Written by ereimondb
Prologue
Pumapasok ang sinag ng araw mula sa labas ng bintana patungo sa mukha ng lalaking mahimbing na natutulog. Tahimik ang paligid at wala siyang ibang kasama sa loob ng silid, kung kaya’t napasarap ang kanyang tulog at hindi nito namalayang alas-otso na pala ng umaga.
Dahil sa tindi ng init ng sikat ng araw na tumatama sa kanyang mukha, ay dahan-dahan itong dumilat at animo’y nasisilaw sa liwanag, sabay balikwas mula sa kanyang pagkakahiga. Iginala niya ang kanyang mga mata at nakita muli ang kulay puting pader na silid.
Maya-maya pa ay ibinaling niya ang kanyang paningin sa bintana at di inalintana ang liwanag nitong dumadampi sa kanyang maamong mukha.
Nakatingin sa malayo. Nakatanaw sa kawalan. Tanging ang kanyang paghinga lamang ang siyang nadidinig.
Nagitla naman siya nang bumukas ang pinto at pumasok ang kanyang tiyahin na may bitbit na plastic bag.
“Oh! Gising ka na pala. Kanina pa naihatid dito ang pagkain mo, heto’t lumamig na nga. Kumain ka na upang bumalik ang lakas mo.”
Tila hindi nakikinig ang lalaki sa mga sinasabi ng kanyang tiyahin.
“Sabi ng duktor, puwede ka na daw makalabas ngayon. Pero depende pa rin yan sa resulta ng tests. Kahit ano pa man, e kailangan mo pa ring magpalakas.”
Kinuha ng tiyahin ang plato na may kanin, ulam at prutas na nasa tray at inilapit ito sa lalaki.
“Hindi pa po ako nagugutom.” Saad nito.
“Pero kailangan mong kumain.”
“Hindi po ako kakain.”
“Anak…”
“Bakit niyo pa po kasi ako idinala rito? Sana hinayaan niyo na lang ako.”
Ibinaba naman ni Susan ang tray na hawak sa lamesita at napabuntong hininga.
“May dahilan ang Diyos kung bakit ka nabuhay. Mayroon ka pang kailangang gawin sa buhay mo.”
“Wala na po akong silbi! Sana hinayaan niyo na lang akong mamatay para tapos na ang problema!”
Kahit hindi humaharap ang lalaki sa kanyang tiyahin ay ramdam nito ang kanyang matinding galit.
“Wala kang silbi? O ayaw mo lang harapin ang responsibilidad mo? May anak ka! Iyon ang silbi mo sa mundo.”
Hindi na napigilan ng lalaki ang mapa-iyak at kusa nang tumulo ang kanyang luha.
“Hindi mo dapat ginagawa ito sa sarili mo. Hindi lang dahil kasalanan ito sa Diyos, kundi dahil may umaasa at nagmamahal pa sa iyo. Hindi ikaw ang may kamalian sa mga nangyari. Pero hindi ibig sabihin ay gagawa ka din ng masama para gumanti.”
“Putang ina nila! Magsama silang dalawa! Tangina!”
Pinupunasan ng kaliwang kamay ang kanyang mga mata at humagulgol ito sa pag-iyak. Ito ay dahil sa magkahalong matinding galit at pagsisising nadarama.
“Isipin mo na lang ang anak mo. Iyon na lang ang isaalang-alang mo. Ipaglaban mo ang karaptan mo sa bata. Kunin mo ang anak mo.”
“Kukunin ko talaga ang anak ko. Ayokong mahawa siya sa kalaswaan at kahayupan nilang dalawa.”
Kinuha ni Susan ang bottled water na kanyang dala-dala, binuksan ito at ibinigay sa lalaki.
“Lumaban ka, ngunit idaan mo sa tamang paraan. Magpalakas ka. Hindi iyong ganyan na sumusuko ka na agad sa isang labang hindi pa nagsisimula.”
Uminom ng kaunti ang lalaki ng tubig at tila nahimas-masan na siya sa galit na kanyang nadarama.
“Nga pala. Hindi na daw sila maghahabla sa mga nangyari. Hindi na sila maghahabol ng kaso.”
“Ang kapal talaga ng mukha nila. Putang ina! Huwag siyang magkakamaling lumapit sa akin dahil mapapatay ko siya.”
“Tama na. Huwag ganyan. Isaayos mo muna iyang pag-iisip mo saka ka gumawa ng tama at legal na hakbang. Huwag ka nang maghiganti.”
Hindi na sumagot ang lalaki at agad bumalik sa kanyang pagkakahiga. Ibinaling muli ang kanyang paningin sa may bintana at nakatanaw sa mga ulap na nasisilayan nito.
“Heto, kumain ka kahit prutas man lang, para magkalakas ka. Sa makalawa ang check-up mo para sa mga binti mo. Sabi ng duktor, mukhang may pag-asang makakalakad ka ulit.” Saad ni Susan habang binabalatan ang prutas na binili niya sa labas ng ospital.
“Sige po tiyang, ilagay niyo lang po diyan. Mamaya ko na iyan kakainin.”
Agad na inilapag ni Susan ang prutas sa platito. Nakatingin lamang siya sa lalaki at kahit awang-awa na ito sa kanyang pamangkin ay kailangan niyang magpapakatatag upang may masandalan ang lalaki at maliwanagan sa lahat ng nangyayari sa kanya.
Kahit matindi ang sikat ng araw na tumatama sa kanyang mukha, tila matatagalan pa itong makaalis sa kadiliman ng kanyang kahapon.
- Undo – Episode 8: Ctrl + Z - November 22, 2024
- Undo – Episode 7: Ctrl + X - November 22, 2024
- Undo – Episode 6: F1 (Help) - November 15, 2024