niyang naririto na si Ruth.
Alam niyang dito na siya nakagapos at patuloy na pinapahirapan ng mga tauhan ni Editha.
Namumuo ang kanyang mga pawis at tumutulo ito pababa sa kanyang mata at ilong.
Tutok na tutok si Myk.
Gusto niyang mailigtas si Ruth sa paraang kaya niya.
Hindi man niya gustong pumatay ng mga kapwang Programme Agents, o kahit pa si Editha at Melissa na nasa loob ng warehouse, ay kailangan niyang gawin upang mailigtas ang kanyang pinakamamahal.
Isa…
Dalawa…
Tatlo…
Malakas na sinipa ni Myk ang pintuan ng isang malaking silid.
Kaagad nitong itinutok ang kanyang baril, at mabilis din siyang nakapasok sa loob nito.
Ngunit…
Iba ang tumambad sa kanya.
Ni hindi manlamang ito sumagi sa kanyang isipan.
Nanlaki ang kanyang mga mata sa mga patong-patong na bangkay ng mga Programme Agents.
Pakiramdam niya ay namula ang buo niyang paligid dahil sa mga dugong sumirit at tumutulo sa pader.
Bigla siyang kinilabutan sa kanyang mga nakita.
“Tang ina!” Bulalas ni Myk sa kanyang sarili.
Sinubukan niyang hakbangan ang mga patay na nakahilata.
Halos hindi siya makapaglakad ng maayos dahil sa dugong mabilis na kumalat sa sahig.
Madulas-dulas siya.
Halos maduwal. Muntikang masuka.
Kinuha niya ang kanyang panyo at tinakpan ang kanyang ilong at bibig.
Humigit-kumulang na labing-pitong Programme Agents ang napaslang sa loob ng kuwartong ito. Napapailing na lamang si Myk.
Sa kanyang paglalakad ay napansin niya ang isang pamilyar na sapatos.
Sapatos na may takong.
Sapatos ng isang babae.
Isang aristokratang babae.
Nakapatong ang tatlong katawan ng mga lalaking agents.
Marahan at may puwersang itinulak ng binata ang mga bangkay na ito upang makita kung sino ba ang kanilang dinadaganan.
Nang tuluyan niyang maialis ang mga katawang ito, ay biglang nanlumo si Myk.
Pakiramdam niya ay babaligtad ang kanyang sikmura sa kanyang nakita.
Mabilis itong tumakbo papalabas ng silid.
At kaagad na isinuka ang kanyang mga kinain kaninang tanghalian.
Halos wala na itong maitira sa kanyang sikmura dahil sa karumaldumal na kalagayan ng matanda.
Si Editha Banks.
Pinipilit ni Myk na mahimas-masan siya sa kanyang mga nakita.
Sinisikap iwaksi ang kanyang mga nasaksihan sa kuwartong iyon.
Sunod-sunod ang malalalim na paghinga.
Nakayuko pa rin ito at nakasandal ang kanyang kanang kamay sa ding-ding.
Napapapikit ito at pinipigilang masuka ulit.
Maya-maya ay may bigla siyang naalala.
Napadilat ang binata at agad umayos sa kanyang pagkakatayo.
“Nasaan na siya???”
Marahan nitong iginala ang kanyang mga mata.
Agad na kumapit sa kanyang baril.
Alam niyang hindi rin siya magiging ligtas, kung kaya’t dahan-dahan itong naglakad papaatras.
Mabilis itong bumaba ng hagdan at tanging ang kanyang armas lamang ang kanyang pananggalang.
“Nasaan na siya? Nasaan na si Ruth? Nasaan na si Agent Orange?” Paulit-ulit na katanungan ni Myk sa kanyang isipan.
Hanggang sa tuluyan na itong nakalabas sa warehouse.
Napalingon ito sa kotse ni Melissa.
Muling napaisip ang binata at nilapitan ang sasakyan ng kanyang kaibigan.
Itinutok niya ang kanyang baril habang nililibot ang puting sasakyan nito.
Wala.
Walang tao.
Wala si Melissa.
“Nasaan na rin siya? Hindi ko nakita ang bangkay niya kung sakaling naabutan at napatay siya ni Ruth…” Pagtataka ni Myk.
Mabilis nitong binalikan ang kanyang sasakyan at pinaandar ito.
Hindi pa rin niya alam kung ano ang nangyari kay Ruth.
Hindi niya alam kung bakit nagkaganoon ang isang babaeng walang kamalay-malay sa kanyang nakaraan.
Ang babaeng pinagkaitan ng kanyang sariling pagkatao.
“Bakit…. Bakit Ruth??? Bakit???” Muling tanong ng binata sa kanyang sarili.
Habang nagmamaneho ito ay patuloy na tumatakbo sa kanyang isipan ang mga nangyari sa warehouse. Alam niyang kailangang linisin ang lugar na iyon upang hindi mangamoy at lumabas ang krimen sa madla.
Kung kaya’t agad nitong tinawagan ang isang departamento ng Programme para ayusin at atupagin ang paglilinis sa warehouse.
Maraming katanungan.
Maraming alinlangan.
At tanging si Ruth lamang ang makakasagot sa lahat ng nangyari.
Hindi niya rin masagot ang mga katanungan ng namamahala sa departamentong aayos sa lugar. Dahil wala siyang naabutan. Wala siyang nasaksihan. At ang tanging tumambad sa kanya ay ang mga malalamig na bangkay.
Nang naibaba na niya ang kanyang telepono ay muling nag-isip si Myk.
Hanggang sa bumalik sa kanyang alaala ang mga sinabi ni Dra. Galvez.
Ito ay ang magtiwala kay Ruth. Pagtiwalaan ang kakayahan nito.
Tiwala.
Kailangan lamang niyang magtiwala.
Four Days Ago
04:28 AM
Dumating na ang araw ng kinakatakutan ko.
Hindi ko man lubusang nauunawaan kung ano ang nangyayari sa aking paligid, ay kailangan ko pa ring maki-ayon at magpadala sa alon ng buhay.
Sa buhay na nakatadhana para sa akin.
Hindi bilang si Ruth, kundi bilang isang mapanganib at mapangahas na tao.
Bilang si Agent Orange.
Mabigat man sa kalooban kong iwan si Myk at ang mga taong nagligtas at tumulong sa akin sa mga panahong wala akong kamalay-malay sa mundo, ay kailangan ko pa ring isakatuparan ang mga binabalak ko.
Hindi dahil sa palagay kong hindi magtatagumpay ang mga plano ko kasama ang mga miyembro ng Resistance, kundi dahil ayoko nang may mapahamak at mapatay ng mga taong taga-sunod ng Programme.
Ang mga taong dapat sana’y nasa aking likuran, at dapat aking pinaglilingkuran.
Pero iba na ngayon.
Iba na ang takbo ng panahon.
Kaya minabuti kong tumakas at lisanin ang kampong nag-aruga sa akin.
Kahit pa kasama doon ang lalaking pinakamamahal ko… si Myk.
Kailangan kong pagtiisan.
Kailangan kong magsakripisyo.
Kung kaya’t madaling araw pa lang ay gumayak na ako papaalis sa kampo ng Resistance. Hindi ko alam kung saang lugar ito.. Hindi ko rin alam ang mga kalsada’t eskenitang nilakaran ko.
Tama.
Naglakad lang ako.
Kahit malamig ang simoy ng hangin at madilim ang paligid, ay tinikis ko iyon upang makalayo sa lugar na hindi pamilyar sa akin.
Walang dumadaan na masasakyan; tricycle o jeep o kahit taxi.
Pagod na pagod na ang mga paa ko sa kakalakad.
Humigit-kumulang dalawang oras akong naglakad.
Pakiramdam ko’y nasa lugar ako ng walang sibilisasiyon.
Pero hindi ako takot. Hindi ako natatakot dahil buo ang loob ko.
Buhay pa rin ang apoy na nagliliyab sa puso ng dati kong pagkatao.
Kailangan ko itong malagpasan at hindi dapat ako sumuko.
Maya-maya, sa hindi kalayuan, ay nakakita ako ng mga bahay. Halos mapaiyak ako dahil sa isip-isip ko’y nasa tama akong direksiyon.
Sa aking pagtanaw ay tila napakalapit lamang ng mga bahay na ito. Ngunit hindi kayang dayain ng aking isipan ang pagod na nadarama ng aking mga binti. Pilit ko pa rin itong inihahakbang. Kinakaya hanggang sa makarating ako sa aking sadya at paroroonan.
Habang papalapit ako sa mga bahay na ito, ay nagkakaroon muli ako ng pag-asa. Sa wakas, puwede na akong makahingi ng tulong, o kahit isang basong tubig.
Ang unang kalsada ng bayang ito, ay isang palengke.
Abala ang lahat sa kanilang mga paninda. Walang nakakapansin sa akin. Walang nakakakita.
Lakad pa.
Kaunting hakbang pa.
Nararamdaman kong nanginginig na ang aking mga binti.
Hanggang sa hindi ko na ito nakayanan at nadapa ako, una tuhod, sa kalagitnaan ng kalsada.
Ang sakit. Sobrang sakit ng mga paa at binti ko.
Pero walang nakapansin sa akin.
Gustuhin ko mang sumigaw at humingi ng tulong, ngunit hindi ko ito magawa.
Mas gugustuhin ko pang hindi nila ako mapansin, kaysa makalikha ako ng ingay at atensiyon, na puwedeng magpahamak sa akin.
“Hoy! Magpapakamatay ka ba? Tumabi ka diyan at mahuhuli na itong mga ibinibenta kong gulay!” Sambit ng isang kargador habang pasan-pasan nito ang nakakartong mga paninda.
Kaagad akong gumapang patungo sa gilid ng kalsada. May kaunting putik na nakamantsa sa aking pantalon habang ang mga kamay at braso ko ay nanginginig na rin sa magkahalong pagod at takot.
Pinilit ko ang aking sarili na makatayo.
Kaya ko pa rin. Alam kong kakayanin ko ito.
Paika-ika akong naglakad at nagpatuloy sa aking destinasiyon.
Iisa lamang ang alam kong mapupuntahan ko. Magbabakasakali ako sa lugar na ito.
Dahil alam kong may kinalaman siya sa mga bagay na nangyayari sa akin.
Si Doktora. Dra. Galvez.
Ito lang ang lugar na natatandaan ko.
Dahil kahit ang address ng bahay na aming tinirahan ni Ryan ay hindi ko alam. Wala akong ibang alam sa village na iyon.
Ang alam ko lang ay ang ospital na pinagtatrabahuhan ni Dra. Galvez. Parati akong dinadala dito ni Ryan dahil sa pagsumpong at pananakit ng aking ulo.
Medical Hospital sa Pasig.
Sa Pasig.
Hindi ko alam kung saan iyon. Pero kahit ano pa man ang mangyari, kailangan ko itong mahanap. Kailangan kong matunton at makita si Dra. Galvez.
Dahil dito ay mas lalo akong nagmadali sa aking paglalakad.
At ang una kong kailangang mapunan ay ang nanunuyo kong lalamunan. Sobrang uhaw na uhaw na ako.
Pagod. Takot. At matinding pagkauhaw.
Sa aking paglalakad, ay nakakita ako ng isang terminal ng bus.
Tila lalo akong ginanahang maglakad at pilitin ang aking sariling ihakbang pa ang aking mga binti patungo sa direksiyong iyon.
Nang ako’y tuluyang nakarating ay agad kong nilapitan ang isang maliit na tindahan sa tabi ng mga bibiyaheng bus.
Bumili ako ng isang tubig na maiinom at kahit papaano’y papawi sa aking pagod at pagka-uhaw.
Sa sobrang pagmamadali kong makaalis sa kampo ng Resistance ay nalimutan kong magbaon ng tubig. Pagkakamali na tila isang masamang pangitain na kahahantungan ng aking mga plano.
Huwag naman sana.
Napakalayo na ng aking narating. Malayo para sa katulad kong mahina sa direksiyon.
Walang alam sa lugar na aking kinaroroonan, maging ang aking dapat puntahan.
Ninamnam ko ang napakalamig na tubig, halos mapugto ang aking hininga dahil sa paglagok ko nito. At nang napunan ko na ang aking uhaw, ay sumunod kong inisip kung saan at papaano ako makakarating sa ospital na iyon sa Pasig.
Ang mga nakikita kong biyahe na nasa karatula ay pawang papunta sa isang lugar na tinatawag nilang Cubao.
Cubao. Pamilyar sa akin, pero hindi ako sigurado kung saan iyon.
Blanko ang isipan ko. Wala akong maalala kung saan o ano ang lugar na iyon.
Maya-maya ay may nakita akong lalaking naglilibot sa lugar na iyon. Nakasuot ng tila lumang maong at puting t-shirt, at tinatakluban ng isa pang damit na may nakalagay sa likod na tanod, Brgy San Isidro.
Minabuti kong lapitan ang lalaking ito upang may mapagtanungan.
“Manong…”
Maikli at mahina kong sambit sa lalaki. Kaagad naman siya lumingon sa akin at ngumiti.
“Ano iyon miss?”
“Itatanong ko lang po kung dadaan ng Pasig ang bus na ito?” Tanong ko sa kanya.
“Hmmm…” Saad niya at biglang naglakad patungo sa harapan ng bus upang tignan kung saan ito bibiyahe.
“Cubao ito miss eh… Pero puwede kang bumaba sa may Ortigas Ibabaw.”
“Ortigas ibabaw?”
“Oo. Tapos sumakay ka ng jeep papuntang Pasig.”
Hindi ko maintindihan ang sinabi ni lalaki pero kinabisado ko na lang ang kanyang direksiyon sa akin.
“Eh manong… Alam niyo po ba yung Medical City?”
“Hmmm… Hindi eh…”
“Ahh okay po…”
“Hindi ka ba taga dito sa nayon?”
Umiling lang ako sa katanungan niya. Hindi na ako sumagot sa pag-aakalang sa iba pa mapunta an gaming pag-uusap.
“Sige manong… Sasakay na po ako dito sa bus.”
“Okay sige miss. Ingat ka na lang at sana mahanap mo yung Medical…ano… Medical… ano nga ba yun?”
“Sige po manong salamat ulit.”
Kaagad akong tumalikod sa kanya at tinungo ang bus na aking sasakyan.
Pagpasok ko sa loob ay bahagyang puno na ito.
Pumuwesto ako sa pinakadulong upuan dahil wala pang masyadong nakaupo sa gawing iyon.
Nang makaupo na ako’y itinakip ko sa itaas na bahagi ng aking katawan ang isang jacket. Tutok na tutok sa akin ang aircon ng bus at kahit anong paling ko nito sa ibang direksiyon ay hindi ito gumagalaw. Sira na nga yata ito. Hindi malayong mangyari dahil may kalumaan na rin ang bus na sinakyan ko.
Nag-hintay pa ako ng halos tatlumpung minuto, at sa wakas ay umaandar na rin ito upang simulan ang may kahabaang biyahe.
Habang tinatahak ng bus ang isang kalsadang tila walang katapusan, ay inilabas ko naman ang isang papel at hinanap sa bulsa ng aking bag ang isang itim na ballpen.
Naalala ko pa dati ang sinabi sa akin ni Dra Galvez. Na isulat ko sa isang notebook ang lahat ng naaalala ko at mga bagay na sa tingin ko’y may importansiya sa akin.
Ngayon ko lang naisip ang kahalagahan noon. Ngayon ko lang naisip kung papaano ito makakatulong sa akin.
Isinulat ko ang mga barangay, palengke, terminal, at simbahan na nadaanan ko habang naglalakad. Alam kong balang araw makakatulong sa akin ito upang balikan ang kampong nag-aruga sa akin.
Kailangan nila ng tulong ko. At kasama sila sa mga plano ko, hindi lamang ang maibalik ang aking alaala, at pagkatao.
Isinulat ko ang lahat, pati na ang mga taong nakilala ko sa Resistance.
James.
Alvin.
Carmen.
Ang mga taong nagturo sa aking kahit papaano ay makalaban at protektahan ang sarili ko.
Ang mga dating Programme Agents na tumiwalag sa kumpanya.
Isinulat ko rin ang mga pangalan na dapat kong tandaan.
Melissa.
Ryan.
Editha.
Myk.
Si Myk…
Makakalimutan ko ba ulit ang lalaking minamahal ko?
Hindi na ako makakapayag.
Pagkatapos kong ibigay ang aking sarili nitong gabi, at habang mahimbing siyang natutulog, ay tinadaan ko na ang kanyang maamong mukha.
Ipinikit ko ang aking mga mata habang inaalala ko ang pagkakapuwesto ng kanyang mga mata, ilong at labi.
At para makasigurado akong hindi ko na siya muling makakalimutan, ay iginuhit ko ang kanyang mukha sa likuran ng papel.
Hindi ako marunong gumuhit, pero pinilit ko ang aking sarili na magkaroon ng palatandaan, na huwag kalimutan ang lalaking mahal na mahal ko.
Napangiti ako.
Pero pinigilan ko ang aking sarili maging lubos na masaya.
May mga bagay pa akong kailangang tapusin at ayusin.
At tanging panalangin ko ay ang magtagumpay lahat ng mga plano ko.
Hindi ko namamalayan na napapapikit na pala ang aking mga mata.
Dinadalaw ng ako ng antok dahil sa matinding pagod.
Sumandal ako ng bahagya at ipinikit ng tuluyan ang aking mga mata.
Tulog.
Mahimbing akong nakatulog.
“Miss?? Gising!!!”
Mahilo-hilo kong ibinuklat ang aking mga mata.
Tulog pa rin ang aking diwa habang nakatingin sa isang matandang lalaki.
“Miss… Gising na po kayo at naandito na tayo sa terminal!”
Terminal?
Anong terminal?
“Miss!!! Bababa ka ba o ano?!!”
Shit!
Shit!
Bigla akong napatayo at nahulog sa sahig ang papel at ballpen na hawak ko.
“Manong! Nasaan po tayo?”
“Cubao. Saan ka ba?”
“Ortigas.”
“Nakow! Nalintikan na! Nasa terminal ka na miss, Cubao na ito. Cubao.”
Mabilis kong dinampot ang mga gamit ko sa lapag at ipinasok sa dala-dala kong bag.
Dali-dali akong bumaba ng bus at tumambad sa akin ang isang di pamilyar na siyudad.
Ang gulo.
Daming mga bus at kung anu-anong sasakyan. Sobrang dami din ng taong naglalakad at naka-tambay sa may gilid ng kalsada.
Ang iba pa’y nakatingin sa akin habang humihithit ng rugby.
Bigla akong kinabahan. Bigla akong natakot.
Pero dapat hindi ako magpapahalata.
Hindi ganito ang dating Ruth. Sabi nila, wala daw siyang kinakatakutan. At baka mas masahol pa ang tunay kong pagkatao sa mga taong naririto’t kinakatakutan ko.
Nagsimula akong maglakad patungo sa kabilang direksiyon. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko.
Ayokong tumigil sa paglalakad. Hindi ako pupuwedeng tumigil kahit saglit lang.
Maya-maya ay naramdaman kong may sumusunod sa aking sasakyan.
Dahan-dahan ko itong nilingon habang patuloy pa rin ako sa aking paglalakad.
“Miss… Taxi?!”
Taxi.
Tama.
Dahil sa sobrang taranta ko ay hindi na ako makapag-isip ng tamang plano. Kailangan kong maging mahinahon.
“Medical City? Pasig?”
“Pasig? Naku… Trapik dun ngayon.”
Mukhang mauudlot pa yata ang tanging pag-asa ko.
“Kung gusto mo miss, dagdagan niyo na lang bayad. Kahit isang daan lang. Hehehe…”
Bahala na.
Tumango na lamang ako.
Ang tanging ninanais ko lamang ay ang makarating sa paroroonan ko, at pagtagumpayan ang pinaplano ko. Hindi mawaglit sa isipan ko ang mga bagay na ito, at habang tila papalapit kami ng papalapit sa ospital ay lalo akong binabalutan ng takot at kaba.
Halos isang oras din ang aming biyahe patungo roon. At gaya ng ipinangako ko, ay dinagdagan ko na lamang ang bayad sa taxi na inarkila ko.
Kakaunti lamang ang nakuha o kinupit kong pera sa pitaka ni Myk. Sa palagay ko’y hindi talaga ako ganoon kagaling magnakaw at hindi ko nilubos-lubos kuhain ang lahat ng perang mayroon siya.
Kaya kailangan kong mapagtagumpayan ito.
Wala nang atrasan.
Hindi lang dahil sa kakaunti na lamang ang nalalabing oras para sa buhay ko, sa mga miyembro ng Resistance, sa buhay nina Myk at Ryan, kundi dahil rin sa wala nang natirang pera sa aking bulsa.
There’s no turning back.
Kahit kinakabahan ay tinungo ko pa rin ang tanggapan ni Dra. Galvez
Kaya ko ito.
Kaya kong magpanggap.
“Mrs. Santander?!” Bungad ng isang nurse na nasa may information center.
Kahit halata ang panginginig sa mga labi ko, ay pilit ko pa rin itong nginitian.
“Naku Mrs. Santander mabuti naman at nakadalaw na kayo dito. Matagal-tagal na ring hindi niyo sinisipot ang mga sessions ninyo… Hihihihi… Nasaan po pala ang asawa ninyo? Si sir Ryan?”
Hindi ako makasagot. Tila may nakabarang plema sa lalamunan ko at kailangan ko munang tanggalin ang nangangating ito.
“B-b-busy kasi… Alam mo na… Busy siya…”
Tatanga-tanga nanaman ako.
Kailangan ko pang galingan ang akting ko.
“Ahhh… Ganoon po ba? Sige doon po muna kayo sa waiting room. Wala pa rin po kasi si Dra Galvez eh… Pero paparating na siya. Kaunting antay lang… Tsaka, VIP naman po kayo, kayo ang uunahing tignan ni dok.” Saad ng babae sa akin na may ngiti sa kanyang maliit na mukha.
Tumango na lamang ako at tahimik na pinuntahan ang waiting room. Palinga-linga pa ako sa kanya, at sinusulyapan siya. Nakikita ko siyang tumitingin sa akin habang may kausap sa kanyang telepono. Kaduda-duda ang ikinikilos ng nurse na ito, kung kaya’t kaagad akong kumilos.
Nang may kumausap sa kanyang pasiyente ay agad akong tumayo at nagpunta sa loob ng opisina ni Dra Galvez. Pakiramdam ko ay mas ligtas dito dahil pupuwede kong ikandado ang pintuan kapag mayroong darating na kapahamakan.
“Huminahon ka Ruth. Hindi ka dapat sumablay sa mga plano mo.”
Pinilit kong kalimutan lahat ng mga kaba’t takot ko, sabay hinga ng malalim.
Maya-maya ay kinapa ko sa loob ng aking dalang backpack ang isang maliit na baril.
Mula pa sa pag pasok ng ospital at habang kinakapkapan ako ng babaeng security guard, ay nanginginig na ako dahil sa dala-dala kong armas.
Nakalusot ako at hindi napagdudahan.
O sadyang madaldal lang ang lady guard kaya napalagpas niyang hindi suriin ng mabuti ang bitbit kong backpack?
Inilabas ko ang baril gamit ang aking kanang kamay. Kahit papaano’y naturuan na ako sa kampo kung papaano gumamit ng baril para maprotektahan ang aking sarili.
Kahit ayoko sana itong gamitin, ay kinakailangan kong protektahan ang aking sarili lalo na’t posibleng sugurin ako dito ng mga miyembro ng Programme.
Ikinasa ko ito at mabilis na isinuksok pabalik sa loob ng aking bag. Inilagay ko ito sa parteng madali ko lamang mahuhugot.
Makalipas ang sampung minuto, ay biglang bumukas ang pintuan ng opisina ni Dra Galvez.
Sa gulat ko ay muntikan kong makalabit ang gatilyo ng baril.
Maging ang aking doktora ay nagulat dahil may tao na sa loob ng kanyang opisina.
“Ruth?” Saad niya sa akin.
Maya-maya ay sumilip din ang nurse na kumausap sa akin kani-kanina lamang.
“Naku naandito lang po pala kayo Mrs. Santander… Kanina ko pa po kayo hinahanap. Pasensya na po kayo dok, sabi ko naman po sa kanya na hintayin na lamang kayo sa kabilang silid… Sorry po…” Saad naman ng nurse habang papalapit siya sa akin at tila gusto niya akong isama papalabas.
“No no no… Don’t worry… Okay lang… Hayaan mo na dito si Ruth. Besides, I am really waiting for her.”
“Talaga po?”
“Yes. You may go now.”
“Okay dok…” Nakayukong saad ng nurse at nagsimula na itong naglakad papalabas ng opisina.
“…and also… Please cancel all of my appointments for today…”
“Po? Madami pong naka-schedule ngayon dok…”
“I said… Cancel all of my appointments… Is that clear?”
“O-o-okay po dok…” Saad ng nurse at umalis ng may pag-aalinlangan sa kanyang mukha.
Nagpatuloy naman si Dra Galvez papasok sa kanyang opisina at inilapag ang kanyang mga dalang bag sa lamesa. Habang ako naman ay tahimik pa ring nakaupo at hawak-hawak ng patago ang baril na nasa aking bag.
“Ruth… Buti naman napadaan ka dito…” Saad ni dok sa akin habang abala siya sa pagpunas ng kanyang lamesa.
Hindi naman ako sumagot at inoobserbahan ko lamang ang kanyang ikinikilos.
“Ilang beses ka naming tinawagan sa bahay ninyo kaso walang sumasagot. Hindi ko naman alam ang cellphone number mo para iremind ka sa weekly checkups mo.”
Dagdag pa niya.
Sinungaling.
Napaka galing magsinungaling ng babaeng ito.
“Oo nga pala… Mag-isa ka lang bang nagpunta dito o kasama mo ang asawa mo?” Tanong niya sa akin sabay upo.
“Asawa ko?”
“Oo, asawa mo… si Ryan…”
Sandali akong hindi umimik at tinignan siya ng diretso sa kanyang mga mata.
“Alam kong alam mo… na hindi ko asawa ang lalaking sinasabi mong asawa ko…” Mahinahon kong sagot sa kanya.
Binalot ng katahimikan ang buong silid ni Dra Galvez. Alam kong gusto pa rin niya akong utakan at magkunwaring wala siyang kinalaman sa mga sinasabi ko.
“Hindi mo asawa si sir Ryan??? What do you mean Ruth??? Hindi kita maintindihan… May pinagdaraanan ba kayong mag-asawa? Are you getting an annulment anytime soon???”
“fall you!” Napalakas kong saad sa kanya.
Hindi ko rin alam kung papaano ko nasambit iyon. Ngunit ang pakiramdam ko’y ang tunay kong pagkatao ang lumabas sa akin bilang reaksiyon sa kausap ko ngayon.
“Sinungaling ka!” Malakas kong sigaw sa kanya.
“Ruth… Hindi ko alam ang mga sinasabi mo… Wala akong alam na dahilan kung bakit mo ako inaaway ngayon… And for acusing me that I am a liar?”
“Alam mo kung ano ang ibig kong sabihin… so stop this crap already!”
Gusto ko na sanag bunutin ang baril na hawak ko ngunit mas nanaig ang pagtitimpi ko sa matabang doktorang ito.
Maya-maya ay napangiti na lamang siya sa akin at sumandal sa kanyang kinauupuan.
“Okay… Katulad ng sinabi mo, let’s stop this nonsense. So… What do you want from me?” Mayabang niyang tanong sa akin.
“Ibalik mo ang alaala ko.”
“Huh?! Nagpapatawa ka ba?”
“Sabi ko, ibalik mo ang alaala ko, ngayon din!”
“Ruth… Give me a break… How am I suppose to do that?”
“Alam mo kung ano ang dapat gawin. Nararamdaman kong may kinalaman ka!”
“Pakiramdam mo lang yan Ruth… But don’t you worry, bibigyan kita ng medications para diyan sa hallucinations mo.”
“fall! Stop giving me those medicines!” Pagalit kong saad sa kanya at halos mapatayo ako sa sobrang inis sa kanya.
“Heto isusulat ko na ang reseta at bilhin mo na paglabas mo ng opisinang ko.” Pagpapatuloy ni Dra. Galvez.
“Hindi ako lalabas dito hangga’t hindi mo ibinabalik ang memorya ko. Alam kong alam mo ang tanging paraan para maibalik ang dati kong pagkatao at ang natitirang pag-asa…”
“Ruth… Itigil mo na iyan, kundi tatawag na ako ng security…”
“Alam kong kaya mong ibalik ang dating Agent Orange sa pamamagitan ng Reversal Method ng Clearance!!!!” Nanginginig kong sambit sa kanyang harapan. Napaluha ako dahil sa sobrang nerbiyos na nararamdaman ko.
Napatingin naman sa akin ang aking doktora at natahimik siya dahil sa pagkabigla.
“Paano mo nalaman yan?” Tanong niya sa akin.
“Hindi mo na kailangang malaman kung papaano ko natuklasan ang katotohanan… Ang kailangan ko lang sa iyo ngayon ay ibalik mo ang alaala ko at dati kong pagkatao.”
“Sigurado ka ba? Sigurado ka bang gusto mong bumalik sa dating ikaw? Bilang si Agent Orange? Sigurado ka bang gusto mong maging mamamatay tao ulit? Ruth… Isang malaking pribilehiyo ang ginamit na sistema sa iyo… Bagong buhay… Ikalawang Pagkakataon… Kung ako sayo, lalayo na lamang ako at magiging masaya sa pangalawang buhay na ibinigay sa akin…”
“Marami akong unfinished business… Kailangan kong tapusin iyon at maging responsable sa lahat ng mga baluktot na plano’t pamamahala ko noon.”
“Kung gagamitin ko sayo ang reversal method, magiging halimaw ka ulit… Gusto mo ba iyon?”
“Ayoko… Pero kailangan kong gawin…”
“Paano kung ayokong gawin ito sa iyo? Paano kung hindi kita sundin?” Mapangahas na tanong ni Dra. Galvez sa akin.
“Simple lang ang sagot diyan… Kailangan kita gamitan ng dahas… Kailangan kitang saktan…”
“Hmmm… Ni hindi mo nga yata kayang pumatay ni ipis, tao pa kaya? Hehehe…” Pagmamayabang ni dok sa akin.
“Siguro nga dahil sa mahina pa ako…” Mahinahon kong saad sa kanya.
“Exactly Ruth…”
“Pero alam ko naman kung papaan gamitin ang baril na ito at pasabugin yang bungo mo ng walang kahirap-hirap…” Saad ko sabay labas at tutok ng baril sa kanya.
Nanlaki ang kanyang mga mata dahil hindi niya inaasahan na may dala-dala pala akong armas.
“Ito naman… Nagbibiro lang ako… Tinitignan ko lang kung seryoso ka diyan sa plano mo… Hihihi… Itago mo na yang baril mo…” Patawa-tawang sagot sa akin ni Dra. Galvez.
“Gusto ko lang malaman mong hindi ako nagbibiro… Ipuputok ko talaga ito sa iyo…”
“I know… I know… Itago mo na iyan… Please? Hihihi…” Muling saad ni dok sa akin sabay nguso niya sa CCTV camera na nasa kanyang opisina.
Mabilis ko namang itinago at ibinalik ito sa loob ng aking bag. Pinanatili kong nakalagay ang aking hintuturo sa may gatilyo ng baril, kung sakaling tatraydurin ako ni Dra. Galvez.
“Actually Ruth… Hinihintay ko talagang dumating ang araw na ito… Ang buhayin at palabasin ang natutulog na si Agent Orange… Ikaw lamang ang hinihintay kong dumalaw sa aking opisina… Alam kong marami-raming kalat ang kailangan mong linisin sa Programme ngayon… at suportado kita…” Saad ni Dra Galvez sa akin.
“Salamat… pero huwag mong asahan na pagkakatiwalaan kita dahil sa mga sinabi mong yan…”
“Tama ka… Sa mga ganitong pagkakataong wala si Agent Orange sa Programme, ay kailangang wala kaming ibang pagkatiwalaan… Wala din akong tiwala sa mga kaibigan mo… Kina Myk… Melissa at Ryan… Ikaw lang ang tanging pagsisilbihan ko Ruth… Maniwala ka man o hindi…”
Hindi ko alam kung kinukuha lang ng babaeng ito ang kompiyansa at tiwala ko, ngunit kailangan kong ibigay ang buong sarili ko sa kanya.
“I cancelled all of my appointments today at pakiramdam ko pati sa mga susunod na araw… Halika na, doon tayo sa bahay ko sa New Manila.”
Ayoko sanang sumama sa sinasabi niyang lugar, dahil hindi ko alam kung kakampi o kaaway ang taong ito.
“Hahayaan kitang tutukan ako ng baril hangga’t hindi tayo nakakarating sa bahay ko. And besides, doon natin isasagawa ang pagbabalik sa alaala mo. Halika na’t wala na tayong oras.”
Nauna siyang tumayo at binitbit muli ang kanyang mga bag. Pinauna ko siya at sumunod sa lahat ng nilalakaran niya. Tahimik akong naglakad kasama niya hanggang parking lot.
Tama siya, wala pa rin akong tiwala sa kanya, kung kaya’t hanggang sa mga oras na ito ay hawak-hawak ko ang aking baril.
Kuwento lamang siya ng kuwento habang nagbibiyahe kami patungo sa kanilang bahay. Hindi pa rin ako kumikibo at tila kinakabisado ko ang lahat ng mga pamilyar na establisimentong nadaraanan naming.
Ngumingiti lamang ako sa tuwing tumatawa siya. Gusto ko rin namang maging kumportable sa kanya, ngunit talagang galit ako sa sinungaling.
Makalipas ang halos isang oras ay nakarating na kami sa kanilang bahay.
Doon ko nalamang wala palang asawa si Dra Galvez. Simula kasing naging matagumpay siya sa kanyang larangan sa tulong Programme, ay hindi na nitong nagawang mag-asawa pa. Ayaw din niyang maghanap ng taong mamahalin niya, ngunit malalaman ang itinatago niyang lihim. Magiging mitsa lamang daw ito ng mas malaking gulo sa kanya at sa buo niyang angkan.
Malaki ang bahay ni dok. Halatang nakatulong talaga sa kanya ang kumpanya. Tanging mga katulong lamang niya ang kanyang kasama at malalaking aso.
Ipinalinis niya ang isang silid sa kanyang bahay at naghanda rin sila ng masasarap na pagkain.
Sa una’y nahihiya pa akong tikman ang mga nakahaing pagkain sa lamesa, ngunit dahil sa matinding gutom, ay nag-asal na akong gutom na gutom. Tila hindi kumain ng sampung taon.
Tawa lamang ng tawa si dok. Nararamdaman kong mabait nga talaga siya. At ipinagdarasal kong sana’y matulungan niya talaga ako sa aking mga plano.
“Sige, kain ka lang ng kain. Kailangan mong maibalik ang lakas mo bago nating isagawa ang Reversal Method.” Saad nito sa akin.
Tumango lamang ako sa kanya at ngumiti.
“Naalala ko pa dati… Ako rin ang nagsagawa ng Clearance sa iyo… Pinagplanuhan niyo kasi iyon na dayain ang pagkamatay mo. At ako ang pinagkatiwalaan sa sikretong iyon…”
“Kaming apat talaga ang nagplano?”
“Oo. Ikaw, si Ryan, si Melissa at pati si Myk. Naalala ko pa na tutol na tutol itong si Myk na dumaan ka sa Clearance. Pero mapilit ka at si Ryan. Sinabi mong ito lang ang paraan para mapatunayan mong kaya ng Clearance na mapatahimik ang mga miyembro ng Resistance. Na kahit tumiwalag sila sa Programme, ay wala silang maaalala at mapapangalagaan ang tungkol sa ating kumpanya.”
“Talaga palang pursigido ako noon.”
“Doon ako humanga sa iyo Ruth. Ang alam kong Agent Orange ay yung pumapatay at lumilinis sa kalat ng Programme. Pero may puso ka pala at inaalala mo ang kapakanan ng iyong pinamumunuan. Iyon nga lang…”
“Iyon nga lang ano???”
“Iyon nga lang, naging ganid si Ryan sa posisyong natamasa niya. Alam kong sa simula pa lamang ay may plano na sina Melissa at Ryan na angkinin ang maiiwang posisyon mo. Hindi naman pupuwede si Myk dahil may kaso siya noon… Kaya ayun, ginagawa niya ang lahat para di maibalik ang memorya mo.”
“May kasunduan ba kami kung ilang oras o araw tatagal ang Clearance sa utak ko?”
“Isang linggo. Isang linggo lang dapat ang pansamantalang pagkawala ng memorya mo.”
Natahimik ako.
Hindi ko akalain na magiging sakim at traydor ang mga sinasabi nilang kaibigan ko.
“Kaya Ruth… Pagkabalik mo sa puwesto ay ipagpatuloy mo ang lahat ng nasimulan mo… Lalo na ang hangarin mong patigilin ang digmaan sa pagitan ng Programme at Resistance.”
“Huwag kang mag-aalala, tulungan mo lang akong makabalik, gagawin ko ang lahat para maisaayos ang kumpanyang naiwan ko.”
“Good… Susuportahan kita, huwag kang mag-alala… Pero Ruth, gusto ko lang din ipaalam sa iyo na wala sa akin ang Clearance. Hindi ko alam kung nakay Ryan, o Melissa o Myk… Silang tatlo lamang ang may alam kung nasaan…”
“Hah? Pero papaano natin isasagawa ang Reversal Method kung wala ang Clearance?”
“Don’t worry, magkaibang sistema iyon. At nasa akin ang Reversal Method. Ayokong masangkot sa kasakiman ni Ryan, at lalong ayokong magkaroon ng bad record sa iyo, kaya naman pinangalagaan ko ang sistemang magbabalik sa alaala mo.”
Kahit papaano ay nabunutan ako ng tinik at may pag-asa pa ring makabalik ako sa tunay kong pagkatao.
Alam kong pagtatrabahuhan ko pang hanapin ang Clearance para isagawa ang naantala kong plano at pagbabago para sa Programme.
“Kailan natin isasagawa ang pagpapabalik ng memorya ko?” Tanong ko kay Dra Galvez.
“Bukas ng umaga. Kailangan mo munang maibalik ang lakas mo. Matulog ka… Kumain ka ng marami… Magpahinga ka ng maayos… Dahil sobrang bigat ng pagdaraanan mo sa Reversal Method. Kailangang kayanin ng katawan mo ang muling pagbabalik ni Agent Orange.”
Natakot ako sa mga sinabi niya sa akin.
Hindi ko akalain na ganoon kabigat ang aking pagdudusahan sa pagbabalik ng isang halimaw sa katawan ko.
“Kaya, dinala kita dito sa bahay para walang istorbo sa iyo.” Dagdag na saad sa akin ni dok sabay ngiti.
“Dok… may pabor pa akong nais hilingin sa iyo…”
“Ano iyon?”
“Kung puwede sana ako makahingi ng notebook at ballpen… Gusto ko rin humiram ng camcorder…” Sagot ko sa kanya.
Tumango at ngumiti na lamang si Dra Galvez sa akin. Tila nagkaunawaan kami sa kung ano ang pinaplano ko, bago isagawa sa akin ang Reversal Method.
Madali nitong kinuha ang lahat ng hiniling ko, at hinatid niya rin ako sa kanyang guest room.
Ginugol ko ang isang buong araw para makapag-isip at makapagpahinga.
Madami akong kinakain.
Palakad-lakad ako sa aking silid at paminsan-minsa’y akyat panaog ako sa hagdanan.
Gusto kong paghandaan ng aking katawan ang hinihingi sa akin ng gamutang ito.
Kinakabahan ako.
Natatakot.
Pero kinakailangan kong tanggapin na magbabalik na sa akin ang tunay na pagkatao ko.
Isang halimaw.
Bilang si Agent Orange.
- Undo – Episode 8: Ctrl + Z - November 22, 2024
- Undo – Episode 7: Ctrl + X - November 22, 2024
- Undo – Episode 6: F1 (Help) - November 15, 2024