Liberty Call: Olongapo City (Part 1)

johnbruno
Liberty Call: Olongapo City

Written by johnbruno

 

Pebrero ng taong 1991. Katatapos lamang ng Operation Desert Storm, at ang aming Carrier Battle Group ay patungong Pattaya Beach, Thailand para sa matagal na inaasahang port-call pagkatapos ng ilang buwang pagkaka-istasyon sa Persian Gulf.

Pagkatapos ng bisita namin sa Pattaya, bumalik kami sa aming home-port sa Yokosuka, Japan. Hindi naglaon at lumarga ang aming barko patungo sa Subic Bay.

Tinaguriang second home ng aming Aircraft Carrier ang Subic Bay, Olongapo City, Philippines. At dahil unang pagkakataon kong dumalaw lulan ng barko, tuwang-tuwa ako nang bumisita kami para sa isang port-call.

Mistulang mga ikakasal ang mga Pinoy sailor sa pag-aayos sa sarili sa paghahanda para sa liberty call. Animo mga lalaking naghihintay sa pagsilang ng kanilang unang anak. Hindi kami mapakali sa paghintay sa mga katagang, “Libery call, liberty call!” mula sa public address system ng aming barko.

Sinalubong ng umamatikabong hiyawan at palakpakan ang inaasam na “Liberty call, liberty call!” Hindi nagtagal ang pagbaba namin mula sa barko dahil tumali kami sa tabi ng piyer. Nag-aagawan sa pagkuha ng taksi na magdadala sa kanila sa main gate ang mga sailor, hanggang maubos ang mga ito.

“Bro,” sabi ng isang kasama ko, “Lakad na lang tayo. Pamilyar naman ako sa rota natin. Kaya nating lakarin.”

Dahil excited na rin ako, “Sige, tara, mabuti pa,” ang aking naging tugon.

Pagkatapos ng ilang minutong fast walk, umabot kami sa main gate, kung saan tanaw namin ang tulay na magdadala sa amin sa Magsaysay Avenue – ang tanging dahilan kung bakit ang Olongapo City ay paborito ng mga West-Pac (Western-Pacific – rota ng Pacific Fleet) sailor.

“Saan tayo?”, tanong ng isang kasama namin sa grupo.

“Gutom na ‘ko. Saan ba tayo pwedeng kumain?”, tanong ko.

“Sa Kong’s!”, tugon ng isa. “Masarap ang lutong Pinoy do’n!”

Habang naglalakad kami patungong Kong’s, naabatan kami ng dalawang babaeng musmos.

“Hey Jo! Gib mi dalar!”, bati ng musmos na may suot na madumi at tastas na t-shirt.

“Ang babata n’yo pa, namamalimos na kayo. Wala akong pera,” ang aking naging bati.

“Ay! Nagtatagalog ka pala! Sige na kuya!”, ang pagsusumamo ng kasama ng bata.

Kinapa ko ang loob ng aking bulsa para malaman kung may mga barya ako. Habang hinahalukay ko ang aking bulsa, sumagi sa isipan ko ang posibilidad na, hindi ang mga batang ito kundi iba, ang makikinabang sa perang iaabot ko. May naibulsa pala akong Three Musketeers, habang pinaghahandaan ko ang aming liberty.

“Wala akong pera, eto nalang sa ‘yo”, sabay abot ng candy bar sa unang batang bumati sa akin. “Malambot na ‘yan, patigasin mo muna sa refrigerator.”

“Salamat kuya!”, tugon ng bata, sabay bukas sa candy bar, at animo unang pagkakataong nakatikim ng tsokolate, kumagat ito. Nakatitig sa akin ang bata habang hawak-hawak ng kanyang dalawang mumunting mga kamay ang tsokolate. Unti-unting namumuo ang luha sa kanyang mga mata. Shit. “Tsokolate lang ‘yan,” gusto ko sanang sabihin.

“Kuya, pa’no ‘ko?”, tanong ng kasama ni t-shirt.

“Hati kayo,” ang tugon ko, sabay talikod at, kasama ng aking grupo, lumakad ako papalayo patungo sa kainan.

“Men, (tagalog ng Man) mamimihasa ‘yang mga ‘yan. Dapat hindi ka nagbigay,” angal ng kasama ko.

“Hayaan mo na. Tsokolate lang naman ‘yon.” Sa loob-loob ko, may mga charity naman ang base, bakit ayaw makinabang ng mga magulang ng mga bata sa serbisyong alok ng mga Amerikano?

Tinungo namin ang Kong’s at nagsawa kami sa lechon kawali, pritong dalagang bukid, sinigang na baboy, at pinakbet na tinulakan namin ng malamig na San Miguel.

Itutuloy…

johnbruno
Latest posts by johnbruno (see all)
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Most Voted
Newest Oldest
Inline Feedbacks
View all comments
Libog Stories
0
Would love your thoughts, please comment.x