Written by ereimondb
Palakad-lakad si Ryan sa sala habang hawak nito ang kanyang basag at dumudugong mga labi. Pinipilit nitong pahupain ang kanyang galit bago umakyat at harapin si Ruth sa kanyang kuwarto.
Maya-maya ay nagring ang kanyang cellphone.
“Hello… Ryan…”
“Tangina niyo po!”
“Mabuti naman at nakarating na sayo ang mensahe ko. May anim na oras ka pa para tanggapin ang inaalok ko.”
“Hindi ko kailangan ng tulong ninyo. Bumalik na lang po kayo sa impyerno na pinanggalingan ninyo.”
“Iyan naman ang hindi ko maintindihan sa iyo Ryan Santander. Binigyan na nga kita ng maayos na deal para masagip mo ang buhay mo, pero you keep on refusing me.”
“Kayang-kaya ko harapin ang sariling problema ko. At hindi ko kailangan ng tulong lalo na sa mga katulad ninyo.”
“Ryan… Ryan… Ryan… Sayang ka. Sayang lang talaga ang buhay mo kapag napatawan ka na ng kamatayan ng konseho…”
“It won’t happen tita… Hinding hindi mangyayari ang mga pinaplano ninyo.”
“Well… Let’s see… Ibibigay ko pa rin sayo ang anim na oras para makapagdecide. Your time is ticking Mr. Santander. Just one call at ang lahat ng ito ay magbabago nang naaayon sa plano. Goodbye Ryan… Talk to you soon.”
Napapapikit naman sa sobrang galit ang lalaki sabay bato nito sa kanyang cellphone. Kaagad itong naglakad patungo sa may hagdanan at nasalubong niya si Mae na pababa dito.
“Si Ruth?”
“Nasa kuwarto na.”
“Pinainom mo ba yung gamot niya.”
“Oo.”
“Good!” Saad ni Ryan sabay sinakal ang babaeng nagpapakilalang pinsan ni Ruth.
“Bitiwan mo ako… Nasasaktan ako…” Pagmamakaawa ni Mae dahil sa higpit ng pagkakasakal sa kanya ni Ryan.
“Napaka-tanga mo! Hindi ba’t sinabi ko sayo bantayan mo ng mabuti si Ruth? Simpleng instruction hindi mo pa magawa. Natakasan ka pa?!” Galit na galit na saad ni Ryan.
Maluha-luha naman si Mae sa ginagawa sa kanya ng lalaki.
Hawak-hawak pa rin siya ni Ryan at halos tuluyan na itong malagutan ng hininga dahil sa higpit at lakas ng kamay nito.
Panay ang palo ni Mae sa mga kamay ni Ryan na nakabalot sa kanyang leeg.
Hanggang sa binitawan na siya ng lalaki at napasalampak siya sa sahig habang naghahabol ng hininga.
“Suwerte mo at walang nangyari kay Ruth… Kundi, hindi lang yan ang aabutin mo sa akin.” Saad ni Ryan.
Naiyak naman si Mae habang nakaupo sa sahig at sinundan ng tingin si Ryan na papaakyat naman sa silid ni Ruth. Galit na galit na rin ang babae sa ginagawa sa kanya ng Country Director ng Programme, lalo pa’t inaalagaan niya ang babaeng tinaguriang traydor ng kumpanya.
“May-araw ka rin sa akin…” Bulong ni Mae sa hangin habang marahanag hinahaplos ang kanyang namumulang leeg.
Nang makarating naman si Ryan sa silid ni Ruth ay agad niyang binuksan ang pintuan at nakita ang magandang babae habang nakadungaw sa kanyang bintana.
Ngumiti naman ang lalaki at hindi ipinahalata ang kanyang galit dito.
Gumanti naman ng ngiti si Ruth at agad nilapitan si Ryan.
“I’m sorry… I’m so sorry dear…”
“Okay lang… Basta sana hindi na mauulit iyon Ruth… Nag-aalala ako sa kalagayan mo tsaka hindi mo pa talaga kaya ang mag-isa…”
“Oo Ryan… Sorry talaga hindi ko na uulitin…”
Maya-maya ay napansin magandang babae ang labi ng kanyang asawa.
“Anong nangyari diyan?”
“Ah… Wala ito…”
“Anong wala? Dumudugo kaya ang labi mo… Sino may gawa niyan?”
“Okay lang ako Ruth, don’t worry…”
“Dear, sino may gawa niyan? Tell me…”
Inalalayan naman ni Ryan si Ruth papunta sa kanyang kama at marahan niya itong ipinaupo. Nakatingin lamang ang magandang babae sa kanyang asawa at bakas sa mukha nito ang matinding pag-aalala.
“Ruth… I have to tell you this… Para maintindihan mo kung bakit kita pinoprotektahan…”
“Okay… Tell me about it…”
Hinawakan ni Ryan ang dalawang kamay ni Ruth habang sinasabi rito ang gusto niyang paniwalaan ng magandang babae.
“Yung lalaking naghatid sayo dito… Dapat mo siyang iniiwasan…”
“Huh? B-bakit?”
“Ruth… Hindi siya mabuting tao.”
“Pero iniligtas niya ako doon sa mga snatchers…”
“Ruth… Listen to me… Ako ang asawa mo…” Mariing saad ni Ryan.
Nanatiling nakatingin naman ang magandang babae sa kanya at tila handa nitong tanggapin ang lahat ng sasabihin ng kanyang asawa.
“Hindi siya mabuting tao. Noon, bago mangyari ang aksidente mo, he did something bad sa family natin. Kaibigan ko siya dati, pero trinaydor niya pa ako… Trinaydor niya tayong dalawa.”
“So… Kilala ko talaga siya dati?”
“Yes.”
“Pero sabi niya hindi raw niya ako kakilala??”
“Ganyan talaga siya… Manloloko. So better stay away from him.”
“Maybe we should call someone para hindi siya tumatambay sa harap ng bahay natin.”
“I will… I will… In the mean time, I want you to avoid that person. At huwag na huwag ka na ulit tumakas dito… Okay? Dito ka lang sa kuwarto… Dito ka lang sa bahay natin…”
“Okay dear… Dito na lang talaga muna ako hangga’t hindi pa ako gumagaling.”
“Good… I hope you understand… Mahal na mahal lang talaga kita Ruth… Mahal na mahal kita asawa ko…” Saad ni Ryan sabay haplos nito sa makinis na mukha ng magandang babae.
Agad naman niyang hinalikan ang matamis at malambot na labi ni Ruth. Hindi naman nagpatalo ang babae at lumaban na rin ito ng halikan sa kanyang asawa.
Maya-maya ay tila may naalala si Ruth sa mga nangyari kani-kanina lang. Napahinto ito at kumalas sa pagkakahalik niya kay Ryan.
“Dear… Okay ka lang?” Tanong ng lalaki sa kanyang asawa.
“Hmmm… May naalala lang kasi ako.” Mahinang saad ni Ruth.
Bahagyang nagulantang naman si Ryan sa sinabi sa kanya ni Ruth.
“Anong naalala mo dear?”
“Kanina… Kanina kasi noong sinugod kami ng mga snatchers at pinagsisipa nila yung lalaki na prumutekta sa akin… May sinabi sila eh… I don’t know pero… Parang familiar lang kasi sa akin…”
Napakunot-noo naman ang lalaki habang pinapakinggan ang kuwento ng kanyang asawa.
“Anong sinasabi nila?” Pag-usisa muli ni Ryan.
“Habang sinisipa ng mga snatchers yung lalaki… sabi nila na parang ang hina naman daw pala nung Agent Orange. Na kayang-kaya pala nila yung Agent Orange.”
Tila nangati naman ang lalamunan ni Ryan at nasamid ng kanyang sariling laway. Hindi ito nakasagot agad sa babae habang nilulunok ang laway na nakaharang sa kanyang lalamunan.
“Agent Orange… Agent Orange… I think I heard it somewhere… I don’t know… Hindi ko alam kung saan…”
“Dear… Don’t think about it… Hindi natin alam kung saan napapadpad ang lalaking yan at kung bakit siya tinatawag sa palayaw na yan…”
“So you mean… That guy is Agent Orange?” Tanong ni Ruth.
“Huh?” Biglang sagot ni Ryan.
“So siya pala yung Agent Orange… I get it.”
“Ah eh… Oo siya… I mean… Siya nga siguro… I don’t know… and I don’t care.” Saad ni Ryan.
Muling hinaplos ng lalaki ang mukha ni Ruth at pilit na iwinawaksi sa isipan nito ang tungkol kay Agent Orange.
“Basta promise mo sa akin… Na hindi ka na ulit tatakas at lalabas ng bahay ng walang paalam… Okay?”
“Yes dear… Don’t worry, hinding hindi na talaga mauulit yun.”
“Good. I love you…” Saad ni Ryan.
“I love you too…” Sagot naman ni Ruth.
Kahit hindi pa rin kumbinsido ang magandang babae ay mas pinili na lamang niya na magtiwala sa kanyang asawa. At dahil sa naganap kani-kanina lamang ay ipinangako niyang susunod ito sa kagustuhan ni Ryan at mananatili na lamang siya sa kanyang kuwarto.
Maya-maya ay tumayo si Ryan upang kuhanin ang gamot ni Ruth na nasa isang kabinet. Kumuha din siya ng isang basong tubig at agad iniabot sa kanyang asawa.
“Inumin mo muna itong gamot mo… Para marelax ka at makapagpahinga ng mabuti…” Saad ni Ryan.
Kahit ayaw na sanang uminom ng gamot ni Ruth ay kinuha na lamang niya ang iniabot ng kanyang asawa. Mas pinili niyang sundin ang kahit anong sabihin ni Ryan para malayo na siya sa kahit anong uri ng kapahamakan.
Nilunok niya ang dalawang tabletas saka ininom ang isang basong tubig.
Inalalayan naman siya ni Ryan upang makahiga ito ng maayos sa kama.
“Magpahinga ka muna… Sa baba lang ako and if you need something just let me know.”
“Okay, dear… Thank you…”
Marahang hinalikan ng lalaki sa bandang noo ang kanyang asawa bago ito tuluyang lumabas ng silid.
Ipinikit naman ni Ruth ang kanyang mga mata upang makaidlip at unahan ang epekto ng gamot sa kanyang katawan. Alam niya kasing manghihina at mamamanhid nanaman siya dahil sa tabletas na inirikumenda ni Dra. Galvez.
Hindi naman na bumalik sa Programme si Ryan at nagpasiyang bantayan na lamang si Ruth. Ito ay dahil sa malapit na maubos ang oras na ibinigay sa kanya ni Editha Banks at nasisigurado niyang susugurin sila ng mga Programme Agents maya-maya lamang.
Inihanda na niya ang kanyang sarili, maging ang kanyang baril, upang maprotektahan ang taong pinaghahanap ng mga tauhan ni Mrs. Banks.
Pumuwesto ito sa may sala at tahimik na nagmamasid sa may bintana.
Tanging ang tunog ng malaking orasan ang nadidinig sa buong kabahayan.
“Angel?”
“Angel Velasco po.”
“Angel Velasco.” Saad ng babaeng nagte-train sa mga baguhang Programme Agent.
Tila kinakabahan naman ang magandang babae dahil ito ang unang araw niya sa pagsasanaya bilang isang agent ng kumpanya.
“So Angel… Bakit ito ang pinili mo? Puwede ka namang sa ibang propesiyon… Artista… Model… Singer… Pero bakit isang Programme Agent?”
Sandali namang hindi nakasagot ang magandang babae habang ang kanyang mga kasamahan ay nakatingin sa kanya. Bahagya itong napalunok at tumingin ng diretso sa kanilang mentor.
“Pangarap ko po talaga maging Programme Agent…”
“Pangarap? That’s nice. Ako kasi, hindi ko pinagarap maging agent ng kumpanyang ito. At dahil na lamang sa angkan namin, kaya naririto ako sa harapan ninyo. In short, walang choice… Pero ikaw… Kakaiba ka… Dahil pangarap mo maging isang agent…” Saad ng babae.
“Opo. Kung hindi niyo po naitatanong, eh dati rin pong Programme Agent ang kuya ko. Si Alfred. Nakita ko kung gaano siya kapursigido maging isang magiting na Programme Agent. Nakita ko kung gaano niya minahal ang trabaho niya, kaya mula noon pinangrap ko na ring maging tulad niya.”
“Ahhh… Okay… So kapatid mo pala si Alfred Velasco… Tama… He is a very good agent. Sa tingin ko eh parehas kayo ng mga mata… Nakikita ko kasi sa mga mata mo na talagang gustong-gusto mo ito makuha.”
“Yes ma’am… Gustong-gusto ko po ito…”
“Well… All you have to do is to pass all of the trainings. And after that, you should also pass your debut mission.”
“Debut mission?”
“Yes… Debut mission. Ang lahat ng Programme Agent ay dumadaan sa isang Debut Mission. Ito ang unang beses na isasalang kayo sa isang misyon. Dapat ay magawa ninyo ito ng tama, ng naaayon sa Rules and Regulations ng Programme. Dito din makikita kung gaano kayo kagaling sa isang laban, na hindi lamang ginagamitan ng pisikal na lakas, kundi pati ng pag-iisip… ng utak… ng lohika… A good Programme Agent should always think first, before he or she acts. Iyon ang gusto kong iiwan sa inyong lahat.”
Tahimik na nakikinig ang mga baguhang estudyante sa kanilang mentor, samantalang nanatiling nakatayo si Angel.
“Sorry po… Pero, may gusto sana akong itanong sa inyo…” Saad ng magandang babae.
“Sure… Go on… Ask me anything.”
Iginala naman ni Angel ang kanyang paningin sa paligid at siniguradong walang security na nakabantay sa kanila.
“Puwede niyo pong sagutin o hindi sagutin ang katanungan ko…”
“Okay… tell me…”
“Agent Orange… Naging estudyante niyo rin po ba si Agent Orange?” Matapang na tanong ng magandang babae.
Nagbulungan naman ang ibang mga estudyante sa loob ng training room. Tila lahat sila ay nabigla sa katanungang ni Angel. Kahit gustong-gusto nila itanong ito sa kanilang mentor, ay takot na takot pa rin silang pag-usapan ito. Tanging ang baguhang si Angel lamang ang naglakas loob.
Napangiti naman ang babaeng nasa kanilang harapan. Agad itong naglakad sa may pintuan at marahan nitong isinara ang training room.
Kinakabahan ang lahat sa kung anong puwedeng mangyari sa matapang na babae.
“Okay… Class… This will be the first and last time that we are going to talk about that fallen agent. Understood?” Tanong ng babaeng mentor sa mga baguhang estudyante.
Lahat naman sila ay sumang-ayon at napatango dito.
“Okay… Thank you for asking about Agent Orange, Ms. Velasco. You may take your seat now.”
“Yes, ma’am.” Saad ni Angel sabay upo.
“Agent Orange… All I can say is… She is the best student that I ever had. Walang ibang makakapantay sa galing ng agent na yan. Ang bawat angkan ng Programme… The Bermudeses, the Santanders, The Havilas and of course, the Villamors, kung saan ako kabilang na angkan, ay nagpadala ng kani-kanilang representante para maging agent. Gusto kasi ng pamilya nila na matuto ang mga ito na lumaban at matutunan ang disiplinang itinuturo sa lahat ng mga estudyante ng kumpanya. Si Melissa, si Ryan, si at si … Silang apat ay mga magkaka-edad, magbabarkada at mga tagapagmana sa puwesto bilang Country Director. Lahat sila ay dumaan sa kamay ko. Lahat sila ay naturuan ko. Iba’t iba sila ng estilo. Iba’t iba sila ng kakayahan. Ang isa, may puso kung lumaban. Ang isa naman, sobra sa puso kung makipaglaban. Ang isa, mabilis mag-isip. Ang isa naman ay puro utak ang pinapagana… Ngunit tanging si Agent Orange lamang ang nakapagbalanse ng lahat. Marunong siyang mag-isip at kaya niyang paganahin ang kanyang damdamin sa tamang paraan. Malakas. Magaling. Mapusok. Mabilis. Palaban. Ang lahat ng iyan ay si Agent Orange. Siya lamang ang nakapasa sa kanilang apat. Ang dalawang lalaki ay nailagay sa medic position, at sinubukan ulitin ang mga training hanggang sa nakapasa na rin sila upang maging Programme Agent. Samantalang si Melissa naman ay inilagay na lamang sa isang pang-opisinang posisyon. Dumaan ang mga araw at marami kaming nababalitaang tagumpay na ginagawa ni Agent Orange. Ang lahat ng misiyon niya para protektahan ang Programme ay matagumpay niyang natatapos at naitatawid. Kinatakutan siya. Kinasuklaman ng mga miyembro ng Resistance. At lahat sila ay nagbabalak na patayin siya. Pero walang nagtagumpay. Hanggang… Hanggang sa itinalaga siya bilang Country Director ng Programme. Hindi siya dumaan sa botohan dahil saling-lahi lamang ang pagpasa sa posisyong iyon. Hawak ng Bermudes ang pamumuno ng ilang dekada. At siya lamang ang natatanging tagapagmana ng trono. Madami siyang nakalatag na plano para sa lahat… Lalo na para tapusin ang tumitinding alitan at sigalot ng Programme at Resistance. Gusto na niyang magkaroon ng kapayapaan sa dalawang grupo, kung kaya’t humanap siya ng paraan upang matigil ito.Tinuring siyang maka-kaliwa at traydor ng konseho. Ayaw nilang maniwala sa kapayapaang ninanais at pinaplano niya. Hanggang sa… Nasayang ang lahat… Nasayang ang mga ito nang dahil sa isang aksidente. Isang aksidenteng nagdulot ng kasawian niya. Namatay siya ng hindi napapatunayang puwedeng mamuhay ang Programme at Resistance sa isang kumpanya. Namatay siya, o napaslang… Walang nakakaalam. Basta ngayon, ang isa sa mga regulasiyon ng Programme, ay huwag nang banggitin ang pangalan niya. Isang traydor kung ituring ng mga miyembro ng konseho at ng kumpanya. At wala na tayong magagawa kundi ang itikom ang ating mga bibig at sumunod sa batas.” Paliwanag ng babae sa kanyang klase.
Tahimik na nakikinig ang lahat at ngayon lamang nila naunawaan ang isang bahagi ng kuwento tungkol sa isang fallen agent ng Programme.
“Uulitin ko… Ipinagbabawal na ng Programme at pag-usapan ang tungkol sa buhay ni Agent Orange. Sumunod na lamang tayo sa ipinag-uutos ng konseho para hindi tayo mapahamak. Maliwanag ba?” Tanong ng babaeng mentor.
Tumango naman ang lahat at ipinangakong susundin ang sinabi sa kanila ng babae.
Samantalang buo na ang pasiya ni Angel. Ito ay ang maging katulad ni Agent Orange. Gusto niyang maging sing galing at sing talino nito at sumunod sa yapak ng dating Programme Agent. Gagawin niya ang lahat, hindi lamang upang maging katulad ni Agent Orange, kundi ang lamangan at lagpasan ito. At sa kahit anong paraan, ay aabutin nito ang kaniyang natatanging pangarap.
Panay ang tingin ni Ryan sa orasan dahil malapit-lapit na ring matapos ang ibinigay na panahon ni Editha Banks upang kagatin ang kanyang iniaalok dito. Kahit kinakabahan ay pinilit ni Ryan na pakalmahin ang kanyang sarili upang makapag-isip siya ng kung anong hakbang ang gagawin para sa mga tauhan ni Mrs. Banks.
Ikinasa na nito ang kanyang baril at tumayo sa may pintuan.
Maya-maya ay may nadinig itong mga kalabog ng pintuan ng kotse sa labas ng kaniyang bahay. Mabilis itong sinilip mula sa bintana at natanaw nito ang mga lalaking nakaitim na amerikana.
Nagtago na lamang siya sa may pintuan at hinihintay niya ang mga itong makarating sa kanilang bahay. Hinawakan ng mabuti ang kanyang baril at isinukbit ang isang dailiri sa gatilyo nito.
Dinig na dinig niya ang pagkabog ng kanyang dibdib, maging ang mabibilis niyang paghinga.
Halos isang minuto siyang naghintay ngunit bigla siyang walang nadinig na kung anong yabag na papalapit sa kanyang bahay. Nagtataka si Ryan kung ano na ang nangyayari sa labas at kung nasaan ang mga Programme Agents na ipinadala ni Editha Banks.
Dahan-dahan itong sumilip mula sa kanyang bintana upang tanawin kung nasaan ang mga ito. Hinahagilap ang mga lalaking nakaitim na amerikana.
Wala na siyang nakikitang tao sa labas. Tahimik ang buong kapaligiran at maging ang sasakyang kanina lamang ay nakaparke sa may tapat ng kanilang gate ay umalis na rin.
Napakunot-noo muli si Ryan at marahang naglakad patungo sa may hagdan. Titignan niya sa ikalawang palapag kung saan naroroon ang mga ito.
Maya-maya ay nasalubong niya si Mae habang ito ay pababa ng hagdanan.
“Bantayan mo si Ruth… Alam kong naandito na sila.” Utos ni Ryan sa babae.
Hindi naman umimik si Mae at patuloy itong bumaba ng hagdan.
Hanggang sa walang anu-ano’y hinampas ni Mae ng flower vase sa may bandang likuran at ulunan si Ryan. Nahulog ang katawan ng lalaki at nagpagulong-gulong ito sa may hagdanan.
Nakatingin na lamang si Mae dito habang nakangisi.
Nang masiguradong wala nang malay ang Country Director ng Programme ay agad itong nagpunta sa main door ng bahay at pinagbuksan ang mga Programme Agents.
Nag-ring naman ang telepono ni Mae at mabilis niya itong sinagot.
“Are they in?” Tanong ni Editha sa babae.
“Yes ma’am. Nasa loob na po sila ng bahay.”
“Si Ryan?”
“Walang malay.”
“Si Ruth.”
“Tulog pa po siya.”
“Ikaw na bahala kay Ruth. Dalhin mo siya sa akin ng buhay.”
“Yes, ma’am. Masusunod po.”
Kaagad namang umakyat si Mae sa kuwarto ng babae at ginising niya ito.
At kahit nanghihina pa si Ruth ay mabilis siyang napatayo ng kanyang nagkukunwaring pinsan.
“Saan tayo pupunta? Hindi ko pa kaya maglakad… Nahihio ako.” Saad ni Ruth.
“Hindi ba gusto mong mamasiyal. Tara, mamamasiyal tayo. Hihihihi…”
“Huh? Anong pinagsasasabi mo ate Mae?”
“Basta… Sumunod ka na lang.”
Inalalayan ni Mae ang hinang-hina na katawan ng magandang babae hanggang sa nakarating sila sa may hagdan. Sinalubong naman silang dalawa ng mga Programme Agents.
Kahit malabo sa kanyang paningin, ay naaninag ni Ruth ang mga lalaking nakaitim na amerikana.
“Sino kayo? Anong ginagawa ninyo sa bahay namin?” Tanong ni Ruth.
Wala namang sumasagot sa mga katanungan ng magandang babae, sa halip ay tinulungan nila itong makababa ng hagdan.
Habang naglalakad ay nakita ni Ruth ang kanyang asawa na nakahandusay sa sahig. Tila nagising ang kanyang diwa at tuluyan na siyang nagkamalay.
“Ryan??? Ryan!!! Anong nangyayari? Ano ito?” Pagpupumiglas ni Ruth.
“Ilabas niyo na iyan at isakay ninyo sa kotse ko.” Utos ni Mae.
“Bitiwan ninyo ako.. Ate Mae, anong nangyayari?!!! Tulungan mo ako.”
“Dami mo pang satsat! Sige na bilisan ninyo.”
“Ayoko sumama… Bitiwan niyo ako sabi eh!” Galit na galit na saad ni Ruth.
Hanggang sa pinukpok ni Mae ng kanyang baril ang bandang ulunan ng babae at agad itong nawalan ng malay. Binuhat siya ng mga Programme Agent papasok ng sasakyan ni Mae.
“Dami pa kasing satsat eh… Gusto pang nasasaktan… Itali ninyo ang mga kamay niyan at piringan… Bilisan ninyo!”
Agad namang nilagyan ng itim na tela ang mga mata ni Ruth at ipinahiga ito sa likuran ng kotse ni Mae. Itinali din nila ang mga kamay at paa ng magandang babae upang hindi ito makalaban kapag nagising ito sa biyahe.
“Sige na. Ako na bahala dito. Balik na kayo sa Programme.”
Sumunod ang mga lalaki s autos ni Mae at mabilis silang umalis sa bahay ni Ryan Santander.
Sa iba naman dumaan ang kotse ni Mae.
Utos kasi ni Editha na dalhin ito sa isang safe house malapit sa Paranaque.
Pakanta-kanta pa si Mae habang ito ay nagmamaneho.
Tuwang-tuwa ito dahil sa bitbit niyang babae. Isang babae na kinasusuklaman niya.
Mas natuwa pa siya dahil nakaganti na ito kay Ryan.
Maya-maya ay tumunog muli ang kanyang cellphone.
“Hello…”
“Nasaan na kayo?”
“Papunta na po kami sa safe house.”
“Good.”
“Bye.”
Sinigurado ni Editha Banks na magtatagumpay siya sa kanyang mga pinaplano.
At alam din ni Mae na mawawala sa puwesto si Ryan kung kaya’t agad niyang tinalikuran ang dati niyang boss.
“Konting-konti na lang… matutuluyan ka na Ruth… Kay tagal kong hinintay ang araw na ito. Hihihi…” Saad ni Mae sa kanyang sarili.
Nilakasan nito ang radyo ng kanyang kotse at sinabayan ang mga awitin dito habang nagmamaneho.
Maya-maya ay nagising na si Ruth.
Wala itong ibang makita kundi ang kadiliman ng paligid.
Napapaungol pa rin ito sa sobrang sakit ng kanyang ulo dahil sa pagkakahampas ng baril ni Mae.
“Nasaan ako… Nasaan ako…” Tanong ni Ruth.
“Gising ka na pala madam? Hihihihi…”
“Ate Mae? Ate Mae… Bakit mo ginagawa sa akin ito?”
“Hmmm… Because I hate you. Nasagot ko ba ang tanong mo? Hihihi…”
“Please… Maawa ka… Pakawalan mo na ako…”
“Hinigpitan namin ang tali diyan sa mga kamay mo, tapos gusto mong pakawalan kita? Ano ako tanga? Hihihihi…”
“Ate Mae please?? Balikan natin si Ryan… Balikan natin ang asawa ko…”
“Yeah right… Dami mo nanamang daldal… Tumahimik ka na lang please o gusto mong masaktan ulit?”
“Pakawalan mo na ako… Saan mo ba ako dadalhin?”
“Sa impiyerno… Malapit na nga tayo eh… This time, hindi ka na talaga makakaligtas… Agent Orange. Hihihihi…” Saad ni Mae sabay liko sa may eskinita.
Napaiyak naman si Ruth dahil sa takot at kaba. Wala siyang maintindihan sa mga nangyayari. Lalo pa nang siya ay tawaging Agent Orange ng kanyang pinsan.
Habang binabagtas ang maliit na eskinita ay biglang may humarang sa kanilang isang itim na van.
Panay ang busina ni Mae sa van na ito na hindi umaalis sa kanyang harapan.
“Tangina naman oh!?” Saad ng babae sabay pihit sa preno ng kanyang sasakyan.
Inihinto niya muna ang kanyang kotse, nagbabakasakaling umalis ang van na nakaharang sa kanilang dinaraanan.
Maya-maya ay bumukas ang van at lumabas dito ang mga taong nakasuot ng maskara.
Nanlaki ang mga mata ni Mae at inabot sa may compartment ang kanyang baril. Nanginginig ang kanyang mga kamay at nabibitawan niya pa ito habang panay ang tingin nito sa mga taong papalapit sa sasakyan.
Hanggang sa nakalapit na ang mga taong ito sa kanyang kotse at binasag ng isang lalaki ang salamin ng bintana sa driver seat.
Tuluyan nang hindi nakaalis si Mae sa kanyang kinauupuan, at naabot ng lalaki ang kanyang buhok. Hinampas ang kanyang ulo sa manibela ng sasakyan ng ilang beses hanggang sa ito ay nawalan ng malay.
Nang madinig ni Ruth ang nangyayari kay Mae ay panay na rin ang kanyang pagsisigaw. Hindi niya mawari kung ano ang nangyayari sa kanyang paligid dahil sa nakapiring ang kanyang mga mata.
“Tulungan niyo ako!!!! Tulungan niyo ako!!!!” Sigaw ni Ruth.
Nang nabuksan ang pintuan sa may passenger seat ay agad na hinila ng lalaki si Ruth. Patuloy pa rin sa pagsisisigaw ang magandang babae dahil sa sobrang takot.
Kaagad namang pinalanghap sa babae ang isang panyo na may kemikal, kung kaya’t ito ay nanghina at nawalan muli ng malay.
Binuhat nila si Ruth at idinala sa van. Samantala ang iba naman nilang kasamahan ay pinaghahampas ang sasakyan ni Mae at pinamukha itong isang malaking aksidente.
Pagkatapos nito’y agad na humarurot ang van papalayo sa eskenita.
Walang malay na sumama si Ruth sa mga di kilalang tao na nakasakay sa van.
Halos isang oras silang naglakabay.
Wala pa ring malay si Ruth at mahimbing itong nakatulog sa isang van.
Nang sila ay nakarating na sa safe house ay binuhat muli nila ang magandang babae at inihiga sa kama.
Hinayaan na lamang nila itong makapagpahinga at ginamot ang sugat sa bandang ulunan nito.
Maya-maya ay biglang nagising si Ruth. Pakiramdam niya ay binabangungot siya at mabilis itong bumangon sa kanyang higaan.
Iginala nito ang kanyang paningin sa paligid at napagtanto niyang wala siya sa kanyang sariling kuwarto.
Mabilis itong lumabas ng silid at tumakbo upang makahingi ng tulong.
Hanggang sa narating niya ang parte ng bahay na punong-puno ng mga tao.
Ang iba ay nagkukuwentuhan at nagkakasiyahan, ang iba naman ay nag-iinuman.
Naibaling niya ang kanyang paningin sa isang pamilyar na tao. Alam niyang isa itong sikat na mang-aawit sa Pilipinas. At ang alam niya’y matagal na itong patay.
Laking gulat niya na ito ay nasa kanyang harapan at nakatingin pa sa kanya.
Marami din siyang nakitang mga tao na inaakala niyang matagal nang patay, ngunit buhay na buhay pa rin pala.
Biglang sumakit ang kanyang ulo at napayuko ito. Parang may mga kidlat na tumatama sa kanyang isipan, at sumusulpot ang mga alaala niya.
Nakatingin lamang sa kanya ang mga taong nasa silid at hindi siya tinutulungan ng mga ito.
Bakas din sa mga mukha nila ang matinding galit kay Ruth.
Takang-taka naman ang magandang babae kung bakit ganoon na lamang sila makatingin sa kaniya. Tila ba may nagawa siyang matinding kasalanan sa mga taong ito.
Maya-maya ay napatingin siya sa bandang harapan.
Mula sa liwanag ay natatanaw niya ang ibang mga taong nakaupo sa isang malambot na sofa.
Pilit nitong iminumulat ang kanyang mga mata upang makita niya ng lubusan kung sino ang mga ito.
Hanggang sa sumenyas ang taong nasa gitna at ipinapatay ang ilaw na sumisilaw sa magandang babae.
Nang naaaninag na ng mabuti ni Ruth ang mga taong nakaupo ay nilapitan niya ang mga ito.
Dahan-dahan siyang naglakad, at ramdam niya ang takot mula sa mga taong tila galit na galit sa kanya.
Saglit siyang tumigil sa paglalakad at inisa-isa niya ang mga mukha ng mga taong nakaupo.
Nang naibaling niya ang kanyang paningin sa taong nakaupo sa may bandang gitna ay agad na nanlaki ang kanyang mga mata.
“Ikaw?” Mahinang saad nito nang makita niya ang misteryosong lalaki na laging nasa tapat ng kanilang bahay. Ang lalaking, ayon kay Ryan, ay dapat niyang iwasan at layuan ay nasa kanyang harapan. Ang lalaking pinaniniwalaan niyang makakapagpabalik ng kanyang alaala.
Ngumiti lamang ito at hindi umimik.
- Undo – Episode 6: F1 (Help) - November 15, 2024
- Undo – Episode 5: Ctrl + P - November 15, 2024
- Undo – Episode 4: Ctrl + Arrow [Up] - November 7, 2024